PEBRERO 13, 2015
UKRAINE
Mga Gusali Para sa Pagsamba sa Silanganing mga Rehiyon ng Ukraine, Inagaw
Sapilitang inagaw ng mga armadong grupo ang ilang Kingdom Hall (dako ng pagsamba) ng mga Saksi ni Jehova sa Ukraine. Ang inagaw na mga gusali ay nasa rehiyon ng Donetsk at ng Luhansk sa silangang bahagi ng bansa, kung saan maraming buwan nang nagkakagulo roon. Pinuntirya ng mga armadong lalaking ito ang mga Saksi ni Jehova dahil sa pagtatangi at sa pagbabale-wala sa karapatan ng mga Saksi sa kalayaan sa relihiyon at pagtitipon.
Sa loob ng mahigit 20 taon, tinamasa ng mga Saksi ni Jehova sa Ukraine ang kalayaan sa pagsamba. Si Vasyl Kobel, isang Saksi ni Jehova na nasa tanggapang pansangay nila sa Lviv, ay nagsabi: “Regular kaming nagtitipon sa aming mga dako ng pagsamba para magbasa ng Bibliya at manalangin, at lagi naming sinisikap na maging mabuting impluwensiya sa aming komunidad. Pero nitong nakalipas na mga buwan, lubhang naapektuhan ng kaguluhan sa silangan ng bansa ang mga taga-Ukraine. Apektado rin dito ang mga Saksi ni Jehova; biktima rin kami ng karahasan.”
Nagsalita si Mr. Kobel bilang kinatawan ng 150,000 Saksi ni Jehova sa Ukraine. Libo-libong Saksi ang lumikas sa lugar ng digmaan nitong nakalipas na mga buwan. Pero para sa mga 17,500 Saksi na hindi umalis sa Donetsk at Luhansk, patuloy nilang sinisikap na makapamuhay nang normal sa gitna ng kaguluhan. Dahil inagaw ang kanilang mga Kingdom Hall, libo-libong Saksi ang walang gusaling mapagtitipunan para sa kanilang pagsamba, at napipilitan silang magtipon nang siksikan sa mga pribadong tahanan. Ang ibang mga Saksi naman ay kailangan ngayong magbiyahe nang tig-dalawang oras papunta’t pauwi para makadalo.
Pag-agaw sa mga Kingdom Hall—Tanda ng Pagkapoot sa Relihiyon
Ang pag-agaw sa mga Kingdom Hall ay hindi nagkataon lang. Ito ay tuwirang pag-atake sa mga Saksi at sa kanilang relihiyosong mga paniniwala. Sinabi ng kumander ng isang grupo ang hangarin niyang “alisin ang lahat ng Saksi ni Jehova” dahil sa palagay niya, ang Simbahang Ortodokso lang ang tanging relihiyon na pinapayagan sa rehiyon. Isa pang kumander ang nagsabi: “Tapós na ang maliligayang araw ng mga Saksi ni Jehova.” Sa kabila ng mga pagbabantang ito, determinado ang mga Saksi ni Jehova na manatiling aktibo sa kanilang pagsamba sa buong Ukraine.
Bagaman walang Saksi ang nasaktan sa mga pag-agaw na ito, nanganganib naman ang kanilang seguridad at kalayaang magtipon kasama ng mga kapananampalataya. Sa isang kaso, biglang pinasok ng mga armadong lalaki ang Kingdom Hall sa bayan ng Horlivka sa Donetsk habang nagtitipon sila para sumamba. Ikinatakot ito ng mga dumalo, kasama na ang mga may-edad na lalaki at babae, at mga bata. Sa ibang kaso naman, nagulat ang mga Saksi pagdating nila sa kanilang Kingdom Hall at makitang iba na ang mga kandado at ang gusali ay ginawa nang baraks ng militar.
Pagharap sa Problema
Sinabi ni Mr. Kobel: “Ang tanggapang pansangay sa Lviv ay nakipag-ugnayan sa iba’t ibang ministri ng gobyerno at sa iba pang opisyal para ipaalam sa kanila ang mga ilegal na pag-agaw na ito ng ari-arian. Nagsilbi itong babala sa gobyerno na hindi namin kontrolado ang nangyayari sa mga gusaling iyon, o ang mga ilegal na ginagawa ng kumuha ng mga gusaling iyon.” Bukod diyan, tinagubilinan ng tanggapang pansangay ang responsableng mga lalaki sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa mga rehiyon ng Donetsk at Luhansk na gawin ang lahat ng kanilang magagawa para tiyaking ligtas ang bawat Saksi. Ang mga lalaking ito ay pinaalalahanang ang buhay ay mas mahalaga kaysa sa mga gusali at walang gagawing pagkilos na magsasapanganib sa kaligtasan ng sinumang Saksi.
Dahil sa kaguluhan, walang legal na paraan sa kasalukuyan para mabawi ng mga Saksi ang kanilang mga Kingdom Hall. Pero sa kabila ng mga problemang ito, determinado ang mga Saksi na magpatuloy sa kanilang relihiyosong gawain. Umaasa sila sa panahon kapag ang kanilang mga gusali ay maibabalik na sa kanila at maaari na silang magtipong kasama ng kanilang mga kapananampalataya nang ligtas at tiwasay sa kanilang mga Kingdom Hall.