Hulyo 6, 2015
UKRAINE
Mga Saksi ni Jehova Ibinrodkast ang Espesyal na Pagtitipon sa Lugar ng Digmaan sa Ukraine
LVIV, Ukraine—Noong Pebrero 14, 2015, ang mga Saksi ni Jehova sa Ukraine ay nagdaos ng isang espesyal na pagtitipon para mabigyan ng espirituwal na tulong ang mahigit 17,000 nilang kapananampalatayang naninirahan sa lugar ng digmaan sa silangang Ukraine. Ang dalawang-oras na programa ay naka-video stream sa silangang Ukraine at iba pang lugar sa bansa mula sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Lviv. Ang pagtitipong iyon ay talagang napapanahon dahil isang rocket ang pinatama sa daungang lunsod ng Mariupol noong Enero 24, 2015, na sumira sa 3 bahay at 58 apartment ng mga Saksi. Isang Saksi ang malubhang nasugatan sa pagsabog na iyon at isa naman, na 16 anyos lang, ang namatay.
Bilang pakikipagtulungan sa tanggapang pansangay sa Russia, isinaayos ng tanggapang pansangay sa Ukraine na i-video ang buong programa at ipapanood sa mga Saksi sa Belarus at Russia. Dahil dito, 186,258 pang Saksing taga-Belarus at taga-Russia ang nakapanood ng programa bukod pa sa 150,841 Saksing taga-Ukraine, na sa kabuoan ay umabot sa 337,099.
Sinabi ni Gustav Berki, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Ukraine: “Ang mga ulat tungkol sa aming pagtulong sa Ukraine ay nakaaliw nang husto sa mga nasa lugar ng digmaan. Nakapagpapatibay ring malaman na pinangangalagaan ng relief committee sa Rostov-on-Don, Russia, ang ating mga kaibigang biktima ng digmaan.”
Sinabi naman ni Yaroslav Sivulskiy, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Russia: “Kilalá sa buong mundo ang mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang pagiging mapayapa at neutral sa politika. Tinalakay rin sa pagtitipong ito ang makakasulatang saligan ng aming pagiging neutral. Nakatulong ito para maidiin kung bakit hindi kami nakikibahagi sa digmaan, kami man ay Russian, Ukrainian, o mamamayan ng anumang bansa.”
Sa kasalukuyan, ang tanggapang pansangay sa Ukraine ay nakapagsaayos na ng 14 na Disaster Relief Committee para mangalaga sa mga biktima ng digmaan. Ang mga komiteng ito ay nakapaglaan ng mahigit 149 na toneladang pagkain at 21 toneladang damit para sa mga Saksi at di-Saksi na nasa rehiyong iyon. Nakapaglaan din ang mga komite ng matitirhan para sa mahigit 7,600 biktima at nakapag-repair o nakapagtayo-muli ng mga nasira o nawasak na bahay at Kingdom Hall (lugar ng pagsamba). Halimbawa, sa lunsod ng Mariupol, halos dalawang araw pa lang pagkatapos ng pagsabog, nakapag-organisa na ang isang Disaster Relief Committee ng 160 boluntaryo para i-repair ang 34 na nasirang apartment.
Ipinaliwanag pa ni Mr. Berki na hindi lang pisikal at materyal na pangangailangan ang inilaan ng tanggapang pansangay sa Ukraine. Sinabi niya: “Bukod sa espesyal na pagtitipong ito, patuloy ring dinadalaw ng mga naglalakbay na ministro ang 136 na komunidad ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon ng digmaan. At gaya ng laging isinasaayos sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo, nagtutulong-tulong ang mga elder doon para maglaan ng kaaliwan at espirituwal na pampatibay sa mga nasa pangangalaga nila.”
Media Contacts:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Belarus: Pavel Yadlouski, tel. +375 17 292 93 78
Russia: Yaroslav Sivulskiy, tel. +7 812 702 2691
Ukraine: Gustav Berki, tel. +38 032 240 9323