DISYEMBRE 25, 2020
UNITED STATES
Napatibay ng Bibliya ang mga Bilanggo Kahit May Lockdown
Nang mag-lockdown ang mga bilangguan sa United States dahil sa COVID-19 pandemic, daan-daang Saksi ni Jehova ang huminto sa regular na pagdalaw sa mga bilangguan, sa pagbibigay ng mga literatura sa Bibliya, at sa pagba-Bible study sa mga bilanggo. Kaya hindi na nakatanggap ng pampatibay sa Bibliya ang libo-libong bilanggo. Pero gumawa ng paraan ang mga kapatid para maipagpatuloy pa rin ang pangangaral sa bilangguan habang sumusunod sa mga safety protocol ng COVID-19.
“Nag-alala kami sa mga umaasa lang sa pagdalaw namin para mapatibay ng Bibliya,” ang sabi ni Brother Dan Houghton, na tumutulong para organisahin ang pangangaral sa bilangguan sa teritoryong sakop ng sangay sa U.S. “Mas kailangan nila tayo ngayon.”
Halimbawa, kinontak ni Brother Micah Seierstad ang mga opisyal sa bilangguan sa Vacaville, California, para humingi ng permiso na magpadala ng mga video ng programa ng JW Broadcasting sa bilangguan. Nagulat siya kasi sinabi ng mga opisyal na magpadala siya ng mga video na puwedeng ipalabas sa 33 bilangguan sa estado ng California. Kaya ang programa ng 2020 “Laging Magsaya”! na Kombensiyon ay hinati-hati sa tig-28-minutong video, at ipinalabas ang mga ito nang tatlong beses sa isang araw. Puwede itong mapanood ng 130,000 bilanggo.
Sinabi ni Brother Seierstad: “Ang galing talaga ni Jehova. Kapag may gusto siyang gawin, walang makakapigil sa kaniya!”
Nalaman ng mga kapatid na gusto ng mga opisyal sa Sarasota County Jail sa Florida ng mga libro na makakatulong sa mga bilanggo para mabawasan ang stress na resulta ng lockdown. Kaya sinabi ng mga kapatid na magbibigay sila ng mga Bibliya at salig-Bibliyang mga publikasyon sa wikang English at Spanish. Pumayag naman ang mga opisyal. Nagsaayos din ang mga kapatid ng mga Bible study sa pamamagitan ng videoconference. Sumulat ang isang bilanggo sa nagba-Bible study sa kaniya online: “Talagang inaabangan ko ang mga pag-aaral natin. Napapasigla akong magbasa ng Bibliya. Nagbago na ang tingin ko tungkol sa kinabukasan.”
Nakakapagpatibay malaman na hindi mapipigilan ng pandemic o ng bilangguan ang ating mapagmahal na Ama, si Jehova, para mailaan ang espirituwal na pangangailangan ng mga interesado.—Awit 139:7-10.