ABRIL 21, 2021
VENEZUELA
2021 Memoryal—Venezuela
Sa Kabila ng mga Problema, Nakagawa ng Paraan ang mga Kapatid sa Venezuela Para Makadalo sa Memoryal at Maimbitahan ang Iba
Ang ating mga kapatid sa Venezuela ay patuloy na dumaranas ng maraming problema, gaya ng problema sa ekonomiya, krisis ng bayan, at COVID-19 pandemic. Pero nakahanap pa rin sila ng paraan para madaluhan ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo at maimbitahan ang iba.
Halimbawa, dalawang linggo bago ang Memoryal, nagkaroon ng barilan at labanan sa La Victoria, Apure State, malapit sa hangganan ng Colombia. Lahat ng mamamahayag sa kongregasyon doon ay kinailangang tumakas papuntang Colombia. Tinulungan sila ng mga kapatid sa Arauquita Congregation sa Colombia na maka-connect sa videoconference para sa Memoryal.
Isang kongregasyon sa Falcón State ay nasa lugar na mahirap maka-access sa telepono at Internet. Kaya pinakinggan ng 70 mamamahayag ang pahayag sa Memoryal gamit ang mga walkie-talkie, o two-way radio.
Sinabi ng isang sister: “Kahit hindi namin mayakap o makita ang isa’t isa, naririnig namin ang boses ng mga kapatid. Parang magkakasama na rin kaming lahat.”
Mga ilang araw bago ang Memoryal, pinagsikapan ng mga kongregasyon na imbitahan ang mga nakatira sa liblib na mga lugar ng bansa para makapakinig sa programa. Puwedeng mapakinggan ang pahayag sa Memoryal sa iba’t ibang paraan. Mahigit 3,000 imbitasyon ang ipinadala. Naging matagumpay ito. Halimbawa, sa baybaying bayan ng Araya, mahigit 100 tao ang nakinig sa pahayag ng Memoryal sa pamamagitan ng telepono.
Isinaayos din ng sangay sa Venezuela na i-broadcast ang pahayag sa Memoryal sa 82 istasyon sa radyo at siyam na channel sa TV. Di-bababa sa 8,000 kapatid at bisita ang nakadalo sa Memoryal sa ganitong paraan. Ang programa ay nai-broadcast sa mga katutubong wika gaya ng Guahibo, Pemon, Piaroa, Pumé, Warao, Wayuunaiki, at Yekuana.
Sa Guasipati, Bolívar State, ang pahayag sa Memoryal ay ibo-broadcast sa isang istasyon ng radyo sa ganap na 6:30 ng gabi. Pero madalas mawalan ng kuryente sa lugar na iyon. Kaya hindi mapapakinggan ng ilan ang buong pahayag ng Memoryal. Pero dahil sa teknikal na problema sa istasyon ng radyo, mahigit 10 beses na na-broadcast ang pahayag nang gabing iyon. Kaya puwedeng mapakinggan ang buong pahayag sa iba’t ibang oras. Ayon sa mga report, mahigit 600 katao ang nakapakinig sa pahayag. Isang brother ang nagsabi: “Gusto ni Jehova na mapakinggan ng lahat ang pahayag na ito!”
Sa kabila ng “iba’t ibang pagsubok,” ang mga kapatid natin ay “nagsasaya . . . nang husto” dahil nakikita nilang pinagpapala ni Jehova ang kanilang pagsisikap na ipagdiwang ang Memoryal at imbitahan ang iba.—1 Pedro 1:6, 7.