Pumunta sa nilalaman

Mula kaliwa pakanan: Istasyon ng tren sa Lviv na punong-puno ng tao. Bahay ng kapatid na nasusunog matapos itong bombahin. Mga elder na buong-tapang na hinahanap ang mga kapatid sa Mariupol

ABRIL 1, 2022
UKRAINE

UPDATE #5 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine

UPDATE #5 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine

Nakakalungkot, hanggang nitong Marso 29, 2022, pito pang kapatid natin ang namatay sa lunsod ng Mariupol. Sa kabuoan, 17 kapatid na ang namatay sa Ukraine.

Ang mga Disaster Relief Committee (DRC) sa Ukraine ay walang-tigil sa paglalaan ng mga pangangailangan ng mga kapatid na apektado ng digmaan kahit pa nga manganib ang buhay nila.

Halimbawa, ang mga kapatid sa DRC ay nakapagpadala ng mga pagkain, gamot, at iba pang pangangailangan sa mga lugar na malubhang napinsala, gaya ng Kharkiv, Kramatorsk, at Mariupol. Isang kapatid sa DRC ang araw-araw na bumibiyahe ng mahigit 500 kilometro. Dumadaan siya sa maraming checkpoint ng militar para makapaghatid ng mga pagkain at gamot sa mga 2,700 kapatid.

Nag-organisa rin ang mga DRC ng masasakyan ng mga kapatid para makalikas sila sa lugar ng digmaan. Sinabi ng isang kapatid sa DRC ng Chernihiv: “Nang simulang bombahin ang mga bahay, hindi na talaga ligtas manatili sa lunsod. Walang kuryente at Internet doon. Kaya kahit napakadelikado, pinuntahan pa rin ng mga elder ang mga kapatid na nagtatago sa mga basement para sabihan sila na mayroon nang masasakyan para makalikas sila sa lunsod.”

Ipinagamit ng isang may-ari ng transportation business ang mga van at bus niya para ilikas ang mga kapatid. Inabot nang siyam na biyahe para mailikas ang 254 na kapatid mula sa Chernihiv. May ipinaayos din siyang daan gamit ang mga heavy equipment na mayroon siya para makadaan ang bus. Talagang nagpapasalamat ang mga kapatid sa tulong na ito.

Nakikiramay tayo sa mga namatayan ng mahal sa buhay sa panahong ito ng digmaan. Gusto na nating mangyari ang pag-asang nasa Salita ng Diyos, ang Bibliya, na mawawala na ang kamatayan at pagdadalamhati.​—Apocalipsis 21:3, 4.

Mga 40 kapatid na nailikas mula sa Chernihiv ang pinatuloy sa isang Kingdom Hall na nasa ligtas na lugar

Makikita sa ibaba ang mga report mula sa Ukraine hanggang nitong Marso 29, 2022. Ang mga ito ay batay sa mga kumpirmadong report ng mga kapatid doon. Pero posibleng mas mataas ang mga aktuwal na bilang, dahil sa ngayon, mahirap ang komunikasyon sa lahat ng rehiyon ng bansa.

Epekto sa mga Kapatid

  • 17 kapatid ang namatay

  • 35 kapatid ang nasugatan

  • 36,313 kapatid ang lumikas at pumunta sa mas ligtas na mga lugar

  • 114 na bahay ang nawasak

  • 144 na bahay ang nagkaroon ng malaking pinsala

  • 612 bahay ang bahagyang nasira

  • 1 Kingdom Hall ang nawasak

  • 7 Kingdom Hall ang nagkaroon ng malaking pinsala

  • 23 Kingdom Hall ang bahagyang nasira

Relief Work

  • 27 Disaster Relief Committee (DRC) ang tumutulong sa Ukraine

  • 34,739 na kapatid ang tinutulungan ng mga DRC na makahanap ng matutuluyan sa mas ligtas na mga lugar

  • 16,175 kapatid ang lumikas papuntang ibang bansa at tinutulungan sila ng mga kapatid doon