Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pambuong-Daigdig na Ulat

Pambuong-Daigdig na Ulat

Pambuong-Daigdig na Ulat

Aprika

Sa Côte d’Ivoire, nalaman ng isang kabataang estudyante na nagngangalang Edith na ang kaniyang bautismo at eksamen sa paaralan ay nakaiskedyul sa parehong araw. May lakas ng loob na hiniling niya sa kaniyang guro na pahintulutan siyang lumiban sa eksamen, at pumayag ito. Tinuya siya ng kaniyang mga kamag-aral, anupat tinawag siyang Maria, ang ina ni Jesus. Nagpatawa ang isang batang lalaki sa kaniyang mga kamag-aral sa pagsasabing si Edith ay umalis, hindi upang magpabautismo, kundi upang pumunta sa isang paligsahan sa paglangoy. Tumugon si Edith sa pamamagitan ng pag-aalok sa batang lalaki ng isang tract tungkol sa mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova.

Matapos basahin iyon, ang batang lalaki ay huminto na sa pagtuya sa kaniya at sinabi na ibig din niyang maging isang Saksi. Pinag-aralan niya ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang Hanggan, at sa kabila ng ilang pagsalansang ng kaniyang pamilya, siya ay nabautismuhan. Masaya si Edith na inuna niya sa kaniyang buhay ang kaniyang pag-aalay kay Jehova at na ito naman ay nakatulong sa isang tao na gayundin ang gawin.

Nag-ulat ang isang misyonero sa Kanlurang Aprika: “Ang isa sa mga pagpapala mula kay Jehova ay ang maging bahagi ng isang organisasyon na may mabuting reputasyon, kahit sa pinakamaliliit na nayon sa lupa. Kitang-kita ko na napatunayan ito sa Ghana, kung saan kilalang-kilala at iginagalang ang mga Saksi ni Jehova. Naghahatid kami noon ng buwanang pidido ng mga literatura sa ilang kongregasyon sa lalawigan. Sa isang maliit na bayan, hindi namin matagpuan ang tao na karaniwan nang kumukuha ng pakete ng mga literatura. Tinanong ko ang tsuper kung ano ang dapat naming gawin. Tumingin siya sa akin, ngumiti, at nagsabi: ‘Hindi problema iyan.’ Itinigil niya ang trak sa isang mataong palengke, sumungaw sa bintana, at tinawag ang isa sa mga batang babae na nagtitinda ng isda sa tabing-daan. Ibinigay niya ang kahon ng literatura sa batang babae at sinabi: ‘Pakisuyong ibigay mo ito sa mga Saksi ni Jehova.’ Walang imik-imik, ipinatong ng bata ang kahon sa kaniyang ulo, tumalikod, at naglaho sa karamihan ng tao. Habang nagbibiyahe kami patungo sa susunod na bayan, tinanong ko ang drayber kung kilala niya ang batang babae. Ngumiti siya uli at sinabi: ‘Hindi, pero kilala niya tayo.’ Inisip ko kung matatanggap pa kaya ng mga kapatid ang mga literaturang iyon. Hindi pala ako kailangang mabahala. Natanggap nila iyon nang araw ring iyon.”

Sa nayon ng Gbolobo, Liberia, ang mga kapatid ay sumulat ng isang liham sa pinuno ng bayan, na ipinababatid sa kaniya ang kanilang intensiyon na magdaos ng pinakamahalagang relihiyosong pagpupulong ng taon sa kaniyang bayan. Binigyan niya ng permiso ang mga kapatid na gamitin ang laruan ng football sa lugar na iyon para sa okasyong iyon at ipinag-utos na ilabas ang isang anunsiyo sa lahat ng simbahan sa pitong bayan na kaniyang nasasakupan. Ang anunsiyo ay nag-aanyaya sa mga tao na dumalo sa Memoryal. Isang malaking grupo ng mga Saksi ang dumating sa nayon upang itayo ang isang plataporma para sa Memoryal sa gitna ng laruan ng football. Sama-sama silang gumawa taglay ang espiritu ng pag-ibig at kaligayahan. Hinangaan ito ng mga taganayon. Bagaman lima lamang ang mamamahayag sa Gbolobo, ang dumalo sa Memoryal ay 636!

Isang sampung-taóng-gulang na batang lalaki sa hilagang Rwanda ang nag-alaga ng isang maliit na kambing hanggang sa ito ay magsilang ng tatlong bisirong kambing. Kamakailan ay ipinadala niya sa tanggapang pansangay ang kaniyang litrato kasama ang babaing kambing. Sa kalakip na liham, ganito ang isinulat niya: “Ako’y lubhang pinagpala ni Jehova, at iyan ang dahilan kung bakit iniaabuloy ko ang babaing kambing na ito sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral na binabanggit sa Mateo 24:14.” Ibinigay niya sa matatanda sa kongregasyon ang kambing at hiniling na ipagbili nila iyon. Ginawa naman nila iyon at ang pera ay ipinadala sa sangay.

Isang special pioneer sa Nigeria ang sumakay sa isang kotse nang alukin siya ng tsuper na sumakay rito. Habang umuusog ang isa pang pasahero upang mabigyan siya ng puwesto, nakita ng tsuper Ang Bantayan na hawak ng kapatid. Pinababa niya ang kapatid sa kotse. Ayaw ipaliwanag ng tsuper kung bakit at sa halip ay basta pinababa na lamang siya. Nang makita ng ilang nanonood na umalis ang kotse nang hindi kasama ang kapatid, sinabi nila sa kaniya na iniligtas siya ng kaniyang Diyos. “Ang kotseng iyon ay sa mga kidnaper!” sabi nila. Ang “pagkakakilanlan” sa kapatid ang siyang nagdulot sa kaniya ng proteksiyon ni Jehova.

Si Grant ay isang walong-taóng-gulang na mamamahayag sa Lalawigan ng Copperbelt sa Zambia. Nang siya’y isa pa lamang batang paslit, nakapaglalahad na siya ng mga simpleng kuwento tungkol sa mga larawan sa aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Pinasigla si Grant ng kaniyang mga magulang na sauluhin ang mga bahagi ng Bibliya bago pa man siya natutong bumasa. Ngayon ay naglilingkod siya bilang isang di-bautisadong mamamahayag. Si Grant ay nagdaraos ng maraming pag-aaral sa Bibliya, ang ilan sa tulong ng publikasyong Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at ang iba pa ay sa brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Dahil sa kaniyang masigasig na gawain, ang tawag kay Grant ng mga batang tagaroon ay shimapepo mukalamba, na sa wikang Cibemba ay nangangahulugang “ang mataas na saserdote.”

