Mga Tampok na Pangyayari sa Nakaraang Taon
Mga Tampok na Pangyayari sa Nakaraang Taon
ANG organisasyon ni Jehova sa lupa ay patuloy na sumulong nitong nakaraang taon ng paglilingkod. Maliwanag na makikita ang pagpapala ng Diyos sa bagay na sa 235 lupain, mahigit sa anim na milyong Saksi ni Jehova ang nagpamalas ng kanilang pagkamatapat sa kaniya at ng kanilang pananampalataya sa kaniyang pangako na pangyayarihin ang isang bagong sanlibutan ng katuwiran. Ang milyun-milyong ito ay, hindi mga taong basta lamang nag-aangking mga lingkod ng Diyos, kundi yaong mga aktibong nagpapahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, gaya ng inihula ni Jesus at nakaulat sa Mateo 24:14. Kasuwato ng taunang teksto para sa 2001, sila ay patuloy na ‘tumatayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.’—Col. 4:12.
Maraming kapana-panabik na mga pangyayari sa gitna ng bayan ng Diyos nitong nakaraang taon. Isaalang-alang natin ngayon ang ilan sa mga tampok na pangyayari.
Mga Kombensiyon Upang Turuan ang mga Guro ng Salita ng Diyos
Ang isa sa di-malilimutang mga pangyayari ng taon ay ang “Mga Guro ng Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, na idinaos sa daan-daang lokasyon sa buong lupa mula noong kalagitnaan ng 2001 hanggang sa maagang bahagi ng 2002. Milyun-milyon ang dumalo. Ang tema ng kombensiyon ay ipinaliwanag ng isang tagapagsalita sa unang araw ng tatlong-araw na kombensiyon. Ang sabi niya: “Hindi interesado si Jesus sa pagbibigay ng susi ng kaalaman sa isang pilíng grupo ng mga iskolar sa Kasulatan. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: ‘Ang sinasabi ko sa inyo sa kadiliman, sabihin ninyo sa liwanag; at ang naririnig ninyong ibinubulong, ipangaral ninyo sa mga bubungan ng bahay.’ Marubdob na hinangad ni Jesus na ibahagi ang kaalaman ng Diyos sa pinakamaraming tao hangga’t maaari. Para sa kaniya, ang kaalaman sa Kasulatan ay dapat na ibahagi, hindi itago.”
Kasali sa programa ng kombensiyon ang mga pahayag na tumatalakay sa kahulugan ng hula sa Bibliya at kung paano dapat ikapit ng mga Kristiyano ang maka-Kasulatang mga simulain sa kanilang buhay. Noong Linggo ay may drama na pinamagatang Igalang ang Awtoridad ni Jehova, na ang mga nagsiganap ay nakakostiyum. Ang dramang iyon ay tumalakay sa salaysay ng Bibliya tungkol sa paghihimagsik ni Kora sa iláng na siya namang kabaligtaran ng tapat na landasin ng kaniyang mga anak na lalaki.
Dalawang publikasyon ang inilabas sa kombensiyon. Ang una ay ang aklat na Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan, Ikalawang Tomo. Ang ikalawa ay ang brosyur na pinamagatang Isang Kasiya-siyang Buhay—Kung Paano Ito Matatamo. Bukod dito, may isang bagong tract—Mayroon Ka Bang Imortal na Espiritu?
Noong buwan ng Agosto, nagdaos ng mga pantanging kombensiyon sa Pransiya at Italya. Sa Pransiya ay idinaos ang mga pantanging kombensiyong ito sa Paris, Lyons, at Bordeaux, na may pinagsamang pinakamataas na bilang ng mga dumalo na 160,045. Lubhang pinatibay-loob ng mga kombensiyong ito ang mga kapatid sa Pransiya, na naging pangunahing tudlaan ng may-kinikilingang
pamamahayag. Sinabi ng isang kapatid na lalaki: “Kung minsan ay nadarama namin na nag-iisa kami sa aming pakikipaglaban, pero ngayon, matapos kaming dalawin ng libu-libo sa ating Kristiyanong mga kapatid, nagkaroon kami ng panibagong lakas upang magpatuloy.”Sa Italya ay idinaos naman ang mga pantanging kombensiyon sa Roma, Milan, Turin, at Bari. Lima pang lunsod na pinagdausan ng kombensiyon ang ikinawing sa pamamagitan ng linya ng telepono para sa ilang bahagi ng programa. Ang kabuuang bilang ng mga dumalo sa siyam na kombensiyong ito ay 289,133. Sa bawat isa sa mga kombensiyong ito sa Pransiya at Italya, isang nakapupukaw na resolusyon ang iniharap sa mga tagapakinig. Ang mga delegado, na galing pa sa maraming bansa, ay nagpahiwatig ng kanilang tugon sa pamamagitan ng dumadagundong na oo! Sinundan ng mahabang palakpakan ang deklarasyong ito.
Isang Pangglobong Patotoo Taglay ang Kingdom News Blg. 36
Noong mga buwan ng Oktubre at Nobyembre 2000, halos kalahating bilyong kopya ng Kingdom News Blg. 36 sa 189 na wika ang ipinamahagi sa buong daigdig. Ang maka-Kasulatang mensahe tungkol sa Milenyong Pamamahala ni Kristo Jesus, kalakip ang makukulay na ilustrasyon sa Kingdom News na ito, ay nakaakit sa maraming tao. Kung isa ka sa mga Saksi ni Jehova, malamang na nakibahagi ka sa pamamahaging iyon. Ang sumusunod ay ilang ulat tungkol sa kampanya mula sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Sa kabila ng mga temperaturang mababa pa sa sero sa Alaska, hindi napahinto ang mga Saksi roon. Ganito ang sabi ng punong tagapangasiwa sa Kongregasyon ng North Pole: “Bagaman taglamig, ang ilan sa mga may-bahay ay tumayo sa kanila mismong bakuran at binasa ang Kingdom News Blg. 36. Kaakit-akit ang simpleng mensahe na nagpapakita sa kaibahan ng mga bagay sa kasalukuyan at ng mga pagpapalang darating sa sangkatauhan.”
Sa Albania, 15 kongregasyon sa ilang malalaking lunsod ang inanyayahang dumalaw sa malalayong nayon. Tinanggap ng mga kapatid ang paanyayang ito nang may matinding kasiglahan at kagalakan.
Limampu’t anim na nayon na may tinatayang populasyon na 50,000 ang narating sa unang pagkakataon.Nag-uulat ang sangay sa Angola: “Dahil sa sigasig at kasiglahan ng mga mamamahayag, isang natatanging tagumpay ang kampanya taglay ang Kingdom News Blg. 36 sa aming teritoryo. Ito ay sa kabila ng mahihirap na suliranin sa kabuhayan at sa digmaan na patuloy na nakaaapekto sa mga kongregasyon sa buong bansa. Nang ipamahagi ang Kingdom News, ito’y buong-pananabik na tinanggap ng maraming tao. Bunga nito, noong Nobyembre, ang Angola ay nag-ulat ng bagong pinakamataas na bilang kailanman na 94,026 na pantahanang pag-aaral sa Bibliya, isang pagsulong na halos 10,000 ang kahigitan sa sinundang buwan.”
