Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ukraine

Ukraine

Ukraine

Bumanggit si Jesus ng isang ilustrasyon tungkol sa binhi na itinanim sa mainam na lupa, na lumalarawan sa mga nagkaroon ng matinding pagpapahalaga sa Salita ng Diyos. Sila ay “nagbubunga nang may pagbabata” sa pamamagitan ng buong-katapatang pagpapatuloy na ipahayag ang mensahe ng Diyos sa kabila ng paghihirap at pagdurusa. (Lucas 8:11, 13, 15) Sa iilang lugar lamang sa lupa naging higit na kapansin-pansin ito kaysa sa Ukraine, kung saan sa kabila ng mahigit sa 50 taon ng pagbabawal at matinding pag-uusig, ang mga Saksi ni Jehova ay nakaligtas at dumami.

Sa 2001 taon ng paglilingkod, nagkaroon sa lupaing ito ng pinakamataas na bilang na 120,028 mamamahayag. Mahigit sa 56,000 sa mga ito ang natuto ng katotohanan sa Bibliya nitong nakalipas na limang taon. Sa nakalipas na dalawang taon, ang mga kapatid ay nakapagpasakamay ng mahigit sa 50 milyong magasin, isang bilang na katumbas ng populasyon ng bansa. Bawat buwan, sa katamtaman, nakararating sa tanggapang pansangay ang isang libong liham mula sa mga taong interesado na humihiling ng karagdagang impormasyon. Hindi pa gaanong natatagalan, ang lahat ng ito ay hindi sukat-akalain na mangyayari. Tunay ngang isang tagumpay ng dalisay na pagsamba!

Bago natin buklatin ang mga pahina ng kasaysayan ng Ukraine, tingnan muna natin ang lupain mismo. Bukod sa makasagisag na lupa na tinukoy ni Jesus, ang Ukraine ay nagtataglay ng mahusay na literal na lupa. Halos kalahati ng bansa ay nalalatagan ng mayaman, maitim, at patag na lupa, na tinatawag ng mga taga-Ukraine na chornozem, na ang kahulugan ay “itim na lupa.” Ang lupang ito, pati na ang katamtamang klima, ay nagpangyari sa Ukraine na maging isa sa pinakamabungang rehiyon ng pagsasaka sa daigdig, na nag-aani ng mga sugar beet, trigo, sebada, mais, at iba pang mga pananim. Mula noong sinaunang panahon, kilala na ang Ukraine bilang breadbasket (pangunahing pinagkukunan ng butil) ng Europa.

May lawak na mga 1,300 kilometro mula silangan hanggang kanluran at 900 kilometro mula hilaga hanggang timog, mas malaki nang kaunti ang Ukraine kaysa sa Pransiya. Gaya ng makikita mo sa mapa sa pahina 123, ang bansa ay nasa Silangang Europa, sa hilaga ng Dagat na Itim. Ang hilagang Ukraine ay napapalamutian ng mga kagubatan. Sa timog naman ay naroroon ang mayaman at mabungang kapatagan, na nagbibigay-daan sa magandang Kabundukan ng Crimea. Sa kanluran, ang paanan ng mga burol ay humahantong sa matarik na Kabundukan ng Carpathia, ang tahanan ng mga pusang lynx, oso, at ng bupalo.

Mga 50 milyon katao ang naninirahan sa Ukraine. Sila ay mapagpakumbaba, mapagpatuloy, at masisipag na tao. Marami ang nagsasalita kapuwa ng Ukrainiano at Ruso. Kapag naanyayahan sa kanilang tahanan, malamang na ihahain nila sa iyo ang borscht (sopas na beet) at ang varenyky (siomai). Pagkatapos ng isang masarap na kainan, baka aaliwin ka sa pamamagitan ng mga katutubong awit, yamang maraming Ukrainiano ang mahilig kumanta at tumugtog ng mga instrumentong pangmusika.

Ang mga taga-Ukraine ay nalantad sa iba’t ibang relihiyosong paniniwala. Noong ikasampung siglo, ipinakilala rito ang relihiyon ng Silangang Ortodokso. Nang maglaon, dinala ng Imperyong Ottoman ang Islam sa timog ng Ukraine. Gayundin, pinalaganap ng mga maharlikang Polako ang Katolisismo noong Edad Medya. Noong ika-20 siglo, marami ang naging ateista sa ilalim ng pamamahala ng Komunismo.

Masusumpungan ang mga Saksi ni Jehova sa buong bansa. Subalit bago ang Digmaang Pandaigdig II, karamihan sa kanila ay nakatira sa kanlurang Ukraine, na nahati sa apat na teritoryo: ang Volyn’, Halychyna, Transcarpathia, at Bukovina.

Inihasik sa Ukraine ang mga Binhi ng Katotohanan

Ang mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova, ay aktibo na sa Ukraine sa loob ng mahigit sa isang siglo. Sa kaniyang unang biyahe sa ibang bansa, noong 1891, dinalaw ni C. T. Russell, isang nangungunang Estudyante ng Bibliya, ang maraming bansa sa Europa at sa Gitnang Silangan. Habang papunta sa Constantinople, Turkey, dinalaw niya ang Odessa sa timog ng Ukraine. Nang maglaon, noong 1911, nagbigay siya ng sunud-sunod na mga pahayag sa Bibliya sa mga pangunahing lunsod sa Europa, pati na sa lunsod ng Lvov sa kanlurang Ukraine.

Sakay ng tren, dumating si Brother Russell sa Lvov, kung saan inarkila ang isang malaking bulwagan na kilalá bilang People’s House para sa kaniyang pahayag na nakaiskedyul ng Marso 24. Siyam na anunsiyo sa pitong lokal na mga pahayagan pati na ang malalaking poster ay nag-anyaya sa lahat na pakinggan ang pahayag na “Ang Zionism Ayon sa Hula” ng “tanyag at kagalang-galang na tagapagsalita mula sa New York”​—si Pastor Russell. Isinaplano na magpapahayag si Brother Russell nang dalawang beses sa araw na iyon. Gayunman, isang Judiong rabbi mula sa Estados Unidos na mahigpit na sumasalansang sa gawain ni Russell ang nagpadala ng telegrama sa kaniyang mga kasamahan sa Lvov, na tumutuligsa sa mga Estudyante ng Bibliya. Inudyukan nito ang ilan na sikaping pigilan si Brother Russell sa pagsasalita.

Bagaman punung-punô ng tao ang bulwagan kapuwa sa hapon at sa bandang gabi, naroroon ang mga mananalansang. Nag-ulat ang isang lokal na pahayagan, ang Wiek Nowy: “Nang bigkasin ng tagapagsalin [ni Russell] ang mga unang salita, nag-ingay ang mga Zionist at hindi nakapagsalita ang misyonero dahil sa kanilang kasisigaw at kasisipol. Kinailangang lisanin ni Pastor Russell ang entablado. . . . Mas matindi pa ang demonstrasyon sa pahayag sa alas otso nang gabing iyon.”

Gayunman, marami ang nais makarinig ng sasabihin ni Brother Russell. Sila ay interesado sa kaniyang mensahe at humiling ng mga literatura sa Bibliya. Nang bandang huli, nagkomento si Brother Russell tungkol sa kaniyang pagdalaw sa Lvov. Ang sabi niya: “Ang Diyos lamang ang nakaaalam kung ano ang gagawin niya may kinalaman sa mga karanasang ito. . . . Ang pananabik ng [mga Judio] sa paksang iyon ay maaaring umakay sa ilan na magsuring mabuti kaysa kung narinig nila kami sa isang disente at maayos na paraan.” Bagaman walang dagliang pagtugon sa mensahe, naihasik ang mga binhi ng katotohanan, at maraming grupo ng mga Estudyante ng Bibliya ang nabuo nang dakong huli, hindi lamang sa Lvov kundi pati na rin sa ibang mga lugar sa Ukraine.

Noong 1912, naglathala ang tanggapan ng mga Estudyante ng Bibliya sa Alemanya ng isang malaking anunsiyo sa isang kalendaryo na ipinamahagi sa Ukraine. Pinasigla ng anunsiyo ang pagbabasa ng mga tomo sa Aleman ng Studies in the Scriptures. Dahil dito, ang tanggapan sa Alemanya ay nakatanggap ng mga 50 liham mula sa mga taga-Ukraine na humihiling kapuwa ng Studies in the Scriptures at suskrisyon sa The Watch Tower. Nakikipag-ugnayan ang tanggapan sa mga interesadong ito hanggang sa sumiklab ang digmaan noong 1914.

Kasunod ng Digmaang Pandaigdig I, pinaghatian ang Ukraine ng apat na kalapit na mga bansa. Ang mga teritoryo ng sentral at silangang Ukraine ay sinunggaban ng Komunistang Russia at inilakip sa Unyong Sobyet. Ang kanlurang Ukraine ay pinaghatian ng tatlong iba pang bansa. Ang mga lugar ng Halychyna at Volyn’ ay ikinabit sa Poland, ang Bukovina naman ay sa Romania, at ang Transcarpathia ay sa Czechoslovakia. Nagpairal ang tatlong bansang ito ng isang antas ng kalayaan sa relihiyon at pinahintulutan ang mga Estudyante ng Bibliya na magpatuloy sa kanilang pangangaral. Kaya naman, maraming binhi ng katotohanan na magbubunga sa dakong huli ang unang naihasik sa kanlurang Ukraine.

Ang mga Unang Sibol

Noong mga unang taon ng ika-20 siglo, maraming pamilya mula sa Ukraine ang nagpunta sa Estados Unidos sa paghahanap ng mas mabuting buhay. Binasa ng ilan ang ating mga publikasyong salig sa Bibliya at ipinadala iyon sa kanilang mga kamag-anak sa Ukraine. Nakilala ng ibang pamilya ang mga turo ng mga Estudyante ng Bibliya, bumalik sa lupang tinubuan, at nagsimulang mangaral sa kani-kanilang sariling nayon. Lumitaw ang ilang grupo ng mga Estudyante ng Bibliya at naging mga kongregasyon nang dakong huli. Noong mga unang taon ng dekada ng 1920, inihasik ng mga Estudyante ng Bibliya mula sa Poland ang mga binhi ng katotohanan sa Halychyna at Volyn’. Samantala, dinala naman ng mga kapatid mula sa Romania at Moldavia (ngayo’y Moldova) ang katotohanan sa rehiyon ng Bukovina.

Naglatag ito ng mahusay na pundasyon para sa higit pang pagsulong. Nag-ulat ang The Watch Tower ng Disyembre 15, 1921: “Kamakailan ang ilan sa ating mga kapatid ay dumalaw [sa Bukovina] . . . Bunga ng kanilang pagdalaw roon sa loob ng ilang linggo, pitong klase ang naorganisa at nag-aaral ngayon ng mga tomo at ng ‘Mga Anino ng Tabernakulo’. Ang isa sa mga klaseng ito ay may mga 70 miyembro.” Noong 1922, sa nayon ng Kolinkivtsi, sa Bukovina, si Stepan Koltsa ay tumanggap sa katotohanan, nabautismuhan, at nagsimulang mangaral. Sa abot ng aming nalalaman, siya ang unang kapatid na nabautismuhan sa Ukraine. Nang maglaon, sampung pamilya ang sumama sa kaniya. Ganito ring pagsulong ang nangyari sa lugar ng Transcarpathia. Pagsapit ng 1925, may humigit-kumulang sa 100 Estudyante ng Bibliya sa nayon ng Velyki Luchky at sa karatig na mga nayon. Kasunod nito, nagsimulang mangaral sa Transcarpathia ang mga unang pambuong-panahong lingkod, na nagdaraos ng mga pulong sa tahanan ng mga Estudyante ng Bibliya. Maraming tao ang nabautismuhan.

Inilarawan ni Alexei Davidjuk, isang matagal nang Saksi, kung paano nakilala ng mga tao nang panahong iyon ang katotohanan. Sabi niya: “Noong 1927, isang taganayon ang tumanggap ng isa sa ating mga publikasyon sa nayon ng Lankove, sa lugar ng Volyn’. Matapos basahin iyon, naging mausisa ang ilang taganayon tungkol sa mga turo ng apoy ng impiyerno at kaluluwa. Yamang nasa aklat ang direksiyon ng tanggapan ng mga Estudyante ng Bibliya sa Lodz, Poland, sumulat ang mga taganayon ng isang liham na humihiling na kung maaari ay may dumalaw sa kanilang nayon. Pagkaraan ng isang buwan, isang kapatid na lalaki ang pumunta roon at nag-organisa ng isang grupo ng pag-aaral sa Bibliya. Labinlimang pamilya ang sumali sa grupong ito.”

Ang gayong pananabik sa katotohanan ay karaniwan na noong mga unang taon na iyon. Pansinin ang pagpapahalaga na ipinahayag sa isang liham mula sa lugar ng Halychyna sa punong-tanggapan ng mga Estudyante ng Bibliya sa Brooklyn: “Pinaghilom ng mga aklat na inilathala ninyo ang maraming sugat sa damdamin ng aming mga kababayan at inakay sila tungo sa liwanag ng araw. Ngunit nagsusumamo ako sa inyo na padalhan pa ninyo kami ng mga aklat na ito.” Isa pang interesado ang sumulat: “Nagpasiya ako na hilingin sa inyo na padalhan kami ng literatura dahil hindi ako makakuha nito rito. Isang lalaki mula sa aming nayon ang nakatanggap ng ilang aklat mula sa inyo, ngunit inagaw ito sa kaniya ng mga kapitbahay. Ni hindi man lamang niya nabasa ang mga ito. Sa kasalukuyan, pinupuntahan niya ang mga taganayon, anupat sinisikap na mabawi ang kaniyang mga aklat.”

Ang gayong matinding interes ay nagbunga ng pagkatatag ng isang tanggapan ng mga Estudyante ng Bibliya sa Kalye Pekarska sa Lvov. Nakarating sa tanggapan ang maraming kahilingan para sa literatura mula sa Halychyna at Volyn’ at regular namang ipinadadala ang mga iyon sa Brooklyn upang matugunan.

Noong kalagitnaan ng dekada ng 1920, ang mga binhi ng katotohanan ay talagang sumibol sa kanlurang Ukraine. Inorganisa ang maraming grupo ng mga Estudyante ng Bibliya, at ang ilan sa mga ito nang maglaon ay naging mga kongregasyon. Bagaman kakaunti ang mga ulat na iningatan tungkol sa gawaing ito noon, ipinakikita ng makukuhang ulat na noong 1922, may 12 katao na nagdiwang ng Memoryal sa Halychyna. Noong 1924, ang The Watch Tower ay nag-ulat ng 49 katao na dumalo sa Memoryal sa bayan ng Sarata sa timog ng Ukraine. Noong 1927, mahigit sa 370 ang dumalo sa Memoryal sa Transcarpathia.

Sa paglalarawan sa gawain sa iba’t ibang bansa sa daigdig, inilathala ng The Watch Tower ng Disyembre 1, 1925 ang sumusunod: “Isang kapatid mula sa Amerika ang ipinadala ngayong taóng ito sa mga Ukrainiano sa Europa; . . . malaking kabutihan ang nagawa sa mga Ukrainiano sa bahaging iyan na kontrolado ng Poland. May matindi at lumalaking pangangailangan para sa mga literatura roon.” Pagkaraan ng ilang buwan, nag-ulat ang magasing Golden Age (ngayo’y Gumising!): “Sa Galicia [Halychyna] lamang ay may dalawampung klase [mga kongregasyon] . . . Ang ilan sa mga ito ay . . . nag-organisa at nagdaraos ng mga pulong sa gitna ng sanlinggo; ang ilan ay nagtitipon lamang kung Linggo, at ang iba naman ay inoorganisa pa. Inaasahan na makabubuo ng marami pang klase; ang kailangan lamang ay isang lider na aakay sa kanila.” Ipinakikita ng lahat ng ito na sa espirituwal na diwa, napakataba ng lupang Ukrainiano.

Maagang Ministeryo sa Larangan

Si Vojtech Chehy, mula sa Transcarpathia, ay nabautismuhan noong 1923 at nang maglaon ay pumasok sa pambuong-panahong gawaing pangangaral sa lugar ng Berehove. Kadalasang pumupunta siya sa ministeryo dala ang isang bag ng mga literatura sa isang kamay, ang isa pang bag ay nakatali sa kaniyang bisikleta, at ang isang napsak na punô ng mga literatura ay nakakabit sa kaniyang likod. Ganito ang paglalahad niya: “Inatasan kami sa isang teritoryo na binubuo ng 24 na nayon. Labinlima kaming mamamahayag, at kinailangan naming magsumikap nang husto upang makubrehan nang dalawang beses sa isang taon ang mga nayong ito taglay ang mga literatura. Tuwing Linggo sa ganap na alas kuwatro ng umaga, nagtitipon kami sa isa sa mga nayon. Mula roon ay maglalakad kami o sasakay ng bus nang 15 hanggang 20 kilometro sa nakapalibot na mga lugar. Karaniwan nang sinisimulan namin ang ministeryo sa bahay-bahay sa ganap na 8:00 n.u. at gumagawa hanggang 2:00 n.h. Kadalasa’y umuuwi kami na naglalakad, at sa mga pulong sa kinagabihan ng araw ding iyon, masayang inilalahad ng lahat ang kanilang mga karanasan. Tinatahak namin ang pinakamalapit na daan na nasa mga kakahuyan at tinatawid ang mga ilog maging sa kaayaaya at masungit na panahon, ngunit wala isa man sa amin ang nagreklamo. Maligaya kami na maglingkod at lumuwalhati sa ating Maylalang. Nakikita ng mga tao na ang mga kapatid ay talagang namumuhay bilang mga tunay na Kristiyano, anupat handang maglakad kahit 40 kilometro upang dumalo sa mga pulong o kaya’y mangaral.

“Sa aming ministeryo ay nakikilala namin ang sari-saring mga tao. Minsan ay nag-alok ako ng buklet na The Kingdom, the Hope of the World sa isang babae na nagsabing nais niyang magkaroon nito ngunit wala siyang perang pang-abuloy. Nagugutom ako, kaya sinabi ko sa kaniya na maaari kong ipagpalit ang buklet sa isang nilutong itlog. Nakakuha siya ng buklet, at nakakain naman ako ng itlog.”

Tuwing Kapaskuhan, ang mga naninirahan sa Transcarpathia ay nagbabahay-bahay, na umaawit ng tungkol sa kapanganakan ni Jesu-Kristo. Sinamantala ng mga kapatid ang kaugaliang ito. Nagdadala sila ng mga literatura sa kanilang bag at pumupunta sa tahanan ng mga tao upang umawit ng mga awiting nagpapahayag ng kanilang pananampalataya! Marami ang nasiyahan sa mga himig. Ang mga kapatid ay madalas anyayahang pumasok sa mga bahay at hilingan na umawit pa ng karagdagang mga awitin. Kung minsan ay binibigyan sila ng pera para sa kanilang pagkanta, na buong-lugod naman nilang pinapalitan ng mga literatura sa Bibliya. Kaya naman, kapag panahon ng Kapaskuhan, laging nauubusan ng laman ang bodega ng mga literatura. Umaabot ng dalawang linggo ang gayong mga kampanya sa pag-awit, yamang sa magkaibang sanlinggo ipinagdiriwang ng mga Romano Katoliko at mga Griego Katoliko ang kanilang Pasko. Subalit sa mga huling taon ng dekada ng 1920, habang nagiging lalong maliwanag sa mga Estudyante ng Bibliya ang paganong pinagmulan ng Pasko, itinigil na ang mga kampanya sa pag-awit. Naranasan ng mga kapatid ang matinding kagalakan sa kanilang masigasig na gawaing pangangaral, at patuloy na lumitaw ang mga bagong grupo ng mga mamamahayag sa Transcarpathia.

Ang mga Unang Kombensiyon

Noong Mayo 1926, ang unang kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa lugar ng Transcarpathia ay ginanap sa nayon ng Velyki Luchky. Ang dumalo ay 150, at 20 ang nabautismuhan. Nang sumunod na taon, 200 katao ang dumalo sa isang kombensiyon na idinaos sa labas sa sentrong parke ng Uzhgorod, isang lunsod sa rehiyon ding iyon. Di-nagtagal at inorganisa ang iba pang mga kombensiyon sa iba’t ibang bayan ng Transcarpathia. Noong 1928, idinaos sa Lvov ang una nitong kombensiyon. Nang maglaon, nagdaos ng iba pang mga kombensiyon sa Halychyna at Volyn’.

Maaga noong 1932, isang kombensiyon ang ginanap sa nayon ng Solotvyno, Transcarpathia, sa bakuran ng isang bahay kung saan idinaraos ng mga Estudyante ng Bibliya ang kanilang regular na mga pulong. Humigit-kumulang 500 ang dumalo, kasali na ang ilang responsableng mga kapatid mula sa Alemanya. Ganito ang inilahad ni Mykhailo Tilniak, isang matanda sa lokal na kongregasyon: “Kami’y lubhang nasiyahan sa mainam na inihandang mga pahayag ng mga kapatid na dumating sa aming kombensiyon galing pa sa Alemanya at Hungary. Habang nangingilid ang luha sa kanilang mga mata, pinatibay nila kami na manatiling tapat sa ilalim ng dumarating na mga pagsubok.” At dumating nga ang matitinding pagsubok nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II.

Noong 1937, isang buong tren ang inarkila para sa mga delegado na maglalakbay patungo sa isang malaking kombensiyon sa Prague, Czechoslovakia. Lumisan iyon sa nayon ng Solotvyno at naglakbay sa buong Transcarpathia, na humihinto sa bawat istasyon ng tren upang magsakay ng mga delegado. Sa bawat bagon ng tren, may karatulang mababasa na “Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova—Prague.” Iyon ay isang napakahusay na patotoo sa mga tao sa lugar na iyon, at natatandaan pa ng mga may-edad na ang pangyayaring iyon hanggang ngayon.

Pagtatayo ng mga Dako sa Pagsamba

Habang nabubuo ang mga unang grupo ng mga Estudyante ng Bibliya, bumangon ang pangangailangan na magtayo ng kanilang sariling mga dako sa pagsamba. Ang unang dakong tagpuan ay itinayo sa nayon ng Dibrova, Transcarpathia, noong 1932. Nang maglaon, dalawa pang bulwagan ang itinayo sa karatig na mga nayon ng Solotvyno at Bila Tserkva.

Bagaman ang ilan sa mga ito ay nawasak noong digmaan at ang ilan ay kinumpiska, pinanatili naman ng mga kapatid ang hangarin na magkaroon ng kanilang sariling mga Kingdom Hall. Sa kasalukuyan, may 8 Kingdom Hall sa nayon ng Dibrova at 18 Kingdom Hall sa anim na karatig na mga nayon.

Pagbuo ng Pagsasalin

Pagsapit ng katapusan ng ika-19 at pasimula ng ika-20 siglo, maraming pamilya mula sa Ukraine ang nandayuhan sa Estados Unidos at Canada. Buong-lugod na tinanggap ng ilan sa kanila ang katotohanan sa kanilang bagong bansa, at nabuo ang maraming grupong nagsasalita ng Ukrainiano. Noon pang 1918, ang The Divine Plan of the Ages ay inilathala sa wikang Ukrainiano. Gayunpaman, marami pang kailangang gawin upang matustusan ng espirituwal na pagkain ang populasyong nagsasalita ng Ukrainiano sa Ukraine at sa ibang bansa. Pagsapit ng mga unang taon ng dekada ng 1920, nakita ang pangangailangan na ang isang kuwalipikadong kapatid na lalaki ay regular na magsalin ng mga publikasyon sa Bibliya. Noong 1923, tinanggap ni Emil Zarysky, na nakatira sa Canada, ang paanyaya na pumasok sa pambuong-panahong paglilingkod. Para sa kaniya, pangunahin nang nasasangkot dito ang pagsasalin ng mga publikasyon sa Bibliya sa Ukrainiano. Dinalaw rin niya ang mga grupong Ukrainiano, Polako, at Slovako sa Canada at sa Estados Unidos.

Isinilang si Emil Zarysky malapit sa bayan ng Sokal sa kanlurang Ukraine at nang dakong huli ay lumipat sa Canada kasama ng kaniyang mga magulang. Doon siya nagpakasal sa isang babae mula sa Ukraine na nagngangalang Mariya. Magkasama nilang pinalaki ang limang anak. Kahit na may mabibigat na pananagutang pampamilya, tinupad nina Emil at Mariya ang kanilang mga teokratikong atas. Noong 1928, ang Samahang Watch Tower ay bumili ng isang bahay sa Winnipeg, Canada, na nagsilbing punong-tanggapan para sa gawaing pagsasalin sa Ukrainiano.

Noong mga panahong iyon, ang mga kapatid ay gumagamit ng mga nabibitbit na ponograpo kasama ng mga plaka ng mga pahayag sa Bibliya para sa kanilang ministeryo sa bahay-bahay. Inanyayahan sa Brooklyn si Brother Zarysky upang magrekord ng gayong mga pahayag. Noong dekada ng 1930, inihanda sa istasyon ng radyo sa Winnipeg ang ilang kalahating-oras na pagsasahimpapawid sa radyo sa wikang Ukrainiano. Sa mga pagsasahimpapawid na ito, si Emil Zarysky at ang iba pang makaranasang mga kapatid ay nagharap ng makahulugang mga pahayag pangmadla. Ang mga pahayag na ito ay sinaliwan ng apat-na-boses na pag-awit ng koro mula sa aklat-awitan na inilathala noong 1928. Tumugon ang nagpapahalagang mga tagapakinig sa pamamagitan ng daan-daang liham at mga tawag sa telepono.

Sa loob ng 40 taon, buong-katapatang tinupad ni Emil Zarysky at ng kaniyang kabiyak na si Mariya ang kanilang atas bilang mga tagapagsalin. Nang panahong iyon, bawat labas ng Ang Bantayan ay isinasalin sa Ukrainiano. Noong 1964, inatasang mangasiwa sa gawaing pagsasalin si Maurice Saranchuk, na kasama ng kaniyang asawang si Anne, ay ilang taon nang tumutulong kay Brother Zarysky.

Dumating ang Espirituwal na Tulong

Bagaman ang ilang masisigasig na mamamahayag ay gumawa ng kani-kaniyang paghahasik at pagdidilig ng mga binhi ng katotohanan sa buong Ukraine, noon lamang 1927 nagsimula ang organisadong gawaing pangangaral sa Transcarpathia at nang maglaon, sa Halychyna. Bago pa nito, maraming aklat at mga buklet ang naipamahagi sa mga wikang Romaniano, Hungaryo, Polako, at Ukrainiano, bagaman hindi naiulat ang gawaing pangangaral. Nagsimulang organisahin bilang mga kongregasyon ang nabubukod na mga grupo, at ang mga mamamahayag ay nagsimulang mangaral nang regular sa bahay-bahay. Maraming literatura sa Bibliya ang naipasakamay noong mga taóng iyon. Noong 1927, binuksan ang kauna-unahang bodega ng mga literatura sa Ukraine sa lunsod ng Uzhgorod, Transcarpathia. Noong 1928, inatasan ang tanggapan sa Magdeburg, Alemanya, na mag-asikaso sa mga kongregasyon at mga colporteur sa teritoryo ng Transcarpathia, na noon ay bahagi ng Czechoslovakia.

Noong 1930, itinatag ang isang tanggapan sa bayan ng Berehove, malapit sa Uzhgorod, upang pangasiwaan ang gawain ng mga Estudyante ng Bibliya sa Transcarpathia. Si Vojtech Chehy ang naglingkod bilang tagapangasiwa sa tanggapang iyon. Naging lubhang kapaki-pakinabang sa gawaing pangangaral ang bagong kaayusang ito.

Ang ilang kapatid mula sa mga tanggapan sa Prague at Magdeburg ay nagpakita ng espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili, na malimit naglalakbay ng mahahabang distansiya sa Kabundukan ng Carpathia upang dalhin ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa pinakamalalayong bahagi ng magandang rehiyong iyon. Isa sa masisigasig na kapatid na ito si Adolf Fitzke mula sa tanggapang pansangay sa Magdeburg. Ipinadala siya upang mangaral sa lugar ng Rakhiv sa Kabundukan ng Carpathia. Maraming Saksi sa lugar na iyon ang hanggang sa araw na ito ay may magagandang alaala tungkol sa tapat, mapagpakumbaba at di-mapaghanap na kapatid na ito. Noong 2001, may apat na kongregasyon na sa lugar na iyon.

Noong dekada ng 1930, ipinalabas ang “Photo-Drama of Creation” sa maraming bayan at nayon sa Transcarpathia. Ang “Photo-Drama” ay isang walong-oras na presentasyon ng mga slide at gumagalaw na mga larawan na sinasabayan sa ponograpo ng isang isinaplakang komentaryong salig sa Bibliya. Ipinadala si Erich Frost mula sa Alemanya upang tulungan ang lokal na mga kapatid sa “Photo-Drama.” Bago ang programa, namamahagi ang mga kapatid ng mga pulyeto at gumagamit ng mga poster upang anyayahan ang publiko sa pagpapalabas nito. Malaki ang naging interes. Sa bayan ng Berehove, gayon na lamang kalaki ang pulutong na nagkatipon anupat mahigit sa isang libo katao ang kinailangang maghintay sa lansangan. Nang makita ng mga pulis ang malaking grupo, nangamba sila na baka magkagulo at hindi nila makontrol ito. Dahil dito, naisip nila na kanselahin ang okasyon, ngunit nagpasiya silang huwag gawin iyon. Pagkatapos ng palabas, maraming tao ang nagbigay ng kanilang direksiyon dahil ibig nilang mapanood muli ang “Photo-Drama.” Ang gayong interes ay pumukaw sa lokal ng mga lider ng relihiyon na gumamit ng lahat ng paraan hangga’t maaari upang biguin ang gawaing pangangaral ng mabuting balita. Sa kabila nito, patuloy na pinapagtagumpay ng Diyos na Jehova ang gawain.

Noong mga dekada ng 1920 at 1930, ang mga lugar ng Volyn’ at Halychyna ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng sangay ng Poland sa Lodz. Noong 1932, nagtuon ng pansin sa mga teritoryong ito ang mga kapatid mula sa Poland, na gumagawa ng mga pagdalaw muli sa lahat ng suskritor ng Bantayan, na ang mga direksiyon ay natanggap nila mula sa Brooklyn.

Ganito ang nagunita ni Wilhelm Scheider, noo’y tagapangasiwa sa tanggapan sa Poland: “Gayon na lamang ang pananabik na niyakap ng mga Ukrainiano ang katotohanan. Tulad ng mga kabute pagkatapos umulan, bigla na lamang lumitaw sa mga lunsod at nayon ng Halychyna ang mga grupo ng mga taong interesado. Kung minsan ay napakalaki ng gayong mga grupo anupat nasaklaw ng mga ito ang buong mga komunidad.”

Bagaman karamihan sa mga kapatid ay mahihirap, malaki ang isinakripisyo nila upang makakuha ng literatura at mga plaka ng ponograpo na tutulong sa kanila na mangaral at lumago sa espirituwal. Ipinagbili ni Mykola Volochii mula sa Halychyna, na nabautismuhan noong 1936, ang isa sa kaniyang dalawang kabayo upang makabili ng isang ponograpo. Gunigunihin kung ano ang maaaring maging epekto sa isang magsasaka ng pagbebenta ng isang kabayo! Bagaman kinailangan niyang maglaan para sa apat na anak, ipinasiya niya na magagawa niya iyon sa pamamagitan ng isang kabayo. Maraming baguhan ang nakakilala at naglingkod kay Jehova sa pamamagitan ng mga pahayag sa Bibliya at mga awiting Pangkaharian sa wikang Ukrainiano na pinatugtog sa ponograpong ito.

Upang ilarawan ang malaking pagsulong ng mga mamamahayag sa Halychyna at Volyn’ noong dekada ng 1930, sinabi ni Wilhelm Scheider: “Noong 1928, naabot namin ang 300 mamamahayag sa Poland, ngunit pagsapit ng 1939, mayroon kaming mahigit sa 1,100, at ang kalahati nito ay mga Ukrainiano, bagaman mas huling nagsimula ang gawain sa kanilang lugar (Halychyna at Volyn’).”

Upang asikasuhin ang gayong mga pagsulong, si Ludwik Kinicki ay ipinadala mula sa sangay sa Poland tungo sa Halychyna at Volyn’ bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa upang tumulong sa gawaing pangangaral. Ang kaniyang pamilya mula sa Chortkiv, Halychyna, ay nandayuhan sa Estados Unidos noong pasimula ng ika-20 siglo, kung saan natutuhan ni Brother Kinicki ang katotohanan. Nang maglaon ay bumalik siya sa kaniyang sariling bayan upang tulungan ang taimtim na mga tao roon. Hindi kailanman malilimutan ng maraming kapatid ang espirituwal na tulong na natanggap nila sa pamamagitan ng masigasig na ministrong ito. Nang ipag-utos noong taglagas ng 1936 ang pagbabawal sa Polakong edisyon ng The Golden Age at sentensiyahan ang editor nito na mabilanggo ng isang taon, si Brother Kinicki ang inatasan bilang editor ng magasing New Day, na inilathala bilang kahalili ng ipinagbabawal na Golden Age. Noong 1944, inaresto siya ng Gestapo at dinala sa kampong piitan ng Mauthausen-Gusen, kung saan siya ay namatay na tapat kay Jehova.

Inilalapit ng Diyos ang Lahat ng Uri ng Tao

Sa pasimula ng dekada ng 1920, isang Estudyante ng Bibliya na nagngangalang Rola ang bumalik sa kaniyang tinubuang bayan ng Zolotyi Potik, Halychyna. Ginagamit ang kaniyang Bibliya, si Rola ay nagsimulang mangaral ng mabuting balita. Tinawag siyang baliw ng mga tao dahil sinira niya ang lahat ng kaniyang relihiyosong imahen. Tinangka ng pari sa lugar na iyon na pahintuin si Rola sa pangangaral. Pinuntahan ng pari ang isang pulis at sinabi: “Kung gagawa ka ng paraan para hindi na makalakad si Rola, bibigyan kita ng isang litro ng wiski.” Sumagot ang pulis na hindi niya trabaho ang manggulpi ng tao. Nang bandang huli, nagsimulang tumanggap si Rola ng mga pakete ng literatura mula sa mga kapatid sa Estados Unidos. Muling nilapitan ng pari ang pulis at sinabi sa kaniya na isang pakete ng mga literaturang Komunista ang dumating sa tanggapan ng koreo. Kinabukasan, naghihintay na sa tanggapan ng koreo ang pulis upang makita kung sino ang kukuha ng pakete. Sabihin pa, si Rola iyon. Dinala ng pulis si Rola sa himpilan ng pulisya at ipinatawag din ang pari. Isinigaw ng pari na ang mga aklat ay galing sa Diyablo. Upang matiyak kung ang mga literatura ay naglalaman nga ng mga turo ng Komunista, ang pulis ay nagpadala ng ilan nito sa lokal na hukuman. Ang natira ay kinuha niya para sa kaniyang sarili. Habang binabasa niya ang mga publikasyon, natanto niya na taglay nito ang katotohanan. Di-nagtagal at silang mag-asawa ay nagsimulang dumalo sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya. Nang maglaon, siya’y nabautismuhan at naging isang masigasig na mamamahayag. Kaya, samantalang sinisikap ng pari na pahintuin ang gawaing paggawa ng alagad, di-sinasadyang nahimok niya si Ludwik Rodak na tanggapin ang katotohanan.

