Pumunta sa nilalaman

ABRIL 27, 2015
UNITED STATES

Dorothy Covington, Asawa ni Attorney Hayden Covington, Namatay sa Edad na 92

Dorothy Covington, Asawa ni Attorney Hayden Covington, Namatay sa Edad na 92

Si Dorothy Mae Sennett Covington, na nasabak sa pakikipaglaban para sa kalayaang sibil ng mga Saksi ni Jehova noong mga dekada ng 1940 at 1950, ay namatay noong Marso 14, 2015, sa edad na 92 sa Cincinnati, Ohio.

Nasabak sa Pakikipaglaban Para sa Konstitusyonal na Karapatan

Noong dekada ng 1940, si Dorothy ay nagboluntaryong maging legal assistant ng abogadong si Victor Schmidt, isang Saksi ni Jehova at nagtatanggol para sa karapatang sibil ng mga Saksi. Nang panahong iyon, napapaharap ang mga Saksi ni Jehova sa malupit na pag-uusig sa Estados Unidos dahil sa tumitinding nasyonalismo na dulot ng paglala ng Digmaang Pandaigdig II. Ang pagiging neutral ng mga Saksi pagdating sa mga seremonyang makabayan at ang kanilang pagtangging magserbisyo sa militar dahil sa budhi ay salungat sa sitwasyon noong panahong iyon. Ayon sa aklat na The Lustre of Our Country, “ang pag-uusig sa mga Saksi mula 1941 hanggang 1943 ang pinakamalalang pag-atake laban sa relihiyon sa ikadalawampung-siglong Amerika.”

Ang mga Saksi ay inatake ng mga mang-uumog at inaresto sa buong Estados Unidos, lakip na ang Cincinnati, Ohio, at ang kalapit na Indiana. Naglakbay si Victor Schmidt sa mga lugar na ito para ipagtanggol ang mga Saksi ni Jehova na ilegal na inaresto. Samantala, hindi lang tumutulong si Dorothy sa mga trabaho sa opisina ni Victor Schmidt kundi buong-tapang din niyang hinaharap ang banta ng pang-uumog habang nakikibahagi siya sa pangangaral.

Hindi malilimutan ni Dorothy ang mga pangyayaring umakay sa marahas na pang-uumog sa Connersville, Indiana. Labimpitong araw lang pagkalabas ng di-pabor na desisyon ng Supreme Court sa kasong Minersville School District v. Gobitis noong 1940 tungkol sa pagsaludo sa bandila, ipinaaresto ng sheriff sa Connersville ang anim na Saksi at kinasuhan sila ng diumano’y paglapastangan sa bandila dahil tumanggi silang sumaludo sa isang lapel pin ng bandila ng Amerika. Dito sa Connersville, ipinagtanggol ni Victor Schmidt at ni Hayden Covington, abogado ng mga Saksi ni Jehova mula noong 1939-1963, ang dalawang Saksi na nang maglaon ay may-kamaliang inakusahan din ng pakikipagsabuwatan.

Si Victor Schmidt

Matapos ang closing argument ni Mr. Covington, agad siyang umalis para sumakay ng eroplano papunta sa isa pang paglilitis sa Maine. Nagpaiwan naman sina Victor Schmidt at ang asawa niya para marinig ang hatol. Pagkatapos nito, inatake sila ng mga mang-uumog. Sina Victor, ang asawa niya, at ang iba pa ay pinagbubugbog pero nakatakas sila.

Sa isang interbyu kay Dorothy mga tatlong linggo bago siya mamatay, sinabi niya na 10 buwan pagkababa ng hatol, 75 Saksi ang ibinilanggo sa Connersville sa gayunding maling paratang ng pakikipagsabuwatan. Ayon kay Dorothy: “Marami kaming Saksi na inaresto noon, at nang panahong iyon, panahon ng Connersville, ang kasagsagan ng pag-uusig sa amin.”

Patuloy na ipinagtanggol nina Hayden Covington, Victor Schmidt, at ng iba pa ang kalayaang sibil ng mga Saksi ni Jehova. Nagtagumpay sina Covington at Schmidt na mabaligtad ang mga hatol na guilty sa Connersville, at tinulungan ni Covington si Schmidt sa iba pang kaso roon. Habang tumutulong si Dorothy sa tambalang iyon bilang legal assistant, naging magkaibigan sila ni Hayden. Ikinasal sila noong 1949.

Sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi

Sina Dorothy at Hayden Covington

Lumipat si Dorothy sa New York para tulungan si Hayden sa napakaraming trabaho nito sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Ginamit din niya ang kaniyang panahon sa pangangaral habang nagtatanggol naman si Hayden ng mga kaso sa korte. Kilalang-kilala si Covington bilang isa sa pinakamagagaling na abogado noong panahon niya, at walang-kapaguran siyang nagtrabaho sa daan-daang kasong may kinalaman sa kalayaang sibil ng mga Saksi ni Jehova. Mahigit 40 beses siyang nagtanggol ng mga kaso sa harap ng Supreme Court at mahigit 100 beses sa mga federal circuit court of appeals.

Sumama si Dorothy kay Hayden sa Supreme Court nang ipagtanggol nito ang mga kaso ng mga Saksi ni Jehova sa buong Estados Unidos. Sinabi niya: “Itinaguyod ni Hayden ang mga kalayaan na kung minsan ay ipinagwawalang-bahala natin. Sa palagay ko, napakagandang ginamit niya ang kaniyang buhay para tulungan ang mga nangangailangan—hindi lang sa Estados Unidos kundi sa iba pang lugar.”

Pamilya at Pangangaral

Noong 1959, sina Dorothy at Hayden ay nagkaanak ng isang babae, si Lynn, at pagkaraan ng tatlong taon, isang lalaki naman, si Lane. Nang maglaon, umalis sa New York ang mag-anak at bumalik sa Ohio noong 1972. Habang lumalaki ang mga bata, tinuruan sila ni Dorothy sa Bibliya at ginamit niya ang kaniyang buhay sa pangangaral.

Namatay si Hayden noong Nobyembre 21, 1978. Muling nagtrabaho si Dorothy bilang isang typesetter para sa iba’t ibang diyaryo, kasama na ang The Cincinnati Enquirer. Mabigat ang kaniyang trabaho sa Linotype machine, at itinuturing pa nga itong “trabahong panlalaki” dahil kasama rito ang paglalagay sa machine ng mga bara ng tingga na ginagamit para sa metal na tipo. Nang magretiro si Dorothy noong 1988, muli siyang nagboluntaryo nang buong panahon para turuan ang mga tao tungkol sa Bibliya. Nakilala siya sa kaniyang di-kumukupas na sigasig, malalim na kaalaman sa Bibliya, at pagsagot sa mga tanong gamit ang angkop na teksto mula sa Bibliya.

Naunang namatay kay Dorothy ang anak niyang si Lane. Naulila ni Dorothy ang anak niyang si Lynn Elfers; manugang na si Gary Elfers; dalawang apo; at nakababatang kapatid na si Ruth Sennett Naids.