MAYO 22, 2024
ZIMBABWE
Ibinahagi ng mga Saksi ang Mabuting Balita sa mga Nagsasalita ng Chitonga (Zimbabwe) sa Isang Espesyal na Kampanya
Mula Abril 13 hanggang Abril 27, 2024, nakibahagi ang mga Saksi ni Jehova sa maraming lugar sa Zimbabwe sa kampanya ng pangangaral sa mga taong nagsasalita ng Chitonga (Zimbabwe). Marami sa halos 300,000 taga-Zimbabwe na nagsasalita ng Chitonga (Zimbabwe) ang nakatira sa mga probinsiya ng Binga District sa hilagang-kanluran ng bansa. Isang hamon na marating ang lahat ng nakatira sa mga lugar na ito kasi mayroon lang mga 300 Saksi na naglilingkod sa walong kongregasyong nagsasalita ng Chitonga (Zimbabwe).
Nagkaroon ng magandang resulta ang espesyal na kampanya. Sa isang kongregasyon, 77 interesado ang dumalo sa unang pulong noong weekend nang panahon ng kampanya. Noong sumunod na weekend, 126 na interesado ang dumalo. Sa kabuoan, mahigit 2,000 pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan.
Minsan, habang nangangaral, dinalaw ng ating mga brother ang isang bahay at binati sila ng isang babae kasama ang kaniyang mga anak. Sinabi ng mga kapatid kung puwede ba nilang makausap ang ulo ng pamilya. Nang dumating ang asawa ng babae, ipinakilala nito ang kaniyang sarili bilang ang pinuno ng nayon. Natuwa siya na iginalang siya ng mga brother kasi gusto nilang siya muna ang unang makausap. Masaya nitong ipinakita ang kopya niya ng Bibliya sa Chitonga (Zimbabwe), at ipinakita ng mga brother kung paano ginagawa ang pag-aaral sa Bibliya. Nagsaayos sila na ipagpatuloy ang pag-aaral niya ng Bibliya. Pinayagan din ng lalaki ang mga brother na mangaral sa iba pang bahay na sakop niya.
Nakilala ng dalawang brother na nangangaral sa isang bayan ang isang lalaki na nagpakilala na isang Saksi ni Jehova. Sinabi niya na napangaralan ng mga Saksi ang tatay niya noong 1993. Nagsimulang mag-aral ng Bibliya ang tatay niya pero nahinto ito nang lumipat ang pamilya nila nang ilang beses. Kinabukasan, talagang gustong makilala ng dalawang brother ang tatay ng lalaki, kaya naglakad ang dalawang brother nang isa at kalahating oras para madalaw ang pamilya sa kanilang bahay. Tuwang-tuwa ang tatay na makita ang mga brother at sinabi niyang nanalangin silang mag-asawa nang umagang iyon na dumating sana ang mga Saksi. Nagpa-Bible study ang buong pamilya at dumalo silang lahat sa midweek meeting. Nakapagsama pa nga sila ng isang kapitbahay.
Nakilala ng sister na si Alicia ang isang may-edad nang babae na pumayag dumalo sa pulong. Nang sunduin siya ni Alicia, naghihintay na ang babae at nakapagsama siya ng isang kaibigan. Pagkatapos ng pulong, sinabi ng may-edad na babae: “Talagang nasa gitna ninyo ang Diyos. Dahil sa pag-ibig at kabaitan na ipinakita ninyo sa akin, gusto kong sumama ulit sa inyo.”
Natutuwa kami sa magagandang resulta ng kampanyang ito kasama ng ating mga kapatid sa Zimbabwe. Ipinapaalala nito sa atin na marami pang tao ang makikinig sa mabuting balita habang masikap nating ‘inihahasik ang binhi’ sa buong mundo.—Eclesiastes 11:6.