Kasabay nito, isang paring Griego Katoliko mula sa Lvov ang lumipat sa Estados Unidos kasama ang kaniyang asawa. Di-nagtagal pagkatapos nito, namatay ang kaniyang asawa. Palibhasa’y namimighati, nagpasiya siyang alamin kung saan nagtungo ang kaluluwa ng kaniyang asawa. Kinuha niya ang direksiyon ng ilang espiritista sa New York. Habang hinahanap ang kanilang lugar na pinagtitipunan, di-sinasadyang nakarating siya sa ibang palapag ng gusali at napapunta sa isang pulong ng mga Estudyante ng Bibliya. Doon niya nalaman ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga patay. Nang maglaon ay nabautismuhan siya at pansamantalang nagtrabaho sa palimbagan ng Bethel sa Brooklyn. Pagkaraan ng ilang panahon, bumalik siya sa Halychyna at masigasig na nagpatuloy sa pangangaral ng mabuting balita.

Sinag ng Liwanag sa Silangang Ukraine

Gaya ng nakita natin, ang kalakhang bahagi ng gawaing pangangaral noong una ay naganap sa kanlurang Ukraine. Paano naman nakarating ang katotohanan sa natitirang bahagi ng bansa? Sagana rin kayang magbubunga ang espirituwal na lupang iyan gaya ng nangyari sa kanlurang Ukraine?

Noong mga unang taon ng dekada ng 1900, si Brother Trumpi, isang Estudyante ng Bibliya sa Switzerland, ay dumating upang magtrabaho bilang isang inhinyero sa rehiyon ng pagmimina ng karbon sa silangang Ukraine. Kilala siya bilang ang unang Estudyante ng Bibliya sa lugar na iyon. Ang kaniyang gawaing pangangaral noong dekada 1920 ay humantong sa pagkabuo ng isang grupo sa pag-aaral ng Bibliya sa nayon ng Liubymivskyi Post, malapit sa lunsod ng Kharkov.

Noong 1927, dumating ang isa pang kapatid mula sa kanlurang Europa upang magtrabaho bilang isang inhinyero sa minahan ng karbon sa nayon ng Kalynivka. Nagdala siya ng isang maletang punô ng mga literatura sa Bibliya, na ginamit niya upang mangaral sa isang munting grupo ng mga Baptist na nagpakita ng malaking interes sa pag-asa ng Kaharian. Pagkaraan ng ilang panahon, nagbalik sa kaniyang sariling bansa ang kapatid na ito, na nag-iwan ng isang munting grupo na naging mga Estudyante ng Bibliya. Nag-ulat ang The Watch Tower noong 1927 na 18 katao ang nagtipon sa Kalynivka upang ipagdiwang ang Memoryal. Sa karatig na nayon ng Yepifanivka, 11 ang dumalo. Bukod dito, noong taóng iyon ay 30 ang nagdaos ng Memoryal sa Liubymivskyi Post.

Patuloy na binibigyang-pansin ng mga kapatid sa punong-tanggapan sa Brooklyn ang mga pangyayari sa Unyong Sobyet, na sinisikap maitatag nang legal ang gawaing pangangaral ng Kaharian. Taglay sa isip ang gayong tunguhin, isang kapatid na taga-Canada, si George Young, ang dumating sa U.S.S.R. noong 1928. Sa kaniyang pamamalagi roon, nadalaw niya ang lunsod ng Kharkov, sa silangang Ukraine, kung saan inorganisa niya ang isang maliit na tatlong-araw na kombensiyon sa isang grupo ng mga Estudyante ng Bibliya sa lugar na iyon. Nang dakong huli, kinailangan niyang umalis sa bansa bunga ng pananalansang mula sa mga awtoridad. Napag-alaman niya na may mga grupo ng mga Estudyante ng Bibliya noong panahon ding iyon kapuwa sa Kiev at Odessa.

Iniulat ni Brother Young sa Brooklyn ang situwasyon sa Unyong Sobyet. Kasunod ng rekomendasyon ni Brother Young, si Danyil

Starukhin ng Ukraine ang hinirang na kumatawan sa mga Estudyante ng Bibliya hindi lamang sa Ukraine kundi maging sa buong U.S.S.R. Mga ilang taon bago ang pagdalaw ni George Young, naipagtanggol ni Brother Starukhin ang Bibliya sa isang pakikipagdebate kay Anatoly Lunacharsky, ang Soviet Commissar of Education nang panahong iyon. Sa isang liham kay J. F. Rutherford, ng punong-tanggapan sa Brooklyn, sumulat si Brother Young: “Si Danyil Starukhin ay masigasig at aktibo. Nang siya’y 15 anyos, nakipagtalo siya sa isang pari tungkol sa Bibliya. Nagalit nang husto ang pari kung kaya kinuha niya ang kaniyang krus at ipinukpok sa ulo ng binatilyo, anupat nawalan ito ng malay at humandusay sa sahig; mayroon pa rin siyang peklat sa kaniyang ulo. Maaari sanang bitayin si Danyil, subalit yamang menor de edad pa siya, sinentensiyahan na lamang siya ng apat na buwang pagkabilanggo.” Bagaman sinikap ni Brother Starukhin na iparehistro ang lokal na kongregasyon at makakuha ng opisyal na permiso para makapag-imprenta ng mga literatura sa Bibliya sa Ukraine, hindi siya pinayagan ng mga awtoridad na Sobyet na gawin iyon.

Noong mga huling taon ng dekada ng 1920 at noong dekada ng 1930, masigasig na itinaguyod ng mga awtoridad na Sobyet ang ateismo. Tinuya ang relihiyon, at yaong nangangaral sa iba ay itinuring na “mga kaaway ng inang-bayan.” Pagkaraan ng isang masaganang ani noong 1932, kinumpiska ng mga Komunista ang lahat ng pagkain mula sa mga taganayon sa Ukraine. Mahigit sa anim na milyong tao ang namatay dahil sa ganitong artipisyal na sanhi ng taggutom na sumunod.

Ipinakikita ng mga ulat na pinanatili ng maliliit na grupo ng mga lingkod ni Jehova ang kanilang integridad sa mahihirap na panahong ito, kahit na wala silang anumang pakikipag-ugnayan sa mga kapatid sa labas ng bansa. Ang ilan sa kanila ay nabilanggo nang maraming taon dahil sa kanilang pananampalataya. Ang mga Trumpi, mga Hauser, sina Danyil Starukhin, Andrii Savenko, at Sister Shapovalova ay ilan lamang sa gayong mga nag-ingat ng katapatan. May tiwala tayo na hindi ‘kalilimutan [ni Jehova] ang kanilang gawa at ang pag-ibig na ipinakita nila para sa kaniyang pangalan.’—Heb. 6:10.

Panahon ng Matinding Pagsubok

Ang katapusan ng dekada ng 1930 ang siyang pasimula ng malalaking pagbabago sa mga hangganan ng maraming bansa sa silangang Europa. Pinalawak ng Alemanyang Nazi at ng U.S.S.R. ang kanilang impluwensiya upang masakop ang mas mahihinang bansa.

Noong Marso 1939, sa tulong ng Alemanyang Nazi, sinakop ng Hungary ang Transcarpathia. Ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, ipinasara ang lahat ng Kingdom Hall. Buong-kalupitang tinrato ng mga awtoridad ang mga kapatid at marami ang ibinilanggo. Ang karamihan sa mga Saksi sa mga nayon ng Velykyi Bychkiv at Kobyletska Poliana sa Ukraine ay ibinilanggo.

Nang dumating ang mga Sobyet sa teritoryo ng Halychyna at Volyn’ noong 1939, isinara ang mga hangganan sa kanlurang Ukraine. Kaya naman, ang pakikipag-ugnayan sa tanggapan sa Poland ay naputol. Pagkaraang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II, naging palihim ang operasyon ng organisasyon. Nagtipon ang mga kapatid sa maliliit na grupo na tinatawag na mga pangkat at ipinagpatuloy ang kanilang ministeryo nang may ibayong pag-iingat.

Nang maglaon, nilusob ng mga hukbong Nazi ang Ukraine. Sa panahon ng pananakop ng mga Aleman, sinimulang sulsulan ng klero ang masa laban sa bayan ni Jehova. Sa Halychyna, sumiklab ang matinding pag-uusig. Binasag ang mga bintana sa mga tahanan ng mga Saksi ni Jehova, at binugbog nang husto ang marami sa mga kapatid na lalaki. Sa taglamig, ang ilan sa mga kapatid na lalaki ay sapilitang pinatayo sa malamig na tubig sa loob ng maraming oras dahil tumatanggi silang magkrus. Ang ilang kapatid na babae ay pinalo nang 50 beses. May ilang kapatid na nawalan ng kanilang buhay dahil sa pag-iingat ng katapatan. Halimbawa, pinatay ng Gestapo si Illia Hovuchak, isang pambuong-panahong ministro mula sa Kabundukan ng Carpathia. Ibinigay siya ng isang paring Katoliko sa mga Gestapo dahil masigasig na nangangaral si Brother Hovuchak tungkol sa Kaharian ng Diyos. Panahon iyon ng matinding pagsubok. Gayunpaman, patuloy na nanindigang matatag ang mga lingkod ni Jehova.

Nagtulungan ang mga Saksi ni Jehova, bagaman ang paggawa nito ay kadalasang mapanganib. Sa lunsod ng Stanislav (ngayon ay Ivano-Frankovsk), ang isang babaing may lahing Judio at ang kaniyang dalawang anak na babae ay naging mga Saksi. Nakatira sila sa isang ghetto ng mga Judio. Nalaman ng mga kapatid ang plano ng mga Nazi na patayin ang lahat ng mga Judio sa lunsod, kaya isinaayos nila na makatakas ang tatlong kapatid. Bagaman nanganib ang kanilang sariling buhay, itinago ng mga Saksi ang tatlong Judiong kapatid sa buong panahon ng digmaan.

Noong Digmaang Pandaigdig II, pansamantalang naputol ang pakikipag-ugnayan sa organisasyon ng mga kapatid sa kanlurang Ukraine at hindi sila nakatitiyak kung anong direksiyon ang tatahakin. Inakala ng ilan na ang pasimula ng Digmaang Pandaigdig II ay nangangahulugan ng pasimula ng Armagedon. Ang turong ito ay lumikha ng di-pagkakaunawaan sa gitna ng mga kapatid sa loob ng ilang panahon.

Sumibol ang mga Binhi sa Larangan ng Digmaan

Ang Digmaang Pandaigdig II ay nagdala ng pighati at pagkawasak sa Ukraine. Sa loob ng tatlong taon, ang bansa ay naging isang pagkalaki-laking larangan ng digmaan. Habang lumalaganap ang paglalabanan sa teritoryo ng Ukraine, una sa silangan pagkatapos ay pabalik sa kanluran, maraming bayan at mga nayon ang lubusang nawasak. Mga sampung milyong mamamayan ng Ukraine ang namatay noong mga taóng iyon, kasali na ang lima at kalahating milyong sibilyan. Sa gitna ng mga kakilabutan ng digmaan, marami ang nasiphayo sa buhay at nagwalang-bahala sa mga simulain sa moral. Gayunpaman, kahit sa ilalim ng gayong mga kalagayan, natutuhan ng ilan ang katotohanan.

Noong taóng 1942, tinawag upang magsundalo si Mykhailo Dan, isang kabataang lalaki mula sa Transcarpathia na nasisiyahang makinig sa mga Saksi ni Jehova bago ang Digmaang Pandaigdig II. Sa isang pagsasanay sa hukbo, ipinamahagi ng isang paring Katoliko sa mga sundalo ang isang relihiyosong brosyur na naglalaman ng pangako ng buhay sa langit para sa sinumang makapatay ng kahit na isa man lamang Komunista. Ang gayong impormasyon ay naging palaisipan sa kabataang sundalo. Sa panahon ng digmaan, nakita niya ang isang klerigo na pumapatay ng mga tao. Nakatulong ito upang makumbinsi siya na taglay ng mga Saksi ni Jehova ang katotohanan. Pagkatapos ng digmaan, umuwi siya, nasumpungan ang mga Saksi ni Jehova, at nabautismuhan sa pagtatapos ng 1945.

Nang dakong huli, si Brother Dan ay nagtiis ng mga kakilabutan sa mga bilangguang Sobyet. Pagkatapos na siya’y lumaya, inatasan siya bilang isang matanda at ngayo’y naglilingkod bilang punong tagapangasiwa ng isa sa mga kongregasyon sa Transcarpathia. Sa paggunita sa brosyur na nabanggit kanina, ganito ang sinabi niya sa kabaligtaran: “Hindi ako pumatay ng kahit isang Komunista. Kaya hindi ako umaasa ng buhay sa langit, pero umaasa akong mabubuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa.”

Namunga ang Matabang Lupa sa mga Kampong Piitan

Gaya ng nabanggit sa simula, ang mayamang lupa ay may potensiyal para sa pagluluwal ng saganang ani. Kaya naman, noong panahon ng pananakop ng Alemanyang Nazi, ang mataba at maitim na lupa ay kinuha mula sa Ukraine. Bagun-bagon ang pinunô ng matabang lupa mula sa gitnang Ukraine at dinala sa Alemanya.

Gayunman, ang ibang bagon ay naglulan ng bagay na noong dakong huli ay naging matabang lupa, wika nga. Mga dalawa at kalahating milyong kabataang lalaki at babae ang kinuha mula sa Ukraine upang sapilitang magtrabaho sa Alemanya. Isang malaking bilang ng mga ito ang humantong nang bandang huli sa mga kampong piitan. Doon nila nakilala ang mga Saksing Aleman, na nabilanggo dahil sa kanilang Kristiyanong neutralidad. Kahit sa mga kampong piitan, hindi huminto ang mga Saksi sa pamamahagi ng mabuting balita sa iba, kapuwa sa pamamagitan ng kanilang pananalita at ng kanilang paggawi. Nagunita ng isang bilanggo: “Naiiba ang mga Saksi sa mga iba pa na nasa kampong piitan. Sila’y palakaibigan at may positibong saloobin. Ipinakita ng kanilang paggawi na mayroon silang isang napakahalagang bagay na dapat sabihin sa ibang mga bilanggo.” Noong mga taóng iyon, maraming tao mula sa Ukraine ang nakaalam ng katotohanan mula sa mga Saksing Aleman na nakasama nila sa mga kampong piitan.

Nakilala ni Anastasiya Kazak ang katotohanan sa kampong piitan ng Stutthof sa Alemanya. Sa pagtatapos ng digmaan, ilang daang bilanggo kasama na si Anastasiya at 14 na Saksi ang dinala sakay ng gabara patungo sa Denmark, kung saan hinanap sila ng mga kapatid na Danes at inasikaso ang kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan. Nang taon ding iyon, nabautismuhan si Anastasiya sa edad na 19 sa kombensiyon sa Copenhagen at saka bumalik sa silangang Ukraine, kung saan masigasig siyang gumawa upang ihasik ang mga binhi ng katotohanan. Nang maglaon, dahil sa kaniyang gawaing pangangaral, si Sister Kazak ay muling nabilanggo, sa loob ng 11 taon.

Ito ang kaniyang payo sa mga kabataan: “Anuman ang mangyari sa inyong buhay—kapighatian, pananalansang, o iba pang suliranin—huwag susuko kailanman. Patuloy na humingi ng tulong kay Jehova. Gaya ng natutuhan ko, hindi niya kailanman pababayaan yaong mga naglilingkod sa kaniya.”—Awit 94:14.

Mga Pagsubok sa Panahon ng Digmaan

Ang digmaan ay malupit at walang-habag, nagdadala ng paghihirap, pagdurusa, at kamatayan kapuwa sa sundalo at sibilyan. Hindi ligtas ang mga Saksi ni Jehova sa nakapanghihilakbot na mga epekto ng digmaan. Sa kabila nito, bagaman sila ay nasa sanlibutan, hindi sila bahagi nito. (Juan 17:15, 16) Bilang pagtulad sa kanilang Lider, si Jesu-Kristo, sila ay mahigpit na nananatiling neutral sa pulitika. Para sa mga Saksi sa Ukraine, gaya sa ibang lugar, ang paninindigang ito ang nagtatangi sa kanila bilang mga tunay na Kristiyano. At samantalang pinararangalan ng sanlibutan ang mga bayani nito sa digmaan, kapuwa buháy at patay, pinararangalan naman ni Jehova yaong mga buong-tapang na nagpapatunay ng kanilang katapatan sa kaniya.​—1 Sam. 2:30.

Sa pagtatapos ng 1944, muling sinakop ng mga tropang Sobyet ang kanlurang Ukraine at nag-anunsiyo ito ng pangkalahatang pangangalap para sa militar. Kasabay nito, ang mga grupo ng mga gerilyang Ukrainiano ay nakipagdigma laban kapuwa sa mga tropang Aleman at Sobyet. Pinilit ang mga naninirahan sa kanlurang Ukraine na umanib sa mga gerilya. Ang lahat ng ito ay nagharap ng mga bagong pagsubok sa mga lingkod ni Jehova sa pagpapanatili ng kanilang pagiging neutral. Dahil sa tumanggi silang makipaglaban, ang ilan sa mga kapatid na lalaki ay pinatay.

Natutuhan ni Ivan Maksymiuk at ng kaniyang anak na si Mykhailo ang katotohanan mula kay Illia Hovuchak. Noong digmaan, tumanggi silang humawak ng sandata, kaya ikinulong sila ng mga gerilya. Mas maaga rito, ikinulong din ng mga gerilyang ito ang isang sundalong Sobyet. Inutusan ng mga gerilya si Ivan Maksymiuk na patayin ang bihag na sundalo, na sinasabing kung gagawin niya iyon, siya’y palalayain nila. Nang tumanggi si Brother Maksymiuk, siya ay buong-kalupitan nilang pinaslang. Gayundin ang pagpatay na ginawa sa kaniyang anak na si Mykhailo, pati na kay Yurii Freyuk at sa kaniyang 17-anyos na anak na lalaki, si Mykola.

Ang ibang kapatid ay pinatay dahil tumanggi silang umanib sa hukbong Sobyet. (Isa. 2:4) Ang iba naman ay hinatulang mabilanggo nang sampung taon. Napakaliit ng pag-asang makaligtas ang mga kapatid na ibinilanggo, sapagkat noong panahon pagkatapos ng digmaan sa Ukraine, kahit na yaong mga malaya ay namamatay sa gutom. Noong 1944, ibinilanggo si Michael Dasevich dahil sa kaniyang pagiging neutral. Bago ang kaniyang sampung-taóng pagkabilanggo, siya ay inimbestigahan sa loob ng anim na buwan, na sumaid ng kaniyang lakas. Ang medikal na komisyon sa bilangguan ay nagrekomenda ng isang “diyetang mataas sa kalori” para sa kaniya. Kaya ang mga tauhan sa kusina ng bilangguan ay nagsimulang magdagdag ng isang kutsaritang mantika sa kaniyang rasyon ng lugaw​—ang tanging pagkain na ipinahihintulot sa kaniya. Nakaligtas si Brother Dasevich upang makapaglingkod ng 23 taon sa komite ng bansa sa U.S.S.R. at nang maglaon sa komite ng bansa sa Ukraine.

Noong 1944, pitong kapatid na lalaki mula sa isang kongregasyon sa Bukovina ang tumangging sumama sa militar at hinatulan ng mula tatlo hanggang apat na taóng pagkabilanggo ang bawat isa. Apat sa kanila ang namatay sa gutom sa bilangguan. Noong taon ding iyon, limang kapatid mula sa isang kalapit na kongregasyon ang hinatulan ng sampung taon ang bawat isa sa isang kampong bilangguan sa Siberia. Isa lamang sa kanila ang nakabalik​—ang iba ay doon na namatay.

Nagkomento ang 1947 Yearbook tungkol sa mga pangyayaring ito gaya ng sumusunod: “Noong 1944 habang sumusulong pakanluran ang kakila-kilabot na mga puwersa ng Nazi, bawat taong may kakayahan . . . ay ginamit sa Kanlurang Ukraine upang ang digmaan ay magdulot ng napakabuting resulta para sa Russia. Muli, pinanatili ng ating mga kapatid ang kanilang di-malalabag na pakikipagtipan at pagiging neutral. Marami ang nawalan ng buhay dahil sa kanilang katapatan sa Panginoon, at ang iba​—na sa panahong ito ay mahigit na sa 1,000​—ay muling dinala pasilangan sa malalawak na kapatagan ng pagkalaki-laking kontinenteng ito.”

Sa kabila ng gayong malaking paglilipat, ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na lumago sa bilang. Noong taóng 1946, may 5,218 katao, kasali na ang apat na pinahiran, na dumalo sa Memoryal sa kanlurang Ukraine.

Pansamantalang Ginhawa

Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang mga kapatid​—na nagbata ng lahat ng paghihirap at nanatiling matapat sa Diyos​—ay nangaral ng mataginting na mensahe ng pag-asa at pampatibay-loob sa mga nagsisibalik mula sa labanan. Ang mga sundalo pati na ang mga bilanggo sa digmaan ay umuwing bigo sa kanilang inaasahan ngunit sabik na makasumpong ng layunin sa buhay. Dahil dito, marami ang buong-kagalakang yumakap sa katotohanan ng Bibliya. Halimbawa, noong magtatapos ang 1945 sa nayon ng Bila Tserkva, Transcarpathia, 51 katao ang nabautismuhan sa Ilog ng Tisza. Sa pagtatapos ng taon, may 150 mamamahayag na sa kongregasyong iyon.

Nang panahong iyon ay umiiral ang pagkakapootan sa pagitan ng mga Ukrainiano at mga Polako sa kanlurang Ukraine at sa silangang Poland. Nabuo ang ilang gang na Ukrainiano at Polako. Sa ilang kaso, pinaslang ng mga gang na ito ang mga naninirahan sa buong mga nayon kung saan nakatira ang mga kinatawan ng kabiláng bansa. Nakalulungkot, may ilang kapatid na namatay sa mga masaker na ito.

Nang maglaon, dahil sa isang kasunduan sa pagitan ng Unyong Sobyet at Poland, humigit-kumulang sa 800,000 Polako mula sa kanlurang Ukraine ang muling nanirahan sa Poland at mga 500,000 Ukrainiano mula sa silangang Poland ang inilipat sa Ukraine. Maraming Saksi ang kabilang sa mga nagsilipat. Muling naitatag ang buong mga kongregasyon, at ang mga kapatid na lalaki ay tumanggap ng mga bagong teokratikong atas, na minamalas ang paninirahang ito sa ibang lugar bilang isang posibilidad na mangaral sa mga bagong teritoryo. Nagkomento ang 1947 Yearbook: “Ang lahat ng paglilipat na ito ay nakatulong sa mabilis na paglaganap ng katotohanan sa gayong mga lugar na halos hindi maaaring marating sa normal na mga panahon. Kaya nga maging ang lahat ng malulungkot na pangyayaring ito ay gumanap ng kanilang bahagi sa pagluwalhati sa pangalan ni Jehova.”

Nang isara ang kanlurang mga hangganan ng Ukraine, ang mga kapatid ay gumawa ng mga hakbang upang organisahin ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Ukraine at sa natitirang bahagi ng U.S.S.R. Nauna rito ay hinirang si Pavlo Ziatek bilang lingkod ng bansa para sa Ukraine at sa natitirang bahagi ng Unyong Sobyet. Nang maglaon, dalawa pang masisigasig na kapatid, sina Stanislav Burak at Petro Tokar, ang naatasang tumulong sa kaniya. Palihim na naninirahan sa bahay ng isang Kristiyanong sister sa Lvov, naglimbag sila ng literatura upang mailaan ang espirituwal na pagkain sa buong U.S.S.R. Napakalaking panganib ang kaakibat ng pagdadala ng literatura mula sa Poland para sa karagdagang pagsasalin at paglilimbag sa Lvov. Sa pana-panahon, nakakakuha ang ilang kapatid ng permiso upang dalawin ang kanilang mga kamag-anak sa Poland at pag-uwi ay palihim silang nagdadala ng ating literatura. May panahon na ang isang nagpapatakbo ng tren ay naghahatid ng literatura na nasa isang metal na kahon na nakatago sa steam boiler!

Sa pagtatapos ng 1945, si Brother Ziatek ay inaresto at hinatulang mabilanggo nang sampung taon. Kahalili niya, si Brother Burak ang naging lingkod ng bansa.

Pag-uusig Na Naman

Noong Hunyo 1947 samantalang dala-dala ng isang kapatid ang nilimbag na literatura upang ihatid sa mga kapatid, pinahinto siya sa lansangan sa Lvov at inaresto. Ang serbisyong panseguridad ay nag-alok na irerehistro nito nang legal ang ating organisasyon kung ibibigay niya ang direksiyon ng mga Saksi na regular niyang dinadalhan ng nilimbag na literatura. Buong-pagtitiwalang ibinigay sa kanila ng kapatid ang direksiyon ng halos 30 kapatid, kasali na ang kay Brother Burak, ang lingkod ng bansa nang panahong iyon. Nang maglaon, lahat sila ay inaresto. Ang kapatid ding ito ay taimtim na nagsisi at umamin na siya ay naglagak ng di-makatuwirang pagtitiwala sa serbisyong panseguridad.

Ang mga inarestong kapatid ay dinala sa isang bilangguan sa Kiev para sa karagdagang pagtatanong at mga pagdinig sa hukuman. Di-nagtagal pagkaraan nito, si Brother Burak ay namatay sa bilangguan. Bago siya naaresto, nagawang makipag-ugnayan ni Brother Burak sa lingkod ng distrito, si Mykola Tsyba, mula sa lugar ng Volyn’ at mailipat sa kaniya ang pangangasiwa ng gawain sa Ukraine at sa nalalabing bahagi ng Unyong Sobyet.

Iyon ang unang pagkakataon na sa minsanang pagkilos ay naaresto ng serbisyong panseguridad ng Sobyet ang napakaraming responsableng mga kapatid na lalaki pati na ang mga manggagawa sa lihim na mga palimbagan. Itinuturing ng mga opisyal ng U.S.S.R. na ang ating literatura ay laban sa Sobyet. May-kamaliang inakusahan ang mga Saksi ng gawain na sumisira sa kaayusan ng bansa, at marami ang hinatulang mamatay. Gayunman, ang sentensiyang kamatayan ay pinalitan ng 25 taon sa mga kampong bilangguan.

Ang mga kapatid ay hinatulan na gugulin ang kanilang sentensiya sa Siberia. Nang tanungin nila ang isang abogado kung bakit gayon na lamang kalayo ang pagdadalhan sa kanila, pabirong sumagot ito: “Marahil, kailangan kayong mangaral doon ng tungkol sa inyong Diyos.” Naging totoo nga ang mga salitang ito nang bandang huli!

Mula 1947 hanggang 1951, maraming responsableng mga kapatid na lalaki ang inaresto. Ikinukulong ang mga Saksi hindi lamang dahil sa naglilimbag sila ng literatura kundi dahil sa hindi rin sila sumasali sa hukbo, bumoboto sa mga eleksiyon, o nagpapatala ng kanilang mga anak sa Pioneer League o sa mga organisasyong Komsomol (Communist Union of Youth). Ang pagiging isang Saksi ni Jehova lamang ay sapat nang dahilan para mabilanggo. Kadalasan, nagsisilbing testigo sa mga paglilitis sa hukuman ang mga bulaang saksi. Karaniwan na, sila ay mga kapitbahay o mga kasamahan na tinakot o sinuhulan ng serbisyong panseguridad.

Kung minsan, ang mga awtoridad ay nakauunawa, bagaman hindi hayagan. Si Ivan Symchuk ay inaresto at inilagay sa bartolina sa loob ng anim na buwan. Sa bartolina, ganap ang katahimikan; ni hindi niya marinig ang ingay mula sa lansangan. Pagkatapos nito, nilitis nila siya. Gayunman, tinulungan siya ng imbestigador sa pamamagitan ng pagsasabi sa kaniya kung paano sasagot: “Huwag kang magsasabi ng anuman tungkol sa kung saan o kung kanino mo nakuha ang mga makinilya at literatura! Huwag mong sasagutin ang mga tanong na iyan!” At kapag dadalhin nila siya para tanungin, sinasabi ng imbestigador: “Ivan, huwag kang susuko. Huwag kang susuko, Ivan.”

Sa ilang nayon, hindi pinahihintulutan ang mga Saksi ni Jehova na magkabit ng kurtina sa kanilang mga bintana. Ito ay upang madaling makita ng mga kapitbahay at mga pulis kung ang mga Saksi ay nagbabasa ng kanilang literatura o nagdaraos ng mga pulong. Gayunman, nakasumpong ng mga paraan ang mga kapatid upang makakain sa espirituwal na paraan. Kung minsan, kakaiba ang “plataporma” para sa konduktor ng Pag-aaral sa Bantayan. Habang nagdaraos at nagbabasa ng Ang Bantayan, uupo ang isang kapatid na lalaki sa ilalim ng mesa na natatakpan ng mantel hanggang sa sahig. Ang “tagapakinig” ay umuupo sa palibot ng mesa, matamang nakikinig at nagkokomento. Walang maghihinala na ang mga tao sa paligid ng mesa ay nagtatamasa ng isang relihiyosong pagpupulong!

Pagpapatotoo sa mga Hukuman

Si Mykhailo Dan, na nabanggit kanina, ay inaresto noong bandang katapusan ng 1948. Noon ay may-asawa na siya at may isang-taóng-gulang na anak na lalaki, at ang kaniyang asawa ay nagdadalang-tao. Sa panahon ng paglilitis, iginiit ng piskal ang sentensiyang 25 taóng pagkabilanggo. Sa kaniyang huling pangungusap sa harap ng mga hukom, ginamit ni Brother Dan ang mga salita sa Jeremias 26:14, 15: “Narito, ako ay nasa inyong kamay. Gawin ninyo sa akin ang waring mabuti at waring tama sa inyong paningin. Gayunma’y alamin nga ninyo, na kung ako ay inyong papatayin, dugong walang-sala ang ipinapataw ninyo sa inyong sarili at sa lunsod na ito at sa mga tumatahan sa kaniya, sapagkat katotohanang isinugo ako ni Jehova sa inyo upang salitain sa inyong pandinig ang lahat ng mga salitang ito.” Ang gayong babala ay nagkaroon ng epekto sa mga hukom. Sila ay nagsanggunian at gumawa ng kanilang pasiya: sampung taóng pagkabilanggo at limang taóng pagkatapon sa malalayong teritoryo ng Russia.

Nahatulan si Brother Dan sa salang pagtataksil sa inang-bayan. Nang malaman niya ito, sinabi niya sa mga hukom: “Isinilang ako sa Ukraine sa ilalim ng pamahalaan ng Czechoslovakia at nang maglaon ay nanirahan sa ilalim ng pamamahala ng Hungary; ngayon ay dumating ang Unyong Sobyet sa ating teritoryo, at ang nasyonalidad ko ay Romaniano. Aling inang-bayan ang pinagtaksilan ko?” Mangyari pa, hindi nasagot ang tanong na ito. Pagkatapos ng paglilitis, natanggap ni Brother Dan ang masayang balita na siya ay may bagong sanggol na babae. Nakatulong ito sa kaniya upang mabata ang lahat ng insulto sa mga bilangguan at mga kampo sa silangang Russia. Noong mga huling taon ng dekada ng 1940, marami sa mga kapatid sa Ukraine, Moldavia, at Belarus ang namatay sa gutom sa mga bilangguang Sobyet. Si Brother Dan mismo ay nabawasan ng 25 kilo.

Pag-uusig sa mga Kapatid na Babae sa Ukraine

Hindi lamang mga kapatid na lalaki ang pinag-usig at hinatulan ng matagal na pagkabilanggo ng rehimeng Sobyet; ang mga kapatid na babae ay tinrato sa gayunding malupit na paraan. Halimbawa, natutuhan ni Mariya Tomilko ang katotohanan sa kampong piitan ng Ravensbrück noong Digmaang Pandaigdig II. Nang maglaon, bumalik siya sa Ukraine at nangaral sa lunsod ng Dnepropetrovsk. Dahil sa kaniyang gawaing pangangaral, noong 1948 ay hinatulan siya ng 25 taon sa kampong bilangguan.

Ganito ang nagunita ng isa pang kapatid na babae, na hinatulan ng 20 taon sa isang kampong bilangguan: “Sa panahon ng pag-iimbestiga, inilagay ako sa isang selda na doo’y maraming kriminal. Sa kabila nito, hindi ako natakot sa kanila at nangaral ako sa mga babaing iyon. Sa aking pagkamangha, sila ay matamang nakinig sa akin. Siksikan ang selda. Lahat kami ay natutulog sa sahig na parang nasa isang lata ng sardinas. Sa aming pagtulog, ang tanging paraan para makabiling kami ay ang gawin iyon nang sabay-sabay at kapag may humihiling niyaon.”

Noong 1949, isang lider na Baptist sa lunsod ng Zaporozh’ye ang nagbigay ng impormasyon sa lokal na serbisyong panseguridad laban sa lima sa ating mga kapatid na babae, na pagkatapos ay inaresto. Sila’y pinagbintangan ng panunulsol laban sa Sobyet at bawat isa ay hinatulan ng 25 taon sa mga kampong bilangguan. Kinumpiska ang lahat ng kanilang ari-arian. Sa loob ng pitong taon hanggang sa pagkalooban sila ng amnestiya, ginugol nila ang kanilang sentensiya sa pinakaliblib na bahagi ng hilagang Russia. Nagunita ni Lydia Kurdas, isa sa mga kapatid na iyon: “Pinahintulutan kami na sumulat ng dalawang liham lamang bawat taon, at lubusang sinusuri ang mga liham na ito. Sa buong panahong iyon, wala kaming literatura.” Gayunman, sila ay nanatiling tapat kay Jehova at nagpatuloy na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian.

