MARSO 16, 2022
UKRAINE
UPDATE #3 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine
Ikinalulungkot naming ibalita sa inyo na dalawang sister ang namatay nang bombahin ang lunsod ng Mariupol. Sa kasalukuyan, mahigit 2,000 pang kapatid sa lunsod na iyon ang hindi makalikas dahil sa matinding labanan. Pero sa nakalipas na mga araw, may mga 150 Saksi na nakatakas mula roon. Sinubukan ng mga kapatid sa isang Disaster Relief Committee (DRC) na magdala ng suplay sa Mariupol pero napabalik sila nang paulanan sila ng bala pati na ang ibang convoy ng humanitarian aid. Isang bomba naman ang sumabog sa isang bakuran ng complex na may Kingdom Hall at Assembly Hall. Mga 200 kapatid ang nagtatago sa basement ng Kingdom Hall nang panahong iyon. Walang mga kapatid na nasaktan, pero nasira ang mga sasakyan nila kaya lalo nang naging mahirap sa kanila na tumakas sa lunsod.
Sinabi ng isang elder (nasa larawan sa ibaba) na nakaalis sa Mariupol kasama ng pamilya niya: “Nawalan kami ng apartment, trabaho, at contact sa mga kaibigan namin. Inabot ng anim na araw ang biyahe namin na dapat isang araw lang sana. Habang nagda-drive [palabas ng lunsod], kitang-kita naming umuusok ang di-sumabog na mga bomba sa daan. Habang bumibiyahe, tinutulungan kami ng mga kapatid na makahanap ng matutuluyan at makakain. Ramdam na ramdam namin na talagang nagmamalasakit si Jehova sa amin bilang ating Ama . . . Kaya lalong naging buo ang tiwala namin kay Jehova.”
Ang mga Saksi mula sa Ukraine ay nagpunta sa iba’t ibang bansa sa Europe para sa kaligtasan nila. Halimbawa, isang ministeryal na lingkod, ang asawa niya, at tatlong anak nila na edad 7, 11, at 16, ang bumiyahe papuntang Portugal dahil may mga kamag-anak silang Saksi ni Jehova doon. Naghintay sila ng 11 oras para makatawid sa border. Pagkatapos, bumiyahe sila nang mahigit 4,000 kilometro sa loob ng apat na araw bago nakarating sa tahanan ng mga kamag-anak nila. Dumating sila doon bago magsimula ang pulong. Kahit hindi sila marunong ng Portuguese, ipinagpatuloy ng pamilya ang espirituwal na rutin nila at regular na kumonekta sa mga pulong. Humanga ang kongregasyon sa pamilya kasi kahit mahirap ang sitwasyon nila, masaya pa rin sila.
Ikinuwento naman ng isang sister na tumakas papunta sa Germany kasama ng pamilya niya: “Talagang napalakas at napatibay kami ng pagbabasa ng Bibliya, pagbubulay-bulay sa mabubuting bagay, at pag-iisíp sa napakagandang pag-asa natin. . . . Ramdam namin ang paggabay at pagtulong ni Jehova sa amin sa pamamagitan ng mga kapatid. Tinanggap at tinulungan kami ng mga kapatid sa Ukraine, Hungary, at ngayon dito sa Germany!”
Kitang-kita na patuloy na tinutulungan ni Jehova ang lahat ng kapatid natin sa Ukraine.—Awit 145:14.
Hanggang nitong Marso 16, 2022, makikita sa ibaba ang mga report mula sa Ukraine. Ang mga datos na ito ay batay sa mga kumpirmadong report ng mga kapatid doon. Pero, posibleng mas mataas ang mga aktuwal na bilang, dahil sa ngayon, mahirap ang komunikasyon sa lahat ng rehiyon ng bansa:
Epekto sa mga Kapatid
4 na kapatid ang namatay
19 na kapatid ang nasugatan
29,789 na kapatid ang lumikas at pumunta sa mas ligtas na mga lugar
45 bahay ang nawasak
84 na bahay ang nagkaroon ng malaking pinsala
366 na bahay ang bahagyang nasira
16 na Kingdom Hall ang nasira
Relief Work
27 DRC ang tumutulong sa Ukraine
20,981 kapatid ang tinulungan ng mga DRC na makahanap ng matutuluyan sa mas ligtas na mga lugar
11,973 kapatid ang lumikas papuntang ibang bansa at tinutulungan sila ng mga kapatid doon