Pumunta sa nilalaman

ABRIL 14, 2023
ZIMBABWE

Dinadala ang “Liwanag” sa mga May Diperensiya sa Paningin sa Zimbabwe

Dinadala ang “Liwanag” sa mga May Diperensiya sa Paningin sa Zimbabwe

Maaga nang taóng ito, tumanggap ng mga liham ng pasasalamat ang tanggapang pansangay sa Zimbabwe mula sa Dorothy Duncan Centre for the Blind and Physically Handicapped at sa University of Zimbabwe. Nagpapasalamat sila sa ibinigay ng tanggapang pansangay na mga kopya ng Bagong Sanlibutang Salin at iba pang mga publikasyon sa braille na nakabase sa Bibliya. Ganito ang bahagi ng sulat ng University of Zimbabwe: “Makakatulong sa mga estudyante namin ang mga donasyon ninyo para magawa nila ang tama. Talagang tinutulungan ninyo ang mga tao at lubos kaming nagpapasalamat.”

Ang mag-asawang special pioneer na inatasan para tulungan ang mga bulag at may diperensiya sa paningin. Kaliwa: Si Brother Willard Mazarura at ang asawa niya, si Nyembezi. Kanan: Si Brother Thungulula Ncube at ang asawa niya, si Eunice

Ang pagbibigay ng mga literatura ay bahagi ng pagsisikap ng sangay na tulungan ang mahigit 10,000 bulag at may diperensiya sa paningin sa Zimbabwe. Noong 2017, nag-organisa ang sangay ng espesyal na kampanya para mangaral sa kanila. Nag-atas din ang sangay ng dalawang mag-asawang special pioneer para tulungan ang mga mamamahayag na mabisang makapangaral sa mga bulag. Dahil dito, 46 na Bible study ang napasimulan at tatlo ang nabautismuhan.

Kabilang sa mga nabautismuhan si Sister Mavies Chaya. Napatotohanan siya noong 2021 sa pamamagitan ng telepono. Bago nito, nagpatulong na si Mavies sa mga faith healer, pero nawalan siya ng pag-asa nang hindi nila siya mapagaling. Nang malaman niya ang pangako ng Bibliya na muling makakakita ang bulag sa bagong sanlibutan, muli siyang nagkaroon ng pag-asa. Nagpa-Bible study siya nang dalawang beses sa isang linggo at nabautismuhan noong Abril 2022.

Habang hinihintay natin ang panahong makakakita na ang mga bulag, masaya tayong makita kung paano binibigyan ngayon ni Jehova ng ‘liwanag at kaunawaan’ ang lahat ng humahanap sa kaniya.—Awit 119:130.