Pumunta sa nilalaman

SETYEMBRE 20, 2018
UNITED STATES

Sinalanta ng Bagyong Florence ang Timog-Silangan ng United States

Sinalanta ng Bagyong Florence ang Timog-Silangan ng United States

Binaha ang malaking bahagi ng North Carolina, South Carolina, at iba pang estado dahil sa Bagyong Florence. Ang malakas na bagyong ito na nasa Category 4 ay pumatay ng 32 katao, at libo-libo ang kinailangang lumikas.

Iniulat ng sangay sa United States na walang mamamahayag ang nasawi o malubhang nasaktan, pero mahigit 4,000 Saksi ang inilikas. Bumubuti na ang kalagayan ngayon, pero may mga lugar pa rin na hindi mapasok dahil sa taas ng tubig. Sa kasalukuyan, 351 bahay ng mga kapatid at 21 Kingdom Hall ang naitalang napinsala.

Sa pangangasiwa ng isang Disaster Relief Committee (DRC), nailalaan ang pagkain, tubig, damit, gamot, at iba pang medikal na pangangailangan. May dalawang grupo ng mga relief worker na tumutulong sa pagtanggal ng nabuwal na mga puno. Ang problema sa ngayon ay ang malaking baha, kaya nagtawag ng mga boluntaryo mula sa lokal na mga kongregasyon at sa iba pang lugar para tumulong sa ilalim ng pangangasiwa ng DRC. Dumadalaw rin sa mga nasalanta ang lokal na mga elder at mga tagapangasiwa ng sirkito para magpatibay.

Ipinapanalangin natin ang mga kapatid na nasa mahirap na sitwasyong ito dulot ng nagdaang bagyo, at nananabik tayo sa panahong “hindi [na tayo] manghihilakbot.”—Isaias 12:2.