ENERO 16, 2020
UNITED KINGDOM
Lumipat sa Chelmsford ang Pamilyang Bethel ng Britain
Noong Enero 1, 2020, nagsimulang lumipat ang pamilyang Bethel ng Britain sa bago nilang pasilidad malapit sa Chelmsford, Essex. Inaasahan na sa Marso 2020, puwede nang tumira at magtrabaho ang lahat ng buong-panahong boluntaryo sa bago nilang tanggapang pansangay.
Mula pa noong 1959, ang sangay sa Britain ay nasa Mill Hill, London. Dahil sa pagsulong ng pangangaral at sa pagdami ng kinakailangang gawin, bumili ng mga gusali ang sangay, pero nasa magkakaibang lugar sa London ang mga ito. Dahil dito, maraming gusali ang kailangang mantinihin, at kailangang bumiyahe ng mga Bethelite para makapunta sa ibang gusali. Noon, nag-iimprenta ang sangay ng mga publikasyon, at nakakapaglathala ito ng mahigit 10 porsiyento ng mga publikasyon sa buong mundo. Noong Marso 2018, pagkatapos ng 92-taóng pag-iimprenta, inihinto na ito at ibinenta ang mga printing press. a
Umabot nang limang taon ang pagtatayo ng bagong sangay sa Britain. Dahil nasa iisang pasilidad na ang gawain ng pamilyang Bethel, mapapabilis ang trabaho at makakatipid din ng pondo. Mayroon itong dalawang gusali, mga opisina, at anim na residence building na puwedeng tirhan ng mahigit 400 tao. Isang multifunction building ang puwedeng gamiting awditoryum, dining room, at space para sa iba pang okasyon.
Sa ngayon, pinangangasiwaan ng sangay sa Britain ang gawaing pangangaral sa maraming teritoryo, kasama na ang Falkland Islands, Guernsey, Ireland, Isle of Man, Jersey, at Malta. Magpopokus ang bagong sangay sa paggawa ng mga audio, video, at digital publication. Patuloy ring susuportahan ng sangay ang espirituwal na gawain ng mahigit 150,000 mamamahayag sa mahigit 1,800 kongregasyon.
Puwede nang mag-tour sa bagong Bethel sa Abril 6, 2020. Makikita ng mga magtu-tour ang mga exhibit tungkol sa kasaysayan ng Bibliya sa Britain at Ireland at sa nagagawang tulong ng Bethel sa mabilis na pagsulong ng organisasyon ni Jehova.
Si Brother Stephen Hardy, miyembro ng Komite ng Sangay sa Britain, ay kasama sa proyekto mula pa nang magsimula ito. Sinabi niya ang nararamdaman ng marami: “Talagang pinasigla ni Jehova ang napakaraming kapatid mula sa Britain at sa ibang mga bansa para tumulong sa proyektong ito. Sobra ito sa inaasahan namin, at lahat ng ito ay nagbibigay ng kapurihan kay Jehova.”—Efeso 3:20.
a Ang nag-iimprenta ngayon para sa sangay sa Britain ay ang sangay sa Central Europe na nasa Selters, Germany.
Aerial view ng magandang kapaligiran ng sangay sa Britain
Isang sister na naghahanda ng mga publikasyon sa reception area para sa mga bisita
Mga kapatid na commuter na nakikinig sa orientation sa isang bagong conference room
Mga kapatid na nanananghalian sa multipurpose building
Isang karatula na may nakalagay na “Kingdom Way,” na nasa pasukan ng Bethel