Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nicaragua

Nicaragua

Nicaragua

Angkop lamang na ilarawan ang Nicaragua bilang isang paraiso sa tropiko. Ang silangang baybayin nito ay nakaharap sa malinaw at bughaw na tubig ng Dagat ng Caribbean. Ang kanlurang baybayin nito ay hinahampas ng mga alon mula sa napakalawak na Karagatang Pasipiko. Kung titingnan mula sa itaas, ang bansang ito ay isang disenyo ng pinagsama-samang kagubatan, bukirin, at mga ilog, lakip na ang maraming lawa na parang mga hiyas sa bunganga ng sinaunang mga bulkan. Subalit ang mga lawang ito ay mistulang bughaw na maliliit na tipunang-tubig kung ihahambing sa dalawang higante​—ang mga Lawa ng Nicaragua at Managua. Sa lawak na 8,200 kilometro kuwadrado, nasasaklaw na ng Lawa ng Nicaragua ang mahigit na 6 na porsiyento ng buong bansa!

Ang kabiserang lunsod, ang Managua, ay nasa timugang baybayin ng Lawa ng Managua, na may sukat na mga 1,000 kilometro kuwadrado. Angkop naman, ang “Managua” sa isa sa mga katutubong wika ay nangangahulugang “dako na may malaking kalipunan ng tubig.” Bilang sentro ng pamahalaan at negosyo, ang Managua ay may populasyon na humigit-kumulang sa isang milyon​—20 porsiyento ng limang milyong mamamayan ng bansa. Ito ay nasa makitid na lupa sa hanggahan ng Pasipiko, na siyang tahanan ng humigit-kumulang sa 60 porsiyento ng mga taga-Nicaragua. Ang 30 porsiyento pa ay naninirahan sa sentral na bulubundukin, at ang iba naman​—na wala pang 10 porsiyento—​ay naninirahan sa dakong silangan sa dalawang rehiyon na kakaunti ang populasyon, na may pulitikal na kasarinlan, at bumubuo ng kalahati ng pambansang teritoryo.

Sa timugang hanggahan ng Nicaragua, ang ismo ng Sentral Amerika ay pakipot, anupat ang Dagat ng Caribbean at ang Karagatang Pasipiko ay may agwat lamang na 220 kilometro. Subalit dahil sa umaagos ang Ilog San Juan mula sa Lawa ng Nicaragua tungo sa Caribbean, 18 kilometro na lamang ng Ismo ng Rivas ang naghihiwalay sa lawa mula sa Pasipiko. Bago ang konstruksiyon ng Panama Canal, ang kanal ng Ilog San Juan at Lawa ng Nicaragua ay isang popular na ruta ng mga manlalakbay, anupat naging lubhang kanais-nais ang rehiyon. Oo, isinisiwalat ng kasaysayan na napasailalim ito sa impluwensiya ng maraming bayan, kasama na rito ang mga Maya, Aztec, Toltec, at Chibcha, bukod pa sa mga kapangyarihan ng ibang bansa​—Espanya, Pransiya, Gran Britanya, Netherlands, Estados Unidos, at Unyong Sobyet.

Ang impluwensiya ng maraming tribo at nasyonalidad ay nakikita sa sari-saring wika at kultura ng lipunan ng Nicaragua. Bagaman ang mga naninirahan sa mga lupaing hanggahan ng Pasipiko ay binubuo ng mga mestisong nagsasalita ng Kastila, na inapo ng mga Kastila at ng mga katutubo, ang rehiyon naman ng Caribbean ay maliwanag na binubuo ng iba’t ibang lahi. Maraming Miskito, Creole, at mga mestiso na kasama ng maliliit na populasyon ng Sumo, Rama, at Garifuna​—isang grupo ng Afro-Carib. Bagaman napanatili ng marami sa komunidad na ito ang kanilang tradisyonal na wika at kultura, ang mga tao ay di-mapagpaimbabaw, prangka, at palakaibigan. Sila ay napakarelihiyoso rin, at marami ang may pag-ibig sa Bibliya.

Gaya ng makikita natin sa ulat na ito, ang pagkatao ng mga taga-Nicaragua ay nahubog din ng sakuna, kapuwa likas at gawang-tao. Halimbawa, makalawang ulit sa nagdaang siglo, ang Managua ay winasak ng mga lindol, na nagmula sa bandang Pasipiko ng ismo. Ang silangang Nicaragua ay dumanas ng isang naiibang uri ng likas na kasakunaan​—mapangwasak na mga bagyong buhat sa Atlantiko. Higit pa riyan, dagdag na kaabahan ang idinulot ng gera sibil, mga pulitikal na rebolusyon, at malulupit na diktadura.

Subalit, ang dalisay na tubig ng katotohanan sa Bibliya ay nakapasok sa magandang bansang ito ng mga lawa at mga ilog, na nagdudulot ng kaaliwan at pag-asa sa libu-libong tapat-pusong tao. (Apoc. 22:17) Oo, ang masaganang paglalaang espirituwal na umaagos ngayon sa Nicaragua ay patotoo ng mayamang pagpapala ni Jehova sa gawaing pangangaral ng Kaharian sa bansang ito, lalo na kung isasaalang-alang na sa nakalipas lamang na anim na dekada, ang mabuting balita ay isang patak lamang.

Sa Simula, Isang Patak

Noong Hunyo 28, 1945, sina Francis at William Wallace, magkapatid sa laman at mga nagtapos sa unang klase ng Watchtower Bible School of Gilead, ay dumating sa Managua. Sinimulan nila ang organisadong pangangaral ng mabuting balita sa Nicaragua at inihanda ang daan para sa mga misyonerong darating pa. Subalit hindi sila ang unang nangaral ng mensahe ng Kaharian sa bansang ito, sapagkat noong 1934, isang bumibisitang payunir na kapatid na babae ang nakapagpasakamay ng mga literatura sa Managua at sa iba pang bahagi ng bansa. Gayunpaman, pagsapit ng 1945, iilan pa lamang ang nakarinig ng tungkol sa mga Saksi ni Jehova.

Nang magsimulang mangaral sa larangan ang magkapatid na Wallace, gumamit sila ng nabibitbit na ponograpo at nagpatugtog ng mga plakang salig sa Bibliya​—na noon ay bago at di-pangkaraniwan sa Nicaragua! Kaya, sa unang buwan, 705 katao ang nakinig sa mensahe ng Kaharian.

Noong Oktubre ng taon ding iyon, apat pang misyonero ang dumating​—dalawang mag-asawa na sina Harold at Evelyn Duncan at Wilbert at Ann Geiselman. Dahil sa kasabikan na maipahayag ang Kaharian sa lahat ng posibleng paraan, isinaplano nila ang isang serye ng mga pahayag pangmadla. Kaya, noong Nobyembre 1945, sa lansangan, ang mga taga-Nicaragua ay binati ng mga taong may dalang mga handbill na nag-aanyaya sa kanila sa isang pahayag sa Bibliya. Bagaman ang isang kalapít na kaguluhan dahil sa pulitika at away sa lansangan ay halos humadlang sa programa, nagpatuloy ang pulong nang mapayapa, at mahigit na 40 ang nakinig sa unang pahayag pangmadla. Samantala, isang lingguhang Pag-aaral sa Bantayan at Pulong sa Paglilingkod ang inumpisahang idaos sa tahanan ng mga misyonero.

Ang taon ng 1946 ay isang masayang panahon para sa mga misyonero at sa mga unang tumugon sa mensahe ng Bibliya. Isa na rito ang 24-na-taóng-gulang na si Arnoldo Castro, na nakangiting inaalaala kung paano siya unang nakaalam ng katotohanan sa Bibliya. Sinabi niya: “Kami ng aking mga kasama sa silid, sina Evaristo Sánchez at Lorenzo Obregón, ay nagpasiyang sama-samang mag-aral ng Ingles. Isang araw si Evaristo ay umuwi mula sa palengke na iwinawagayway ang isang aklat at nagsasabing: ‘Nakakita ako ng isang Amerikano na magtuturo sa atin ng Ingles!’ Mangyari pa, hindi iyon ang intensiyon ng ‘guro,’ subalit iyon ang intindi ni Evaristo. Kaya nang sumapit ang itinakdang oras, kaming tatlong kabataang lalaki ay masayang umaasa sa isang leksiyon sa Ingles. Tuwang-tuwa ang ‘guro,’ ang misyonerong si Wilbert Geiselman, na makita ang gayong mga ‘estudyante sa Bibliya’ na may pananabik na naghihintay sa kaniya, hawak ang aklat.”

