Pumunta sa nilalaman

Shepherding sa mga kapatid na lumikas

MAYO 23, 2022
UKRAINE

UPDATE #8 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine

Mas Madalas na Pagse-shepherding sa mga Kapatid Dahil sa Patuloy na Digmaan

UPDATE #8 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine

Patuloy na lumalala ang mga kalagayan sa Ukraine, kaya dinalasan ng mga kapatid sa sangay ng Ukraine ang pagse-shepherding sa buong bansa. Ginagawa ng mga inatasang lalaki ang buong makakaya nila para patibayin ang libo-libong mga kapatid na lumikas. Maganda ang naging resulta ng mga pagdalaw na ito. Matapos dalawin ng isang miyembro ng Komite ng Sangay ang mga kapatid na lumikas sa western Ukraine, sinabi ng isang sister na pansamantalang nanunuluyan sa Kingdom Hall sa lunsod ng Uzhgorod kasama ng mga 30 iba pa: “Pakiramdam ko niyayakap ako ni Jehova.”

Sinisikap din ng mga kapatid na ito na i-shepherding ang mga 100 malalakas ang loob na mga miyembro ng 27 Disaster Relief Committee (DRC). Ikinuwento ni Ihor, isang miyembro ng DRC: “Nang atasan kaming maglingkod sa DRC, nakikituloy na kami ng asawa ko sa isang bahay kasi kasama kami sa mga lumikas. Noong pagod na pagod na kami, dinalaw kami ng isang miyembro ng Komite ng Sangay. Alam namin na napakarami rin niyang ginagawa, pero nandoon pa rin siya at nakinig sa amin. Damang-dama namin na talagang nagmamalasakit siya sa amin.” Sinabi pa ni Ihor: “Kapag nandoon ka sa isang sitwasyon na para kang isang sanggol, y’ong wala kang kontrol sa mga nangyayari, na para bang wala nang solusyon ang mga problema mo, at si Jehova na lang ang inaasahan mo, doon mo makikita ang kamay ni Jehova.”

Tungkol sa kalagayan ng mga Kingdom Hall na nasa mga lugar na may digmaan, 4 ang tuluyang nawasak, 8 ang malubhang napinsala, at 33 ang bahagyang nasira.

Isang Kingdom Hall sa labas ng Kyiv noong 2019 (kaliwa) at ngayon (kanan)

Makikita sa ibaba ang mga report mula sa Ukraine hanggang nitong Mayo 17, 2022. Ang mga ito ay batay sa mga kumpirmadong report ng mga kapatid doon. Pero posibleng mas mataas ang mga aktuwal na bilang, dahil sa ngayon, mahirap ang komunikasyon sa lahat ng rehiyon ng bansa.

Epekto sa mga Kapatid

  • 37 kapatid ang namatay

  • 74 na kapatid ang nasugatan

  • 45,253 kapatid ang lumikas at pumunta sa mas ligtas na mga lugar

  • 418 bahay ang nawasak

  • 466 na bahay ang nagkaroon ng malaking pinsala

  • 1,213 bahay ang bahagyang nasira

  • 4 na Kingdom Hall ang nawasak

  • 8 Kingdom Hall ang nagkaroon ng malaking pinsala

  • 33 Kingdom Hall ang bahagyang nasira

Relief Work

  • 27 DRC ang tumutulong sa Ukraine

  • 48,806 na kapatid ang tinutulungan ng mga DRC na makahanap ng matutuluyan sa mas ligtas na mga lugar

  • 21,786 na kapatid ang lumikas papuntang ibang bansa at tinutulungan sila ng mga kapatid doon