OKTUBRE 3, 2023
ZIMBABWE
Ika-75 Anibersaryo ng Tanggapang Pansangay sa Zimbabwe
Setyembre 2023 ang ika-75 anibersaryo ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Zimbabwe. Sa kasalukuyan, ang sangay ay nasa Harare, kabisera ng Zimbabwe.
Nang unang mangaral ang mga Saksi ni Jehova sa Zimbabwe, ang tanggapang pansangay sa South Africa ang nag-oorganisa ng mga gawain ng kongregasyon doon. Noong 1932, nagpadala ng apat na payunir ang sangay sa South Africa para mangaral sa Zimbabwe, na kilalá noon bilang Southern Rhodesia. Marami ang tumanggap agad sa katotohanan.
Noong Nobyembre 1940, dahil sa nasyonalismo at pagsuporta ng mga tao sa digmaan, ipinagbawal ang pagpasok sa bansa at pamamahagi ng ating mga publikasyon. Maraming kapatid ang ibinilanggo nang mga panahong iyon dahil sa pananatili nilang neutral. Pero patuloy na nangaral nang maingat ang ating mga kapatid, at maganda ang naging resulta. Inalis ang pagbabawal makalipas ang anim na taon. Di-nagtagal, dumami nang mahigit triple ang bilang ng mamamahayag sa bansa at naging 3,500.
Para masuportahan ang dumaraming mamamahayag, itinatag ang isang tanggapang pansangay noong Setyembre 1, 1948, sa Bulawayo, ang ikalawang pinakamalaking lunsod ng Zimbabwe. Inatasan si Brother Eric Cooke bilang ang unang lingkod ng sangay. Nang maglaon, inatasan sina George at Ruby Bradley, Phyllis Kite, at Myrtle Taylor—mga misyonerong sinanay sa Gilead—sa sangay sa Zimbabwe.
Nang sumunod na mga dekada, patuloy na dumami ang mga mamamahayag sa Zimbabwe. Kaya kinailangan ng karagdagang mga pasilidad sa sangay.
Ang kasalukuyang pasilidad ay itinayo sa Harare at inialay noong Disyembre 1998. Pinangangasiwaan ng tanggapang pansangay ang gawaing pagsasalin sa pitong wika at pinangangalagaan ang mahigit 964 na kongregasyon sa teritoryo. Mahigit 46,000 kapatid ang aktibong nangangaral ng mabuting balita sa bansa, at 120,702 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong 2023.
Masaya tayong makita ang tuloy-tuloy na pagdami ng mga lingkod ni Jehova sa Zimbabwe. Katibayan ito na ang “mga mata at puso [ni Jehova] ay nananatili” sa mga tapat sa kaniya.—2 Cronica 7:16.