Pumunta sa nilalaman

Kaliwa: Libo-libo ang nakinig sa panawagan ni Brother Joseph F. Rutherford na ianunsiyo ang Hari at ang kaniyang Kaharian sa makasaysayang siyam-na-araw na kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, U.S.A. Kanan: Gumamit si Brother Rutherford ng mikropono para marinig ang boses niya ng mga dumalo sa kombensiyonn

OKTUBRE 6, 2022
UNITED STATES

Ang Kombensiyon sa Cedar Point Noong Nakalipas na 100 Taon

Makikita sa Bagong Museum ang Mahalagang Pangyayaring Ito

Ang Kombensiyon sa Cedar Point Noong Nakalipas na 100 Taon

Ngayon ang ika-100 taon ng isa sa pinakamahalagang pangyayari sa makabagong-panahong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova. Ginanap noong Setyembre 5-13, 1922, ang siyam-na-araw na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Cedar Point, Ohio, U.S.A. Dinaluhan ito ng mga delegado mula sa United States, Canada, at Europe. Ang average ng dumalo ay 10,000, at magkakasabay na narinig ang mga pahayag sa 11 wika.

Binuksan ang bagong museum sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Ipinapakita rito ang makasaysayang kombensiyon at ang epekto nito sa gawaing pangangaral. Sa ngayon, bukás lang ito sa pamilyang Bethel. Pero kapag nagsimula na ulit ang mga tour, bubuksan na ito sa publiko.

Dumating ang pinakamahalagang sandali ng kombensiyon noong Setyembre 8. Noong araw na iyon, mga 8,000 dumalo ang pumasok sa magandang awditoryum sa Lake Erie. Narinig nila ang pahayag ni Brother Joseph F. Rutherford na “The Kingdom.”

Pagkatapos magsalita ng 90 minuto, nilakasan ni Brother Rutherford ang boses niya nang tanungin niya ang mga dumalo kung naniniwala ba silang naghahari na si Kristo. Sumigaw nang malakas na oo ang mga naroon. Pagkatapos, sinabi ni Brother Rutherford: “Kayo ang kaniyang mga kinatawang tagapagbalita. Kung gayon, ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang Kaharian!” Nang sabihin niya iyon, iniladlad ang isang malaking banner na kababasahan ng “Ianunsiyo ang Hari at Kaharian.”

Nang marinig ng mga dumalo sa asamblea ang panawagang iyon, lalo silang napasiglang mangaral. Nangangaral na ang karamihan sa dumalo, pero lalo pang tumindi ang pagnanais nila nang maging mas organisado ang pagbabahay-bahay. Sinabi ni Sister Ethel Bennecoff, na mga 30 anyos noon, na pagkatapos ng pahayag na iyon, napasigla ang mga Estudyante ng Bibliya “taglay ang higit na sigasig at pag-ibig sa [kanilang] mga puso kaysa noon.” Sinabi naman ni Sister Odessa Tuck, na 18 anyos noong 1922: “Gusto kong maging tulad ni Isaias, na nagsabi: ‘Narito ako! Isugo mo ako.’”

Bautismo noong 1922 na kombensiyon sa Cedar Point

Dalawang araw pagkatapos ng pahayag ni Brother Rutherford, nagkaroon ng isang resolusyon ang International Bible Students Association. Sinasabi sa isang bahagi ng resolusyon: “Bilang isang grupo ng mga Kristiyano na determinadong sundin ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo, hindi kami makikibahagi sa digmaan, rebolusyon, anarkiya, o anumang uri ng karahasan; at laban kami sa maling paggamit ng Bibliya para dayain ang mga tao. Marubdob naming hangad ang kapayapaan.” Lalo pang ipinakita sa resolusyong ito na naiiba ang mga Estudyante ng Bibliya sa ibang relihiyon na sumuporta sa Digmaang Pandaigdig I at muling susuporta sa Digmaang Pandaigdig II.

Sinabi ng Ang Bantayan isyu ng Hunyo 15, 1922: “Gagawin namin ang buo naming makakaya para maging pinakamagandang kombensiyon ang 1922 na kombensiyon. . . . Nawa’y hindi malimutan ng libo-libong dadalo ang okasyong ito.”

Talagang hindi makakalimutan ang kombensiyong iyon. Makalipas ang 100 taon, pinagpapala pa rin ni Jehova ang gawaing pag-aanunsiyo sa Hari at sa kaniyang Kaharian.​—Mateo 24:14.