Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Curaçao

Curaçao

Curaçao

Kilala ang mga isla ng Aruba, Bonaire, at Curaçao bilang ang mga islang ABC. Malayo sa baybayin ng Venezuela, may angking kagandahan ang mga ito. Hindi man taglay ng mga ito ang mayabong na kagandahan ng ibang islang Caribbean, ngunit taglay nito ang kariktan ng disyerto, ang mahiwagang mga anino sa gabi, at ang maliwanag at magkakaibang kulay sa araw.

Dahil madalang ang patak ng ulan, ang gahiganteng mga kaktus​—na ang pinakasikat sa mga ito ay ang kadushi—​ay saganang tumutubo rito, anupat nangingibabaw sa tanawin. Sagana rin sa punong divi-divi, na makikilala dahil sa nakakiling na kakatwang taluktok nito. Tulad ng tahimik na mga bantayan, naaaninaw ang maitim na pigura ng nakatayong kabahayan ng plantasyon sa harapan ng bughaw na kalangitan, mga alaala ng nagdaang panahon ng kolonyalismo. Ang mga kambing ay pagala-gala sa kabukiran at nagpapanakbuhan sa mga lansangan.

Ipinagmamalaki ng Aruba at Bonaire ang isang maunlad na industriya ng turismo, samantalang umaasa naman ang Curaçao sa kita mula sa negosyo ng pagdadalisay ng langis at pagmimina nito buhat sa dagat. Makikita sa bawat isla ang isang plantang nag-aalis ng asin, na nagdadalisay ng tubig-dagat, anupat naglalaan kapuwa ng tubig na maiinom at ng singaw para sa elektrisidad.

Ang mga isla, na ngayon ay may populasyong wala pang 250,000, ay natuklasan ng mga Kastila noong ika-15 siglo. Nang maglaon, nanakop ang mga Olandes, at bagaman ang mga isla ay hinawakan ng mga Pranses at ng mga Ingles sa loob ng maikling panahon, naibalik ang mga ito sa mga Olandes noong 1815. Mula noong 1954, ang pederasyon ng Netherlands Antilles, na sa simula ay binubuo ng mga islang ABC at tatlo sa Leeward Islands, ang siyang namamahala sa sarili nito may kinalaman sa mga gawaing panloob ng pamahalaan. Gayunman, noong 1986, ang Aruba ay pinagkalooban ng status aparte, o hiwalay na katayuan.

Kultura at Wika

Sa ilalim ng pamahalaang Olandes, tinatamasa sa mga isla ang pagpaparaya sa relihiyon. Karamihan sa mga naninirahan ay mga Romano Katoliko, bagaman may malalaking grupo ng mga Protestante. Mayroon ding isang matatag na komunidad ng mga Judio sa Curaçao. Ang mga tao mula sa 40 hanggang 50 bansa ay mapayapang namumuhay sa isang lipunang binubuo ng iba’t ibang lahi. Bagaman iisang wika ang ginagamit ng mga taong ito, nananatili sa bawat isla ang angking katangian nito. Sa ganitong lipunan na may sari-saring lahi nagkaugat at patuloy na yumayabong ang katotohanan sa Bibliya.

Ang mga tao’y nakapagsasalita ng maraming wika at malamang na makalimot kung anong wika ang sinasalita nila, yamang normal na ang pagpapalit-palit ng wika habang nagsasalita. Bagaman Olandes ang opisyal na wika at ang Ingles at Kastila ay karaniwang ginagamit sa larangan ng negosyo, Papiamento naman ang katutubong wika. Isang teoriya ang nagsasabi na ang Papiamento ay nabuo sa mga Isla ng Cape Verde sa Kanlurang Aprika bago ang ika-17 siglo. Ginamit ng mga Portuges ang mga islang iyon bilang base sa pandarambong sa Aprika, at upang makapag-usap ang mga Aprikano at mga Portuges, nagkaroon ng isang bagong wikang Creole ​—isang kombinasyon ng mga wikang Aprikano at ng Portuges. Ang gayong wika na nagpapangyaring makapag-usap ang mga tao na may iba’t ibang wika ay tinatawag na lingua franca. Nang maglaon, ang mga alipin na dinala sa mga isla ang nagpasimuno sa paggamit ng wikang ito. Sa paglipas ng mga taon, ang wika ay naimpluwensiyahan ng Olandes, Kastila, Ingles, at Pranses. Ang nabuong Papiamento ay kombinasyon ng lahat ng mga ito.

Sa diwa, ang lingua franca na binuo ng mga alipin at ipinakilala sa mga isla ay isang paraan upang maalis ang hadlang sa pakikipagtalastasan at pagkaisahin sila. Gayunman, isa pang lingua franca ang ginamit. Iyon ang isa na binabanggit sa Zefanias 3:9, na nagsasabi: “Kung magkagayon ay ibibigay ko sa mga bayan ang pagbabago tungo sa isang dalisay na wika, upang silang lahat ay tumawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.” Ang “dalisay na wika” na ito ay hindi lamang nagbuklod sa ilang tagaisla​—anupat nagpangyaring mapagtagumpayan nila ang pagkakaiba ng lipunan, lahi, at kung minsan ay ng bansa​—kundi nagbuklod din sa kanila sa pambuong-daigdig na samahan ng mga Saksi ni Jehova. Kaya bagaman may nakabukod na mga kongregasyon sa wikang Papiamento, Ingles, Kastila, at Olandes, ang lingua franca ng katotohanan sa Bibliya ay umaakay sa mga kapatid tungo sa isang mahigpit na buklod ng pag-ibig.

Pagsibol ng Katotohanan

Hindi tiyak kung paano naitanim sa mga isla ang unang mga binhi ng katotohanan. Halos hindi nahahalata, unti-unting suminag ang liwanag ng katotohanan, anupat nahawi ang kadilimang bumabalot sa mga isla, na naging moog ng Romanong Katolisismo sa loob ng mahabang panahon. Noong mga huling taon ng dekada 1920 at noong mga taon ng 1930, nangaral dito ang ilang tao. Gayundin, ang mga binhi ng katotohanan ay di-sinasadyang naihasik ng isang tagapaglako na nagbebenta ng mga relihiyosong aklat, yamang kabilang sa kaniyang mga aklat ang mga publikasyon ng organisasyon ng Diyos. Ang dalawang anak na babae ng tagapaglako, sina Pearl at Ruby ay gumawang kasama niya at naging mga Saksi ni Jehova pagkaraan ng mga taon. Kapuwa sila nananatiling tapat hanggang sa ngayon.

Noong 1940, si Brother Brown, isang taga-Trinidad na nagtatrabaho sa isang dalisayan ng langis, ang nagsagawa ng unang bautismo sa Curaçao​—yaong sa limang tao na kaniyang inaralan. Kabilang sa kanila sina Martin at Wilhelmina Naarendorp at si Eduard van Marl, pawang galing sa Suriname.

Nagugunita pa ni Anita Libretto, anak ng mga Naarendorp: “Noong 1940, anim na taóng gulang pa lamang ako. Natatandaan ko na nakikipag-aral ang aking mga magulang sa isang kapatid na nagsasalita ng Ingles. Olandes lamang ang alam nilang salita at hindi nila gaanong maintindihan ang Ingles, pero nagsikap sila nang husto at nabautismuhan pagkaraan ng anim na buwan. Sa aming bahay ginaganap ang mga pulong, ngunit hindi kasinghusay ang pagkakaorganisa na gaya ngayon. Iyon ay mga pag-aaral sa gabi na umaabot hanggang sa hatinggabi, habang pinagsisikapan ng aking mga magulang na maunawaan ang mga aklat na nakasulat sa Ingles.” Kadalasa’y Ingles ang ginagamit sa pangangaral, yamang hindi bihasa sa Papiamento ang maliit na grupo at walang literaturang makukuha sa wikang iyon.

Sa pangkalahatan, ang mga tao roon ay hindi nasanay na bumasa ng Bibliya dahil ipinagbabawal iyon ng Simbahang Katoliko. Karaniwan nang kinukumpiska ng mga pari ang anumang Bibliya na nasusumpungan nila. Sa simula, ang mga kapatid ay sinusundan-sundan ng isa sa kanila, na magpapapadyak at sisigaw: “Iwan ninyo ang aking mga tupa!”

Mga Binhing Inihasik sa Aruba at Bonaire

Noong 1943, dinalaw ni John Hypolite, na dating isang Sabadista, at ni Martin Naarendorp ang Aruba at ginugol ang kanilang bakasyon sa paghahayag ng mabuting balita. Sa abot ng aming nalalaman, sila ang unang nangaral doon ng mabuting balita. Pagbalik nila sa Curaçao, sumulat si Brother Hypolite sa punong-tanggapan sa Brooklyn para humingi ng tulong sa larangan. Nagpadala ng mga misyonero pagkaraan ng tatlong taon, ngunit nakalulungkot, namatay siya bago sila dumating. Gayunman, nasunod na ng malakas-ang-loob na mga kapatid na taga-Curaçao, tulad ni John Hypolite, ang payo sa Eclesiastes 11:6 at sila’y saganang nakapaghasik ng binhi, na nagkaugat at sumibol nang dakong huli.

Noong 1944, dumating sa Aruba sina Edmund Cummings ng Grenada at Woodworth Mills ng Trinidad. Nagtrabaho sila sa dalisayan ng langis sa San Nicolas. Matatagpuan sa silangang dulo ng isla, ang bayan ng San Nicolas ay punô ng mga nandarayuhan mula sa lahat ng panig ng West Indies upang magtrabaho sa dalisayan ng langis. Palibhasa’y isang masiglang tagapagpahayag sa madla, malaking pampasigla ang nagawa ni Brother Mills sa pangangaral ng mabuting balita. Noong Marso 8, 1946, sinimulan nina Brother Mills at Cummings ang unang kongregasyon sa Ingles sa San Nicolas. Ang kongregasyon ay may 11 mamamahayag, at si Brother Mills ang lingkod ng kompanya (kongregasyon).

Naganap ang unang bautismo noong Hunyo 9, 1946. Kabilang sa apat na nabautismuhan sina Timothy J. Campbell at Wilfred Rogers, at sa pagtatapos ng 1946, dumoble ang bilang ng mga mamamahayag. Nang maglaon, umugnay sa kongregasyon ang mga nandarayuhang Saksi​—ang mga Buitenman, De Freitas, Campbell, Scott, Potter, Myer, Titre, Faustin, at iba pa.

Naging matagumpay si Brother Mills sa di-pormal na pagpapatotoo, at maganda ang naging tugon ng isa sa kaniyang mga kasamahan, isang istenograpo na nagngangalang Oris. Siya’y nabautismuhan noong Enero 1947. Hindi lamang nagkaroon si Brother Mills ng isang kapatid, nakasumpong din siya ng isang kasintahang babae, sapagkat sila ni Oris ay ikinasal nang bandang huli. Naanyayahan silang mag-aral sa ika-27 klase ng Gilead noong 1956 at pagkatapos ay inatasan sila sa Nigeria.

Bago ang 1950, ang kalakhang bahagi ng pangangaral sa Aruba ay isinasagawa sa San Nicolas, yamang karamihan ng mga tao roon ay nagsasalita ng Ingles at ang mga kapatid naman ay hindi gaanong marunong magsalita ng Papiamento. Hanggang noon, wala pang taga-Aruba ang tumatanggap sa katotohanan. Sinulsulan ng walang-humpay na pananalansang mula sa Simbahang Katoliko ang karaniwan nang palakaibigang mga taga-Aruba laban sa mga Saksi at ito ang nagpabagal sa pagsulong. Noon, pangkaraniwan na para sa isang Saksi ang tugisin ng isang galít na may-bahay na may hawak na matsete. Kung minsan, ang mga kapatid ay sinasabuyan ng mainit na tubig o ipinahahabol sa aso. May mga pagkakataon naman na ang mga kapatid ay inaanyayahan ng mga may-bahay sa loob ng tahanan at pagkatapos ay lumalabas at iniiwan silang nakaupo roon. Sa mga isla, isang pang-iinsulto ang hindi pag-asikaso sa mga bisita.