Isang lalaki sa Senegal na nagsimulang makipag-aral ng Bibliya ang nakabasa ng salaysay sa Setyembre 22, 1999, na Gumising! tungkol sa Saksi at sa kaniyang anak na batang babae sa Canada na nagsauli ng $1,000 na kanilang natagpuan sa isang segunda-manong pitaka na nabili nila sa isang yard sale. Hindi pa natatagalan matapos niyang mabasa ang artikulo, ang lalaking ito ay nakapulot ng isang pitaka sa kalye na naglalaman ng ilang identification card, gayundin ng pera na katumbas ng mahigit sa $500 (U.S.). Pinag-isipan niyang mabuti ang tungkol sa artikulo na kaniyang nabasa at hindi siya gaanong nakatulog nang gabing iyon.

Nang alas-otso sa kinaumagahan, tinawagan ng lalaki ang may-ari ng pitaka at isinaayos na magkita sila kaagad upang maibalik ang pitaka kasama ang lahat ng perang laman nito. Gayon na lamang ang paghanga ng may-ari sa katapatan ng estudyanteng ito sa Bibliya anupat ibinigay niya rito ang kalahati ng perang nasa pitaka​—$250! “Dahil sa isang magasing iyon na Gumising!,” sabi ng estudyante sa Bibliya, “gumawi ako sa paraang maipagmamalaki ko habang ako’y nabubuhay!” Mula noon, lubhang naging seryoso na siya sa kaniyang pag-aaral sa Bibliya.

Sa bansang Uganda sa Silangang Aprika, ang 12-taóng gulang na si Kandole ay tahimik na nauupo at matamang nakikinig habang nakikipag-aral ng Bibliya ang kaniyang ina sa mga Saksi ni Jehova. Nang maglaon, ang ina ay nawalan ng interes sa pag-aaral, ngunit hinahanap-hanap ng batang lalaki ang pakikinig sa Salita ng Diyos at nagtanong kung saan idinaraos ng mga Saksi ang kanilang mga pulong. Kinalingguhan, naglakad siya ng 11 kilometro patungo sa Kingdom Hall at mula noon ay regular nang dumadalo. Isang kapatid na lalaking payunir ang nagsimulang makipag-aral ng Bibliya kay Kandole, na sumulong nang mainam at nabautismuhan sa edad na 14. Ngayon siya ay 17 anyos na at kamakailan ay naging isang regular pioneer. Ang kaniyang tunguhin ay maging isang special pioneer. Nang dakong huli, ang kaniyang ina ay nagpatuloy sa kaniyang pag-aaral at ngayon ay isa nang bautisadong kapatid. Hindi na ngayon kailangang maglakad si Kandole papunta sa mga pulong. Mayroon na ngayon siyang bisikleta, na doo’y isinasakay rin niya ang kaniyang ina patungo sa Kingdom Hall.

Mga Lupain Sa Amerika

Si Márcio ay inanyayahang maglingkod sa Bethel sa Brazil. Galing siya sa isang mahirap na lugar sa bansa, at siya lamang ang Saksi sa kaniyang pamilya. Upang magkaroon ng pamasahe sa bus patungo sa Bethel, ipinagbili niya ang kaniyang personal na mga pag-aari, anupat kalakip ng salaping ibinigay sa kaniya ng mga Saksi sa kanilang lugar, siya ay nakapaglakbay. Pagkatapos ng tatlong-araw na biyahe, ang bus ay puwersahang pinatabi sa daan ng mga armadong magnanakaw. Hinalughog ng mga magnanakaw ang mga kagamitan ng bawat isa at kinuha ang anumang magustuhan nila. Nang buksan nila ang bag ni Márcio, nakita nila ang kaniyang Bibliya at saka isinara ang bag nang walang anumang kinuha. Nang dumating ang bus sa sumunod na bayan, ang mga pasahero ay nagugutom, ngunit ang karamihan ay walang perang natira upang ibili ng pagkain. Yamang hindi kinuha ng mga magnanakaw ang pitaka ni Márcio, bumili siya ng pagkain para sa ibang mga pasahero, at ito ay nagsilbing isang malaking patotoo.

Si Osvaldo, na nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova sa Chile, ay nakatanggap ng abiso sa kaniyang trabaho na kailangan na siyang magsimulang magtrabaho sa mga araw ng Linggo. Sinabi niya sa kaniyang superbisor na ang kaniyang kontrata ay ang magtrabaho lamang mula Lunes hanggang Biyernes. Idinagdag pa ni Osvaldo: “Bagong kasal pa lamang ako, at kailangan kong gumugol ng panahon kasama ng aking kabiyak. Isa pa, inilaan ko ang Linggo para may maiukol naman ako sa Diyos.” Sinabi ng kaniyang superbisor na masisisante si Osvaldo sa katapusan ng buwan. Si Osvaldo lamang sa mga 3,000 empleado ang hindi nagtatrabaho kung Linggo. Sa halip, patuloy siyang dumalo sa mga pulong, na naglalagak ng kaniyang tiwala kay Jehova.

Di-nagtagal at ang kompanya ay dinalaw ng isang may mataas-na-posisyong manedyer mula sa Pransiya. Huminto siya sa mesa ni Osvaldo upang batiin siya sa kaniyang mahusay na pagtatrabaho. Ang sabi ng manedyer: “Ikaw lamang ang walang mga laro sa iyong computer, at maayos kang magtrabaho.” Pinasalamatan siya ni Osvaldo sa komendasyong ito, at sinabi pang malapit na niyang iwan ang kompanya. Nagtanong ang manedyer: “Nakatanggap ka ba ng mas magandang alok?” Sinabi ni Osvaldo na hindi at saka niya ipinaliwanag ang situwasyon.

Pagkaraan ng ilang araw, nakatanggap siya ng paanyaya na dumalo sa isang miting kasama ang superbisor at ang manedyer. Makapigil-hininga ang tagpo. Sinabi ng manedyer: “Osvaldo, hindi ka magtatrabaho kung araw ng Linggo, at bihira ka ring magtatrabaho kung Sabado. Bibigyan ka rin ng karagdagang pananagutan sa kompanya.” Nang linggo ring iyon, si Osvaldo ay nabautismuhan. Silang mag-asawa ay naglilingkod ngayon bilang mga auxiliary pioneer.

Sa Ecuador, isang kabataang lalaki, na kababautismo pa lamang sa taóng ito, ang nakatanggap ng kaniyang unang atas na pahayag bilang estudyante sa pangunahing awditoryum ng Kingdom Hall. Inakala niyang gayon na lamang kalaking pribilehiyo ang pagbibigay ng pahayag anupat nagsimula siyang mag-ipon ng pera upang makabili ng bagong amerikana. Nang makaipon na siya ng $30, nalaman niya ang tungkol sa isang kapatid na babae sa kongregasyon na walang pera para ibili ng gamot. Ibinigay niya sa kapatid ang buong $30 na naipon niya, na sinasabi: “Mamahalin din naman ako ni Jehova kapag ibinigay ko ang pahayag na iyon suot ang aking lumang amerikana gaya nang kung ipahahayag ko iyon suot ang isa na bago!”