“Ang aklat ay ‘Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo,’ na pinag-aralan namin nang dalawang ulit sa isang linggo,” ang paliwanag ni Arnoldo. “Sa bandang huli, hindi kami masyadong natuto ng Ingles, pero natutuhan naman namin ang katotohanan sa Bibliya.” Nabautismuhan si Arnoldo noong Agosto 1946 sa isang asamblea sa Cleveland, Ohio, E.U.A., at pagkatapos ay umuwi siya sa Nicaragua upang magpayunir. Sa katapusan ng taóng iyon, ang dalawa niyang kasama sa silid ay nabautismuhan din.

Ngayong 83 taóng gulang na, masayang ginugunita ni Evaristo Sánchez ang mga panimulang araw na iyon. “Sa simula,” sabi niya, “wala kaming mapagpulungan. Pero iilan lamang naman kami, kaya nagtipon kami sa tirahan ng mga misyonero. Nang maglaon, isang dalawang-palapag na bahay ang inupahan, at 30 hanggang 40 sa amin ang regular na nagtipon doon.”

Ang tatlong kabataang lalaking ito ang unang mga taga-Nicaragua na sumama sa mga misyonero sa ministeryo, sa Managua muna at pagkatapos ay sa malalayong lugar. Noon, ang Managua, na may mga 120,000 katao, ay mas maliit kaysa sa ngayon. Ang sementadong lugar lamang ay ang isang seksiyon na may 12 bloke sa gitna ng bayan. “Naglalakad lamang kami noon,” ang naalaala ni Evaristo. “Walang mga bus, walang sementadong kalye, mga riles lamang ng tren at daan ng kariton. Kaya depende kung tag-araw o tag-ulan, nakalubog ang mga paa namin sa alikabok o sa putik.” Subalit ang kanilang mga pagsisikap ay ginantimpalaan nang 52 katao ang dumalo sa Memoryal noong Abril 1946.

Isang Sangay ang Itinatag

Nang buwan ding iyon, sina Nathan H. Knorr at Frederick W. Franz, mula sa punong-tanggapan sa Brooklyn, ay bumisita sa Nicaragua sa unang pagkakataon. Sa apat na araw na pagbisita, 158 ang nakinig sa pahayag pangmadla ni Brother Knorr na “Magalak, Kayong mga Bansa.” Isinalin ni Brother Franz ang pahayag sa Kastila. Bago umalis, isinaayos ni Brother Knorr na magkaroon ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Nicaragua upang mangasiwa sa gawain. Si William Eugene Call, 26 na taóng gulang at kalilipat lamang mula sa Costa Rica, ang hinirang na lingkod ng sangay.

Nang sumunod na mga dekada, itinatag ng tanggapang pansangay ang mga tahanan ng mga misyonero sa Jinotepe, Masaya, León, Bluefields, Granada, at Matagalpa. Isinaayos din ang pagdalaw ng tagapangasiwa ng sirkito sa bagong tatag na mga kongregasyon at mga grupo upang patibayin at pasiglahin ang mga kapatid.

Nagkaroon ng Sandaling Tagumpay ang mga Sumasalansang

Ang sigasig ng mga kapatid ay kaagad na nagbunga, na ikinabalisa naman ng klero ng Sangkakristiyanuhan. Ang unang higing ng pagsalansang ay nagmula sa Bluefields, isang bayan sa Baybayin ng Caribbean kung saan inatasan ang dalawang misyonero. Ang kalagayan ay naging kritikal noong Oktubre 17, 1952, nang magpalabas ng utos ang hukuman laban sa mga Saksi ni Jehova. Ang utos na nagbabawal sa lahat ng gawain ng mga Saksi ay pinirmahan ng isang opisyal ng Kagawaran ng Imigrasyon subalit ito ay dahil sa sulsol ng klerong Katoliko.

Ang mga misyonero sa Bluefields, León, Jinotepe, at Managua ay pinasabihan hinggil sa utos. Ang ginawang mga pag-apela sa kinauukulang awtoridad​—kasali na ang presidente noon na si Anastasio Somoza García​—ay nabigo. Ang mga kapatid ay nagsimulang magtipon sa mas maliliit na grupo, inihinto ang pamamahagi ng magasin sa lansangan, at dinala ang mga literatura ng sangay sa iba’t ibang ligtas na lugar. Nagtagumpay ang ating relihiyosong mga kaaway na maipagbawal ang gawain sa pamamagitan ng may-kasinungalingang pagsasabi na ang mga Saksi ni Jehova ay mga Komunista. Kumuha sila ng isang abogado upang iapela ang desisyon sa Supreme Court of Justice.

Bagaman nagpadaig sa takot sa tao ang ilang kapatid, ang karamihan ay nanatiling matatag. Ang mga misyonero, maygulang sa espirituwal at walang takot, ang naging moog ng kalakasan ng mga kapatid na tagaroon, na nagpatuloy sa pangangaral at pagtitipong sama-sama bilang pagsunod sa Salita ng Diyos. (Gawa 1:8; 5:29; Heb. 10:24, 25) Kaya noong Hunyo 9, 1953​—pagkatapos ng pagbabawal na tumagal lamang nang walong buwan—​ang korte suprema ay nagpalabas ng nagkakaisang desisyon nito pabor sa mga Saksi ni Jehova, na muling pinagtibay ang kalayaan sa pagsamba at pagsasalita salig sa konstitusyon. Ang sabuwatan ay nabigo sa lahat ng pitak nito.

Mga Pagsubok sa Unang mga Misyonero

Hindi lamang ang pagsalansang ng mga klerigo ang hamon na hinarap ng unang mga misyonero. Kuning halimbawa ang nangyari kina Sydney at Phyllis Porter, mga nagtapos sa ika-12 klase ng Gilead. Nang dumating sila sa Nicaragua noong Hulyo 1949, si Sydney ay hinirang upang maglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito sa sirkitong sumasaklaw sa buong bansa. Kaniyang inilarawan ang gawaing paglalakbay nang panahong iyon. “Sumasakay kami noon sa mga tren at bus. Kadalasan ay wala kaming matuluyang mga kapatid, kaya nagdadala kami ng aming tulugan at isang maliit at nabibitbit na kalan para sa pagpapakulo ng tubig at pagluluto. Malimit kaming wala sa sangay sa loob ng sampung linggo. Gayunman, ang teritoryo ay napakabunga, anupat isang hamon ang mapangalagaan ang mga interesado sa ilang lugar. Halimbawa, noong kami ay nasa sirkito ng Managua, nagdaraos noon si Phyllis ng 16 na pag-aaral sa Bibliya! Paano siya nagkaroon ng panahon? Idinaraos niya ang kaniyang mga pag-aaral sa aming bakanteng araw at sa gabi na walang mga pulong ang kongregasyon.” Tunay ngang deboto ang unang mga misyonerong iyon!

Si Doris Niehoff, na dumating noong 1957, ay nagsabi ng ganito tungkol sa kaniyang unang impresyon: “Katapusan noon ng Marso, tag-araw, ang lalawigan ay kulay-kape. Iilan lamang ang kotse noon; sa halip, ang lahat ay nakakabayo​—at may sukbit na baril! Iyo’y mistulang eksena sa isang pelikulang koboy. Nang panahong iyon, ang karamihan sa mga tao ay alinman sa mayaman o mahirap, subalit marami ang mahirap. Ang kalagayan ay lalo pang humirap, yamang nasa pakikipagdigma ang Nicaragua sa Honduras dahil sa sigalot sa teritoryo, at anim na buwan bago ako dumating, pinaslang si Presidente Somoza García at ang bansa ay napasailalim sa batas militar.”

“Ako ay inatasan sa León, isang bayan na may unibersidad,” ang pagpapatuloy ni Doris. “Yamang hindi ko masyadong naiintindihan ang Kastila, nakatuwaan ako ng mga estudyante. Halimbawa, nang sabihin kong ako’y babalik upang makipag-usap sa ilang estudyante hinggil sa Bibliya, sinabi nilang oo subalit nagtawanan nang sabihin nila sa akin ang kanilang mga ‘pangalan.’ Ang pangalang ibinigay ng isa ay yaong pangalan ng pumaslang sa presidente, at ibinigay naman ng isa pa ang pangalan ng isang kilabot na gerilya! Kataka-taka na hindi ako ikinulong nang bumalik ako at hanapin ang mga estudyante na nagbigay sa akin ng mga pangalang iyon!”

