NOBYEMBRE 1, 2017
UNITED STATES
Naibenta ng mga Saksi ni Jehova ang Makasaysayang Gusali, ang The Towers
NEW YORK—Noong Oktubre 31, naibenta ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang 16-story residential building sa 21 Clark Street sa Brooklyn Heights Historic District. Sa loob ng mahigit apat na dekada, ang mga Saksi ang may-ari nito at pinanatili ang istilong Romanesque ng dating hotel.
Ang orihinal na gusali na tinatawag na Leverich Towers Hotel ay nagbukas noong 1928. Pagkatapos, ito ay nakilala bilang Towers Hotel, na inianunsiyo bilang “Aristokrata ng mga Hotel sa Brooklyn,” at tumuloy roon ang mga may-kaya sa buhay. Pero noong dekada ’70 kinailangan itong kumpunihin.
Binili ng mga Saksi ang gusali noong 1975. Dati nilang inuupahan ang ilang palapag nito para tirhan ng kanilang dumaraming manggagawa sa punong-tanggapan. Ang gusali ay dalawang beses na binago at pinaganda ng mga Saksi nang mabili nila ito: una noong 1978, at muli noong 1998.
Sinabi ni David A. Semonian, isang tagapagsalita para sa mga Saksi ni Jehova: “Para sa amin na nakatira sa Brooklyn Heights, maaalaala namin ang The Towers hindi lang bilang isang landmark kundi bilang isang maganda at komportableng tirahan. Sa huling transaksiyong ito, tinapos namin ang isa pang kabanata ng aming kasaysayan sa Brooklyn.”
Noong 2016, ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ay lumipat na sa Warwick, New York.
Media Contact:
David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000