MAYO 6, 2016
UNITED STATES
Ibinenta ng mga Saksi ni Jehova ang Kanilang Kauna-unahang Pag-aari sa Makasaysayang Brooklyn Heights
NEW YORK—Noong Martes, Abril 26, 2016, naging pinal ang pagbebenta ng mga Saksi ni Jehova ng kanilang pag-aari sa 124 Columbia Heights sa Brooklyn, New York. Ang mahigit 14,121 metro kuwadradong (152,000-square-foot) residential property, na may pamilyar na watchtower sa bubungan nito, ay nasa hilagang pasukan ng Brooklyn Heights Promenade. Ang property ay inianunsiyong ibinebenta noong Disyembre 2015, at pagkatapos ng masiglang bidding, napili ang isang buyer na ngayon pa lang nakabili ng property mula sa mga Saksi ni Jehova.
Mula 1856 hanggang 1881, ang orihinal na apat-na-palapag na gusali sa 124 Columbia Heights ay tahanan ni Henry Ward Beecher, kilaláng abolitionist (tagapagtaguyod ng pagpapalaya sa mga alipin) at pastor ng Plymouth Church. Iniulat ng The New York Times na makasaysayan ang gusaling ito at sinabing “pinaniniwalaan na sa bahay na ito dinalaw ni Presidente Lincoln si Mr. Beecher bago ang pagpirma sa Emancipation Proclamation.” Noong Mayo 1909, binili ng mga Saksi ang gusali at nang maglaon ay nabili rin nila ang katabing mga property. Ito ngayon ay bahagi ng isang sampung-palapag na gusali na nakasasakop sa buong bloke.
Sinabi ni Richard Devine, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova: “Para sa amin, ang 124 Columbia Heights ay isa sa makasaysayang mga gusali ng aming organisasyon. Mula pa noong 1909, ginagamit na itong tirahan ng mga tauhan ng aming pandaigdig na punong-tanggapan. Mula 1929 hanggang 1957, maliban sa apat na taon sa pagitan, nasa 124 Columbia Heights din ang dati naming istasyon ng radyo, ang WBBR, na nagsahimpapawid ng mga lektyur sa Bibliya at iba pang katulad na brodkast.”
Bagaman mahigit sandaang taon nang bahagi ng komunidad ng Brooklyn Heights ang mga Saksi, ang orihinal na punong-tanggapan ng kanilang legal na korporasyon, ang Watch Tower Bible and Tract Society, ay itinatag noong dekada ng 1880 sa Allegheny (ngayo’y bahagi ng Pittsburgh), Pennsylvania. Sinabi ni David A. Semonian, isang tagapagsalita sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi: “Noong 1909, kinailangan naming lumipat sa isang daungang lunsod gaya ng Brooklyn para mapalawak at mapabilis ang aming pambuong-daigdig na pagtuturo ng Bibliya.”
Ang pagbebenta ng 124 Columbia Heights ay isang hakbang patungo sa paglipat ng mga Saksi sa kanilang bagong punong-tanggapan, isang halos 50-acre na pasilidad sa Warwick, New York, na malapit nang matapos. Sinabi pa ni Mr. Semonian: “Kailangan namin ngayong lumipat sa isang bagong pasilidad sa hilaga na kami mismo ang nagdisenyo. Naging tahanan namin ang Brooklyn nang mahigit sandaang taon, at ang Warwick naman ang magiging tahanan namin sa isang bagong yugto sa aming kasaysayan.”
Media Contact:
David A. Semonian, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000