Tulong Para sa mga Kapatid sa Moldavia

Kahit na sa gayong mahihirap na panahon, ang mga Saksi ay nagpamalas ng pag-ibig sa isa’t isa. Noong 1947, ang karatig na bansang Moldavia (ngayo’y Moldova) ay dumanas ng matinding taggutom. Sa kabila ng kanilang sariling karukhaan, agad na tumugon ang mga kapatid sa Ukraine sa pangangailangan ng kanilang mga kapananampalatayang taga-Moldavia at nagpadala sa kanila ng harina. Nag-anyaya ang mga Saksi mula sa kanlurang Ukraine ng ilang Saksi mula sa Moldavia upang doon tumira sa kanilang mga tahanan.

Natatandaan ng isang kapatid na nakatira noon sa Moldavia: “Bilang isang ulila, dapat sana ay makatanggap ako mula sa pamahalaan ng 200 gramo ng tinapay bawat araw. Ngunit dahil hindi ako kabilang sa Pioneer League, hindi ko natanggap iyon. Tuwang-tuwa kami nang magpadala sa amin ang mga kapatid sa kanlurang Ukraine ng harina, na nagpangyaring makakuha ng apat na kilo ang bawat mamamahayag.”

Tinangka ang Legal na Pagpaparehistro sa U.S.S.R.

Noong 1949, tatlong matanda mula sa lugar ng Volyn’ (sina Mykola Pyatokha, Ilya Babijchuk, at Mykhailo Chumak) ang nag-aplay para sa legal na pagpaparehistro ng ating gawain. Di-nagtagal pagkaraan nito, inaresto si Brother Chumak. Natatandaan ng isa sa dalawang natirang kapatid, si Mykola Pyatokha, na noong unang pagkakataong ipadala ang aplikasyon, walang naging tugon. Kaya naman, nagsumite ng ikalawang aplikasyon sa Moscow. Inilipat ang mga dokumento sa Kiev. Dininig ng mga opisyal doon ang mga kapatid at sinabi sa kanila na posible lamang ang pagrerehistro kung makikipagtulungan sa kanila ang mga Saksi ni Jehova. Sabihin pa, hindi sumang-ayon ang mga kapatid na ikompromiso ang kanilang pagiging neutral. Di-nagtagal at inaresto rin ang dalawang kapatid na ito, at bawat isa ay hinatulan ng 25 taon sa mga kampong bilangguan.

Sa isang pantanging kalatas mula sa Moscow para sa lokal na mga awtoridad sa Volyn’, ipinahayag na ang relihiyosong “kulto” ng mga Saksi ni Jehova ay “isang tiyak na kilusang laban sa Sobyet at hindi maaaring irehistro.” Ang pinuno ng Religious Affairs Office sa lugar na iyon ay inutusang mag-espiya sa mga Saksi ni Jehova at mag-ulat sa serbisyong panseguridad ng Estado.

Nakipagtulungan sa mga Awtoridad ang mga Lider ng Relihiyon

Noong 1949, umapela sa mga awtoridad ang isang lider na Baptist sa Transcarpathia, na nagrereklamo na kinukumberte raw ng mga Saksi ang kaniyang mga tauhan. Bunga nito, si Mykhailo Tilniak, isang matanda sa lokal na kongregasyon, ay inaresto at hinatulan ng sampung taóng pagkabilanggo. Naiwan sa tahanan ang kaniyang asawa at dalawang maliliit na anak.

Ang gayong pagkilos ng mga lider ng relihiyon ay nakatulong sa taimtim na mga tao na maunawaan at pahalagahan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Noong 1950, nalaman ng isang kabataang babaing Baptist, si Vasylyna Biben mula sa Transcarpathia, na isinumbong ng klerigo ng kanilang simbahan sa mga awtoridad ang tungkol sa gawain ng dalawang Saksi sa kanilang pamayanan. Ang mga Saksi ay inaresto at hinatulan ng anim na taóng pagkabilanggo. Nang makalaya sila, bumalik sila sa kanilang lugar, subalit hindi kinakitaan ng matinding poot sa klerigo. Naunawaan ni Vasylyna na talagang iniibig ng mga Saksing ito ang kanilang kapuwa. Palibhasa’y humanga, nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi at nabautismuhan. Ang sabi niya: “Ipinagpapasalamat ko kay Jehova na nasumpungan ko ang daan patungo sa buhay na walang hanggan.”

Ipinatapon sa Russia

Ang mga katotohanan sa Bibliya na ipinahahayag ng mga Saksi ni Jehova ay hindi katugma ng ateistikong paniniwala ng pamahalaang Komunista. Palibhasa’y mahusay ang pagkakaorganisa, ang mga Saksi ay palihim na naglilimbag at namamahagi ng literatura na nagtataguyod ng Kaharian ng Diyos. Karagdagan pa, ipinalalaganap nila ang mga turo ng Bibliya sa kanilang mga kapitbahay at mga kamag-anak. Mula 1947 hanggang 1950, mahigit sa 1,000 Saksi ang inaresto ng mga awtoridad. Gayunpaman, patuloy na dumami ang mga kapatid. Kaya naman, noong 1951, palihim na naghanda ang mga awtoridad ng isang plano na inaakala nilang dudurog sa bayan ng Diyos. Ipatatapon nila ang natitirang mga Saksi nang 5,000 kilometro sa gawing silangan, sa pinakaliblib na bahagi ng Siberia ng Russia.

Noong Abril 8, 1951, mahigit na 6,100 Saksi ang ipinatapon mula sa kanlurang Ukraine patungo sa Siberia. Madaling-araw pa, ang mga trak na may lulang mga sundalo ay dumating sa tahanan ng bawat Saksi, na nagbibigay sa bawat pamilya ng dalawang oras lamang upang mag-impake para sa paglalakbay. Tanging mahahalaga at personal na mga bagay lamang ang maaaring dalhin. Lahat ng masumpungan sa tahanan ay ipinatapon​—mga lalaki, babae, at mga bata. Walang pinaligtas dahil lamang sa katandaan o mahinang pangangatawan. Mabilisan sa loob lamang ng isang araw, sila’y isinakay sa mga bagon at pinaalis.

Yaong mga wala sa tahanan nang panahong iyon ay naiwan, at hindi na sila hinanap ng mga awtoridad. Ang ilan sa kanila ay opisyal na humiling sa mga awtoridad na isama sila sa mga ipinatapong kapamilya nila. Hindi tinugon ng mga awtoridad ang gayong mga kahilingan, ni ipinabatid man sa kanila kung saan ipinadala ang kanilang mga kamag-anak.

Bukod sa mga nasa Ukraine, ipinatapon ang mga Saksi mula sa Moldavia, kanlurang Belarus, Lithuania, Latvia, at Estonia. Lahat-lahat, mga 9,500 Saksi ang ipinatapon mula sa anim na republikang ito. Sila’y pinaalis sakay ng mga bagon na binabantayan ng militar, na tinatawag ng mga tao na mga kamalig ng baka, yamang karaniwan nang ginagamit lamang ang mga bagon na ito sa paghahakot ng mga baka.

Walang nakaaalam sa mga Saksi kung saan sila dadalhin. Sa kanilang mahabang paglalakbay, sila ay nanalangin, umawit, at tumulong sa isa’t isa. Ang ilan ay nagsabit ng mga tela sa labas ng mga bagon, na nagpapakilala sa kanila sa mga salitang: “Kami ay mga Saksi ni Jehova mula sa lugar ng Volyn’ ” o “Kami ay mga Saksi ni Jehova mula sa lugar ng Lvov.” Sa mga paghinto sa mga istasyon ng tren habang naglalakbay, nakakakita sila ng kaparehong mga tren na may katulad na mga palatandaan mula sa ibang mga lugar sa kanlurang Ukraine. Nakatulong ito sa mga kapatid na maunawaang ipinatapon din ang mga Saksi mula sa ibang mga lugar. Ang gayong “mga telegrama” ay nagpatibay sa mga kapatid sa kanilang dalawa-hanggang-tatlong-linggong biyahe sa tren patungong Siberia.

Ang paglipat na ito ay itinuring na isang permanenteng pagkakatapon. Ang plano ay na hindi kailanman pahihintulutan ang mga Saksi ni Jehova na makaalis sa Siberia. Kailangan silang magreport nang regular sa lokal na mga tanggapan sa pagpaparehistro, bagaman wala sila sa bilangguan. Kung may sinuman na hindi gumawa nito, ang taong iyon ay hinahatulang mabilanggo nang ilang taon.

Sa kanilang pagdating, ang ilan ay basta na lamang ibinaba sa gubat at binigyan ng mga palakol para pumutol ng mga punungkahoy na gagamitin sa pagtatayo ng sarili nilang tirahan at ikabubuhay. Upang makaraos sa ilang mga unang taglamig, ang mga Saksi ay kadalasang kailangang maghukay sa lupa upang gumawa ng sinaunang mga kanlungan na binubungan nila ng damo.

Ganito ang nagunita ni Hryhorii Melnyk, ngayo’y naglilingkod bilang isang matanda sa Crimea: “Matapos arestuhin ang aking ate noong 1947, madalas akong kunin ng mga awtoridad upang pagtatanungin. Pinapalo nila ako ng mga batuta. Ilang beses nila akong pinatayo sa gilid ng pader sa loob ng 16 na oras. Lahat ng ito ay ginawa upang pilitin akong magbigay ng huwad na ebidensiya laban sa aking ate na isang Saksi. Ako noon ay 16 anyos. Dahil tumanggi akong tumestigo laban sa kaniya, hindi ako nagustuhan ng lokal na mga awtoridad at ibig nilang iligpit ako.

“Kaya naman, nang sumapit ang taóng 1951, ipinatapon kami sa Siberia, bagaman ako, ang dalawa kong nakababatang kapatid na lalaki, at ang aking nakababatang kapatid na babae ay mga ulila na. Patay na ang aming mga magulang, at pinagsilbihan ng aking kuya at ate ang kanilang sampung-taóng sentensiya. Sa edad na 20, binabalikat ko na ang pananagutan ng pag-aasikaso sa aking dalawang nakababatang kapatid na lalaki at isang kapatid na babae.

“Madalas kong maalaala ang unang dalawang taon sa Siberia, nang nabubuhay kami sa patatas at tsa. Umiinom kami ng tsa sa mga mangkok ng sopas yamang ang mga tasa ay bihira nang panahong iyon. Pero napakabuti ng aking nadama sa espirituwal na paraan. Sa mga unang araw mula nang dumating kami, sinimulan kong magdaos ng mga pulong pangmadla. Nang maglaon, sinimulan din namin ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Hindi madali para sa akin na isagawa ang gayong mga pananagutan dahil sa nakapapagod na pisikal na gawain na kailangan sa pag-aasikaso sa aking nakababatang mga kapatid.” Sa kabila ng gayong mga kahirapan, napanatili ng pamilyang Melnyk ang kanilang katapatan kay Jehova at sa kaniyang organisasyon.

Sa pagnanais na mahadlangan ang komunikasyon sa pagitan ng mga Saksi, na noo’y malapit nang dumating, at ng mga tagaroon, ang mga awtoridad sa Siberia ay nagpakalat ng tsismis na may darating na mga kanibal sa Siberia. Nang dumating ang isang grupo ng mga Saksi, kinailangan nilang maghintay ng ilang araw para mabigyan ng pabahay sa mga nayon doon. Kaya naman, sa labas, naupo sila sa pampang ng Ilog ng Chulym na naging yelo. Bagaman kalagitnaan na ng Abril, marami pa ring niyebe sa lupa. Ang mga kapatid ay gumawa ng malaking sigâ, nagpainit, umawit, nanalangin, at naglahad ng mga karanasan mula sa kanilang paglalakbay. Sa kanilang pagtataka, walang mga taganayon na lumapit sa kanila. Sa halip, isinara ng mga taganayon ang lahat ng pinto at bintana ng kanilang mga bahay, anupat hindi inanyayahang pumasok ang mga Saksi. Nang ikatlong araw, ang pinakamatatapang sa mga taganayon, na may dalang mga palakol, ay lumapit sa mga Saksi at nagsimulang makipag-usap. Sa simula, talagang inakala nila na dumating na ang mga kanibal! Ngunit di-nagtagal at nalaman nila na hindi ito totoo.

Noong 1951, binalak din ng mga awtoridad na ipatapon ang mga Saksi mula sa Transcarpathia. Nagdala pa sila ng mga bagon na walang laman. Gayunman, kinansela ang desisyon na ipatapon ang mga kapatid sa hindi malamang kadahilanan. Ang Transcarpathia ay naging isa sa mga pangunahing teritoryo kung saan ginawa ang literatura para sa buong Unyong Sobyet noong panahon ng pagbabawal.

Nanatili ang Pagkakaisa

Dahil sa ang karamihan ng mga kapatid ay ipinatapon sa Siberia, marami sa mga naiwan ang nawalan ng pakikipag-ugnayan sa organisasyon. Halimbawa, mahigit sa anim na taon na naputol ang pakikipag-ugnayan ni Mariya Hrechyna sa organisasyon o sa mga kapananampalataya. Gayunpaman, patuloy siyang umasa kay Jehova at nanatili siyang tapat. Mula 1951 hanggang sa kalagitnaan ng dekada ng 1960, kinailangan na manguna ang mga kapatid na babae sa maraming kongregasyon yamang ang karamihan sa mga kapatid na lalaki ay ibinilanggo o ipinatapon.

Ganito ang nagunita ni Michael Dasevich, isang nakasaksi sa mga pangyayaring iyon: “Ang pagpapatapon sa Siberia ay hindi tuwirang nakaapekto sa akin dahil nang inihahanda ang listahan ng mga ipatatapon, ako ay nasa Russia pa at nakabilanggo. Hindi pa natatagalan pagkaraang makabalik ako sa Ukraine, karamihan sa mga Saksi sa aming lugar ay ipinadala sa Siberia. Kaya kinailangan kong hanapin ang indibiduwal na mga Saksi na nawalan ng pakikipag-ugnayan sa organisasyon at organisahin sila bilang mga grupo ng pag-aaral sa aklat at mga kongregasyon. Nangahulugan iyon na sinimulan kong balikatin ang mga pananagutan ng isang tagapangasiwa ng sirkito, bagaman walang sinuman ang nag-atas sa akin na gawin iyon. Bawat buwan ay dinadalaw ko ang lahat ng kongregasyon, tinitipon ang mga ulat, at ipinamamahagi mula sa isang kongregasyon tungo sa iba ang mga literaturang taglay pa namin. Kadalasan, ang ating mga kapatid na babae ang bumabalikat ng gawain ng mga lingkod ng kongregasyon, at sa ilang lugar ay ginagampanan nila ang mga pananagutan ng mga lingkod ng sirkito, yamang walang magagamit na mga kapatid na lalaki. Para sa mga kadahilanang panseguridad, idinaraos namin ang lahat ng mga pulong ng mga lingkod ng kongregasyon para sa aming sirkito sa mga sementeryo sa bandang gabi. Alam namin na ang mga tao ay karaniwan nang takot sa mga patay, kaya natitiyak namin na walang darating upang gambalain kami. Karaniwan nang nag-uusap kami nang pabulong sa gayong mga pagtitipon. Minsan, medyo napalakas ang bulungan namin, at dalawang lalaki na dumaraan sa sementeryo ang kumaripas ng takbo. Tiyak na inakala nilang mga patay ang nagsasalita!”

Kasunod ng pagpapatapon noong 1951, ang lingkod ng bansa nang panahong iyon na si Mykola Tsyba ay nagpatuloy sa palihim na paglilimbag ng mga literatura sa Bibliya sa isang bunker. Noong 1952, natuklasan ng serbisyong panseguridad ang kinaroroonan niya at inaresto siya, at nabilanggo nang maraming taon. Si Brother Tsyba ay nanatiling tapat hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1978. Bukod kay Brother Tsyba, ang ilan sa mga kapatid na tumulong sa kaniya ay inaresto rin.

Noong panahong iyon, ang mga kapatid ay walang pakikipag-ugnayan sa labas ng bansa. Bunga nito, hindi nila natatanggap sa oras ang kasalukuyang mga literatura. Minsan, nakakuha ang ilang kapatid ng suplay ng mga magasing Bantayan sa wikang Romaniano para sa mga taon ng 1945 hanggang 1949. Isinalin ito ng lokal na mga kapatid sa Ukrainiano at Ruso.

Ang mga Saksi sa Ukraine na hindi ipinatapon o nabilanggo ay nagpakita ng matinding pagmamalasakit sa kanilang mga kapananampalataya. Nagsikap sila nang husto upang makapagtipon ng listahan ng lahat niyaong mga nabilanggo, upang mapadalhan sila ng makakapal na mga kasuutan, pagkain, at mga literatura. Halimbawa, ang mga Saksi ni Jehova sa Transcarpathia ay nakipag-ugnayan sa mga kapatid na nasa 54 na kampong bilangguan sa buong Unyong Sobyet. Maraming kongregasyon ang gumawa ng karagdagang kahon ng abuloy na itinalaga “Para sa Mabubuting Pag-asa.” Ang salaping natipon sa kahong ito ay ginamit upang tulungan ang mga nasa bilangguan. Kapag nakatanggap ng mga liham ng taimtim na pasasalamat kalakip ang mga ulat sa paglilingkod sa larangan mula sa mga bilangguan at mga kampo, iyon ay isang malaking pampatibay sa mga tapat at mapagsakripisyo-sa-sariling mga kapatid na hindi nabilanggo.

Bumuti ang mga Kalagayan

Pagkamatay ng Punong Ministro ng Sobyet na si Joseph Stalin, bumuti ang saloobin sa mga Saksi. Mula 1953, nagproklama ng amnestiya sa U.S.S.R., na nagbunga ng paglaya ng ilan sa mga kapatid. Nang bandang huli, binuo ang Komisyon ng Estado, na siyang nagrepaso sa mga sentensiyang ipinataw. Bunga nito, maraming kapatid ang nakalaya, samantalang nabawasan naman ang sentensiya ng iba.

Sa sumunod na ilang taon, pinalaya ang karamihan sa nabilanggong mga Saksi. Ngunit hindi kumapit ang amnestiya sa mga ipinatapon noong 1951. Sa ilang bilangguan at mga kampo, ang bilang ng mga naging Saksi ni Jehova ay mas malaki kaysa sa orihinal na bilang ng mga Saksing ipinadala roon. Ang gayong paglago ay nagpatibay sa mga kapatid at nakakumbinsi sa kanila na talaga ngang pinagpala sila ni Jehova dahil sa kanilang matatag na paninindigan noong panahong iyon.

Pagkaraang makalaya, nakauwi sa kanilang tahanan ang maraming kapatid. Malaking pagsisikap ang ginawa upang hanapin ang mga Saksi na nawalan ng pakikipag-ugnayan sa organisasyon. Ganito ang natatandaan ni Volodymyr Volobuyev, na nakatira sa lugar ng Donetsk: “Hanggang sa sumunod na pag-aresto sa akin noong 1958, natagpuan ko at natulungan ang humigit-kumulang sa 160 Saksi na napahiwalay sa organisasyon.”

Ang proklamasyon ng amnestiya ay hindi nangahulugan na nakatanggap ang mga kapatid ng higit na kalayaan upang mangaral. Maraming kapatid ang pinalaya ngunit di-kalaunan ay muling sinentensiyahan ng matagal na pagkabilanggo. Halimbawa, si Mariya Tomilko mula sa Dnepropetrovsk ay nagsilbi lamang ng 8 taon sa hatol sa kaniya na 25-taóng pagkabilanggo dahil sa amnestiya noong Marso 1955. Gayunman, pagkaraan ng tatlong taon, siya ay muling sinentensiyahan ng sampung taóng pagkabilanggo at limang taon ng pagpapatapon. Bakit? Ganito ang mababasa sa sentensiya ng hukuman sa kaniya: “Siya ay nag-ingat at nagbasa ng mga literatura at sulat-kamay na mga manuskrito tungkol kay Jehova” at “gumanap ng aktibong gawain, na nagpapalaganap ng mga paniniwala kay Jehova sa kaniyang mga kapitbahay.” Pagkaraan ng pitong taon, siya ay pinalaya bilang isang taong may kapansanan. Nagbata si Sister Tomilko ng lahat ng uri ng pagsubok at nananatiling tapat hanggang sa ngayon.

Ang Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo

Gumawa ng pantanging pagsisikap ang mga awtoridad na paghiwalayin ang mga pamilya ng mga Saksi ni Jehova. Kadalasang sinisikap ng mga serbisyong panseguridad na komprontahin ang mga Saksi sa ganitong pagpipilian: ang Diyos o ang pamilya. Subalit sa karamihan ng mga kalagayan, pinatunayan ng bayan ni Jehova ang kanilang katapatan kay Jehova sa kabila ng kahit pinakamatitinding pagsubok.

Ganito ang nagunita ni Hanna Bokoch mula sa Transcarpathia, na ang asawang si Nutsu ay inaresto dahil sa kaniyang masigasig na pangangaral: “Sa kaniyang pamamalagi sa bilangguan, tiniis ng aking asawa ang maraming malisyosong pang-iinsulto. Gumugol siya ng anim na buwan sa bartolina, na walang anumang kama, at may isa lamang upuan. Siya’y buong-lupit na binugbog at pinagkaitan ng pagkain. Sa loob ng ilang buwan, pumayat siya nang husto at tumimbang na lamang ng 36 na kilo, na kalahati ng kaniyang normal na timbang.”

Ang kaniyang tapat na maybahay ay naiwan kasama ng kanilang batang anak na babae. Ginipit ng mga awtoridad si Brother Bokoch na ikompromiso ang kaniyang pananampalataya at makipagtulungan sa kanila. Pinapili siya sa pagitan ng kaniyang pamilya at ng kamatayan. Hindi itinakwil ni Brother Bokoch ang kaniyang mga paniniwala at siya’y nanatiling tapat kay Jehova at sa Kaniyang organisasyon. Gumugol siya ng 11 taon sa mga bilangguan, at paglaya niya, ipinagpatuloy niya ang kaniyang gawaing Kristiyano bilang isang matanda at nang maglaon bilang isang tagapangasiwa ng sirkito hanggang sa mamatay siya noong 1988. Madalas siyang kumuha ng lakas mula sa mga salita ng Awit 91:2: “Sasabihin ko kay Jehova: ‘Ikaw ang aking kanlungan at aking moog, ang aking Diyos, na pagtitiwalaan ko.’ ”

Isaalang-alang ang isa pang halimbawa ng matinding pagbabata. Si Yurii Popsha ay isang naglalakbay na tagapangasiwa sa Transcarpathia. Sampung araw pagkatapos ng kaniyang kasal, siya ay inaresto. Sa halip na magpulot-gata, gumugol siya ng sampung taon sa bilangguan sa Mordvinia, Russia. Labing-apat na beses siyang dinalaw ng kaniyang tapat na kabiyak, si Mariya, na sa bawat pagkakataon ay naglalakbay ng humigit-kumulang sa tig-1,500 kilometro papunta at pabalik. Sa kasalukuyan, si Brother Popsha ay naglilingkod bilang isang matanda sa isa sa mga lokal na kongregasyon sa Transcarpathia, at siya ay buong-katapatan at maibiging sinusuportahan ng kaniyang minamahal na asawang si Mariya.

Ang isa pang halimbawa ng pagbabata sa ilalim ng kahirapan ay yaong sa mag-asawang sina Oleksii at Lydia Kurdas, na naninirahan sa lunsod ng Zaporozh’ye. Inaresto sila noong Marso 1958, 17 araw pagkaraang isilang ang kanilang anak na babae, si Halyna. Labing-apat na iba pa ang inaresto rin sa lugar na iyon. Si Brother Kurdas ay sinentensiyahan ng 25 taon sa mga kampong bilangguan, at ang kaniyang asawa ay sinentensiyahan ng 10 taon. Sila’y pinaghiwalay​—si Oleksii ay ipinadala sa mga kampo sa Mordvinia, at si Lydia, kasama ang kanilang munting anak na babae, ay ipinadala naman sa Siberia.

Ganito ang paglalarawan ni Sister Kurdas sa tatlong-linggong paglalakbay mula Ukraine hanggang Siberia: “Terible iyon. Naroon ako at ang aking anak na babae; si Nadiya Vyshniak, kasama ang kaniyang sanggol na isinilang mga ilang araw pa lamang sa bilangguan sa panahon ng pagtatanong; at dalawa pang ibang kapatid na babae. Lahat kaming anim ay inilagay sa isang selda sa bagon na dinisenyo upang maglulan ng dalawa lamang bilanggo. Inihiga namin ang aming mga anak sa pang-ilalim na kamarote, at kami naman ay naupo nang nakayukyok sa pang-ibabaw na kamarote sa buong paglalakbay. Nabuhay kami sa tinapay, inasnang tunsoy, at tubig. Inilaan ang pagkain para lamang sa apat na adultong bilanggo. Hindi kami binigyan ng pagkain para sa aming mga anak.

“Nang dumating na kami sa aming patutunguhan, dinala ako sa ospital ng bilangguan kasama ang aking sanggol. Nakilala ko roon ang ilang kapatid na babae at sinabi ko sa kanila na pinagbantaan ako ng imbestigador na kukunin ang aking anak at ipadadala siya sa bahay-ampunan. Sa paanuman, nagawang ipaalam ng mga kapatid na babae sa mga kapatid sa Siberia ang tungkol sa aking kalagayan. Nang maglaon, si Tamara Buriak (ngayo’y Ravliuk), na noo’y 18 taóng gulang, ay dumating sa ospital ng kampo upang kunin ang aking anak na si Halyna. Iyon ang unang pagkakataon na nakita ko si Tamara. Napakasakit na ipagkatiwala ang aking minamahal na munting anak na babae sa isang tao na noon ko lamang nakilala, bagaman siya ay aking kapatid sa espirituwal. Gayunman, ako’y lubhang naaliw nang sabihin sa akin ng mga kapatid na babae sa kampo ang tungkol sa katapatan ng pamilyang Buriak. Ang aking sanggol na babae ay limang buwan at 18 araw nang ilagak ko siya sa pangangalaga ni Tamara. Pagkaraan ng pitong taon saka ko lamang muling nakapiling ang aking anak!

“Noong 1959, isang bagong amnestiya ang ipinahayag ng U.S.S.R. Kumakapit ito sa mga babae na may mga anak na wala pang pitong taóng gulang. Subalit sinabi sa akin ng mga awtoridad sa bilangguan na kailangan ko munang itakwil ang aking pananampalataya. Hindi ako sumang-ayon dito at sa gayo’y kinailangang manatili ako sa kampong bilangguan.”

Si Brother Kurdas ay pinalaya noong 1968, sa edad na 43. Lahat-lahat, gumugol siya ng 15 taon sa bilangguan alang-alang sa katotohanan, pati na ang 8 taon sa isang bilangguan na may pinakamahigpit na seguridad. Sa wakas, bumalik siya sa Ukraine, sa kaniyang asawa at anak na babae. Ang kanilang pamilya ay muling nagkasama-sama sa wakas. Nang makita ang kaniyang ama, si Halyna ay naupo sa kandungan nito at nagsabi: “Tatay! Hindi ako nakaupo sa iyong kandungan sa loob ng maraming taon, kaya ngayon, babawi ako.”

Pagkaraan, lumipat ang pamilyang Kurdas sa iba’t ibang lugar, yamang patuloy silang pinalalayas ng mga awtoridad sa kanilang tinitirahan. Una ay nanirahan sila sa silangang Ukraine, pagkatapos ay sa kanlurang Georgia, at saka sa Ciscaucasia. Nang dakong huli, lumipat sila sa Kharkov, kung saan maligaya pa rin silang naninirahan. Si Halyna ay may asawa na ngayon. Silang lahat ay buong-katapatang patuloy na naglilingkod sa kanilang Diyos, si Jehova.

Isang Dakilang Halimbawa ng Pananampalataya

Kung minsan, ang matitinding pagsubok sa pananampalataya ay nagpapatuloy sa loob ng mga buwan, mga taon, at maging ng mga dekada. Tingnan ang isang halimbawa. Si Yurii Kopos ay isinilang at lumaki malapit sa magandang bayan ng Khust sa Transcarpathia. Noong 1938, sa edad na 25, siya ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Noong 1940, sa panahon ng Digmaang Pandaigdig II, siya ay hinatulan ng walong buwang pagkabilanggo dahil sa pagtanggi niya na pumasok sa hukbong Hungaryo na sumusuporta sa rehimeng Nazi. Sa Transcarpathia, hindi ipinahihintulot ng mga lokal na batas noon ang pagpatay sa mga nakabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya. Kaya naman, ang mga kapatid na lalaki ay ipinadala sa mga unang hanay ng labanan kung saan ipinahihintulot ng batas ng Nazi ang gayong pagpatay. Noong 1942, si Brother Kopos ay binabantayan ng militar na ipinadala kasama ng iba pang mga bilanggo pati na ang 21 iba pang Saksi sa mga unang hanay ng labanan malapit sa Stalingrad, Russia. Ipinadala sila roon upang patayin. Subalit hindi pa natatagalan pagkaraang sila ay dumating, ang hukbong Sobyet ay nagsimulang sumalakay, binihag ang mga tropang militar na Aleman at gayundin ang mga kapatid. Ang mga Saksi ay ipinadala sa kampong bilangguan ng Sobyet, kung saan sila nanatili hanggang noong 1946 nang sila ay palayain.

Si Brother Kopos ay umuwi, at nagkaroon ng aktibong bahagi sa gawaing pangangaral sa kaniyang sariling teritoryo. Dahil sa gawaing ito, noong 1950 ay sinentensiyahan siya ng mga awtoridad na Sobyet ng 25 taon sa isang kampong bilangguan. Subalit sa ilalim ng isang amnestiya, siya ay pinalaya pagkaraan ng anim na taon.

Kasunod ng kaniyang paglaya, balak ni Brother Kopos, na ngayo’y 44 anyos na, na pakasalan si Hanna Shyshko. Siya ay isa ring Saksi at kalalaya lamang mula sa bilangguan matapos gugulin ang sampung-taóng sentensiya. Nagsumite sila ng aplikasyon para sa pagrerehistro ng kanilang kasal. Noong gabi bago ang araw ng kanilang kasal, sila ay muling inaresto at sinentensiyahan ng sampung taóng pagkabilanggo sa kampo. Gayunpaman, nakaraos sila sa lahat ng kahirapang ito, at tiniis ng kanilang pag-ibig ang lahat ng bagay, pati na ang sampung-taóng pagkaantala ng kanilang pagpapakasal. (1 Cor. 13:7) Sa wakas, nang makalaya sila noong 1967, sila ay nakasal.

Hindi pa iyan ang katapusan ng kanilang kuwento. Noong 1973, si Brother Kopos, na ngayo’y 60 anyos na, ay muling inaresto at sinentensiyahan ng limang taóng pagkabilanggo sa kampo at limang taóng pagkatapon. Pinagsilbihan niya ang kaniyang sentensiya kasama ang kaniyang asawang si Hanna, sa Siberia, 5,000 kilometro mula sa Khust na kaniyang bayan. Walang transportasyon sa lugar na iyan sa pamamagitan ng motor o tren, kundi sa pamamagitan lamang ng eroplano. Noong 1983, si Brother Kopos kasama ang kaniyang asawa ay bumalik sa Khust. Namatay si Hanna noong 1989, at si Brother Kopos ay buong-katapatang nagpatuloy na maglingkod kay Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1997. Lahat-lahat, si Brother Kopos ay gumugol ng 27 taon sa iba’t ibang bilangguan at 5 taon sa pagkakatapon​—na may kabuuang 32 taon.

Ang mababang-loob at maamong lalaking ito ay gumugol ng halos sangkatlo ng siglo sa mga bilangguang Sobyet at mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho. Maliwanag na ipinakikita ng gayong pambihirang halimbawa ng pananampalataya na hindi maaaring sirain ng mga kaaway ang integridad ng matatapat na lingkod ng Diyos.

Pansamantalang Paghihiwalay

Ang kaaway ng sangkatauhan, si Satanas na Diyablo, ay gumagamit ng maraming pamamaraan upang labanan ang mga nagsasagawa ng tunay na pagsamba. Bukod sa pagpapangyari ng pisikal na pang-aabuso, sinisikap niyang lumikha ng mga pag-aalinlangan at pagtatalo sa mga kapatid. Lalo itong kapansin-pansin sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa Ukraine.

Noong dekada ng 1950, walang-tigil ang panliligalig sa mga Saksi ni Jehova. Palagiang nagrerekisa ang mga awtoridad upang matagpuan ang mga lugar na pinaglilimbagan ng mga literatura. Patuloy na inaaresto ang responsableng mga kapatid na lalaki. Dahil dito, ang mga kapatid na nangunguna sa pangangasiwa ng gawain ay paulit-ulit na pinapalitan, kahit tuwing ilang buwan.

Palibhasa’y nakita na hindi mapatatahimik ang mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapatapon, pagbibilanggo, pisikal na karahasan, at pagpapahirap, ang mga serbisyong panseguridad ay gumamit ng mga bagong taktika. Tinangka nilang hatiin ang organisasyon mula sa loob sa pamamagitan ng paghahasik ng mga binhi ng kawalang-tiwala sa gitna ng mga kapatid.

Noong kalagitnaan ng dekada ng 1950, itinigil ng mga serbisyong panseguridad ang madaliang pag-aresto sa lahat ng aktibo at responsableng mga kapatid na lalaki at sinimulan ang pag-eespiya sa kanila. Ang mga kapatid na ito ay regular na ipinatatawag sa mga tanggapan ng mga serbisyong panseguridad. Sinabihan sila na tatanggap sila ng salapi at magtatamasa ng mainam na karera kung makikipagtulungan sila. Ang pagtangging makipagtulungan ay hahantong sa pagkabilanggo at kahihiyan. Ang ilan, sa kawalan ng pananampalataya sa Diyos, ay nakipagkompromiso dahil sa takot o kasakiman. Sila ay nanatili sa loob ng organisasyon, habang ipinaaalam sa mga serbisyong panseguridad ang tungkol sa mga gawain ng mga Saksi ni Jehova. Gayundin, masunurin nilang tinupad ang mga utos mula sa awtoridad, anupat pinangyaring magmukhang mga traydor ang inosenteng mga kapatid na lalaki sa paningin ng ibang tapat na mga kapatid. Ang lahat ng ito ay nagtaguyod ng espiritu ng kawalang-tiwala sa gitna ng marami sa mga kapatid.

