NOBYEMBRE 9, 2018
UKRAINE
Ipinakita ang Pagkamapagpatuloy at Pagkakaisa sa Panahon ng Espesyal na Kombensiyon sa Ukraine
Tinanggap ng mga Saksi ni Jehova sa Ukraine ang libo-libo nilang kapatid sa espesyal na kombensiyon na idinaos sa Lviv, Ukraine, noong Hulyo 6-8, 2018. Mahigit 3,300 delegado mula sa siyam na bansa ang pumunta sa Ukraine, pangunahin na para makinabang sa espirituwal na programang may temang “Magpakalakas-Loob”! Naranasan nila ang pagkamapagpatuloy ng mga kapatid sa Ukraine.
Nagsimula ang paghahanda para sa kombensiyon noong Abril 2017, at sa sumunod na 15 buwan, maraming Saksing tagaroon ang nagboluntaryo para tumulong sa pagsasaayos ng mga aktibidad sa kombensiyon at mag-asikaso sa mga delegado. Nakita ng mga delegado ang kultura ng mga Ukrainian sa kanilang mga sayaw, musika, at pagkain. Sinamahan din ang mga delegado sa tour nila sa mga museum, sinaunang mga kastilyo, at sa isang bahagi ng napakagandang bulubundukin ng Carpathian. Isa sa mga espesyal na aktibidad ay ang pagkakataong makasama ng mga delegado ang mga kapatid na Ukrainian sa ministeryo.
Ang kombensiyon ay ginanap sa isang malaking arena sa Lviv, at ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay mahigit 25,000. Ang mahahalagang bahagi ng programa ay nakabrodkast sa 15 stadium at maraming Kingdom Hall sa buong bansa, kaya ang kabuoang bilang ng dumalo ay mahigit 125,000 at 1,420 ang nabautismuhan.
Sinabi ni Ivan Riher, kinatawan ng tanggapang pansangay sa Ukraine: “Matagal naming pinaghandaan at pinanabikan ang espesyal na okasyong ito at ang pagkakataong tanggapin ang mga kapatid natin galing sa iba’t ibang bansa. Masaya kaming makapagpakita ng pagkamapagpatuloy sa mga bisita, at naramdaman namin na lumakas pa ang loob namin at napatibay ang pagkakaisa ng pambuong-daigdig na pamilya natin.”—Awit 133:1.
Ang pinakamataas na bilang ng dumalo sa arena sa Lviv ay 25,489.
Isa sa pinakamatatandang kandidato sa bautismo, na kasama sa 1,420 na nabautismuhan.
Isa sa mga batang nabautismuhan sa kombensiyon.
Kapartner ng mga mamamahayag na Ukrainian ang mga delegado sa pag-imbita sa mga tao sa kombensiyon.
Nirentahan ng sangay ang Lviv Opera House na may pinakamalaking entablado sa buong lunsod. Nanood ang mga delegado ng mga live performance; may mga tradisyonal na sayaw at kanta. Natapos ang programa sa pagkanta ng “Jehova ang Iyong Ngalan.”
Mga Saksi sa Ukraine na nagsasayaw ng Romany folk dance sa Svirzh Castle.
Sa pagtatapos ng programa, hawak ng mga kapatid sa Ukraine ang mga karatula na nagsasabing mahal nila ang mga kapatid nilang bumisita.