Sa Cameroon, samantalang naglalakbay patungo sa isang nayon, di-sinasadyang nailaglag ng isang grupo ng mga Saksi ang isang pakete ng Kingdom News Blg. 36. Isang lalaki na nakapansin sa mga Saksi na namamahagi ng Kingdom News ang patungo noon sa kaniyang bukid nang makita niya ang pakete sa may tabing-daan. Dinampot niya iyon at sinimulan niya mismong ipamahagi ang Kingdom News Blg. 36! Nang dakong huli, naipamahagi niya ang lahat maliban sa apat na kopya. Nang hilingin ng mga may-bahay ang apat na ito, tumanggi siya at nagsabi: “Hindi ako magtatrabaho nang libre; ito ay para sa aking pamilya. Kapag dumating ang mga Saksi, ibibigay nila sa inyo ang inyong kopya.”
Sa Colombia, dinalaw muli ng mga Saksi ang isang babae na tumanggap ng isang kopya ng Kingdom News Blg. 36. Sinabi ng babae na lagi siyang tumatangging makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, matapos basahin ang Kingdom News Blg. 36, natanto niya na pinalalampas niya ang isang napakabuting bagay. Pagkatapos ay lumuhod siya at nagsumamo sa Diyos na siya’y patawarin. Pagkaraan, nakipag-ugnayan siya sa mga Saksi, at sa kasalukuyan, siya ay nag-aaral ng Bibliya.
Sa isang nayon sa Congo (Kinshasa), isang nakaunipormeng pulis ang bumasa ng Kingdom News Blg. 36 taglay ang matinding interes. Di-natagalan, nasumpungan niya ang mga Saksi at sinabi sa kanila na ang mensahe ay mapuwersa at nakaaaliw. Saka siya umalis sandali ngunit bumalik na nakasuot sibilyan at may hawak na
Bibliya. Ang sabi niya: “Gusto kong sumama sa inyo sa pamamahagi ng mensaheng ito dahil sa kahalagahan at pagkaapurahan nito!” May-kabaitang ipinaliwanag sa kaniya ng mga Saksi na kailangan muna siyang mag-aral ng Bibliya. Pumayag ang lalaki, at mainam ang pagsulong ng kaniyang pag-aaral.Isang babaing nagngangalang Joy ang nakasumpong ng isang kopya ng Kingdom News Blg. 36 sa ilalim ng pinto ng kaniyang tahanan sa Gresya. Matapos basahin iyon, agad niyang tinawagan ang kaniyang tiya na isa sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi niya sa kaniyang tiya na ang mensahe ay nakaantig sa kaniyang puso at na ibig niyang makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova. Nakipag-ugnayan ang kaniyang tiya sa isang kapatid na babae na naglilingkod bilang special pioneer sa lugar na iyon, at pinuntahan ng payunir na ito ang kabataang babae. Laking gulat nila nang matuklasan nilang magkakilala pala sila. Sinabi ni Joy sa payunir na bagaman mayroon siyang Bibliya, hindi niya matagpuan ang mga Kasulatan na may kaugnayan sa kinakaharap niyang mga problema. Agad siyang pumayag na mag-aral ng Bibliya sa tahanan.
Inialok ng isang Saksi sa Korea ang Kingdom News Blg. 36 sa isang babae na sumasalansang sa kaniyang anak na lalaki dahil ito ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Pagkaraan ng tatlong araw, muli siyang dinalaw ng Saksi at ipinaliwanag kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Paraiso. Maganda ang naging tugon ng babae, at napasimulan ang pag-aaral sa Bibliya. Ang kaniyang anak, na may luha sa mga mata, ay nagsabi: “Hindi ako makapaniwala na ang aking ina ay nagsimula nang mag-aral ng Bibliya.” Mahusay ang pagsulong ng kaniyang pag-aaral.
Sa liblib na bahagi ng Liberia, ang ilang mga Saksi ay naglalakad mula sa isang nayon patungo sa ibang nayon upang ipamahagi ang Kingdom News nang mapalayo sila sa pangunahing lansangan at napunta sa isang nabubukod na bukid sa kaloob-loobang bahagi ng kagubatan. Nang sabihin ng mga Saksi na sila ay naliligaw, sinabi ng isang kabataang lalaki: “Ang espiritu ng Diyos ang umakay sa inyo sa daang ito upang matanggap namin ang aming mga kopya.”
Buong-pananabik na tinanggap ng mga tao sa Netherlands ang Kingdom News Blg. 36. Mahigit sa dalawang milyong kopya ang mabilis
na naipamahagi. Naglimbag ang sangay sa Selters, Alemanya ng ekstrang 100,000 kopya, ngunit humiling pa ng karagdagan ang mga kongregasyon. Sa lunsod ng Helmond, sinabi ng isang Saksi sa isang may-bahay na ang tract ay ipinamamahagi sa buong daigdig. Sinabi ng lalaki: “Pakisuyong maghintay ka sandali.” Pumasok ang lalaki at tumawag sa isang kaibigan sa Pransiya upang tiyakin ang sinabi ng mamamahayag. Ganito ang sabi niya sa kaniyang kaibigan: “May isa sa mga Saksi ni Jehova sa aking pintuan na may dalang tract na sinasabi niyang ipinamamahagi sa buong daigdig. Nakatanggap ka na ba ng isang kopya?” Sumagot ang kaniyang kaibigan: “Oo, sampung minuto na ang nakalilipas.” Ibinaba ng lalaki ang telepono, bumalik sa pinto, at tinanggap ang isang kopya para sa kaniyang sarili.Nakatanggap ang sangay sa Russia ng isang kawili-wiling liham mula sa isang kabataan na nasa ikapitong grado. Ganito ang kaniyang isinulat: “Hello. Tuwang-tuwa ako nang masumpungan ko sa aming busón ang isang tract tungkol sa bagong milenyo! Ang pinakamalaking kaligayahan na tinaglay namin sa buong taon ay ang tract na ito na ibinigay ninyo sa amin! Pakisuyong padalhan ninyo kami ng karagdagang impormasyon.”
Bukod sa pagtulong sa madla, ang mga Saksi mismo ay nakinabang mula sa kampanya ng Kingdom News Blg. 36. Nagkomento ang isang Saksi sa Saipan: “Talagang nasiyahan ako sa pamamahagi
ng Kingdom News. Nabautismuhan ako noong 1998, kaya ito ang aking unang pagkakataon na makibahagi sa ganitong pitak ng ministeryo. Ito’y nagpasigla sa akin na subukin ang pagpapatotoo sa gabi, na nagpangyaring makausap ko ang mas maraming tao. Dahil sa gawaing ito, napalakas ang aking pananampalataya, at lalo akong napalapít kay Jehova.”Ang mga Saksi ay nagpunta sa isang liblib na bahagi ng Malaita, Solomon Islands, upang mamahagi ng Kingdom News Blg. 36. Matapos lumakad nang mahigit sa limang oras, nakarating sila sa isang nayon kung saan malugod silang tinanggap ng isang lokal na pastor at ito ay nagpakita ng malaking interes. Sinabi niya na sa loob ng mahigit na siyam na taon, walang kinatawan ng kaniyang simbahan mula sa labas ng isla ang nakadalaw na o nagpakita ng interes sa kanila. Subalit, narito ang isang grupo ng mga estranghero na nagsumikap na tawirin ang mga bundok upang tulungan sila na maunawaan ang mensahe ng Bibliya. Nasimulan ang mga pag-aaral sa Bibliya sa lahat ng mga pamilya sa nayong iyon. Bumabalik ang mga kapatid tuwing ikalawang linggo, at di-nagtagal, sampung pag-aaral ang sumusulong nang mainam. Sinabi ng pastor na kung may isang mamamalagi roon upang simulan ang isang grupo, ang simbahan ng nayon ay maaaring gamitin para sa mga pulong. Isang special pioneer ang regular na dumadalaw ngayon sa grupong iyon. Sa huling ulat, isang kinatawan ng simbahan ang dumalaw at nag-alok ng pagkain sa mga taganayon kung papayag silang ihinto ang pakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, lahat ay nagsabi na ipagpapatuloy nila ang kanilang pag-aaral sa Bibliya.
Samantalang nagbabakasyon sa isang liblib na pook sa Venezuela, naipasakamay ng ilang Saksi ang isang kopya ng Kingdom News Blg. 36 sa kanilang giya, isang Indian na Pemón. Palibhasa’y tuwang-tuwa sa kaniyang kopya, binasa niya ito nang paulit-ulit. Nang mabasâ ito ng isang bagyong maulan, maingat niya itong isinampay upang matuyo. Humingi siya ng karagdagang mga kopya upang dalhin pauwi sa kaniyang tribo.
Mga Kaso sa Hukuman sa Taon ng Paglilingkod
Dahil sa budhi, tumanggi si Ivailo Stefanov na umanib sa militar ng Bulgaria. Bunga nito, siya ay sinentensiyahan ng isa’t kalahating
taon sa bilangguan. Idinulog ni Brother Stefanov ang kaso sa Europeong Hukuman ng mga Karapatang Pantao batay sa pangangatuwiran na ang kaniyang kalayaan sa relihiyon ay nilabag. Nang ipatalastas ng hukuman na diringgin nito ang kaso, nagsaayos ang mga awtoridad sa Bulgaria ng isang palakaibigang pakikipagkasundo na ganap na nagpawalang-sala kay Brother Stefanov at sa iba pang mga Saksi na napaharap sa katulad na usapin. Noong Mayo 3, 2001, tinanggap ng hukuman ang palakaibigang pakikipagkasundo. Bilang bahagi ng pakikipagkasundo, sumang-ayon din ang mga awtoridad sa Bulgaria na paikliin ang kahaliling serbisyong sibilyan, na dati ay doble ang haba kaysa sa sapilitang serbisyo sa militar.Sa Quebec, Canada, nagpatupad ang lunsod ng Blainville ng isang alituntuning nagsasaad na dapat munang magbayad ng permiso ang mga taong nagbabahay-bahay para sa mga relihiyosong layunin. Pinapayagan lamang ng permiso ang pagbabahay-bahay mula Lunes hanggang Biyernes, may bisa lamang iyon sa loob ng dalawang buwan, at maaari lamang makakuha ng panibago pagkaraan ng 12 buwan. Noong Abril 17, 2001, nagpasiya ang isang hukom sa nakatataas na hukuman sa Quebec na ang alituntunin ay hindi kumakapit sa pangmadlang ministeryo ng mga Saksi ni Jehova. Sinabi ng hukom na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi kabilang sa mga
kailangang kumuha ng permiso at hindi sila saklaw ng mga limitasyon sa mga oras, araw, buwan, o mga taon sa kanilang relihiyosong gawain na pagbabahay-bahay. Tinukoy niya ang ministeryo ng mga Saksi ni Jehova bilang “isang Kristiyanong paglilingkod sa pamayanan” at nasumpungan na ang kanilang mga publikasyon ay “mahalagang mga babasahin, na tumatalakay sa mga paksang gaya ng relihiyon, Bibliya, droga, alkoholismo, edukasyon ng kabataan, mga suliranin sa pag-aasawa at diborsiyo.” Ang paghahambing sa mga Saksi sa mga tagapaglako, sabi ng hukom, ay “nakaiinsulto, mapanghamak, nakapipinsala, at nakasisirang-puri.”Noong Pebrero 22, 2001, nagpalabas ng desisyon ang Kataas-taasang Hukuman sa Tbilisi, Georgia, upang pawalang-bisa ang rehistro ng dalawang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova roon: ang Union of Jehovah’s Witnesses of Georgia at ang Representation of the Watch Tower Society in Georgia. Niliwanag nang husto ng hukuman na ang desisyong ito ay hindi nagbabawal sa mga Saksi ni Jehova. Sa kabaligtaran, sinabi ng hukuman na maaaring isagawa ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang relihiyosong mga gawain, kasali na ang pagdaraos ng mga pagpupulong, pag-aangkat ng mga literatura, at pag-upa o pagmamay-ari ng ari-arian. Gayunman, hindi pinansin ng mga relihiyosong ekstremista ang hukuman at nagsagawa sila ng sunud-sunod na malupit na pagsalakay na inilarawan ng isang organisasyon ng mga karapatang pantao bilang isang “paghahari ng sindak.” Noong Hunyo 29, 2001, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsumite ng aplikasyon sa Europeong Hukuman ng mga Karapatang Pantao na nagpoprotesta sa di-pagtugon ng pamahalaan sa walang-habas na karahasan, at noong Hulyo 2, ipinag-utos ng hukuman na ituring na may karapatang mauna ang aplikasyong ito. Bilang isang kasiya-siyang resulta, noong Mayo 30, 2001, pinalabas ng Kagawaran ng Adwana sa Georgia ang humigit-kumulang sa 20 tonelada ng ating mga literatura sa Bibliya, na ilegal na kinumpiska noong Marso 14, 2001. Agad-agad na ipinamahagi ang mga literatura sa mga kongregasyon sa buong Georgia.
Noong 1997, tumanggi ang Federal Administrative Court ng Berlin, Alemanya, na ipagkaloob sa mga Saksi ni Jehova ang legal na katayuan ng isang pampublikong korporasyon ayon sa batas. Ang
pagtangging ito ay batay sa pag-aangkin na hindi sapat ang pagkamatapat ng mga Saksi ni Jehova sa Estado dahil sa kanilang pagiging neutral sa mga pulitikal na halalan. Umapela ang mga Saksi. Noong Disyembre 19, 2000, nagpalabas ng desisyon ang Federal Constitutional Court ng Alemanya na hindi kailangan ang gayong karagdagang pagkamatapat. Gayunman, ang kaso ay ibinalik sa mga administratibong hukuman upang muling isaalang-alang ang kahilingan para sa legal na katayuan, na sa pagkakataong ito ay mula sa aspekto na kung nilalabag ba o hindi ng mga Saksi ni Jehova ang mga karapatan ng mga indibiduwal. Ang mga paniniwala at gawain hinggil sa dugo, pagpapalaki sa anak, pagtitiwalag, at mga kaugnayang pampamilya ang bagong pinagtuunan ng pansin sa kaso.Hanggang kamakailan, mahigit sa 3,500 Saksi sa Gresya ang may mga kriminal na rekord sapagkat nabilanggo sila dahil sa pananatiling neutral. Dahil sa pagkakaroon ng kriminal na rekord, ang mga Saksing ito ay pinagkaitan ng trabaho sa mga posisyong may kinalaman sa paglilingkod sa mamamayan, mga organisasyon sa pagkakawanggawa, at mga bangko. Ang ilan ay pinagkaitan ng permisong magtrabaho sa ilang propesyon. Ngayon ay ipinasá ang isang batas sa Gresya na nagpapahayag na ang mga Saksing ito ay hindi na minamalas bilang dating mga kriminal. Walang alinlangan, ang paborableng desisyon ng Europeong Hukuman ng mga Karapatang Pantao sa kasong Thlimmenos v. Greece hinggil sa karapatan ng isang indibiduwal na tumanggi sa sapilitang serbisyo sa militar udyok ng budhi, ang siyang naglatag ng pundasyon para sa bagong batas.
Ang Pandistritong Hukuman ng Kobe sa Hapon ay nagpalabas ng paborableng desisyon noong Marso 30, 2001, sa isang kaso na kinasasangkutan ng isa sa mga Saksi ni Jehova. Isang sister ang kinidnap at sapilitang ikinulong sa loob ng 17 araw upang “burahin sa isip” ang kaniyang mga relihiyosong paniniwala. Sinabi ng hukuman na ang nasasakdal—isang ministrong Baptist—ay nakipagsabuwatan sa dating asawa ng sister at mga miyembro ng pamilya nito upang ikulong ang sister nang laban sa kaniyang kalooban. Ang nasasakdal ay inutusang magbayad ng 400,000 yen ($3,300, U.S.) bilang bayad-pinsala.
Buong-liwanag na iginiit ng Kataas-taasang Hukuman ng Romania sa dalawang desisyon nito na ang Relihiyosong Organisasyon
ng mga Saksi ni Jehova ay isang kinikilalang relihiyon ayon sa batas at dapat magtamasa ng lahat ng karapatang ipinagkakaloob ng batas sa mga relihiyon. Tinangkang baligtarin ng Tanggapan ng Kalihim ng Estado Para sa mga Relihiyon ang mga desisyong ito ngunit nabigo. Noong Abril 2, 2001, pinagtibay ng Kataas-taasang Hukuman ang dati nitong mga desisyon. Hanggang sa kasalukuyan, hindi lubusang kinikilala ng Tanggapan ng Kalihim ng Estado Para sa mga Relihiyon ang legal na katayuan ng mga Saksi ni Jehova, sa kabila ng mga tagubilin mula sa Kataas-taasang Hukuman na gawin iyon.Noong Pebrero 23, 2001, sa wakas ay pinawalang-saysay ng isang hukom ang kaso upang ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Moscow, Russia, pagkatapos ng halos anim na taon ng legal na proseso at isang tatlong-taóng kaso sa hukuman. Gayunman, naging maikli ang ginhawang nadama ng mga kapatid sapagkat noong Mayo 30, 2001, pinawalang-bisa ng Hukumang Panlunsod ng Moscow ang desisyon ng mababang hukuman at ipinag-utos ang isang ganap na muling-paglilitis ng kaso. Ito ang magiging ikaanim na pagkakataon mula noong 1996 na kailangang ipagtanggol ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang sarili laban sa gayunding walang-saligang mga paratang.
Ang isang desisyon noong Pebrero 21, 2001, ng Nakatataas na Hukuman ng Pennsylvania, Estados Unidos, ay isang mariing pagsang-ayon sa karapatan ng isang pasyente na magpasiya para sa sariling katawan at sa bisa ng matitibay na gawad na kapangyarihan para sa pangangalaga sa kalusugan. Ang desisyon ay kinasasangkutan ni Maria Duran, na nagpahayag ng kaniyang matatag na pagtangging magpasalin ng dugo. Sa kabila ng mga patiunang hakbang ni Maria, ang kaniyang asawang di-Saksi, sa tulong ng mga doktor ni Maria at ng ospital, ay nakakuha ng kautusan mula sa hukuman na nag-aatas sa kaniya [sa lalaki] bilang katiwala niya sa panahon ng kagipitan, bagaman ipinagbilin ni Maria na isang kapananampalataya ang magsisilbing kaniyang kinatawan sa pangangalagang pangkalusugan. Binaligtad ng nakatataas na hukuman ang apurahang kautusan at iginiit na maging sa harap ng pagsalansang ng asawa, mga kamag-anak, at mga doktor ng pasyente, ang kaniyang maliwanag na mga tagubilin
hinggil sa pangangalagang pangkalusugan at personal na pag-aatas sa isang kinatawan ay dapat na iginalang.Kailangan—Marami Pang mga Kingdom Hall
Sa maraming bansa, ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall ay naging napakahirap at nangailangan ng mahabang panahon. Ang ilang kongregasyon ay nagpupulong sa inarkilang mga pasilidad sa loob ng maraming buwan—o mga taon pa nga—samantalang nagpapatuloy ang konstruksiyon. Sa isang hindi pa tapos na Kingdom Hall sa isang lupain sa Aprika, isang mailap na loro ang gumawa ng pugad sa mga biga ng kisame. Di-nagtagal at ang loro ay humuhuni na kasabay ng mga awiting Pangkaharian, na waring hindi naman alintana ng sinuman. Napakabagal ang pagtatayo anupat natutuhan ng loro na gayahin ang konduktor sa Pag-aaral sa Bantayan, at tinatawag pa nga ang mga kapatid sa kanilang pangalan! Nang maglaon, ang Kingdom Hall ay natapos, at ang loro ay kinailangang maghanap ng ibang tirahan.
Sa ngayon, dahil sa kapana-panabik na bagong programa sa pagtatayo, ang mga Kingdom Hall ay natatapos sa bilis na kahanga-hanga. Aba, sa karamihan ng mga papaunlad na lupain, ang mga Kingdom Hall ay itinatayo na ngayon at iniaalay sa loob lamang ng tatlo o apat na linggo! Sa Aprika lamang, 1,074 na mga bagong Kingdom Hall ang naitayo nitong nakaraang taon ng paglilingkod—sa bilis na halos 4 sa bawat araw ng pagtatrabaho!
Ang totoo, dalawa ang tunguhin ng programa sa pagtatayo ng bagong Kingdom Hall. Una, upang matugunan ang kasalukuyang mga pangangailangan. Sumulat ang sangay sa Timog Aprika: “Ito ay isang nakatutuwang pangyayari na sa palagay namin ay tiyak na hahantong sa pagtatayo ng maraming Kingdom Hall sa mga bansa kung saan kailangang-kailangan ang mga ito.” Pangalawa, upang manatiling nakatutugon sa pamamagitan ng pag-oorganisa sa gawaing pagtatayo na ginagamit ang may-kakayahang lokal na mga Saksi. Halimbawa, sa Benin, ang programa sa pagtatayo ay ganap nang pinangangasiwaan ngayon sa lokal na paraan at maaaring mag-asikaso sa panghinaharap na mga pangangailangan para sa mga Kingdom Hall.
Kasama ng Design/Build Office sa Brooklyn, limang Regional Kingdom Hall Office ang naglalaan ng tulong hinggil sa organisasyon nito sa mga sangay sa Silangang Europa, Aprika, Asia, Oceania, Sentral at Timog Amerika, at sa mga isla sa Carribean. Nakikipagtulungang mabuti ang mga tanggapang ito sa mga Komite ng Sangay upang tulungan silang makinabang nang lubusan sa mga alituntunin at mga paglalaan na magagamit ngayon. Halimbawa, isang Kingdom Hall Construction Desk ang itinatag sa bawat sangay upang gawing magkakasuwato ang gawaing pagtatayo sa larangan. Ang desk na ito ay tumutulong din sa mga kongregasyon sa panahon ng pagpili sa lupang pagtatayuan at nakabuo na ito ng mga plano ayon sa itinakdang pamantayan depende sa lokal na materyales at pamamaraan sa pagtatayo.
Sa 92 lupain kung saan minsan naging sagabal sa mga pagsisikap sa pagtatayo ang malaking kakulangan sa pondo at may-kakayahang mga manggagawa, mahigit sa 4,000 pangmatagalan at panandaliang mga boluntaryo ang ngayo’y tauhan ng 352 pambuong-panahong mga Kingdom Hall Construction Group. Mahalaga sa tagumpay ng mga grupong ito ang pagpasok ng mga lingkod sa konstruksiyon ng Kingdom Hall, isang bagong kategorya ng pantanging pambuong-panahong paglilingkod para sa kuwalipikadong lokal na mga kapatid sa piling mga bansa. Karagdagan pa, 152 internasyonal na lingkod ang nagsasanay sa lokal na mga kapatid upang gumanap ng mga pangunahing bahagi sa programa ng pagtatayo. Sabihin pa, ang pagtatayo ng Kingdom Hall ay proyekto ng kongregasyon, kaya ang mga miyembro ng kongregasyon ang kusang-loob na bumubuo sa malaking bahagi ng boluntaryong mga manggagawa.
Paano tumutugon ang mga tao sa bagong programang ito ng pagtatayo? Sa Trujillo, Venezuela, ang unang Kingdom Hall ay itinayo kamakailan sa Sara Linda. Habang lumuluha dahil sa kagalakan, ganito ang sabi ng isang mamamahayag: “Tunay ngang nakababagbag ng damdamin na kami ay naaalaala ni Jehova. Ni hindi man lamang lumilitaw sa mapa ang aming bayan!”
Isang kapatid na babae sa Rio de Janeiro, Brazil, ang naudyukang sumulat: “Sa loob ng sampung taon, lumalakad ako nang apat na kilometro papunta sa mga pulong, na tumatawid sa isang makipot na tulay na para lamang sa mga tao kahit noong ako’y nagdadalang-tao.
Sa wakas, natupad ang aking pangarap. Isang Kingdom Hall sa aming lugar! Maraming inaaralan sa Bibliya ang nagsimula nang dumalo sa mga pulong. Ang aking ama, na nakipag-aral noon ngunit nang maglaon ay sumalansang sa akin, ay hindi lumiliban ni sa isang pulong mula nang pag-aalay. Sa linggong ito ay nagsimula siyang mag-aral muli.” Inamin naman ng isang di-Saksing nagmamasid: “Ako ay 60 anyos na at wala pa akong nakitang tulad nito! Ang mga Saksi ay mabilis at masayang nagtatrabaho nang magkakasama. Ako’y namamasukan bilang isang kantero para sa konseho ng bayan, at kailanma’t nagtatagal ang isang trabaho, may isa na magsasabi: ‘Sa palagay ko’y kailangan nating tawagin ang mga Saksi ni Jehova upang tulungan tayo!’ ”Nagkomento ang isang matanda sa Ukraine: “Nakapagtayo kami ng isang Kingdom Hall ayon sa itinakdang pamantayan sa loob lamang ng isang buwan, kaya hindi kami masyadong nagambala mula sa aming mga pananagutan sa aming pamilya at kongregasyon.” Idinagdag pa ng isang kapatid na babae roon: “Tuwang-tuwa kami. Nakita namin mismo kung paano tinutulungan ni Jehova ang kaniyang bayan. Noon, dahil sa aming kalagayan sa buhay, wala kaming pag-asa na magkaroon ng sariling Kingdom Hall.”
Ang mga interesado sa Malawi ay lalo nang sabik na makisama sa atin kapag may isang angkop na dakong pagpupulungan. Ang Kongregasyon ng Nafisi ay nag-ulat: “Ngayon ay mayroon na kaming isang magandang Kingdom Hall na nagsisilbing isang mainam na patotoo. Bunga nito, madaling magpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya kapag nangangaral. Ang mga tao saanman ay namamangha. Sila man ay nasa paaralan, nasa trabaho, o nasa kanilang tahanan, ang aming Kingdom Hall ay naging sentro ng usapan.”
Kasiya-siya rin ang impresyon ng mga lider ng komunidad sa Mozambique sa programa ng pagtatayo ng Kingdom Hall. Hinilingan ang isang tradisyonal na pinuno ng lugar sa kaniyang pag-aari upang mapagtayuan ng isang Kingdom Hall. Sa pagkakaloob ng permiso, tumugon siya: “Narinig ko ang tungkol sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa ibang lugar at ako’y nabahala, yamang wala ni isa nito sa aking lugar. Salamat sa inyong mga Saksi ni Jehova, sa pagpaplano na itayo ang aming Kingdom Hall!”
Ano ang epekto ng mga proyektong mainam ang pagkakaorganisa sa espiritu ng pagboboluntaryo sa kongregasyon? Ganito ang inilahad ng isang miyembro ng isang grupo sa konstruksiyon sa Zimbabwe: “Pagkatapos maglakbay nang maraming oras habang umuulan, dumating kami sa lugar ng lalawigan na pagtatayuan ng Kingdom Hall. Ang ating naghihintay na mga kapatid na lalaki at babae ay nag-uumpukan sa ilalim ng isang punungkahoy na may isang maliit na sigâ sa kanilang paanan. Sa kabila ng basang kalagayan, malugod nila kaming tinanggap nang nakangiti. Bilang paghahanda sa aming pagdating, 60 mula sa kongregasyon ang humukay ng mga trinsera para sa pundasyon. Nagsimula sila nang alas-kuwatro ng umaga at natapos nang alas-sais ng gabi.”
Sa bansa ring iyon, ang Kongregasyon ng Zongoro ay walang Kingdom Hall. Si Nathan Muchinguri ay naglilingkod na roon mula nang mabautismuhan siya noong 1924. Sa loob ng maraming taon, nagsalin siya ng mga publikasyon sa Bibliya sa wikang Shona. Dahil hindi siya nakatira sa Bethel, nag-alok ang tanggapang pansangay na tumulong sa kaniyang mga gastusin, ngunit tinanggihan niya ang alok. Gayunman, ipinahayag niya ang hangaring makapagpulong sa isang Kingdom Hall bago matapos ang kaniyang makalupang landasin. Noong Abril 8, 2001, natupad ang pangarap ng 93-taóng-gulang na si Brother Muchinguri. Ang Kongregasyon ng Zongoro ay nagtipon sa unang pagkakataon sa kanilang bagong Kingdom Hall. Ang okasyon ay ang pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon.
Sapol nang magsimula ang programang ito sa pagtatayo noong Nobyembre 1999, naitayo na ang 2,097 bagong Kingdom Hall sa 92 lupain—sa katamtaman ay 22 bawat linggo! Ang maibiging kontribusyon ng ating pambuong-daigdig na kapatiran ang nagpangyari sa “pagpapantay-pantay” na ito, anupat “ang [kongregasyong] nagtataglay ng marami ay hindi nagkaroon ng napakarami, at ang [kongregasyong] nagtataglay ng kaunti ay hindi nagkaroon ng napakakaunti.” (2 Cor. 8:14, 15) Pinagpapala ba ni Jehova ang pangglobong pagsisikap na ito? Isaalang-alang: Sa loob ng isang buwan mula nang itayo ang isang naaangkop na Kingdom Hall sa marami sa mga lugar na ito, kadalasang dumodoble ang bilang ng dumadalo sa pulong.
Paggamot at Pag-opera Nang Walang Dugo—Tatlong Video
Isang serye ng tatlong video ang ginawa ng Audio/Video Services, kasama ang mga kapatid mula sa Alemanya at iba pang bansa, na naghaharap sa pagkamakatuwiran at pagkamabisa ng paggamot at pag-opera nang walang dugo. Sa lahat ng tatlong video, ipinakita ng mga kilalang siruhano ang pagkamabisa ng mga pamamaraang panghalili sa pagsasalin kung ihahambing sa mga pamamaraang ginagamitan ng dugo. Ang unang video sa serye ay pinamagatang Transfusion-Alternative Strategies—Simple, Safe, Effective. Ito ay dinisenyo partikular na para sa mga doktor at mga estudyante sa medisina. Gumamit ng computer animation upang ilarawan ang trabaho ng mga sangkap ng dugo.
Ang unang video na ito ay natapos nang nasa panahon upang maging kuwalipikadong ilahok sa ika-34 na taunang U.S. International Film and Video Festival. Sa kabuuan, may 1,500 kalahok mula sa 33 bansa. Ang video na Transfusion Alternatives ay sinuri
sa tatlong kategorya. Sa dalawang kategorya—Dokumento ng Pananaliksik at Pagiging Propesyonal at Edukasyonal—ang video ay ginawaran ng pangalawang puwesto at nagtamo ng Silver Screen Award. Sa ikatlong kategorya, ang Kasalukuyang mga Isyu, ang video ay nanalo ng unang puwesto at tumanggap ng Gold Camera Award. Ipinakita ng mga gawad na ang mga eksperto sa loob ng industriya ng pelikula ay kumikilala sa kalidad, katumpakan, at propesyonalismo ng video, sa gayo’y nakadaragdag sa kredibilidad ng mensahe nito.Ang ikalawang video ay pinamagatang Transfusion-Alternative Health Care—Meeting Patient Needs and Rights. Ito ay dinisenyo lalo na para sa mga manunulat hinggil sa medisina, mga opisyal na pangkalusugan, mga kawani sa kawanggawa, at sa hudikatura. Gaya ng ipinahihiwatig ng pamagat, isinasaalang-alang ng programang ito kung paano tutugon sa medikal na mga pangangailangan ng pasyente samantalang kinikilala rin ang kanilang legal na mga karapatan. Karagdagan pa, ipinakikita na mas maliit ang gastos ng mga pamamaraan sa pag-opera nang walang dugo.
Ang ikatlong video sa serye ay pinamagatang No Blood—Medicine Meets the Challenge. Pangunahing dinisenyo para sa publiko sa pangkalahatan, ang video na ito ay ipinalabas na sa mga istasyon ng telebisyon sa Estados Unidos. Walang alinlangan, ang mga positibong komento mula sa di-Saksing mga propesyonal na kinapanayam sa video ay makatutulong nang malaki upang maturuan ang mga tao tungkol sa kahalagahan ng pag-opera nang walang dugo at upang mabawasan ang may-kinikilingang kaisipan niyaong mga walang-alam.
Nagdulot ng Papuri sa Diyos ang mga Bagong Pasilidad ng Sangay
Ang sumusunod ay mga ulat tungkol sa pag-aalay sa limang sangay sa nakaraang taon ng paglilingkod. Maglakbay tayo sa pamamagitan ng ating imahinasyon, una patungong Timog Amerika, kung saan inialay ang mga bagong pasilidad ng sangay sa Venezuela at Uruguay. Pagkatapos ay pupunta tayo sa Ukraine, sa Silangang Europa, kung saan ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa mahigit na 50 taon. Sumunod, ibabaling natin ang ating pansin sa Malawi, sa timugang Aprika, kung saan ang mga Saksi ay nagbata ng maraming taon ng pagbabawal at pag-uusig. Bilang panghuli, titingnan natin ang Barbados, isang magandang isla sa Caribbean.
VENEZUELA: Noong Marso 3, 2001, mga 1,600 panauhin mula sa 22 bansa ang nagtipon sa isang pribadong pag-aari na maganda ang pagkakaayos ng kapaligiran 80 kilometro sa kanluran ng kabisera, ang Caracas, para sa pag-aalay ng bagong mga gusali ng sangay. Ang Marso ay tag-araw, at ang Kabundukan ng Aragua ay tuyo at kayumanggi, ngunit dahil sa irigasyon mula sa mga balon sa dakong iyon, mayayabong at luntian ang mga damuhan at mga puno ng palma sa palibot ng mga gusali ng sangay. Ang mga delegado—bihis na bihis at ang marami na may dalang mga kamera—ay palakad-lakad sa bakuran at labas-pasok sa mga gusali, na nagpapahayag ng paghanga at kasiyahan.