Si Pavlo Ziatek ay lubhang nagdusa dahil sa gayong kawalang-tiwala at walang-batayang paghihinala. Ang mapagpakumbaba at masigasig na kapatid na ito ay gumugol ng maraming taon sa mga kampong bilangguan at nagtalaga ng kaniyang buong buhay sa paglilingkod kay Jehova.

Noong kalagitnaan ng dekada ng 1940, si Brother Ziatek ang nagsilbing lingkod ng bansa. Palibhasa’y inaresto, siya ay gumugol ng sampung taon sa isang bilangguan sa kanlurang Ukraine. Noong 1956, siya ay pinalaya at noong 1957 ay ipinagpatuloy niya ang kaniyang gawain bilang lingkod ng bansa. Kabilang sa komite ng bansa ang walong kapatid na lalaki bukod pa kay Brother Ziatek: apat mula sa Siberia at apat mula sa Ukraine. Ang mga kapatid na ito ang nangasiwa sa gawaing pangangaral ng Kaharian sa buong U.S.S.R.

Palibhasa’y nasasangkot ang malalayong distansiya at ang palagiang pag-uusig, hindi napananatili ng mga kapatid na ito ang mabuting komunikasyon o naidaraos ang regular na mga pulong. Dumating ang panahon, kumalat ang masasamang balita at tsismis tungkol kay Brother Ziatek at sa iba pang miyembro ng komite. Sinabi na si Brother Ziatek ay nakikipagtulungan sa mga serbisyong panseguridad, na siya ay nagpatayo ng malaking bahay para sa kaniyang sarili na ginagamit ang mga pondo na dapat sana’y ginamit sa pagtataguyod ng gawaing pagpapatotoo, at na siya ay nakitang nakasuot ng uniporme ng militar. Ang gayong mga ulat ay tinipon sa isang album at ipinadala sa mga tagapangasiwa ng distrito at sirkito sa Siberia. Wala isa man sa mga akusasyong ito ang totoo.

Sa wakas, noong Marso 1959, inihinto ng ilang tagapangasiwa ng sirkito mula sa Siberia ang pagpapadala ng kanilang mga ulat sa paglilingkod sa larangan sa komite ng bansa. Yaong mga naghiwalay ng kanilang sarili ay gumawa ng gayon nang hindi muna sumasangguni sa punong tanggapan. Gayundin, hindi nila sinunod ang tagubilin ng lokal na mga kapatid na inatasan upang mangasiwa. Lumikha ito ng pagkakabaha-bahagi sa hanay ng mga Saksi ni Jehova sa U.S.S.R. sa loob ng ilang taon.

Hinimok ng humiwalay na mga kapatid ang iba pang tagapangasiwa ng sirkito na gawin din ang gayong hakbang. Bunga nito, ang mga buwanang ulat sa paglilingkod sa larangan ng ilang sirkito ay ipinadala sa mga kapatid na humiwalay sa halip na sa inatasang komite ng bansa. Hindi alam ng karamihan sa mga kapatid sa mga kongregasyon na ang kanilang mga ulat sa paglilingkod sa larangan ay hindi nakararating sa komite ng bansa, kaya ang gawain ng mga kongregasyon ay hindi naapektuhan. Ilang beses na nagpunta si Brother Ziatek sa Siberia, na pagkatapos nito ay ipinagpatuloy ng ilang sirkito ang pagpapadala ng kanilang mga ulat sa paglilingkod sa larangan sa komite ng bansa.

Pagbabalik sa Teokratikong Organisasyon

Noong Enero 1, 1961, samantalang pauwi mula sa isang paglilingkod na biyahe sa Siberia, si Brother Ziatek ay inaresto sa tren. Siya ay muling sinentensiyahan ng sampung-taóng pagkabilanggo, sa pagkakataong ito sa isang “espesyal” na kampong bilangguan sa Mordvinia, Russia. Bakit ‘napaka-espesyal’ ng kampong iyon?

Ang pagsisilbi sa kanilang mga sentensiya sa iba’t ibang kampong bilangguan ay nagbigay sa mga kapatid ng pagkakataong mangaral sa iba pang mga bilanggo, at marami ang naging Saksi. Ikinagalit ito ng mga awtoridad. Kaya naman, sila ay nagpasiyang tipunin ang nangungunang mga Saksi sa isang kampo upang ang mga ito ay hindi makapangaral sa iba. Sa pagtatapos ng dekada ng 1950, mahigit sa 400 kapatid na lalaki at mga 100 kapatid na babae ang tinipon mula sa iba’t ibang kampong bilangguan sa U.S.S.R. at inilagay sa dalawang kampong bilangguan sa Mordvinia. Kabilang sa mga bilanggo ang mga kapatid mula sa komite ng bansa kasama ang mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito na naghiwalay ng kanilang sarili mula sa alulod ng pakikipagtalastasan ni Jehova. Nang makita ng mga kapatid na iyon na si Brother Ziatek ay nabilanggo rin, natanto nila na walang dahilan para maniwalang nakikipagtulungan siya sa mga serbisyong panseguridad.

Samantala, dahil sa pagkakaaresto kay Brother Ziatek, nakagawa na ng mga kaayusan upang si Ivan Pashkovskyi ang humalili sa gawain ng lingkod ng bansa. Noong kalagitnaan ng 1961, nakipagpulong si Brother Pashkovskyi sa mga responsableng kapatid mula sa Poland at nagpaliwanag na may pagkakabaha-bahagi sa mga kapatid sa U.S.S.R. Hiniling niya kung maaaring gumawa ng isang liham si Nathan H. Knorr mula sa punong tanggapan sa Brooklyn na nagpapakita ng suporta kay Brother Ziatek. Nang maglaon, noong 1962, nakatanggap si Brother Pashkovskyi ng isang kopya ng liham sa mga Saksi ni Jehova sa U.S.S.R., na may petsang Mayo 18, 1962. Iyon ay nagsasabi: “Ang mga sulat na nakararating sa akin sa pana-panahon ay nagpapakita na kayong mga kapatid sa U.S.S.R. ay patuloy sa pagpapanatili ng inyong matibay na hangaring maging tapat na mga lingkod ng Diyos na Jehova. Ngunit ang ilan sa inyo ay nagkaroon ng mga suliranin sa pagsisikap na panatilihin ang pakikipagkaisa sa inyong mga kapatid. Naniniwala ako na ito ay dahil sa hindi mabuting mga pasilidad sa komunikasyon at sa sinadyang pagpapakalat ng bulaang mga kuwento ng ilan na salansang sa Diyos na Jehova. Kaya sumulat ako upang ipaalam sa inyo na kinikilala ng Samahan si Brother Pavlo Ziatek at ang mga kapatid na gumagawang kasama niya bilang ang responsableng Kristiyanong mga tagapangasiwa sa U.S.S.R. Dapat itakwil kapuwa ang mga pakikipagkompromiso at labis-labis na mga pangmalas. Dapat na maging matino ang ating pag-iisip, makatuwiran, marunong makibagay at matatag din naman sa mga simulain ng Diyos.”

Ang liham na iyan pati ang bagay na si Brother Ziatek ay sinentensiyahan ng sampung taon sa bilangguan ay nakatulong upang pagkaisahin ang bayan ni Jehova sa U.S.S.R. Maraming humiwalay na mga kapatid na nasa mga bilangguan at mga kampong bilangguan ang nagsimulang muling makipagkaisa sa organisasyon. Naunawaan nila na hindi ipinagkanulo ni Brother Ziatek ang organisasyon at na ang punong tanggapan ay lubusang sumusuporta sa kaniya. Kapag sumusulat sa kani-kanilang pamilya at mga kaibigan, pinasisigla ng nakabilanggong mga kapatid na ito ang matatanda sa kanilang mga lokal na kongregasyon na makipag-ugnayan sa mga kapatid na nananatiling tapat at magsimulang mag-ulat ng kanilang gawain sa paglilingkod sa larangan. Sa loob ng sumunod na dekada, sinunod ng karamihan sa humiwalay na mga kapatid ang payong ito, bagaman gaya ng makikita natin, nanatiling isang hamon ang tunguhin ng pagkakaisa.

Pananatiling Matapat sa mga Kampong Bilangguan

Mahirap ang buhay sa mga kampong bilangguan. Gayunman, dahil sa kanilang espirituwalidad ay mas mabuti ang naging kalagayan ng mga bilanggong Saksi kaysa sa ibang mga bilanggo. Sila ay may mga literatura at nakipagtalastasan sila sa may-gulang na mga kapananampalataya. Lahat ng ito ay nakatulong upang magkaroon ng mabuting kalooban at espirituwal na pagsulong. Sa isang kampong bilangguan, gayon na lamang kahusay ang pagkakabaon ng mga kapatid na babae sa ilang literatura sa lupa anupat walang sinuman ang makasumpong niyaon. Minsan, sinabi ng isang inspektor na upang maalis sa teritoryo ang lahat ng “literaturang laban sa Sobyet,” kailangan nilang hukayin ang lupa sa palibot ng bakuran ng bilangguan nang dalawang metro ang lalim at bistayin ang lupa! Masusing pinag-aralan ng mga kapatid na babae ang mga magasin anupat kahit ngayon, pagkaraan ng 50 taon, mabibigkas pa rin ng ilan sa kanila ang mga bahagi mula sa mga Bantayan na iyon.

Pinanatili ng mga kapatid ang kanilang katapatan kay Jehova at hindi ikinompromiso ang mga simulain ng Bibliya, sa kabila ng mahihirap na panahon. Ganito ang inilahad ni Mariya Hrechyna, na gumugol ng limang taon sa mga kampong bilangguan dahil sa kaniyang gawaing pangangaral: “Nang matanggap namin Ang Bantayan na may artikulong ‘Pagiging Inosente Bilang Paggalang sa Kabanalan ng Dugo,’ ipinasiya naming huwag mananghalian sa silid-kainan ng bilangguan kapag karne ang inihahain. Kadalasan, hindi wastong pinatulo ang dugo ng mga karneng ginagamit sa mga kampong iyon. Nang malaman ng warden sa aming bilangguan kung bakit hindi kumakain ng ilang tanghalian ang mga Saksi, ipinasiya niya na pilitin kaming lumihis sa aming mga simulain. Iniutos niya na karne ang ihahain bawat araw para sa almusal, tanghalian, at hapunan. Sa loob ng dalawang linggo ay hindi kami kumain ng anuman maliban sa tinapay. Kami ay lubusang umasa kay Jehova, na natatalos na nakikita niya ang lahat at nalalaman niya kung hanggang kailan kami makapagbabata. Sa pagtatapos ng ikalawang sanlinggo ng gayong ‘diyeta,’ nagbago ng isip ang warden at sinimulan kaming hainan ng mga gulay, gatas, at maging ng mantikilya. Nakita namin na talagang nagmamalasakit si Jehova sa amin.”

Tulong Upang Makapagbata

Kung ihahambing sa ibang mga bilanggo, napanatili ng mga kapatid ang napakapositibo at may-pagtitiwalang pangmalas sa buhay. Ito ang nagpangyari upang mabata nila ang mga kahirapan sa mga bilangguang Sobyet.

Ganito ang paglalahad ni Brother Oleksii Kurdas, na gumugol ng maraming taon sa mga bilangguan: “Ang nakatulong sa akin na magbata ay ang taimtim na pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang Kaharian, ang pakikibahagi sa teokratikong gawain sa bilangguan, at ang regular na pananalangin. Ang isa pang bagay na nakatulong sa akin ay ang aking pananalig na kumikilos ako sa paraang nakalulugod kay Jehova. Ako ay nanatili ring abala. Ang pagkainip ay isang kakila-kilabot na aspekto sa lahat ng bilangguan. Maaari nitong sirain ang iyong personalidad at lumikha ng karamdaman sa isip. Kaya naman, sinikap ko na manatiling abala sa teokratikong mga bagay. Gayundin, pumidido ako ng lahat ng makukuhang aklat tungkol sa kasaysayan ng daigdig, heograpiya, at biyolohiya mula sa aklatan ng bilangguan. Hinanap ko ang mga bahagi na sumusuporta sa aking mga pananaw sa buhay. Sa ganitong paraan ay mapatitibay ko ang aking pananampalataya.”

Noong 1962, si Serhii Ravliuk ay gumugol ng tatlong buwan sa bartolina. Hindi niya makausap ang sinuman, maging ang mga tanod sa bilangguan. Upang mapanatili ang kaniyang katinuan, sinimulan niyang alalahanin ang lahat ng tekstong alam niya. Natandaan niya ang mahigit sa isang libong talata sa Bibliya at isinulat ang mga iyon sa mga piraso ng papel sa pamamagitan ng tasá ng lapis. Itinago niya ang tasá ng lapis sa isang siwang sa sahig. Natandaan din niya ang mahigit sa 100 pamagat ng mga artikulo mula sa mga magasing Bantayan na dati na niyang napag-aralan. Gumawa siya ng kalkulasyon ng mga petsa ng Memoryal para sa susunod na 20 taon. Ang lahat ng ito ay nakatulong sa kaniya na magmatiyaga hindi lamang sa mental na paraan kundi pati sa espirituwal na paraan. Pinanatili nitong buháy at matibay ang kaniyang pananampalataya kay Jehova.

“Mga Serbisyo” ng mga Bantay sa Bilangguan

Sa kabila ng pagsalansang ng mga serbisyong panseguridad, nalampasan ng ating mga literatura ang lahat ng hadlang, anupat nakarating ang mga iyon maging sa mga kapatid sa bilangguan. Natalos din ito ng mga bantay sa bilangguan at sa pana-panahon ay nagsasagawa sila ng lubusang pagrerekisa sa lahat ng selda, anupat literal na sumisilip sa bawat bitak. Gayundin, sa pagtatangkang makasumpong ng mga literatura, regular na inililipat ng mga bantay ang mga bilanggo mula sa isang selda patungo sa iba. Sa gayong mga paglilipat, ang mga bilanggo ay lubusang nirerekisa, at kung masumpungan ang mga literatura, kinukumpiska iyon. Paano nahadlangan ng mga kapatid ang pagkatuklas sa mga literatura?

Karaniwan na, itinatago ng mga kapatid ang mga literatura sa mga unan, kutson, sapatos, at sa ilalim ng mga damit. Sa ilang kampo, kinokopya nila ang mga magasing Bantayan sa pagkaliliit na mga sulat-kamay. Kapag inililipat ang mga bilanggo sa ibang selda, kung minsan ay tinatakpan ng mga kapatid ng plastik ang napakaliit na magasin at itinatago iyon sa ilalim ng kanilang dila. Kaya nagawa nilang maingatan ang kanilang kakaunting espirituwal na pagkain at patuloy na mapakain sa espirituwal.

Si Vasyl Bunha ay gumugol ng maraming taon sa mga bilangguan alang-alang sa katotohanan. Kasama ang kaniyang kaseldang si Petro Tokar, gumawa siya ng sekretong lalagyan sa bandang ilalim ng kahon ng mga kasangkapan ng karpintero. Doon, itinago nila ang orihinal na mga kopya ng ilang publikasyon na ipinuslit sa loob ng bilangguan. Ang mga kapatid na ito ay mga karpintero sa bilangguan, at ang kahon ng mga kasangkapan ay ibinibigay sa kanila kapag nagkakarpinterya sila sa loob ng bilangguan. Kapag inilalabas nila ang kahon, inaalis nila ang orihinal na magasin para kopyahin. Pagkatapos ng maghapong trabaho, ibinabalik sa kahon ng mga kasangkapan ang magasin. Itinatago ng warden ng bilangguan ang kahon ng mga kasangkapan nang may tatlong kandado sa likod ng dalawang nakakandadong pinto, yamang ang mga lagari, pait, at iba pang kasangkapan ng karpintero ay maaaring gamiting sandata ng mga bilanggo. Kaya naman, sa mga panahon ng paghahanap sa mga literatura sa Bibliya, hindi iniisip ng mga bantay na tingnan ang nakakandadong kahon ng mga kasangkapan, na iniingatan kasama ng mga ari-arian ng warden ng bilangguan.

Nakatuklas si Brother Bunha ng isa pang lugar na pagtataguan ng mga orihinal na kopya ng mga literatura. Dahil sa malabo ang kaniyang mga mata, mayroon siyang ilang pares ng salamin sa mata. Bawat bilanggo ay pinapayagan na magkaroon ng isa lamang pares sa isang panahon. Ang iba pang salamin ay kailangang itago sa isang pantanging lugar, at maaari itong hilingin ng mga bilanggo kung kailangan. Gumawa si Brother Bunha ng pantanging mga kaha para sa kaniyang mga salamin sa mata at inilagay roon ang orihinal na pagkaliliit na kopya ng mga publikasyon. Kapag kailangan ng mga kapatid na kopyahin ang mga magasin, hihilingin lamang ni Brother Bunha sa mga bantay sa bilangguan na dalhan siya ng ibang pares ng kaniyang mga salamin.

May mga situwasyon na waring mga anghel lamang ang makapagsasanggalang sa mga literatura mula sa kamay ng mga bantay sa bilangguan. Natandaan ni Brother Bunha nang magdala si Cheslav Kazlauskas ng 20 bareta ng sabon sa loob ng bilangguan. Ang kalahati ng mga ito ay siniksikan ng ating mga publikasyon. Sa kabila ng pagtusok sa sampu sa mga bareta ng sabon, hindi natusok ng mga bantay sa bilangguan ang alinman sa mga bareta na may lamang literatura.

Pagtitiyaga Upang Magkaisa

Mula noong 1963, naipadadala nang regular sa Brooklyn ng mga kapatid sa komite ng bansa ang mga ulat sa paglilingkod sa larangan. Isinaayos din na makatanggap ang mga kapatid ng mga publikasyon sa microfilm. Noong panahong iyon, may 14 na sirkito sa buong U.S.S.R., at 4 sa mga ito ay nasa Ukraine. Habang lumalaki ang bilang ng bayan ng Diyos, pitong distrito ang binuo sa Ukraine. Sa mga kadahilanang panseguridad, bawat distrito ay tinatawag sa pangalan ng isang babae. Ang distrito sa silangang Ukraine ay tinawag na Alla; sa Volyn’ ay Ustina; sa Halychyna, Lyuba; at sa Transcarpathia, may mga distrito na tinatawag na Katya, Kristina, at Masha.

Samantala, ipinagpatuloy ng KGB (Komite sa Seguridad ng Estado) ang kanilang mga pagtatangkang sirain ang pagkakaisa ng mga Saksi. Isang hepe ng isang tanggapan ng KGB ang sumulat sa nakatataas sa kaniya: “Sa layuning patindihin ang pagkakahati ng sekta, gumagawa kami upang pigilin ang masamang gawain ng mga lider na maka-Jehova, upang hiyain sila sa paningin ng kanilang mga karelihiyon, at upang lumikha sa gitna nila ng atmospera ng kawalang-tiwala. Gumawa ng mga kaayusan ang mga ahensiya ng KGB na nakatulong upang mahati ang sektang ito sa dalawang magkasalungat na grupo. Ang isang grupo ay binubuo ng mga tagasunod ng maka-Jehova na lider na si Ziatek, na sa kasalukuyan ay nakabilanggo, at ng ibang grupo na binubuo ng mga tagapagtaguyod ng di-umano’y oposisyon. Ang mga pangyayaring ito ay lumikha ng kaayaayang mga kalagayan at saligan para sa pagtatalo sa ideolohiya sa gitna ng ordinaryong mga miyembro at para sa higit pang pagkasira ng mga yunit ng organisasyong ito.” Pagkatapos ay inamin ng liham na ang mga pagsisikap ng KGB ay nagkakaroon ng mga suliranin. Nagpatuloy ito: “Ang pinakamaimpluwensiya sa mga lider na maka-Jehova ay gumagawa ng mga hakbang upang kontrahin ang aming mga pagkilos, na sinisikap ang lahat ng posibleng paraan upang pagkaisahin ang mga yunit ng organisasyon.” Oo, patuloy na isinasagawa ng mga kapatid ang gawain upang magkaisa, at pinagpapala naman ni Jehova ang kanilang mga pagsisikap.

Iniharap ng KGB sa humiwalay na mga kapatid ang isang huwad na liham, na di-umano’y galing kay Brother Knorr, na sumusuporta sa ideya ng pagbuo ng isang hiwalay at nagsasariling organisasyon ng mga Saksi ni Jehova. Binabanggit ang pangyayari ng paghihiwalay nina Abraham at Lot bilang halimbawa ng mapahihintulutang paghiwalay sa alulod ng organisasyon, ang liham na iyon ay ipinamahagi sa buong U.S.S.R.

Ang tapat ng mga kapatid ay nagpadala ng isang kopya ng liham sa Brooklyn, at noong 1971, nakatanggap sila ng sagot na nagbubunyag sa liham bilang isang tahasang panghuhuwad. Sa isang liham para sa mga kapatid na nakahiwalay pa rin sa bayan ng Diyos, sinabi ni Brother Knorr ang sumusunod: “Ang tanging linya ng komunikasyon na ginagamit ng Samahan ay yaong sa pamamagitan ng hinirang na mga tagapangasiwa sa inyong bansa. Walang mga indibiduwal sa inyong bansa maliban sa hinirang na mga tagapangasiwa ang awtorisadong manguna sa inyo . . . Ang tunay na mga lingkod ni Jehova ay isang nagkakaisang grupo. Kaya umaasa at nananalangin ako na lahat kayo sana ay bumalik sa pagkakaisa ng kongregasyong Kristiyano sa ilalim ng hinirang na mga tagapangasiwa at na tayo ay magkaroon ng nagkakaisang bahagi sa pagpapatotoo.”

Malaki ang nagawa ng liham na ito upang pagkaisahin ang mga kapatid. Gayunpaman, ang ilan ay nagsisikap pa rin na makipag-ugnayan sa punong tanggapan nang sarilinan, yamang hindi pa rin sila nagtitiwala sa umiiral na alulod ng pakikipagtalastasan. Kaya ang humiwalay na mga kapatid na ito ay nagpasiyang gumawa ng pagsubok. Nagpadala sila sa Brooklyn ng salaping papel na nagkakahalaga ng sampung ruble at hiniling sa mga kapatid na hatiin iyon sa dalawa at ibalik sa Ukraine ang dalawang parte: ang kalahati ng salapi ay sa humiwalay na mga kapatid sa pamamagitan ng koreo at ang kalahati ay sa alulod na gagamitin ng punong tanggapan.

Kaya naman, ang kalahati ay ipinadala sa pamamagitan ng koreo. Ang isa pa ay dinala ng isang tagahatid at ibinigay sa mga miyembro ng komite ng bansa. Ibinigay naman nila ito sa lokal na mga responsableng kapatid sa Transcarpathia na pumunta upang makipagkita sa humiwalay na mga kapatid. Gayunman, nanatiling walang tiwala ang ilang kapatid na humiwalay na talagang nag-akala na ang mga miyembro ng komite ng bansa ay nakikipagtulungan sa mga serbisyong panseguridad.

Gayunpaman, karamihan sa humiwalay na mga kapatid ay bumalik din sa organisasyon. Hindi nagtagumpay ang mga pagsisikap ni Satanas at ng KGB na lipulin ang organisasyon ng mga Saksi ni Jehova sa U.S.S.R. sa pamamagitan ng di-pagkakasundo. Dumami at lumakas ang mga kabilang sa bayan ni Jehova, na masikap na gumagawa ukol sa pagkakaisa at paghahasik ng mga binhi ng katotohanan sa mga bagong teritoryo.

Sinabi ni Vasyl Kalin: “Gumamit sila ng maraming pamamaraan upang sikaping sugpuin ang ating hangaring mamuhay bilang isang Kristiyano. Gayunman, patuloy kaming nangangaral sa mga kapuwa ipinatapon na di-kapananampalataya. Ang mga ito ay ipinatapon sa iba’t ibang kadahilanan at iba’t ibang krimen. Marami ang nagpakita ng interes sa ating mensahe. May ilang situwasyon na kung saan ang mga taong ito ay naging mga Saksi ni Jehova noong bandang huli. Ginawa nila ito sa kabila ng pagkaalam sa pag-uusig na ginagawa sa amin kapuwa ng seguridad ng Estado at ng lokal na administrasyon.”

Kristiyanong Pamumuhay sa Ilalim ng Pagbabawal

Isaalang-alang natin ngayon ang isang maikling sumaryo ng gawaing Kristiyano noong mga unang dekada ng pagbabawal. Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal sa buong Ukraine mula noong 1939. Gayunpaman, sumulong ang pangangaral at mga gawain ng kongregasyon, bagaman kinailangang maging lubhang maingat ang mga kapatid sa pagpapatotoo sa iba. Ang mga interesado ay hindi kailanman sinasabihan sa simula na ang dumadalaw sa kanila ay mga Saksi ni Jehova. Kadalasang idinaraos ang mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya na ang ginagamit ay Bibliya lamang. Maraming tao ang nakaalam ng katotohanan sa ganitong paraan.

Ang mga pulong ng kongregasyon ay idinaraos sa katulad na mga kalagayan. Sa maraming lugar, ang mga kapatid ay nagtitipon nang ilang beses sa loob ng isang linggo sa bandang gabi o sa kalaliman ng gabi. Kinakabitan nila ng makakapal na kurtina ang kanilang mga bintana upang hindi mapansin at nag-aaral sila sa pamamagitan ng ilaw na de gas. Sa pangkalahatan, bawat kongregasyon ay tumatanggap ng isa lamang kopya ng Ang Bantayan, na nasa sulat-kamay. Nang maglaon, nagsimulang makatanggap ang mga kapatid ng magasin na inilimbag sa mga duplicating machine. Karaniwan na, ang mga kapatid ay nagtitipon nang dalawang beses sa isang linggo sa pribadong mga apartment para sa Pag-aaral sa Bantayan. Hindi tumitigil ang KGB sa kanilang determinasyon na hanapin ang mga dakong pulungan ng mga Saksi ni Jehova upang maparusahan nila ang mga responsableng kapatid.

Ginamit din ng mga kapatid ang mga kasalan at mga libing bilang mga pagkakataon upang magkatipon at pasiglahin ang isa’t isa sa pamamagitan ng mga pahayag sa Bibliya na inihandang mabuti. Sa mga kasalan, maraming kabataang kapatid na lalaki at babae ang magbabasa ng mga tula sa mga paksa sa Bibliya at gaganap sa mga drama sa Bibliya na kumpleto sa kasuutan. Ang lahat ng ito ay nagbigay ng mabuting patotoo sa maraming di-Saksi na dumadalo.

Noong mga dekada ng 1940 at 1950, marami sa mga kapatid ang inaresto at ibinilanggo dahil lamang sa pagdalo sa gayong mga pulong. Gayunman, noong dekada ng 1960, nagbago ang situwasyon. Kapag natuklasan ang isang pagpupulong, ang mga serbisyong panseguridad ay karaniwan nang gumagawa ng isang listahan ng lahat ng naroroon sa pulong, at ang may-ari ng bahay ay pinapatawan ng multa na katumbas ng kalahating-buwang suweldo. Kung minsan, ang patakarang ito ay ipinatutupad hanggang sa puntong katawa-tawa. Minsan, dumalaw si Mykola Kostiuk at ang kaniyang maybahay sa kanilang anak na lalaki. Agad-agad, dumating ang mga pulis at gumawa ng listahan ng “lahat ng naroroon.” Nang bandang huli, ang anak ni Brother Kostiuk ay ipinatawag upang magmulta dahil sa “ilegal na pagpupulong ng mga maka-Jehova.” Nagsampa ng reklamo ang pamilyang Kostiuk tungkol sa insidenteng ito, yamang wala namang pulong na idinaos. Kinansela ng mga awtoridad ang multa.

Mga Pagdiriwang ng Memoryal

Hindi madaling pagtagumpayan ang namamalaging mga problema. Gayunman, ang mga kapatid ay hindi nasiraan ng loob at nagpatuloy sila sa pagpupulong nang regular. Ang pinakamalaking hamon ay ang pagdaraos ng Memoryal. Lalo nang nagbabantay ang KGB kapag panahon ng Memoryal, yamang palagi nilang alam humigit-kumulang ang petsa ng pagdiriwang. Umaasa sila na kung babantayan nila ang mga Saksi, matutuklasan nila ang mga dako na pagdarausan ng Memoryal. Kung magkagayon, “makikilala” ng mga serbisyong panseguridad ang mga bagong Saksi.

Alam ng mga kapatid ang mga taktikang ito, kaya sila ay lubhang maingat sa araw ng Memoryal. Idinaraos nila ang mga pagdiriwang sa mga lugar na mahirap matagpuan. Hindi ipinaaalam nang patiuna sa mga interesado ang petsa at lugar ng Memoryal. Karaniwan na, pupuntahan ng mga Saksi ang tahanan ng mga interesado sa mismong araw ng Memoryal at idederetso sila sa dakong pulungan.

Minsan, idinaos ng mga kapatid sa Transcarpathia ang Memoryal sa silong ng tahanan ng isang kapatid na babae. Yamang baha sa silong, walang umaasa na magtitipon doon ang mga tao dahil sa tubig na hanggang tuhod. Ang mga kapatid ay gumawa ng isang plataporma na mas mataas sa tubig at ginawang presentable ang silong para sa Memoryal. Bagaman kinailangan nilang maupo nang nakayukyok sa plataporma sa ilalim ng mababang kisame, walang gumambala sa kanila habang buong-galak nilang idinaos ang Memoryal.

Sa isa pang pagkakataon, noong dekada ng 1980, maagang-maaga ay lumisan ang mga miyembro ng isang pamilyang Kristiyano upang dumalo sa Memoryal. Nang gumagabi na, sila ay nagtipon sa isang gubat kasama ng iba pang mga kapatid para sa pagdiriwang ng Memoryal. Malakas ang ulan, at ang lahat ng kapatid ay kinailangang magtipon nang pabilog sa ilalim ng mga payong, hawak-hawak ang mga kandila para sa liwanag. Pagkatapos ng pansarang panalangin, lahat ay lumisan. Pagdating sa bahay, natagpuan ng pamilya na nakabukas ang mga tarangkahan sa kanilang looban. Maliwanag na ang mga pulis o ang mga serbisyong panseguridad ay naghahanap sa kanila. Bagaman sila ay pagod at basa, ang buong pamilya ay maligaya na iniwan nila ang kanilang tahanan sa umaga at dumalo sa Memoryal, anupat naiwasan ang komprontasyon sa mga awtoridad.

Sa Kiev, talagang napakahirap para sa mga kapatid na makasumpong ng isang ligtas na lugar para sa Memoryal. May taon na sila ay nagpasiyang idaos ang Memoryal habang nasa isang sasakyan. Isang kapatid ang nagtatrabaho bilang isang tsuper ng bus sa isang kompanya ng transportasyon, kaya umarkila ang mga kapatid ng isang bus. Mga Saksi ni Jehova lamang ang isinakay ng bus at saka lumabas sa lunsod patungo sa isang malinis na lugar sa kagubatan. Sa loob ng bus, naghanda ang mga kapatid ng maliit na mesa na nilagyan ng emblema sa Memoryal. Nagdala rin sila ng pagkain. Biglang-bigla, dumating ang mga pulis. Gayunman, wala silang dahilan para gambalain ang mga kapatid, yamang tila naghahapunan lamang ang mga ito sa bus pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho.

Sa ibang lugar sa Ukraine, nilulusob ang tahanan ng mga kapatid sa araw ng Memoryal. Pagkalubog na pagkalubog ng araw, ang mga kotse na may sakay na tatlo o apat na pulis ay pupunta sa tahanan ng mga Saksi. Titingnan ng mga pulis kung ang mga kapatid ay nasa tahanan o naghahanda para sa isang relihiyosong pagdiriwang. Laging handa ang mga Saksi para sa mga paglusob na ito. Pinapatungan nila ng lumang damit na pantrabaho ang kanilang damit na pang-alis at nagiging abala sa mga karaniwang gawain sa bahay. Sa ganitong paraan, ibinigay nila ang impresyon na sila ay nasa bahay lamang at hindi nagbabalak na pumunta sa anumang relihiyosong pagdiriwang. Pagkatapos na pagkatapos ng paglusob, hinuhubad nila ang mga lumang damit at handa nang pumunta sa Memoryal. Nasisiyahan ang lokal na mga awtoridad na nagawa nila ang kanilang trabaho, at ang mga kapatid naman ay payapang nakapagdiriwang ng Memoryal.

Pagtatago ng mga Literatura

Tandaan na sa katapusan ng dekada ng 1940, ang mga Saksi ni Jehova ay sinentensiyahan ng 25 taóng pagkabilanggo dahil lamang sa pagkakaroon ng mga literatura sa kanilang tahanan. Pagkamatay ni Stalin noong 1953, ang mga sentensiya sa bilangguan dahil sa pagtataglay ng mga literatura ay pinaikli na lamang sa sampung taon. Nang maglaon, ang pagtataglay ng mga literatura ng mga Saksi ay pinapatawan ng multa, at ang mga literatura ay kinukumpiska at sinisira. Kaya sa buong panahon ng pagbabawal, buong-ingat na pinag-isipan ng mga kapatid kung paano ligtas na itatago ang mga literatura.

Itinago ng ilan ang mga literatura sa tahanan ng kanilang mga kamag-anak o kapitbahay na di-Saksi; ibinaon naman iyon ng iba sa kanilang mga hardin sa metal na mga tangke at sa loob ng mga plastik na bag. Nagunita ni Vasyl Guzo, isang matanda mula sa Transcarpathia, na noong dekada ng 1960, ginamit niya ang isang gubat sa Kabundukan ng Carpathia bilang isang “teokratikong aklatan.” Inilalagay niya ang kaniyang mga literatura sa mga lata ng gatas na dinadala niya sa gubat at ibinabaon na ang mga takip ay kapantay ng lupa.

Ganito ang inilahad ng isang kapatid na gumugol ng 16 na taon sa mga bilangguan dahil sa kaniyang mga gawaing Kristiyano: “Itinatago namin ang mga literatura saanman posible: sa mga bunker (kublihan sa ilalim ng lupa), sa lupa, sa dingding ng mga gusali, sa mga kahong may dobleng takip sa ilalim nito, at sa mga bahay ng aso na may dobleng sahig. Itinago rin namin ang mga literatura sa mga walis at sa guwang ng mga rolling pin (kung saan namin karaniwang itinatago ang mga ulat sa paglilingkod sa larangan). May iba pa ring lugar na taguan​—mga balon, palikuran, pintuan, bubong, at salansan ng mga kahoy na panggatong.”