Isang Panayam sa Obispo ng Matagalpa

Humigit-kumulang sa 130 kilometro sa hilaga ng Managua, ang lunsod ng Matagalpa ay nasa mga burol ng isang rehiyong taniman ng kape. Apat na misyonero ang inatasan doon noong 1957. Ginunita ni Agustín Sequeira, na noo’y isang propesor ng matematika sa isang kolehiyong pinangangasiwaan ng mga madreng Josephine, ang relihiyosong kapaligiran noon sa Matagalpa. Sinabi niya: “Ang karamihan sa mga tao ay Katoliko at takót sa mga pari lalo na sa obispo. Siya ang ninong ng isa sa aking mga anak.”

Dahil sa atmosperang ito ng takot, naging mahirap para sa sangay na makakuha ng matutuluyan para sa mga misyonero. Halimbawa, nang isinasaayos ang pag-upa sa isang bahay, ipinabatid ng tanggapang pansangay sa may-ari, na isang abogado, na ang mga misyonero ay magdaraos ng mga Kristiyanong pagpupulong doon. “Walang problema,” ang sabi niya.

Bilang paglalarawan sa sumunod na nangyari, sinabi ni Doris Niehoff: “Nang araw na kami ay dumating dala ang lahat ng aming muwebles, waring balisá ang hitsura ng may-ari. Sinabi niya na tumelegrama raw siya sa amin na huwag na kaming tumuloy. Bakit? Pinagbantaan siya ng obispo na kapag pinaupa niya kami, ang kaniyang anak na lalaki ay hindi na makapag-aaral sa paaralang Katoliko. Mabuti na lang, hindi namin natanggap ang telegrama at nabayaran na namin ang upa para sa isang buwan.”

“Nakasumpong kami ng panibagong bahay nang buwang iyon pero naging lubhang mahirap,” dagdag pa ni Doris. “Nang subuking gipitin ng obispo ang may-ari nito, na isang matapang na negosyanteng tagaroon, tumugon ang negosyante: ‘Buweno, kung babayaran mo ako bawat buwan ng apat na raang cordoba, palalayasin ko sila.’ Mangyari pa, hindi naman nagbayad ang obispo. Gayunman, palibhasa’y desidido, nagpunta ang obispo sa lahat ng tindahan at naglagay ng mga karatula, na nagbababala sa mga tao na huwag makikipag-usap sa mga Saksi ni Jehova. Sinabihan din niya ang mga may-ari ng tindahan na huwag kaming pagbilhan.”

Sa kabila ng sigasig ng mga misyonero, waring wala ni isa man sa Matagalpa ang nais na manindigan para sa katotohanan ng Bibliya. Gayunman, si Agustín, na propesor ng matematika, ay maraming tanong na hindi nasasagot. Halimbawa, nag-iisip siya kung bakit mayroon pang mga piramide gayong matagal nang patay ang mga Paraon na nagtayo nito! Tandang-tanda pa niya nang siya’y bisitahin ng isang misyonero at ipakita sa kaniya mula sa Bibliya ang mga sagot sa kaniyang mga tanong. Si Agustín ay nagpaliwanag: “Naakit ako ng mga kasulatan na nagpapakitang ang tao ay nilalang, hindi upang mamatay, kundi upang mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa at na ang mga patay ay bubuhaying muli. Kaagad kong natanto na ito ang katotohanan.” Paano tumugon si Agustín? “Nagsimula akong mangaral sa lahat ng nasa kolehiyong pinagtuturuan ko, pati na sa prinsipal, na isang madre,” ang sabi ni Agustín. Inanyayahan niya akong dalawin siya sa Linggo upang talakayin ‘ang katapusan ng sanlibutan.’ Laking gulat ko nang madatnan ko roon ang obispo ng Matagalpa na naghihintay sa akin.

“Buweno, Kumpadre,” wika niya, “sinasabi nila sa akin na nawawalan ka na raw ng pananampalataya.”

“Anong pananampalataya?” ang tugon ko. “Ang isa na hindi ko kailanman tinaglay? Ngayon ko lamang natutuhan na magkaroon ng tunay na pananampalataya.”

Kaya nagsimula ang tatlong oras na talakayan, habang nakikinig ang madre. Ang sigasig ni Agustín para sa bagong tuklas niyang pananampalataya ang nag-udyok sa kaniya na maging prangka kung minsan. Ang hindi maka-Kristiyanong paniniwala sa imortalidad ng kaluluwa ng tao ay tinawag pa nga niyang isang panukala sa paggawa ng pera para pagsamantalahan ang inosenteng mga tao. Upang ipaghalimbawa niya ang punto sa obispo, sinabi ni Agustín: “Bilang halimbawa, ipagpalagay na namatay ang aking ina. Siyempre, hihilingan kita na mag-Misa sapagkat ang kaniyang kaluluwa ay nasa purgatoryo. Sisingilin mo ako para sa seremonya. Pagkalipas ng walong araw, isa na namang Misa. Pagkatapos ng isang taon, may isa pa, at isa pa. Pero, hindi mo kailanman sasabihin sa akin: ‘Kumpadre, hindi na ako magmi-Misa pa sapagkat ang kaluluwa ng iyong ina ay wala na sa purgatoryo.’ ”

“Aba!” sabi ng obispo, “Diyos lamang kasi ang nakaaalam kung kailan iyon lalabas sa purgatoryo!”

“Kung gayon paano mo nalaman kung kailan pumasok iyon para simulan mo akong singilin?” ang sagot ni Agustín.

Sa isang pagkakataon sa panahon ng talakayan nang sumisipi si Agustín ng isa pang teksto sa Bibliya, sinabi ng madre sa obispo: “Tingnan mo, Monsenyor! Gumagamit siya ng masamang Bibliya; Luterano iyon!”

“Hindi,” ang tugon ng obispo, “iyon ang Bibliyang ibinigay ko sa kaniya.”

Habang nagpapatuloy ang talakayan, nagulat si Agustín nang marinig niyang sinabi ng obispo na hindi dapat paniwalaan ng isa ang lahat ng nasa Bibliya. “Pagkatapos ng pag-uusap na iyon,” sinabi ni Agustín, “kumbinsido ako na ang klero ng Sangkakristiyanuhan, kagaya ng mga lider ng relihiyon noong panahon ni Jesus ay mas gusto pa ang tradisyon ng simbahan kaysa sa Salita ng Diyos.”

Noong Pebrero 1962, si Agustín Sequeira ang naging unang bautisadong mamamahayag sa Matagalpa. Patuloy siyang sumulong sa espirituwal, at nang maglaon ay naglingkod bilang isang payunir at isang matanda at mula noong 1991 bilang isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Nicaragua. Hinggil sa Matagalpa, noong 2002 taon ng paglilingkod, nagkaroon ito ng dalawang sumusulong na kongregasyon na may kabuuang 153 mamamahayag ng Kaharian.

Walang Pagod na mga Special Pioneer

Marami sa tumanggap ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ang naganyak na magpalawak ng kanilang ministeryo sa pamamagitan ng pakikibahagi sa gawaing pagpapayunir. Kabilang sa mga ito si Gilberto Solís; ang kaniyang asawang si María Cecilia; at ang kaniyang nakababatang kapatid na si María Elsa. Silang tatlo ay pawang nabautismuhan noong 1961, at makalipas ang apat na taon, sila’y naging epektibong pangkat ng mga special pioneer. Siyam na kongregasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang naitatag o napalakas ng tatlong ito. Isa sa naging atas nila ay ang Pulo ng Ometepe sa Lawa ng Nicaragua.

Ang Ometepe ay may sukat na 276 na kilometro kuwadrado at lumitaw dahil sa dalawang bulkan, na ang isa ay 1,600 metro ang taas. Kapag tinitingnan mula sa itaas, ang pulo ay hugis numero otso dahil sa mga bulkan. Buhat sa pagbubukang-liwayway, naglilingkod na ang tatlong payunir sa Ometepe sa pamamagitan ng pagsakay sa bus hanggang sa pinakamalayong mararating nito at pagkatapos ay maglalakad​—madalas ay nakapaa—​sa mabuhanging baybayin hanggang sa marating ang maraming nayon sa pulo. Sa loob ng halos 18 buwan, nag-organisa sila ng ilang nabubukod na grupo ng mga estudyante sa Bibliya sa buong Ometepe, na ang pinakamalaki rito ay nasa Los Hatillos.

