Pumunta sa nilalaman

Nananatiling malakas sa espirituwal ang mga kapatid sa Venezuela dahil sa patuloy na pagdalo sa espirituwal na mga pagtitipon at pangangaral.

NOBYEMBRE 5, 2018
VENEZUELA

Update sa Venezuela: Matibay na Pananampalataya sa Kabila ng Lumalalang Kalagayan

Update sa Venezuela: Matibay na Pananampalataya sa Kabila ng Lumalalang Kalagayan

Patuloy ang pagbagsak ng ekonomiya sa Venezuela at apektado ang ating mga kapatid. Linggo-linggo, nakakatanggap ng report ang tanggapang pansangay sa Venezuela tungkol sa mga mamamahayag na naging biktima ng krimen. Marami na ring Kingdom Hall doon ang nanakawan. Napakataas ng bilihin at kapos ang mga kapatid sa pagkain, gamot, at iba pang pangangailangan. Mula noong 2013, mahigit 20,000 mamamahayag na ang lumipat sa ibang bansa, kasama na ang Argentina, Brazil, Chile, Colombia, Ecuador, Italy, Peru, Portugal, Spain, at United States. a Sa kabila ng mahirap na kalagayang ito, ang mga 140,000 Saksi ni Jehova na nanatili sa Venezuela ay aktibo pa rin sa paglilingkod kay Jehova.

Tuloy-tuloy pa rin sa pag-oorganisa ang tanggapang pansangay sa Venezuela ng mga relief work sa bansa. Sa ngayon, 60 relief committee ang nagpapamahagi ng pagkain sa mga kapatid. Sa tulong ng sangay sa Brazil, ang sangay sa Venezuela ay nakapagpamahagi na ng daan-daang tonelada ng pagkain sa mahigit 64,000 mamamahayag sa 1,497 kongregasyon.

Patuloy rin ang sangay sa Venezuela sa paglalaan ng espirituwal na pangangailangan ng mga kapatid. Nitong nakaraang tag-araw sa Venezuela, 122 “Magpakalakas-Loob”! na Panrehiyong Kombensiyon ang idinaos sa bansa, at ang pinakahuli ay nagtapos noong Setyembre 2, 2018. Sinikap ng mga kapatid na makadalo kahit marami sa kanila ang kapos sa pera, at naging sulit iyon dahil talagang napatibay sila sa espirituwal.

Aktibo ang mga Saksi sa Venezuela sa paghahayag ng mensahe ng Bibliya para matulungan at mapatibay ang maraming tao. Sa ngayon, halos 200,000 Bible study ang idinaraos ng mga mamamahayag buwan-buwan. Nadagdagan din ang mga baguhang dumadalo sa pulong, at 7,259 ang nabautismuhan kamakailan.

Ipinapakita lang nito na pinalalakas ng banal na espiritu ng Diyos ang mga kapatid natin sa Venezuela. Dalangin nating patuloy silang magtiwala kay Jehova hanggang sa tapusin na ng kaniyang Kaharian ang lahat ng pagdurusa.—Kawikaan 3:5, 6.

Para sa higit pang impormasyon tungkol sa sitwasyon ngayon sa Venezuela, panoorin ang video na Venezuela—Pag-ibig at Pananampalataya sa Gitna ng Pagsubok.

a Sa gitna ng kahirapan, kaguluhan, at krisis sa politika, bawat mamamahayag ay kailangang magpasiya kung mananatili sila sa bansa o lilipat sila. Walang inirerekomenda ang organisasyon na dapat nilang gawin.—Galacia 6:5.