Mga Palimbagan sa Ilalim ng Lupa

Sa kabila ng mapagbantay na mga mata kapuwa ng mga espiyang Komunista at ng mga awtoridad, patuloy na nailalaan ang espirituwal na pagkain sa mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran. Bigo ang mga kaaway ng katotohanan sa pagsisikap na huwag makapasok ang ating mga literatura sa U.S.S.R. at kinailangan nilang aminin ito. Sa pagtatapos ng 1959, ang pahayagang Gudok ng mga manggagawa sa daang-bakal ng Sobyet ay nagsabi pa nga na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang mga lobo upang maipasok sa Unyong Sobyet ang mga literatura sa Bibliya!

Sabihin pa, hindi pumasok ang ating mga literatura sa Ukraine sa pamamagitan ng lobo. Iyon ay kinokopya sa lokal na paraan sa mga pribadong tahanan. Sa madaling panahon, natutuhan ng mga kapatid na ang pinakapraktikal at ligtas na lugar para sa paglilimbag ng mga literatura ay sa isang bunker na mainam ang pagkakakubli. Ginawa nila ang mga ito sa mga silong at sa mga burol.

Noong dekada ng 1960, isa sa gayong bunker ang ginawa sa silangang Ukraine. Iyon ay may bentilasyon at kuryente. Gayon na lamang kahusay ang pagkakakubli sa pasukan ng bunker anupat gumugol ng buong isang araw ang mga pulis sa ibabaw ng bunker habang tinutusok ang lupa sa pamamagitan ng mga tungkod na metal. Wala silang natagpuan.

Minsan, mahigpit na minamanmanan ng mga serbisyong panseguridad ang isang lihim na palimbagan. Naghihinala sila na inililimbag ang mga literatura sa bahay, at ibig nilang hulihin ang mga kasangkot. Nagharap ito ng problema sa mga kapatid. Paano nila maipapasok ang papel sa loob ng bahay, at paano nila mailalabas ang mga literatura? Sa wakas, nakakita sila ng solusyon. Binalot ng isang kapatid na lalaki ang mga talaksan ng papel sa isang blangket ng sanggol at dinala iyon na parang isang sanggol sa loob ng bahay. Kapag nasa loob na siya, iniiwan niya roon ang papel, binabalot sa blangket ang bagong limbag na mga isyu ng ating magasin, at inilalabas ng bahay ang “sanggol” na ito. Nakikita ng mga tauhan ng KGB ang kapatid na dumarating at umaalis ngunit hindi sila naghinala ng anuman.

Ang mga kapatid sa lugar ng Donetsk, Crimea, Moscow, at Leningrad (ngayo’y St. Petersburg) ay tumatanggap ng mga literatura na inilimbag sa bunker na ito. Gumawa ng kahawig na bunker ang ilang kabataang kapatid na lalaki sa bayan ng Novovolynsk, sa rehiyon ng Volyn’. Gayon na lamang ang determinasyon ng mga kapatid na ito na panatilihing lihim ang lokasyon ng bunker na ito anupat siyam na taon na mula nang maging legal ang ating gawain sa Ukraine nang payagan nilang makita iyon ng ibang mga kapatid!

Isang katulad na palimbagan din ang pinaandar sa liblib na dako ng Kabundukan ng Carpathia. Naglagay ang mga kapatid ng tubo ng tubig mula sa isang maliit na sapa patungo sa bunker, at pinaaandar ng tubig ang isang maliit na generator, na naglalaan ng kuryente para sa ilaw, bagaman ang imprenta ay pinaaandar ng kamay. Maraming literatura ang inilimbag sa bunker na ito. Nang mapansin ng KGB na mas maraming literatura ang lumilitaw sa lugar na iyon, hinanap nila ang palimbagan. Malawakang naghukay ang pulisya upang matagpuan ang bunker. Nagbalatkayo pa nga sila bilang mga heologo at naglibot sa kabundukan.

Nang mahalata ng mga kapatid na malapit nang matuklasan ng mga awtoridad ang bunker, nagboluntaryo si Ivan Dziabko na mangasiwa sa bunker, yamang binata siya at kung maaresto man siya, walang mga bata ang mapagkakaitan ng ama. Sa pagtatapos ng tag-araw ng 1963, ang bunker ay natuklasan at si Brother Dziabko ay agad na pinatay sa di-kalayuan. Nasiyahan ang lokal na mga awtoridad at nagdaos sila ng libreng paglilibot ng mga adulto at mga bata sa “lugar kung saan nakipagtalastasan ang mga Saksi ni Jehova sa Amerika sa pamamagitan ng transmiter ng radyo.” Bagaman kasinungalingan ang pag-aangking iyan, ang malungkot na pangyayaring ito ay nagbigay ng patotoo sa lahat ng tao sa lugar na iyon. Marami ang nagsimulang magkaroon ng higit na interes sa ating mensahe. Sa kasalukuyan, may mahigit sa 20 kongregasyon sa bahaging iyan ng Kabundukan ng Carpathia.

Ang Halaga ng Pagsasanay ng Magulang

Bukod sa pagkumpiska sa mga literatura, multa, pagkabilanggo, pagpapahirap, at pagpatay, naranasan ng ilang Saksi ang masaklap na karanasan na kunin sa kanila ang kanilang mga anak. Si Lydia Perepiolkina, na nakatira sa silangang Ukraine, ay may apat na anak. Ang kaniyang asawa, isang opisyal sa Ministri ng Interyor, ay nagsampa ng diborsiyo noong 1964 sa dahilang si Lydia ay isang Saksi. Ipinasiya ng hukuman na ipagkait kay Sister Perepiolkina ang pag-aalaga sa kaniyang mga anak. Ang kaniyang pitong-taóng-gulang na kambal​—isang lalaki at isang babae—​ay ibinigay sa kaniyang asawa, na lumipat na kasama nila sa kanlurang Ukraine na 1,000 kilometro ang layo. Ipinasiya ng hukuman na ipadala sa isang bahay-ampunan ang natitirang dalawang bata. Nang payagang magsalita si Lydia, sinabi niya sa hukuman: “Naniniwala ako na may kapangyarihan si Jehova na ibalik sa akin ang aking mga anak.”

Pagkatapos ng paglilitis, napag-unawa ni Lydia ang patnubay at pangangalaga ni Jehova. Sa hindi malamang kadahilanan, hindi ipinadala ng mga awtoridad ang natitirang dalawang bata sa ampunan, kundi sa halip ay pinayagan sila na manatili sa kaniya. Sa loob ng sunud-sunod na pitong taon sa panahon ng kaniyang bakasyon, si Lydia ay naglalakbay upang dalawin ang kaniyang dalawang anak, ang kambal. Bagaman hindi pumapayag ang kaniyang dating asawa na makita ni Lydia ang mga bata, hindi siya sumuko. Pagdating sa lunsod kung saan naninirahan ang kaniyang mga anak, magpapalipas siya ng gabi sa istasyon ng tren at saka makikipagkita sa kaniyang mga anak habang papunta sila sa paaralan. Ginamit niya ang mahahalagang pagkakataong ito upang sabihin sa kanila ang tungkol kay Jehova.

Lumipas ang mga taon, at si Lydia ay buong-katapatang ‘naghasik ng binhi na may mga luha’ sa puso ng kaniyang mga anak. Nang maglaon, siya ay ‘gumapas nang may hiyaw ng kagalakan.’ (Awit 126:5) Nang 14 anyos na ang kambal, pinili nila na pumisan sa kanilang ina. Nagpagal nang husto si Lydia upang maituro sa kaniyang mga anak ang katotohanan. Bagaman ang dalawa sa kanila ay pumili ng ibang landasin, si Lydia at ang kaniyang kambal ay matapat na naglilingkod kay Jehova.

Pagbabago sa Ikabubuti

Noong Hunyo 1965, naglabas ng desisyon ang Kataas-taasang Hukuman ng Ukraine na ang mga literatura ng mga Saksi ni Jehova ay uring relihiyoso at hindi laban sa Sobyet. Bagaman ang desisyon ay kumakapit lamang sa isang kaso sa hukuman, naimpluwensiyahan nito ang sumunod na mga desisyon ng hukuman sa buong Ukraine. Itinigil ng mga awtoridad ang pag-aresto sa mga tao na nagbabasa ng mga literatura sa Bibliya, bagaman patuloy nilang ibinibilanggo ang mga Saksi dahil sa gawaing pangangaral ng mga ito.

Isa pang mahalagang pagbabago ang naganap noong huling bahagi ng 1965. Naglabas ang pamahalaan ng U.S.S.R. ng isang dekreto na nagpapalaya sa lahat ng Saksing ipinatapon sa Siberia noong 1951. Sila ay pinahihintulutan nang makapaglakbay nang malaya sa buong Unyong Sobyet, bagaman hindi nila maaaring hilingin na ibalik ang kanilang mga kinumpiskang bahay, bakahan, at iba pang mga ari-arian. Dahil sa mga komplikasyon sa pagrerehistro, iilan lamang ang nakabalik sa mga lugar na dati nilang tinirahan.

Maraming kapatid na ipinadala sa Siberia noong 1951 ang nagsimulang manirahan sa iba’t ibang bahagi ng U.S.S.R., gaya ng Kazakhstan, Kyrgyzstan, Georgia, at Ciscaucasia. Ang iba ay nanirahan sa silangan at timugang Ukraine, na dinala ang mga binhi ng katotohanan sa mga lugar na ito.

Matatag sa Kabila ng Panggigipit

Bagaman para sa ikabubuti ang mga nabanggit na pagbabago, hindi binago ng KGB ang saloobin nito sa mga Saksi ni Jehova. Gumamit ang KGB ng sari-saring pamamaraan sa pagtatangkang takutin ang mga Saksi na itakwil ang kanilang pananampalataya. Halimbawa, kinukuha nila ang isang kapatid na lalaki mula sa lugar ng kaniyang trabaho at ikinukulong siya nang ilang araw sa isang tanggapan ng KGB o sa isang otel. Habang nakakulong, ang kapatid ay pinagsasabihan, pinagtatatanong, hinihimok, at pinagbabantaan ng isang pangkat ng tatlo o apat na miyembro ng KGB. Salitan sila sa paggawa nito upang mapagkaitan ng tulog ang kapatid. Pagkatapos nito, palalayain ang kapatid, upang muli na namang ikulong para sa gayunding pagtrato pagkaraan ng isa o dalawang araw. Ginagawa rin ito ng KGB sa mga kapatid na babae, bagaman mas madalang.

Ang mga kapatid ay paulit-ulit na ipinatatawag sa mga tanggapan ng KGB. Sa panggigipit sa mga kapatid na talikuran ang kanilang pananampalataya, umaasa ang mga serbisyong panseguridad na makakuha ng mga bagong kasabwat sa loob ng organisasyon. Bukod dito, ginigipit nila sa moral at emosyonal na paraan ang mga kapatid kapag hindi sumang-ayon ang mga ito na ikompromiso ang kanilang pananampalataya. Halimbawa, ganito ang nagunita ni Mykhailo Tilniak, na naglingkod nang maraming taon bilang isang tagapangasiwa ng sirkito sa Transcarpathia: “Sa isang pag-uusap, ang mga opisyal na panseguridad na nakauniporme ng militar ay napakabait at positibo. Inanyayahan nila ako na kumaing kasama nila sa isang kalapit na restawran. Pero nginitian ko lamang sila, naglagay ako ng 50 ruble (humigit-kumulang kalahating-buwang suweldo) sa mesa, at sinabi na puwede silang kumain nang hindi ako kasama.” Alam na alam ni Brother Tilniak na siya’y tiyak na kukunan nila ng litrato habang kumakain at umiinom na kasama ng mga taong nakauniporme ng militar. Ang gayong mga litrato ay maaaring gamitin sa kalaunan bilang “ebidensiya” na ikinompromiso niya ang kaniyang pananampalataya. Maghahasik ito ng mga binhi ng kawalang-tiwala sa gitna ng mga kapatid.

Para sa marami, may mga dekada ng panggigipit upang itakwil ang kanilang pananampalataya. Si Bela Meysar mula sa Transcarpathia ay isang halimbawa. Palibhasa’y inaresto sa unang pagkakataon noong 1956, di-namalayang nilagdaan ng walang-karanasan na kabataang kapatid na ito ang ilang pahayag hinggil sa ating gawain, na siyang naging dahilan upang ipatawag ng mga serbisyong panseguridad ang ilang kapatid. Nang maglaon, naunawaan ni Brother Meysar ang kaniyang pagkakamali at nagsumamo siya kay Jehova na wala sana ni isa man sa mga kapatid na iyon ang masentensiyahan. Nangyari nga na sila ay hindi inaresto, bagaman si Brother Meysar mismo ay sinentensiyahan ng walong-taóng pagkabilanggo.

Pagkatapos makauwi sa kaniyang tahanan, siya ay pinagkaitan ng karapatang umalis sa kanilang nayon sa loob ng dalawang taon. Tuwing Lunes, kailangan niyang magreport sa lokal na tanggapan ng pulisya para magparehistro. Dahil sa tumanggi siyang magsanay sa militar noong 1968, siya ay sinentensiyahan ng isang-taóng pagkabilanggo. Pagkatapos ng kaniyang pagkakabilanggo, siya ay umuwi at patuloy na naglingkod kay Jehova nang buong-kasigasigan. Noong 1975, sa edad na 47, siya ay muling sinentensiyahan.

Nang matapos ni Brother Meysar ang sentensiyang limang-taóng pagkabilanggo, siya ay ipinadala sa lugar ng Yakutsk sa Russia para sa limang-taóng pagkakatapon. Siya ay dinala roon sakay ng eroplano, yamang walang mga lansangan patungo sa lugar na iyon. Sa panahon ng paglalakbay, tinanong siya ng mga kabataang sundalo na inatasang magbantay sa kaniya: “Tandâ, bakit ka itinuturing na isang mapanganib na kriminal?” Bilang tugon, ipinaliwanag ni Brother Meysar ang kaniyang paraan ng pamumuhay at binigyan sila ng isang mabuting patotoo hinggil sa layunin ng Diyos para sa lupa.

Sa simula, pagdating ni Brother Meysar, ang lokal na mga awtoridad ay natatakot sa “lubhang mapanganib na kriminal” na ito, gaya ng pagkakalarawan sa kaniya sa kaniyang mga dokumento. Sa kalaunan, dahil sa mainam na Kristiyanong paggawi ni Brother Meysar, ganito ang sabi ng lokal na mga awtoridad sa opisyal na panseguridad: “Kung mayroon pa kayo ng ganitong mga kriminal, pakisuyong ipadala ninyo sila sa amin.”

Bumalik si Brother Meysar sa kaniyang tahanan noong 1985 sa edad na 57. Sa kaniyang 21 taon sa bilangguan, ang kaniyang tapat na kabiyak, si Regina, ay nakatira sa kanilang tahanan sa Transcarpathia. Sa kabila ng malayong distansiya at malaki-laking gastos na nasasangkot, madalas niyang dalawin ang kaniyang asawa sa bilangguan, anupat naglalakbay nang mahigit sa 140,000 kilometro upang magawa iyon.

Kahit pagkatapos na siya ay makalaya, maraming ulit na pinuntahan ng mga pulis at mga opisyal na panseguridad si Brother Meysar sa kaniyang tahanan sa nayon ng Rakoshyno. Humantong sa nakatatawang situwasyon ang mga pagdalaw na iyon. Noong mga unang taon ng dekada ng 1990, dinalaw ni Theodore Jaracz ng Lupong Tagapamahala kasama ang mga kapatid mula sa komite ng bansa ang lunsod ng Uzhgorod sa Transcarpathia. Habang pabalik sa Lvov, nagpasiya sila na gumawa ng maikling pagdalaw kay Brother Meysar. Nakita ng isang kapatid na babae na nakatira sa di-kalayuan ang tatlong kotse na pumarada sa tapat ng simpleng bahay ni Brother Meysar at siyam na lalaki ang bumaba sa mga ito. Takot na takot siya kaya sumugod siya sa isa pang kapatid na lalaki at halos mapatid ang hininga sa pag-uulat na dumating ang KGB upang arestuhin na naman si Brother Meysar! Tuwang-tuwa siya nang malamang nagkamali pala siya!

Mga Pagsulong at Pagbabago sa Organisasyon

Noong 1971, si Michael Dasevich ay hinirang na lingkod ng bansa. Kabilang sa komite ng bansa nang panahong iyon ang tatlong kapatid na lalaki mula sa kanlurang Ukraine, dalawa mula sa Russia, at isa mula sa Kazakhstan. Bawat isa sa kanila ay naglingkod din bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Karagdagan pa, bawat isa sa kanila ay may sekular na trabaho upang mapaglaanan ang kani-kanilang pamilya. Medyo may kalayuan mula sa kanilang tirahan ang mga teritoryo na pinangangasiwaan ng mga kapatid mula sa kanlurang Ukraine. Si Stepan Kozhemba ay naglalakbay patungo sa Transcarpathia, at dinadalaw naman ni Alexei Davidjuk ang nalalabing bahagi ng kanlurang Ukraine pati na sa Estonia, Latvia, at Lithuania. Si Brother Dasevich ay naglalakbay patungo sa silangang Ukraine, kanluran at gitnang Russia, Ciscaucasia, at Moldavia. Regular na dinadalaw ng mga kapatid mula sa komite ng bansa ang nabanggit na mga teritoryo, idinaraos ang mga pulong kasama ng mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito, pinasisigla ang mga Saksi sa mga lugar na iyon, at tinitipon ang mga ulat sa paglilingkod.

May koneksiyon din ang mga kapatid na ito sa mga mensahero na galing sa ibang bansa bilang mga turista, na nagdadala ng mga literatura at mga liham. Mula sa katapusan ng dekada ng 1960 hanggang sa kalayaan ng relihiyon noong 1991, hindi kailanman nahadlangan ng mga mananalansang ang pagpapadala ng liham.

Noong 1972, ang Lupong Tagapamahala ay nagbigay ng tagubilin na kailangang gumawa ng nasusulat na mga rekomendasyon may kaugnayan sa paghirang ng mga kapatid na lalaki bilang matatanda. Nag-atubili ang ilang kapatid na gawin iyon, sa pangambang baka mapunta sa kamay ng pulisya ang mga talaang ito ng mga rekomendasyon. Bago ng panahong ito, wala pang umiiral na gayong talaan sa anumang kongregasyon. Kadalasan, hindi man lamang alam ng mga kapatid ang apelyido ng ibang mga kapatid na lalaki sa kanilang kongregasyon. Sa simula, kakaunti ang inirerekomenda na maglingkod bilang matatanda dahil sa marami ang ayaw na mapalagay ang kanilang pangalan sa anumang talaan. Ngunit matapos maitatag ang kaayusang ito nang walang negatibong epekto, ang iba ay nagbago ng kanilang isip, inirekomenda, at buong-katapatang bumalikat ng pananagutan bilang matatanda sa mga kongregasyon.

Proteksiyon ni Jehova sa Panahon ng mga Paghahalughog

Isang umaga, dumating ang mga pulis upang halughugin ang bahay nina Vasyl at Nadiya Bunha. Nasa bahay noon si Sister Bunha kasama ang kanilang natutulog na apat-na-taóng-gulang na anak na lalaki nang biglang may kumatok nang malakas sa pintuan. Sa pagkatanto na dumating ang mga pulis, agad-agad na inihagis ni Sister Bunha sa kalan ang mga ulat sa paglilingkod sa larangan at iba pang papeles na may kaugnayan sa gawaing pagpapatotoo. Pagkatapos ay binuksan niya ang pintuan sa mga pulis. Sumugod ang mga pulis sa kalan, maingat na inalis ang nasunog na mga ulat, at inilatag sa isang pahayagan sa ibabaw ng mesa. Nababasa pa rin ang sulat sa nasunog na papel. Nang matapos ang paghahalughog nila sa bahay, ang lahat ng pulis kasama si Sister Bunha ay nagpunta sa kamalig upang doon maghalughog. Samantala, nagising ang batang lalaki, nakita ang sunóg na mga papel sa mesa, at nagpasiyang ligpitin iyon. Kinuha niya ang lahat ng nasunog na mga ulat at itinapon iyon sa basurahan. Pagkatapos ay bumalik siya sa kaniyang teheras. Nang bumalik ang mga pulis, sila ay nabigla at nadismaya nang makita na ang kanilang marupok na “materyal na ebidensiya” ay lubusan nang nawasak!

Noong 1969, muli na namang hinalughog ang bahay ng mga Bunha. Sa pagkakataong ito ay nasa bahay si Brother Bunha, at nasumpungan ng mga pulis ang ulat sa paglilingkod sa larangan. Gayunman, walang-ingat nila itong naiwan sa mesa, anupat nagkaroon ng pagkakataon si Brother Bunha na sirain iyon. Dahil dito, siya ay sinentensiyahan ng 15 araw na pagkabilanggo. Pagkaraan, pinilit ng mga serbisyong panseguridad na lumipat si Brother Bunha; kaya sa loob ng ilang panahon ay nanirahan at nangaral siya sa Georgia at Dagestan. Nang maglaon, bumalik siya sa Ukraine at nanatiling tapat hanggang sa siya’y mamatay noong 1999.

“Mga Paglalakbay Pangmisyonero” na Inorganisa ng mga Serbisyong Panseguridad

Noong mga dekada ng 1960 at 1970, maraming aktibong kapatid ang pinilit ng mga serbisyong panseguridad na lumipat sa iba’t ibang lugar. Bakit nangyari iyon? Hindi nais ng lokal na mga awtoridad na magpadala ng negatibong ulat sa Kiev hinggil sa mga resulta ng anti-relihiyosong gawain sa kanilang mga distrito. Mula sa kanilang pagsubaybay, natanto ng lokal na mga awtoridad na ang bilang ng mga Saksi ni Jehova ay tumataas taun-taon. Subalit sa kanilang mga ulat sa Kiev, ibig nilang ipakita na ang mga Saksi ay hindi dumarami. Dahil dito, pinipilit ng lokal na mga awtoridad ang mga kapatid na lisanin ang kanilang teritoryo upang maiulat nila na ang mga Saksi ay hindi dumarami sa kanilang lugar.

Ang paglipat na ito ng mga Saksi mula sa isang teritoryo patungo sa iba ay nagbunga ng pagpapalaganap ng mga binhi ng katotohanan. Karaniwan na, ang mga Saksing ito ang nangunguna sa gawain. Ang totoo, “napasigla” ng mga awtoridad ang masisigasig na kapatid na ito na lumipat kung saan, gaya ng sinasabi natin ngayon, “mas malaki ang pangangailangan.” Naglingkod sila sa mga lugar na ito, at sa madaling panahon, naitatag ang mga bagong kongregasyon.

Halimbawa, si Ivan Malitskyi mula sa lugar ng Ternopol’ ay inutusang lisanin ang kaniyang tahanan. Lumipat siya sa Crimea sa timugang Ukraine, kung saan kakaunting kapatid ang naninirahan. Noong 1969, mayroon lamang isang kongregasyon sa Crimea, pero ngayon, mayroon nang mahigit sa 60! Patuloy na naglilingkod si Ivan Malitskyi bilang matanda sa isa sa mga ito.

Mga Huling Taon ng Pagbabawal

Noong 1982, matapos ang isang pagbabago sa pulitikal na liderato ng U.S.S.R., isa pang daluyong ng pag-uusig ang humampas sa buong Ukraine, na tumagal nang dalawang taon. Lumilitaw na ang pag-uusig na ito ay hindi sinang-ayunan ng mga lider ng U.S.S.R. Sa halip, iginiit ng mga bagong lider na Sobyet ang mga pagbabago at reporma sa mga republika. Upang ipakita ang kanilang sigasig at kasabikan na gumawa ng gayong mga reporma, ipinabilanggo ng lokal na mga awtoridad sa ilang bahagi ng Ukraine ang ilan sa mga prominenteng Saksi. Bagaman hindi naapektuhan ng daluyong na ito ng pag-uusig ang karamihan sa mga kapatid, ang ilang Saksi ay talagang dumanas ng emosyonal at pisikal na pinsala.

Noong 1983, si Ivan Migali mula sa Transcarpathia ay sinentensiyahan ng apat na taon sa bilangguan. Kinumpiska ng mga awtoridad na Sobyet ang lahat ng arí-arian ng 58-anyos na matandang ito. Sa paghahalughog sa bahay ni Brother Migali, nasumpungan ng mga serbisyong panseguridad ang 70 sa ating mga magasin. Ang mapagpakumbaba at mapayapang taong ito ay kilaláng-kilalá sa kaniyang komunidad bilang isang mángangarál ng Bibliya. Ang dalawang bagay na ito​—ang pagtataglay ng mga literatura at ang kaniyang pangangaral—​ay ginamit bilang batayan ng pag-aresto sa kaniya.

Sunud-sunod na panggrupong mga paglilitis ang naganap sa silangang Ukraine noong 1983 at 1984. Maraming Saksi ang nabilanggo nang mula apat hanggang limang taon. Karamihan sa mga kapatid ay kinailangang magsilbi ng kanilang sentensiya, hindi sa malamig na Siberia o Kazakhstan, kundi sa Ukraine. Ang ilan ay pinag-usig maging sa bilangguan nang ibangon laban sa kanila ang huwad na mga paratang ng paglabag sa mga patakaran sa bilangguan. Ang layunin nito ay upang makakita ng mga dahilan upang pahabain ang kanilang mga sentensiya.

Ipinadala rin ng maraming warden sa bilangguan ang mga kapatid sa mga ospital ng Sobyet para sa mga nasisiraan ng bait, na umaasang magkakaroon ng karamdaman sa isip ang mga Saksi at hihinto na ng pagsamba sa Diyos. Ngunit inalalayan ng espiritu ni Jehova ang mga kapatid, at sila ay nanatiling matapat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon.

Tagumpay ng Teokrasya

Sa mga huling limang taon ng dekada ng 1980, medyo nabawasan ang pagsalansang sa dalisay na pagsamba. Nagkaroon ng pagsulong sa bilang ng mga mamamahayag sa mga lokal na kongregasyon, at mas maraming literatura ang nailaan sa mga kapatid. Matapos dalawin ang mga kamag-anak sa ibang bansa, ang ilang Saksi ay nag-uwi ng mga magasin at mga aklat. Para sa mga kapatid, lalo na yaong galing sa mga kampong bilangguan ng Sobyet, iyon ang unang pagkakataon na nakahawak sila ng isang orihinal na publikasyon sa Bibliya. Gayunman, hindi makapaniwala ang ilan na mabubuhay pa sila upang makita na ang isang orihinal na kopya ng Ang Bantayan ay makalalampas sa Kurtinang Bakal.

Pagkaraan ng maraming taon ng pakikipaglaban sa mga Saksi ni Jehova, sa wakas ay nagsimulang lumambot ang mga awtoridad. Ang mga kapatid ay inanyayahan na ngayong makipagkita sa mga kinatawang sibil ng lokal na tanggapan para sa mga gawaing panrelihiyon. Ang ilan sa mga awtoridad na ito ay handang makipagkita sa mga Saksi ni Jehova mula sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn. Mauunawaan naman, sa simula ay naghinala ang mga kapatid na iyon ay isang patibong. Ngunit talaga ngang nagbabago na ang panahon para sa bayan ni Jehova. Noong 1987, sinimulang palayain ng mga awtoridad ang nakabilanggong mga Saksi. Nang maglaon, maraming kapatid ang nagsikap na dumalo sa pandistritong kombensiyon sa karatig na Poland noong 1988. Ayon sa kanilang mga dokumento, dadalawin nila ang mga kaibigan at mga kamag-anak. Ano ngang laking gulat nila nang sila’y payagan ng mga awtoridad na maglakbay sa ibang bansa! Bukas-palad na ibinahagi ng mga kapatid na Polako ang mga literatura sa mga panauhin mula sa Ukraine. Sa kanilang pag-uwi, ang mga kapatid na taga-Ukraine ay nirekisa sa hangganan, ngunit sa kalakhang bahagi, hindi kinumpiska ng mga opisyal ng adwana ang mga literatura sa Bibliya. Kaya naman, naipasok ng mga kapatid ang mga Bibliya at iba pang mga publikasyon sa loob ng bansa.

Inanyayahan ng mapagpatuloy na mga kapatid na Polako ang marami pa mula sa Ukraine upang dalawin sila sa susunod na taon. Kaya noong 1989, libu-libo ang maingat na dumalo sa tatlong pang-internasyonal na kombensiyon sa Poland at nagdala ng marami pang mga literatura pagbalik nila sa Ukraine. Nang taon ding iyan, ayon sa isang kasunduan sa Tanggapan Para sa mga Gawaing Panrelihiyon, pinahintulutan ang mga Saksi ni Jehova na tumanggap ng relihiyosong mga literatura mula sa ibang bansa sa pamamagitan ng koreo, ngunit dalawa lamang kopya ng bawat publikasyon sa isang padala. Sinimulan ng mga kapatid mula sa Alemanya ang regular na pagpapadala ng mga pakete ng mga aklat at mga magasin. Sa halip na palihim na gumawa ng mga kopya ng mga magasin sa mga bunker o sa kalaliman ng gabi sa silong ng kanilang tahanan, opisyal na natatanggap na ngayon ng mga kapatid ang mga publikasyon sa pamamagitan ng kanilang lokal na tanggapan ng koreo. Iyon ay parang isang panaginip! Ang nadama ng marami na matatagal na sa katotohanan ay katulad niyaong sa mga Judio matapos makabalik sa Jerusalem mula sa pagkakatapon: “Tayo ay naging tulad niyaong mga nananaginip.” (Awit 126:1) Subalit pasimula pa lamang iyon ng isang magandang “panaginip.”

Kombensiyon sa Warsaw

Noong 1989, inirekomenda ng mga kapatid mula sa Brooklyn na simulan ng komite ng bansa ang pakikipagnegosasyon sa mga awtoridad upang irehistro ang ating pangmadlang ministeryo. Bukod dito, dinalaw nina Milton Henschel at Theodore Jaracz mula sa Bethel sa Brooklyn ang mga kapatid sa Ukraine. Nang sumunod na taon, opisyal na pinahintulutan ng mga awtoridad ang libu-libong Saksi ni Jehova na makadalo sa kombensiyon sa Poland. Nang ipinarerehistro ang kanilang mga dokumento para sa paglalakbay, idineklara ng mga kapatid​—nang buong-pagmamalaki at nagniningning ang mga mata—​na ibig nilang pumunta sa Poland, hindi upang dalawin ang mga kaibigan at mga kamag-anak, kundi upang dumalo sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova!

Ang kombensiyon sa Warsaw ay lubhang natatangi para sa mga panauhin mula sa Ukraine. Umagos sa kanilang mga pisngi ang mga luha ng kagalakan: kagalakan na makita ang mga kapuwa Kristiyano, kagalakan na matanggap ang kanilang may-apat-na-kulay na mga kopya ng mga publikasyon sa kanilang sariling wika, at kagalakan sa pagkakaroon ng kalayaan na magtipong sama-sama. Ang mga kapatid na Polako ay nagpakita ng maibiging pagkamapagpatuloy sa kanila, na pinaglalaanan ang mga ito ng lahat ng kanilang pangangailangan.

Sa unang pagkakataon ay nagkita sa kombensiyong ito sa Warsaw ang maraming dating bilanggo na magkakapananampalataya. Mahigit sa isang daan mula sa “espesyal” na kampo sa Mordvinia​—kung saan ibinilanggo ang daan-daang Saksi—​ang nagkita-kita roon. Marami sa kanila ang basta na lamang nakatayo habang tinitingnan ang isa’t isa at umiiyak dahil sa kagalakan. Si Bela Meysar ay hindi nakilala ng isang Saksi mula sa Moldavia na nakasama niya nang limang taon sa isang selda sa bilangguan. Bakit? “Natatandaan kita sa guhitang kasuutan, pero ngayon ay naka-Amerikana at nakakurbata ka na!” ang bulalas nito.

Kalayaan ng Relihiyon sa Wakas!

Sa katapusan ng 1990, sinimulang pawalang-sala ng mga hukuman ang ilan sa mga Saksi ni Jehova, na ibinabalik sa kanila ang kanilang mga karapatan at mga pribilehiyo. Kasabay nito, binuo ng komite ng bansa ang isang grupo na kumakatawan sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga pakikipagpulong sa mga awtoridad ng pamahalaan. Si Willi Pohl mula sa sangay sa Alemanya ang nangasiwa sa grupong ito.

Ang mahahabang pakikipagpulong sa mga awtoridad ng Estado sa Moscow at Kiev ay nagdulot sa mga Saksi ng kanilang matagal nang hinihintay na kalayaan. Ang relihiyosong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ay opisyal na inirehistro sa Ukraine noong Pebrero 28, 1991, ang una sa gayong rehistrasyon sa teritoryo ng U.S.S.R. Pagkaraan ng isang buwan, noong Marso 27, 1991, inirehistro rin ang organisasyong ito sa Pederasyong Ruso. Kaya naman, pagkatapos ng mahigit na 50 taon ng mga pagbabawal at pag-uusig, sa wakas ay natamo ng mga Saksi ni Jehova ang kalayaan ng relihiyon. Di-nagtagal pagkatapos nito, noong katapusan ng 1991, huminto na sa pag-iral ang Unyong Sobyet, at ipinahayag ng Ukraine ang kasarinlan nito.

Saganang Nagluwal ng Bunga ang Mabuting Lupa

Noong 1939, sa lugar na ngayo’y Ukraine, may mga 1,000 mamamahayag ng Kaharian ng Diyos, na naghasik ng mga binhi ng katotohanan sa matabang lupa​—sa puso ng mga tao. Sa loob ng 52 taon ng pagbabawal, naranasan ng mga kapatid ang mga kakilabutan ng Digmaang Pandaigdig II, pagkakatapon sa Siberia, matitinding pambubugbog, pagpapahirap, at mga pagpatay. Gayunpaman, sa buong panahong iyon, ang “mainam na lupa” ay nagluwal nang 25 ulit. (Mat. 13:23) Noong 1991, may 25,448 mamamahayag sa 258 kongregasyon sa Ukraine at humigit-kumulang 20,000 mamamahayag sa ibang mga republika ng dating U.S.S.R. na, sa kalakhang bahagi, ay natuto ng katotohanan mula sa mga kapatid na Ukrainiano.

Kinailangan ng gayong lupa ang “paglalagay ng abono” sa anyong mga publikasyon sa Bibliya. Kaya naman, kasunod ng legal na pagpaparehistro ng ating gawain, gumawa ng mga kaayusan para tumanggap ng mga kargamento ng literatura mula sa Selters, Alemanya. Ang unang kargamento ng literatura ay dumating noong Abril 17, 1991.