Isang kapatid na babae sa Guatemala ang nagpapatotoo sa lansangan. Nakita niya ang isang lalaki na nakaupo sa tapat ng pintuan ng isang bahay, pero inakala niyang hindi siya dapat mangaral sa lalaki dahil ang bahay ay nasa teritoryo ng ibang kongregasyon. Lumampas siya ngunit nadamang kailangan niyang kausapin ito. Kaya bumalik siya at kinausap ang lalaki tungkol sa Kaharian ni Jehova. Matamang nakinig ang lalaki. Pagkatapos ay sinabi nito: “Salamat at dumating ka upang kausapin ako, Binibini, dahil narito ako upang patayin ang isang lalaki na darating nang 7:45 n.u. Papunta na sana siya sa kaniyang libingan, at papunta naman ako sa kulungan! Alam ko na hindi mo sinadya ang pagpunta rito; ang Diyos ang nagsugo sa iyo sa akin upang makilala ko ang kaniyang pag-ibig. Babalik na ako sa aking bahay ngayon mismo upang hindi ko magawa ang krimeng ito. Pagpalain ka nawa ng Diyos!”

Noong Disyembre 2000 at Enero 2001, ang tanggapang pansangay sa Colombia ay nag-organisa ng isang kampanya upang mangaral sa nabubukod na mga teritoryo. Pinasigla ang mga Saksi sa bansang iyon na lumipat sa mga teritoryong iyon sa loob ng isang linggo hanggang dalawang buwan, depende sa kanilang kalagayan, upang mangaral at maglinang ng interes.

Sa pagnanais na makibahagi, isang kapatid na babae mula sa Bogotá ang nagpunta sa bayan ng Guasca. Gayon na lamang ang kaligayahan niya sa dalawang buwang ginugol niya roon anupat hiniling niya kay Jehova na tulungan siyang makakita ng trabaho upang makapanatili siya roon. Bumili siya ng mga niyog, gumawa ng mga biskuwit na may niyog, at ipinagbili iyon sa mga kalye at sa mga tindahan. Bukod dito, nakakuha siya ng trabaho na paglalaba at pagpaplantsa ng mga damit at natutuhan pa niya kung paano gatasan ang mga baka. Sa ganitong paraan ay nakapaghanap-buhay siya at nakapagpatuloy na maglingkod bilang isang regular pioneer sa Guasca. Nagdaraos siya ngayon ng 25 pag-aaral sa Bibliya.

Isang kapatid na babae sa Jamaica ang sinabihan ng isang may-bahay na walang sinuman ang makakakumbinsi sa kaniya na maging isang Saksi. Ipinaliwanag ng kapatid na ang dahilan sa kaniyang pagdalaw ay upang ibahagi ang mensahe ng Bibliya, kasali na ang pag-asang buhay na walang hanggan. Habang nag-uusap sila, napansin ng kapatid na ang babae ay may matinding paggalang sa Bibliya. Napansin din niya na ang maririing pagtutol ng babae sa ilang punto ay maaaring mapagtagumpayan sa pamamagitan ng pagbasa ng angkop na mga kasulatan mula sa Bibliya. Ito ang nag-udyok sa kapatid na gamitin nang husto ang Bibliya kapag dinadalaw ang taong ito at maging noong maitatag na ang pag-aaral sa Bibliya. Kasunod nito, ang estudyante sa Bibliya ay nagsimulang dumalo sa mga pulong at ginawa ang ipinahayag niya sa simula na hindi niya kailanman gagawin​—ang maging isang nakaalay at bautisadong Saksi ni Jehova.

Si Carol, isang kapatid na babae sa Bolivia, ay nakipag-aral sa isang lalaki at sa asawa nito. Nakatira sila sa tahanan ng ina ng lalaki, isang debotong Katoliko na hindi kailanman lumiliban sa pagdalo sa Misa o sa mga relihiyosong prusisyon. Ang bahay ay napapalamutian ng mga imahen, na bawat isa ay may nakasinding kandila sa harap nito. Isang araw habang nag-aaral, sumugod ang ina sa silid, hawak ang isang Katolikong Bibliya, at tuwirang hinamon si Carol: “Saan dito sinasabi na si Maria ay may iba pang anak?” Ipinakita sa kaniya ni Carol ang Mateo 12:46-50 at 13:55. Yamang nalungkot, ang ina ay umalis sa silid. Pagkaraan ng ilang minuto ay bumalik siya, buong-pagmamalaking dala ang isa pang Bibliya, isa na malaki at kulay-ginto ang gilid na may mga larawan. Muli ay lumisan siya, matapos ipakita sa kaniya ang gayunding mga teksto. Di-nagtagal at pumasok na naman siya dala ang isa pang Bibliya, ngunit ganoon pa rin ang mababasa sa mga teksto. Nanahimik na lamang siya.

Nang sumunod na mga linggo, marami pang beses na siya’y sumabad. Nagtatanong siya ngunit unti-unti siyang naging mahinahon. Nawiwili na siya sa mga sagot. Di-nagtagal at pumayag siyang magkaroon ng sariling pag-aaral sa Bibliya. Ang kaniyang dating sigasig sa Katolisismo ay humantong sa sigasig para sa tunay na pagsamba. Sinimulan niyang dalhin sa Kingdom Hall ang kaniyang mga kaibigan at, nang maglaon, siya ay nabautismuhan.

Asia At Gitnang Silangan

Si Gary, na naninirahan sa Sri Lanka, ay nag-alok ng brosyur na Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos! sa isang lalaking Katoliko at sa asawa nitong Budista. Iginiit ng babae na ang asawa lamang niya ang nagnanais na makaalam ng higit tungkol sa Bibliya. Gayunman, nang sumunod na pagdalaw ni Gary, sinabi ng babae na interesado rin siyang makaalam kung paano magiging kaibigan ng Diyos. Nang sumunod na linggo, nasimulan ang pag-aaral sa brosyur, at ang mag-asawa ay humiling ng isang Bibliya. Sinabi ng babae: “Sa palagay ko ay kailangan namin ang isang Bibliya kung ibig naming maging kaibigan ng Diyos.”