Ganito ang naalaala ni Edwina Stroop, isang payunir sa Aruba: “Tinatakot ng mga pari ang mga tao sa pagsasabi sa kanila na sila’y kanilang isusumpa kapag iniwan nila ang simbahan.” Gayunpaman, hindi nito napatamlay ang sigasig ng mga kapatid, na ang pag-ibig kay Jehova at sa kanilang kapuwa ang siyang nagtulak sa kanila na magtiyaga.

Ang mga binhi ng ilang halaman sa disyerto ay hindi tumutubo sa loob ng mga dekada hanggang sa pangyarihin ng sapat na patak ng ulan na sumibol ang mga ito at sa dakong huli ay mamukadkad ang magagandang bulaklak. Katulad ito ng kaso ni Jacobo Reina, opisyal ng adwana sa Bonaire. Nakatanggap siya ng isang kopya ng aklat na Creation noong 1928. Bagaman isinilang sa isang pamilyang Katoliko Romano, sinuri niya ang mga relihiyong Protestante ngunit hindi siya kailanman nasiyahan. Nang mabasa ang Creation, nakilala niya ang taginting ng katotohanan. Nakatala sa aklat ang titulo ng iba pang mga aklat na inilathala ng mga lingkod ni Jehova, ngunit hindi nakakuha ng mga ito si Jacobo. Pagkaraan pa ng 19 na taon, samantalang binibisita ang kaniyang ate sa Curaçao noong 1947, nakilala niya ang isang misyonera na nagdaraos ng pag-aaral sa kaniyang kapatid. Tinanong niya ang misyonera kung mayroon ito ng mga aklat na binabanggit sa listahang itinago niya sa kaniyang pitaka sa loob ng mga taóng iyon. Kinuha niya ang lahat ng literatura na nasa kaniyang bag, di-kukulangin sa 7 pinabalatang aklat at 13 buklet, at sumuskribe ng mga magasing Bantayan at Gumising! Matagal nang napukaw ang kaniyang gana sa espirituwal na mga bagay bago ito natugunan sa wakas. Oo, ang mga binhi ng katotohanan na di-tumutubo sa loob ng napakaraming taon ay matutubigan na ngayon upang ito ay lumago.

Dumating sa Curaçao ang mga Unang Misyonero

Noong Mayo 16, 1946, si Thomas Russell Yeatts at ang kaniyang kabiyak na si Hazel, mga nagtapos sa ikaanim na klase ng Gilead, ay dumating sa Curaçao, isang teritoryo na bahagya pa lamang napangangaralan. Napakalaki ang naging tulong ni Brother Yeatts sa gawain sa mga isla, anupat nanatili siya sa kaniyang atas sa loob ng mahigit na 50 taon hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1999. Maliban sa pagkabalam sa isang maikling yugto ng panahon, siya ang nangasiwa sa sangay mula noong 1950 hanggang 1994. Isang taong mahilig magpatawa, laging positibo, at di-natitinag ang pananampalataya, nagkapribilehiyo siya na makita ang malaking pagsulong ng gawaing pangangaral ng Kaharian.

Palibhasa’y isang matapat na alalay sa kaniyang asawa, si Hazel ay nananatiling tapat sa kaniyang atas hanggang ngayon at isang pampatibay sa lahat. Natatandaan pa niya nang sila’y dumating sa paliparan at malugod na sinalubong nina Brother Naarendorp at Van Marl kasama si Clement Fleming, isang interesado.

Siyanga pala, si Clement ay nakatanggap ng aklat na Children, binasa ito, at nakumbinsi na natagpuan na niya ang katotohanan. Nang siya’y bata pa, umalis siya sa Simbahang Katoliko Romano dahil hindi siya sang-ayon sa marami sa mga turo nito. Nang maglaon, nagsimula siyang makisama sa mga Saksi, kaya naroroon siya upang salubungin ang mga unang misyonero. Noong Hulyo 1946, binautismuhan siya ng bagong misyonerong si Russell Yeatts. Si Brother Fleming ay isa pa ring mamamahayag ng Kaharian at nagsasabing: “Sa edad na 93, hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa na mapabilang sa mga makaliligtas nang buháy sa Armagedon patungo sa bagong sistema.” Tunay na isang kahanga-hangang halimbawa ng pananampalataya at pagbabata!

Ganito ang sabi ni Sister Yeatts: “Inihatid kami mula sa paliparan tungo sa isang apartment na may dalawang silid na nasa itaas ng isang tindahan na nagbebenta ng mga buntot ng baboy at mga daing na isda. Walang muwebles at banyo sa apartment, kaya kinailangan naming maligo sa ibaba sa loob ng sumunod na anim na buwan hanggang sa makakita kami ng mas mabuting tirahan.” Bagaman madalas na magkasakit ng disintirya si Hazel, sila ni Russell ay hindi nasiraan ng loob. Makalipas ang ilang taon, sumulat si Brother Yeatts: “Nagiging kawili-wili ang buhay, lalo na para sa mga ministro ni Jehova, hindi dahil sa mga kalagayan, hindi dahil sa tanawin, ni dahil sa wika man, kundi dahil sa mga tao. At nariyan sila sa bawat atas.”

Habang nag-aaral ng katutubong wika, ang Papiamento, ang malalakas-ang-loob na mga misyonerong ito ay magtuturo ng dalisay na wika, ang lingua franca ng katotohanan, sa mga tao ng Curaçao. Isa sa kanila si Camilio Girigoria, ang una sa mga tagaroon na nabautismuhan, noong 1950. Palibhasa’y nagtatrabaho sa dalisayan ng langis, natagpuan niya ang katotohanan sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa iba’t ibang kapatid, kasali na si Henricus Hassell, isang masugid na tagapaghayag ng mabuting balita. Si Camilio, na ngayo’y 78 anyos na, ay isang matanda at nakatulong na sa 24 na tao hanggang sa punto ng pag-aalay. Noong 1946, inorganisa ng mga misyonero ang unang kongregasyon sa wikang Ingles sa Curaçao, ngunit noon lamang 1954 nasimulan ang unang kongregasyon sa wikang Papiamento.

Patuloy na Nasaksihan ng Aruba ang Liwanag ng Katotohanan

Noong Hulyo 1949, sina Henry at Alice Tweed, mga taga-Canada ng ika-12 klase ng Gilead, ay nagpunta sa Aruba, kung saan sila gaganap ng isang mahalagang bahagi sa pagtuturo ng dalisay na wika. Si Henry ay isang matangkad at payat na tao at kilala sa kaniyang mabait at mahinahong disposisyon; si Alice naman, sa kaniyang bilis ng isip at di-naglalahong sigasig sa paglilingkod. Sila lamang ang tanging mga misyonero na nanirahan at nangaral sa lahat ng tatlong isla at buong-pagmamahal na naaalaala kahit pagkaraan ng ilang dekada dahil sa kanilang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili at sigasig.

Noong 1950, sina William Yeatts (pinsan ni Russell) at ang kaniyang asawang si Mary, ay nagtapos sa ika-14 na klase ng Gilead at inatasan sa Curaçao. Noong 1953, nagpunta sila sa Aruba. Pagkaraan ng halos 50 taon, naroon pa rin sila sa kanilang atas​—mahuhusay na halimbawa ng pananampalataya at pagbabata. Sa paglakad ng panahon, nakilala si Mary sa kaniyang di-pangkaraniwang sigasig sa ministeryo. Siya ay laging nasa unahan ng gawaing pagpapatotoo, samantalang si Bill naman ay nagtuon ng pansin sa pagsasalin ng mga publikasyon sa Bibliya. Bago dumating sina Bill at Mary, ang dalawang kongregasyon sa Ingles ay hindi gaanong umunlad sa mga tagaroon. Matiyaga at sistematikong sinimulan nina Bill at Mary ang paghahasik ng mga binhi ng katotohanan sa mga taga-Aruba na nagsasalita ng Papiamento. Unti-unting ginantimpalaan ang kanilang mga pagsisikap. Natatandaan pa ni Bill: “Nagsimula kaming magdaos ng mga Pag-aaral sa Bantayan sa ilalim ng malaking puno ng kwihi sa bakuran ng tahanan ng mga misyonero. Kung minsan, umaabot sa 100 ang dumadalo. Naging upuan namin ang mga bangkô na itinapon na ng simbahang Katoliko.” Ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay ginanap noong 1954, at pagkatapos nito, isang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ang inorganisa sa wikang Papiamento.

Unang Taga-Aruba na Natuto ng Katotohanan sa Bibliya

Bilang isang kabataan, kung minsan ay naglalasing si Gabriel Henriquez sa mga dulo ng sanlinggo, kaya hindi siya makapagtrabaho sa dalisayan ng langis pagdating ng umaga ng Lunes. Nais ng kaniyang amo na baguhin nito ang kaniyang istilo ng pamumuhay, at bagaman siya’y isang ateista, binigyan niya si Gabriel ng regalong suskrisyon sa Gumising!, na nagtitiwalang makatutulong ito sa kaniya. Sa dakong huli, nakilala ni Gabriel ang mga Tweed, na nakikipag-aral ng Bibliya sa kaniyang biyenang lalaki. Yamang ang aklat na ginagamit sa pag-aaral ay sa wikang Kastila, si Gabriel ang nagsasalin para sa kaniya. Di-nagtagal, lumago ang sariling interes ni Gabriel, kaya noong 1953, sinimulan nina Bill at Mary Yeatts na makipag-aral sa kaniya. Sabi ni Gabriel: “Sa wakas, masasagot na ang lahat ng aking katanungan.” Noong 1954, inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova at naging unang taga-Aruba na nabautismuhan.

Ang unang kongregasyon sa wikang Papiamento, na binubuo ng 16 na mamamahayag, ay inorganisa noong 1956, at sa pagtatapos ng 1957 taon ng paglilingkod, 26 na mamamahayag ang nag-uulat. Minsang mabuksan ang mga mata ng mga taga-Aruba sa mga huwad na turo ng “Babilonyang Dakila” at mawala ang kanilang pagkatakot sa tao, sila’y nagiging mangingibig ng katotohanan at masisigasig na tagapaghayag ng mabuting balita. (Apoc. 17:5) Isa sa mga gayong tao si Daniel Webb. Siya at ang kabiyak niyang si Ninita, na sa simula’y sumasalansang, ay tumanggap sa katotohanan, at kapuwa sila naging masugid na mamamahayag ng Kaharian. Susundan kaya ng iba ang kanilang halimbawa?

Tulad ni Daniel, marami pa ang natuto ng katotohanan at hinayaang hubugin nito ang kanilang buhay at niyaong sa kanilang pamilya. Si Pedro Rasmijn ay isa sa gayong tao na nagsimulang mag-aral. Pag-uwi sa tahanan isang araw, natuklasan ni Pedro na sinira ng kaniyang inang si Maria, isang debotong Katoliko, ang kaniyang mga araling aklat. Palibhasa’y hindi pa nagtataglay ng bagong personalidad, gumanti siya sa pamamagitan ng pagbasag sa mga imahen ng kaniyang ina. Dahil sa nagalit sa ginawa ni Pedro, si Maria ay nagreklamo sa isang pari, na nagsabing si Pedro ay tama sa pag-aakalang walang halaga ang mga imahen! Ngayo’y galit na galit, itinaboy niya ang pari at nagpasiyang suriin ang Bibliya. Bunga nito, si Maria at ang kaniyang asawang si Genaro ay nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova. Sila at ang kanilang 11 anak, 26 na apo, at isang apo sa tuhod​—40 katao lahat-lahat—​ay pawang naglilingkod kay Jehova!

Si Daniel van der Linde naman, manugang ni Maria, ay nabautismuhan sa kabila ng pagtatakwil sa kaniya ng kaniyang mga magulang. Bagaman pinalayas sa kanilang tahanan at sinuntok ng isang paring Katoliko, nagtiyaga si Daniel, na nagtitiwalang taglay niya ang katotohanan. Sa kabila ng pagsalansang na ito, itinuturing ni Daniel na siya’y pinagpala, yamang ginamit siya ni Jehova upang tulungan ang marami na makaalam ng katotohanan sa Bibliya. Ang kaniyang anak na si Prisquela, at ang asawa nito na si Manuel, ay mga commuter Bethelite na naglilingkod sa Departamento sa Pagsasalin sa tanggapang pansangay sa Curaçao. Isa pang manugang, si Tony, ang nagpakita rin ng malaking pananampalataya kay Jehova at sa Kaniyang mga pangako na alalayan tayo, sapagkat nagkasakit siya at kinailangang sumailalim sa limang operasyon. Sabi ni Tony: “Nawalan na ng pag-asa sa akin ang mga doktor, pero patuloy akong humingi ng lakas kay Jehova. Nakita ng mga kapatid ko sa laman, na sa paanuman ay nagtakwil na sa akin, na ako’y may libu-libong kapatid sa espirituwal sa buong daigdig.”​—Marcos 10:29, 30.

Pagsulong sa mga Isla

Noong 1965, kinailangang lisanin ni Albert Suhr, nagtapos sa ika-20 klase ng Gilead, ang Curaçao dahil sa di-mabuting kalusugan, ngunit nag-iwan siya ng mahusay na “mga liham ng rekomendasyon.” (2 Cor. 3:1, 2) Ang isa sa kanila, si Olive Rogers, ay naging isang regular pioneer noong Setyembre 1951. Si Olive ay dating nakikisama nang hindi kasal sa isang lalaki sa loob ng 17 taon. Subalit nang matutuhan niya ang matataas na pamantayan ni Jehova, iniwan niya ang lalaki, na pagkaraa’y nag-alok na pakakasalan siya. Tumanggi siya, nagpabautismo, at nagpayunir, na ipinagpatuloy niya sa loob ng halos 40 taon hanggang sa magkasakit siya. Si Sister Rogers ay makikita sa lahat ng lugar habang masaya niyang sinusuyod ang teritoryo. Ngayon, maraming kuwento ang mga tao na pumupuri sa kapatid na ito. Ang kaniyang di-malulupig na espiritu at determinasyon ay nagpangyari sa kaniya na makatulong sa maraming tao, pati na sa malalaking pamilya, na mag-alay ng kanilang buhay kay Jehova.

Sa ngayon, maraming masisipag na pamilya ang naglilingkod kay Jehova sa Antilles at Aruba. Ang malalaking pamilya tulad ng mga Martha, Croes, Dijkhoff, Rasmijn, Liket, Faustin, Ostiana, at mga Roemer, ang siyang bumubuo sa pundasyon ng mga kongregasyon at tumutulong nang malaki sa katatagan ng mga ito.

Sinimulang turuan ni Jehova ang palakaibigang si Eugene Richardson sa edad na 15. Bagaman hindi siya pormal na inaralan sa Bibliya, naging matatag ang pagsulong niya sa pamamagitan ng pagdalo sa lahat ng pulong at nabautismuhan siya sa edad na 17. Noong 1956, hinirang siya bilang isang regular pioneer at napaharap sa itinuturing niyang isang malaking problema​—ang kawalan ng masasakyan. Ganito ang sabi niya: “Ang teritoryong iniatas sa akin ay 20 kilometro ang layo mula sa aming tahanan, kaya upang malutas ang problema ng kawalan ng masasakyan, ipinagpalit ko ang aking piyano sa isang bisikleta. Nangilabot ang aking pamilya sa ginawa kong ito, at pagkaraan ng 40 taon, pinag-uusapan pa rin nila ito. Gayunman, para sa akin iyon ay napakapraktikal. Lalo na pagkaraan ng apat na buwan mula noon, ako’y hinirang na maglingkod bilang isang special pioneer sa di-pa-naiaatas na teritoryo ng Banda Abao.”

Pagbubukas ng Bagong Teritoryo

Ang lalawigan ng Banda Abao, na doo’y kilala bilang ang kunuku, ay matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Curaçao at sumasaklaw sa halos kalahati ng isla. Ito’y binubuo ng maburol na lupain at medyo mas luntian kaysa sa natitirang bahagi ng isla. Ang magkakalayong bahay ay parang mga tuldok sa malawak na tanawin, kaya malaking panahon ang kailangan para magawa ang teritoryong ito. Isa pang masigasig na payunir, si Clinton Williams, ang sumama kay Eugene, at magkasama nilang sinimulan ang pagbubukas sa bagong teritoryong ito. Ganito ang nagugunita ni Eugene: “Hindi ito maalwang teritoryo, kung ihahambing sa ibang bahagi ng isla. Ang mga tao ay totoong palakaibigan at talagang masarap kausapin, pero kadalasa’y hanggang doon na lamang. Gayunpaman, gumawa kami roon sa loob ng dalawang taon at nagkaroon ng magagandang karanasan. Sa unang buwan, nakilala ko ang isang lalaki na nagsabing kung mapatutunayan ko na ang Kaharian ng Diyos ay naitatag noong 1914, siya ay magiging Saksi. At naging Saksi nga siya, pati na ang kaniyang asawa at mga anak. Nang maglaon, nakausap ko ang isang babae na nagsabing lubhang interesado sa Bibliya ang kaniyang pamangkin na lalaki. Nang gabi ring iyon bumalik ako at nagpatotoo sa kaniya. Ang pangalan niya ay Ciro Heide.”

Si Ciro, na isang palakaibigang tao, ang nagkuwento buhat sa kaniyang pangmalas: “Ako’y napakadebotong Katoliko at kabisadung-kabisado ko ang katesismo kaya naituturo ko ito sa paaralan. Pero may isang bagay na laging lumilito sa akin. Hindi ko maintindihan kung bakit kapag hindi ka nakapagsimba, ikaw ay magkakaroon ng mortal na kasalanan at mapapasaimpiyerno kung hindi ka agad mangungumpisal. Isang araw, isang kabataang lalaki na sakay ng bisikleta ang dumating sa aming bahay at nakipag-usap sa aking tiyahin tungkol sa Bibliya. Palibhasa’y batid ang interes ko sa relihiyon, inanyayahan niya ang kabataan na bumalik kapag nasa bahay na ako. Sabik akong makilala siya, dahil inaakala ko na mas marami akong alam sa kaniya kung tungkol sa relihiyon. Nang gabi ring iyon, dumating si Eugene sa amin. Hindi ako makaimik nang ipakita niya sa akin na ang Kredo ng mga Apostol, na dinadasal ko araw-araw, ay bumabanggit na si Jesus ay napasaimpiyerno. Dahil sa inuusal ko lamang ito nang hindi na pinag-iisipan pa ang tungkol dito, hindi ko naunawaan ang kahulugan nito. Ang ikinahanga ko sa lahat ay ang bagay na ginamit ni Eugene ang Bibliya upang ipaliwanag ang lahat, samantalang hindi man lamang ako makapagbuklat ng kahit isang kasulatan. Mula noon, lubhang nagbago ang aking buhay, sapagkat agad kong sinimulang mag-aral.” Si Ciro ay nabautismuhan nang dakong huli sa kabila ng pagsalansang ng kaniyang asawa. Sa wakas, dahil sa kaniyang mabuting halimbawa, ang kaniyang asawa ay nag-alay na rin ng kaniyang buhay kay Jehova. Sila’y naglilingkod kay Jehova nang buong-katapatan sa loob ng 30 taon, at si Ciro ay 25 taon nang naglilingkod bilang isang matanda.

Si Eugene ay dumalo sa Paaralang Gilead noong 1958 at muling inatasan sa Banda Abao, kung saan problema pa rin ang masasakyan. Ganito ang inilahad niya: “Kapag nakikibahagi sa paglilingkod sa larangan, kung minsan ay mayroon kaming isang grupo ng 13 kapatid at iisang kotse​—ang sa akin. Nangangahulugan ito ng dalawang biyahe na 30 kilometro ang bawat isa. Ihahatid ko ang unang grupo sa teritoryo at agad na babalikan ang ikalawang grupo. Sa bandang hapon, gayundin ang gagawin ko upang maihatid pauwi ang mga kapatid. Ngunit ginugugol namin ang maghapon sa paglilingkuran. Nakakapagod iyon, pero ano ngang sayá namin!” Nagkapribilehiyo rin si Eugene na maglingkod sa gawaing paglalakbay sa loob ng ilang taon.

Mga Pagbabago sa Kunuku

Noong 1959, ipinagpatuloy ni Clinton Williams, na noo’y nagtapos na rin sa Paaralang Gilead, ang gawain sa kunuku. Nang maglaon ay pinakasalan niya si Eugenie, isang masigasig na payunir na dahil sa kaniyang kabaitan ay napamahal sa marami. Noong 1970, isang kongregasyon na may 17 mamamahayag ang nabuo sa nayon ng Zorgvliet bij Jan Kok, at ang mga pulong ay idinaraos sa tahanan ng pamilyang Pieters Kwiers. Nagpagal nang husto ang mga special pioneer na si Juana Pieters Kwiers at ang anak niya na si Esther, kasama ang mga pamilyang Minguel at Koeiman, upang patibayin ang kongregasyon. Pagsapit ng 1985, ang kongregasyon ay mayroon nang 76 na mamamahayag na ang dumadalo sa pulong ay 125. Nang taon ding iyon, pag-ibig ang nagpakilos sa mga kapatid mula sa Estados Unidos upang magboluntaryong magtayo ng isang Kingdom Hall sa Pannekoek, at ginawa namang tahanan ng mga misyonero ang dating Kingdom Hall. Sa loob lamang ng dalawang taon, ang bilang ng mamamahayag ay umabot sa 142, kaya noong 1987, binuo ang Kongregasyon ng Tera Corá.

Lagi nang isang suliranin ang paghahanap ng matutuluyan para sa mga payunir, at nagugunita pa ni Eugene na kinailangang kumpunihin ang isang di-ginagamit na bahay na dating okupado ng mga kambing. Gumugol siya ng mga sanlinggo sa pagsisikap na alisin ang kanilang “pabango.” Itinuturing na isang masarap na pagkain sa lugar na iyon ang karne ng kambing. Sa loob ng ilang taon, kapag naghahanda ng pagkain sa mga asamblea, kambing ang karaniwang iniluluto, at sarap na sarap ang mga kapatid habang kinakain sa tanghalian ang isang malasang putahe ng karne ng kambing. Ngunit kung minsan, sira na ang karne, anupat marami ang napapadalas ng pagpunta sa palikuran.

Gustung-gustong ikuwento ni Russell Yeatts ang istorya ng isang kambing na nagngangalang Mimi. Minsa’y kinain nito ang tatlong Bibliya, ilang aklat-awitan, iba pang aklat, at maraming magasin. Ganito ang sabi ng may-ari nito na si Rita Matthews: “Marami na siyang nakain sa aming mga literatura kung kaya tinawag namin siyang ang banal na kambing.” Si Mimi ay ipinagbili.

Itinataguyod ng mga Asamblea ang Espiritu ng Pag-ibig at Pagkakaisa

Sa paglakad ng mga taon, naging isang suliranin ang paghanap ng angkop na mga dako para sa pagpupulong​—lalo na para sa mga asamblea. Inorganisa ni Max Garey, ng ikalimang klase ng Gilead, ang pagtatayo ng unang Kingdom Hall na pag-aari ng mga kapatid sa Buena Vista, Curaçao. Buong-pusong ginamit ng mga kapatid ang kanilang sarili sa pagtatayo ng bulwagang ito at sila’y tuwang-tuwa nang ito’y matapos. Noong 1961, ang ikalawang kongregasyon sa Papiamento sa Curaçao ay binuo at nagtipon sa magandang bagong bulwagan, kasama bilang lingkod ng kongregasyon si Victor Manuel, na ngayo’y halos 50 taon nang mamamahayag ng mabuting balita. Si Nathan H. Knorr, mula sa Brooklyn Bethel, ang nag-alay ng bulwagang ito noong Marso 28, 1962.

Noong mga taon ng 1970, pinatag ang lupa na malapit sa bulwagan sa Buena Vista, sinimento ang sahig, at itinayo ang isang plataporma. Ito ay ginamit para sa mga kombensiyon at mga asamblea sa loob ng maraming taon, at yamang madalang na umulan sa Curaçao, sa labas ginaganap ang mga pagtitipon, na walang gaanong mga problema. Subalit kung minsan ay nagugulat ang mga kapatid sa biglang pagbuhos ng ulan anupat nababasa ang kanilang mga damit at mga aklat ngunit hindi sila kailanman nasiraan ng loob. Basta nagbubukas na lamang sila ng payong at patuloy na magbibigay ng matamang pansin sa programa. Noon, dalawang wika ang ginagamit sa mga pagtitipong ito, na ang ilang pahayag ay ibinibigay sa Ingles at isinasalin at ang iba naman ay binubuod sa Papiamento. Salitan ang pagdaraos ng mga pandistritong kombensiyon sa Aruba at Curaçao, at ang ilan sa mga delegado ay sumasakay sa inarkilang eroplano patungo sa islang pagdarausan ng kombensiyon, samantalang ang iba naman ay sumasakay sa barko. Minsan, nagkasakit sa dagat ang isang malaking grupo ng mga kombensiyonista na naglakbay sakay ng barkong Niagara. Sa kabila ng ganitong paghihirap, matindi pa rin ang kanilang pananabik para sa dumarating na espirituwal na piging.

Natatandaan pa ni Ingrid Selassa, na noo’y 16 anyos, nang magbenta ng isang baboy ang kaniyang lola para may magastos sa paglalakbay. Ang mga delegado ay tumuloy sa tahanan ng mga kapatid at natulog pa nga sa sahig. Nabuo ang matitibay na pagkakaibigan at namayani ang masayang espiritu ng pag-ibig at pagkakaisa. Noong 1959, naganap ang unang kombensiyon sa Papiamento sa bahay sa plantasyon ng Santa Cruz sa Banda Abao. Nagbalik-tanaw si Ingrid: “Naglulan kami sa bus ng mga pagkain, teheras, at mga kagamitan at saka kami tumulak patungo sa kombensiyon. Ang programa ay isang espirituwal na piging, at sa gabi ay naglalaro kami ng mga Bible game at umaawit ng mga awiting Pangkaharian sa silong ng langit. Hindi ko malilimutan ang tatlong araw na ginugol doon, kung saan tunay na nadama namin na kami’y bahagi ng isang kapatiran.” Itinaguyod din ang espiritu ng pag-ibig at pagkakaisa sa gitna ng mga kapatid ng nakapagpapatibay-ng-pananampalataya na mga internasyonal na pagtitipon, gaya ng “Kapayapaan sa Lupa” na Pang-Internasyonal na Asamblea noong 1969.

Mga Bagong Assembly Hall

Sa paglipas ng mga taon, naging maliit na ang lugar sa Buena Vista, ngunit dahil sa saganang abuloy mula sa mga kongregasyon, ang mga kapatid ay nakabili ng isang gusali sa dalisayan ng langis. Nasa distrito ng Schelpwijk, ang gusaling ito ay binago, at doon idinaos ang mga pansirkitong asamblea at pandistritong kombensiyon sa loob ng maraming taon. Kamakailan, nakuha ng tanggapang pansangay ang pagsang-ayon na gibain ang gusaling ito at magtayo ng isang dobleng Kingdom Hall na magagamit din bilang isang Assembly Hall na may upuan para sa 720 tao​—isang paglalaan na ikinatutuwa ng mga kapatid.

Bago ang 1968, sa mga inarkilang bulwagan idinaraos ang mga asamblea sa Aruba, ngunit habang nagaganap ang paglawak, kinailangan ang isang permanenteng Assembly Hall. Dahil dito, ipinasiya na magtayo ng isang Kingdom Hall na sapat ang laki upang magamit para sa mga asamblea. Noong 1968, sa pamamagitan ng pagpapagal at pagsasakripisyo-sa-sarili, nakapagtayo ang mga kapatid doon ng isang magandang bulwagan na magagamit sa pagpuri kay Jehova. Habang itinatayo ang bulwagan, natakpan ng isang bahagi ng matataas na halamang kaktus ang proyekto ng konstruksiyon mula sa mga dumaraan. Isang linggo bago ang unang asamblea, ipinag-utos ng gobyerno na putulin ang mga kaktus na iyon. Aba, ang bulwagan ay lumitaw sa magdamag lamang​—o waring gayon nga! Ang akala ng mga tagaroon ay isang himala iyon, anupat marami ang naniniwalang naitayo nga ang bulwagan sa loob lamang ng magdamag. Ngunit ang kababalaghang iyon ay sa hinaharap pa sa anyo ng mga bulwagang mabilis na naitayo.

Nabubuo Na ang Gawain sa Bonaire

Noong 1949, si Joshua Steelman, isang pantanging kinatawan ng punong-tanggapan sa Brooklyn, ay dumalaw sa Bonaire, kung saan aktibong nangangaral si Jacobo Reina at si Matthijs Bernabela, isang magsasaka. Hindi pa sila bautisado noon. Isinaayos ang unang pahayag pangmadla sa Bonaire. Mga 100 katao ang dumating, ngunit 30 lamang ang pumasok sa bulwagan. Ang 70 ay pinapunta roon ng paring Katoliko upang guluhin ang pulong. Minsa’y nagunita ni Russell Yeatts: “Umulan ng bato sa bubungang yero katulad ng mga graniso sa Ehipto. Nagsindi ng mga paputok, at kinalampag ng mga tao ang mga timba.” Nabigo ang pagsisikap na ito, sapagkat naikalat at nagkaugat ang mga binhi ng katotohanan. Nang sumunod na taon, sina Jacobo at Matthijs, ang mga unang Saksi sa Bonaire, ay nabautismuhan sa Curaçao.

Noong 1951, inorganisa nina Russell at Bill Yeatts ang mga pulong sa tahanan ni Brother Bernabela, at noong 1952, si Clinton Williams ay inatasan sa Bonaire upang itatag ang bagong kongregasyon sa isang inuupahang bulwagan sa Kralendijk. Sa paggawa nito, nagalit sa kaniya ang paring Katoliko, na nagtangkang ipatapon siya. Sinubukan ng pari na hikayatin ang isa sa mga inaaralan ni Brother Williams sa Bibliya na akusahan ito ng pagtatangkang molestiyahin siya, ngunit tumanggi ang babae. Palibhasa’y nabigo, tinawag niya si Brother Williams na isang wara-wara, isang ibong mandaragit na masusumpungan sa mga isla, anupat inakusahan ito ng pang-aagaw ng kaniyang tupa. Ngunit taglay ang espiritu ni Jehova, patuloy na pinalakas ni Brother Williams ang bagong kongregasyon hanggang sa siya’y muling atasan sa Curaçao. Noong 1954 ginanap ang unang pansirkitong asamblea, at mula noon, ang mga asamblea at mga kombensiyon ay gumanap ng mahalagang papel sa espirituwal na buhay ng mga kapatid sa Bonaire. Dumagsa rin ang mga tao upang panoorin ang mga pelikulang ginawa ng mga Saksi ni Jehova, na pumukaw ng interes, ngunit maliit na pagsulong lamang ang nakita hanggang sa ipadala noong 1969 ang dalawang special pioneer, si Petra Selassa at ang kaniyang anak na si Ingrid.

Nang dumating sina Petra at Ingrid, wala silang kotse; subalit nakubrehan nila ang halos buong isla sa pamamagitan ng paglalakad. Marami sa kanilang mga estudyante ang nabautismuhan nang dakong huli. Ang lahat ng pulong ay pinangasiwaan ng dalawang sister na ito nang nakaupo at may lambong sa ulo. Minsan sa isang buwan, sumasakay ng eroplano patungo roon ang isang kapatid na lalaki mula sa Curaçao upang gumawang kasama nila at magbigay ng isang pahayag pangmadla. Nang maglaon, nang kinailangang lumisan si Petra, sumama kay Ingrid ang isa pang special pioneer, si Claudette Tezoida, at patuloy nilang tinulungan ang mga tao na matutuhan ang katotohanan sa Bibliya.

Nasumpungan ng Maybahay ng Isang Pulitiko ang Sakdal na Pamahalaan

Kabilang sa mga natuto ng dalisay na wika ang maybahay ng isang prominenteng pulitiko. Si Caridad Abraham, na buong-giliw na tinatawag ng lahat na Da, ay maybahay ng isang ministro sa pamahalaan ng Bonaire. Aktibo rin sa pulitika ang kaniyang dalawang anak na lalaki at manugang na lalaki. Si Da mismo ay masigasig na nangampanya para sa kaniyang asawa at kilaláng-kilalá at iginagalang. Isang ministrong Protestante na ninong ng isa sa kaniyang mga anak ay nagsabi sa kaniya na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naniniwala kay Jesu-Kristo. Yamang ang lalaking iyon ay kapuwa kaibigan niya at isang ministro, naniwala siya sa maling sinabi nito.

Pagkamatay ng kaniyang asawa, si Da ay lumipat sa Netherlands, at doon siya nagimbal nang makita sa telebisyon ang dalawang ministrong Protestante na hayagang umaamin sa kanilang pagiging homoseksuwal. Palibhasa’y nadismaya sa relihiyon, huminto na siya sa pagsisimba. Nang dakong huli ay pumayag siyang mag-aral ng Bibliya, naging isang Saksi, at bumalik sa Bonaire. Ganito ang sabi ni Da: “Tunay ngang kamangha-mangha ang katotohanan anupat kinailangan kong bumalik at ibahagi iyon sa aking mga kababayan.” Ngayon, sa halip na itaguyod ang isang pamahalaan ng tao bilang solusyon sa mga suliranin ng Bonaire, sinimulan niyang mangaral tungkol sa tunay at permanenteng solusyon​—ang Kaharian ng Diyos sa mga kamay ni Jesu-Kristo. Sa paniniwalang dumating siya upang mangampanya para sa kaniyang anak na lalaki, pinatutuloy siya ng mga tao sa kanilang tahanan at sila’y nagtataka sa kaniyang mensahe. Gayunman, dahil si Da ay kilaláng-kilalá, marami na ayaw makinig sa ibang Saksi ang nagsimulang magbigay-pansin sa mensahe ng Kaharian.

