ABRIL 29, 2022
UKRAINE
UPDATE #7 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine
Mahigit 210,000 ang Dumalo sa Memoryal
Natutuwa kaming ibalita na pinagpala ni Jehova ang mga lingkod niya sa Ukraine kaya nakadalo pa rin sila sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Nagdaos ng Memoryal sa iba’t ibang Kingdom Hall sa western Ukraine para makadalo ang mga kapatid na lumikas doon. Karamihan ay maliliit na grupo lang, at nakakonek naman sa videoconference ang mga hindi makaalis sa bahay nila.
Noong araw ng Memoryal, maghapong naririnig ang tunog ng mga sirena na nagbababala ng pambobomba. Pero nang pagabi na, tumigil ang mga ito. “Ipinapanalangin namin na sana, hindi maapektuhan ng pambobomba ang Memoryal,” ang sabi ni Sherhiy, na taga-Druzhkivka, sa Donetsk Region. “Bago magsimula ang Memoryal, tumigil ang pambobomba at wala nang tumutunog na mga sirena.”
Mahigit isang buwan nang hindi nakakadalo sa mga pulong ang isang grupo ng mga may-edad at maysakit na mga kapatid sa Nemishaeve, na malapit sa Kyiv. Kaya ipinapanalangin nila na makadalo sana sila sa Memoryal. Tinulungan ni Vitaliy, isang elder, ang grupong ito na makapag-Memoryal. “Walang kuryente noon,” ang sabi niya, “kaya nag-Memoryal kami nang naka-flashlight. Walang heater. Wala rin kaming music, kaya nag-violin na lang ang anak kong babae para makakanta kami.”
Sinabi ni Oleksandr, isang elder na nakatira sa lugar na may digmaan: “Noong panahon ng kampanya ng pag-iimbita para sa Memoryal, hindi namin mapadalhan ng liham ang mga tao sa teritoryo ng kongregasyon namin kasi binomba na ang mga bahay at wala nang mga tao doon. Kaya y’ong mga kasama na lang namin ang inimbitahan namin, y’ong mga nakilala namin sa basement, at y’ong mga nakasama naming lumikas. Marami sa kanila ang hindi nakikinig noon sa mga Saksi. Pero dumalo sa Memoryal ang karamihan sa kanila.”
Wala pang kumpletong report mula sa lahat ng kongregasyon sa Ukraine. Ang alam lang sa ngayon, mahigit 210,000 ang nakadalo sa Memoryal.
Ganito ang sinabi ng isang brother sa Ukraine tungkol sa nararamdaman niya sa Memoryal: “Alam ng isang sailor na malapit na siya sa baybayin kapag nakakita na siya ng lighthouse. Ipinapaalala rin sa akin ng Memoryal na malapit na ang araw ni Jehova. Lalo akong nakumbinsi dito dahil sa Memoryal sa taóng ito.”
Makikita sa ibaba ang mga report mula sa Ukraine hanggang nitong Abril 21, 2022. Ang mga ito ay batay sa mga kumpirmadong report ng mga kapatid doon. Pero posibleng mas mataas ang mga aktuwal na bilang, dahil sa ngayon, mahirap ang komunikasyon sa lahat ng rehiyon ng bansa.
Epekto sa mga Kapatid
35 kapatid ang namatay
60 kapatid ang nasugatan
43,792 kapatid ang lumikas at pumunta sa mas ligtas na mga lugar
374 na bahay ang nawasak
347 bahay ang nagkaroon ng malaking pinsala
874 na bahay ang bahagyang nasira
1 Kingdom Hall ang nawasak
10 Kingdom Hall ang nagkaroon ng malaking pinsala
27 Kingdom Hall ang bahagyang nasira
Relief Work
27 Disaster Relief Committee (DRC) ang tumutulong sa Ukraine
44,971 kapatid ang tinutulungan ng mga DRC na makahanap ng matutuluyan sa mas ligtas na mga lugar
19,961 kapatid ang lumikas papuntang ibang bansa at tinutulungan sila ng mga kapatid doon