Noong una, ang pagtatanim ng tabako ang pinakapangunahing pinagkakakitaan ng maraming bagong mamamahayag sa Los Hatillos, ngunit ngayon ay hindi na ipinahihintulot ng kanilang mga budhing sinanay sa Bibliya na gawin iyon. Kaya ang karamihan ay umaasa sa pangingisda, kahit na iyon ay nangangahulugan ng mas maliit na kita. Kaylaking kagalakan ang naidulot sa pamilyang Solís na makita ang gayong pananampalataya, bukod pa sa maraming katibayan ng mayamang pagpapala ni Jehova sa kanilang ministeryo! Sa katunayan, ang bilang ng mga mamamahayag sa lugar na iyon ay sumulong agad sa 32, anupat nagkaroon ng pangangailangan para sa isang Kingdom Hall. Isa sa bagong mga mamamahayag, si Alfonso Alemán, na may taniman ng pakwan ay may-kabaitang nagbigay ng isang parsela ng lupa para sa bulwagan. Subalit paano magkakaroon ng pondo ang mga mamamahayag sa Los Hatillos para sa pagtatayo?

Nag-organisa si Gilberto Solís ng mga boluntaryo upang magtanim ng mga buto ng pakwan sa lupang ibinigay ni Brother Alemán. Pinasigla ni Gilberto ang grupo na alagaan ang “mga pakwang [ito] para kay Jehova,” anupat nagbigay siya ng halimbawa sa pamamagitan ng kaniya mismong pagpapagal. Si María Elsa, isang maliit subalit masiglang babae, ang naglarawan kung paano inalagaan ng maliit na grupong ito ng mga mamamahayag ang pananim. Sinabi niya: “Lagi kaming gumigising nang maaga, habang madilim pa, upang patubigan ang bukirin. Nagkaroon kami ng tatlong masasaganang ani. Sa pamamagitan ng paggamit sa kaniyang sariling bangka, itinawid ni Brother Alemán ang mga pakwan sa Lawa ng Nicaragua patungong Granada, kung saan ibinenta ito at ibinibili naman ng mga materyales para sa konstruksiyon. Sa ganitong paraan naitayo ang Kingdom Hall sa Los Hatillos, at ito ang dahilan kung bakit tinawag ito ng aking kapatid na ang maliit na bulwagan na mula sa katas ng mga pakwan.” Mula sa simpleng pasimula, ang Pulo ng Ometepe ay mayroon na ngayong tatlong sumusulong na kongregasyon.

Dahil sa ipinakitang kapakumbabaan, positibong espiritu, at ganap na pagtitiwala kay Jehova, naganyak ni Gilberto, ng kaniyang asawa at ng kaniyang kapatid na babae ang maraming puso. Madalas sabihin ni Gilberto: “Dapat nating ituring ang mga baguhan gaya ng mga guya. Sila ay nakatutuwa subalit mahihina pa. Huwag nawa tayong mainis kailanman sa kanilang mga kahinaan kundi, sa halip, tulungan silang lumakas.” Walang alinlangan na ang gayong maibiging saloobin ang nakatulong sa tatlong huwarang payunir na ito na makatulong sa 265 katao tungo sa pag-aalay at bautismo! Namatay nang tapat ang asawa ni Gilberto, at sa edad na 83, nadarama ni Gilberto na malaki na ang ipinanghina ng kaniyang katawan. Subalit, ang kaniyang pagnanais na maglingkod kay Jehova ay kasinlakas pa rin ng dati. Tungkol naman kay María Elsa, nang siya’y tanungin kamakailan kung ano ang nadarama niya makalipas ang 36 na taon ng paglilingkod bilang special pioneer, sumagot siya: “Kagaya pa rin noong unang araw! Ako’y nagagalak at laging nagpapasalamat kay Jehova sa pagdadala sa amin sa kaniyang banal na organisasyon at pagbibigay sa amin ng munting dako sa kamangha-manghang espirituwal na paraisong ito.” Sa nakaraang mga taon, maraming masisipag na payunir, tulad ng pamilyang Solís, ang nagluwal ng saganang bunga ng Kaharian sa Nicaragua, salamat sa bukas-palad na pagpapala ni Jehova.

Ang Lindol sa Managua Noong 1972

Kalilipas pa lamang ng hatinggabi noong Disyembre 23, 1972, niyanig ang Managua ng isang malakas na lindol na may sukat na 6.25 sa Richter scale, na katumbas ng lakas ng humigit-kumulang sa 50 bomba atomika. Ang tanggapang pansangay ay nasa silangang bahagi ng Managua, 18 bloke lamang mula sa episentro ng lindol. “Lahat ng misyonero ay nakahiga na,” sabi ni Levi Elwood Witherspoon, tagapangasiwa ng sangay nang panahong iyon. “Nang tumigil ang pagyanig, agad kaming lumabas tungo sa gitna ng kalye. Pagkatapos ay nagkaroon muli ng dalawa pang dagliang magkasunod na pagyanig. Gumuho ang mga bahay sa palibot namin. Napuno ng makapal na alikabok ang lunsod at kabayanan at namumula ang paligid dahil sa naglalagablab na apoy.”

Ang episentro ng lindol ay naroon mismo sa distrito ng negosyo, at sa loob lamang ng 30 segundo, hindi na puwedeng matirahan ang Managua. Dinukal ng mga nakaligtas ang alikabok at maliliit na tipak ng bato upang makalabas habang halos hindi sila makahinga. Marami ang hindi nakalabas. Bagaman ang ilang pagtaya ay nagsasabing mahigit sa 12,000 ang namatay, hindi pa rin alam ang eksaktong bilang nito. Mga 75 porsiyento ng mga tahanan sa Managua ang nawasak, anupat halos 250,000 katao ang nawalan ng tahanan. Sa loob ng tatlong araw pagkaraan ng lindol, 100,000 araw-araw ang lumikas mula sa lunsod.

Kristiyanong Pag-ibig ang Nagpakilos Upang Tumulong

Pagsapit ng tanghali nang mismong araw ng paglindol, tinanggap ng tanggapang pansangay ang kumpletong ulat mula sa mga tagapangasiwa ng kongregasyon sa Managua. Sa mabilis at nagkakaisang pagkilos, pinuntahan ng matatapat na kapatid na ito ang bawat miyembro ng kongregasyon upang tiyakin kung ano ang pangangailangan ng bawat isa. Mabuti na lamang walang namatay sa 1,000 Saksi sa lunsod, subalit mahigit sa 80 porsiyento ang nawalan ng kanilang tahanan.

Ang Kristiyanong pag-ibig ang nagpakilos sa bayan ni Jehova sa mga kalapit na bansa upang tumulong agad sa kanilang mga kapatid, anupat wala pang 22 oras pagkaraan ng lindol, trak-trak na pagkain, tubig, gamot, at pananamit ang dumating sa sangay. Sa katunayan, ang sangay ay kabilang sa mga unang naging sentro sa pagbibigay ng mga tulong na panustos. Bukod dito, dumagsa ang mga boluntaryo mula sa iba’t ibang kongregasyon sa Nicaragua, at di-natagalan ang lahat ay abalang-abala sa pagbubukud-bukod ng mga damit, pagbabalot ng mga pagkain, at pagpapadala ng mga ito. Nagsimula pa ngang magdatingan ang mga tulong na panustos mula sa mga Saksi na nasa mas malalayong bahagi ng daigdig.

Nang sumunod na araw makaraan ang lindol, nakipagpulong ang tagapangasiwa ng sangay sa dumadalaw na mga kinatawan mula sa sangay ng Costa Rica, El Salvador, at Honduras upang organisahin ang karagdagang tulong. Ang mga Saksi sa Nicaragua na nakatira sa labas ng Managua ay maibiging nagbukas ng kanilang mga tahanan sa mga kapatid na kailangang lumikas mula sa kabisera. Ang naiwang mga Saksi ay inorganisa sa iba’t ibang grupo para sa mga Kristiyanong pagpupulong at paglilingkod sa larangan. Ang tagapangasiwa ng sirkito ay dumalaw sa mga grupong ito upang patibayin sila at dalhan ng mga tulong na panustos.

