Pumunta sa nilalaman

NOBYEMBRE 10, 2020
UNITED STATES

Bagyong Michael, Isa sa Pinakamalakas na Bagyo sa US—Nag-iwan ng Napakalaking Pinsala

Bagyong Michael, Isa sa Pinakamalakas na Bagyo sa US—Nag-iwan ng Napakalaking Pinsala

Noong Oktubre 10, 2018, nag-landfall ang Bagyong Michael sa Florida at malaking pinsala ang iniwan nito sa timog-silangang bahagi ng United States. Ang Category 4 na bagyong ito ay sinasabing isa sa pinakamalakas na bagyong tumama sa United States at napakaraming ari-arian ang sinira nito. Hindi bababa sa 18 tao ang namatay dahil sa bagyo.

Naapektuhan ng bagyo ang mga kapatid sa 94 na kongregasyon at 13 sirkito. Walang namatay sa mga kapatid, pero tatlo ang nagtamo ng mga sugat. Winasak ng bagyo ang 528 bahay ng mga kapatid at 34 na Kingdom Hall. Nawalan din ng kuryente sa 39 na Kingdom Hall.

Nagsaayos ng relief work ang tanggapang pansangay sa United States sa tulong ng Disaster Relief Committee at mahigit 40 tagapangasiwa ng sirkito. Kasama sa relief work ang paglalaan sa mga kapatid ng pagkain, gamot, matutuluyan, at tubig, pati na ang paglalagay ng tarpaulin sa mga bubong para patibayin ang mga bahay at paglilinis sa mga nasira ng mga bumagsak na puno. Gumawa rin ng mga kaayusan para mapatibay sa espirituwal ang mga kapatid.

Kahit dumaranas ang mga kapatid natin ng mahihirap na sitwasyon sa ngayon, kasama na ang mga likas na sakuna, nagtitiwala sila na patuloy silang susuportahan ni Jehova.—Awit 142:5.