Pumunta sa nilalaman

Mga nagtu-tour sa mga eksibit sa Warwick gamit ang mga bagong device na may mga video ng ASL.

PEBRERO 13, 2019
UNITED STATES

Available na ang mga Eksibit ng Pandaigdig na Punong-Tanggapan sa American Sign Language

Available na ang mga Eksibit ng Pandaigdig na Punong-Tanggapan sa American Sign Language

Simula Enero 2019, available na ang mga eksibit ng pandaigdig na punong-tanggapan sa American Sign Language (ASL). Sinabi ni Enrique Ford, na nangangasiwa sa Museum Department: “Kahanga-hanga ang ginawang trabaho sa pagsasalin at computer programming para maging available ang mga eksibit sa ASL! Talagang mag-e-enjoy at matututo ang mga kapatid nating bingi at mahina ang pandinig sa pagtu-tour nila sa mga eksibit.”

Si Ana Barrios, na isang bingi at regular pioneer sa New York, ay isa sa mga unang nakapag-tour sa mga eksibit na nasa ASL. Ang sabi niya: “Natuwa talaga ako nang makapanood ako ng mga video sa ASL! Kahit nakapag-tour na ako noon at pamilyar na ako sa eksibit, hindi tumagos sa puso ko ang mga impormasyon, kasi ’di ko naman gaanong naiintindihan ang mga kapsiyon sa English. Pero pagkapanood ko ng ilang video sa ASL, marami pa akong natuklasan tungkol sa pangalang Jehova. Na-touch din ako at napaluha sa ipinakita ng eksibit tungkol sa mga katangian ni Jehova!”

Nagsimula ang proyekto sa ASL noong Hunyo 2017. May 23 kapatid na nagtulong-tulong sa pagsasalin at paggawa ng mga video ng ASL para sa museo; mayroon ditong anim na bingi at anim na nakakarinig pero lumaki sa mga magulang na bingi. Gumawa ang grupo ng mahigit 900 video, na mga siyam na oras ang haba, kasinghaba ng mga audio track ng museo. Inirekord ang mga ito sa tatlong studio: sa remote translation office ng ASL sa Fort Lauderdale, Florida; sa sangay sa United States sa Wallkill, New York; at sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Warwick, New York. Bago ilabas ang pinakahuling salin sa ASL ng mga gagamitin sa museo, pinanood muna ito ng mga kapatid nating bingi, na iba-iba ang edad at pinagmulan. Tumulong sila para mapaganda pa ang salin at maging mas nakaka-enjoy ang tour sa museo sa ASL.

Ilan sa mga kapatid na tumulong sa paggawa ng mga video ng ASL para sa museo sa Warwick.

Bumili ang Museum Department ng mga touch-screen device na makakapagdispley ng mga video ng ASL. Ang format nito ay kapareho ng sa device sa audio tour na ginagamit sa eksibit ng museo sa Warwick. Nag-install ang Museum Department ng mga video ng ASL sa 14 na touch screen na dati nang nakakabit sa mga eksibit.

Sinabi ni Mark Sanderson, miyembro ng Lupong Tagapamahala: “Ginawa ang museo sa Warwick para patibayin ang pananampalataya ng lahat ng dumadalaw sa pandaigdig na punong-tanggapan. Kaya masaya kaming available na ang mga eksibit sa 14 na wika, kasama na ang ASL para sa mga Saksi at di-Saksing bingi at mahina ang pandinig.”

Mahigit kalahating milyon na ang nakapag-tour sa Warwick. Inaanyayahan ang mga kapatid sa buong mundo na tingnan ang mga eksibit at matuto pa tungkol sa mayamang espirituwal na kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova. Mapapatibay tayo nito na patuloy na ‘magtiwala sa Diyos.’—Awit 78:7.

Bilang paghahanda sa paglalabas ng mga video ng ASL para sa museo, nirerebyu ng isang brother ang mga video sa isang pansamantalang studio na itinayo sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Warwick, New York.

Tatlong batang nakakarinig, na may mga binging magulang na Saksi, ang nanonood ng salin sa ASL ng Bible sound drama noong 1977 na pinamagatang “Jehovah’s Name to Be Declared in All the Earth.”

Grupo ng mga kapatid na nagtu-tour sa eksibit na “The Bible and the Divine Name” na may mga touch-screen device.

Pinapanood ng mga bisita ang video ng ASL sa isa sa mga touch screen sa eksibit na “A People for Jehovah’s Name.”

Pinapanood ng grupo ng mga nagtu-tour ang video ng ASL para sa displey na may mga 500 slide ng “Photo-Drama of Creation.”