Inorganisa ng mga kapatid ang isang maliit na bodega sa Lvov na mula roon ay ipinadadala ang mga literatura sa pamamagitan ng trak, tren, at maging ng eroplano patungo sa mga kongregasyon sa buong Ukraine, Russia, Kazakhstan, at sa iba pang mga bansa ng dating Unyong Sobyet. Pinasigla nito ang higit pang espirituwal na pagsulong. Noong pasimula ng 1991, isa lamang ang kongregasyon sa Kharkov, isang lunsod na may dalawang milyong naninirahan. Nang maglaon sa taon ding iyon, ang kongregasyong ito na may 670 mamamahayag ay naging walong magkakahiwalay na mga kongregasyon. Sa kasalukuyan, may mahigit sa 40 kongregasyon sa lunsod na iyan!

Bagaman hindi na umiiral ang U.S.S.R. noong 1991, inasikaso ng komite ng bansa ang lahat ng 15 republika ng dating Unyong Sobyet hanggang noong 1993. Nang taóng iyan, sa isang pulong ng mga kapatid sa Lupong Tagapamahala, naabot ang isang desisyon na bumuo ng dalawang komite​—isa para sa Ukraine at isa para sa Russia at sa 13 iba pang mga republika ng dating Unyong Sobyet. Bukod kina Michael Dasevich, Alexei Davidjuk, Stepan Kozhemba, at Ananii Hrohul, tatlo pang kapatid na lalaki ang idinagdag sa komite ng bansa sa Ukraine: sina Stepan Hlinskyi, Stepan Mykevych, at Roman, Yurkevych.

Sumunod ay kinailangang bumuo ng grupo sa pagsasalin upang matugunan ang lumalaking pangangailangan sa mga literatura sa wikang Ukrainiano. Gaya ng nabasa na natin, ang mga kapatid na taga-Canada na sina Emil Zarysky at Maurice Saranchuk, kasama ang kani-kanilang kabiyak, ay nakibahagi sa gawaing ito. Ang munting grupong ito ng nakatalagang mga manggagawa ay nagsalin ng maraming publikasyon. Gayunman, mula noong taóng 1991, isang pinalaking grupo sa pagsasalin sa Ukrainiano ang nagsimulang gumawa sa Alemanya. Noong 1998, lumipat sila sa Poland, kung saan nila ipinagpatuloy ang kanilang gawain bago ang kanilang huling paglipat sa Ukraine.

Mga Pandistritong Kombensiyon

Kasunod ng isang pakikipagpulong sa lokal na mga kapatid sa Lvov noong 1990, sinuri ni Brother Jaracz ang istadyum ng lunsod at sinabi: “Baka magamit natin ito para sa pandistritong kombensiyon sa susunod na taon.” Nginitian siya ng mga kapatid, na iniisip kung paano mangyayari ito, yamang ang ating organisasyon ay hindi pa nakarehistro at ang mga kapatid ay hindi pa kailanman nakapag-organisa ng isang kombensiyon. Gayunpaman, nang sumunod na taon mismo, ang organisasyon ay inirehistro. Noong Agosto 1991, mga 17,531 ang dumalo sa pandistritong kombensiyon sa partikular na istadyum na ito, at 1,316 na kapatid ang nabautismuhan! Ang mga kapatid na Polako ay inanyayahan sa Ukraine upang tumulong sa pag-oorganisa ng kombensiyon.

Noong Agosto na iyon, isa pang kombensiyon ang isinaplano para sa Odessa. Ngunit dahil sa pulitikal na kaguluhan na nangyari sa Russia sa pasimula ng linggo ng kombensiyon, ipinaalam ng mga lokal na opisyal sa mga kapatid na hindi nila maaaring idaos ang kombensiyon sa Odessa. Patuloy na humiling ang mga kapatid ng permiso mula sa mga opisyal ng lunsod at itinuloy ang panghuling mga paghahanda, na lubusang umaasa kay Jehova. Sa wakas, sinabihan ang responsableng mga kapatid na magreport sa mga opisyal sa araw ng Huwebes para sa kanilang huling desisyon. Nang bandang hapon ng araw na iyon, natanggap ng mga kapatid ang permiso na ituloy ang kombensiyon.

Tunay ngang kagila-gilalas at pagkaganda-ganda na makita ang 12,115 Saksi na nagkatipon at ang 1,943 nabautismuhan sa dulo ng sanlinggong iyon! Dalawang araw pagkatapos ng kombensiyon, muling dinalaw ng mga kapatid ang mga opisyal ng lunsod, na pinasasalamatan sila sa pagpapahintulot sa atin na makapagdaos ng kombensiyon. Binigyan nila ang chairman ng lunsod ng isang kopya ng aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Ang sabi niya: “Wala ako sa kombensiyon, pero alam ko ang lahat ng nangyari roon. Wala pa akong nakita na mas mainam pa kaysa rito. Ipinangangako ko na kailanma’t kailanganin ninyo ang permiso na magdaos ng inyong mga pagpupulong, lagi akong handang ipagkaloob iyon.” Mula noon, ang mga kapatid ay regular nang nagdaraos ng mga pandistritong kombensiyon sa magandang lunsod ng Odessa.

Natatanging Pang-Internasyonal na Kombensiyon

Isa pang di-malilimutang okasyon ang “Banal na Pagtuturo” na Pang-Internasyonal na Kombensiyon na idinaos sa Kiev noong Agosto 1993. Ang bilang ng dumalo na 64,714 ang siyang pinakamalaki para sa anumang kombensiyon na idinaos kailanman sa Ukraine at kasali rito ang libu-libong delegado mula sa mahigit na 30 iba’t ibang bansa. Ang presentasyon ng programa sa Ingles ay sabay-sabay na isinalin sa 16 na wika.

Tunay ngang kapana-panabik na masaksihan ang mga kapatid sa limang punung-punong seksiyon ng istadyum na tumayo at sumagot ng oo sa dalawang tanong sa bautismo! Sa sumunod na dalawa at kalahating oras, 7,402 katao ang nabautismuhan sa anim na tipunan ng tubig para sa bautismo, ang pinakamalaking bilang ng nabautismuhan sa isang kombensiyon sa modernong-panahong kasaysayan ng bayan ng Diyos! Ang natatanging okasyong ito ay laging maaalaala at pahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova.

Paano naging posible na mag-organisa ng gayong malaking kombensiyon na may 11 kongregasyon lamang sa lunsod? Gaya sa mga nakaraang taon, ang mga kapatid mula sa Poland ay dumating upang tumulong sa Rooming Department. Kasama ng mga kapatid sa lugar na iyon, kinontrata nila ang maraming otel at mga dormitoryo hangga’t maaari, at inarkila maging ang ilang bapor na pang-ilog.

Ang pinakamahirap na gawain ay ang pagkuha ng permiso na arkilahin ang istadyum. Bukod sa mga paligsahan sa isport, ang istadyum ay nagsisilbing isang malaking pamilihan sa dulo ng sanlinggo, at wala pang nakakuha kailanman ng permiso para ipasara ang pamilihan. Gayunman, ipinagkaloob ang permiso.

Maging ang mga awtoridad sa lunsod ay bumuo ng isang pantanging komite na tutulong sa mga kapatid sa kanilang gawaing paghahanda. Kabilang sa komite na ito ang mga hepe ng iba’t ibang ahensiya ng lunsod, gaya ng pulis, transportasyon, at turismo. Isang natatanging kaayusan ang ginawa upang ihatid ang mga delegado ng kombensiyon sa loob ng lunsod. Patiuna nang nagbayad ang mga kapatid para sa pampublikong transportasyon upang yaong may mga badge ng kombensiyon ay hindi na kailangang magbayad kapag sumasakay ngunit maaaring gawin na lamang iyon sa kombensiyon. Sa gayon, ang mga kapatid ay madaling makasasakay sa mga subwey, trambiya, at mga bus ng lunsod kapag naglalakbay papunta at galing sa Republican (ngayo’y Olympic) Stadium, isa sa pinakamalalaki sa Silangang Europa. Para sa kaalwanan ng mga delegado sa kombensiyon, nagbukas ng mga karagdagang panaderya sa mga lugar sa palibot ng istadyum upang madaling makabili ng pagkain ang mga kapatid para sa kinabukasan.

Ang hepe ng pulisya ay lubhang namangha sa pagiging maayos ng kombensiyon anupat nasabi niya: “Ang lahat ng ginawa ninyo, pati na ang inyong mabuting paggawi, ay hinangaan ko nang higit kaysa sa inyong pangangaral. Maaaring makalimutan ng mga tao ang naririnig nila, ngunit hindi nila kailanman malilimutan ang nakita nila.”

Ang ilang babae na nagtatrabaho sa isang kalapit na istasyon ng subwey ay pumunta sa tanggapan ng administrasyon sa kombensiyon upang pasalamatan ang mga delegado sa kanilang mabuting paggawi. Sinabi ng mga babae: “Marami nang paligsahan sa isport at mga pulitikal na okasyon ang pinaglingkuran namin dito, ngunit ito ang unang pagkakataon na nakakita kami ng gayong magagalang at maliligayang panauhin na nagpakita ng interes sa amin. Lahat sila ay bumati sa amin. Hindi kami sanáy na makatanggap ng pagbati sa ibang mga okasyon.”

Nanatiling abala ang mga kongregasyon sa Kiev pagkatapos ng kombensiyon, yamang mga 2,500 direksiyon ang ibinigay ng mga interesadong tao na nagnanais makaalam nang higit pa. Mayroon na ngayong mahigit sa 50 kongregasyon ng masisigasig na Saksi sa Kiev!

Isang grupo ng mga kapatid na naglalakbay patungo sa kombensiyon ang ninakawan ng lahat ng kanilang dala-dalahan. Gayunpaman, palibhasa’y determinadong pagyamanin ang sarili sa espirituwal na paraan, sila ay nagpasiyang ipagpatuloy ang paglalakbay patungo sa Kiev, anupat dumating sa kombensiyon na ang taglay lamang ay yaong suot nila. Subalit, isang grupo ng mga kapatid mula sa dating Czechoslovakia ang nagdala ng ekstrang mga damit para sa sinumang nangangailangan. Nang ipagbigay-alam ito sa administrasyon ng kombensiyon, ang mga kapatid na pinagnakawan ay agad na napaglaanan ng lahat ng kinakailangang pananamit.

Tulong Para sa Pagsulong

Ang gayong mga halimbawa ng walang pag-iimbot na pag-ibig ay hindi natatangi. Noong 1991, inanyayahan ng Lupong Tagapamahala ang ilang sangay sa Kanlurang Europa na maglaan ng pagkain at pananamit sa kanilang mga kapatid sa Silangang Europa. Pinahalagahan ng mga Saksi ang pagkakataong ito na makatulong, at lumampas pa sa lahat ng inaasahan ang kanilang pagkukusang dumamay. Marami ang nagbigay ng pagkain at mga lumang damit, samantalang ang iba naman ay bumili ng mga bago. Ang mga tanggapang pansangay sa Kanlurang Europa ay nagtipon ng karton-karton, male-maleta, at supot-supot ng gayong mga tulong. Tone-toneladang pagkain at damit ang ipinadala mula sa Alemanya, Austria, Denmark, Italya, Netherlands, Sweden, at Switzerland patungo sa Lvov sakay ng sunud-sunod na mga trak. Kadalasang ibinigay pa nga ng mga kapatid ang kanilang mga trak upang magamit sa gawaing Pangkaharian sa Silangang Europa. Ang mga awtoridad sa mga hangganan ay naging lubhang matulungin sa pagpapalabas ng kinakailangang papeles upang maisagawa ang lahat ng paghahatid nang walang gaanong problema.

Ang mga kapatid na naghatid ng mga tulong ay humanga sa paraan ng pagtanggap sa kanila. Isang grupo na nagmaneho mula sa Netherlands patungo sa Lvov ang nag-ulat hinggil sa kanilang biyahe. Ganito ang isinulat nila: “Naroroon ang 140 kapatid na lalaki upang idiskarga ang lulan ng mga trak. Bago magsimulang magtrabaho, ipinakita ng mapagpakumbabang mga kapatid na ito na sila’y umaasa kay Jehova sa pamamagitan ng paghahandog ng nagkakaisang panalangin. Nang matapos na ang gawain, muli silang nagtipon upang pasalamatan si Jehova sa panalangin. Matapos tamasahin ang pagkamapagpatuloy ng mga kapatid sa lugar na iyon, na saganang nagbigay ng kaunting taglay nila, kami ay sinamahan papunta sa pangunahing lansangan, kung saan naghandog muna sila ng panalangin sa tabing-daan bago kami umalis.

“Sa panahon ng mahabang paglalakbay pauwi, napakaraming dapat gunitain​—ang pagkamapagpatuloy ng mga kapatid sa Alemanya at Poland, at ng ating mga kapatid sa Lvov; ang kanilang matibay na pananampalataya at pagiging mapanalanginin; ang kanilang pagkamapagpatuloy sa paglalaan ng matutuluyan at pagkain samantalang sila mismo ay nagdarahop; ang kanilang pagpapamalas ng pagkakaisa at pagiging malapit sa isa’t isa; at ang kanilang pagtanaw ng utang-na-loob. Naisip din namin ang ating mga kapatid sa aming sariling bansa, na gayon na lamang ang pagkabukas-palad na nagbigay.”

Isang tsuper mula Denmark ang nagsabi: “Natuklasan namin na mas marami ang iniuwi namin kaysa sa dinala namin. Ang pag-ibig at espiritu ng pagsasakripisyo na ipinakita ng ating mga kapatid na Ukrainiano ay lubhang nagpalakas sa aming pananampalataya.”

Marami sa mga donasyon ang ipinadala sa Moldavia, sa mga bansang Baltic, Kazakhstan, Russia, at iba pang mga lugar kung saan malaki rin ang pangangailangan. Ang ilang kargamento ay ipinadala sa pamamagitan ng container patungo sa Siberia at Khabarovsk, na mahigit sa 7,000 kilometro pasilangan. Nakaaantig, nakapagpapasigla, at nagbubuklod ang mga liham ng pasasalamat mula sa mga tumanggap ng tulong. Kaya naman, naranasan ng lahat ng nagkabahagi rito ang katotohanan ng mga salita ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—Gawa 20:35.

Nang bandang katapusan ng 1998, naganap ang isang sakuna sa Transcarpathia. Ayon sa mga opisyal na pinagmulan ng impormasyon, 6,754 na kabahayan ang binaha, at 895 tahanan ang lubusang nawasak dahil sa pagguho ng putik. Kabilang sa mga bahay na nawasak ay 37 na pag-aari ng mga Saksi. Agad-agad, ang sangay sa Lvov ay nagpadala sa lugar na iyon ng isang trak na may dalang pagkain, tubig, sabon, higaan, at mga blangket. Nang maglaon, ang mga kapatid sa Canada at Alemanya ay nagpadala ng mga damit at mga gamit sa bahay. Ang mga Saksi mula sa Republika ng Czech, Hungary, Poland, at Slovakia ay naglaan ng pagkain at nagpadala rin ng mga materyales sa konstruksiyon upang maitayong muli ang nasirang mga bahay. Maraming kapatid na tagaroon ang tumulong din naman sa muling pagtatayo. Naglaan ang mga Saksi ng pagkain, damit, at panggatong, hindi lamang sa mga kapuwa Saksi kundi pati na rin sa iba. Nilinis nila ang mga bakuran at mga bukid at tumulong sa pagkukumpuni ng mga bahay ng mga di-Saksi.

Pagbibigay ng Espirituwal na Tulong

Gayunman, hindi lamang materyal na tulong ang ibinigay. Pagkatapos ng mahigit sa 50 taon sa ilalim ng pagbabawal, ang mga Saksing Ukrainiano ay hindi pamilyar sa pag-oorganisa ng gawain sa isang malayang kapaligiran. Kaya naman, noong 1992, nagpadala ng mga kapatid na lalaki mula sa sangay sa Alemanya upang tumulong sa pag-oorganisa ng gawain sa Ukraine. Ito ang naglatag ng saligan para sa panghinaharap na gawain sa Bethel. Nang maglaon, nagpadala ng iba pang mga kapatid na lalaki ang Canada, Alemanya, at Estados Unidos upang tumulong sa pangangasiwa ng gawaing paggawa ng alagad.

Mayroon ding malaking pangangailangan para sa makaranasang mga kapatid sa larangan. Sa simula, maraming nagtapos sa Ministerial Training School sa Poland ang dumating upang asikasuhin ang mga kongregasyon at sa kalaunan ang mga sirkito at mga distrito sa buong bansa. Karagdagan pa, dumating ang ilang mag-asawa mula sa Canada at Estados Unidos at sa kasalukuyan ay naglilingkod sila sa gawaing pansirkito. Gayundin, ang ilang kapatid na lalaki mula sa Republika ng Czech, Hungary, Italya, at Slovakia ay naglingkod bilang mga tagapangasiwa ng sirkito. Nakatulong ang mga kaayusang ito sa maraming kongregasyon doon sa pagkakapit at pagbabago ayon sa mga pamantayan ng Kasulatan sa maraming pitak ng ministeryo.

Pagpapahalaga sa mga Literatura sa Bibliya

Itinampok sa huling limang taon ng dekada ng 1990 ang mga pantanging kampanya sa mga literatura. Kasunod ng pamamahagi ng Kingdom News Blg. 35 noong 1997, mahigit sa 10,000 kupon ang natanggap mula sa mga interesado na humiling ng alinman sa brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? o na sila ay puntahan nang personal.

Laganap ang pagpapahalaga sa ating mga literatura. Nang dumadalaw sa isa sa mga ospital sa panganganak, ang mga kapatid ay hinilingan na maglaan ng 12 kopya ng aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya para sa ospital bawat linggo. Bakit? Ibig ng mga kawani na ibigay ang isang aklat kasama ang sertipiko ng kapanganakan sa bawat mag-asawa na may bagong sanggol!

Sa nakaraang ilang taon, marami ang nakakilala sa ating mga magasin at nagpahalaga sa mga ito. Halimbawa, habang nangangaral sa isang parke, ang mga Saksi ay nag-alok ng isang kopya ng magasing Gumising! sa isang ginoo. Pinasalamatan sila ng lalaki at nagtanong: “Magkano ba ito?”

“Ang aming gawain ay sinusuportahan ng mga kusang-loob na donasyon,” ang paliwanag ng mga kapatid. Ang lalaki ay nag-abuloy ng salaping papel na isang hryvnia​—katumbas ng 54 sentimo (U.S.) nang panahong iyon​—naupo sa isang bangkô sa parke, at sinimulan kaagad na basahin ang magasin. Samantala, ang mga kapatid ay nagpatotoo sa mga iba pa na nasa parke. Sa loob lamang ng 15 minuto, ang lalaki ay lumapit sa mga kapatid at nag-abuloy ng isa pang hryvnia para sa magasing natanggap niya. Saka siya bumalik sa bangkô at patuloy na nagbasa habang nagpatuloy naman ang mga kapatid sa pangangaral. Pagkaraan ng ilang sandali, muling nilapitan ng lalaki ang mga kapatid at nagbigay na naman ng isa pang hryvnia. Sinabi niya sa kanila na nasumpungan niyang lubhang kawili-wili ang magasin at ibig na magbasa nito nang regular.

Pinabilis ng Mabuting Edukasyon ang Pagsulong

Pagkatapos na ang ating gawain ay legal na kinilala, bumilis ang pagsulong. Gayunman, hindi ito nangyari nang walang ilang hamon. Sa simula, ang ilan ay nahirapang makibagay sa ministeryong pagbabahay-bahay, dahil sa loob ng mahigit sa kalahating siglo, ang lahat ng pagpapatotoo ay isinagawa sa di-pormal na paraan. Ngunit sa tulong ng espiritu ni Jehova, matagumpay na nagawa ng mga kapatid ang para sa kanila ay isang bagong pamamaraan ng pagpapatotoo.

Naging posible rin na organisahin ang lahat ng limang lingguhang pulong sa bawat kongregasyon. Gumanap ito ng mahalagang papel sa pagbubuklod ng mga mamamahayag at pagganyak sa kanila na maghanda para sa higit pang gawain. Madaling natuto ang mga kapatid at sumulong sa maraming pitak ng kanilang ministeryo. Ang mga bagong paaralan ay naglaan sa mga Saksi sa Ukraine ng isang mabuting edukasyon. Halimbawa, noong 1991 ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay itinatag sa lahat ng kongregasyon upang sanayin ang mga Saksi sa gawaing pangangaral. Mula noong 1992, ang Kingdom Ministry School para sa matatanda at mga ministeryal na lingkod ay lubhang nakatulong sa mga kapatid na lalaki sa pangunguna sa ministeryo sa larangan, sa pagtuturo sa kongregasyon, at sa pagpapastol sa kawan.

Noong 1996, ang Pioneer Service School ay itinatag sa Ukraine. Sa unang limang taon, mahigit sa 7,400 regular pioneer ang dumalo sa dalawang-linggong kursong ito. Paano sila nakinabang mula rito? Sumulat ang isang payunir: “Maligaya ako na maging isang luwad sa mga kamay ni Jehova at mahubog sa pamamagitan ng paaralang ito.” Isa pang payunir ang nagsabi: “Pagkatapos ng pioneer school, ako ay nagsimulang ‘lumiwanag.’ ” Sumulat ang isang buong klase ng mga payunir: “Tunay na isang pagpapala ang paaralang ito para sa lahat ng dumalo. Inudyukan kami nito na magkaroon ng taimtim na interes sa mga tao.” Ang paaralan ay gumanap ng mahalagang papel sa pagkakaroon ng 57 sunud-sunod na buwan ng pinakamataas na bilang ng mga regular pioneer.

Yamang mahirap ang kalagayan sa ekonomiya, marami ang nagtataka kung paano nagagawang maglaan ng mga payunir para sa kanilang mga pangangailangan. Ang isang payunir na naglilingkod bilang ministeryal na lingkod ay may tinutustusang tatlong anak. Ang sabi niya: “Kaming mag-asawa ay magkasamang nagpaplano ng aming mga pangangailangan, anupat kinukuha lamang ang talagang kinakailangang mga bagay para sa aming buhay. Simple ang aming buhay, na umaasa kay Jehova. Sa pagkakaroon ng tamang saloobin, kami mismo kung minsan ay nagtataka kung gaano kaliit lamang ang kailangan namin upang makaraos.”

Ang Ministerial Training School ay ipinakilala noong 1999. Halos isang daang kapatid na lalaki ang dumalo sa unang taon. Para sa marami, isang hamon ang dumalo sa dalawang-buwang kursong ito sa kabila ng umiiral na kahirapan sa ekonomiya. Subalit maliwanag na inilalaan ni Jehova sa mga kapatid ang kaniyang suporta.

Isang kapatid na lalaki na nakatanggap ng paanyayang mag-aral sa Ministerial Training School ang naglilingkod bilang isang regular pioneer sa isang malayong teritoryo. Sila ng kaniyang kaparehang payunir ay nakapag-ipon ng sapat na perang pambili ng pagkain at uling para sa dumarating na taglamig. Nang matanggap niya ang paanyaya sa paaralan, kinailangan nilang pumili sa pagitan ng pagbili ng uling o ng isang tiket sa tren para siya makadalo sa paaralan. Pinag-usapan nila ang bagay na iyon at nagpasiyang dapat siyang pumunta sa paaralan. Di-nagtagal matapos gawin ang pasiyang iyan, ang nakababatang kapatid na babae sa laman ng kapatid na lalaking ito, na nakatira sa ibang bansa, ay nagpadala sa kaniya ng pera bilang regalo. Sapat na iyon para makapaglakbay patungo sa paaralan. Sa pagtatapos ng paaralan, ang kapatid na ito ay inatasang maglingkod bilang isang special pioneer.

Ang gayong mga programa sa edukasyon ay nagsangkap sa bayan ni Jehova na makibahagi nang mas mabisa sa paglilingkod sa larangan at sa gawain sa kongregasyon. Natututuhan ng mga mamamahayag kung paano mangangaral nang mas mabisa; ang matatanda at mga ministeryal na lingkod ay tinuruan kung paano magiging isang pinagmumulan ng ibayong pampatibay sa kanilang mga kongregasyon. Bilang resulta, “ang mga kongregasyon ay patuloy na napatatag sa pananampalataya at dumami ang bilang sa araw-araw.”​—Gawa 16:5.

Nagdulot ng mga Pagbabago ang Mabilis na Pagsulong

Sa loob ng mga taon mula nang legal na rehistrasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Ukraine, ang kanilang bilang ay tumaas nang mahigit sa apat na ulit. Pambihirang pagsulong ang naranasan sa maraming lugar sa bansa. Nagkaroon din ng malaking pangangailangan para sa kuwalipikadong matatanda. Kadalasang hinahati kaagad ang mga kongregasyon sa sandaling magkaroon ng ikalawang matanda. Ang ilang kongregasyon ay may hanggang 500 mamamahayag. Nangailangan ng mga pagbabago sa pangangasiwa ang gayong mabilis na pagsulong.

Hanggang noong dekada ng 1960, ang sangay sa Poland ang tumulong sa pangangasiwa sa gawain sa Ukraine, at pagkatapos nito, ang sangay sa Alemanya ang naglaan ng pangangasiwa at tulong. Noong Setyembre 1998, ang Ukraine ay naging isang sangay sa ilalim ng pangangasiwa ng pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn. Nang panahong iyon, binuo ang Komite ng Sangay para sa pangangasiwa ng mga bagay tungkol sa organisasyon.

Ang mabilis na pagsulong ay lumikha rin ng pangangailangan para sa pinalawak na mga pasilidad ng sangay. Pasimula noong 1991, ang Lvov ay ginamit bilang sentro sa pamamahagi ng mga literatura para sa 15 republika ng dating U.S.S.R. Nang sumunod na taon, dumating ang dalawang mag-asawa mula sa tanggapang pansangay sa Alemanya. Di-nagtagal at isang maliit na tanggapan ang pinatatakbo na sa Lvov. Pagkaraan ng isang taon, isang bahay ang binili at inokupahan ng pambuong-panahong mga manggagawa sa tanggapan. Maaga noong 1995, mabilis na dumami ang mga boluntaryong nagtatrabaho sa tanggapan sa Ukraine, kung kaya kinailangan na muling lumipat, sa pagkakataong ito sa isang grupo ng mga gusali na may anim na Kingdom Hall na ginagamit ng 17 kongregasyon. Sa buong panahong ito, itinatanong ng mga kapatid: “Kailan at saan kaya natin itatayo ang ating sariling Bethel?”

Ang Pagtatayo ng Sangay at ng Kingdom Hall

Noon pang 1992, sinimulan na ng mga kapatid na humanap ng isang lote na pagtatayuan ng mga pasilidad ng sangay. Lumipas ang mga taon habang sinusuri ang mga lokasyon na maaaring maging angkop. Patuloy na idinulog ng mga kapatid ang pangangailangang ito kay Jehova sa kanilang mga panalangin, na nagtitiwalang sa takdang panahon ay masusumpungan ang isang angkop na lokasyon.

Maaga noong 1998, isang lote ang nasumpungan sa isang napakagandang kagubatan ng pino, limang kilometro sa hilaga ng Lvov sa munting bayan ng Briukhovychi. Malapit sa lugar na ito, dalawang kongregasyon ang nagdaos ng kanilang mga pagpupulong sa kagubatan noong panahon ng pagbabawal. Sinabi ng isang kapatid: “Hindi ko kailanman inisip na sampung taon pagkalipas ng aming huling pagpupulong sa kagubatan, magkakaroon ako muli ng pagkakataong makipagpulong sa kagubatan ding iyan, ngunit sa lubhang naiibang mga kalagayan​—sa pag-aari ng ating bagong sangay!”

Sa katapusan ng 1998, dumating ang mga unang international servant. Ang mga kapatid mula sa Regional Engineering Office sa Selters, Alemanya, ay nagsimulang gumawa nang puspusan upang ihanda ang mga plano. Maaga noong Enero 1999, pagkatapos makuha ang pagsang-ayon ng pamahalaan, nagsimula ang trabaho sa lugar ng konstruksiyon. Mahigit sa 250 boluntaryo sa 22 iba’t ibang bansa ang nagtrabaho sa lugar na iyon. Umabot sa 250 boluntaryong tagaroon ang nagtrabaho rin sa proyekto sa mga dulo ng sanlinggo.

Marami ang lubhang nagpahalaga sa pribilehiyo na makapagtrabaho sa proyekto. Umarkila ng mga bus ang mga buong kongregasyon papunta sa Briukhovychi upang magboluntaryo sa mga dulo ng sanlinggo. Kadalasa’y naglalakbay sila nang buong gabi upang makarating sa lugar na iyon at makatulong sa pagtatayo. Pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho nang puspusan, gumugol sila ng isa pang gabi sa paglalakbay pauwi, pagod subalit kontento at maligaya, anupat nagnanais na bumalik. Isang grupo ng 20 kapatid na lalaki ang naglakbay sakay ng tren nang 34 na oras mula sa lugar ng Luhans’k sa silangang Ukraine upang magtrabaho nang walong oras sa konstruksiyon ng Bethel! Alang-alang sa walong-oras na trabahong ito, ang bawat kapatid ay nagbakasyon nang dalawang araw mula sa kaniyang sekular na trabaho at gumugol ng mahigit sa kalahating-buwang suweldo para sa tiket ng tren. Ang gayong espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili ay nagpasigla sa lahat ng tauhan sa konstruksiyon ng Bethel at sa pamilyang Bethel. Mabilis na sumulong ang pagtatayo, kaya naging posible na ialay ang sangay noong Mayo 19, 2001. May kinatawan ang 35 bansa sa okasyong iyon. Sa mga pantanging pulong nang sumunod na araw, si Theodore Jaracz ay nagpahayag sa isang pulutong ng 30,881 sa Lvov, at si Gerrit Lösch naman ay nagsalita sa 41,142 sa Kiev​—may kabuuang 72,023.

Kumusta naman ang mga Kingdom Hall? Mula noong 1939, nang mawasak ang ilang bulwagan sa Transcarpathia, walang naging opisyal na mga Kingdom Hall sa Ukraine hanggang noong 1993. Nang taóng iyan, isang magandang gusali na may apat na Kingdom Hall ang itinayo sa loob lamang ng walong buwan sa nayon ng Dibrova sa Transcarpathia. Di-nagtagal pagkatapos nito, anim pang mga bulwagan ang nakumpleto sa ibang lugar sa Ukraine.

Dahil sa malaking pagsulong sa bilang ng mga mamamahayag, nagkaroon ng malaking pangangailangan para sa mga Kingdom Hall. Gayunman, dahil sa masalimuot na mga legal na proseso, implasyon, at tumataas na halaga ng mga materyales sa konstruksiyon, 110 Kingdom Hall lamang ang naitayo noong dekada ng 1990. Daan-daan pa ang kailangan! Kaya noong taóng 2000, isang programa sa konstruksiyon ng mga bagong Kingdom Hall ang sinimulan, na nakatutulong na ngayon upang matugunan ang mga pangangailangan.

Sulong sa Gawaing Pag-aani!

Pagsapit ng Setyembre 2001, may 120,028 Saksi ni Jehova sa 1,183 kongregasyon, na pinaglilingkuran ng 39 na tagapangasiwa ng sirkito sa Ukraine! Ang mga binhi ng katotohanan na inihasik sa loob ng mahabang panahon ay nagluwal ng mabuti at saganang bunga. Sa ilang pamilya, may limang henerasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ipinakikita nito na ang “lupa” ay talaga ngang mainam. “Pagkarinig sa salita taglay ang mainam at mabuting puso,” marami ang “nagpapanatili nito.” Sa paglipas ng mga taon, ang mga kapatid ay “nagtanim” ng mga binhi, kadalasan taglay ang mga luha; ang iba naman ay “nagdilig” sa matabang lupa. Si Jehova ang nagpapalago nito, at ang kaniyang tapat na mga Saksi sa Ukraine ay patuloy na “nagbubunga nang may pagbabata.”​—Luc. 8:15; 1 Cor. 3:6.

Sa ilang teritoryo, kapansin-pansin ang proporsiyon ng Saksi sa populasyon. Halimbawa, sa walong nayon na nagsasalita ng Romaniano sa lugar ng Transcarpathia, may 59 na kongregasyon na binuo sa tatlong sirkito.

Bigo ang mga pagsisikap ng relihiyoso at sekular na mga mananalansang na bunutin ang mga Saksi ni Jehova mula sa Ukraine sa pamamagitan ng pagpapatapon at matinding pag-uusig. Ang puso ng mga tao sa lupaing ito ay napatunayang mataba para sa mga binhi ng katotohanan sa Bibliya. Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay gumagapas ng saganang ani.

Inihula ni propeta Amos ang isang panahon ng pag-aani na doo’y “aabutan pa nga ng mang-aararo ang mang-aani.” (Amos 9:13) Pinapangyayari ng pagpapala ni Jehova na ang lupa ay maging napakamabunga anupat ang pag-aani ay nagpapatuloy pa rin hanggang sa dumating ang panahon ng pag-aararo para sa susunod na kapanahunan. Naranasan ng mga Saksi ni Jehova sa Ukraine ang katotohanan ng hulang ito. Sa pagtanaw sa hinaharap, nagtitiwala sila na yamang mahigit sa sangkapat ng isang milyon ang dumalo sa Memoryal nitong 2001, lubhang nakapagpapasigla ang mga posibilidad para sa higit pang pagsulong.

Nangangako si Jehova, gaya ng nakaulat sa Amos 9:15: “Itatanim ko nga sila sa kanilang lupa, at hindi na sila bubunutin pa mula sa kanilang lupa na ibinigay ko sa kanila.” Habang patuloy na naghahasik ng mga binhi ng katotohanan at nag-aani ng saganang pananim, ang bayan ng Diyos ay tumitingin sa hinaharap taglay ang matinding interes sa panahon na lubusang tutuparin ni Jehova ang pangakong ito. Samantala, itinitingin natin ang ating mga mata at tinatanaw ang mga bukid at nakikita na ang mga ito ay mapuputi na nga para sa pag-aani.​—Juan 4:35.