Nagkaroon ng Literatura sa Lokal na Wika

Mas mabilis na masasaling ng katotohanan ang puso kung mababasa ng mga tao ang mga publikasyon sa Bibliya sa kanilang sariling wika. Ngunit nang dumating ang mga unang misyonero, walang literatura sa Bibliya sa wikang Papiamento. Ang mga pulong ay pinangangasiwaan sa pinaghalong wikang Ingles at Papiamento, na ginagamit ang mga publikasyong Ingles, Kastila, at Olandes, kung kaya kinailangan ng mga kapatid na magsikap nang husto para maunawaan ang katotohanan. Kaya naman, totoong may pangangailangan para sa mga isinaling publikasyon. Gayunman, limitado ang talasalitaan sa Papiamento, walang diksyunaryo, at hindi mapagkasunduan kung paano dapat isulat ang Papiamento. Pagkaraan ng mga taon, ganito ang isinulat ni Bill Yeatts, isang beteranong tagapagsalin: “Sa paglalathala ng mensahe ng Kaharian, kinailangan naming sabihin at isulat ang mga bagay na hindi pa kailanman nabigkas o naisulat sa Papiamento. Isang hamon na magtatag ng mga susunding pamantayan.” Talaga ngang mahirap itong gawin! Noong 1948, isinalin ng mga kapatid ang unang buklet, The Joy of All the People. Noong 1959 nakumpleto ang salin ng “Hayaang Ang Diyos Ang Maging Tapat.” Sinundan ito ng pagsasalin ng iba pang pinabalatang mga aklat pati na ng regular na pagsasalin ng Toren di Vigilancia, gaya ng tawag sa Ang Bantayan sa Papiamento at Spierta, o Gumising! Unti-unti, nagsimulang lumuwag ang mahigpit na pagkakahawak ng simbahan sa mga tagaroon habang binabasa at nauunawaan nila ang katotohanan ng Salita ng Diyos sa kanilang sariling wika.

Ang pagsasalin ay nakaapekto rin sa pag-awit sa mga pulong. Kapag umaawit ang mga taga-Antilles, ginagawa nila iyon nang masigla at malakas. Subalit noong una, ang kasiglahang ito ay medyo napipigil dahil sa ang mga aklat-awitan ay nasa wikang Kastila. Ngunit noong 1986, nang tanggapin ng mga kapatid ang mga aklat-awitan sa Papiamento, umaalingawngaw sa mga bulwagan ang mga tinig na malalakas at buong linaw. Sa wakas, sa pamamagitan ng awit ay maibubuhos na nila ang kanilang damdamin sa kanilang dakilang Diyos, si Jehova. Ganito ang sabi ni Maria Britten: “Ang lubhang hinangaan ko sa una kong pagdalo sa Kingdom Hall ay ang pag-awit. Pagkaganda-ganda niyaon anupat napaluha ako.”​—Isa. 42:10.

Habang sumusulong ang gawain, kinailangan ang marami pang tagapagsalin, at dalawang kabataan at masisigasig na payunir​—sina Raymond Pietersz at Janine Conception—​ang nagsimulang magsalin. Ngayon ay siyam na ang kabilang sa pangkat na bumubuo ng Departamento sa Pagsasalin. Noong 1989, dumating ang mga computer na may MEPS software, isang mahalagang kasangkapan upang matulungan ang mga tagapagsalin, anupat sa wakas ay naging posibleng ilathala Ang Bantayan sa Papiamento kasabay ng ibang mga wika​—isang napakabuting tulong sa gawaing pangangaral.

Higit Pang Tulong ng Mga Misyonero

Noong 1962, si John Fry ng ika-37 klase ng Gilead ay hinirang na maging tagapangasiwa ng sangay upang humalili kay Russell Yeatts na noo’y nakatakdang kumuha ng refresher course sa Paaralang Gilead. Pagkaraan ng 18 buwan, nang magdalang-tao si Sister Fry, ang mga Fry ay bumalik sa Inglatera, at si Brother Yeatts ay bumalik naman sa gawain sa sangay. Noong Disyembre 31, 1964, dumating sa mga isla si Age van Dalfsen ng Netherlands pagkaraang magtapos sa ika-39 na klase ng Gilead. Ang kagila-gilalas na tanawin ng sumasabog na mga kuwitis at nakabibinging ingay ng mga paputok na umaalingawngaw sa gabi ang sumalubong sa kaniya nang dumating siya sa Curaçao. Hindi, hindi siya sinasalubong ng mga tagaisla. Sa halip, iyon ang taunang tradisyon ng mga tagaroon, ang kanilang paraan ng pagtataboy sa masasamang espiritu at kamalasan ng nagdaang taon at ang pagbubunyi sa bagong taon. Palibhasa’y bata at masigla, si Brother van Dalfsen ay gumanap ng gawaing pansirkito, at sa dakong huli, ng gawaing pandistrito. Tulad ng karamihan sa mga misyonero, napamahal sa kaniya ang kaniyang bagong tahanan at ang sabi niya: “Ang mga tao ay mababait, mapagpatuloy, at tapat. Isang kasiyahan at pribilehiyo ang maatasan dito.”

Noong 1974, pinakasalan ni Age si Julie, isang kapatid mula sa Trinidad, at ito’y sumama sa kaniya sa gawaing paglalakbay. Nagugunita pa ni Julie: “Humanga ako sa pagkapalakaibigan at pagkamapagparayâ ng mga tao. Hindi ako makapagsalita ng Papiamento, pero naging kasiya-siya ang pangangaral dahil sa kanilang pagkamatulungin. Madaling magtanong ng ‘Con ta bai?’ (Kumusta ka?) at kumustahin ang bawat miyembro ng pamilya, na siyang kaugalian dito. Madali ring magpasakamay ng literatura. Ang mahirap ay ang pagbibitbit ng isang mabigat na bag ng literatura sa apat na wika at pakikipagbuno sa alikabok at hangin! Ngunit para sa akin, masaya iyon!” Noong 1980, sina Age at Julie ay nagpunta sa Netherlands upang alagaan ang ama ni Age, na noo’y may Alzheimer’s disease, subalit bumalik din sila sa Curaçao noong 1992.

Ipinagpatuloy ni Robertus Berkers at ng kaniyang kabiyak na si Gail, mula sa ika-67 klase ng Gilead, ang gawaing pansirkito habang wala ang mga Van Dalfsen at napasigla nila ang marami na pumasok sa buong-panahong ministeryo. Noong 1986, dumating sa Curaçao mula sa Gilead ang mag-asawang Otto at Yvonne Kloosterman, at si Brother Kloosterman ang hinirang na tagapag-ugnay sa sangay noong 1994. Bumalik sila sa Netherlands noong 2000. Noong Marso 2000, si Brother van Dalfsen ay hinirang sa Komite ng Sangay, at silang mag-asawa ay inanyayahan sa Bethel, kung saan sila naglilingkod ngayon. Noong 1997, si Gregory Duhon, mula sa Departamento sa Graphics sa Brooklyn, at ang kaniyang kabiyak na si Sharon, ay inatasan sa Curaçao bilang mga Bethelite na nasa Foreign Service. Si Sharon, na isang rehistradong nars, at ang iba pa ay malaking tulong sa pag-aalaga kay Brother Russell Yeatts na nahihirapan dahil sa kanser na mayroon nang taning. Noong Marso 2000, si Brother Duhon ang hinirang na tagapag-ugnay sa sangay, at ang kaniyang kabaitan at pagiging madaling lapitan ay lubhang pinahahalagahan ng lahat. Sa kasalukuyan, sina Gregory Duhon, Clinton Williams, at Age van Dalfsen ang naglilingkod sa Komite ng Sangay.

Nagdudulot ng Mayayamang Gantimpala ang Pagpapayunir

Nang magsimulang mag-aral sa Bibliya si Margaret Pieters, siya’y kontento na sa kaniyang sariling relihiyon. Ganito ang nagunita niya: “Sa simula ay wala akong balak na magbago ng relihiyon. Ako’y aktibong miyembro ng Simbahang Katoliko, ng Legion of Mary, at ng koro sa simbahan. Ngunit matapos pag-aralan ang Bibliya, natalos ko na mali ang naituro sa akin. Hindi ko na hinintay pang anyayahan akong lumabas sa ministeryo sa larangan; ako na ang humiling na isama. Gusto kong lumabas din ang iba mula sa huwad na relihiyon at sila’y manindigan sa katotohanan.” Nabautismuhan siya noong 1974 at 25 taon na siyang regular pioneer.

Pinagpala ni Jehova si Margaret, gaya ng makikita sa isa sa kaniyang maraming karanasan. Pinapuntahan sa kaniya ang isang dalagitang nagngangalang Melva Coombs, at iminungkahi ni Margaret na humingi ito ng permiso sa kaniyang ama para makapag-aral. Palibhasa’y humanga sa ipinakitang respeto sa kaniya ni Margaret, sinabi ni G. Coombs na hindi lamang ang kaniyang anak na babae ang makikipag-aral kundi ang kaniyang buong pamilya​—pito silang lahat! Tinamasa ni Margaret ang kagalakang makita silang lahat na nagpabautismo, at ang isa sa mga anak na lalaki ay naging isang matanda nang dakong huli.

Ang isa pang payunir na nakatikim ng kabutihan ni Jehova ay si Blanche van Heydoorn. Nabautismuhan siya noong 1961, at ang kaniya namang asawang si Hans, noong 1965. Tatlumpu’t limang taon na siyang nagpapayunir. Sa panahong iyan, si Blanche ay nagpalaki ng anim na anak, na ang dalawa sa kanila ay mga regular pioneer na ngayon. Hindi ito magiging posible kung walang pisikal at emosyonal na suporta mula kay Hans. Magkasama nilang natulungan ang 65 tao na mag-alay ng kanilang buhay kay Jehova.

Ang isa sa maraming karanasan ni Blanche ay tungkol sa kaniyang kapitbahay na si Serafina. Nagsimulang makipag-aral si Blanche kay Serafina, ngunit ang asawa nitong si Theo ay mahigpit na tumutol. Sinunog nito ang mga aklat ni Serafina at pinagbawalan si Blanche na pumasok sa kanilang tahanan, na sinasabi sa lahat na hinahasa niya ang kaniyang matsete para kay Blanche. Natuklasan ni Hans kung bakit gayon na lamang ang pagsalansang ni Theo. Waring ang maybahay ng isa sa mga kaibigan nito ay nakipag-aral sa isang ministro ng isa sa mga relihiyon sa kanilang lugar. Nang maglaon, ang babae ay nagtanan kasama ang ministro. Kaya nangangamba si Theo na baka gawin din iyon ng kaniyang maybahay. Ginagamit ang Hebreo 13:4, ipinaliwanag ni Hans ang ating pangmalas tungkol sa pag-aasawa. Palibhasa’y labis na naginhawahan, pinayagan ni Theo na magpatuloy si Serafina sa pag-aaral. Nabautismuhan si Serafina, at pagkalipas ng ilang panahon, pati na rin si Theo. Kapuwa sila naglilingkuran ngayon nang buong-katapatan kay Jehova.

Ikinuwento pa ni Blanche na siya’y nagdaos ng pag-aaral sa Bibliya bandang 11:00 n.u., umuwi para mananghalian, at nagsilang ng kaniyang anak na si Lucien pagkaraan ng dalawang oras! Patuloy niyang pinahahalagahan ang kaniyang pribilehiyo sa pagpapayunir. Sabi ni Blanche: “Dahil sa pagpapayunir ay naghahanda ka at patuloy na nag-aaral at nabibigyan ka ng kasiyahan na hindi masusumpungan saanman.”

Lakas na Higit sa Karaniwan

Si Marion Kleefstra ay nakasumpong din ng matinding kasiyahan sa paglilingkod kay Jehova nang buong panahon. Bilang isang tin-edyer, naging interesado siya sa katotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga magasin sa kaniyang bulag na lola. Inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova noong 1955, at naging regular pioneer siya noong 1970. Sinundan ng kaniyang anak na si Albert ang kaniyang mga yapak at 18 taon na itong nagpapayunir.

