Maikling Impormasyon—United States
Ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova ay nagsimula sa United States noong dekada ng 1870, nang bumuo ng isang klase para sa pag-aaral ng Bibliya si Charles Taze Russell at ang mga kasama niya. Nang sumunod na mga taon, naglathala sila ng mga literatura, bumuo ng isang korporasyon na nakilala bilang Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, at nagtatag ng kanilang unang punong-tanggapan sa Allegheny, Pennsylvania.
Malayang naisasagawa ng mga Saksi ni Jehova sa United States ang kanilang relihiyosong paniniwala. Pero dahil sa maling impormasyong natanggap ng ilang opisyal ng gobyerno at sa impluwensiya ng mga klero, matindi silang sinalansang noong unang mga taon ng ika-20 siglo. At noong mga dekada ’30 at ’40, nasangkot ang mga Saksi sa maraming legal na usapin. Inaresto ng mga pulis ang mga Saksi dahil sa kanilang pangangaral, ang mga anak ng Saksi ay pinatalsik sa mga paaralan sa buong bansa dahil sa hindi pagsaludo sa bandila, at libo-libong kabataang Saksi ang sinentensiyahan ng mga federal court na mabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo. Sa dakong huli, ang Supreme Court ng United States ay nagdesisyon pabor sa mga Saksi ni Jehova sa mga usaping ito.
Hanggang sa ngayon, 50 kaso na ang naipanalo ng mga Saksi sa Supreme Court. Naipanalo rin nila ang maraming kaso sa mga state at federal court sa buong bansa may kaugnayan sa karapatan ng pasyente, kustodiya sa anak, zoning, diskriminasyon sa trabaho, at pandarayuhan. Ang mga tagumpay na ito ay nakatulong hindi lang sa pagbuo ng konstitusyonal na batas at sa pagkakaroon ng kalayaan sa pagsasalita, pamamahayag, pagtitipon, at relihiyon sa United States kundi nagkaroon din ito ng positibong impluwensiya sa matataas na hukuman sa buong daigdig.