[Blurb sa pahina 140]

“Maaari sanang bitayin si Danyil, subalit yamang menor de edad pa siya, sinentensiyahan lamang siya ng apat na buwang pagkabilanggo”

[Blurb sa pahina 145]

“Naiiba ang mga Saksi sa mga iba pa na nasa kampong piitan. Ipinakita ng kanilang paggawi na mayroon silang isang napakahalagang bagay na dapat sabihin sa ibang mga bilanggo”

[Blurb sa pahina 166]

Noong Abril 8, 1951, mahigit sa 6,100 Saksi ang ipinatapon mula sa kanlurang Ukraine patungo sa Siberia

[Blurb sa pahina 174]

“Kadalasan, ang ating mga kapatid na babae ang bumabalikat ng gawain ng mga lingkod ng kongregasyon, at sa ilang lugar ay ginagampanan nila ang mga pananagutan ng mga lingkod ng sirkito”

[Blurb sa pahina 183]

Sa halip na magpulot-gata, gumugol siya ng sampung taon sa bilangguan

[Blurb sa pahina 184]

“Napakasakit na ipagkatiwala ang aking minamahal na munting anak na babae sa isang tao na noon ko lamang nakilala”

[Blurb sa pahina 193]

Palibhasa’y nakita na hindi mapatatahimik ang mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapatapon, pagbibilanggo, pisikal na karahasan, at pagpapahirap, ang mga serbisyong panseguridad ay gumamit ng mga bagong taktika

[Blurb sa pahina 207]

Iniharap ng KGB sa humiwalay na mga kapatid ang isang huwad na liham, na di-umano’y galing kay Brother Knorr

[Blurb sa pahina 212]

Lalo nang nagbabantay ang KGB kapag panahon ng Memoryal, yamang palagi nilang alam humigit-kumulang ang petsa ng pagdiriwang

[Blurb sa pahina 231]

Iyon ang unang pagkakataon na nakahawak sila ng isang orihinal na publikasyon sa Bibliya

[Blurb sa pahina 238]

‘Ang lahat ng ginawa ninyo, pati na ang inyong mabuting paggawi, ay hinangaan ko nang higit kaysa sa inyong pangangaral. Hindi kailanman malilimutan ng mga tao ang kanilang nakita’

[Blurb sa pahina 241]

“Ang pag-ibig at espiritu ng pagsasakripisyo na ipinakita ng ating mga kapatid na Ukrainiano ay lubhang nagpalakas sa aming pananampalataya”

[Blurb sa pahina 249]

Alang-alang sa walong-oras na trabahong ito, ang bawat kapatid ay nagbakasyon nang dalawang araw mula sa kaniyang sekular na trabaho at gumugol ng mahigit sa kalahating-buwang suweldo para sa tiket ng tren

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 124]

Mga Salin ng Bibliya sa Paglipas ng mga Siglo

Sa loob ng ilang panahon, ginagamit ng mga taga-Ukraine ang bersiyon ng Bibliya na Old Church Slavonic na isinalin noong ikasiyam na siglo. Sa iba’t ibang panahon yamang nagbabago ang wika, ang bersiyong ito ay binago. Sa pagtatapos ng ika-15 siglo, pinangasiwaan ni Arsobispo Gennadius ang isang kumpletong rebisyon ng Bibliya sa Slavonic. Ang edisyong ito ay sinundan ng isa pang rebisyon na humantong sa unang inilimbag na Bibliya sa Slavonic. Nakilala ang saling ito bilang ang Bibliya ng Ostrog at inilimbag sa Ukraine noong 1581. Kahit ngayon, itinuturing ito ng mga awtoridad bilang isang mahusay na halimbawa sa sining ng paglilimbag. Ito ay nagsilbing saligan para sa mga sumunod na salin ng Bibliya sa Ukrainiano at Ruso.

[Mga larawan]

Inilimbag ni Ivan Fedorov ang Bibliya ng Ostrog sa Ukraine noong 1581

[Kahon/Larawan sa pahina 141]

Isang Panayam kay Vasyl Kalin

Isinilang: 1947

Nabautismuhan: 1965

Maikling Talambuhay: Ipinatapon noong 1951-65. Naglimbag ng literatura sa pamamagitan ng photo method mula 1974 hanggang 1991. Naglilingkod sa tanggapang pansangay sa Russia mula noong 1993.

Kinailangang mamuhay ang aking ama sa ilalim ng iba’t ibang anyo ng pamahalaan at iba’t ibang awtoridad na pampamahalaan. Halimbawa, nang sakupin ng mga Aleman ang kanlurang Ukraine, binugbog nila ang aking ama dahil sa inakala nila na siya ay isang Komunista. Bakit? Sinabi ng pari sa mga opisyal na Aleman na ang mga Saksi ni Jehova ay mga Komunista dahil sa hindi sila nagsisimba. Pagkatapos ay dumating ang pamamahala ng mga Sobyet. Minsan pa, ang aking ama, kasama ang marami pang iba, ay dumanas ng paniniil. Tinawag siya na isang espiya ng Amerika. Bakit? Dahil sa ang mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova ay naiiba sa mga paniniwala ng relihiyon na nangingibabaw nang panahong iyon. Iyan ang dahilan kung bakit ang aking ama at ang kaniyang pamilya ay ipinatapon sa Siberia, kung saan siya nanirahan hanggang sa kaniyang kamatayan.

[Kahon/Larawan sa pahina 147-151]

Isang Panayam kay Ivan Lytvak

Isinilang: 1922

Nabautismuhan: 1942

Maikling Talambuhay: Ibinilanggo noong 1944-6. Nagserbisyo sa mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho mula noong 1947 hanggang 1953 sa dulong hilaga ng Russia.

Noong 1947, inaresto ako dahil sa hindi ako nakikisangkot sa pulitika. Dinala nila ako sa bilangguang may pinakamahigpit na seguridad sa Luts’k, Ukraine, kung saan kinailangan kong umupo nang tuwid na ang aking mga kamay ay nasa aking kandungan—hindi ko maiunat ang aking mga binti. Naupo ako nang ganiyan sa loob ng tatlong buwan. Pinagtatanong ako ng isang lalaking naka-Amerikanang itim. Ibig niyang sabihin ko sa kaniya ang tungkol sa mga kapatid na nangunguna sa gawain. Alam niya na alam ko, subalit tumanggi akong sabihin sa kaniya.

Noong Mayo 5, 1947, sinentensiyahan ako ng hukumang militar ng sampung taóng pagkapiit sa malalayong kampo na may pinakamahigpit na seguridad. Buweno, yamang bata pa ako noon, inilagay nila ako sa tinatawag nilang unang kategorya. Lahat niyaong nasa unang kategorya ay mga kabataang lalaki—kapuwa mga Saksi at di-Saksi. Isinakay nila kami sa mga bagon ng baka patungong Vorkuta, na nasa malayong hilaga ng Russia. Mula roon ay isinakay nila kami sa isang barkong pinaaandar sa pamamagitan ng singaw, at pumalaot kami sa loob ng apat na araw hanggang sa Lagusan ng Kara.

Halos walang nabubuhay roon, malawak na kapatagan lamang na natatakpan ng yelo at maliliit na palumpong Arktiko. Mula roon ay pinilit kaming maglakad sa loob ng apat na araw at gabi. Buweno, mga bata pa kami noon. Binigyan nila kami ng pinatuyong balat ng tinapay at tapang karne ng usa. Ang mga rasyong ito ay ibinigay sa amin na may kasamang mga mangkok at pampainit na mga telang blangket. Malakas ang ulan. Basang-basa ang mga blangket na dala namin kung kaya napakahirap bitbitin ang mga ito. Dalawa sa amin ang magdadala ng isang blangket at pipigain ito, anupat magiging magaan na naman ito.

Sa wakas, dumating na kami sa aming destinasyon. Naisip ko: ‘Sandali na lamang at magkakaroon na ng bubong, bubong na masisilungan!’ Ngunit dumating kami sa isang lantad na lugar na makapal ang lumot. Sabi ng mga guwardiya: “Mag-ayos na kayo. Ito ang lugar ninyo.”

Umiyak ang ilang bilanggo; sinumpa naman ng iba ang pamahalaan. Hindi ko kailanman isinumpa ang sinuman doon. Tahimik akong nanalangin: “Jehova, aking Diyos, ikaw ang aking kanlungan at moog. Nawa’y maging kanlungan din kita rito.”

Yamang walang alambre, pinalibutan nila ng lubid ang paligid. Nagtalaga ng mga bantay. Gaya ng dati, ang mga bantay ay laging nagbabasa, at sinabi nila na kapag lumapit kami ng dalawang metro, mamamaril sila. Nagpalipas kami ng magdamag sa lumot. Bumubuhos sa amin ang ulan. Nagising ako nang gabi at pinagmasdan ang 1,500 katao, at nakita ko ang singaw na pumapailanlang mula sa kanilang lahat. Nagising ako nang umaga, at ang aking buong tagiliran ay nasa tubig. Lumot iyon, pero may tubig din. Wala kaming makain. Sinabihan kami na kailangan naming gumawa ng paliparan upang makalapag ang isang eroplano at madalhan kami ng pagkain. Ang aming mga bantay ay may isang pantanging traktora na may malalaking gulong upang hindi mabalahò. May dala itong panustos para sa kanila, pero wala kaming anumang natanggap.

Nagtrabaho kami para magawa ang paliparang iyon sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Kinailangan naming alisin ang lumot upang makalapag ang eroplano. Isang maliit na eroplano ang nagdala ng harina. Inihalo nila ang harina sa pinakuluang tubig, at iyon ang kinain namin.

Napakahirap ang trabaho. Nagtrabaho kami upang gumawa ng isang daan at maglatag ng riles ng tren. Para kaming conveyer belt, na nagdadala ng mabibigat na bato. Sa taglamig, lagi na lamang madilim at napakalamig.

Natutulog kami sa labas, walang bubong na masisilungan. At bumubuhos sa amin ang ulan, at kami’y basà, gutom, at giniginaw; ngunit bata pa kami, kaya mayroon pa kaming lakas. Sinabi ng mga bantay na huwag kaming mag-alala, malapit na kaming magkaroon ng masisilungan. Nang dakong huli, isang traktora ng militar ang nagdala ng lona na magkakasya para sa 400 katao. Iniunat namin ang lona at ginawang bubong iyon, pero wala pa rin kaming matulugan maliban sa lumot. Lahat kami ay nagtipon ng damo at dinala iyon sa mga tolda na tinitirahan namin, at nabulok iyon, anupat naging abono. Natulog kami sa abonong iyon.

Pagkatapos nito ay lumitaw ang mga kuto. Lubha kaming pinahirapan ng mga kuto. Hindi lamang nasa katawan ang mga ito, kundi nasa aming mga kasuutan​—malalaki at maliliit. Nakapangingilabot iyon. Pagkagaling mo sa trabaho at hihiga ka, ngangatngatin ka ng mga ito, at magkakamot ka nang magkakamot. Kapag nakatulog ka, uubusin ka naman nila. Sinabi namin sa aming kapatas: “Kinakain kami nang buháy ng mga kuto.” Sabi niya: “Di-magtatagal at isasangag na namin ang mga kuto ninyo.”

Kinailangang hintayin ng mga awtoridad ng bilangguan ang mas mainit na panahon dahil ang temperatura ay lagi na lamang -30 digri Celsius. Buweno, medyo humupa ang malamig na panahon, at nagdala sila ng nabubuhat na istasyon para sa pagdidisimpekta. Pero ang lamig ay -20 digri Celsius, at sira-sira na ang tolda. “Maghubad kayo,” ang sabi sa amin, “maghuhugas kayo. Maghubad kayo. Didisimpektahin namin ang inyong mga damit.”

Kaya naroon kami sa lamig na -20 digri Celsius na naghuhubad sa isang tolda na sira-sira na. Dinalhan nila kami ng mga tabla, at ginamit namin ang mga ito bilang sahig. Habang nakaupo ako sa mga tablang iyon, tiningnan ko ang aking katawan. Nakapangingilabot! At tiningnan ko ang lalaking katabi ko. Ganoon din siya. Wala nang anumang kalamnan. Natuyo na ang lahat. Buto’t balat na lamang kami. Ni hindi ko na makaya kahit na ang umakyat sa bagon. Pagod na pagod na ako. Gayunman, inuri ako sa unang kategorya—isang malusog at kabataang trabahador.

Inakala ko na malapit na akong mamatay. Marami ang namatay​—mga kabataang lalaki. Talagang nanalangin ako kay Jehova na tulungan niya ako dahil parang wala na akong masusulingan. Sadyang hinahayaan ng ilang di-Saksi na manigas sa yelo ang kanilang isang kamay o binti at saka puputulin iyon para malibre na sa trabahong ito. Talagang kalunus-lunos at nakapangingilabot.

Isang araw, nakatayo ako malapit sa isa sa mga istasyon ng bantay, at nakita kong nakatayo roon ang isang doktor. Nakasama ko siya sa paglalakbay pagkatapos na ako’y arestuhin at nakapagpatotoo na ako sa kaniya tungkol sa Kaharian ng Diyos. Isa siyang bilanggo, ngunit nabigyan siya ng amnestiya. Nilapitan ko siya at tiningnan ko, at totoo naman, para bang malaya na siya. Tinawag ko siya sa pangalan; sa palagay ko iyon ay Sasha. Tumingin siya sa akin at sinabi: “Ivan, ikaw nga ba?” Nang sabihin niya iyan sa akin, umiyak akong parang munting bata. “Pumunta ka agad sa medikal yunit,” ang sabi niya.

Pumunta ako sa medikal yunit, at inalis ako sa unang kategorya ng mga trabahador. Pero nasa kampo pa rin ako. Yamang ako ngayon ay nasa ikatlong kategorya na, ipinadala ako sa lugar para sa mga nangangailangan ng pahinga. Ang sabi ng komandante: “Hindi kita inanyayahan dito. Nagpunta ka rito. Magpakabait ka, at gawin mo ang trabaho mo.” Kaya unti-unti, nagsimula akong masanay sa buhay roon. Hindi ko na kailangang gawin pa ang napakahirap na trabahong iyon.

Pinalaya ako noong Agosto 16, 1953. Sabi nila: “Malaya ka nang umalis.” Sinabi nila na puwede akong magpunta kung saan ko gusto. Nagpunta muna ako sa gubat upang pasalamatan si Jehova sa pag-iingat niya sa akin. Pumunta ako sa munting gubat na iyon, lumuhod, at pinasalamatan si Jehova dahil sa ako’y iningatan niyang buháy para sa hinaharap at para sa panghinaharap na gawain ng pagluwalhati sa kaniyang banal na pangalan.

[Blurb]

‘Sandali na lamang at magkakaroon na ng bubong, bubong na masisilungan!’

[Blurb]

Pumunta ako sa munting gubat na iyon, lumuhod, at pinasalamatan si Jehova dahil sa ako’y iningatan niyang buháy

[Kahon/Larawan sa pahina 155, 156]

Isang Panayam kay Volodymyr Levchuk

Isinilang: 1930

Nabautismuhan: 1954

Maikling Talambuhay: Ibinilanggo dahil sa pulitikal na gawain noong 1946-54. Nakilala ang mga Saksi ni Jehova sa isa sa mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa Mordvinia.

Ako ay isang nasyonalistang Ukrainiano. Dahil dito, noong 1946 ay sinentensiyahan ako ng mga Komunista ng 15 taon sa isang kampong bilangguan. Naroon ang mga Saksi ni Jehova. Nangaral sila sa akin, at agad kong nakilala ang katotohanan. Wala kaming Bibliya dahil kami ay nasa isang kampo na may pinakamahigpit na seguridad. Kaya humanap ako ng maliliit na piraso ng papel at inipon iyon. Nang makaipon na ako ng ilan, gumawa ako ng isang maliit na kuwaderno. Hiniling ko sa mga kapatid na sabihin sa akin ang anumang teksto na natatandaan nila at kung saan sa Bibliya ang mga talatang iyon. Saka ko isinusulat iyon sa aking kuwaderno. Tinanong ko rin yaong mga sumunod na dumating. Kung may sinuman na may kaunting alam sa isang hula sa Bibliya, isinusulat ko rin iyon. Marami ang natipon kong teksto sa Bibliya at sinimulan kong gamitin ang mga ito sa aking gawaing pangangaral.

Nang ako’y magsimulang mangaral, medyo marami rin ang katulad ko, mga binatilyo. Ako ang pinakabata​—16 anyos lamang. Kinausap ko ang mga binatilyong ito at sinabi: “Nagdurusa tayo nang walang kabuluhan. Tayo, kasama ng ibang tao, ay nagsapanganib ng ating buhay nang walang saysay. Walang pulitikal na ideolohiya ang magdadala sa atin sa anumang kabutihan. Kailangan ninyong pumanig sa Kaharian ng Diyos.” Sinipi ko ang mga talatang isinaulo ko mula sa aking kuwaderno. Napakahusay ng aking memorya. Agad kong nakumbinsi ang aking mga kasamahan, at sila’y nagsimulang lumapit sa amin, sa mga Saksi ni Jehova. Sila ay naging mga kapatid.

[Kahon/Larawan sa pahina 157]

Mga Parusang Ipinataw sa mga Saksi ni Jehova

Pagpapatapon sa Loob ng Bansa: Ang mga ipinatapon ay dinala sa isang malayong lugar, karaniwan nang sa Siberia, kung saan kinailangan silang magtrabaho at manirahan. Hindi sila maaaring umalis sa kanilang bagong lugar na tinitirahan. Minsan sa isang linggo o minsan sa isang buwan, kailangan silang magparehistro sa lokal na pulisya.

Sa Loob ng mga Bilangguan: Tatlo hanggang sampung bilanggo ang nakakulong sa isang nakakandadong selda. Binibigyan sila ng pagkain nang dalawa o tatlong beses sa isang araw. Minsan sa isang araw o minsan sa isang linggo, pinapayagan silang maglakad sa bakuran ng bilangguan. Wala silang trabaho.

Mga Kampong Bilangguan: Karamihan sa mga ito ay nasa Siberia. Daan-daang bilanggo ang namumuhay nang magkakasama sa mga baraks (isang gusali na karaniwan nang tirahan ng 20-100 bilanggo). Nagtatrabaho sila nang hindi bababa sa walong oras sa isang araw sa loob ng kampo o sa ibang lugar. Mabigat ang trabaho at nagsasangkot ng pagtatayo ng mga pabrika, paglalatag ng mga riles ng tren, o pagpuputol ng mga punungkahoy. Binabantayan ng mga guwardiya ang mga bilanggo papunta at pauwi mula sa trabaho. Sa loob ng kampo, ang mga bilanggo ay malayang makakakilos pagkatapos ng oras ng trabaho.

[Larawan]

Siberia, Russia: Nagsisibak ng kahoy na panggatong ang mga anak ng mga ipinatapong Saksing Ukrainiano, 1953

[Kahon/Larawan sa pahina 161, 162]

Isang Panayam kay Fyodor Kalin

Isinilang: 1931

Nabautismuhan: 1950

Maikling Talambuhay: Ipinatapon noong 1951-65. Ibinilanggo noong 1962-5.

Nang ako’y nasa kulungan habang iniimbestigahan, si Jehova ay minsang gumawa ng tila isang himala para sa akin. Dumating ang direktor ng KGB (Komite sa Seguridad ng Estado) dala ang isang papel. Nakaupo ang imbestigador, at katabi niya ang piskal. Sabi ng direktor ng KGB sa imbestigador: “Ibigay mo ito sa kaniya! Hayaan mong mabasa niya na walang mabuting ginagawa ang kaniyang mga kapatid sa Amerika!”

Ibinigay nila sa akin ang papel. Iyon ay isang resolusyon sa kombensiyon. Binasa ko iyon nang minsan; pagkatapos ay maingat kong binasa iyon nang ikalawang beses. Naiinip na ang piskal. Sabi niya: “G. Kalin! Isinasaulo mo ba iyan?”

Sabi ko: “Buweno, sa unang pagkakataon ay basta ko lang ito binasa. Gusto kong maintindihan ito.” Sa loob ko, naiiyak ako sa galak. Nang matapos kong basahin ang resolusyon, ibinalik ko iyon at sinabi: “Talagang nagpapasalamat ako sa inyo, pero pinasasalamatan ko ang Diyos na Jehova dahil sa pinakilos niya kayo na gawin ito. Ngayon, ang aking pananampalataya ay naging lalong matibay dahil sa pagbabasa ko ng resolusyong ito! Sang-ayon ako sa mga Saksing ito, at pupurihin ko ang pangalan ng Diyos nang walang tigil. Magsasalita ako tungkol sa kaniya sa mga tao sa kampo at sa kulungan at saanman ako naroroon. Ito ang aking misyon!

“Gaano man katindi ninyo ako pahirapan, hindi ninyo ako mapatatahimik. Sa resolusyong ito, hindi sinabi ng mga Saksi na handa silang maghimagsik, ngunit ipinasiya nila na anuman ang mangyari sa kanila, kahit ang pinakamatinding pag-uusig, sila ay maglilingkod kay Jehova, sa pagkaalam na tutulungan niya sila na manatiling tapat! Nananalangin ako sa Diyos na Jehova na palakasin niya ako sa mahirap na panahong ito upang manatiling matatag sa pananampalataya.

“Pero hindi ako matitinag! Lubha akong pinalakas ng resolusyong ito. Kung patatayuin ninyo ako ngayon sa harap ng pader at babarilin, hindi ako mag-aalinlangan. Nagliligtas si Jehova kahit na sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli!”

Nakita kong nakadama ng kabiguan ang mga imbestigador. Alam nila na nakagawa sila ng malaking pagkakamali. Ang resolusyon ay dapat sanang magpahina ng aking pananampalataya, subalit pinalakas ako nito.

[Kahon/Larawan sa pahina 167-169]

Isang Panayam kay Mariya Popovych

Isinilang: 1932

Nabautismuhan: 1948

Maikling Talambuhay: Nasa mga bilangguan at mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa loob ng anim na taon. Nakatulong sa mahigit na sampung tao na matuto ng katotohanan.

Nang ako’y arestuhin noong Abril 27, 1950, ako ay limang buwan nang nagdadalang-tao. Noong Hulyo 18, sinentensiyahan nila ako ng sampung taon. Nahatulan ako dahil sa pangangaral, sa pagsasabi sa mga tao ng katotohanan. Pito kami na kanilang sinentensiyahan, apat na kapatid na lalaki at tatlong kapatid na babae. Bawat isa sa amin ay sinentensiyahan ng sampung taon. Isinilang ang aking munting anak na lalaki noong Agosto 13.

Buweno, nang ako ay nasa bilangguan, hindi ako nasiraan ng loob. Natutuhan ko mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, na magiging maligaya ka kung magdurusa ka dahil sa pagiging isang Kristiyano, hindi dahil sa pagiging isang mamamatay-tao o isang magnanakaw. At maligaya nga ako. May galak ako sa aking puso. Inilagay nila ako sa bartolina, at ako’y naglakad nang paroo’t parito sa selda at umawit.

Binuksan ng isang sundalo ang maliit na bintana at sinabi: “Nasa ganiyan kang situwasyon, at umaawit ka pa?”

Ang sabi ko: “Maligaya ako dahil sa wala akong nagawang masama sa kaninuman.” Isinara na lamang niya ang bintana. Hindi nila ako ginulpi.

Ang sabi nila: “Itakwil mo na ang iyong pananampalataya. Tingnan mo ang situwasyon mo.” Ibig nilang sabihin na kinailangan akong magsilang ng aking sanggol sa loob ng bilangguan. Pero maligaya ako dahil sinentensiyahan nila ako sa pagtataglay ng pananampalataya sa Salita ng Diyos. Nagdulot ito sa akin ng mabuting pakiramdam. Alam ko na hindi ako isang kriminal. Alam ko na ako’y nagbabata dahil sa aking pananampalataya kay Jehova. Iyan ang nagpanatili ng aking kaligayahan sa lahat ng panahon. Iyan ang aking situwasyon.

Nang maglaon, habang nagtatrabaho ako sa kampo, nanigas ang aking mga kamay dahil sa sobrang lamig. Dinala ako sa ospital. Nagustuhan ako ng doktora roon. Ang sabi niya: “Hindi mabuti ang iyong kalusugan. Bakit hindi ka magtrabaho para sa akin?”

Sabihin pa, hindi nagustuhan ng direktor sa kampo ang ideyang ito. Ang sabi niya: “Bakit gusto mong magtrabaho sa iyo ang babaing ito? Pumili ka na lang ng isa mula sa ibang grupo.”

Ang sabi naman ng doktora: “Hindi ko kailangan ang iba​—ang kailangan ko ay mabubuti at matatapat na tao sa aking ospital. At magtatrabaho siya sa ospital na ito. Alam ko na hindi siya magnanakaw ng anuman at hindi siya magsisimulang gumamit ng mga droga.”

May tiwala sila sa amin. May pantangi silang pagtingin sa mga taong may pananampalataya. Nakita nila kung anong uri kami ng tao. Nakabuti iyan sa amin.

Sa bandang huli, nahimok ng doktora ang direktor. Gusto nitong manatili ako dahil mahusay ako sa pagputol ng kahoy. Saanman magtrabaho ang bayan ni Jehova, lagi kaming matapat at masisipag na manggagawa.

Pansinin: Ang anak ni Mariya ay isinilang sa bilangguan sa Vinnitsa, Ukraine. Nang sumunod na dalawang taon, ito ay nanatili sa ampunan ng bilangguan. Pagkatapos nito, ipinadala ng mga kamag-anak ang sanggol sa kaniyang ama, na ipinatapon na sa Siberia. Nang makalaya si Sister Popovych mula sa bilangguan, anim na taóng gulang na ang kaniyang anak.

[Blurb]

“Maligaya ako dahil sa wala akong nagawang masama sa kaninuman”

[Kahon/Larawan sa pahina 175]

Isang Panayam kay Mariya Fedun

Isinilang: 1939

Nabautismuhan: 1958

Maikling Talambuhay: Ipinatapon noong 1951-65.

Minsang makapirmi na kami sa tren, minsang manahimik na kaming lahat at magsimulang maglakbay, ano pa ba ang maaari naming gawin? May alam kaming mga awit, at kami ay nagsimulang mag-awitan. Inawit namin ang lahat ng awit na alam namin, ang mga awit mula sa aklat-awitan.

Sa simula ay sa bagon lamang namin naririnig ang pag-aawitan, ngunit nang maglaon, kapag humihinto ang aming tren upang magbigay-daan sa iba pang tren, natalos namin na may iba pang tren na may sakay na mga kapatid natin. Naririnig namin ang awitan mula sa iba pang mga tren na ito. Naroon ang mga galing sa Moldavia; pagkatapos ay dumaan ang mga Romaniano mula sa Bukovina. Napakaraming tren. Nilalampasan ng mga tren na ito ang isa’t isa sa iba’t ibang lugar. Natanto namin na ang mga ito ay pawang mga kapatid natin.

Maraming awit ang natandaan namin. Maraming awit ang kinatha sa mga bagon na iyon ng tren. Ang mga ito ay nagpatibay-loob sa amin at naglagay sa amin sa tamang kalagayan ng isip. Talagang inakay ng mga awit na iyon ang aming pansin kay Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 177]

Isang Panayam kay Lydia Stashchyshyn

Isinilang: 1960

Nabautismuhan: 1979

Maikling Talambuhay: Siya ay anak ni Mariya Pylypiv, na ang panayam ay nasa pahina 208-9.

Nang ako ay bata pa, si Lolo ay isa nang elder; pinangangasiwaan niya ang kongregasyon. Natatandaan ko ang kaniyang rutin: Babangon siya sa umaga, maghihilamos, at saka mananalangin. Pagkatapos ay bubuklatin niya ang Bibliya, at sama-sama kaming uupo upang basahin ang pang-araw-araw na teksto at ang buong kabanata. Ako ay palagiang hinihilingan ni Lolo na dalhin ang mahahalagang dokumento​—nakabalot o nasa isang bag​—sa isa pang elder, na nakatira sa dulo ng lunsod. Upang marating ang kaniyang tahanan, kailangan kong umakyat sa isang burol. Hindi ko gusto ang burol na iyon. Matarik iyon, at mahirap akyatin. Lagi kong sinasabi: “Lolo, ayokong pumunta roon! Puwede bang hindi ako pumunta?”

Sasagot naman si Lolo: “Hindi, kailangan kang pumunta roon. Dalhin mo ang mga dokumento.”

Ang sinasabi ko sa sarili ko, ‘Hindi ako pupunta! Hindi ako pupunta!’ Pagkatapos ay sasabihin ko, ‘Hindi, dapat akong pumunta dahil mahalagang bagay ang nakasalalay rito.’ Lagi kong iniisip iyan. Talagang hindi ko gustong pumunta, pero pumupunta pa rin ako. Alam ko na walang ibang gagawa niyaon. Madalas na nangyayari iyon. Iyon ang aking trabaho, ang aking responsibilidad.

[Kahon/Larawan sa pahina 178, 179]

Isang Panayam kay Pavlo Rurak

Isinilang: 1928

Nabautismuhan: 1945

Maikling Talambuhay: Gumugol ng 15 taon sa mga bilangguan at mga kampong bilangguan. Sa kasalukuyan ay naglilingkod bilang punong tagapangasiwa sa Artemovsk, sa silangang Ukraine.

Noong 1952, ako ay nasa isang mahigpit na binabantayang kampo sa Karaganda, U.S.S.R. Sampu kami sa kampong iyon. Nakaiinip ang paglipas ng oras anupat mahirap iyon para sa amin. Bagaman mayroon kaming kagalakan at pag-asa, wala naman kaming espirituwal na pagkain. Nagkikita kami pagkatapos ng trabaho at nag-uusap, na inaalaala ang lahat ng natutuhan namin noon sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.”​—Mat. 24:45-47.

Ako ay nagpasiyang sumulat sa aking ate upang ilarawan ang aming situwasyon sa kampo at upang ipaliwanag na wala kaming espirituwal na pagkain. Yamang hindi pinapayagan ang mga bilanggo na magpadala ng gayong mga sulat, mahirap magpadala ng sulat. Subalit sa kalaunan, natanggap ng aking ate ang sulat. Naghanda siya ng isang pakete, nilagyan iyon sa loob ng ilang malutong na tinapay kasama ang isang Bagong Tipan, at ipinadala sa akin sa koreo.

Mahigpit ang rutin. Hindi laging ibinibigay ng mga awtoridad ang mga pakete sa mga bilanggo. Kadalasan, sinisira nila ang mga laman niyaon. Lahat ay maingat na sinusuri. Halimbawa, tinitingnan nilang mabuti ang mga lata upang makita kung may anumang nakatago sa ilalim o sa mga gilid. Tinitingnan nilang mabuti kahit ang mga pinatuyong tinapay na bunete.

Dumating ang araw nang makita ko na ang aking pangalan ay nasa listahan ng mga tatanggap ng pakete. Tuwang-tuwa ako, bagaman hindi ko inakala na lalagyan ng aking ate ng Bagong Tipan ang pakete. Nagbabantay noon ang pinakamahigpit na inspektor; tinatawag siya ng mga bilanggo na Mainitin-ang-ulo. Nang dumating ako para kunin ang aking pakete, tinanong niya ako: “Saan galing ang hinihintay mong pakete?” Sinabi ko sa kaniya ang direksiyon ng aking kapatid. Kumuha siya ng isang maikling bareta de kabra at binuksan ang kahon.

Nang alisin niya ang takip, nakita ko ang Bagong Tipan sa pagitan ng gilid ng kahon at ng pagkain! Nasabi ko na lamang nang tahimik: “Jehova, ibigay po ninyo iyon sa akin.”

Laking pagtataka ko, sinabi ng inspektor: “Dalian mo, kunin mo ang kahong ito!” Habang di-makapaniwala sa nangyari, tinakpan ko ang kahon at dinala iyon sa baraks. Inilabas ko ang Bagong Tipan at inilagay iyon sa aking kutson.

Nang sabihin ko sa mga kapatid na nakatanggap ako ng isang Bagong Tipan, walang naniwala sa akin. Iyon ay isang himala mula kay Jehova! Inaalalayan niya kami sa espirituwal na paraan sapagkat sa aming kalagayan ay imposible na makakuha ng anuman. Pinasasalamatan namin ang ating makalangit na Ama, si Jehova, sa kaniyang awa at pagmamalasakit. Sinimulan naming magbasa at palakasin ang aming sarili sa espirituwal na paraan. Ano ngang laking pasasalamat namin kay Jehova para rito!

[Kahon/Larawan sa pahina 180, 181]

Isang Panayam kay Lydia Bzovi

Isinilang: 1937

Nabautismuhan: 1955

Maikling Talambuhay: Ipinatapon noong 1949-65.

Bilang isang tin-edyer, natuklasan kong napakasakit na mawalay sa amin si Itay. Mahal namin ang aming ama, gaya ng nadarama ng karamihan sa mga anak. Hindi na ako nakapagpaalam sa kaniya. Hindi namin nakita ni Ivan nang siya ay umalis. Nasa bukid kami noon at nag-aani ng mijo.

Nang dumating kami mula sa bukid, sinabi ni Inay na si Itay ay inaresto. Nakadama ako ng kawalan, ng kirot. Pero walang pagkatakot, walang pagkapoot. Ito ay isang bagay na inaasahan na namin. Laging ipinaaalaala sa amin ang mga salita ni Jesus: “Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.” (Juan 15:20) Maaga naming natutuhan sa buhay ang talatang ito. Alam namin iyon gaya ng pagkaalam namin sa modelong panalangin. Alam din namin na yamang hindi tayo bahagi ng sanlibutang ito, hindi tayo iibigin ng sanlibutan. Ang ginagawa ng mga awtoridad ay ginagawa nila dahil sa kawalang-alam.

Samantalang nasa ilalim ng awtoridad na Romaniano sa Moldavia, alam ni Itay na ang kaniyang kaso ay maaaring ipagtanggol sa hukuman. Pinayagan kaming pumunta sa hukuman. Iyon ay isang napakaligayang araw para sa amin.

Napakaganda ng ibinigay na patotoo ni Itay. Walang interesado na makinig sa mga bintang ng piskal, pero lahat ay nakanganga habang nakikinig sa patotoo ni Itay. Nagsalita siya sa loob ng isang oras at 40 minuto bilang pagbabangong-puri sa katotohanan. Napakalinaw at napakadaling maunawaan ang ibinigay niyang patotoo. Nangingilid ang luha sa mga mata ng mga kawani ng hukuman.

Ipinagmamalaki namin na si Itay ay nakapagpatotoo sa hukuman, upang ipagtanggol nang hayagan ang katotohanan. Hindi kami nawalan ng pag-asa.

Pansinin: Noong 1943, inaresto ng mga awtoridad na Aleman ang mga magulang ni Sister Bzovi at sinentensiyahan sila na mabilanggo ng 25 taon dahil sa di-umano’y pakikipagtulungan sa mga Sobyet. Sa loob ng isang taon, dumating ang mga tropang Sobyet at pinalaya sila. Pagkatapos nito, ang mga awtoridad na Sobyet mismo ang umaresto sa kaniyang ama. Lahat-lahat, gumugol siya ng 20 taon sa mga bilangguan.