Dahil sa lindol, ang buong bansa ay naghirap sa kabuhayan. Subalit, kahit na naging mahirap ang buhay, ang muling pagtatayo ng mga Kingdom Hall at mga tahanan ng mga kapatid ay nagpatuloy. Karagdagan pa, dahil sa maraming bagong interesado, sumulong ang mga kongregasyon. Maliwanag, si Jehova ay nalulugod sa kaniyang bayan habang inuuna nila ang mga kapakanan ng Kaharian sa kanilang buhay.​—Mat. 6:33.

Nag-ulat ang 1975 Yearbook: “Ang karamihan sa labing-apat na kongregasyon sa Managua ay nagpupulong pa rin sa mga gusali na may bitak ang mga dingding o sa ilang patyo sa ilalim lamang ng bubong na galbanisado. Kapansin-pansin, ang dumadalo sa mga pulong na ito ay nadoble mula nang nakaraang taon. Ang mga kapatid ay nagkaroon ng 20 porsiyentong pagsulong sa katamtamang bilang ng mamamahayag kung ihahambing sa nakaraang taon. Mayroon na sila ngayong 2,689 na nagsasabi ng katotohanan sa iba, at 417 ang nabautismuhan.”

Dahil sa kasalukuyang pagsulong na ito, maliit na ang dating sangay. Kaya maguguniguni ninyo ang kagalakan ng mga mamamahayag nang ang bagong tanggapang pansangay at tahanang misyonero ay nakumpleto noong Disyembre 1974​—dalawang taon lamang pagkaraan ng malakas na lindol! Ang bagong sangay ay nasa isang tahimik na kalye na may pangalang El Raizón, 16 na kilometro sa timog ng sentro ng lunsod ng Managua.

Nagpakita ng Halimbawa ng Pag-ibig at Pagkakaisa ang mga Misyonero

Mula nang dumating ang magkapatid na Wallace noong 1945, ang mga misyonero sa Nicaragua ay naging mga halimbawa ng pananampalataya, pagbabata, at pag-ibig sa mga tao. Ang gayong kapuri-puring mga katangian ay naglapít sa mga misyonero sa isa’t isa at sa mga kapatid na tagaroon. Ganito ang sabi ng misyonerong si Kenneth Brian: “Pagkaraan ng lindol sa Managua, tumulong kami sa sangay, inilikas namin ang mga kapatid mula sa kanilang nasirang tahanan, at tinulungan silang mailibing ang kanilang namatay na mga kamag-anak. Ang paggawang magkakasama sa gayong mga kalagayan ay lubos na naglalapít sa inyo sa isa’t isa.” Si Marguerite Moore (dating Foster) ay nagkomento hinggil sa kaniyang kapuwa mga misyonero: “Bagaman magkakaiba kami ng nasyonalidad at pinagmulan at may iba’t ibang personalidad, ang nagkakaisang pampamilyang kapaligiran ay tumulong sa amin na maging maligaya sa aming atas, sa kabila ng aming personal na mga pagkukulang.”

Itinuring ng mga misyonerong gaya nina Kenneth at Sharan Brian na isang pantanging pribilehiyo ang makinabang mula sa mga halimbawa ng makaranasang mga misyonero, tulad nina Francis at Angeline Wallace, Sydney at Phyllis Porter, at Emily Hardin. “Lahat ay talagang nagpagal,” ang naalaala ni Sharan, “at maliwanag na nagugustuhan nila ang kanilang ginagawa.”

Sa nakaraang mga taon, maraming mag-asawang misyonero ang naglingkod din sa gawaing paglalakbay. Tunay, ang matatag na pundasyong inilatag ng masisigasig na misyonero ay nakatulong sa mainam na espirituwal na pagsulong sa Nicaragua sa unang tatlong dekada ng gawain doon. Gayunman, ang pagtatayong iyon sa espirituwal ay malapit nang subukin, hindi ng isa na namang lindol, kundi ng isang bagay na mas nagtatagal at mapanganib sa espirituwal​—ang nasyonalismo at rebolusyon.​—1 Cor. 3:12, 13.

Sinubok ng Alab ng Pulitikal na Rebolusyon

Noong huling mga taon ng dekada ng 1970, isang pulitikal na rebolusyong pinamunuan ng Sandinista National Liberation Front (FSLN sa Kastila) ang lumaganap sa buong Nicaragua. Nang bandang huli, ito ay humantong sa pagbagsak ng 42-taóng dinastiyang pulitikal/militar ng bansa. Si Ruby Block, isang misyonero sa loob ng 15 taon sa Nicaragua, ay nagsabi hinggil sa panahong iyon: “Ang lahat ay nangangamba noong mga taóng iyon dahil sa lumalaking pulitikal na propaganda. Malimit magkaroon ng mararahas na sagupaan ang militar at ang mga Sandinista. Upang maipagpatuloy ang aming ministeryo, kailangang lubos kaming magtiwala kay Jehova.”

Sa kabila ng kanilang Kristiyanong neutralidad sa mga bagay na may kaugnayan sa pulitika, ang mga Saksi ni Jehova ay kadalasang pinagbibintangan ng mga tagapagtaguyod ng Sandinista bilang mga ahente ng alinman sa rehimeng Somoza o ng Central Intelligence Agency (CIA) ng Amerika. Napukaw rin ang matinding galit laban sa mga banyaga. Halimbawa, habang ang misyonerong si Elfriede Urban ay nasa ministeryo, pinaratangan siya ng isang lalaki ng pagiging espiya. “Paano mangyayari iyon?” ang sabi niya. “Wala naman akong dalang kamera o tape recorder. Bukod dito, sino at ano naman ang aking titiktikan sa komunidad na ito?”

Tumugon siya: “Kayo ay sinanay na mabuti anupat ang inyong mga mata ang kamera at ang inyong mga tainga at utak ang tape recorder.”

Paulit-ulit na binibigkas noon sa mga kalye ng Managua ang popular na islogan: “Sa pagitan ng Kristiyanismo at rebolusyon, ay walang kontradiksiyon!” Ang kaisipang ito, na naging popular sa Latin Amerika noong dekada ng 1970, ay nagpamalas ng teolohiya ng pagpapalaya, isang pangmalas na itinaguyod ng isang kilusang Marxist sa loob ng Simbahang Romano Katoliko. Ayon sa The Encyclopædia Britannica, ang tunguhin ng teolohiya ng pagpapalaya ay upang tulungan “ang mga dukha at mga naaapi sa pamamagitan ng pakikisangkot [ng relihiyon] sa pulitika at sa mga gawaing sibiko.”

Naaalaala pa ni Ruby Block: “Malimit kaming tanungin noon ng mga tao ng, ‘Ano ang masasabi ninyo sa rebolusyon?’ Ipinaliwanag namin na ang Kaharian ng Diyos ang tanging solusyon sa mga suliranin ng sangkatauhan.” Ang pananatiling matapat kay Jehova sa gayong mapanganib na kalagayan sa pulitika ay isang hamon. Dagdag pa ni Ruby: “Lagi akong nananalangin kay Jehova para magkaroon ng lakas na makapanatiling neutral, hindi lamang sa salita kundi sa aking isip at puso rin.”

Pagkatapos ng mga ilang buwan ng marahas na pag-aalsa, noong Mayo 1979 ang FSLN ay naglunsad ng lansakang pagsalakay upang ibagsak ang pamahalaan. Si Presidente Somoza Debayle ay napilitang tumakas sa bansa, at nalansag ang kaniyang National Guard. Noong Hulyo ng taóng iyon, ang bagong hunta ng National Reconstruction Government ay nagsimulang mamahala. Tinatayang 50,000 taga-Nicaragua ang namatay noong panahon ng rebolusyon.