Nang pag-aralan na nila ang aralin 3 sa brosyur na Kaibigan ng Diyos, ang babae ay naging masigla sa pag-aaral. Kinagabihan ay nagkaroon sila ng isa pang kasama​—isang kabataang lalaki na nangungupahan sa kanilang tahanan. Mga ilang araw bago ang kanilang ikaapat na pag-aaral, dinalhan sila ni Gary ng isang Bibliya. Agad nilang idinispley iyon kasama ng kanilang mga brosyur, na nakaayos sa ibabaw ng mesa. Noong gabi ng kanilang ikaapat na pag-aaral, buong-pagmamalaki nilang inabot ang Bibliya, na may nakalagay na maraming asul na tali bilang pananda. Sinabi ng asawang lalaki: “Inihanda na namin ang buong aralin.” Hinanap na nila ang lahat ng kasulatang binanggit sa aralin at naglagay na sila ng isang asul na tali upang markahan ang pahina ng bawat talata.

Si Rowena, isang nagsosolong ina na wala pang 25-anyos na nakatira sa Pilipinas, ay naging interesado sa katotohanan. Nasimulan ang pag-aaral ng Bibliya sa kaniya, at di-nagtagal ay nagsimula na siyang dumalo sa mga pulong. Gayunman, dahil sa kaniyang mga suliranin sa pinansiyal, napilitan siyang umalis sa kanilang bayan upang maghanap ng trabaho sa isang malayong lunsod. Doon ay namasukan siya bilang isang kasambahay sa isang pamilya na debotong Katoliko. Humingi siya ng direksiyon ng pinakamalapit na Kingdom Hall sa lunsod, ngunit atubili ang pamilya na tulungan siyang matagpuan ang mga Saksi.

Lumipas ang mga buwan, at si Rowena ay marubdob na nanalangin kay Jehova na payagan siyang matagpuan ang mga Saksi at maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya. Isang umaga, tumunog ang telepono at sinagot niya iyon. Ang sabi ng tumawag: “Hello, ito ba ang Kingdom Hall?”

Agad na sumagot si Rowena: “Hinahanap ko ang Kingdom Hall. Matutulungan mo ba ako na matagpuan iyon?” Gumawa sila ng kaayusan. Ipinagpatuloy ni Rowena ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya at ngayon ay bautisado na siya.

Isang 12-taóng-gulang na batang babae ang nagpadala ng liham sa tanggapang pansangay sa Russia. Ganito ang isinulat niya: “Ako po ay isang simpleng bata. Nakatira ako sa rehiyon ng Tyumen sa Siberia. Hindi pa natatagalan, sa unang pagkakataon sa aming munting nayon sa isang liblib na dako, nakatanggap kami ng magasing Bantayan. Nakita ko iyon sa aklatan ng aming paaralan. Ipinasiya kong iuwi iyon para basahin. Sa pamamagitan ng magasing ito, natutuhan ko ang maraming bago at kawili-wiling mga bagay. Labis akong nasisiyahan kahit sa pagsasaalang-alang lamang ng mga larawan. Nais ko pong makatanggap ng higit pang impormasyon. Ibig ko pong pag-aralan ang aklat ng Apocalipsis at ang Bibliya, at nais kong matuto pa ng higit tungkol sa inyong organisasyon.” Gumawa ng mga kaayusan upang matulungan siya.

Samantalang nangangaral sa bahay-bahay sa Lebanon, dalawang Saksi ang dumalaw sa isang tahanan. Matapos kumatok, napansin nila ang isang sticker na nagsasabing hindi tinatanggap doon ang mga Saksi ni Jehova. Isang lalaki ang nagbukas ng pinto. Kinausap siya ng mga kapatid, at sila ay inanyayahan niyang pumasok. Nang malaman niya na sila ay mga Saksi, tinanong niya sila kung nabasa nila ang sticker sa pinto. “Oo,” ang sagot nila, “pero tapos na kaming kumatok.” Saka niya sinabi na ang bahay ay pag-aari ng kaniyang mga magulang, na ayaw sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, ibig niyang makaalam ng higit pa at lalo siyang naging mausisa dahil sa mga sticker sa pinto, na pangkaraniwan na sa kanilang lugar.

Isinaayos ng mga kapatid na dalawin ang lalaki sa kaniyang tahanan. Isang pag-aaral sa Bibliya ang nasimulan sa kaniya at sa kaniyang asawa, at di-nagtagal ay nagsimula na silang dumalo sa mga pulong at magkapit ng mga simulain sa Bibliya. Sinabi ng asawang lalaki na hindi pa niya kailanman nabubuklat ang Bibliya, ngunit tinulungan siya ng mga Saksi na kapuwa mabasa at maunawaan iyon.

Isang kapatid na babae na may beauty parlor sa Korea ang nagdidispley ng Bibliya kasama ng iba pang mga publikasyong inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Madalas din niyang patugtugin ang audiocassette ng aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Nang marinig ang rekording, isang babae ang humiling ng isang kopya, at nasimulan ang pag-aaral ng Bibliya sa kaniya. Isang asawa ng pastor ang nagtanong din tungkol sa rekording, na sinasabing hindi pa siya nakarinig sa kanilang simbahan ng gayong nakapupukaw-kaisipang mga bagay. Humiling din siya ng mga cassette at nagsimulang makipag-aral sa mga Saksi. Dahil sa nakadispley na mga literatura, isang Budista ang naging interesado rin at nag-aaral na ngayon ng Bibliya. Upang maasikaso ang espirituwal na mga pangangailangan niyaong mga nakausap niya sa pamamagitan ng di-pormal na pagpapatotoo, ang kapatid ay naging isang regular pioneer.

Isang mag-asawang special pioneer sa Malaysia ang nagpatotoo sa isang lalaking naglalakad sa daan. Maraming tanong ang lalaki, kaya inanyayahan niya ang mag-asawa sa kaniyang tahanan. Sumunod sila roon at nagkaroon sila ng kawili-wiling pag-uusap. Yamang paalis na sila upang magtungo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, inanyayahan nila ang lalaki na sumama sa kanila, at sumama naman ito. Nasiyahan siya sa pulong. Pagkatapos ng pulong, binigyan nila siya ng isang brosyur na Hinihiling at gumawa ng mga kaayusan na dalawin siya kinabukasan. Nang dumating sila, sinabi niya sa kanila na pagkatapos ng pulong kagabi, siya ay umuwi ngunit nanatili siyang gising hanggang 4:00 n.u. na nagbabasa at nananalangin.

Ang lalaking ito ay ministro ng isang simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Bagaman gumugol na siya ng maraming taon sa mga paaralan sa teolohiya, hindi niya kailanman maunawaan ang Trinidad. Inakay siya ng brosyur na Hinihiling sa mga talata sa Bibliya na nagsisiwalat ng katotohanan tungkol sa di-makakasulatang doktrinang ito. Palibhasa’y nalugod na malaman kung sino talaga ang Diyos, sinabi niya sa mag-asawa: “Hindi na ako naniniwala sa Trinidad.” Mula noon, tumanggi na siyang mangaral sa kanilang simbahan. Sa halip, dumalo siya sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova.

Pinag-aralan ng lalaki ang mga literatura sa Bibliya na nakuha niya sa mga Saksi at inihambing ang natutuhan niya mula rito sa kaniyang mga nota sa teolohiya. Pagkaraan ng dalawang linggo, siya ay nagpasiyang baguhin ang kaniyang buong landasin sa buhay. Nanggaling siya sa India upang mag-aral ng teolohiya sa Trinity College sa Singapore. Gayunman, sinabi niya: “Paano pa ako pupunta sa kolehiyong iyon? Ang mismong pangalan ay Trinidad!” Bumalik siya sa kaniyang sariling bansa, anupat sabik na makausap ang mga Saksi roon. Udyok ng pusong mapagpasalamat, sinabi niya: “Nasumpungan ko na ang katotohanan!”

Isang kapatid na babae, na katutubo ng Kazakhstan, ang takot na takot mangaral sa iba pang mga Kazakh. Nang siya’y magsimulang magpayunir, gumawa siya sa teritoryo na ang naninirahan ay mga taong kabilang sa ibang grupong etniko. Ngunit isang araw, samantalang nasa kaniyang teritoryo, nakausap niya ang isang babaing Kazakh. Inalok niya ito ng isang kopya ng Gumising!, na tinanggap naman ng babae. Lumipas ang dalawang linggo bago nagkaroon ng lakas ng loob ang kapatid na dumalaw muli. Sa kaniyang pagkamangha, natuklasan niyang nagagalit ang babae dahil hindi siya kaagad dumalaw muli. Talagang hinila siya ng babae papasok sa apartment, ipinakita sa kaniya ang isang kopya ng aklat na Kaalaman, at sinabi: “Mag-aral tayo ng Bibliya!” Pagkalipas ng ilang panahon, ang babae at ang kaniyang nakatatandang anak na lalaki ay nabautismuhan sa isang pansirkitong asamblea. Ngayon, ang kaniyang nakababatang anak na lalaki ay naglilingkod bilang di-bautisadong mamamahayag, at ang kaniyang anak na babae, pinsan, at pamangking lalaki ay nag-aaral ng Bibliya.

Sa isang lupain sa Gitnang Silangan, nakausap ng isang special pioneer ang isang lalaking nagngangalang G. John na ibig ipagpatuloy ang kaniyang mga suskrisyon sa Ang Bantayan at Gumising! Ipinaliwanag ni G. John na ang kaniyang lolo, na nakatira sa India, ay matagal nang isang Saksi. Nakadalo na si G. John sa mga Kristiyanong pagpupulong sa India ngunit 19 na taon na siyang hindi naninirahan doon. Hindi niya alam kung paano makikipag-ugnayan sa mga lokal na Saksi.

Nang himukin siya ng payunir na dumalo sa pulong, sumagot si G. John na nagdaraos siya ng pulong sa kaniyang sariling tahanan sa kaparehong oras, at sinabi pa na ang pulong ay upang “pag-aralan ang Bibliya at manalangin.” Ginagamit ang mga isyu ng Ang Bantayan at ang aklat na Kaalaman, si G. John ay nag-aaral ng Bibliya kasama ang hanggang 25 kapuwa Indian. May ilang taon na pala silang nagdaraos ng lingguhang pulong. Samantala, ang grupong Ingles sa lugar na iyon ay binubuo lamang ng 12 mamamahayag. Dinalaw ang grupo ng mga Indian, at gumagawa na ng mga hakbang upang mapangalagaan ang mga interesadong iyon sa espirituwal na paraan.

Sa Nepal, isang batang babae ang nakatira sa isang ampunan na pinangangasiwaan ng mga boluntaryong Koreano. Habang siya ay pumapasok sa paaralan ng ampunan, isa sa kaniyang mga guro ang nag-angking natagpuan niya ang “tunay na mga Kristiyano.” Noon pa man ay naniniwala na ang ulilang ito na siya ay isang tunay na Kristiyano. Yamang ang mga taong nagpapatakbo ng ampunan ay nag-aangkin ding Kristiyano, nag-isip siya sa sinabi ng guro. Upang masagot ang kaniyang pag-uusisa, ibig niyang makilala ang “tunay na mga Kristiyano” na ito. Ang kaniyang guro ay nakikipag-aral pala sa mga Saksi ni Jehova at regular na dumadalo sa mga pulong. Kinausap ng bata ang kaniyang guro at dumalo sa pulong na kasama niya. Hangang-hanga ang bata sa naobserbahan niya anupat agad siyang pumayag na mag-aral ng Bibliya. Mabilis ang naging pagsulong niya at nabautismuhan siya pagkaraan lamang ng apat na buwan. Pagkatapos mabautismuhan, siya ay nagsimulang maglingkod bilang isang auxiliary pioneer.

Europa

Taun-taon sa London, Inglatera, isang eksibisyon ang inoorganisa upang maglaan ng impormasyon para sa mga bingi. Ang mga Saksi ni Jehova ay naglalagay ng isang puwesto na may mga Bibliya at mga literatura, kasali na ang presentasyon ng video na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? sa British Sign Language. Palibhasa’y tuwang-tuwang makita ang puwesto, isang babaing bingi ang lumapit at sinabing kung saan-saan na niya hinanap ang mga binging Saksi. Ipinaliwanag niya na isang binging Saksi ang madalas makipag-usap sa kaniya nang siya ay naninirahan pa sa Mongolia. Gayunman, pagkamatay ng kaniyang ama ay saka lamang niya napahalagahan ang pag-asa hinggil sa pagkabuhay-muli at siya’y nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Pagkalipas ng anim na buwan, lumipat siya sa Inglatera, at bagaman natagpuan niya ang isang Kingdom Hall, hindi niya maintindihan ang pulong at hindi niya binanggit na siya ay bingi. Nanalangin siya kay Jehova na matagpuan sana niya ang mga binging Saksi ni Jehova, at natagpuan nga niya. Ngayon, siya at ang kaniyang anak na babae ay nag-aaral ng Bibliya at dumadalo sa mga pulong na may wikang pasenyas.

Napansin ni Andreia, na isang walong-taóng-gulang na Saksi sa Portugal, ang isang kamag-aral na napakalungkot dahil sa naghiwalay ang mga magulang nito. Pagkaraan ng ilang araw, natanggap ni Andreia ang Enero 8, 2001 ng Gumising!, na ang seryeng itinampok sa pabalat ay “Maaari Pa ba Naming Iligtas ang Aming Pag-aasawa?” Buong-kasabikan niyang ipinaliwanag sa kaniyang ina na ang mga artikulo ay makatutulong sa mga magulang ng kaniyang kamag-aral. Isinaayos ni Andreia na madalhan ng tig-isang kopya ng magasin ang ama at ina ng kaniyang kamag-aral.

