Pumunta sa nilalaman

NOBYEMBRE 9, 2012
UNITED STATES

Bagyong Sandy Nanalasa sa East Coast ng United States

Bagyong Sandy Nanalasa sa East Coast ng United States

NEW YORK—Noong Oktubre 29, 2012, sinalanta ng Bagyong Sandy ang maraming lugar sa East Coast ng United States. Nakikipagtulungan ang mga Saksi ni Jehova sa lokal na awtoridad sa pagtulong sa kanilang mga kapananampalataya at iba pang biktima.

Mga 200,000 Saksi ang nakatira sa mga estado na direktang tinamaan ng bagyo. Sa mga lugar na pinakamalubhang naapektuhan, walang napaulat na Saksing namatay pero dalawa ang iniulat na nagtamo ng kaunting pinsala. Sa Georgia, isang bata na anak ng mag-asawang Saksi ni Jehova ang malubhang napinsala matapos mabagsakan ng isang sangang nabali dahil sa lakas ng hangin. Habang isinusulat ang report na ito, nasa kritikal na kondisyon pa rin ang bata. Ang mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon at iba pang nakabalita nito sa media ay nagbibigay ng tulong sa pamilya.

Dahil sa bagyo naputol ang linya ng komunikasyon sa maraming rehiyon. Kapag naibalik na ang serbisyo ng telekomunikasyon, makapagbibigay na ng mas tumpak na pagtaya sa pinsala.

Ayon sa inisyal na report mula sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa United States, walang namatay sa tanggapang pansangay pero may isa na nasaktan. Ang mga gusali sa pandaigdig na punong-tanggapan ng Mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, ay bahagyang napinsala. Tinangay ng napakalakas na hangin ang isang bahagi ng harap ng isang gusali, pero wala namang nasaktan. Putul-putol ang suplay ng kuryente sa mga pasilidad sa tanggapang pansangay sa Patterson at Wallkill, New York, kaya generator muna ang pansamantala nilang ginamit; pero sa mga pasilidad sa Warwick, generator pa rin ang ginagamit hanggang ngayon. Naapektuhan din ng bagyo ang serbisyo ng telekomunikasyon sa mga pasilidad na ito.

Ayon din sa inisyal na report, 12 dako ng pagsamba na ginagamit ng mga Saksi, na tinatawag na Kingdom Hall, ang matinding napinsala ng baha at malakas na hangin; 219 na bahay ng mga Saksi ang matindi ring napinsala, 169 ang may malaki-laking pinsala, at 710 ang bahagyang napinsala. Ilang grupo ng mga Saksi sa mga lugar na ito ang inorganisa para tumulong sa mga naapektuhan ng kalamidad at nakikipagtulungan sila sa lokal na mga awtoridad para maibigay ang pangunahing pangangailangan ng kanilang mga kapananampalataya at ng iba pang biktima.

Bilang paghahanda sa bagyo, ang mga kongregasyon ng Mga Saksi ni Jehova ay hinimok na gumawa ng mga plano sa paglikas. Mahigit 1,100 Saksi ang inilikas bago pa ang bagyo. Pinatuloy ng lokal na mga Saksi sa kanilang bahay ang kanilang mga kapananampalataya na lumikas pati na ang ilan na matagal na mawawalan ng kuryente sa kanilang bahay.

Ang mga boluntaryong Saksi ay puspusang tumutulong sa kanilang mga kapananampalataya at patuloy na tutulong hangga’t kailangan. “Nakikiramay kami sa lahat ng biktima ng napakalaking sakunang ito,” ang sabi ni J. R. Brown, tagapagsalita sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi. “Kaligayahan namin na makatulong sa iba, lalo na sa aming mga kapananampalataya na naapektuhan ng napakalakas na bagyong ito. Lagi namin silang iniisip at isinasama sa aming mga panalangin.”

Media Contact:

J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000