Pumunta sa nilalaman

MAYO 13, 2015
UNITED STATES

Mga Saksi ni Jehova Nagbukas ng American Sign Language Translation Office sa Florida

Mga Saksi ni Jehova Nagbukas ng American Sign Language Translation Office sa Florida

FORT LAUDERDALE, Fla.—Noong Nobyembre 14, 2014, sinimulang ilipat ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang American Sign Language (ASL) translation team sa Fort Lauderdale, Florida, mula sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York. Mula noong 1995, isinasalin ng mga Saksi ang Bibliya at ang kanilang mga publikasyong batay sa Bibliya tungo sa ASL mula sa kanilang pasilidad sa Patterson. Pero sa nakalipas na ilang buwan, ni-renovate ng mga Saksi ang property sa Fort Lauderdale at nilagyan ng mga bagong opisina at recording studio. Mula noong Mayo 2015, ginagamit na ng mga Saksi ang ASL translation office.

Ang mga ASL video ng mga Saksi ay makukuha online sa jw.org at sa DVD. Regular din nilang isinasama ang mga ito sa kanilang lingguhang pagtitipon na idinaraos sa mahigit 500 kongregasyon sa buong mundo, pati na sa malalaking pagtitipon—kasama na ang dalawang asamblea at isang panrehiyong kombensiyon taon-taon.

“Tunguhin namin na tiyaking ang aming mga video ay madaling maintindihan ng karamihan sa gumagamit ng ASL, anuman ang kanilang bansang pinagmulan o pinag-aralan,” ang sabi ni Jonathan Galvez, na nangangasiwa sa ASL translation team ng mga Saksi sa Florida. Sinabi pa niya: “May mga 45 bansang gumagamit ng ASL at, kung paanong ang mga wikang sinasalita ay may kani-kaniyang punto, ang mga taong bingi ay may iba’t ibang paraan ng pagsenyas depende sa kanilang lugar. Ngayong nasa Fort Lauderdale na ang aming opisina, ang aming mga tagapagsalin ay nasa isang lunsod kung saan nakakasalamuha nila ang mas marami at iba’t ibang lahi na gumagamit ng ASL.”

Noong 2014, si Frank Bechter, na may doctorate degree sa sociocultural and linguistic anthropology, ay dumalo sa isang ASL na panrehiyong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Richmond, Virginia, bilang bahagi ng kaniyang pagsasaliksik sa wika at antropolohiya may kinalaman sa wikang pasenyas at sa komunidad ng mga bingi. Sinabi ni Dr. Bechter: “Talagang kitang-kita sa okasyon sa Richmond ang dedikasyon ng inyong organisasyon para paghusayin ang pagsasalin at presentasyon ng ASL, partikular na dahil sa paulit-ulit ninyong paggamit ng mahuhusay na salin sa video ng mga teksto mula sa Bibliya. Nakita kong napakahusay ng pagkakagamit ng ASL sa mga iyon.” Sinabi pa niya: “Pinahahalagahan ko ang pagsisikap ng mga Saksi na maisalin ang Bibliya sa mahusay na paraan sa ASL, dahil napakahalaga ng dokumentong ito sa ating lipunan at sa kasaysayan ng mundo. At naniniwala ako na dapat malaman ng mga bingi, gaya rin ng iba, ang mahahalagang dokumento na humubog sa mundo.”

Ang mga translation team ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ay gumagawa at namamahagi ng mga video sa mga 80 wikang pasenyas nang walang bayad. Gumawa rin ang mga Saksi ni Jehova ng JW Library Sign Language app para ang mga user ay madaling makapag-download, mag-organize, at mag-play ng mga video sa sign language mula sa jw.org.

Media Contact:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000