Ano ang nangyari sa mga kapatid? Ang sumusunod na patalastas ay lumitaw sa Ating Ministeryo sa Kaharian noong Oktubre 1979: “Maganda ang espiritu ng mga kapatid at nagpapatuloy uli ang kanilang mga pulong at ang kanilang gawaing pangangaral at pagtuturo. Sa buong panahon ng karahasan, . . . tatlo sa ating mga kapatid ang namatay. Marami ang nawalan ng tahanan, subalit yamang ang karamihan sa kanila ay mga nangungupahan, ang naging malaking kawalan nila ay dahil sa pandarambong at pagsira sa kanilang mga ari-arian. Kung tungkol sa transportasyon, iilan na lamang ito. Nawasak ang karamihan sa mga bus, ngayon pa lamang kinukumpuni ang mga kalye, at kulang na kulang sa gasolina.” Gayunman, mas malalaki pang pagsubok ang haharapin ng bayan ni Jehova.

Mga Pagdakip at Pagpapatapon

Nahalata agad na hindi sang-ayon ang bagong pamahalaan sa neutral na paninindigan ng mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, ginawang mahirap ng Customs Department na makaangkat ng mga literatura. Bukod dito, isang batas ang pinagtibay noong 1981 na humihiling sa lahat ng samahang sibil at relihiyoso na muling magparehistro upang maging legal. Hangga’t hindi pa naipagkakaloob sa mga kapatid ang ganitong pagkilala, suspendido muna ang kanilang dating legal na katayuan. Nakalulungkot, ang mga pakiusap para sa muling pagpaparehistro ay hindi tinugon.

Noong Setyembre 1981, sina Andrew at Miriam Reed ay inaresto habang nasa gawaing pansirkito sa sentral na bulubundukin. Sa loob ng sampung araw sila ay ipiniit sa iba’t ibang kulungan at napasailalim sa napakahihirap na kalagayan. Sa wakas, dinala sila sa punong-tanggapan ng pulis panseguridad, na malimit na nagkulong sa kanila sa magkakahiwalay na selda. Malimit silang tinatanong, kadalasan ay sa loob ng ilang oras sa bawat pagkakataon, sa pagsisikap na makuha sa kanila ang mga pangalan ng responsableng mga kapatid. Kapuwa sila sinabihan na inamin na ng kanilang asawa ang pagiging ahente ng CIA, subalit ang mga Reed ay hindi man lamang mamamayan ng Estados Unidos! Sa katapusan, sinabi sa kanila na isa lamang itong pagkakamali. Bagaman walang pormal na habla laban sa kanila, sila ay ipinatapon sa Costa Rica. Gayunman, bago sila umalis, sinabi sa kanila na ang pagtanggi ng mga Saksi ni Jehova na gumamit ng sandata ay hindi kanais-nais, na kailangang handang lumaban ang bawat taga-Nicaragua para sa kaniyang bansa.

Katalinuhan nga na pinag-ibayo ng Komite ng Sangay ang pagsasanay sa mga kapatid na tagaroon upang mangasiwa sa gawain sakaling ipasara ang tanggapang pansangay. Samantala, idinaos ang kurso para sa mga tagapangasiwa ng sirkito at sa kanilang mga kahalili, isang serye ng mga klase ng Kingdom Ministry School para sa matatanda at mga ministeryal na lingkod, at mga klase sa Pioneer Service School. Gayunman, mas mahirap magsaayos ng malalaking pagtitipon.

Halimbawa, bagaman ginarantiyahan ng mga opisyal sa lunsod ng Masaya na magagamit ang istadyum para sa isa sa dalawang “Pagkamatapat sa Kaharian” na Pandistritong mga Kombensiyon na idaraos noong Disyembre 1981, sinira nila ang kanilang pangako 36 na oras na lamang bago ang kombensiyon. Ang desisyon ay nagmula, hindi sa tanggapan ng alkalde, kundi mula sa sentral na pamahalaan. Gayunman, patiuna nang nabigyan ng babala ang mga kapatid. Kaya isang araw bago nito, nakipag-ayos sila sa isang bukas-palad na kapatid na babae na magamit bilang kahaliling lugar ang kaniyang manukan. Iyon ay mga walong kilometro sa labas ng Managua. Upang maihanda ang lugar, magdamag na nagtrabaho ang mga boluntaryo. Mahigit sa 6,800 kapatid ang nabigyan agad ng bibigang pahiwatig tungkol sa bagong lugar.

Ipinasara ang Sangay

Sabado, Marso 20, 1982, alas 6:40 n.u., naghahanda noon si Ian Hunter ng almusal para sa kaniyang kapuwa mga misyonero. Sa labas, dumating ang isang bus na punô ng mga opisyal ng imigrasyon at mga sundalong may mga machine gun. Pinalibutan ng mga sundalo ang tanggapang pansangay at ang tahanan ng mga misyonero. “Ang mga opisyal,” sabi ni Ian, “ay nag-utos sa amin na mag-impake ang bawat isa ng tig-iisang maliit na maleta at maliit na handbag. Ayaw nilang sabihin kung bakit, basta sinabi lamang na dadalhin nila kami sa isang bahay kung saan kami mananatili sa maikling panahon, dahil sa imbestigasyon. Buong-ingat na sumalisi si Reiner Thompson, ang tagapag-ugnay ng Komite ng Sangay, patungo sa kaniyang opisina at tumelepono sa iba pang mga tahanan ng mga misyonero upang babalaan sila sa mga nangyayari.”

“Natutuhan ko nang araw na iyon,” bilang pag-alaala ni Ruby Block, “ang tunay na kahulugan ng mga salita ni Pablo: ‘Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo . . . ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan.’ (Fil. 4:6, 7) Samantalang nagmamasid mula sa kusina ang isang sundalong may sandata, si Reiner Thompson ay nanguna sa amin sa panalangin, na doo’y nagsabi kaming lahat ng taos-pusong, ‘Amen.’ Pagkatapos niyaon, nakadama kami ng ganap na kapanatagan ng loob, kahit na hindi namin alam kung ano ang mangyayari sa araw na iyon. Nagtitiwala kami na anuman ang mangyari, palalakasin kami ni Jehova upang makayanan ito. Ang leksiyong iyon ay lagi kong aalalahanin at pakaiingatan.”

Ipinaliwanag ni Brother Hunter kung ano ang sumunod na nangyari, sa pagsasabing: “Pinasakay nila kami sa bus at dinala kami sa isang lumang taniman ng kape sa labas ng lunsod. Ipinaalaala ko sa mga opisyal na bilang mga dayuhan may karapatan kaming makipag-usap sa aming mga embahada. Sumagot sila na dahil sa deklarasyon ng state of emergency, na ipinroklama noong pasimula ng linggong iyon, nakansela ang gayong mga karapatan at kapag nakalabas na kami ng bansa, maaari na kaming makipag-usap sa kaninumang ibig namin. Iyon ang unang pahiging na pag-amin na kami ay pinaaalis na sa Nicaragua.” Nang araw na iyon, ang siyam na misyonerong nakatira sa sangay ay inihatid sa magkahiwalay na grupo tungo sa hanggahan ng Costa Rica.

Samantala, ang mga misyonero sa dalawa pang tahanang misyonero ay kumilos agad pagkatapos tumawag ni Brother Thompson sa telepono. Sa tulong ng mga kapatid na tagaroon, inalis na nila ang karamihan sa mga kasangkapan, pati na ang isang offset press, at inalis na ang maraming personal na mga kagamitan. Nang dumating ang mga opisyal ng imigrasyon, nagulat sila na halos wala nang laman ang mga bahay at ang mga misyonero ay nag-iimpake na ng kanilang mga maleta. Ang sampung misyonero sa dalawang tahanang iyon ay dinala sa paliparan nang gabing iyon. “Sinabi nila na kami raw ay mga kontra-rebolusyon,” ayon sa paglalahad ni Phyllis Porter, “pero wala namang nagrekisa sa amin o sa aming mga dala-dalahan. Bagaman wala kaming mga tiket sa eroplano, ang tiket ng aming mga bagahe ay nagpapakita na kami ay ipinatatapon sa Panama.” Ang tanging dalawang misyonero na naiwan sa bansa​—ang mag-asawang Britano na nasa gawaing pansirkito—​ay ipinatapon pagkaraan ng ilang buwan.

Sa loob ng ilang araw, ang mga misyonero ay muling nagkasama-sama sa sangay sa Costa Rica. Doon ay tumanggap sila ng mga atas mula sa Lupong Tagapamahala na magpatuloy sa kanilang paglilingkod sa kalapit na Belize, Ecuador, El Salvador, at Honduras. Gayunman, sina Reiner at Jeanne Thompson at Ian Hunter ay nanatili sa Costa Rica nang ilang panahon upang patuloy na makipag-ugnayan sa mga kapatid na nangangasiwa ng gawain sa Nicaragua noong panahong iyon.