Di-nagtagal pagkatapos nito, ganito ang sinabi kay Andreia ng kaniyang kamag-aral: “Nagsasama na uli ang aking mga magulang, at sinabi sa akin ng aking ama na sabihin ko raw sa iyo na buo na ang aming pamilya, salamat sa magasin na ibinigay mo sa amin!” Sumunod, binigyan ni Andreia ang pamilya ng aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. Ang ina ni Andreia ay nagdaraos na ngayon ng pag-aaral sa Bibliya sa ina ng kaniyang kamag-aral.

Habang naglilingkod sa larangan sa Italya, nakausap ng dalawang Saksi ang isang may-edad nang lalaki at inialok nila sa kaniya ang mga magasing Bantayan at Gumising! Sinabi ng lalaki na hindi siya marunong bumasa. Ipinaliwanag niya na sa edad na pito, siya ay naging isang pastol. Pagkatapos, nanirahan siya sa bundok sa loob ng 15 taon, na ang kasama lamang ay ang kaniyang mga tupa. Hindi siya kailanman pumasok sa paaralan. Habang inaalagaan niya ang kaniyang mga tupa, marubdob siyang nananalangin na sana’y makilala niyang mabuti ang Diyos. Sinabi niya sa mga kapatid na dumalaw: “Kung mababasa ko lamang sana ang inyong mga magasin, ito’y parang isang pangarap na natupad.”

Sinabi ng isa sa mga kapatid: “Hindi pa huli para matuto kang bumasa.” Kinabukasan, ang pastol ay nagpunta sa Kingdom Hall. Sa tulong ng mga Saksi, natuto siyang bumasa at sumulat. Sa ngayon, ang may-edad nang lalaking ito ay isang regular na mambabasa ng Bibliya at walang-pagod na mamamahayag ng mabuting balita.

Ang Greenland, na tinalakay rito sa ulat ng Europa, ang pinakamalaking isla sa daigdig, bagaman ang kabuuang populasyon ay mga 56,000 lamang. May pitong kongregasyon sa bansa, na ang ilan sa mga ito ay napakaliliit.

Si Harald ay isang 15-taóng-gulang na di-bautisadong mamamahayag na kabilang sa isa sa mga kongregasyong iyon. Nang magkaroon ng field trip ang kaniyang klase sa paaralan, hindi sumama si Harald. Sa halip, dumalo siya sa isa pang klase, kung saan ang mga estudyante ay inatasang magsalita tungkol sa kanilang relihiyon. Bagaman binigyan sila ng dalawang buwan upang maghanda, iilan lamang sa mga estudyante ang may anumang masasabi, at ang mga ito ay ilang minuto lamang nakapagsalita. Yamang may natitira pang kalahating oras sa klase, nagtanong ang guro: “Paano natin gagamitin ang natitira pang oras ng klase?” Si Harald​—ang panauhin—​ay nagtaas ng kamay at nagsabing nalulugod siyang magsalita sa kanila ng tungkol sa kaniyang relihiyon.

Sinabi ng guro: “Sigurado ka ba? Hindi ka nagkaroon ng panahon para maghanda.” Sinabi ni Harald na siya ay nakahanda, at nagpatuloy siya upang magbigay ng mainam na patotoo sa klase. Nang matuklasan ng guro sa sariling klase ni Harald ang tungkol sa kaniyang ginawa, hiniling niya kay Harald na gawin din iyon sa kaniyang sariling klase. Sa pagkakataong ito ay binigyan siya ng isang linggo upang maghanda. Nagdala siya ng ilang publikasyon sa Bibliya upang ipakita sa kaniyang mga kamag-aral at sa kaniyang guro.

Nais ni Pia, na naninirahan sa Denmark, na pabinyagan sa simbahan ang kaniyang bagong-silang na sanggol. Ang kaniyang asawa ay hindi naniniwala sa pagbibinyag sa sanggol, kaya pinagtalunan nila ang bagay na ito. Sa wakas, ipinasiya nila na pag-usapan ang bagay na iyon kasama ang kanilang ministro. Sinabi sa kanila ng klerigo na ang pagbibinyag sa sanggol ay hindi maka-Kasulatan. Nagalit si Pia sa simbahan at sa mga klerigo nito dahil sa loob ng 32 taon, siya pala ay tinuruan na maniwala sa isang bagay na mali. Kinalimutan na niya ang pagpapabinyag sa sanggol at ipinasiya niya na basahin mismo ang Bibliya at alamin kung ano ang tama at kung ano ang mali.

Noong Mayo 2000, isang Saksi ang dumalaw kay Pia, at pumayag siya na mag-aral ng Bibliya. Matapos dumalo sa pandistritong kombensiyon, sinabi niya: “Hindi ko pa nauunawaan ang lahat, pero alam ko na ngayon na hindi taglay ng Pambansang Simbahan ang katotohanan.” Siya ngayon ay isang di-bautisadong mamamahayag at mabilis na sumusulong tungo sa pagpapabautismo.

Isang kapatid na lalaki sa Slovenia ang nagrerelaks sa isang parke kasama ang kaniyang anak na lalaki nang mapansin niya na isang babaing estudyante ang naghiwalay ng kaniyang sarili mula sa isang grupo ng mga estudyante. Sinimulan niyang kausapin ito tungkol sa espirituwal na mga paksa. Nang maglaon, ang kapatid at ang kaniyang asawa ay nakapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya sa estudyante, na ang pangalan ay Silvia. Isinama niya ang kaniyang nobyo sa pag-aaral ng Bibliya, at ngayon ay nag-aaral na rin ito ng Bibliya. Sinabi ni Silvia ang tungkol sa katotohanan sa kaniyang ina, na nagsimula ring mag-aral. Ngayon, silang tatlo ay regular na dumadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Si Silvia ay isa nang di-bautisadong mamamahayag. Kapansin-pansin, natatandaan ni Silvia na noong araw na makilala niya ang kapatid sa parke, nanalangin siya sa Diyos na tulungan siyang maunawaan kung bakit napakawalang-saysay ang daigdig na ito.