Si Marion ay nakipag-aral kay Johanna Martina, na ina ng siyam na anak. Talagang salansang ang asawa ni Johanna na si Antonio, at hindi makapagdaos ng pag-aaral sa kaniya si Marion kapag si Antonio ay naroroon. Nagtatali ng isang piraso ng tela si Johanna sa kanilang tarangkahan kapag si Antonio ay nasa bahay, kaya kapag nakita iyon ni Marion, babalik na lamang ito sa ibang panahon. Dahil sa pagkamatiisin ni Marion at pagtitiyaga ni Johanna, kapuwa sina Johanna at Antonio ay tumanggap sa katotohanan at sabay na nabautismuhan. Natulungan nila ang walo sa kanilang siyam na anak na mag-alay ng kanilang buhay kay Jehova.

Nakalulungkot, si Antonio ay namatay sa isang aksidente sa daan nang dakong huli. Pagkaraan ng ilang taon, dalawa sa mga anak ni Johanna ang namatay sa gayunding paraan, at may isa pa na namatay sa ibang kalunus-lunos na kalagayan. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, nanatiling matatag si Johanna, anupat nagtitiwala kay Jehova para sa “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Cor. 4:7) Matibay na pananampalataya ang nagbigay-lakas sa kaniya na magbata hindi lamang sa mga oras ng matinding kalungkutan kundi pati na rin ang magpatuloy sa kaniyang pagpapayunir sa nakalipas na 25 taon. Si Johanna ay 81 anyos na ngayon at ang sabi niya: “Dakila si Jehova, at siya ang nagbibigay-lakas sa akin. Lagi akong nagsusumamo sa kaniya, at hindi niya ako binigo kailanman.”

Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng matapat at masipag na mga payunir na bumubuo sa pundasyon ng karamihan sa mga kongregasyon, na nagpapalago sa mga ito. Nang baguhin ang kahilingang oras para sa mga payunir noong 1998, nabuksan ang pagkakataon para sa marami upang pumasok sa larangang ito ng paglilingkod. Nagpahayag ang mga payunir ng kanilang taimtim na pagpapahalaga sa Pioneer Service School, na isang malaking tulong sa pagsasanay sa kanila upang maging mas mahuhusay na ministro. Idinaragdag din ng masisigasig na mamamahayag ang kanilang sigaw ng papuri kay Jehova, at ang ilan sa kanila ay totoong matagumpay sa di-pormal na pagpapatotoo, gaya ng makikita sa sumusunod na karanasan.

Noong mga unang taon ng 1950, si Albert Heath, isang batang doktor mula sa Guyana, ay nagbibigay ng lektyur sa isang unibersidad sa Djakarta, Indonesia. Doon ay nagsimula siyang matuto ng isang naiibang uri ng pagpapagaling. Bilang isang espesyalista sa mata, nauunawaan niya ang “pamahid sa mata” na binanggit ni Jesus tungkol sa mga taga-Laodicea gaya ng nakaulat sa Apocalipsis 3:18. Nagpasiya si Albert na ang ganitong “pamahid sa mata” ang nais niyang ireseta. Noong 1964, siya at ang kaniyang pamilya ay lumipat sa Curaçao, at patuloy niyang pinag-aralan ang programa ng espirituwal na pagpapagaling na ipinagkatiwala ni Jesus sa kaniyang uring alipin sa lupa. (Mat. 24:45) Noong 1969, si Albert at ang kaniyang anak na lalaki ay nabautismuhan sa isang asamblea. Sa kaniyang klinika ay madalas siyang nangangaral sa mga pasyente at gayundin sa mga empleado. Naakay ni Albert ang marami tungo sa tubig ng katotohanan, na ang ilan sa kanila ay naglilingkod ngayon bilang matatanda.

Di-inaasahang Pagkagambala

Lagi nang may kabagalan ang takbo ng buhay sa Curaçao. Sa loob ng maraming taon ay walang anumang nangyari upang masira ang halos ganap na kaiga-igayang kapayapaan. Ngunit may mga nabubuong pangyayari na lubhang babago sa kalagayang ito. Maaga noong Mayo 1969, nagbabala ang tagapangasiwa ng sona, si Robert Tracy, laban sa pagiging kampante at sa panganib na maipaghele ng huwad na katiwasayan dahil sa waring katahimikan ng isla. Ang katahimikang iyan ay nakatakdang mabasag. Sa loob lamang ng ilang linggo, noong Mayo 30, naging marahas ang isang alitan sa paggawa. Sumiklab ang pagnanakaw at panununog, anupat binago ang minsang mapayapang pamayanan tungo sa isang mapaminsalang pulitikal na kaguluhan. Nagunita pa ni Clinton Williams: “Isang lalaki, walang pang-itaas, ang papalapit noon sa aking kotse, anupat makikita ang poot sa kaniyang mga mata. Walang anu-ano, isang dati kong estudyante sa Bibliya ang sumagip sa akin, anupat sumigaw: ‘Huwag ang isang ‘yan! Mabuti siyang tao.’ Lumapit ang lalaki, naghagis sa upuan ng aking kotse ng ilang de-lata na ninakaw niya sa supermarket, at saka naglakad papalayo. Napabuntung-hininga ako at nagpasalamat kay Jehova dahil sa kaniyang proteksiyon.”

Sa gitna ng kalituhan at kawalang-katiyakan ng maligalig na panahong iyon, ang bayan ni Jehova ay nanatiling mahinahon, tiwasay sa pagkaalam na sa malapit na hinaharap, maglalaan ang Kaharian ng Diyos ng isang sakdal na pamahalaan para sa lahat. Kung magkagayo’y sasapatan ni Jehova ang nasa ng “bawat bagay na may buhay.” (Awit 145:16) Ngayon, itinuturing ng mga tao ang Mayo 30, 1969, bilang isang mahalagang petsa na bumago sa kasaysayan ng isla.

Mga Bagong Tanggapang Pansangay

Si Nathan H. Knorr, na naglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1977, ay laging nagpapakita ng matinding interes sa mga misyonero at madalas siyang naglalakbay sa ibang mga lupain upang palakasin ang mga kapatid. Noong 1956, ang mga tagapangasiwa ng sona ay nagsimula ring dumalaw sa mga kapatid sa buong globo, at ang “mga kaloob na mga tao[ng]” ito ay naging “tulong na nagpapalakas,” anupat nagpasigla sa gawain sa mga islang ABC. (Efe. 4:8; Col. 4:11) Noong 1950, ginawa ni Brother Knorr ang kaniyang unang pagdalaw sa mga islang ito at samantalang nasa Curaçao, isinaayos niya na magkaroon ng bagong tanggapang pansangay, na si Brother Russell Yeatts ang lingkod ng sangay. Tungkol sa pahayag ni Brother Knorr na “Kalayaan Para sa mga Bihag,” sumulat si Brother Yeatts: “Para bang pinaaakyat niya ang bawat isa sa entablado at binibigyan siya ng personal na payo.” Noong 1955, muling dumalaw si Brother Knorr at nagpahayag sa di-pa-tapos na Kingdom Hall sa Oranjestad, Aruba. Saka siya naglakbay kasama ng isang grupo ng mga kapatid patungong Curaçao para sa isang asamblea. Sa kaniyang huling opisyal na pagdalaw noong 1962, inialay niya ang Kingdom Hall sa Buena Vista, Curaçao, at lubhang pinasigla ang mga kapatid sa pamamagitan ng kaniyang napapanahong mga pahayag. Sinang-ayunan din niya ang pagtatayo ng isang bagong tanggapang pansangay, tahanan ng mga misyonero, at Kingdom Hall sa iisang lugar, sa Oosterbeekstraat, na nasa labas lamang ng Willemstad.

Ang ama ng arkitektong inupahan upang magdisenyo ng gusali ay isang Judio na nakasama ng mga Saksi ni Jehova sa kampong piitan ng mga Nazi. Sinabi niya kay Hazel Yeatts: “May isa lamang tunay na relihiyon​—yaong sa mga Saksi ni Jehova.” Ang tanggapang pansangay na ito ay inialay noong 1964 at pinalaki pa noong 1978, sa rekomendasyon ni Albert D. Schroeder, ang tagapangasiwa ng sona. Pagsapit ng 1990, nakita na kailangan ang mas malalaking pasilidad, at nagsikap na makakita ng isang bagong lugar na pagtatayuan, ngunit pawang bigo.

Noong Nobyembre 1998, naipasiya na bumili ng isang nakatayo nang gusali at gawin iyon na pasilidad ng sangay. Nagkasundo ang mga kapatid sa isang gusali ng mga apartment na kombinyente ang kinalalagyan sa kalyeng tinatawag na Seroe Loraweg, na nasa labas lamang ng Willemstad. Noong Disyembre 4, isinagawa ang pagbili. Dahil sa ang lahat ay naganap nang mabilis at maalwan, natiyak ng mga kapatid na pinagpapala ni Jehova ang pagsisikap, kasuwato ng Awit 127:1. Ang binagong mga gusali ay maganda at maginhawa at nagdudulot ng karangalan at kaluwalhatian sa pangalan ni Jehova.

Noong Nobyembre 20, 1999, ginanap ang pag-aalay ng bagong sangay sa looban ng sangay, at 273 ang dumalo. Sinipi ni Gerrit Lösch ng Lupong Tagapamahala ang sinabi ni propeta Isaias upang ipakita kung paano gagamitin ang bagong mga gusali ukol sa dakilang layunin ni Jehova. Kinabukasan, 2,588 ang dumalo sa isang pantanging programa sa isport istadyum, at para sa marami, ito ang siyang tampok na bahagi ng 2000 taon ng paglilingkod.

Isinahimpapawid ang Usapin Tungkol sa Dugo

Pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang buhay at itinuturing ito na isang kaloob mula sa Diyos. Kasuwato ng Gawa 15:29, sila ay umiiwas sa dugo. Ang kanilang salig-sa-Bibliya na pagtanggi na magpasalin ng dugo ay hindi nauunawaan ng mga doktor at mga awtoridad na may mabuti namang intensiyon. Noong 1983, tumangging kilalanin ng isang hukom sa Curaçao ang bigay-Diyos na awtoridad nina Esmond at Vivian Gibbs bilang mga magulang at ito’y nag-utos na salinan ng dugo ang kanilang sanggol. Ang kaso ay malawak na napabalita at sinundan ng maraming negatibong publisidad. Isinahimpapawid ng isang istasyon sa radyo ang isang programa upang linawin ang mga bagay-bagay, at isang pangkat ng pito katao​—kasali na si Hubert Margarita at ang kaniyang asawang si Lena, kasama si Robertus Berkers, ang tagapangasiwa ng sirkito—​ang tumalakay sa paksang ito sa loob ng tatlong oras. Buong-husay na ipinaliwanag ng mga kapatid ang kautusan ng Bibliya tungkol sa dugo, at nagtagumpay ang programa sa pag-aalis ng umiiral na tensiyon at sa pagtulong sa mga tao na maunawaan ang mga kahilingan ni Jehova.

Mayroon ding mga doktor na gumagalang sa karapatan ng pasyente na tumangging magpasalin ng dugo. Halimbawa, nasangkot si Gerda Verbist, isang guro sa paaralan, sa isang malubhang aksidente sa kotse at kinailangang operahan kaagad. Maraming dugo ang nawala sa kaniya anupat ang bilang ng kaniyang dugo ay bumaba na sa dalawa. Nagpasiya ang siruhano na mag-opera sa dalawang yugto upang si Gerda ay hindi na mawalan ng mas marami pang dugo. Tagumpay ang operasyon. Nagpapasalamat ang mga Saksi ni Jehova sa gayong may-kasanayan at nakatalagang mga doktor, na kung minsa’y kailangang makipagpunyagi sa kanilang sariling budhi gayunma’y may lakas ng loob at integridad na igalang ang karapatan ng kanilang mga pasyente na magpasiyang hindi magpasalin ng dugo.

