OKTUBRE 31, 2017
UNITED STATES
Video ng mga Saksi—Nakakatulong sa mga Magulang sa Pagharap sa Problemang Pangkalusugan ng Bansa: Pambu-bully
NEW YORK—Para sa mga magulang sa United States, ang pambu-bully ang numero unong problemang pangkalusugan para sa kanilang mga anak, ayon sa 2017 C.S. Mott Children’s Hospital National Poll on Children’s Health, isang surbey na isinagawa sa University of Michigan.
Isiniwalat ng website na stopbullying.gov, sa pangangasiwa ng U.S. Department of Health & Human Services, ang isang posibleng basehan ng pagkabahala ng mga magulang: Ayon sa maaasahang research, sinasabi ng mga 30% ng mga estudyante na na-bully na sila sa iskul.
Sinabi ni David A. Semonian, isang tagapagsalita para sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan sa New York: “Kinikilala namin na ang pambu-bully ay isang malaking banta sa mga bata. Bilang bahagi ng aming gawaing pagtuturo ng Bibliya, gumawa kami ng mga materyal na tumatalakay sa pambu-bully at iba pang mga hamon na napapaharap sa mga pamilya. Halos limang taon na ngayon, malaking tulong sa milyon-milyong pamilya sa buong daigdig ang aming whiteboard animated video na Talunin ang Bully Nang Hindi Nakikipag-away.”
Ang video, na wala pang apat na minuto ang haba, ay mapapanood sa opisyal na website ng mga Saksi, ang jw.org, sa mahigit 280 wika, pati na sa mahigit 30 sign language.
“Talagang nagustuhan ko ang ideya ng Talunin ang Bully Nang Hindi Nakikipag-away,” ang sabi ni Natalia Cárdenas Zuluaga, coordinator ng Child and Adolescent Mental Health graduate program sa CES University sa Colombia, “dahil, sa aming bansa, halimbawa, itinuturo kung minsan ng mga magulang sa kanilang mga anak na lutasin ang mga away sa pamamagitan ng karahasan. Sa palagay ko, ang video ay nagbibigay ng mabubuti’t praktikal na payo para sa mga kabataang binu-bully. Nagtuturo din ito ng mahalagang impormasyon tungkol sa pambu-bully: Na ang sinuman ay maaaring ma-bully dahil lang sa naiiba siya. Ang pagkaalam ng bagay na ito ay nakatutulong sa mga bata na maging mahinahon at magkaroon din ng pagtitiwala sa sarili.”
Sinabi ni Dr. Jun Sung Hong, adjunct assistant professor sa Sungkyunkwan University sa South Korea: “Dahil sa format nito na cartoon, ang video ay kapaki-pakinabang at kawili-wili rin, lalo na sa mga batang binu-bully. Naniniwala rin ako na mas malamang na matatandaan nila ang mensahe ng video dahil sa mga larawan ng cartoon.”
Isa pa, sinabi ni Dr. Shelley Hymel, kasamang tagapagtatag ng internasyonal na Bullying Research Network: “Sa palagay ko, maganda ang mensahe nito para sa mga bata at kaayon ito ng research na nalalaman ko. Magandang talakayin ito sa mga magulang o guro o adulto na gumagawang kasama ng mga bata at kabataan.”
Bilang konklusyon, sinabi ni Mr. Semonian: “Nababahala kami sa mga batang nabu-bully at umaasa kaming matutulungan sila ng mga payo sa aming video. Gaya ng inirerekomenda ng aming video, dapat ipakipag-usap ito ng mga kabataan sa isa na mapagkakatiwalaan nila, lalo na sa kanilang mga magulang o guro, na maaaring magbigay ng patnubay at suportang kailangan nila. Hindi kailangang haraping mag-isa ng sinuman ang pambu-bully.”
Media Contact:
David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000