Sa mga nakaraang taon, dumagsa sa Espanya ang mga nandarayuhan mula sa Timog at Sentral Amerika. Isang payunir na kapatid na babae na nangangaral sa bahay-bahay ang nagpatotoo sa isang babae mula sa Colombia. Ang babae ay matamang nakinig at pumayag na mag-aral ng Bibliya. Nang sumunod na pagdalaw, ang kapatid na payunir ay nag-alok ng pag-aaral sa Bibliya sa iba pa na nakatira sa apartment ding iyon. Ang ilan sa kanila ay pumayag sa alok. Yamang palagi na lamang lumilipat ang mga nakatira sa apartment na iyon, ang kapatid ay nagpapatotoo sa sinumang makilala niya roon. Hanggang sa kasalukuyan, siya ay nakapagsimula ng 20 pag-aaral sa Bibliya. Nakalipat na ang ilan sa kanila, at hindi alam kung nagpatuloy sila sa pag-aaral. Gayunman, sampung pag-aaral ang idinaraos na ngayon nang regular at ang ilang estudyante ay dumadalo na sa mga pulong.

Bagaman siya ay 40 taon nang nakikinig sa mensahe, isang 82-anyos na babae sa Creta ang kamakailan lamang naging isang di-bautisadong mamamahayag. Ang personal na interes na ipinakita sa kaniya ng isang kapatid na babaing special pioneer ay nagpasigla sa kaniya na magsimulang gumawa ng pagsulong, at siya ay nabautismuhan.

Di-nagtagal at gayundin ang ginawa ng iba sa kaniyang pamilya. Ang 86-anyos na asawa ng may-edad na babaing ito, na naninigarilyo sa loob ng 60 taon, ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya, huminto sa paninigarilyo, at naging di-bautisadong mamamahayag. Ang 55-anyos na anak na babae ng mag-asawa ay gumagawa na rin ng mainam na pagsulong sa kaniyang pag-aaral. Dumadalo siya sa mga pulong at huminto na sa paninigarilyo. Sa wakas, ang isa sa mga lalaking apo-sa-tuhod ng mag-asawa ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya at nagpahayag ng pagnanais na magpatala sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.

Samantalang nagpapatotoo sa isang gusali ng apartment na katabi ng kaniyang tinitirahan, nakilala ng isang kapatid na misyonera sa Estonia ang isang babae na nagtanong kung siya ay may mabuting asawa. Sumagot ang kapatid na mayroon. Saka siya tinanong ng babae kung saan siya nakatira. Sinabi ng kapatid na sa katabing gusali lamang. Nang magkagayon, natuwa ang babae at nagsabi: “O, kung gayon, ikaw iyon​—tiyak na ikaw nga iyon. Madalas kang kumain sa inyong balkonahe, hindi ba?”

Sumagot ang kapatid: “Oo, kasama ng aking asawa.”

Sinabi ng babae: “Buweno, pinagmamasdan ko kayo. Nagsusuot ng epron ang iyong asawa, at malimit na siya ang naghahain ng pagkain. Naku, kitang-kita ko na masaya ang pagsasama ninyo! Hindi ko kayo nakikita mula sa aking apartment, pero lagi akong nagpupunta sa balkonahe ng aking kaibigan upang panoorin kayo. Napapansin namin na lagi kayong nananalangin bago kumain. Kaygandang pagmasdan. Pakisuyo, tumuloy ka.” Mula noon, ang babae ay regular nang dinadalaw.

Oceania

Ang rehiyong ito sa lupa ay sumasaklaw sa mga isla sa timog, kanluran, at gitna ng Karagatang Pasipiko, kasali na ang Melanesia, Micronesia, at Polynesia. Kasali rin sa ulat na ito ang Australia, New Zealand, Malay Archipelago, at ang mga Isla ng Hawaii.

Isang araw, nakita ng dalawang kapatid na babae sa New Zealand ang isang babae na gumagawa sa kaniyang hardin. Sila’y tumigil upang tulungan siyang bunutin ang ilang kawayan. Palibhasa’y namangha sa kanilang kabaitan, sila ay pinainom niya ng kape, at sila naman ay nagpatotoo sa kaniya. Sumulat siya sa lokal na pahayagan upang ipabatid ang tungkol sa nangyari. Nakipag-ugnayan ang pahayagan sa kongregasyon upang sabihin sa kanila na sila ay nanalo ng isang kaakit-akit na pumpon ng mga bulaklak dahil sa kanilang kabaitan.

Ganito ang sabi ng artikulo: “Nang hukayin ng mga Saksi ni Jehova ang nakayayamot na kawayan ng babaing balo, ginawa lamang nila ang nakaugalian na nila​—tumulong sila sa isang nangangailangan. Ang kanilang kabaitan ang siyang nagpaganda ng kaniyang araw. Ang Taong ito ay labis na nagpapasalamat anupat ikinuwento niya sa amin ang nangyari. Ang kuwentong ito ay napili bilang nagwagi ng pumpon para sa Agosto. Umaasa kami na ang pumpon ay magdudulot sa kanila ng kasiyahan gaya ng naidulot ng kanilang kabaitan.”

Sa isa sa mga isla ng Vanuatu, dalawang payunir ang nagpatotoo sa isang kabataang babae na nagtatrabaho sa isang tindahan. Tumanggap siya ng brosyur na Hinihiling at pumayag na mag-aral ng Bibliya. Matindi ang pagsalansang ng kaniyang ama at ayaw niyang makipag-aral sa mga Saksi ang kaniyang anak. Sinira niya ang mga literatura nito sa Bibliya, binugbog siya nang husto, at sa wakas ay pinalayas siya sa kanilang tahanan. Samantala, ang batang babae ay sumulong sa kaalaman, dumalo sa mga pulong, at kaniyang nilinang ang mga bunga ng espiritu. (Gal. 5:22, 23) Sa kalaunan, ang kaniyang pagiging magalang ay hinangaan ng kaniyang ama, na naging kalmado na at nag-anyaya sa kaniyang bumalik sa kanilang tahanan. Siya ay nagpatala sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at dumalo sa kaniyang unang pansirkitong asamblea sa karatig na isla ng Santo. Nang tanungin siya kung paano siya nagkaroon ng panggastos para sa biyahe, siya ay nakangiting sumagot: “Ang tatay ko ang nagbayad sa tiket.”

Si Clarence ay isang lalaking palakaibigan na laging kumukuha ng mga magasin tuwing dumadalaw ang mga mamamahayag sa kaniyang tahanan sa Hawaii. Napansin ng isang payunir na nakausap niya noong isang araw na si Clarence ay may kopya ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa at inalukan siya ng pag-aaral sa Bibliya. Agad na sumang-ayon si Clarence, na nagsabing noon pa niya gustong matuto tungkol sa Bibliya. Naghandang mabuti si Clarence para sa kaniyang pag-aaral sa Bibliya at di-nagtagal ay nagsimulang dumalo sa mga pulong ng kongregasyon.

