Pumunta sa nilalaman

ABRIL 22, 2019
ZIMBABWE

Inilabas ng mga Saksi ni Jehova ang Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Wikang Shona

Inilabas ng mga Saksi ni Jehova ang Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Wikang Shona

Noong Marso 17, 2019, inilabas ni Brother Kenneth Cook, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nirebisang edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Shona. Ginanap ito sa isang espesyal na miting sa Harare Assembly Hall sa Zimbabwe. Inabot nang tatlong taon ang pagsasalin sa Bibliyang ito.

Halos 2,500 kapatid ang dumalo sa Assembly Hall para sa paglalabas ng Bibliyang ito. May karagdagan pang 43,000 nanood ng programa mula sa 295 Kingdom Hall at 4 na Assembly Hall. Ganito ang sinabi ng isang brother: “Excited na akong gamitin ang nirebisang Bibliya sa bahay-bahay. Simple ang ginamit na mga salita at masarap itong basahin. Salamat kay Jehova sa regalong ito.”

Ang 38,000 mamamahayag na mula sa mga kongregasyong nagsasalita ng wikang Shona ay makikinabang sa edisyong ito. Matutulungan sila nito na makapangaral sa mahigit 9,000,000 indibidwal—halos 80 porsiyento ng populasyon ng Zimbabwe—na nagsasalita ng wikang iyon.

Ang bawat inilalabas na Bibliya ay patunay na pinagpapala ni Jehova ang pagsasalin na ginagawa sa buong mundo. Masaya kami na lalo pang dumarami ang makakabasa ng Salita ni Jehova sa sarili nilang wika.—Gawa 2:8.