MARSO 11, 2022
UKRAINE
UPDATE #2 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine
Sa mga lugar na apektado ng matinding labanan, gaya sa Mariupol, walang kuryente o heating, at wala ring signal ng telepono at Internet. Nasira rin ang maraming bintana sa mga bahay. Nagkakaubusan na rin ng pagkain at tubig. Mahigit 2,500 na kapatid ang hindi makaalis sa Mariupol. Pero sa ilang lunsod, gaya ng Bucha, Chernihiv, Hostomel, Irpin, Kyiv, at Sumy, nagkaroon ng pagkakataon ang mga tao na makalikas. Kaya maraming kapatid ang nakatakas sa mas ligtas na mga lugar.
Isang 36-taóng-gulang na elder at pioneer ang nakatakas mula sa Hostomel kasama ang asawa niya at mga magulang. Ikinuwento niya ang mga naranasan nila nang magsimula ang digmaan sa lugar nila:
“Naririnig ko ang mga helicopter mula sa bahay namin. Hindi nawawalan ng mga sasakyan ng sundalo sa labas. Pagkatapos, may pumasok na mga sundalo sa bahay namin habang nasa basement kami. Ilang beses na nagpaputok ang isa sa kanila sa basement namin. Natamaan ang go bag ng nanay ko pero buti na lang hindi kami nasaktan. Hindi kami gumalaw o nag-ingay, nagtago kami nang tatlo o apat na oras habang nagbobombahan at nagbabarilan sa labas. . . . Kinabukasan, nang papaalis na kami, nagkaputukan malapit sa amin. May mga tangke rin sa kalsada . . . Napakadelikado doon, pero mas delikado kung hindi kami aalis.
“Talagang nagbago ang buhay namin dahil sa mga pangyayaring iyon. Tinulungan kami nito kung paano ikakapit ang mga prinsipyo sa Bibliya. Halimbawa, kung paano kami hindi masyadong mag-aalala sa susunod na araw, kung paano kami magiging kontento, at kung gaano kahalagang magtiwala kay Jehova sa mahihirap na sitwasyon.”
Alam nating nakikita ni Jehova ang lahat ng pinagdadaanan ng mga kapatid natin sa Ukraine. At sigurado tayong hinding-hindi niya sila papabayaan.—2 Pedro 2:9.
Ang report na ito mula sa Ukraine ay hanggang nitong Marso 10, 2022:
Epekto sa mga Kapatid
2 kapatid ang namatay
8 kapatid ang nasugatan
25,407 kapatid ang lumikas at pumunta sa mas ligtas na mga lugar
25 bahay ang nawasak
59 na bahay ang nagkaroon ng malaking pinsala
222 bahay ang bahagyang nasira
7 Kingdom Hall ang nasira
Relief Work
27 Disaster Relief Committee (DRC) ang tumutulong sa Ukraine
10,566 kapatid ang tinutulungan ng mga DRC na makahanap ng matutuluyan sa mas ligtas na mga lugar
9,635 kapatid ang lumikas papuntang ibang bansa at tinutulungan sila ng mga kapatid doon