Ngunit kinailangan ni Clarence na gumawa ng mga pagbabago. Bilang isang beterano ng Digmaang Pandaigdig II, buong-pagmamalaki siyang nagmamartsa kasama ng iba pang mga beterano sa mga parada kapag may kapistahan. Gayundin, tuwing Kapaskuhan, nagboboluntaryo siyang magpatunog ng kampanà sa malaking lalagyan ng mga donasyon para sa Salvation Army. Medyo natagalan bago niya natanto kung ano ang kahulugan ng pagiging hindi bahagi ng sanlibutan ni Satanas. Subalit sa kalaunan, siya ay naging kuwalipikado na makibahagi sa ministeryo.

Si Clarence ay nabautismuhan sa edad na 85 at patuloy na nagkaroon ng aktibong pakikibahagi sa ministeryo. Nagbibigay siya ng mga pahayag bilang estudyante sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Kamakailan, natutuhan niyang gumamit ng computer upang makapagsaliksik siya na ginagamit ang Watchtower Library sa CD-ROM. Taglay ang matibay na pananalig, sinabi ni Clarence: “Walang makapaglalayo sa akin mula sa paglilingkod kay Jehova ngayong natagpuan ko na ang katotohanan.”

Habang nagpapatotoo sa pamamagitan ng telepono sa Australia, tinanong ng isang kapatid na babae ang isang lalaki kung makapaglalaan siya ng 15 minuto sa isang linggo upang pag-usapan ang Bibliya. Sinabi ng lalaki na hindi niya magagawa iyon. Nagtanong ang kapatid: “Paano kung limang minuto lamang?” May pag-aatubiling sumang-ayon ang lalaki. Nang sumunod na linggo, sinimulan nila ang limang-minutong mga pag-aaral. Di-nagtagal at ang lalaki ay nagsimulang magbangon ng seryosong mga tanong. Yamang pinananatili ng kapatid na limang minuto lamang ang pag-aaral, sinasabi niya: “Buweno, maganda ang tanong mo, pero ubos na ang ating oras, kaya iyan na lamang ang magiging paksa natin sa susunod na leksiyon. Paalam.”

Nang itanong ng lalaki kung paano niya malalaman kung alin ang tamang relihiyon, iyan ang ginawang paksa sa sumunod na leksiyon. Pagkatapos ng leksiyong iyan, sinabi niya: “Tiyak na taglay ng mga Saksi ni Jehova ang tamang relihiyon, pero hindi ako basta na lamang maniniwala at makukumberte. Sa palagay ko ay kailangan kong kumuha ng higit pang kaalaman.” Habang lumalaki ang kaniyang interes, ang mga pag-aaral ay unti-unting humaba mula 5 minuto hanggang 30 minuto.

Matapos nilang makumpleto ang brosyur na Hinihiling, tinanong ng kapatid ang lalaki kung silang mag-asawa ay maaaring makipagkita sa kaniya sa kaniyang tahanan upang higit pang pag-usapan ang kaniyang mga natutuhan. Pumayag siya. Dinalaw nila ito, na ipinahahayag ang kasiyahan sa pribilehiyong matulungan siya sa nakaraang anim na buwan at mapasigla siyang magpatuloy. Ngayon, ang asawa ng kapatid ang siyang nagpupunta sa tahanan ng estudyante bawat linggo upang magdaos ng pag-aaral.

Marami pa ring lugar sa Papua New Guinea kung saan ang mabuting balita ay hindi pa naipangangaral dahil sa mahirap marating ang mga nayon. Karaniwan na, ang tanging paraan upang makausap ang mga tao mula sa mga nayong ito ay ang makipagkita sa kanila kapag pumupunta sila sa bayan upang bumili ng mga suplay. Sa ganitong paraan nakakuha ng isang kopya ng Ang Bantayan ang isang lalaki mula sa isang malayong nayon. Matapos basahin iyon, sumulat siya sa tanggapang pansangay para sa higit pang impormasyon. Isang misyonero ang hiniling na makipag-ugnayan sa kaniya. Ang tanging paraan upang gawin iyon ay sa pamamagitan ng koreo, at bunga nito, maraming pag-aaral ang naidaos sa mga taong interesado sa pamamagitan ng koreo.

Palibhasa’y determinadong puntahan ang lugar na iyon, ang ilang misyonero ay naglakbay sakay ng isang four-wheel drive na sasakyan. Iyon ay isang anim-na-oras na biyahe, na sa kalakhang bahagi ay sa isang mapanganib na landas na magubat na paliku-liko sa makikitid na daang-bundok at tumatawid sa mga ilog. Sa isang lugar, ang “daan” ay yaong pinakasahig ng ilog. Nang makarating na sila sa kanilang destinasyon, natuklasan nila ang isang magandang mababang kapatagan na may lawak na sampu hanggang labindalawang kilometro kuwadrado na napalilibutan ng malago, balot-ng-gubat na kabundukan na ang mga taluktok nito ay may mga ulap. Iyon ay parang pamumuhay sa ibang panahon. Ang mga tahanan ay yari sa kawayan, gaya ng ginagawa na sa loob ng maraming siglo. Nang mabalitaan ng mga tao na dumating ang mga misyonero, buong-pananabik silang nagtipon. Bagaman marami sa kanila ang noon pa lamang nakausap ng mga Saksi ni Jehova, pinag-aaralan na nila Ang Bantayan nang dalawang beses sa isang linggo, at halos lahat sila ay umalis na sa Simbahang Lutherano.

Ipinakita ng mga misyonero kung paano idaraos ang mga pulong at ipinatalastas din na magkakaroon ng pahayag pangmadla sa susunod na araw sa 8:00 n.u. Kinabukasan, ang ilang kalalakihan ay bumangon nang 4:30 n.u. at nagpunta sa kalapit na mga nayon upang anyayahan ang mga tao sa pahayag. Ang naiwang mga taganayon ay gumawa ng isang bulwagan para sa pulong. Ang malalaking sanga ay nagsilbing mga bangkô, at ang madahong mga sanga ay naglaan ng lilim. Ang podiyum ng tagapagsalita ay yari sa kawayan. Sabik ang lahat. Apatnapu’t apat ang dumalo sa pulong, at 11 baguhan ang nagbigay ng kanilang mga pangalan upang mapagdausan ng pag-aaral sa pamamagitan ng koreo. Ang mga misyonero ay umuwi nang pagod ngunit lubhang nasisiyahan sa kanilang naisakatuparan.

[Larawan sa pahina 45]

Ang walong-taóng gulang na si Grant sa Zambia ay nagdaraos ng maraming pag-aaral sa Bibliya

[Larawan sa pahina 57]

Puwesto na ginagamit sa mga eksibisyon para sa mga bingi sa Inglatera