NOBYEMBRE 18, 2022
ZIMBABWE
Pinanigan ng Mataas na Hukuman ng Zimbabwe ang mga Saksi ni Jehova sa Kanilang Karapatang Sumamba
Noong Setyembre 29, 2022, nagdesisyon ang Mataas na Hukuman ng Zimbabwe sa Mutare pabor sa kaso nina Brother Tobias Gabaza, Wonder Muposheri, at Jabulani Sithole. Dumanas sila ng diskriminasyon dahil sa pagtangging makibahagi sa isang relihiyosong seremonya na labag sa kanilang budhi.
Noong Oktubre 2020, ipinatawag ang tatlong brother sa isang hukuman na pinangangasiwaan ng pinuno ng nayon matapos igiit ng isang opisyal na kailangang makibahagi ng mga kapatid sa isang seremonya sa nayon. Ang seremonya ay may kaugnayan sa pagsusumamo sa espiritu ng mga patay para magpadala ng ulan, at inaasahang makibahagi ang lahat ng tagaroon. Nagdesisyon ang mga kapatid batay sa kanilang budhi na sinanay sa Bibliya na huwag makibahagi sa seremonya.
Nagpasiya ang pinuno ng nayon na hindi tama ang ginawa ng mga kapatid at pinilit silang makibahagi. Umapela ang mga kapatid sa Magistrate Court sa Chipinge.
Noong Enero 5, 2021, nagdesisyon ang Magistrate Court pabor sa mga kapatid. Pero hindi sinunod ng mga opisyal ng nayon ang desisyon ng korte at patuloy silang ginipit. Nagalit din ang iba pang tagaroon at iniwasan sila.
Dahil patuloy ang diskriminasyon sa mga kapatid, umapela sila sa Mataas na Korte. Kinilala ng Korte na nilabag ng mga opisyal ng nayon ang karapatan ng mga kapatid. Iniutos din nito sa mga opisyal ng nayon na huwag nilang gipitin ang mga kapatid na makibahagi sa anumang gawain na labag sa kanilang budhi at bayaran sila ng danyos.
Naniniwala tayo na makakatulong ang desisyong ito sa mga kapatid sa Zimbabwe, kasi sinusunod pa rin hanggang ngayon ang mga seremonyang ito sa buong bansa. Nagpapasalamat tayo kay Jehova sa magandang resultang ito.—Kawikaan 2:8.