Ganito ang sabi ni Guillermo Rama, tagapangulo ng Hospital Liaison Committee sa Curaçao: “Regular kaming hinihilingang tumulong sa maseselan na kalagayan. Kung wala ang komite, darami pa ang mga problema.” Sang-ayon dito si Alfredo Muller, na siyang tagapangulo sa Aruba. Sinabi niya na bagaman noong una ay may pagtutol sa Aruba, karamihan sa mga doktor ay nakikipagtulungan na ngayon sa mga Saksi ni Jehova.

Ang Maibiging Paglilingkod ng mga Tagapangasiwa ng Sirkito

Bagaman mabagal sa simula ang pagsulong sa tatlong isla, lagi namang may pagsulong, at madaling ipasakamay ang mga literatura. Noong 1964, may apat na kongregasyon na may 379 na mamamahayag, at noong 1980, umabot sa 16 ang bilang ng mga kongregasyon, na may 1,077 mamamahayag. Sa pagitan ng 1981 at 2000, umabot ang bilang ng mga mamamahayag sa 2,154, at dahil sa karagdagang dalawang kongregasyon sa Olandes at dalawa sa Kastila, ang bilang ng mga kongregasyon ay umabot sa 29, na ang dumalo sa Memoryal ay 6,176.

Upang mapaglingkuran ang mga grupo na may ibang wika, kinailangan ang mga tagapangasiwa ng sirkito na makapagsasalita ng di-kukulangin sa tatlong wika, at hindi madaling makasumpong ng gayong mga kapatid. Gayunman, ang mga islang ABC ay pinagpala sa pagkakaroon ng mga naglalakbay na tagapangasiwa na, tulad ni Pablo, nalulugod na ibahagi ang kanilang sariling kaluluwa. (1 Tes. 2:8) Nasa ganitong gawain sina Humphrey at Ludmila Hermanus, ngayo’y mga misyonero sa Suriname, at sina Edsel at Claudette Margarita, mga payunir na tagaroon. Naglingkod din sa sirkito ang mga payunir na taga-Aruba na sina Frankie at Maria Herms hanggang sa sila’y tawagin sa Bethel, kung saan naglilingkod sila ngayon bilang bahagi ng pangkat sa pagsasalin.

Noong 1997, sina Marc at Edith Millen, na dating nasa gawaing pansirkito sa Belgium, ay naglakbay nang malayo mula sa kanilang tahanan upang palakasin ang mga kapatid. Tulad ng lahat ng bagong mga misyonero, kinailangang matutuhan ng mga Millen ang wika, isang hamon na kung minsan ay may lubhang nakatutuwang mga resulta. Natatandaan ni Brother Millen na sinisikap niya noon na sabihin na ang isang Kristiyano ay hindi dapat maging tulad ng isang sundalo na nagtatago sa isang trinsera (buracu) at, sa halip, nasabi niya na huwag maging tulad ng isang sundalo na nagtatago sa isang asno (buricu)! Sa kabila ng mga hamon, nagtiyaga sina Marc at Edith. Palibhasa’y bihasa na sa wika, sila ngayon ay naglilingkod nang may kagalakan sa mga kongregasyong Olandes at Papiamento. Noong 2000, sina Paul at Marsha Johnson ang unang mag-asawa na nakibahagi sa isang bagong kaayusan kung saan ang isang tagapangasiwa ng sirkito mula sa Puerto Rico ay naglilingkod sa mga lokal na kongregasyon sa Ingles at Kastila.

Mga Kingdom Hall na Mabilis na Itinayo

Noong 1985, mula sa sinlayo ng Alaska, 294 na kapatid mula sa Estados Unidos ang dumating upang magtayo ng isang Kingdom Hall sa Pannekoek, Curaçao. Yamang natapos sa loob lamang ng siyam na araw, ang bagong bulwagan ay pumukaw ng maraming publisidad at nagsilbing isang kagila-gilalas na patotoo at katunayan ng pag-ibig at pagkakaisa na isinagawa. Namamangha ang mga tao na makita ang mga lalaki, babae, at mga bata na buong-kasabikang tumutulong sa mga boluntaryo mula sa Estados Unidos. Ganito ang sabi ni Ramiro Muller: “Tulad ng dati, may mga problemang teknikal; ngunit napagtagumpayan ang mga ito, at buong-kapangyarihang kumilos ang espiritu ni Jehova sa pagtatayo ng bulwagan. Noong Linggo ng gabi, ang bagong bulwagan ay nagamit ng mga kapatid sa pagsamba kay Jehova, sa labis na pagtataka ng mga nagdududa, na nagsabing hindi iyon magagawa kailanman.”

Waring ikinamangha rin ng lokal na klero ang nagawang ito, sapagkat isang umaga matapos ang pagbabalita sa telebisyon, isang kotse ang pumarada sa harap ng bulwagan. Sino ang bumaba mula sa kotse? Walang iba kundi ang obispo ng Curaçao kasama ang tatlong pari, na ang kanilang mapuputing abito ay nililipad-lipad pa ng hangin, habang umiiling sa pagtataka at hindi makapaniwala.

Kukulangin kami ng panahon kung ilalahad namin ang lahat ng walang-pag-iimbot na gawa ng mga kapatid: ng mga unang misyonero tulad ng mga Van Eyk, Hoornveld, Phelps, at ni Cor Teunissen, na nilisan ang kanilang mga tahanan upang maglingkod sa mga kapatid dito; ni Pedro Girigorie, na hindi marunong bumasa ni sumulat ngunit maraming naakay sa katotohanan; ni Theodore “Tangkad” Richardson, na naglalakad sa mga lansangan ng Cher Asile upang gumawa ng napakaraming pagdalaw muli; ng masisigasig na payunir na sina Maria Selassa, Edna Arvasio, Isenia “Chena” Manuel, at Veronica Wall; ng masayahing si Seferita Dolorita, bulag at may sakit na multiple sclerosis subalit nagtitiyaga pa rin sa pangangaral at hindi kailanman nabibigong patibayin yaong mga nagpapatibay sa kaniya. Ang larawan ng mga tapat na ito at ng iba pa, na saganang naghandog ng kanilang sarili, ay malalim na nakaukit sa isip at puso ng mga kapatid sa mga islang ABC.

Namulaklak ang Disyerto

Noong mga taon ng 1980, naranasan ng Aruba ang malaki at mabilis na pag-unlad sa ekonomiya. Nakahanay na ngayon sa mapuputing dalampasigan ang napakamodernong mga otel, at ang maliliwanag na kasino ay umaakit naman sa mayayaman sa daigdig na mahilig maglakbay. Tiyak, naimpluwensiyahan nito ang kaisipan ng mga tagaroon, habang lumilitaw ang panghalina ng materyalismo upang maapektuhan ang marami​—maging ang ilan na kabilang sa mga kongregasyon. Gayunman, malaki ang tagumpay sa espirituwal, lalo na sa larangan ng Kastila, at may malaking pangangailangan para sa may-kakayahang mga kapatid na lalaki na mangunguna.

Sa kabilang banda, ang Curaçao, ay nakararanas ng matinding pagbagsak sa ekonomiya, anupat maraming tao ang lumilipat sa Netherlands. Ang pag-alis na ito ng maraming kapatid ay nakaapekto sa mga kongregasyon, at kapuwa sa Curaçao at Bonaire, maliit lamang ang naging pagsulong nitong nakalipas na ilang taon.

Subalit habang tinatahak natin ang ika-21 siglo, may dahilan para itaas natin ang ating mga ulo at magalak. Malapit na ang maluwalhating Kaharian ng Diyos, at ang bayan ng Diyos ay patuloy na nagtuturo ng katotohanan sa lahat niyaong “wastong nakaayon.” (Gawa 13:48) Ang dating tigang at espirituwal na disyertong ito ay babád na sa tubig ng katotohanan.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 72]

Mga Flamingo at mga Asno

Sa tahimik at di-nagbabagong Bonaire, ang paggawa ng asin mula sa dagat ay isang mahalagang industriya na pinagkakakitaan ng mga tagaisla. Nabubuhay naman ang mga flamingo sa mga pagkaing maalat. Ito ay madaling matagpuan sa mga lunas ng asin sa isla, kung kaya ang Bonaire ay isa sa iilang lugar sa daigdig na angkop para sa pagpaparami ng makukulay na ibong ito. Ang medyo maiilap na asno, na sa simula’y inangkat upang magtrabaho sa mga lunas ng asin, ay pinabayaan na upang mabuhay sa ganang sarili nang ang mga ito’y halinhan ng mga makina. Pagala-gala na ang mga ito ngayon sa mga lalawigan. Upang mapangalagaan ang mga ito, isang santuwaryo para sa mga asno at isang programang Mag-ampon-ng-Isang-Asno ang inorganisa sa isla.

[Kahon/Larawan sa pahina 87]

Ang mga Palupo at Balsang Tulay ng Curaçao

Ang Willemstad, na siyang kabisera ng Curaçao, ay isang di-pangkaraniwan at napakagandang bayan. Ang mga gusaling may palupo ang bubong ay nagpapagunita ng Amsterdam ngunit ang mga ito’y napipintahan ng matitingkad na kulay. Lumalagos ang St. Anna Bay hanggang sa sentro ng bayan. Pinag-uugnay naman ng Queen Emma Pontoon Bridge ang dalawang bahagi ng bayan at maaari itong buksan kaagad upang makapasok ang malalaking barko sa malalim na daungan. Sa simula, kailangang magbayad ng upa para makatawid sa tulay maliban na kung ang isang tao ay nakapaa, na siyang tanda ng kahirapan. Bunga nito, ang mahihirap ay nanghihiram ng sapatos upang huwag maituring na mahirap at itinatago naman ng mayayaman ang sa kanila upang hindi sila magbayad ng upa!

[Kahon sa pahina 93]

Sumaludo Muna sa Pari?

“Gayon na lamang katayog at kadakila ang dignidad ng isang pari anupat kung makakasalubong namin sa daan ang isang pari at isang anghel, sasaludo muna kami sa pari.”​—Isinalin mula sa lingguhang babasahing Katoliko na La Union, Agosto 10, 1951, inilathala sa Curaçao.

[Kahon sa pahina 95]

Ang Kahalagahan ng Mabuting Reputasyon

Noong Setyembre 1986, kinuha ni Russell Yeatts ang isang pakete galing sa Jamaica, na nakapangalan sa Watch Tower Bible and Tract Society. Nang buksan ito sa harap ng mga inspektor ng koreo, nagulat siya nang makita sa ilalim ng isang suson ng mga magasin ang isang balutan na may apat na kilong marijuana! Agad siyang pinigil ng pulisya. Gayunman, binigyan siya ng magandang rekomendasyon ng punong tagapamahala sa tanggapan ng koreo sa Curaçao, na nagsabing imposibleng masangkot si Brother Yeatts sa ipinagbabawal na gamot. Kung hindi naging gayon na lamang katatag ang opisyal sa kaniyang pagpapatunay, marahil ay nabilanggo na si Brother Yeatts. Ang nangyari, siya ay agad na pinalaya. Ang insidenteng ito ay laganap na napalathala sa mga pahayagan doon, na ang isa sa mga ito ay tumawag kay Brother Yeatts na “isang napakadisente at tapat na tao” at “lubhang interesado na ipangaral ang mabuting balita sa lahat.” Idiniriin ng karanasang ito ang halaga ng mabuting reputasyon.

