Pumunta sa nilalaman

Ang gusali ng Royal Courts of Justice, kung saan naroroon ang Mataas na Hukuman at ang Court of Appeal ng England at Wales

MAYO 12, 2020
UNITED KINGDOM

Korte sa England, Ipinagtanggol ang Karapatan Nating Pumili ng Magiging Miyembro ng Ating Relihiyon

Korte sa England, Ipinagtanggol ang Karapatan Nating Pumili ng Magiging Miyembro ng Ating Relihiyon

Noong Marso 17, 2020, pinawalang-saysay ng Court of Appeal ng England at Wales ang isang aplikasyon na iapela ang naging desisyon ng Mataas na Hukuman (trial court) na ipinagtatanggol ang karapatan nating sundin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtitiwalag.

Sa isang kumpletong desisyon ng Mataas na Hukuman, napagpasiyahan nito na hindi labag sa batas o makakasira sa reputasyon ng isang tao na ipatalastas sa kongregasyon na hindi na siya Saksi ni Jehova. Sinabi ng hukom na si Richard Spearman, Q.C., tungkol sa naging hatol niya: “Gaya ng inaasahan, may kapangyarihan ang isang relihiyosong organisasyon na nagpapagabay at nagsisikap na sumunod sa mga prinsipyo sa Kasulatan na sa isang angkop na kaso puwedeng itiwalag ang isang nagkasala. Bukod diyan, makatuwiran ito, at sa maraming pagkakataon, kinakailangan itong gawin, dahil ang sinumang hindi kaya o ayaw sumunod sa mga prinsipyo sa Kasulatan ay hindi nararapat na maging miyembro ng gayong organisasyon. Gayundin, malibang alisin siya o itiwalag, puwede siyang maging masamang impluwensiya sa iba pang miyembro ng relihiyon.”

Matapos ibaba ng trial court ang desisyon nito, nagsumite ang sangkot sa kaso ng aplikasyon sa Court of Appeal para payagan siyang iapela ang naging desisyon ng trial court. Tinanggihan ng Court of Appeal ang aplikasyong iyon, at sinabing ito ay “walang basehan.” Sinabi rin nito na “tama” ang desisyon ng trial court at na “ang kapangyarihang magtiwalag ay kailangan sa loob ng relihiyosong organisasyon.”

Tungkol sa naging desisyon, sinabi ni Shane Brady, isang abogado ng mga Saksi ni Jehova: “Ang desisyong ito ay kaayon ng maraming iba pang desisyon ng mga korte sa England, ng European Court of Human Rights, at ng mga appellate court sa Canada, Continental Europe, at United States. Pinapatunayan ng lahat ng desisyong ito ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova na magpasiya sa mga isyu tungkol sa pagpili ng magiging miyembro ng kanilang relihiyosong organisasyon.”

Natutuwa tayo na kinikilala ng Korte ang karapatan nating sundin ang Kasulatan at protektahan ang espirituwalidad at moralidad ng ating mga kongregasyon.—1 Corinto 5:11; 2 Juan 9-11.