Binuksan ang unang tanggapang pansangay sa Venezuela noong Setyembre 1946, nang 19 na mamamahayag pa lamang ang
nangangaral ng mabuting balita sa bansa. Sa loob ng sumunod na kalahating siglo, ang ilang iba’t ibang gusali ng sangay ay lumiit na dahil sa lumalaking mga pangangailangan. Ang bagong sangay na ito ay nag-aasikaso ngayon sa 88,541 mamamahayag ng mabuting balita sa Venezuela.Marami na dumalo sa pag-aalay ang nakibahagi sa anim-na-taóng konstruksiyon ng mga pasilidad. Ganito ang nagunita ng isang internasyonal na lingkod: “Totoong nakapagpapasigla na makitang ang mga kapatid ay handang maglakbay nang maraming oras upang makibahagi sa proyekto ng pagtatayo. Halimbawa, isang grupo mula sa isang kongregasyon ang umarkila ng isang bus, umalis nang 11:00 n.g., nagbiyahe nang magdamag upang makarating nang 6:00 n.u., nag-almusal, nagtrabahong kasama namin sa buong maghapon, at sumakay muli sa bus para sa pitong-oras na biyahe pauwi.” Kanais-nais ang pagsasamahan sa panahon ng konstruksiyon, habang ang mga kapatid ay gumagawang sama-sama nang may pagkakaisa.—Awit 133:1.
Ibinigay ni Gerrit Lösch ng Lupong Tagapamahala ang pahayag sa pag-aalay na pinamagatang “Ang Paglawak ay Nagdudulot ng Papuri kay Jehova.” Kinabukasan, isang pambihirang ulat ng tagapakinig na 113,260 Saksi at mga taong interesado mula sa lahat ng panig ng bansa ang nagtipon sa lunsod ng Valencia upang makinig sa isa pang kapana-panabik na programa, kalakip ang isang sumaryo ng programa sa pag-aalay. a
URUGUAY: “Kahanga-hangang mga tao! Talaga namang kay-inam na makakita ng napakaraming tao, mga lalaki at babae, na puspusang nagtatrabaho at nagtataglay ng labis na kaligayahan. Magagawa lamang ito kung mayroon kang tamang motibo at hindi naghahangad ng materyal na pakinabang. Binabati ko kayo, at ipagpatuloy ninyo ang inyong mabuting gawa!” Ito ay isa lamang sa maraming komento ng mga nagmasid sa kanilang pagdalaw sa proyekto ng pagtatayo ng sangay sa Uruguay.
Ang espiritu ng kasigasigan at pagtutulungan na ipinamalas ng mga Saksi ni Jehova sa panahon ng proyekto ng pagtatayo ay maraming taon na ring ipinakikita ng bayan ni Jehova sa pagganap nila ng kanilang edukasyonal na gawain. Animnapung taon na ang nakalilipas, iilan lamang ang Saksi sa Uruguay, kasali na ang anim na payunir na Aleman, na naglakbay sa buong bansa sakay ng bisikleta. Ngayon, ang mga Saksi ni Jehova sa Uruguay ay bumubuo ng isang matatag, kilala, iginagalang na organisasyon na may katumbasan na 1 mamamahayag sa 287 mamamayan at may aberids na limang matanda sa bawat kongregasyon. Sabihin pa, kasabay ng paglawak ang pangangailangan para sa mas malalaking pasilidad ng sangay.
Sa programa sa pag-aalay noong Marso 31, 2001, ipinahayag ang pasasalamat para sa maraming Saksi na naghandog ng kanilang mga kakayahan at karanasan sa proyektong ito. Kasali rin sa programa ang panayam sa maraming dating misyonero na naglingkod sa Uruguay. Naglakbay sila mula sa malalayong lupain upang dumalo sa pag-aalay. Ang pahayag sa pag-aalay ay ibinigay ni Brother Lösch. Idiniin niya na ang pangunahing dahilan sa gawaing pangangaral ay ang magdulot ng papuri at kaluwalhatian kay Jehova. b
UKRAINE: Sa loob ng mahigit 110 taon, may mga mángangarál ng mabuting balita sa Ukraine. Gayunman, sa nakaraang dekada, nasaksihan ang natatanging mabilis na pagsulong. Ang 530-porsiyentong pagtaas sa bilang ng mga mamamahayag noong dekada ng 1990 ay nagbunga ng apurahang pangangailangan para sa mga pasilidad ng sangay. Upang matugunan ang pangangailangang ito, pinili ang isang magandang lokasyon sa kabukiran na mga limang kilometro sa hilaga ng Lvov bilang dakong pagtatayuan ng sangay. Ang mga gusali ay binubuo ng isang tirahan na may 104 na silid, modernong mga tanggapan, isang kusina, labahan, garahe, at bodega ng mga literatura.
Dalawang taon at tatlong buwan pagkaraang makuha ang permiso sa pagtatayo, binago ng mga kapatid ang lokasyon ng isang
dating kampo ng mga kabataan tungo sa isang kaakit-akit na grupo ng mga gusali na bumubuo sa sangay. Matatagpuan iyon sa isang gubat na ginamit ng mga kapatid upang pagdausan ng mga pulong noong mga taon na ipinagbabawal ang gawain.Hiniling ng lokal na mga awtoridad na sementuhin ang kalsada patungo sa sangay. Ang mga kapatid ay umupa ng isang kompanya sa konstruksiyon sa lugar na iyon upang gawin ang trabaho, at nagsabing ang kalsada, na umaabot ng 1,200 metro, ay kailangang makumpleto sa pagtatapos ng Oktubre 2000. Ito ay dahil sa karaniwan nang nagsisimulang umulan ng yelo sa Nobyembre. Hindi natapos ng kompanya ang trabaho sa petsang pinagkasunduan. Gayunman, yamang angkop pa rin ang panahon para sa paggawa ng kalsada, ipinasiya ng mga kapatid na tumulong upang matapos ang proyekto. Ang lahat ay nagtrabaho nang husto, at sa wakas, noong Sabado, Disyembre 16, 2000, nakumpleto ang kalsada. Nang gabing iyon, ang paligid ay nababalutan ng niyebe. Kung tatanungin mo ang mga residente sa lugar na iyon kung bakit ang taglagas ng taóng 2000 ay di-karaniwang mainit at mahaba, ang sagot nila: “Dahil kinailangang tapusin ng mga Saksi ni Jehova ang kalsada.”
Ginanap ang programa sa pag-aalay noong Mayo 19, 2001. Ang mga kapatid mula sa 35 lupain ay naroroon para sa programa, na nagtampok ng mga pahayag nina Theodore Jaracz at Gerrit Lösch ng Lupong Tagapamahala. Kinabukasan, isang pulutong ng 72,023 ang nagtipon para sa isang pantanging programa na idinaos sa pinakamalalaking istadyum sa Lvov at Kiev. Naroroon ang marami na naglingkod nang maraming dekada sa ilalim ng pagbabawal. Tuwang-tuwa sila na makita ang gayong magandang sangay, na magdudulot ng malaking karangalan at papuri kay Jehova. c
MALAWI: Sa pagtatapos ng hapon ng Sabado, Mayo 19, 2001, mahigit sa 2,200 Saksing taga-Malawi kasama ang 200 panauhin mula sa 21 bansa ang nagtipon sa ilalim ng isang bubong na yari sa mahahabang poste ng punong eucalyptus, kawayan, at pinatuyong damo. Yamang dumidilim na, mahirap nang mabasa ang mga titik Awit 56 sa isang tipikal na paraang Aprikano—nang walang saliw na musika at nasa apat-na-tinig na armonya. Hindi kinailangan ng mga tagapakinig ang mga aklat-awitan; kabisadung-kabisado nila ang mga titik. Naantig nang husto ang damdamin ng mga panauhin mula sa ibang mga lupain habang pinakikinggan nila ang tapat ng mga lingkod na ito ni Jehova, na ang karamihan ay 40 taon nang bautisado o mahigit pa at matinding nagdusa alang-alang sa kanilang pananampalataya.