[Kahon/Larawan sa pahina 96]

Di-Pangkaraniwang Bahagi ng Gawaing Pangkaharian

Napakaraming kopya ng buklet na Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw ang naipapasakamay taun-taon. May ilang taon na daan-daang kopya nito ang naipapasakamay ng mga payunir. Naospital si Giselle Heide, kaya ginamit niya ang pagkakataon upang magpatotoo nang di-pormal sa kaniyang mga kapuwa pasyente. Isa sa kanila, si Ninoska, ay maganda ang naging pagtugon, anupat nagtanong kay Giselle kung mayroon siya ng “maliit na aklat.” Sa una, hindi alam ni Giselle kung anong aklat ang tinutukoy nito ngunit sa wakas ay naunawaan niya na iyon ang Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw. Mula noon, tinatalakay na nila ang teksto tuwing umaga. Gumawa sila ng kaayusan na mag-aral ng Bibliya kapag sila’y kapuwa nakalabas na sa ospital. Wala pang isang taon ang lumipas, nabautismuhan si Ninoska. Sa ngayon, ang kaniyang asawa at mga anak ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi.

[Larawan]

“Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw” sa Olandes, Ingles, at Papiamento

[Kahon sa pahina 104]

‘May Sigasig sa Diyos; Ngunit Hindi Ayon sa Tumpak na Kaalaman’

Isang umaga habang naglilingkod sa larangan, nakilala nina Hubert Margarita at Morena van Heydoorn si Morella, isang estudyante. Pinatutunayan ng ekspresyon ni Morella na siya ay ‘may sigasig sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.’ (Roma 10:2) Ipinaliwanag niya na araw-araw ay tumatanggap siya ng instruksiyon tungkol sa Romanong Katolisismo at na kumbinsido siya na ito ang paraan upang sambahin ang Diyos. Isinaayos nina Hubert at Morena na magdaos ng pag-aaral ng Bibliya sa kaniya. Ito ang mga kaayusan: Pupunta siya sa kaniyang guro, ang pari, upang tiyakin ang kaniyang natututuhan. Kung hindi ito sang-ayon sa isang turo, hihilingin niya rito na ibigay sa kaniya ang maka-Kasulatang mga kadahilanan. Kung inaakala niya na salungat sa Bibliya ang itinuturo sa kaniya ng mga Saksi, ititigil niya ang pag-aaral. Di-nagtagal at natuklasan ni Morella na di-makakasulatan ang mga turo ng Simbahang Katoliko. Nang matanto niya na ang pari ay nagiging lalong asiwa sa kaniyang mga tanong, hindi na siya pumasok sa mga klase nito. Ipinagpatuloy ni Morella ang kaniyang pag-aaral sa katotohanan, nabautismuhan at ngayo’y buong-katapatang naglilingkod kay Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 107]

Ang Buhangin at Bato ng Aruba

Ang dambuhalang mga bato ng Casibari at Ajo ay kawili-wiling bahagi ng tanawin sa Aruba. Kahanga-hanga rin ang mga groto na may mga drowing na bato, na pinaniniwalaang ginawa ng mga Indian na Dabajuro. Tila batubalani naman ang laging maaraw na panahon at mahahabang dalampasigan na may mapuputing buhangin para sa libu-libong turista na bumabalik sa isla taun-taon.

[Kahon sa pahina 110]

“Mula sa Bibig ng mga Sanggol”

Sinabi ni Jesus: “Mula sa bibig ng mga sanggol at mga pasusuhin ay naglaan ka ng papuri.” (Mat. 21:16) Totoo rin ito kung tungkol sa mga bata sa mga islang ABC. Ang 15-taóng-gulang na si Maurice ay naninirahan sa Aruba. Nang si Maurice ay pitong taóng gulang, hindi siya matagpuan ng kaniyang ina sa isang pandistritong kombensiyon. Palibhasa’y nababahala, hinanap niya ito at sa wakas ay nasumpungan siya sa likod ng isang silid kung saan ginaganap ang pulong para sa mga nag-aaplay sa Bethel. Gusto ni Maurice na mag-aplay sa Bethel. Palibhasa’y hindi nais ng tagapangulo ng pulong na ang bata ay masiraan ng loob, hinayaan niyang manatili ito. Buweno, hindi lumabo ang marubdob na hangarin ni Maurice na maglingkod kay Jehova sa Bethel. Nabautismuhan siya sa edad na 13 at nagsusumikap nang husto sa kongregasyon, anupat naghahandang mabuti para sa lahat ng atas. Determinado siya higit kailanman na maglingkod sa Bethel.

Sa Bonaire, ang anim-na-taóng-gulang na si Renzo ay inanyayahan sa Kingdom Hall at siya’y lubhang nasiyahan doon. Sinimulan siyang aralan sa Bibliya, at mula noon ay ayaw na niyang pumunta sa simbahang Katoliko. Tinanong niya ang kaniyang mga magulang kung bakit hindi itinuturo sa kanila sa simbahan ang tungkol sa Paraiso, at ito ang pumukaw ng kanilang pagkamausisa. Sinimulan nilang makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. Kasunod nito, ang ama at ina ni Renzo ay nabautismuhan kasama ng isa sa mga estudyante ni Renzo sa Bibliya. Si Renzo, na ngayo’y walong taong gulang, ay nabautismuhan sa isang pansirkitong asamblea sa Bonaire.

[Kahon/Larawan sa pahina 115]

Gusto ba Ninyo ng Nilagang Iguana?

Ang mga iguana, tulad ng isa na nasa larawan sa ibaba, ay pangkaraniwan na sa buong islang ABC. Pinahahalagahan ang mga reptilyang ito ngunit hindi bilang mga alaga. Ang iguana ay isang pangunahing sangkap sa mga sopas at nilaga. “Parang manok ang lasa nito,” ang sabi ng isang kusinerong tagaroon. “Napakalambot ng karne nito.”

[Mga mapa sa pahina 71]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

HAITI

DAGAT CARIBEANO

VENEZUELA

ARUBA

ORANJESTAD

San Nicolas

CURAÇAO

WILLEMSTAD

Santa Cruz

Buena Vista

BONAIRE

Kralendijk

[Buong-pahinang larawan sa pahina 66]

[Larawan sa pahina 68]

Ang mga tao mula sa maraming bansa ay mapayapang nagtutulungan sa Kongregasyon ng Hooiberg, sa Aruba

[Larawan sa pahina 70]

Nagbenta si Pearl Marlin ng mga relihiyosong literatura kasama ng kaniyang ama. Naging isa siyang Saksi nang dakong huli

[Larawan sa pahina 73]

Ang unang kongregasyon sa wikang Ingles sa San Nicolas, Aruba

[Mga larawan sa pahina 74]

Ang ilan na nandarayuhan sa Aruba: (1) Si Martha Faustin ngayon, (2) ang kaniyang asawa na si Hamilton, na namatay na, at (3) sina Robert at Faustina Titre

[Larawan sa pahina 75]

Sina Woodworth at Oris Mills sa araw ng kanilang kasal

[Larawan sa pahina 76]

Si Edwina Stroop, isang payunir sa Aruba

[Larawan sa pahina 77]

Nakatanggap si Jacobo Reina ng isang kopya ng aklat na “Creation” noong 1928 at nakilala niya ang taginting ng katotohanan

[Larawan sa pahina 78]

Pakanan mula sa kaliwa: sina Russell at Hazel Yeatts na mga nagtapos sa ika-6 na klase ng Gilead, at sina Mary at William Yeatts, ng ika-14 na klase

[Larawan sa pahina 79]

Si Henricus Hassell, sa dulong kaliwa, ay isang masugid na tagapaghayag ng mabuting balita

[Larawan sa pahina 79]

Si Camilio Girigoria ang una sa mga tagaroon na nabautismuhan noong 1950

[Larawan sa pahina 80]

Buong-pagmamahal na naaalaala sina Alice at Henry Tweed dahil sa kanilang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili at sigasig

[Larawan sa pahina 81]

Si Gabriel Henriquez ay nabigyan ng regalong suskrisyon ng “Gumising!” Siya ang unang taga-Aruba na nabautismuhan

[Mga larawan sa pahina 82]

Si Ninita Webb ay salansang sa katotohanan noong una. Siya at ang kabiyak na si Daniel ay naging masugid na mga tagapaghayag ng Kaharian

[Larawan sa pahina 82]

Si Maria Rasmijn ay isang debotong Katoliko hanggang sa sabihin sa kaniya ng kaniyang pari na ang mga relihiyosong imahen ay walang halaga

[Larawan sa pahina 83]

Nag-iwan si Albert Suhr ng mahuhusay na “mga liham ng rekomendasyon”

[Larawan sa pahina 84]

Si Olive Rogers ay nakatulong sa marami na ialay ang kanilang buhay kay Jehova

[Larawan sa pahina 85]

Itaas: Si Eugene Richardson, nabautismuhan sa edad na 17, ay naglingkod bilang masigasig na payunir

[Larawan sa pahina 85]

Ibaba: Sumama sa kaniya ang kabataang si Clinton Williams sa pagbubukas ng “kunuku”

[Larawan sa pahina 86]

Tahanan ng mga misyonero sa Aruba, noong mga 1956

[Larawan sa pahina 89]

Itaas: Noong 1962, inialay ni Nathan H. Knorr, mula sa Brooklyn Bethel, ang Kingdom Hall na ito, ang una na pag-aari ng mga kapatid sa Curaçao

[Larawan sa pahina 89]

Kanan: Si Victor Manuel, isang mamamahayag ng mabuting balita sa loob ng halos 50 taon, ay naglingkod sa ikalawang kongregasyon sa wikang Papiamento

[Larawan sa pahina 90]

Itaas: “Kapayapaan sa Lupa” na Pang-Internasyonal na Asamblea noong 1969 sa Atlanta, Georgia, E.U.A.

[Larawan sa pahina 90]

Kanan: Ang lugar ng kombensiyon sa Curaçao para sa gayunding programa

[Larawan sa pahina 94]

Si Petra Selassa (kanan) at ang kaniyang anak na si Ingrid, mga special pioneer na ipinadala upang tumulong sa Bonaire noong 1969

[Larawan sa pahina 97]

“Ang Bantayan” sa Papiamento

[Larawan sa pahina 98]

Itaas: Sina Pauline at John Fry

[Larawan sa pahina 98]

Ibaba: Dumating si Age van Dalfsen noong 1964 pagkaraang magtapos sa ika-39 na klase ng Gilead

[Mga larawan sa pahina 99]

Itaas: Sina Janine Conception at Raymond Pietersz ay kabilang sa siyam na miyembro ng pangkat sa pagsasalin

[Larawan sa pahina 99]

Kanan: Ginagamit ni Estrelita Liket ang isang computer at MEPS software, mahahalagang kasangkapan sa pagtulong sa mga tagapagsalin

[Larawan sa pahina 100]

Ang paglilingkod nina Robertus at Gail Berkers (kaliwa), sa gawaing pansirkito ay lubhang nagpasigla sa marami na pumasok sa buong-panahong ministeryo

[Larawan sa pahina 100]

Bumalik sina Julie at Age van Dalfsen (ibaba) sa Curaçao noong 1992 at inanyayahan sa Bethel noong 2000

[Larawan sa pahina 100]

Naglilingkod sina Age van Dalfsen, Clinton Williams, at Gregory Duhon sa Komite ng Sangay

[Larawan sa pahina 102]

Sina Blanche at Hans van Heydoorn ay nakatulong sa 65 katao na mag-alay ng kanilang buhay kay Jehova

[Mga larawan sa pahina 108]

(1) Ang tanggapang pansangay na inialay noong 1964

(2, 3) Ang kasalukuyang sangay na inialay noong Nobyembre 20, 1999

[Mga larawan sa pahina 112]

Pinagpala ang mga islang ABC dahil sa mga mag-asawa na nasa gawaing paglalakbay, gaya nina (itaas) Ludmila at Humphrey Hermanus at (pakanan mula sa kaliwa) Paul at Marsha Johnson at Edith at Marc Millen

[Mga larawan sa pahina 114]

Mga unang misyonero: (1) ang mga Van Eyk, (2) ang mga Hoornveld, at (3) si Cor Teunissen na nilisan ang kanilang mga tahanan upang maglingkod sa mga kapatid dito