MARSO 23, 2022
UKRAINE
UPDATE #4 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine
Patuloy nating ipinapanalangin ang mga kapatid natin sa Mariupol, kung saan patuloy pa rin ang labanan at pambobomba. Nakakalungkot, anim sa mga kapatid natin ang namatay dahil sa mga nangyaring pambobomba. Lahat-lahat, 10 na ang namatay sa mga kapatid natin sa Ukraine. At gaya rin ng mga nasa balita, binomba ang isang theater noong nakaraang linggo kung saan mahigit 1,000 ang nagtatago. Walang namatay na kapatid sa nangyari, pero may ilan na nasugatan.
Mga 750 kapatid natin ang tumakas mula sa Mariupol, habang nasa 1,600 naman ang nandoon pa rin. Marami sa kanila ang nasa silangang bahagi ng lunsod, na nasa ilalim na ngayon ng kontrol ng Russia.
Gaya ng nabanggit noong nakaraang update, mga 200 kapatid ang nagtatago sa basement ng isang complex na may Kingdom Hall at Assembly Hall. Nang magkaroon ng pagkakataong makontak ang mga kapatid sa lugar na iyon, ganito ang inireport nila:
“May ilang kapatid na natakot nang marinig nilang may sumasabog na mga bomba. Umiyak ang ilan sa kanila. Akala namin mamamatay na kami dahil sa mga pagsabog o sunog sa labas namin. Sinabi ng isang elder na kumanta kami ng mga Kingdom song. Mga 10 hanggang 15 Kingdom song ang kinanta namin. Habang mas lumalakas ang mga pagsabog at pagyanig, mas nilalakasan din namin ang pagkanta. Binasa rin namin at tinalakay ang Awit 27. Pagkatapos, ikinuwento ng bawat isa ang mga paborito nilang teksto sa Bibliya at kung paano sila napatibay ng mga ito. . . . Naramdaman talaga namin na si Jehova ay ‘Ama na magiliw at maawain,’ na tumutulong sa amin na maging panatag sa napakahirap na sitwasyon namin.”—2 Corinto 1:3, 4.
Patuloy na hinahanap ng mapagsakripisyong mga elder at mga miyembro ng Disaster Relief Committee (DRC) sa lugar na iyon ang mga kapatid at dinadalhan sila ng mga pagkain at gamot kung kinakailangan, kahit manganib pa ang buhay nila. Minsan nga, kailangan pa nilang gumapang para hindi sila matamaan ng bala habang naghahanap ng mga kapatid sa lugar na iyon. Nagpapasalamat tayo sa mga brother na ito na handang ‘isapanganib ang buhay nila’ para sa mga kapatid.—Roma 16:4.
Kahit walang gas at kuryente, malakas ang loob ng mga sister na magluto sa labas. May nagdadala ng pagkain sa mga kapatid na may-edad at may kapansanan. Marami ang nawalan ng bahay, sasakyan, at mga pag-aari, pero nagpapasalamat pa rin sila sa pag-ibig at malasakit ng mga kapananampalataya nila.
Hindi humihinto ang mga kapatid nating ito sa pagsamba kay Jehova. Patuloy nilang pinag-aaralan ang Bibliya nang sama-sama at sinasabi sa iba ang mensahe ng Bibliya kung posible.
Hanggang nitong Marso 22, 2022, makikita sa ibaba ang mga report mula sa Ukraine. Ang mga ito ay batay sa mga kumpirmadong report ng mga kapatid doon. Pero posibleng mas mataas ang mga aktuwal na bilang, dahil sa ngayon, mahirap ang komunikasyon sa lahat ng rehiyon ng bansa.
Epekto sa mga Kapatid
10 kapatid ang namatay
27 kapatid ang nasugatan
33,180 na kapatid ang lumikas at pumunta sa mas ligtas na mga lugar
78 bahay ang nawasak
102 bahay ang nagkaroon ng malaking pinsala
484 na bahay ang bahagyang nasira
1 Kingdom Hall ang nawasak
4 na Kingdom Hall ang nagkaroon ng malaking pinsala
18 Kingdom Hall ang bahagyang nasira
Relief Work
27 DRC ang tumutulong sa Ukraine
25,069 na kapatid ang tinulungan ng mga DRC na makahanap ng matutuluyan sa mas ligtas na mga lugar
14,308 kapatid ang lumikas papuntang ibang bansa at tinutulungan sila ng mga kapatid doon