[Blurb]

Mahal namin ang aming ama, gaya ng nadarama ng karamihan sa mga anak. Hindi na ako nakapagpaalam sa kaniya

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 186-189]

Isang Panayam kay Tamara Ravliuk

Isinilang: 1940

Nabautismuhan: 1958

Maikling Talambuhay: Ipinatapon noong 1951. Nakatulong sa mga 100 katao na matuto ng katotohanan.

Ito ang kasaysayan ni Halyna. Noong 1958, nang siya ay 17 araw pa lamang na naisisilang, ang kaniyang mga magulang ay inaresto. Siya at ang kaniyang ina ay dinala sa kampong bilangguan sa Siberia. Hangga’t puwedeng magpasuso ang kaniyang ina, na hanggang ikalimang buwan, si Halyna ay pinayagang manatili sa kaniya. Pagkatapos nito, ang ina ay kailangang magtrabaho, at ang sanggol ay dinadala sa isang tahanan para sa pag-aalaga ng mga sanggol. Ang aming pamilya ay nakatira sa kalapit na lalawigan ng Tomsk. Sumulat ang mga kapatid ng isang liham sa aming kongregasyon na nagtatanong kung may sinuman na maaaring kumuha ng munting batang babae mula sa nursery upang palakihin hanggang sa makalaya ang kaniyang mga magulang. Sabihin pa, nang basahin ang liham, ang lahat ay nagbuntunghininga. Napakalungkot at kalunus-lunos na ang isang sanggol ay nasa gayong kalagayan.

Binigyan nila kami ng panahon para pag-isipan iyon. Lumipas ang isang linggo. Walang nag-alok na kupkupin siya. Mahirap ang mga kalagayan para sa aming lahat. Nang ikalawang linggo, sinabi ng aking kuya kay Mama: “Kunin natin ang munting batang ito.”

Ang sabi ni Mama: “Anong ibig mong sabihin, Vasia? Matanda na ako at may sakit. Alam mo, isang malaking responsibilidad ang mag-alaga ng sanggol ng iba. Hindi ito isang hayop. Hindi ito isang baka, hindi isang dumalagang baka. Ito’y isang sanggol. At sanggol pa ng ibang tao.”

Ang sabi naman ng kuya: “Iyan nga ang dahilan kung bakit dapat nating kunin siya, Mama. Hindi siya isang hayop. Isipin mo na lamang ang isang sanggol sa gayong mga kalagayan, sa mga kalagayan sa kampo! Napakaliit pa niya, mahinang-mahina.” Pagkatapos ay sinabi niya: “Hindi ba dapat nating isipin na baka dumating ang panahon na masabi sa atin: ‘May sakit ako, nasa bilangguan ako, nagugutom ako, ngunit hindi ninyo ako tinulungan’?”

Ang sabi ni Mama: “Oo, maaaring mangyari iyan, pero napakalaking responsibilidad ang mag-alaga ng sanggol ng iba. Paano kung may mangyari sa kaniya habang nasa atin siya?”

Ang sabi ng aking kapatid: “At paano kung may mangyari sa kaniya roon?” Saka niya ako itinuro at sinabi: “Nariyan si Tamara. Malaya siyang makapaglalakbay at dalhin dito ang bata. Magtatrabaho tayong lahat para paglaanan ang batang ito.”

Buweno, kami ay nag-isip at nag-usap, at sa wakas ay nagpasiya kami na dapat akong pumunta roon. Kaya pumunta ako sa mga kampo sa Mariinski. Sinundo ko ang munting batang babaing ito. Binigyan ako ng mga kapatid ng mga literatura upang dalhin doon. Binigyan din nila ako ng kamera upang kunan ng larawan ang ina, upang makilala dahil hindi namin siya kilala. Hindi ako pinayagang maipasok ang kamera sa loob ng kampo, pero nadala ko ang mga literatura. Bumili ako ng isang kaldero, inilagay ang mga literatura sa kaldero, at nilagyan ng mantika ang ibabaw. Nang maglakad ako sa pasukang-daan, hindi tiningnan ng bantay kung mayroong anuman sa ilalim ng mantika. Kaya naipasok ko sa kampo ang mga literatura.

Nakilala ko ang ina, si Lydia Kurdas. Nagpalipas pa ako ng magdamag sa loob ng kampo dahil kailangang ihanda ang mga dokumento upang mailabas ang bata. Kaya iniuwi ko sa tahanan si Halyna. At nang dumating kami roon, siya ay limang buwan at ilang araw pa lamang. Lahat kami ay nag-alaga sa kaniya nang mabuti, pero nagkasakit siya nang malubha. Dumating ang mga doktor, pero wala silang makitang diperensiya.

Inakala ng mga doktor na siya ay aking sanggol, at ginipit nila ako: “Anong klase kang ina?” ang sabi nila. “Bakit hindi mo siya pinakakain?” Nangangamba kaming sabihin na ang sanggol na ito ay galing sa bilangguan, at hindi namin alam kung ano ang dapat gawin. Basta umiyak na lamang ako at hindi nagsalita ng anuman. Pinagalitan ako ng mga doktor; sinigawan nila si Mama, na sinasabing napakabata ko pa para payagang mag-asawa, na ako mismo ay nangangailangan pa ng gatas. Ako noon ay 18 anyos.

Malubha ang sakit ni Halyna, at nahihirapan siyang huminga. Pumunta ako sa ilalim ng hagdan at nanalangin: “Diyos na Jehova, Diyos na Jehova, kung kailangang mamatay ang munting batang ito, kunin mo na lang ang buhay ko sa halip na ang sa kaniya!”

Ang bata ay nagsimulang maghabol ng hininga, sa harap mismo ng mga doktor. Ang sabi nila: “Wala na itong saysay​—hindi na siya makaliligtas, hindi na siya makaliligtas.” Sinabi nila ito sa harap ko—​sa harap ng aking ina, sinasabi nila ito. Umiiyak si Mama. Nananalangin ako. Pero nakaligtas ang bata. Nanatili siya sa amin hanggang sa makalaya ang kaniyang ina. Pitong taon siyang kasama namin, at hindi na siya muling nagkasakit, kahit minsan.

Si Halyna ay naninirahan ngayon sa Kharkov, Ukraine. Siya ay ating kapatid, isang regular pioneer.

[Blurb]

“Diyos na Jehova, Diyos na Jehova, kung kailangang mamatay ang munting batang ito, kunin mo na lang ang buhay ko sa halip na ang sa kaniya!”

[Larawan]

Kaliwa pakanan: Sina Tamara Ravliuk (dating Buriak), Serhii Ravliuk, Halyna Kurdas, Mykhailo Buriak, at Mariya Buriak

[Larawan]

Kaliwa pakanan: Sina Serhii at Tamara Ravliuk, Mykola at Halyna Kuibida (dating Kurdas), Oleksii at Lydia Kurdas

[Kahon sa pahina 192]

Isang Ulat Mula sa Tagapangasiwa ng Sirkito, 1958

“Kung gaano kahirap ito para sa mga kapatid ay mauunawaan sa isang antas sa pamamagitan ng pagkaalam na mga sampung miyembro ng isang organisasyon ng Komunistang kabataan ang nag-eespiya sa halos bawat kapatid. Idagdag pa rito ang mga traydor na kapitbahay; mga huwad na kapatid; maraming pulis; mga sentensiya ng hukuman na hanggang 25 taon sa mga kampo o bilangguan; pagpapatapon sa Siberia; habambuhay na sapilitang pagtatrabaho; at pagkakakulong, kung minsan napakatagal na pagkakakulong sa madidilim na selda sa bilangguan​—ang lahat ng ito ay maaaring mangyari sa isang tao na bumigkas ng ilang salita tungkol sa Kaharian ng Diyos.

“Gayunman, walang takot ang mga mamamahayag. Walang hangganan ang kanilang pag-ibig sa Diyos na Jehova, ang kanilang saloobin ay katulad niyaong sa mga anghel, at hindi nila iniisip na talikuran ang pakikipaglaban. Batid nila na ang gawain ay kay Jehova at na dapat itong magpatuloy hanggang sa matagumpay na wakas. Alam ng mga kapatid kung para kanino pinananatili nila ang kanilang integridad. Ang magdusa para kay Jehova ay isang kagalakan para sa kanila.”

[Kahon/Larawan sa pahina 199-201]

Isang Panayam kay Serhii Ravliuk

Isinilang: 1936

Nabautismuhan: 1952

Maikling Talambuhay: Gumugol ng 16 na taon sa mga bilangguan at mga kampong bilangguan. Napilitang ilipat ang kaniyang tahanan nang pitong ulit. Nakatulong sa mga 150 katao na matuto ng katotohanan. Ang panayam sa kaniyang asawa, si Tamara, ay nasa pahina 186-9. Naglilingkod ngayon si Serhii bilang isang matanda sa Kongregasyon ng Rohan, malapit sa lunsod ng Kharkov.

Pitong taon akong nanirahan sa Mordvinia. Bagaman iyon ay isang kampong may pinakamahigpit na seguridad, maraming publikasyon ang naipamahagi nang ako ay naroroon. Ang ilang bantay ay nag-uwi ng mga literatura, binasa nila iyon, at saka ibinigay sa kanilang pamilya at mga kamag-anak.

Kung minsan ay isang bantay ang lalapit sa akin sa pangalawang relyebo sa trabaho. Sasabihin niya: “Mayroon ka bang anuman diyan, Serhii?”

“Ano ang gusto mo?” ang tugon ko.

“Basta anumang mababasa.”

“Magkakaroon ba ng pagrerekisa bukas?”

“Oo. Magkakaroon bukas doon sa ikalimang yunit.”

“Sige, sa isang kama sa ilalim ng tuwalya, magkakaroon ng isang Bantayan. Puwede mong kunin iyon.”

Isinagawa ang pagrerekisa, at kinuha niya ang Bantayan na iyon. Pero walang ibang literatura na matagpuan ang mga bantay dahil alam na namin antimano ang tungkol sa paghahalughog. Sa ganiyang paraan, natulungan kami ng ilang bantay. Naakit sila sa katotohanan, pero natatakot sila na mawalan ng trabaho. Sa loob ng maraming taon na naroroon ang mga kapatid, nakita ng mga bantay kung paano kami namuhay. Makikita ng mga taong palaisip na hindi kami nakagawa ng anumang krimen. Hindi lamang sila makapagsalita tungkol dito, dahil maituturing sila na mga tagasuporta ng mga Saksi ni Jehova, at mawawalan sila ng trabaho. Kaya sa isang antas ay sinuportahan nila ang ating gawain. Kumuha sila ng mga literatura at binasa iyon. Nakatulong iyon upang palamigin ang init ng pag-uusig.

Pagsapit ng 1966, kami ay humigit-kumulang na sa 300 sa Mordvinia. Alam ng mga administrador kung anong petsa gaganapin ang Memoryal. At ipinasiya nilang hadlangan kami nang taóng iyon. Ang sabi nila: “Nag-aaral na kayo ng inyong Bantayan, pero wawakasan namin ang Memoryal na ito. Hindi kayo makagagawa ng anuman.”

Ang mga miyembro ng iba’t ibang yunit ng mga bantay ay dapat manatili sa kanilang mga tanggapan hanggang sa hudyat na nakaraan na ang panganib. Lahat sila ay nasa kani-kanilang dako: ang mga tauhang nagmamatyag, ang mga kawani ng administrasyon, ang kumander ng kampo.

Kaya kaming lahat ay lumabas sa daan, sa dakong tipunan kung saan isa-isa kaming tinatawag araw-araw, sa umaga at sa gabi. Pagkatapos, samantalang magkakasama ayon sa kinabibilangang kongregasyon o mga grupo, naglakad-lakad kami sa palibot sa labas. Sa bawat grupo, isang kapatid na lalaki ang nagbibigay ng pahayag habang sila ay naglalakad; at ang iba naman ay nakikinig.

Wala kaming anumang emblema, kaya nagkaroon ng pahayag lamang. Noon, wala ni isa mang pinahiran sa kampo. Pagsapit ng 9:30 n.g., tapos na ang lahat, natapos na ng lahat ng grupo ang pagdiriwang habang naglalakad sa daan.

Ibig naming awitin ang awit nang magkakasama​—lahat kaming magkakapatid. Kaya nagtipon kami sa tabi ng bahay-paliguan, na nasa pinakamalayong sulok mula sa checkpoint sa pasukan. Gunigunihin ang 300 lalaki, na 80 hanggang 100 sa kanila ang umaawit sa gabi sa kagubatan! Gunigunihin na lamang ang alingawngaw ng awit na iyon! Natatandaan ko na inawit namin ang awit bilang 25, na pinamagatang “Namatay Ako Para sa Iyo,” mula sa lumang aklat-awitan. Alam ng lahat ang awiting iyon. Kung minsan maging ang mga sundalo sa mga bantayan ay sumisigaw sa amin: “Pakisuyong awitin ninyo ang Awit 25!”

Nang simulan naming umawit nang gabing iyon, lahat ng tauhan ay nagsitakbo mula sa kanilang mga tanggapan patungo sa bahay-paliguan upang patigilin kami. Ngunit nang dumating sila, hindi nila mapatigil ang pag-awit dahil pinalibutan ng lahat ng kapatid na hindi umaawit yaong mga umaawit. Kaya nagtatakbong paikut-ikot na lamang ang mga bantay hanggang sa matapos ang aming pag-awit. Nang matapos na ang awit, lahat ay naghiwa-hiwalay. Hindi alam ng mga bantay kung sino ang umawit at kung sino ang hindi. Hindi nila puwedeng ilagay ang lahat sa bartolina.

[Kahon/Larawan sa pahina 203, 204]

Isang Panayam kay Victor Popovych

Isinilang: 1950

Nabautismuhan: 1967

Maikling Talambuhay: Isinilang sa bilangguan, anak ni Mariya Popovych, na ang panayam ay nasa pahina 167-9. Inaresto noong 1970, gumugol ng apat na taon sa bilangguan dahil sa gawaing pangangaral. Sa loob ng tatlong araw na paglilitis sa hukuman, 35 katao ang tumestigo na si Brother Popovych ay nangaral sa kanila.

Ang situwasyon ng mga Saksi ni Jehova ay hindi dapat hatulan sa pamamagitan lamang ng pagsasaalang-alang sa mga kaugnayang pantao. Ang pag-uusig sa bayan ng Diyos ay hindi lubusang maipaliliwanag sa pamamagitan ng paninisi sa pamahalaan. Ginagawa lamang ng karamihan sa mga opisyal ang kanilang trabaho. Kapag nagbago ang pamahalaan, nagbabago ang katapatan ng mga opisyal, ngunit kami ay nananatiling gaya ng dati. Natatanto namin na ang tunay na pinagmumulan ng aming mga paghihirap ay isiniwalat na sa Bibliya.

Hindi namin minalas ang aming mga sarili na mga inosenteng biktima lamang ng mapaniil na mga tao. Ang nakatulong sa amin na magbata ay ang malinaw na pagkaunawa sa usaping ibinangon sa hardin ng Eden​—ang usapin ng karapatan ng Diyos na mamahala. Iyon ay isang usapin na hindi pa nalulutas. Batid namin na may pagkakataon kami na manindigan para sa pamamahala ni Jehova. Nanindigan kami para sa isang usapin na may kaugnayan hindi lamang sa personal na mga kapakanan ng mga tao kundi pati na rin sa mga kapakanan ng Soberano ng sansinukob. Taglay namin ang lubhang mas matayog na pagkaunawa sa mga tunay na usaping nasasangkot. Kami ay pinatibay nito at pinapangyaring maingatan ang aming integridad kahit sa ilalim ng pinakamahihirap na kalagayan. Higit pa sa mga kaugnayang pantao ang tinitingnan namin.

[Blurb]

Ang pag-uusig sa bayan ng Diyos ay hindi lubusang maipaliliwanag sa pamamagitan ng paninisi sa pamahalaan

[Kahon/Larawan sa pahina 208, 209]

Isang Panayam kay Mariya Pylypiv

Isinilang: 1934

Nabautismuhan: 1952

Maikling Talambuhay: Nagpunta sa Siberia noong 1951 upang dalawin ang kaniyang ate na ipinatapon doon. Natutuhan ni Mariya ang katotohanan sa Siberia at nang maglaon ay nagpakasal sa isang kapatid na ipinatapon.

Nang mamatay si Itay, dumating ang mga pulis sa aming bahay. Maraming pulis ang dumating. Sila ay mula kapuwa sa Konseho ng Nayon at sa Konseho ng Distrito. Binabalaan nila kami na ayaw nila ng mga awit at mga panalangin. Sumagot kami na wala namang batas laban sa pananalangin. Tinanong nila kung kailan gaganapin ang libing. Sinabi namin sa kanila, at sila ay lumisan.

Maagang dumating ang mga kapatid. Ipinagbabawal ang pagtitipong sama-sama, pero maaaring pumunta ang mga tao sa isang libing. Maaga kaming nagsimula dahil alam naming darating ang mga pulis. Kasisimula pa lamang manalangin ng isang kapatid na lalaki, dumating na ang isang trak na punô ng mga pulis. Tinapos ng kapatid ang panalangin, at saka kami pumunta sa sementeryo.

Sinundan nila kami at pinayagan kaming makapasok sa sementeryo. Nang muling manalangin ang kapatid, tinangka ng mga pulis na arestuhin siya. Pero nagpasiya kaming mga kapatid na babae na hindi namin siya hahayaang makuha nila. Maraming pulis, kaya pinalibutan namin ang kapatid. Nang magkagulo, inakay ng isang kapatid na babae ang kapatid na lalaki palabas sa sementeryo, sa pagitan ng mga bahay, at patungo sa nayon. Di-kaginsa-ginsa, dumating ang isang kakilala sakay ng isang pribadong sasakyan, kaya ang kapatid ay nakasakay sa kotse at nakaalis. Naghanap ang mga pulis sa lahat ng lugar ngunit hindi siya matagpuan. Pagkatapos sila ay umalis.

Kadalasang ipinagsasanggalang ng mga kapatid na babae ang mga kapatid na lalaki. Ito ay kabaligtaran ng karaniwang pangyayari, pero kailangang maging ganiyan nang panahong iyon. Kinailangang ipagsanggalang ng mga kapatid na babae ang mga kapatid na lalaki. Maraming ganiyang klaseng situwasyon.

[Blurb]

Kailangang maging ganiyan nang panahong iyon. Kinailangang ipagsanggalang ng mga kapatid na babae ang mga kapatid na lalaki

[Kahon/Larawan sa pahina 220, 221]

Isang Panayam kay Petro Vlasiuk

Isinilang: 1924

Nabautismuhan: 1945

Maikling Talambuhay: Ipinatapon noong 1951-65. Di-nagtagal pagkaraang ipatapon si Brother Vlasiuk, ang kaniyang anak na lalaki ay nagkasakit at namatay. Nang sumunod na taon, matapos magsilang ng isa pang anak na lalaki, ang kaniyang asawa ay nagkaroon ng mga komplikasyon at unti-unting namatay. Naiwan kay Brother Vlasiuk ang isang munting sanggol. Noong 1953, siya ay muling nag-asawa, at tumulong ang kaniyang bagong kabiyak sa pag-aalaga sa bata.

Kabilang ako sa mga ipinatapon mula sa Ukraine patungong Siberia noong 1951. Alam ninyo, hindi ako natakot. Ikinintal ni Jehova ang gayong espiritu sa mga kapatid anupat sila’y may pananampalataya, pananampalataya na kitang-kita sa paraan ng kanilang pagsasalita. Walang sinuman ang pipili kailanman na maglakbay sa ganitong atas sa pangangaral. Maliwanag na pinahintulutan ng Diyos na Jehova ang pamahalaan na dalhin kami rito. Nang maglaon, sinabi ng mga awtoridad: “Nakagawa kami ng isang malaking pagkakamali.”

Sinabi ng mga kapatid: “Sa anong paraan?”

“Dahil dinala namin kayo rito, at ngayon, kinukumberte rin ninyo ang mga tao rito!”

Sinabi ng mga kapatid: “Gagawa pa kayo ng panibagong pagkakamali.”

Ang kanilang ikalawang malaking pagkakamali ay na noong matapos nila kaming palayain, pagkatapos na pagkalooban kami ng amnestiya, hindi nila kami pinayagang makauwi. “Pumunta kayo kahit saan, huwag lamang kayong umuwi,” ang sabi nila. Pagkaraan, natauhan sila at natanto na ito ay isang maling hakbang. Dahil sa patakarang iyan, ang mabuting balita ay lumaganap sa buong Russia.

[Kahon/Larawan sa pahina 227]

Isang Panayam kay Anna Vovchuk

Isinilang: 1940

Nabautismuhan: 1959

Maikling Talambuhay: Ipinatapon noong 1951-65. Sampung taóng gulang nang ipadala sa Siberia. Mula 1957 hanggang 1980, gumawa nang palihim, na naglilimbag ng mga literatura sa Bibliya.

Lagi kaming pinipilit ng KGB na ituro namin ang mga kapatid. Nagpakita sila sa amin ng mga litrato. Sinasabi ko: “Wala akong nalalamang anuman sa itinatanong ninyo. Wala akong nakikilala sa mga itinatanong ninyo.” Ganiyan ang lagi naming sagot sa kanila. Nang maglaon, hindi pa natatagalan matapos akong ikasal, naglalakad ako sa lunsod nang masalubong ko ang lokal na pinuno ng KGB sa Angarsk. Madalas niya akong ipatawag para tanungin anupat kilalang-kilala niya ako.

Sabi niya sa akin: “Tungkol kay Stepan Vovchuk, ang sabi mo sa akin ay hindi mo kilala ang taong ito. At ngayon, paano nangyari na ikaw ay nakasal sa kaniya?”

Sumagot ako: “Hindi ba ikaw ang nagpakilala sa kaniya sa akin sa pamamagitan ng mga litrato?”

Pumalakpak siya: “Narito! Kami na naman ang may kasalanan!”

At nagtawanan kami. Iyon ay isang maligaya at masayang sandali sa aking buhay.

[Kahon/Larawan sa pahina 229, 230]

Isang Panayam kay Sofiya Vovchuk

Isinilang: 1944

Nabautismuhan: 1964

Maikling Talambuhay: Ipinatapon noong 1951-65. Pitong taóng gulang nang ipadala sa Siberia kasama ng kaniyang ina, ate, at kuya.

Nang dalhin nila kami sa Siberia, sinabi nila sa amin na doon na kami habang-buhay. Hindi namin kailanman inisip na magkakaroon ng kalayaan. Kapag nababasa namin sa Ang Bantayan ang tungkol sa mga kombensiyong nagaganap sa ibang mga bansa, nananalangin kami kay Jehova na sana kahit minsan sa aming buhay, magkaroon kami ng pagkakataong makadalo sa isang kombensiyon gaya ng ginagawa nila sa ibang mga bansa. Gaya ng inaasahan, kami ay pinagpala ni Jehova. Noong 1989, nakadalo kami sa pang-internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Poland. Imposibleng ilarawan ang ganap na kasiyahan, ang kagalakan, ng pagiging naroroon.

Kami ay buong-puso at malugod na tinanggap ng mga kapatid sa Poland. Apat na araw kami roon. Nakadalo kami ng kombensiyon! Isang labis na kagalakan ang matuto pa ng higit tungkol kay Jehova at tumanggap ng tagubilin mula sa Salita ng Diyos. Masayang-masaya kami. Ibinahagi namin sa lahat ang aming mga karanasan. Bagaman galing sila sa napakaraming iba’t ibang bansa, sila ay aming mga kapatid! Habang naglalakad kami sa palibot ng istadyum, naroon ang kasiya-siyang damdamin ng kapayapaan. Pagkatapos ng lahat​—ng pagiging nasa ilalim ng pagbabawal sa loob ng napakatagal na panahon​—tila kami ay nasa bagong sanlibutan na. Wala kaming narinig na pagmumura, at ang lahat ay malinis at maganda. Gumugol kami ng panahong magkakasama pagkatapos ng programa. Hindi kami umalis kaagad; nakisalamuha kami sa mga kapatid, nakipagkuwentuhan. Mayroon ding mga tagapagsalin kung hindi namin maintindihan ang isang wika. Kahit na hindi kami nagkakaintindihan, hinahalikan namin ang isa’t isa. Masaya kami.

[Kahon/Larawan sa pahina 243, 244]

Isang Panayam kay Roman Yurkevych

Isinilang: 1956

Nabautismuhan: 1973

Maikling Talambuhay: Gumugol ng anim na taon sa mga kampong bilangguan dahil sa neutralidad. Naglilingkod sa Komite ng Sangay sa Ukraine mula noong 1993.

Ginaganyak ng katotohanan ang isang tao na tumulong at umalalay sa iba. Lalo naming nadama ito noong 1998 nang magkaroon ng malaking baha sa Transcarpathia, at daan-daan, oo, daan-daang tao ang nawalan ng kanilang tahanan at ng lahat ng kanilang ari-arian sa loob lamang ng isang gabi.

Sa loob ng dalawang araw, isang grupo ng mga kapatid na lalaki ang dumating at bumuo ng mga komite sa pagtulong. Tiniyak nila kung anong tulong ang ibibigay sa bawat pamilya, sa bawat nayon. Dalawang nayon ang lubhang napinsala, ang Vary at Vyshkove. Pagkaraan lamang ng dalawa o tatlong araw, ang mga plano ay naisagawa kung aling pamilya ang tatanggap ng anong tulong at kung sino ang tutulong. Pagkatapos ay dumating ang ating mga kapatid sakay ng mga trak at sinimulan nilang palahin ang malawak na putikan.

Nagdala sila ng mga tuyong kahoy, na ikinagulat ng lahat sa lugar na iyon. Namangha ang mga di-Saksi. Isang sister mula sa Vyshkove ang nasa lugar kung saan pinapala ng isang pangkat ng mga kapatid ang putik. Nilapitan siya ng isang tagapagbalita at tinanong: “Kilala mo ba ang mga taong ito?”

“Hindi ko sila gaanong kilala,” ang sagot niya, “dahil magkakaiba ang wika namin​—Romaniano, Hungaryo, Ukrainiano, at Ruso. Pero isang bagay ang alam ko: Sila ay aking mga kapatid, at tinutulungan nila ako.”

Sa loob ng dalawa o tatlong araw, ang mga kapatid ay nakapagpadala ng tulong at inasikaso ang mga pamilyang ito, na inilipat sa ibang mga lugar. Gayunman, pagkaraan ng kalahating taon, halos lahat ng bahay ng mga Saksi ay naitayo nang muli, at ang mga Saksi ang pinakauna sa mga tagaroon na nakabalik at tumira sa kanilang mga bagong tahanan.

[Graph sa pahina 254]

(Tingnan ang publikasyon)

Mga Regular Pioneer sa Ukraine (1990-2001)

10,000

8,000

6,000

4,000

2,000

0

1990 1992 1993 1994 1995 1996 1997 1998 1999 2001

[Graph sa pahina 254]

(Tingnan ang publikasyon)

Mga Saksi ni Jehova sa Ukraine a (1939-2001)

120,000

100,000

80,000

60,000

40,000

20,000

0

1939 1946 1974 1986 1990 1992 1994 1996 1998 2001

[Talababa]

a Ang mga taon ng 1939-90 ay nagtataglay ng mga tinantiyang bilang

[Mga mapa sa pahina 123]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

UKRAINE

VOLYN’

HALYCHYNA

Lvov

TRANSCARPATHIA

BUKOVINA

KIEV

Kharkov

Dnepropetrovsk

Luhans’k

Zaporozh’ye

Donetsk

Odessa

CRIMEA

DAGAT NA ITIM

TURKEY

BULGARIA

ROMANIA

MOLDOVA

POLAND

BELARUS

RUSSIA

[Buong-pahinang larawan sa pahina 118]

[Larawan sa pahina 127]

Si Vojtech Chehy

[Larawan sa pahina 129]

Ang unang kombensiyon sa bayan ng Borislav, Halychyna, Agosto 1932

[Larawan sa pahina 130]

Kombensiyon sa Solotvyno, Transcarpathia, 1932

[Larawan sa pahina 132]

Sa loob ng 40 taon, buong-katapatang tinupad nina Mariya at Emil Zarysky ang kanilang atas bilang mga tagapagsalin

[Larawan sa pahina 133]

Ang unang bodega ng mga literatura sa Ukraine ay nasa bahay na ito sa Uzhgorod mula 1927-31

[Larawan sa pahina 134]

Grupo na handang pumunta sa ministeryo sakay ng bus patungo sa lugar ng Rakhiv sa Kabundukan ng Carpathia, 1935: (1) Si Vojtech Chehy

[Larawan sa pahina 135]

Plaka ng ponograpo noong una, “Ang Relihiyon at Kristiyanismo,” sa Ukrainiano

[Larawan sa pahina 136]

Ang Kongregasyon ng Kosmach noong 1938: (1) Ipinagbili ni Mykola Volochii ang isa sa kaniyang dalawang kabayo upang makabili ng ponograpo

[Larawan sa pahina 137]

Si Ludwik Kinicki, magiliw na naaalaala ng marami bilang isang masigasig na ministro, ay namatay na tapat kay Jehova sa isang kampong piitan ng Nazi

[Mga larawan sa pahina 142]

Si Illia Hovuchak (itaas, sa kaliwa), na makikita rito na naglalakbay kasama ni Onufrii Rylchuk upang mangaral sa kabundukan at (kanan) ang kabiyak niya, si Paraska, ay pinatay ng Gestapo matapos ibigay sa kanila ng isang paring Katoliko

[Larawan sa pahina 146]

Si Anastasiya Kazak (1) kasama ang iba pang Saksi mula sa kampong piitan sa Stutthof

[Mga larawan sa pahina 153]

Si Ivan Maksymiuk (nakalarawan sa itaas kasama ng kaniyang asawa, si Yevdokiya) at ang kaniyang anak na lalaki na si Mykhailo (kanan) ay tumangging ikompromiso ang kanilang integridad

[Larawan sa pahina 158]

Mga naunang publikasyon sa Bibliya sa Ukrainiano

[Larawan sa pahina 170]

Sa edad na 20, binabalikat na ni Hryhorii Melnyk ang pananagutan ng pag-aasikaso sa kaniyang dalawang nakababatang kapatid na lalaki at isang kapatid na babae

[Larawan sa pahina 176]

Si Mariya Tomilko ay nagbata ng 15-taóng pagkabilanggo ngunit nanatiling tapat

[Larawan sa pahina 182]

Si Nutsu Bokoch sa isang maikling pagkikita nila ng kaniyang anak na babae sa bilangguan, 1960

[Mga larawan sa pahina 185]

Sina Lydia at Oleksii Kurdas (itaas), inaresto at ibinilanggo sa magkahiwalay na mga kampo nang 17 araw pa lamang ang edad ng kanilang anak na si Halyna; si Halyna Kurdas, sa edad na tatlong taon (kanan): Ang larawang ito ay kuha noong 1961 samantalang nasa bilangguan pa ang kaniyang mga magulang

[Larawan sa pahina 191]

Noong gabi bago ang araw ng kanilang kasal, sina Hanna Shyshko at Yurii Kopos ay inaresto at sinentensiyahang mabilanggo sa kampo ng sampung taon. Ikinasal sila pagkaraan ng sampung taon

[Larawan sa pahina 191]

Ginugol ni Yurii Kopos ang halos sangkatlo ng isang siglo sa mga bilangguan at mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa Sobyet

[Larawan sa pahina 194]

Itinalaga ni Pavlo Ziatek ang kaniyang buong buhay sa paglilingkod kay Jehova

[Larawan sa pahina 196]

Sulat na may petsang Mayo 18, 1962, mula kay Nathan H. Knorr para sa mga kapatid sa U.S.S.R.

[Larawan sa pahina 214]

Ang mga literatura para sa Ukraine at sa iba pang mga bahagi ng Unyong Sobyet ay inilimbag sa mga bunker na gaya nito sa silangang Ukraine

[Larawan sa pahina 216]

Itaas: Ang magubat na burol sa liblib na dako ng Kabundukan ng Carpathia kung saan pinangasiwaan ni Ivan Dziabko ang isang lihim na bunker

[Larawan sa pahina 216]

Itaas: Nakaupo si Mykhailo Dioloh sa tabi ng dating pasukan sa bunker kung saan dinadalhan niya ng papel si Ivan Dziabko

[Larawan sa pahina 216]

Kanan: Si Ivan Dziabko

[Larawan sa pahina 223]

Gumugol si Bela Meysar ng 21 taon sa bilangguan, na sa panahong iyon ay naglakbay ng kabuuang mahigit sa 140,000 kilometro ang kaniyang tapat na kabiyak, si Regina, upang dalawin siya nang madalas

[Larawan sa pahina 224]

Si Michael Dasevich ay hinirang na lingkod ng bansa noong 1971

[Larawan sa pahina 233]

Ang rehistrasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Ukraine, noong Pebrero 28, 1991, ang unang gayong rehistrasyon sa teritoryo ng U.S.S.R.

[Mga larawan sa pahina 237]

Sa pang-internasyonal na kombensiyon noong 1993 sa Kiev, 7,402 ang nabautismuhan, ang pinakamalaking bilang ng nabautismuhan sa isang kombensiyon sa modernong-panahong kasaysayan ng bayan ng Diyos

[Larawan sa pahina 246]

Pagtatapos ng unang klase ng Ministerial Training School sa Lvov, maaga noong 1999

[Larawan sa pahina 251]

Itaas: Ang gusali ng Kingdom Hall kung saan naglingkod ang pamilyang Bethel mula 1995 hanggang 2001

[Larawan sa pahina 251]

Gitna: Ang bahay na ginamit ng pamilyang Bethel noong 1994-5

[Larawan sa pahina 251]

Ilalim: Ang Kingdom Hall sa bayan ng Nadvirna​—ang unang itinayo sa ilalim ng programa sa konstruksiyon ng mga bagong Kingdom Hall sa Ukraine

[Mga larawan sa pahina 252, 253]

(1-3) Ang bagong-alay na sangay sa Ukraine

[Larawan sa pahina 252]

(4) Komite ng Sangay, kaliwa pakanan: (nakaupo) Stepan Hlinskyi, Stepan Mykevych; (nakatayo) Andrii Semkovych, Roman Yurkevych, John Didur, at Jürgen Keck

[Larawan sa pahina 253]

(5) Si Theodore Jaracz habang nagpapahayag sa pag-aalay ng sangay sa Ukraine, Mayo 19, 2001