SETYEMBRE 14, 2017
UNITED STATES
Mga Saksi sa United States Pagkatapos ng Bagyong Harvey
Update: Nakalulungkot, isang may-edad nang sister ang kumpirmadong namatay dahil sa Bagyong Harvey.
NEW YORK—Noong Biyernes, Agosto 25, 2017, nag-landfall ang Bagyong Harvey, isang Category 4 na bagyo, sa baybaying lunsod ng Rockport, Texas. Noong Linggo, humina ito bilang tropical storm pero patuloy nitong sinalanta ang timog-silangan ng Texas hanggang noong Miyerkules, Agosto 30. Ang tanggapang pansangay sa United States ay nakatanggap ng mga report kung paano naapektuhan ng bagyo ang ating mga kapatid.
Halos 84,000 Saksi ang nakatira sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Harvey. Walang naiulat na namatay sa ating mga kapatid, pero siyam ang nasaktan at lima ang naospital. Sa kabuoan, 5,566 na Saksi ang nagsilikas. Ang bagyo ay nagdulot ng malaking pinsala sa 475 bahay ng ating mga kapatid; at karagdagang 1,182 bahay nila ang bahagyang napinsala.
Isinasaayos na ang pagtulong sa mga biktima ng sakuna sa tulong ng mga tagapangasiwa ng sirkito sa Austin, Dallas, at San Antonio. Pinatuloy sa kanilang bahay ng daan-daang kapatid sa mga lunsod na ito ang mga Saksing nagsilikas mula sa Houston at Texas Gulf Coast. Ang iba naman ay nag-donate sa mga biktima ng halos 300 tonelada ng pagkain, tubig, at iba pang suplay.—Kawikaan 3:27; Hebreo 13:1, 2.
Iniulat ng mga tagapangasiwa ng sirkito na muling nagpatuloy sa kanilang pagpupulong at pangangaral ang lahat ng kongregasyon. Ang mga miyembro ng Komite ng Sangay sa United States ay nagpaplanong dumalaw sa mga lugar na binagyo para magbigay ng pag-asa at tulong.
“Ikinalulungkot namin ang hirap na dinanas ng lahat ng biktima dahil sa Bagyong Harvey, at nagpapasalamat kami sa lahat ng tumulong pagkatapos ng sakunang ito,” ang sabi ni David A. Semonian, isang tagapagsalita para sa mga Saksi ni Jehova. “Isinasama namin sa panalangin lalo na ang mga kapatid namin na naapektuhan ng bagyo. Pinapayuhan din namin sila na patuloy na magtiwala sa maibiging tulong ni Jehova.”—Awit 55:8, 22; Isaias 33:2; 40:11.
Media Contact:
David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000