Pumunta sa nilalaman

Kaliwa pakanan: Si Sister Mary Larimer kasama ang iba pang estudyante sa unang klase ng Gilead; ang diploma ni Mary noong Hunyo 23, 1943; at si Mary noong 2017

ENERO 23, 2024
UNITED STATES

Huling Nabubuhay na Estudyante ng Unang Klase ng Gilead, Namatay sa Edad na 103

Huling Nabubuhay na Estudyante ng Unang Klase ng Gilead, Namatay sa Edad na 103

Noong Nobyembre 23, 2023, namatay si Mary M. Larimer, na nagtapos sa unang klase ng Watchtower Bible College of Gilead. a Ipinanganak si Mary noong Hunyo 4, 1920, sa Scenery Hill, Pennsylvania, U.S.A. Noong 1935, sa edad na 15, nabautismuhan siya sa isang kombensiyon sa Washington, D.C., U.S.A. Makalipas ang apat na taon, naging regular pioneer si Sister Larimer at agad siyang nakilala bilang isang masigasig na mangangaral.

Noong Disyembre 1942, tumanggap siya ng imbitasyon mula kay Brother Nathan Knorr, na nangunguna sa organisasyon noon, na mag-apply sa bagong paaralan na tinatawag na Watchtower Bible College of Gilead. “Layunin ng kolehiyo na ihanda ang mga ministro, kapuwa lalaki at babae, para sa gawaing pagmimisyonero sa buong daigdig.” Binabanggit sa imbitasyon: “Tatagal [ito] nang limang buwan . . . Kailangan ng sipag, puspusang pag-aaral, at pagsisikap para matapos ang kursong ito sa napakaikling panahon.” Ipinadala agad ni Mary ang aplikasyon niya.

Pebrero 1, 1943, ang unang araw ng klase nila. Isang daan silang magkakaklase sa bagong paaralang ito, na nasa South Lansing, New York, U.S.A. Nag-aral nang mabuti si Mary sa loob ng halos limang buwan para matuto nang higit tungkol sa Kasulatan. Mahusay siyang estudyante, at nagtapos siya noong Hunyo 23, 1943.

Si Mary kasama ang iba pang estudyante na kumakaway mula sa balkonahe sa pasukan ng building ng paaralang Gilead sa South Lansing, New York, U.S.A.

Pagka-graduate, naatasan si Mary na maging misyonera sa Cuba. Ganito ang sinabi niya tungkol sa mga hamon na napaharap sa kaniya: “Mahirap ang mga tao doon. Sa ministeryo, kailangan naming maglakad . . . Wala kaming sasakyan.” Nanatili si Mary sa kaniyang atas hanggang 1948, kasi bumalik siya sa Pennsylvania para alagaan ang nanay niyang naaksidente. Nang sumunod na mga dekada, nanatiling dalaga si Mary at abala sa paglilingkod kay Jehova. Naglilingkod siya sa isang kongregasyon sa Glendale, California, U.S.A. noong mamatay siya.

Si Mary sa iba’t bang atas niya bilang misyonera sa Cuba

Mary (kaliwa) kasama ang kapatid niyang si Helen Ferrari at ang asawa ni Helen na si Salvino. Nag-aral ang mga Ferrari sa ikalawang klase ng Gilead at naglingkod din sa Cuba

Nasa Patterson, New York, na ngayon ang Watchtower Bible School of Gilead, kung saan kasalukuyang nag-aaral ang ika-155 klase. Nang mabalitaan ni Brother Mark Noumair, isang instruktor sa Gilead, ang pagkamatay ni Mary, sinabi niya: “Si Mary Larimer ay isang kabataang babae noon na handang magpunta kahit saan para ipakilala sa mga tao si Jehova. Hindi niya alam kung saan siya ipapadala at kung makakabalik pa siya. Ang mga misyonerong nagtapos sa Gilead gaya ni Mary ay nakapaglatag ng pundasyon para sa paglawak ng gawaing pangangaral sa buong daigdig.”—Isaias 6:8.

a Noong 1946, ang pangalang Watchtower Bible College of Gilead ay pinalitan ng Watchtower Bible School of Gilead.