Paano nakapagpatuloy ang mga kapatid na taga-Nicaragua? “Matapos lumuha dahil sa balitang ipinatapon kami,” iniulat ni Brother Hunter noon, “ang ating minamahal na mga kapatid ay nagpatuloy nang walang humpay. Yaong mga bagong hirang sa komite ng bansa ay mabisang nanguna, at nagtitiwala kami na mahusay nilang maisasagawa ito.” Naalaala pa ni Félix Pedro Paiz, isang matagal nang tagapangasiwa ng sirkito sa Nicaragua, kung ano ang nadama ng mga kapatid sa paglisan ng mga misyonero: “Labis naming ikinalungkot ito. Talagang lubusan nilang ginamit ang kanilang sarili at nanatiling matapat. Napalakas ng kanilang halimbawa ang mga kapatid at naglatag ito ng matibay na pundasyon para sa gawain sa bansang ito.”

Hinigpitan, Hindi Ipinagbawal

Kung minsan ay hindi nauunawaan ng mga pamahalaan ang neutral na posisyon ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa pulitika, digmaan, at mga sigalot sa lipunan. Karaniwan itong humahantong sa pagsalansang sa bayan ng Diyos. Halimbawa, sa ilalim ng rehimeng Somoza noong mga dekada ng 1950 at 1960, pinaratangan sila ng mga mananalansang na sila raw ay mga Komunista. Subalit ngayon naman ay pinagbibintangan ng mga Sandinista ang mga kapatid na mga ahente raw ng CIA ng Amerika. Nakisali na rin ang media, anupat tinatawag silang “kontra-rebolusyon.”

Gayunpaman, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi ipinagbawal, bagaman ang yugto sa pagitan ng 1982 at 1990 ay kinakitaan ng tuwirang mga paghihigpit sa kanilang kalayaan sa pagsamba. Halimbawa, hindi sila makapag-angkat ng mga literatura sa bansa. Bukod dito, naglagay ng isang sistema upang ang kanilang gawain​—sa katunayan, para ito sa mga tao sa pangkalahatan​—ay mamanmanang mabuti.

Minanmanan ng mga Espiya sa Pamayanan

Isang handbuk ng Library of Congress ang nagsabi: “Karaka-raka pagkatapos ng rebolusyon, itinatag din ng FSLN ang malalaking organisasyon na kumakatawan sa pinakapopular na mga grupo sa Nicaragua na nagkakaisa ng interes.” Ang mga grupong ito ay kinabibilangan ng mga manggagawa, isang asosasyon ng kababaihan, mga nag-aalaga ng baka, magsasaka, at mga magbubukid. Ayon sa handbuk, “pagsapit ng 1980, ang mga organisasyon ng Sandinista ay nagkaroon na ng kasapi na mga 250,000 taga-Nicaragua.” Kabilang sa may nakahihigit na kapangyarihan sa mga ito ang istilo-Komunistang Sandinista Defense Committees (Comités de Defensa Sandinista sa Kastila), o CDS. Binubuo ng mga komite ng pamayanan, ang CDS ay nagsasagawa ng bloke por blokeng sensus sa mga lunsod kaya “alam nila ang kinaroroonan ng bawat isa,” sabi ng reperensiya sa itaas. Mabisang instrumento ang mga ito sa pagtitipon at pagpapalaganap ng mga impormasyon sa kapakanan ng pamahalaan.

Di-nagtagal at ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay maingat na sinubaybayan at lalung-lalo na dahil sa mahigpit na kampanya ng propagandang inilunsad laban sa kanila. Ang mga indibiduwal na pinaghihinalaang may mga gawaing kontra-rebolusyon at “lumilihis sa ideolohiya” ay regular na binabatikos ng CDS sa kanilang pamayanan sa harapan ng mga awtoridad ng Sandinista. Kadalasang ang mga taong ito ay inaaresto ng mga ahente ng General Directorate of State Security, isang puwersa ng mga sekreta.

Ang isang tungkulin ng CDS ay ang mag-organisa ng tanod gabi-gabi. Ang karaniwang mga tao, kapuwa lalaki at babae, ay tinatawag upang gampanan ang kanilang turno sa pagmamanman sa anumang gawaing kriminal at kontra-rebolusyon sa kanilang pamayanan. Ang mga Saksi ay hindi gumanap ng tungkuling ito, ni pinahintulutan ang kanilang mga tahanan na gamitin para sa lingguhang pagpupulong ng CDS. Gayunman, tinanggap naman nila ang ibang boluntaryong gawain, tulad ng paglilinis ng kalye. Magkagayunman, ang mga Saksi ay itinuring na mga panatiko at isang panganib sa Estado. Sinabi ng isang kapatid na lalaki: “Sa kalakhang bahagi ng dekadang iyon, ang mga salitang ‘Nagmamanman kami sa iyo’ ay nakapinta sa harap ng aking bahay.”

Maingat Ngunit Matapang

Ang mga kapatid ay maingat kapag dumadalo sa Kristiyanong mga pagpupulong at nakikibahagi sa ministeryo upang hindi sila makatawag ng di-kinakailangang pansin. Ang mga pulong ay idinaraos sa mga grupo na kasinlaki ng isang pamilya nang hindi napapansin ng publiko, maging sa pribadong mga tahanan o sa walang karatulang mga Kingdom Hall. Depende sa pamayanan, karaniwan nang hindi kinakanta ng mga kapatid sa pulong ang mga awiting pang-Kaharian. Sumapit ang panahon, pinalitan ng mga mamamahayag ng numero ang kanilang mga pangalan sa iba’t ibang dokumento at mga ulat na ginagamit ng kongregasyon. Karagdagan pa, hindi inaanyayahan ang mga taong interesado sa mga pulong malibang sila ay nakikipag-aral na ng di-kukulangin sa anim na buwan at nagpapamalas ng espirituwal na pagsulong.

Binawasan ang laki ng mga asamblea, at ang programa ay pinaikli. Ang mga balangkas ng pahayag at iba pang materyal para sa asamblea ay ipinadala sa bawat kongregasyon, kung saan ang lokal na matatanda ang nag-organisa at nagharap ng programa sa kongregasyon sa tulong ng kuwalipikadong ministeryal na mga lingkod. Ang mga miyembro ng komite ng bansa at ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ay dumalaw sa marami sa mga asambleang ito hangga’t posible.

Ipinasabi na lamang ang lugar na pagdarausan, at walang asamblea ang kinailangan pang kanselahin. Gayunman, ang ilang lugar ay kailangang baguhin nang madalian. Halimbawa, sa isang komunidad sa lalawigan noong 1987, inihanda ang espasyo sa likod ng bahay ng isang kapatid para sa asamblea ng humigit-kumulang sa 300. Walang anu-ano, biglang dumating ang isang opisyal ng militar at ang kaniyang mga tauhan. “Buweno, ano ang kahulugan ng lahat ng ito?” ang tanong ng opisyal.

“Magpaparti po kami,” ang tugon ng kapatid, dahil napansin na ang bota ng lalaki ay nagpapakitang siya’y mula sa Seguridad ng Estado. Pagkatapos niyaon, umalis ang opisyal. Palibhasa’y nahalata nilang naghihinala ang mga awtoridad, buong magdamag na kinalas ng mga kapatid ang mga bagay-bagay. Pagsapit ng ika-5:00 n.u., ang mga silya, ang plataporma, at ang lahat ng kagamitan sa pagluluto ay hindi lamang naalis na roon kundi nailagay na sa panibagong lugar na mga isa’t kalahating kilometro ang layo. Ipinabatid ng malulusog na kabataang mananakbo sa mga kapatid ang bagong lugar. Bago tumanghali, isang trak na punô ng armadong mga sundalo ang dumating sa dating lugar para patigilin ang asamblea, kunin ang mga kabataan para magsundalo, at hulihin ang mga kapatid na nangunguna. Subalit wala silang nasumpungan doon kundi ang may-ari lamang ng bahay.

“Nasaan ang mga tao?” ang tanong ng opisyal.

“Buweno, nagkaroon po kami ng parti kagabi, pero tapos na,” ang tugon ng kapatid.

