MARSO 24, 2017
UKRAINE
Pinagtibay ng Mataas na Hukuman ng Ukraine ang Kalayaan sa Mapayapang Pagtitipon
Noong Setyembre 8, 2016, pinagtibay ng Constitutional Court ng Ukraine ang karapatan sa malayang pagtitipon nang walang paghadlang ng mga opisyal ng gobyerno. Pinawalang-bisa ng Hukuman ang isang bahagi ng 1991 Law of Ukraine on Freedom of Conscience and Religious Organizations (Religion Law), na nagsasabing ang mga relihiyosong organisasyon ay kailangang humingi ng “pahintulot” ng Estado bago magdaos ng relihiyosong pagtitipon sa inupahang pasilidad. Sinabi ng Constitutional Court na nilalabag ng restriksiyong iyon ang konstitusyon ng bansa na gumagarantiya ng kalayaan sa mapayapang pagtitipon. Natuwa sa desisyong ito ng Hukuman ang mga Saksi ni Jehova sa Ukraine, na dating nagkakaproblema sa pag-upa ng mga gusali para sa kanilang relihiyosong mga pagtitipon.
Hindi Pinahihintulutan ng mga Opisyal ang Pagdaraos ng Relihiyosong mga Pagtitipon
Mula nang gawing batas ang Religion Law, ginagamit ito ng may-kinikilingang mga opisyal bilang basehan para kanselahin ang mga kontratang ginawa ng mga Saksi ni Jehova para makagamit ng mga gusali sa relihiyosong pagtitipon. Ang isang insidente ay nangyari noong tag-araw ng 2012 nang libo-libong Saksi ni Jehova sa hilagang-silangan ng Ukraine ang sabik na naghihintay sa kanilang tatlong-araw na kombensiyon sa lunsod ng Sumy. Napirmahan na ang kontrata para sa paggamit ng istadyum doon, at marami nang paghahanda ang nagawa. Gaya ng hinihiling ng konstitusyon, inabisuhan ng mga Saksi ang mga awtoridad tungkol sa kombensiyon. Pero isang buwan na lang bago magsimula ang kombensiyon, nagdesisyon ang Sumy City Council, batay sa interpretasyon nila sa Religion Law, na hindi sapat ang simpleng abiso. Ayon sa council, kailangang humingi ang mga Saksi ng pahintulot sa paggamit ng istadyum, na hindi naman nila ipinagkaloob.
Sa maikling panahong natitira, kinailangang isaayos ng mga Saksi ni Jehova na idaos ang kombensiyon sa lunsod ng Kharkiv, mga 200 kilometro (125 milya) mula sa Sumy. Dahil dito, kinailangang baguhin agad ng mahigit 3,500 Saksi ang kanilang plano. Marami ang hindi makapunta sa Kharkiv para dumalo sa mahalagang pagtitipong ito dahil sa katandaan o mahinang kalusugan. Ang iba naman ay hindi makadalo dahil hindi sila makapagbabakasyon mula sa kanilang trabaho o dahil wala silang pamasahe papuntang Kharkiv. Noong sumunod na taon, idinahilan uli ng Sumy City Council ang Religion Law para hindi mabigyan ng pahintulot ang mga Saksi na magdaos ng kombensiyon sa istadyum.
Si Illia Kobel, mula sa pambansang tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Lviv, ay nagsabi: “Karaniwan lang ang mga insidenteng gaya ng pagkansela sa mga kombensiyon sa Sumy. May iba pang mga pagkakataon na nagkaproblema kami sa pag-upa ng mga gusali para sa aming relihiyosong pagtitipon.” Halimbawa, noong Marso 2012, hindi pinayagan ng mga opisyal sa lunsod ng Vinnytsia ang mga Saksi na magdaos ng relihiyosong pagtitipon sa isang inupahang gusali, kung kaya kinailangan nilang gumawa ng ibang kaayusan nang gipit na gipit sa panahon. Makalipas ang ilang buwan, hindi pinahintulutan ng mga opisyal ang kongregasyon sa Mohyliv-Podilskyi na magdaos ng kanilang lingguhang pagtitipon sa isang inuupahang gusali, kahit tatlong taon na nilang ginagamit ang gusaling iyon para sa mga pagpupulong. Dahil walang ibang angkop na gusaling mapagpupulungan, napilitan silang magtipon nang siksikan sa pribadong mga tahanan.
Noong nakaraang Pebrero 2015, iginiit ng Vinnytsia Regional State Administration na maraming beses nang nilabag ng mga Saksi ni Jehova ang batas. Sinabi nito na nilabag ng mga Saksi ang batas dahil hindi sila humingi ng pahintulot na magdaos ng relihiyosong pagtitipon sa mga gusali na hindi nila sariling bahay ng pagsamba. Hindi raw sapat ang abiso lang.