sa aklat-awitan para sa pansarang awit. Mula sa kaakit-akit na plataporma, pinangunahan ng konduktor ang mga tagapakinig sa pag-awit ngSa umagang iyon nang libutin ng mga kapatid ang bagong mga gusali ng sangay, sila ay bigla na lamang kusang napaawit ng mga awiting Pangkaharian at kumaway sa lahat ng nakakasalubong habang naglilibot. Bago ang okasyong ito, pumayag ang mga opisyal sa paliparan na patugtugin ang Kingdom Melodies Tomo 1 sa public address system ng paliparan upang malugod na tanggapin ang mga panauhin mula sa ibang bansa. Iyon nga’y naging isang mainit at teokratikong pagsalubong! Ang musika ay pinatutugtog pa rin sa paliparan.
“Ipinakikita Mo Bang Mapagpasalamat Ka sa Paglilingkuran kay Jehova?” ang tanong na ibinangon ni Sébastien Johnson, na naglilingkod sa Malawi bilang tagapangasiwa ng sona. Habang tinatalakay niya ang Mikas 6:6-8, ipinakita ni Brother Johnson na hindi naman mabigat ang hinihiling sa atin ni Jehova. Pinasigla ng tagapagsalita ang pagbabasa ng Bibliya sa araw-araw at pagkakapit ng kapaki-pakinabang na mga simulain nito. Itinuon naman ni Guy Pierce ng Lupong Tagapamahala ang kaniyang diskurso sa pag-aalay sa temang “Magbunyi at Magalak sa Nilalalang ni Jehova.” Sinabi ni Brother Pierce: “Ang inyong gawain at mahabang kasaysayan ng tapat na paglilingkod ay naglatag ng pundasyon para sa pagsulong na nagaganap ngayon. Patuloy ninyong gawin ang inyong buong makakaya sa sagradong paglilingkod sa Kataas-taasang Diyos, si Jehova.”
Noong Linggo, Mayo 20, sa isang istadyum sa Lilongwe, ipinaalaala sa 17,378 katao na dumalo na ang bilang ng mga mamamahayag sa Malawi ay mga 30,000 nang alisin ang pagbabawal d
noong 1993. Ngayon, may halos 50,000 Saksi sa Malawi! Oo, ang pag-aalay ng bagong-tayóng mga gusali ng Bethel ay tunay na isang panahon upang alalahanin, isang araw ng tagumpay para kay Jehova!BARBADOS: Ang bagong sangay sa Barbados at ang katabing Kingdom Hall ay nasa isang tanawin ng mga damuhan at namumulaklak na mga halaman sa mataas na isang-ektaryang lokasyon na may magandang pánoorín sa kalapít na Dagat Caribbean. Ang
magagandang pasilidad na ito, na itinayo sa loob ng 18 buwan, ay nasa isang tahimik na pook sa Prospect, St. James, mga apat na kilometro mula sa Bridgetown, ang kabisera ng Barbados.Nakatira sa bagong gusali ng sangay ang pamilyang Bethel na binubuo ng sampung miyembro. Mayroon itong walong silid-tirahan, mga tanggapan, at isang silid-kainan. Mayroon ding isang Kingdom Hall na makauupo ang 275. Hinalinhan ng mga pasilidad na ito ang dating mga gusali ng sangay na aabutin ng sampung-minutong biyahe sa sentro ng Bridgetown. Nang ang dating gusaling ito—nasa isang medyo tahimik na looban sa labas ng bayan sa kabisera ng Barbados—ay simulang gamitin noong 1969, ang kabuuang bilang ng mga mamamahayag sa anim na pangunahin at ilang mas maliliit na isla na nasa ilalim ng sangay ay humigit-kumulang sa 1,200. Pagsapit ng taóng 2000, ang bilang na iyan ay nadagdagan tungo sa 2,390 mamamahayag sa 25 kongregasyon at isang nabubukod na grupo. Noon ay naging napakaliit na ng pasilidad na iyon ng sangay para maasikaso ang lumalaking bilang ng mga kongregasyon, at ang minsang tahimik na lugar nito sa labas ng bayan ay naging isa nang maingay na lugar ng komersiyo.
Noong Sabado, Hunyo 2, 2001, ang 676 na inanyayahang panauhin mula sa mga islang sakop ng sangay sa Barbados at sa 15 pang bansa ay nasiyahan sa programa ng pag-aalay, na doo’y kasali ang kasaysayan ng gawain sa Barbados. Ang tampok na bahagi ng programa ay ang pahayag na “Pinasasaya ang Puso ni Jehova,” na ibinigay taglay ang nakahahawang sigla ni John E. Barr ng Lupong Tagapamahala. Para sa kapakinabangan niyaong mga hindi nabigyan ng dako sa mismong programa ng pag-aalay, isang pantanging pulong ang idinaos kinabukasan. Iyon ay dinaluhan ng 3,332. e
Naglilingkod sa gayong mga pasilidad ng sangay sa buong daigdig ang kabuuang 20,133 ordenadong mga ministro. Ang lahat ay miyembro ng Orden ng Pantanging Pambuong-Panahong mga Lingkod.
[Mga talababa]
a Ang teokratikong kasaysayan ng Venezuela ay lumabas sa 1996 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 187-252.
b Ang teokratikong kasaysayan ng Uruguay ay lumabas sa 1999 Yearbook, pahina 225-55.
c Ang kasaysayan ng gawaing pagpapatotoo sa Ukraine ay nasa mga pahina 119-255 ng Taunang Aklat na ito.
d Masusumpungan mo ang teokratikong kasaysayan ng Malawi sa 1999 Yearbook, pahina 149-222.
e Ang teokratikong kasaysayan ng Barbados ay lumabas sa 1989 Yearbook, pahina 149-97.
[Mga larawan sa pahina 6]
Kasali sa “Mga Guro ng Salita ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon ang paglalabas ng “Bagong Sanlibutang Salin” sa tradisyonal at pinasimpleng Tsino, sa Hong Kong
[Mga larawan sa pahina 11]
Halos kalahating bilyong kopya ng “Kingdom News” Blg. 36 ang naipamahagi sa buong daigdig
[Larawan sa pahina 13]
Ang Europeong Hukuman ng mga Karapatang Pantao, Strasbourg, Pransiya
[Larawan sa pahina 21]
Sina Brother at Sister Muchinguri sa harap ng bagong Kingdom Hall
[Larawan sa pahina 22]
Ang tatlong gawad na natanggap para sa video na “Transfusion-Alternative Strategies—Simple, Safe, Effective”
[Mga larawan sa pahina 28, 29]
Bagong-alay na mga pasilidad ng sangay
(1) Malawi
(2) Barbados
(3) Uruguay
(4) Venezuela
(5) Ukraine