ABRIL 13, 2022
UKRAINE
UPDATE #6 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine
Nakakalungkot, nadagdagan pa ang mga kapatid na namatay dahil sa digmaan sa Ukraine. Sa ngayon 28 Saksi ni Jehova na ang namatay.
Gaya ng makikita sa mga balita, ang mga bayang malapit sa Kyiv ang nakaranas ng matitinding labanan noong mga unang linggo ng digmaan. Nasa 4,900 kapatid ang nakatira sa rehiyong iyon, at mahigit 3,500 sa kanila ang nakalikas na sa mas ligtas na mga lugar.
Sa sumusunod na mga karanasan, makikita natin kung paano nanatiling matibay ang pananampalataya ng mga kapatid sa kabila ng mahihirap na sitwasyon.
Si Oleksandr, isang elder sa bayan ng Makariv, ay nakalikas na sa mas ligtas na lugar sa Ukraine. Pero dahil nag-aalala siya sa apat na kapatid sa field service group niya na hindi makontak, bumalik siya sa lugar na may labanan para hanapin ang mga kapatid na ito. Ikinuwento niya: “Naiintindihan ko na para kay Jehova, napakahalaga ng mga lingkod niya. . . . Pagdating ko sa harap ng bahay ng isa sa mga kapatid, nadatnan kong nasabugan na ito ng bomba. Nakasara ang pinto ng basement sa bahay nila, at walang sumasagot sa mga tawag ko. Kinabahan ako.” Sinira ni Oleksandr ang pinto ng basement at nakita niya ang isang grupo ng mga tao na nakatingin sa kaniya. Nakita niya ang mga kapatid, pati na ang mga kapitbahay nilang hindi Saksi.
Sinabi ni Yaroslav, isang Saksi na nasa basement, na walong araw na silang nagtatago doon. Sinabi pa niya: “Mayroon lang kaming kaunting biscuit at tig-iisang basong tubig kada araw. Pero binasa namin ang Bibliya at ang mga publikasyon natin, nanalangin, at pinatibay ang isa’t isa. Nang marinig kong tinawag ni Oleksandr ang pangalan ko, akala ko mga sundalo iyon at kukunin na ako. Akala ko talaga mamamatay na ako. . . . [Pero] iniligtas niya kaming lahat. Nagpapasalamat kami kay Jehova sa espirituwal na pamilyang ito, kasi may mga taong nananalangin para sa amin at handang isakripisyo ang buhay nila para sa amin.”
Magdadala sana si Pylyp at ang isang brother ng pagkain sa mga kapatid na nasa bayan pa rin ng Borodianka. Noong Marso 17, habang nagmamaneho, kinuha ng mga sundalo ang sasakyan ni Pylyp pati na ang mga pagkaing dala nila. Inaresto ng mga sundalo ang dalawang kapatid na ito, pinosasan sila, piniringan, at dinala sa isang maliit na kuwarto sa basement kasama ang pitong iba pang lalaki. Pagkalipas ng dalawang araw, inilipat sila sa isang selda at kinagabihan pinagbubugbog sila ng mga guwardiya. Sinabi ni Pylyp: “Hindi ko alam kung mabubuhay pa ako. Ipinanalangin ko na manatili sana akong tapat.”
Minsan nang bugbugin siya ulit, nanalangin nang malakas si Pylyp. Ipinanalangin niya ang mga may-edad nang sister na walang pagkain, na maging ligtas sana ang pamilya niya, at nagpasalamat kay Jehova sa maraming taóng masaya siyang nakapaglingkod sa Kaniya. Nang ibinalik na siya ng guwardiya sa selda niya, patuloy siyang nanalangin na sana maintindihan ng mga sundalo na hindi banta ang mga kapatid. Nangaral ang dalawang brother na ito sa mga guwardiya. Sa loob ng dalawang araw, nangaral sila sa mga guwardiyang nagpapalitan. Naging interesado ang isang kasama nila sa bilangguan sa mensahe ng Bibliya. Nagpasalamat siya sa dalawang brother. Nitong Marso 27, pinalaya ang mga brother at ang lalaking nagpakita ng interes.
Dalawang linggo namang na-trap si Svitlana, isang single na sister mula sa Bucha, dahil sa digmaan. Sinabi niya: “Ngayon ko nakita kung gaano kahalaga ang kapayapaang ibinibigay ni Jehova. Pero hindi dahil may kapayapaan na tayo ng Diyos, alam na natin agad kung ano ang gagawin. At kapag hindi na natin alam ang gagawin, kailangan nating lubusang umasa kay Jehova.”
Habang lumilikas sa mas ligtas na lugar sa Ukraine, nangaral si Svitlana sa isang babae at sa pamangkin nito. Nang makarating sila sa ligtas na lugar, sinalubong sila ng isang pamilyang Saksi. Pinatuloy ng pamilyang ito si Svitlana pati na ang babae at ang pamangkin nito at doon sila nagpalipas ng gabi. Kinabukasan, gusto nang dumalo ng babae sa pulong at humingi rin siya ng Bibliya at mga publikasyon natin. Patuloy pa ring kinokontak ni Svitlana ang babae.
Makikita sa ibaba ang mga report mula sa Ukraine hanggang nitong Abril 12, 2022. Ang mga ito ay batay sa mga kumpirmadong report ng mga kapatid doon. Pero posibleng mas mataas ang mga aktuwal na bilang, dahil sa ngayon, mahirap ang komunikasyon sa lahat ng rehiyon ng bansa.
Epekto sa mga Kapatid
28 kapatid ang namatay
48 kapatid ang nasugatan
40,778 kapatid ang lumikas at pumunta sa mas ligtas na mga lugar
278 bahay ang nawasak
268 bahay ang nagkaroon ng malaking pinsala
746 na bahay ang bahagyang nasira
1 Kingdom Hall ang nawasak
9 na Kingdom Hall ang nagkaroon ng malaking pinsala
26 na Kingdom Hall ang bahagyang nasira
Relief Work
27 Disaster Relief Committee (DRC) ang tumutulong sa Ukraine
41,974 na kapatid ang tinutulungan ng mga DRC na makahanap ng matutuluyan sa mas ligtas na mga lugar
18,097 kapatid ang lumikas papuntang ibang bansa at tinutulungan sila ng mga kapatid doon