Pumunta sa nilalaman

Ang bagong Kingdom Hall sa 1228 Pensacola Street, Honolulu, Hawaii

ABRIL 22, 2020
UNITED STATES

Muling Inialay ang Unang “Kingdom Hall” Pagkatapos ng 85 Taon

Muling Inialay ang Unang “Kingdom Hall” Pagkatapos ng 85 Taon

Noong 1935, nang simulan ang pagtatayo ng Kingdom Hall sa 1228 Pensacola Street, Honolulu, Hawaii, nandoon si Joseph F. Rutherford, ang presidente ng Watch Tower Society. Ang maliit na gusaling ito ang kauna-unahang tinawag na “Kingdom Hall” sa buong mundo. Sa loob ng mahigit 80 taon, maraming tao ang sumamba kay Jehova sa Kingdom Hall na ito. Ngayon, pagkalipas ng 85 taon, ang Kingdom Hall sa Pensacola Street ay ginagamit ng apat na kongregasyon na may limang wika, kasama na ang Hawaii Pidgin. a

Ang lumang Kingdom Hall pagkatapos itong itayo noong 1935

Bago ang COVID-19 pandemic, inimbitahan ng mga kapatid ang mga tagaroon, mga opisyal ng gobyerno, at mga teacher para makita ang Kingdom Hall noong Pebrero 11 hanggang 15, 2020 pagkatapos itong i-remodel. May mga tour guide at mga historical display para sa mga bisita, at may mga pahayag din tungkol sa mga gawain ng mga Saksi ni Jehova. Noong Pebrero 16, nagbigay ng pahayag sa pag-aalay si Brother David H. Splane, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.

Sinabi ng isang sister na tumulong sa paghahanda ng programa: “Hindi namin inimbitahan ang mga bisita para pangaralan sila, pero alam namin na naging malaking patotoo ito sa mga hindi pa nakakakilala sa mga Saksi ni Jehova.”

Nakatulong ang okasyong ito para mas mapahalagahan ng mga kapatid natin sa Hawaiian Islands ang napakagandang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova at makita ang katuparan ng mga salitang “sa mga isla sa dagat ay luluwalhatiin nila ang pangalan ni Jehova na Diyos ng Israel.”—Isaias 24:15.

a Dahil sa COVID-19, naka-videoconference muna ang lahat ng pulong ng kongregasyon sa United States imbes na sa mga Kingdom Hall.