HULYO 1, 2019
UKRAINE
Nag-organisa ng mga Bible Exhibit ang mga Saksi ni Jehova sa Ukraine
Nag-organisa ng mga Bible exhibit ang mga Saksi ni Jehova sa Ukraine para itampok ang paglalabas ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Russian Sign Language (RSL), isang mahalagang pangyayari sa gawaing pagsasalin ng mga Saksi ni Jehova. Nagsimula ang exhibit noong Oktubre 7, 2018, sa Lviv at nagpatuloy hanggang Hunyo 7, 2019. Nagkaroon din ng mga exhibit sa mga lunsod ng Kharkiv, Kyiv, Odesa, at Dnipro.
Bago magsimula ang bawat exhibit, ang mga kongregasyon ng sign language sa mga lugar na iyon ay namahagi ng mga imbitasyong nakaimprenta, pati na ng mga imbitasyong nasa video para sa mga bingi at mahina ang pandinig. Ang Public Information Desk ng sangay sa Ukraine ay namahagi rin ng mga imbitasyon sa mga guro, media, at mga opisyal ng gobyerno.
Ipinakita sa mga pumunta sa unang exhibit, na ginanap sa Lviv City Deaf Club, ang iba’t ibang digital tool na puwedeng gamitin ng mga bingi sa pag-aaral ng Bibliya, gaya ng JW Library Sign Language® app. Nasa exhibit din ang isang displey na nagpapakita ng naging pagbabago sa hitsura ng Bibliya sa nakalipas na daan-daang taon, mula sa mga balumbon hanggang sa mga aklat ngayon. Halimbawa, makikita rito ang isang Bibliya na mula pa noong 1927.
Natutuwa kami na makukuha na ngayon ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa RSL. Nagtitiwala kami na matutulungan nito ang mga gumagamit ng RSL na magkaroon ng tumpak na kaalaman sa Kasulatan.—Mateo 5:3.