Pumunta sa nilalaman

AGOSTO 10, 2015
ZIMBABWE

Mga Saksi sa Zimbabwe—Host sa 2015 “Tularan si Jesus!” na Kombensiyon Isang Taon Matapos ang Makasaysayang Internasyonal na Pagtitipon

Mga Saksi sa Zimbabwe—Host sa 2015 “Tularan si Jesus!” na Kombensiyon Isang Taon Matapos ang Makasaysayang Internasyonal na Pagtitipon

HARARE, Zimbabwe—Sisimulan ng mga Saksi ni Jehova sa Zimbabwe ang 2015 “Tularan si Jesus!” na Panrehiyong Kombensiyon sa Biyernes, Hulyo 31. Ang tatlong-araw na kombensiyong ito ay nakaiskedyul sa mahigit 12 magkakasunod na linggo hanggang kalagitnaan ng Oktubre.

Si Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, habang nagbibigay ng isang pahayag sa Bibliya noong 2014 internasyonal na kombensiyon sa Zimbabwe. Napagigitnaan siya ng dalawang Saksing tagaroon para sabay na mag-interpret.

“Malaki ang inaasahan sa kombensiyong ito,” ang sabi ni John Hunguka, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Zimbabwe, “dahil sa tagumpay ng ating 2014 internasyonal na kombensiyon sa Harare, na isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa bansang ito.” Iniulat ng NewsDay, isang kilaláng pahayagan sa Zimbabwe, na ang internasyonal na kombensiyong iyon “ang pinakamalaking relihiyosong pagtitipon” sa bansa at ibinilang ang mga Saksi ni Jehova na isa sa “pangunahing laman ng mga balita na naging usap-usapan” noong 2014.

Mahigit 82,000 ang dumalo sa huling araw ng kombensiyong iyon sa National Sports Stadium sa Harare. Sa isang interbyu kay John Jubber, kinatawan ng tanggapang pansangay ng mga Saksi sa Zimbabwe, sinabi niya: “Mayroon kaming 3,500 delegado mula sa Brazil, Germany, United States, Zambia, at Kenya.”

Malaki ang naging epekto ng kombensiyong iyon sa rehiyon. Sa katunayan, ang Minister ng Tourism and Hospitality Industry ng Zimbabwe na si Walter Mzembi ay pumunta mismo sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi sa New York para magpasalamat dahil Zimbabwe ang pinili nilang pagdausan ng internasyonal na kombensiyon. Sa isang eksklusibong video interview, sinabi ni Mr. Mzembi: “Ang dala kong mensahe mula sa mga ordinaryong mamamayan ng Zimbabwe ay, ‘Bakit hindi tayo magkaroon linggo-linggo sa Harare ng pangglobong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova?’ . . . Ipinaaabot ng aming presidente ang kaniyang pasasalamat at pagnanais na makita kayong muli para ipagpatuloy ang inyong gawain sa ikasusulong ng aming bansa pagdating sa pananampalataya.”

Sa taóng ito, ang mga Saksi sa Zimbabwe ay magho-host ng 39 na “Tularan si Jesus!” na Panrehiyong Kombensiyon sa iba’t ibang lokasyon, kabilang na ang Zimbabwe International Trade Fair Grounds. Ang programa ay ihaharap sa kabuoan o bahagi nito sa wikang Chinese (Mandarin), Chitonga (Zimbabwe), English, Ndebele (Zimbabwe), Shona, Swahili, at Zimbabwe Sign Language. Ang eksaktong mga petsa at lokasyon ng mga kombensiyon sa Zimbabwe ay makikita sa jw.org/tl, opisyal na website ng mga Saksi.

Media Contacts:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Zimbabwe: John Hunguka, tel. +263 4 2910591