NOBYEMBRE 21, 2014
UKRAINE
Update: Mga Saksi ni Jehova Nag-organisa ng Tulong Para sa Libo-Libong Lumikas Mula sa Ukraine
LVIV, Ukraine—Patuloy na tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga kapananampalatayang lumikas dahil sa digmaan sa silangang rehiyon ng Ukraine.
Sa humigit-kumulang 7,500 Saksing lumikas mula sa lugar ng labanan, halos 4,000 ang tinutulungan ng pitong disaster relief committee na inorganisa ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Lviv. Ang iba pang biktima ay pinatira ng kanilang mga kamag-anak at kapananampalataya sa Ukraine at Russia. Anim na karagdagang relief committee ang tumutulong sa mahigit 17,500 Saksi na nasa lugar pa ng labanan.
Kinumpirma ng sangay sa Lviv na anim na Saksi ang namatay mula nang magsimula ang digmaan. Isang Saksi sa Kramatorsk ang namatay noong Hunyo 17, 2014, nang sumabog ang isang bomba malapit sa kotseng sinasakyan niya. Limang Saksi pa na nakatira sa mga lunsod ng Donetsk, Sloviansk, Rozkishne, at Luhansk ang namatay dahil sa mga bomba.
Bilang bahagi ng pagtulong, inoorganisa rin ng tanggapang pansangay ang muling pagtatayo ng ilang dako ng pagsamba at mga tahanan ng mga Saksi.
Media Contacts:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Ukraine: Vasyl Kobel, tel. +38 032 240 9323