Isang Liham Mula sa Lupong Tagapamahala
Isang Liham Mula sa Lupong Tagapamahala
Mahal na mga Kapatid:
KAYLAKING kaluguran na sumulat sa inyo! Pinapupurihan namin kayo dahil sa pag-ibig at pagsasakripisyo sa sarili na patuloy ninyong ipinakikita. Makikita ninyo sa mga pahina ng Taunang Aklat na napakaraming mabubuting bagay ang naisakatuparan sa nakalipas na taon ng paglilingkod. Minsan pa ay nakagugol tayo ng mahigit na isang bilyong oras sa gawaing pangangaral at pagtuturo, na tuwirang humihimok sa mga tao na maging malapít kay Jehova. Hindi ba isang karangalan na maging mga kamanggagawa ng ating maluwalhating Diyos at makalangit na Ama?—1 Cor. 3:9.
Habang tinitingnan namin ang gawain sa hinaharap, kami ay nagtitiwala na patuloy ninyong tutularan ang sigasig at pananampalataya ng mga lingkod ng Diyos, gaya ng inilarawan sa rekord ng Bibliya. Halimbawa, si apostol Pablo ay sabik na maging mabisa sa pagtataguyod ng mga kapakanan ng Kaharian hangga’t maaari. Maliwanag na isinulat niya ang kaniyang liham sa kongregasyong Kristiyano sa Corinto noong huling taon ng kaniyang paglagi sa Efeso. Hinggil sa kaniyang sumunod na plano, ganito ang kaniyang isinulat: “Mananatili ako sa Efeso hanggang sa kapistahan ng Pentecostes; sapagkat isang malaking pinto na umaakay sa gawain ang binuksan sa akin, ngunit maraming sumasalansang.”—1 Cor. 16:8, 9.
May plano noon si Pablo na maglakbay sa Macedonia at Corinto. Gayunman, nakakita siya ng pagkakataon upang makagawa ng kapaki-pakinabang na bagay sa pamamagitan ng pananatili nang ilang panahon sa Efeso. Marunong makibagay si Pablo; nakita niya ang isang kaayaayang pagkakataon kung saan maaari niyang itaguyod ang mga kapakanan ng Kaharian sa mismong lugar na kinaroroonan niya, kaya binago niya ang kaniyang iskedyul alinsunod dito. Isang malaking pinto ng gawain ang binuksan sa kaniya, at sabik si Pablo na samantalahin ang pagkakataon na pumasok dito.
Upang magawa iyon, malaking pagsisikap ang kailangan—kapuwa sa pangangaral ng mabuting balita at sa pagpapatibay sa kongregasyon sa Efeso. Sa matatandang lalaki ng kongregasyon sa lunsod na iyon, ganito ang sinabi ni Pablo nang maglaon: “Hindi ko ipinagkait ang pagsasabi sa inyo ng alinman sa mga bagay na kapaki-pakinabang ni ang pagtuturo sa inyo nang hayagan at sa bahay-bahay. Kundi lubusan akong nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at sa mga Griego tungkol sa pagsisisi sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.”—Sa katulad na paraan, sinamantala ng marami sa inyo, mahal na mga kapatid, ang pagkakataon na nabuksan sa inyo. Noong nakalipas na taon ng paglilingkod, naisaayos ng katamtamang bilang ng mamamahayag na 798,938 ang kanilang mga gawain upang makabahagi sa ilang anyo ng ministeryong pagpapayunir. Nilakbay ng ilan sa inyo ang malalayong bahagi ng lupa upang maglingkod bilang mga misyonero. Buong-sigasig kayong nagpapalaganap ng mabuting balita at nagtatayo ng mga kongregasyon. Ang ilan sa inyo ay nag-aral ng ibang wika upang makatulong kayo sa mga tao na nagsasalita ng banyagang wika na naninirahan malapit sa inyo. Isinaayos naman ng iba ang kanilang mga gawain upang gumawa sa mga di-nakaatas na teritoryo o upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Nasumpungan pa nga ng ilan na isang malaking pinto ng gawain ang nabuksan sa paaralan, sa trabaho, o sa iba pang mga kalagayan kung saan maaaring mabisang makapagpatotoo, tulad ng paggamit ng telepono. Pinatutunayan ng mga karanasan mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig na ang bayan ng Diyos, mga bata at matatanda, ay buong-kasabikang naghahanap at nakasusumpong ng mga pagkakataon upang ibahagi sa mga tao sa lahat ng dako ang kaalaman hinggil sa katotohanan.
Makatitiyak kayo na nakikita at lubos na pinahahalagahan ni Jehova ang inyong mga pagsisikap. Sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” (Heb. 6:10) Patuloy kayong maging alisto sa mga pagkakataon na nagpapahintulot sa inyo na itaguyod ang dalisay na pagsamba. Maaaring palawakin ng ilan sa inyo ang kaniyang ministeryo. Tayong lahat ay maaaring magsikap upang gawing mas mabisa ang ating ministeryo.
Tiyak na may pagsalansang sa pagtupad natin sa ating atas na mangaral. Tandaan na matapos banggitin ni Pablo ang tungkol sa malaking pinto ng gawain na nabuksan sa kaniya, sumulat siya: “Maraming sumasalansang.” Para kay Pablo, kabilang sa mga sumasalansang sa kaniya ang mga Judio at mga Gentil, ang ilan na tuwirang sumalakay sa kaniya at ang iba pa na buong-katusuhang nagpakana laban sa kaniya.—Napapaharap tayo sa nakakatulad na kalagayan sa ngayon. Habang papalapit tayo sa pagkapuksa ng balakyot na sistemang ito, inaasahan natin ang ibayong pagsalansang. Si Satanas ay lipos ng “malaking galit,” at ang galit na iyan ay pantangi nang nakatuon laban sa mga naglilingkod sa Diyos. (Apoc. 12:12) Huwag kalilimutan kailanman na si Satanas ang “tagapamahala ng sanlibutan.” Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kung kayo ay bahagi ng sanlibutan, kagigiliwan ng sanlibutan ang sa kaniya. Ngunit sapagkat hindi kayo bahagi ng sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula sa sanlibutan, dahil dito ay napopoot sa inyo ang sanlibutan.”—Juan 14:30; 15:19.
Determinado tayo na huwag hayaang pahinain ng sinuman ang ating pananampalataya sa Diyos o pabagalin tayo sa ating gawaing pangangaral. Alam natin na patuloy na magkakaroon ng mga sumasalakay at nagpapakana laban sa atin. Gayunman, patuloy tayo sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, nagtitiwala na dudurugin ni Jesus si Satanas at ang kaniyang mga alipores sa takdang panahon ni Jehova. Hindi napatahimik ng mga mananalansang si apostol Pablo; ni napatahimik man nila ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon. Sa kabila ng galit ni Satanas at ng poot ng sanlibutan, kumilos nang buong lakas ang espiritu ni Jehova sa Kaniyang bayan. Kaylaking kagalakan na malamang ang bilang niyaong mga naghahayag ng mabuting balita ay umabot sa pinakamataas na bilang na 6,304,645!
Dalangin namin na patuloy ninyong sasamantalahin ang mga pagkakataon upang itaguyod ang mga kapakanan ng maringal na Kaharian ni Jehova. Makatitiyak kayo sa aming personal na maibiging interes sa inyo habang “balikatan” tayong naglilingkod sa Kataas-taasang Diyos na si Jehova.—Zef. 3:9.
Ang inyong mga kapatid,
Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova