Pumunta sa nilalaman

Hulyo 10, 2015
UKRAINE

Pinag-iinitan Dahil sa Relihiyon sa Eastern Ukraine

Pinag-iinitan Dahil sa Relihiyon sa Eastern Ukraine

Udyok ng pagkapoot sa relihiyon, 26 na mga Saksi ni Jehova sa eastern Ukraine ang naging biktima ng pagdukot at pagmamalupit ng armadong mga grupo mula noong Agosto 2014. Maraming Saksi sa lugar na iyon, at kilalá silang nangangaral sa publiko at walang pinapanigan sa politika. Sinamantala ng ilang miyembro ng armadong mga grupo ang magulong sitwasyon sa lugar na iyon at pinuntirya ang mga Saksi ni Jehova. *

Insidente ng Karahasan

  • Noong Mayo 21, 2015, ikinulong ng mga pulis sa Stakhanov ang dalawang lalaking Saksi, na kapuwa mahigit 60 anyos na, dahil sa kanilang pangangaral. Sinampahan sila ng kasong “pambubulabog sa katahimikan” at sinentensiyahan ng 15-araw na pagkabilanggo. Habang nasa kustodiya ng mga pulis, pinaratangang mga espiya ang dalawang Saksi at ilang beses na pinagtatanong tungkol sa organisasyon ng mga Saksi ni Jehova. Nakiusap sa prosecutor ang mga miyembro ng kongregasyon na palayain ang mga lalaki pero hindi ito pumayag. Noong una, hindi pinayagan ang mga kapamilya at kapuwa Saksi na dumalaw sa dalawang lalaki, pero nang maglaon pinayagan na silang magdala ng pagkain, damit, at gamot tatlong beses sa isang linggo. Isa sa mga Saksi ay pinalaya noong Hunyo 2, 2015, at ang isa naman ay nang sumunod na araw—pero inutusan silang umalis sa rehiyon.

  • Noong Mayo17, 2015, apat na Saksi ni Jehova ang inaresto ng armadong mga lalaki sa Novoazovsk. Piniringan sila at tinutukan ng baril habang dinadala sa punong-himpilan ng militar sa lugar na iyon. Dalawang oras na walang-awang pinagbubugbog ang mga Saksi at tinakot na papatayin. Sapilitang pinagsusundalo ng armadong mga lalaking iyon ang pinakabata sa apat na Saksi at pinapaamin sa mga ito na ang relihiyong Ortodokso ang tanging tunay na relihiyon. Matapos ikulong nang magdamag sa isang masikip at pansamantalang bilangguan saka lang pinalaya ang mga Saksi.

  • Ilan sa mga pinsalang dinanas ng dalawang Saksi na dinukot at binugbog sa Novoazovsk

  • Noong Enero 22, 2015, dinukot ng tatlong armadong lalaki ang isang Saksi sa kaniyang pinagtatrabahuhan sa Donetsk. Hindi alam ng kaniyang pamilya kung saan siya dinala o sa anong motibo. Habang nakaditine, paulit-ulit na ipinaliwanag ng Saksi na wala siyang pinapanigan sa politika. Pinalaya siya pagkaraan ng siyam na araw.

  • Noong Agosto 9, 2014, dalawang Saksi sa Stakhanov, Luhansk, ang dinukot ng isang armadong miyembro ng milisya. Anim na araw silang ikinulong, ilang beses na pinagbubugbog, at tinakot na putulan ng parte ng katawan at patayin. Pinagkaitan din sila ng sapat na pagkain, tubig, at damit, at hindi sila ginamot. Ginawa ng mga dumukot ang lahat para talikuran nila ang kanilang pananampalataya, bigkasin ang turong Ortodokso, at sumamba sa mga imahen. Kaya malinaw na ang isyu ay relihiyon. Sa kabila ng lahat ng kalupitang ito, hindi natinag ang mga Saksi.

Namumuhay ang mga Saksi ni Jehova ayon sa kanilang paniniwala at hindi sila lumalaban, nangangampanya, o nagbibigay ng pinansiyal na suporta para sa alinmang panig sa labanang militar sa Ukraine. Sinalakay ng armadong mga grupo ang mga Saksi dahil wala silang pinapanigan sa politika at hindi sila sumusunod sa paniniwalang Ortodokso. Ang layunin ng brutal na pagsalakay ay para italikod sila sa kanilang pananampalataya.

Katatagan sa Kabila ng Pag-uusig

Dahil kasalukuyang pinag-aagawan ang pamamahala sa rehiyong ito, wala pang legal na hakbang na magagawa para sa mga Saksi. Ang insidenteng ito at ang iba pang kagaya nito ay naipagbigay-alam na nila sa ibang mga bansa, pati na sa UN Special Rapporteur on Torture.

Sa kabila ng mga hamong napapaharap sa mga Saksi ni Jehova sa eastern Ukraine, determinado silang manatiling neutral at magpatuloy sa kanilang pagsamba. Umaasa sila na kikilalanin ng lokal na awtoridad ang napakahalagang karapatan ng tao sa kalayaan sa relihiyon.

^ par. 2 Sinalakay ng armadong mga lalaki si Yuriy, nasa larawan sa itaas, dahil isa siyang Saksi ni Jehova. Minsan, hinarang nila siya sa kalsada habang pauwi galing sa relihiyosong gawain, at sa dalawa pang insidente, sinalakay nila siya sa kaniyang bahay. Inutusan nila siyang talikuran ang kaniyang mga paniniwala at itigil ang kaniyang mga gawain bilang isang Saksi ni Jehova.