Maikling Impormasyon—Ukraine
Mahigit sandaang taon na sa Ukraine ang mga Saksi ni Jehova. Legal silang nairehistro noong Pebrero 28, 1991, hindi pa natatagalan bago naging isang independiyenteng bansa noon ang Ukraine.
Ang mga Saksi ni Jehova sa Ukraine ay dumanas ng matinding paniniil sa ilalim ng mga rehimeng Nazi at Sobyet. Noong Abril 8, 1951, mahigit 6,100 Saksi sa kanlurang Ukraine ang ipinatapon ng pamahalaang Sobyet sa Siberia. Bahagyang bumuti ang sitwasyon noong Hunyo 1965 matapos maglabas ang Korte Suprema ng Ukraine ng desisyon na nagsasabing ang mga literatura ng mga Saksi ni Jehova ay tungkol lang sa relihiyon at hindi laban sa Sobyet. Itinigil ng mga awtoridad ang pag-aresto sa mga nagbabasa ng literatura ng mga Saksi, pero patuloy pa rin nilang ibinibilanggo ang mga Saksi dahil sa pagbabahagi ng mga ito ng kanilang paniniwala. Noong Setyembre 1965, dahil sa amnestiya ng gobyerno, pinalaya ang lahat ng Saksing ipinatapon sa Siberia noong 1951, pero karamihan sa kanila ay hindi pa rin pinahintulutan na makabalik sa dati nilang tirahan. Nagpatuloy ang matinding pag-uusig hanggang sa pasimula ng dekada ng 1980.
Ngayon, malaya na sa pagsamba ang mga Saksi ni Jehova at nakapangangaral na sila nang hindi hinahadlangan ng mga awtoridad. Pero, ang mga Saksi ay madalas pa ring nagiging biktima ng mga hate crime, o krimeng bunsod ng diskriminasyon. Halos walang ginagawa ang mga awtoridad para protektahan ang mga Saksi mula sa mga umaatake sa kanila at sa kanilang mga lugar ng pagsamba at karaniwan nang hindi kinakasuhan ng mga awtoridad ang mga salarin. Dahil sa kawalang-aksiyon na ito ng mga awtoridad, hindi naparurusahan ang mga salarin at, kasabay pa ng kaguluhan sa silanganing bahagi ng bansa, lumalala ang mga pag-atake laban sa mga Saksi.