SETYEMBRE 18, 2019
UNITED STATES
Pananalanta ng Bagyong Dorian
Pagkatapos hagupitin ang mga isla ng Bahamas bilang Category 5 na bagyo, ang silangang baybayin naman ng United States ang sinalanta ng Bagyong Dorian. Noong umaga ng Biyernes, Setyembre 6, 2019, dinaanan nito ang Cape Hatteras, North Carolina, bilang Category 1 na bagyo at nagdulot ng baha na nakaapekto sa mga bahay at negosyo. Noong Setyembre 7, 2019, nagdala ito ng malalakas na hangin sa Nova Scotia, Canada.
Inireport ng sangay sa United States na sa 1,742 mamamahayag sa Bahamas, isang sister lang ang bahagyang nasaktan. Ayon sa ulat, 48 bahay ng Saksi ang nagkaroon ng sira at 8 ang nawasak.
Marami sa mga mamamahayag na nakatira sa Great Abaco Island ang inilikas sa Nassau, ang kabisera ng Bahamas. Malugod silang tinanggap sa airport ng mga kapatid.
Nag-oorganisa ng relief aid ang Disaster Relief Committee at ang tagapangasiwa ng sirkito doon, at nagsasaayos din sila ng pagdalaw sa mga kapatid. May mga dumalaw ring kapatid mula sa sangay sa United States para tumulong sa relief work at magpatibay sa mga kongregasyon.
Sa United States, pangunahin nang naapektuhan ng bagyo ang North at South Carolina. Walang kapatid na nasaktan, pero 737 sa mga kapatid natin ang kinailangang lumikas, at ang karamihan ay pansamantalang nanirahan sa ibang lugar hanggang sa puwede na silang bumalik sa kanilang bahay. Nasira din ang 50 bahay at 12 Kingdom Hall.
Walang nasaktan sa mga kapatid natin sa Canada. Nagdulot ang bagyo ng bahagyang sira sa bahay ng ilang kapatid, at nawalan din ng kuryente. Tinulungan ng mga kapatid ang mga nangangailangan.
Nagpapasalamat tayo na dinirinig ni Jehova ang “paghingi ... ng tulong” ng ating mga kapatid na nagtitiwala sa kaniya sa mahirap na panahong ito.—Awit 28:6.