HUNYO 6, 2019
VENEZUELA
Update sa Venezuela: Patuloy ang Gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Kabila ng mga Hamon
Patuloy ang krisis sa ekonomiya at lipunan sa Venezuela. Mahirap sa kanila na makakuha ng pagkain, tubig, gasolina, at gamot dahil kulang ito at mahal. Madalas na walang kuryente, kaya mas lumala pa ang kakulangan sa pagkain dahil hindi ito mailagay sa refrigerator. Problema rin ang krimen.
Sa kabila ng mahirap na kalagayang iyon, masigasig pa rin sa ministeryo ang mahigit 136,500 mamamahayag sa Venezuela. Halimbawa, noong Enero 2019, kahit na nabawasan nang 7,000 ang bilang ng mamamahayag kung ihahambing sa nakaraang taon, nadagdagan naman nang 90,000 ang oras nila sa ministeryo. Noong Abril 2019, mahigit 195,600 ang Bible study nila. Naging mahigit 30,000 ang mga regular pioneer. Noong espesyal na kampanya para mag-anyaya sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, tumaas ang bilang ng mga auxiliary pioneer sa 20,400. Kaya halos 471,000 ang dumalo sa Memoryal—mahigit triple ng bilang ng mamamahayag. Isa pa, marami ang dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon, kasi patuloy na ipinapaalám ng mga kapatid natin ang mensahe ng Bibliya sa mga taong naghahanap ng maaasahang solusyon sa mga problema nila.
Patuloy na inoorganisa ng sangay sa Venezuela ang pagbibigay ng tulong sa ating mga kapatid para matanggap nila ang pagkaing kailangan nila. Buwan-buwan, sa tulong ng kalapít na mga sangay at saganang donasyon sa pambuong-daigdig na gawain, ang sangay sa Venezuela ay namamahagi ng daan-daang tonelada ng pagkain sa 75,000 mamamahayag sa 1,595 kongregasyon.
Maraming problema ang napapaharap sa ating mga kapatid sa Venezuela, pero napapatibay tayo na patuloy silang ‘nagbubunyi dahil kay Jehova at nagsasaya dahil sa Diyos na tagapagligtas nila.’—Habakuk 3:17, 18.