Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 24, 2023
ZIMBABWE

Pampublikong Pagpapatotoo sa 2023 Zimbabwe Agricultural Show

Pampublikong Pagpapatotoo sa 2023 Zimbabwe Agricultural Show

Nagkaroon ng Zimbabwe Agricultural Show sa Harare, Zimbabwe, mula Agosto 28 hanggang Setyembre 2, 2023. Mahigit 500 ang exhibitor mula sa iba’t ibang bansa, at mahigit 250,000 ang nagpunta. Naglagay doon ang mga kapatid ng booth ng mga literatura sa English, Ndebele (Zimbabwe), at Shona. Lahat-lahat, halos 6,300 publikasyon ang naipamahagi ng 79 na kapatid, at 116 ang humiling ng Bible study.

Lumapit sa booth ang teenager na lalaking si Tamuka. Napansin niya ang mga aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1 at 2. Nang malaman niya na nag-aalok ng libreng interactive na Bible study ang mga Saksi ni Jehova, nagtanong siya, “Paano ginagawa y’ong Bible study?” Pagkatapos ipakita kay Tamuka ang ginagawang Bible study gamit ang aklat na Masayang Buhay Magpakailanman, humiling siya ng pag-aaral. Ipinagpatuloy ng isang brother sa lugar nila ang pagba-Bible study sa kaniya.

Isa pang lalaki ang lumapit sa booth at nagsabi na hanga siya sa kapakumbabaan ng mga Saksi at sa paraan nila ng pangangaral. Binasa sa kaniya ng isang brother sa booth ang Mateo 28:19, 20 at sinabi na napakahalaga sa mga Saksi ni Jehova na sundin ang utos na iyon ni Jesus. Sinabi ng lalaki na sana ay mayroon din siyang ganoong lakas ng loob. Inalok siya ng brother ng Bible study, at tinanggap niya ito.

Napansin ng isang babae sa exhibit ang kabaitan at magandang paggawi ng mga Saksi ni Jehova. Sinabi ng mga brother na nakatulong sa kanila ang pag-aaral ng Salita ng Diyos at pagsasabuhay ng natututuhan nila. Pagkatapos, ipinakita sa kaniya ng isang sister sa booth kung paano ginagawa ang Bible study gamit ang brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman. Humanga ang babae sa marami nating publikasyon na iba-iba ang paksa—may pampamilya at pangkabataan—at libre ang lahat ng iyon. Pagkatapos tumanggap ng isang Bibliya at ilang literatura, pumayag siyang magpa-Bible study. Sabi niya, “Ito ang pinakamagandang regalong natanggap ko!”

Nakapagpatotoo rin nang di-pormal ang mga kapatid sa panahon ng exhibit. Nakipag-usap ang isang brother sa isang babaeng nagbabantay rin ng booth. Makalipas ang ilang oras, kinausap ulit ng brother ang babae at inalukan ng isang Bibliya at ilang literatura. Masaya itong tinanggap ng babae at sinabing dati pa talaga niya gustong magkaroon ng Bibliya. Pagkatapos, ibinigay ng babae ang contact number niya para madalaw siya ng isang sister.

Sinabi naman ng sister na si Ranganai ang naramdaman niya pagkatapos makibahagi sa exhibit: “Nitong nakaraang taon, hiráp akong lubusang makibahagi sa ministeryo dahil sa kalusugan ko. Pero natutuhan kong magpokus sa mga pagpapala, hindi sa mga problema. At isa sa mga pagpapalang iyon ang makasuporta sa gawaing ito. Napatibay talaga ’ko nito.”

Masaya tayo sa mga karanasang ito, at proud tayong maglingkod kasama ng mga kapatid nating ito sa Zimbabwe bilang “mga kamanggagawa ng Diyos.”​—1 Corinto 3:9.