Idinulog ng mga Saksi ang Tungkol sa Pagkakasalungatan ng mga Batas
Nitong nakalipas na mga taon, karaniwan nang malayang nakapagtitipon ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga bahay ng pagsamba nang walang paghadlang ng gobyerno. Gayunman, para sa espesyal na mga pagtitipon o panrehiyong mga kombensiyon, kadalasan nang kailangang umupa ng mas malaking pasilidad. Pinahihintulutan ng Konstitusyon ng Ukraine ang isang relihiyosong organisasyon na mapayapang magtipon sa inupahang pasilidad basta patiunang naabisuhan ang mga opisyal ng gobyerno. Sinabi ni Mr. Kobel: “Ang ugat ng mga problemang nararanasan namin ay ang mahigpit na Religion Law, na salungat sa konstitusyon na hindi nagsasabi na kailangang hingin ang pahintulot ng mga awtoridad. Kaya para malutas ito, idinulog namin ang problema sa Ukrainian Parliament Commissioner for Human Rights, na tinatawag ding Ombudsman.”
Tinitiyak ng Ombudsman na naibibigay sa lahat ng mamamayan ng Ukraine ang mga karapatang ginagarantiyahan ng konstitusyon at mga batas ng bansa. Matapos suriin ang mga hamong kinakaharap ng mga Saksi ni Jehova, sumang-ayon ang Ombudsman na may pagkakasalungatan ang konstitusyon at ang Religion Law. Ginagarantiyahan ng konstitusyon ang karapatang magtipon matapos magbigay ng simpleng patiunang abiso sa mga opisyal ng gobyerno para ipabatid na isang pampublikong relihiyosong pagtitipon ang idaraos sa isang inupahang pasilidad. Gayunman, ipinagbabawal ng Religion Law ang pampublikong relihiyosong pagtitipon sa isang inupahang pasilidad malibang humingi muna ng pahintulot ang relihiyosong grupong iyon mula sa mga opisyal ng gobyerno nang di-kukulangin sa 10 araw bago ang pagtitipon.
Noong Oktubre 26, 2015, ang tanggapan ng Ombudsman ay nagsumite ng kahilingan sa Constitutional Court ng Ukraine na ideklarang hindi kaayon ng konstitusyon ang pinagtatalunang seksiyon ng Religion Law. Ikinatuwiran nito na ang karapatan sa mapayapang pagtitipon ay isang mahalagang kalayaan na ginagarantiyahan sa lahat ng mamamayan. Para higit pang linawin ang karapatang iyon, sinabi nito: “Ang mga estado ay hindi dapat gumawa ng mga hakbang ayon sa sarili nilang kagustuhan na posibleng makahadlang sa karapatan sa malayang pagtitipon.” Bilang suporta sa posisyon ng Ombudsman, ang mga Saksi ni Jehova sa Ukraine ay nagsumite ng maikling salaysay sa Constitutional Court tungkol sa mga problemang nararanasan nila sa pag-upa ng mga pasilidad para sa relihiyosong pagtitipon.
Pinawalang-bisa ng Constitutional Court ang Sumasalungat na Batas
Sa hatol nito noong Setyembre 8, 2016, pinagtibay ng Constitutional Court na hindi maaaring salungatin ng alinmang batas ang saligang karapatan na magtipong mapayapa matapos magbigay ng abiso sa mga opisyal ng gobyerno. Karagdagan pa, kinilala nito ang Article 9 ng European Convention on Human Rights, na gumagarantiya sa karapatan sa malayang pagsamba, at ang Article 11, na gumagarantiya naman sa karapatan sa malayang pagtitipon nang walang paghadlang ng Estado. Idineklara ng Hukuman na labag sa konstitusyon ang Ika- 5 Bahagi ng Article 21 ng 1991 Religion Law, na nagsasabing ang isang relihiyosong grupo ay kailangang humingi ng pahintulot mula sa mga opisyal na gobyerno bago ito magdaos ng pampublikong relihiyosong pagtitipon sa isang inupahang pasilidad.
Isang Magandang Desisyon
Ang pagdaraos ng relihiyosong pagtitipon sa isang inupahang gusali ay hindi na ngayon nakadepende sa desisyon ng mga opisyal ng gobyerno na posibleng tumangging magbigay ng pahintulot. Gaya ng ginagarantiyahan ng konstitusyon, hangga’t nagbibigay ang mga Saksi ng patiunang abiso sa mga opisyal tungkol sa plano nilang umupa ng isang gusali para sa relihiyosong pagtitipon, ang kahilingan ay hindi maaaring ipagkait.
Sa ngalan ng mahigit 140,000 Saksi ni Jehova sa Ukraine, sinabi ni Mr. Kobel: “Pinagtibay ng bagong desisyong ito ng Constitutional Court ang karapatan sa mapayapang pagtitipon. Nagpapasalamat kami na hindi na kami hahadlangan ng mga opisyal kapag umuupa kami ng mga gusali para sa relihiyosong pagtitipon.”