“Hindi ba’t nagkaroon kayo ng asamblea?” ang tanong ng opisyal.

“Tingnan po ninyo,” sabi ng kapatid. “Wala naman po kayong nakikita rito.”

Palibhasa’y di-kumbinsido, nagpatuloy ang opisyal: “Nasaan na ang mga toldang naririto kahapon?”

“Tapos na po ang parti,” ang pag-uulit ng kapatid. “Iniuwi na nila ang lahat ng gamit.”

Pagkatapos nito, umalis ang mga sundalo. Samantala, nagtatamasa ang mga kapatid ng nakapagpapatibay na programa sa espirituwal na paraan sa ibang lugar.

“Narito!” sabi ni Jesus, “isinusugo ko kayong gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo; kaya maging maingat kayong gaya ng mga serpiyente at gayunma’y walang muwang na gaya ng mga kalapati.” (Mat. 10:16) Isinapuso ng mga mamamahayag ang mga salitang ito hindi lamang may kaugnayan sa mga pulong at mga asamblea kundi may kaugnayan din sa ministeryo sa larangan. Kaya, iniwasan nilang bumuo ng malalaking grupo, kundi maingat silang gumawa nang dala-dalawa sa patiunang iniatas na mga teritoryo. Nagpaliwanag ang tagapangasiwa ng sirkito na si Félix Pedro Paiz: “Kailangan naming maging lubhang maingat. Bibliya lamang ang dala namin sa ministeryo. Bawat araw ay ibang kapatid ang inaatasang sumama sa akin sa larangan. Kapag dumadalaw sa mga kongregasyon, nagtutungo ako sa isang grupo ng pag-aaral sa aklat kung Martes ng gabi, sa iba naman kung Huwebes, at sa isa pa kung Linggo. Sa ilang bahagi ng bansa, ang ganitong mga pag-iingat ay maaari namang bawasan nang kaunti.”

Mga Pagkumpiska at mga Pag-aresto

Isang gabi noong Hulyo 1982, ang mga mang-uumog na mula 100 hanggang sa mahigit na 500 katao, kasama ang mga ahente ng Seguridad ng Estado, ay sumalakay sa ilang Kingdom Hall sa iba’t ibang bahagi ng bansa, anupat inagaw ang mga ito “sa ngalan ng bayan.” Noong Agosto 9 sa pagitan ng ika-7:00 n.g. at ika-9:00 n.g., lima pang Kingdom Hall, isang Assembly Hall, at ang dating gusali ng sangay sa El Raizón ay inagaw rin. Pagkatapos ng pagpapatapon sa mga misyonero noong Marso, anim na kapatid na taga-Nicaragua at ang natitirang mag-asawang misyonero ang patuloy na tumira sa sangay upang mapangalagaan ang ari-arian. Gayunman, nang bandang huli, sapilitan ding pinalayas ng mga awtoridad ang mga ito sa tulong ng mga nangungutyang mang-uumog, na hindi man lamang pinahintulutang dalhin ang kanilang personal na mga kagamitan.

Pinagkalooban ng pamahalaan ang CDS ng kapangyarihan sa inagaw na mga Kingdom Hall, na ngayo’y tinawag na “ari-arian ng bayan.” Diumano, ang mga bulwagan ay gagamitin ng publiko. Nang bandang huli, 35 sa kabuuang 50 ari-arian ang ginamit nang ilegal, bagaman hindi kailanman pormal na kinumpiska.

Sa gitna ng ganitong nasyonalistikong sigasig, ang responsableng mga kapatid ay hindi lamang masusing minamanmanan kundi madalas na pinagbabantaan din. Halimbawa, sa ilang pamayanan, niligalig ng mga mang-uumog na CDS ang mga kapatid sa harap ng kanilang mga tahanan sa loob ng ilang oras, na sinasambit ang mga akusasyon at pulitikal na mga islogan. Hinalughog ng mga opisyal ng Seguridad ng Estado ang mga tahanan at dinambong pa nga ang ilan. Ang ilang matatanda, lakip na ang mga miyembro ng komite ng bansa, ay inaresto at pinagmalabisan.

Ang isa sa unang matatanda na nakaranas nito ay si Joel Obregón, isang tagapangasiwa ng sirkito noong panahong iyon. Noong Hulyo 23, 1982, pinalibutan ng mga ahente ng Seguridad ng Estado ang tahanan na doo’y panauhin sila ng kaniyang asawang si Nila at saka inaresto siya. Pagkatapos ng limang linggong patuloy na pagsisikap ni Nila, saka lamang may pag-aatubiling pinahintulutan siyang makita ang kaniyang asawa, sa loob lamang ng tatlong minuto at sa harapan pa ng armadong ahente. Maliwanag na minaltrato si Joel, sapagkat napansin ni Nila na siya’y payat at nahihirapang magsalita. “Ayaw ni Joel na makipagtulungan sa amin,” ang sabi sa kaniya ng ahente.

Pagkatapos ng 90 araw na pagkakakulong, sa wakas ay pinalaya si Joel​—na nabawasan nang 20 kilo ang timbang. Ang matatanda sa iba pang bahagi ng bansa ay inaresto rin, pinagtatanong, at pagkatapos ay pinalaya. Tunay ngang ang kanilang halimbawa ng katapatan ay nagpalakas sa pananampalataya ng kanilang mga kapatid!​—Tingnan ang kahong “Pakikipagpunyagi sa mga Sekreta,” sa pahina 99-102

Naging Pagsubok ang Pangangalap sa mga Kabataang Kristiyano Para Magsundalo

Ang mga kabataang kapatid na lalaki ay partikular na naapektuhan nang isabatas noong 1983 ang sistema ng pangangalap sa lahat ng kabataang nasa edad na kilala bilang Patriotic Military Service. Ang mga lalaki sa pagitan ng mga edad 17 at 26 ay inoobliga ng batas na gumugol ng dalawang taon sa aktibong paglilingkod at dalawang taon pa bilang mga reserba. Kapag nakalap sa pagsusundalo, sila ay tuwirang dinadala sa isang kampong militar ukol sa pagsasanay. Walang probisyon para sa mga tumututol dahil sa kanilang budhi; ang pagtanggi ay nangangahulugan ng pagkakulong habang naghihintay ng paglilitis at pagkatapos ay ng hatol na dalawang taóng pagkabilanggo. Hinarap ng mga kapatid ang pagsubok na ito taglay ang tibay ng loob, na determinadong manatiling matapat kay Jehova.

Halimbawa, noong Pebrero 7, 1985, si Guillermo Ponce, isang 20-taóng-gulang na regular pioneer sa Managua, ay papunta sa kaniyang pagdarausan ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya nang arestuhin siya ng mga pulis. Dahil wala siyang identity card ng militar, siya’y ipinadala sa isang kampong sanayan ng militar. Subalit sa halip na humawak ng mga sandata, nagsimulang magpatotoo si Guillermo sa kinalap na mga kabataan. Sa pagkakita nito, isa sa mga kumandante ang pagalít na nagsabi: “Hindi ito simbahan; ito ay isang kampong militar. Dito ay susunod ka sa amin!” Sumagot si Guillermo sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga salita ng Gawa 5:29: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” Hinablot ng galít na kumandante, na isang tagapagsanay ng militar na taga-Cuba, ang Bibliya mula sa kaniya at nagbanta: “Mag-uusap tayo ngayong gabi”​—na nangangahulugang si Guillermo ay mapapasailalim sa isang anyo ng pagpapahirap sa kaisipan upang sirain ang kaniyang determinasyon.

Mabuti na lamang, hindi itinuloy ng kumandante ang kaniyang banta. Gayunman, pagkaraan ng tatlong araw, si Guillermo ay inilipat sa isang bilangguan kung saan siya ikinulong sa loob ng siyam na buwan sa ilalim ng mahihirap na kalagayan. Gayunpaman, ipinagpatuloy niya ang kaniyang paglilingkod bilang payunir, na nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya at maging ng mga pulong sa loob ng bilangguan. Nang maglaon sa mahirap na panahong iyon, si Guillermo ay naging isang mahalagang alalay sa komite ng bansa.

Sa halip na ibilanggo, ang ilang kapatid na kabataan ay sapilitang dinala sa kabundukan upang sumama sa mga yunit ng militar na tinatawag na Irregular Warfare Battalions. Ang bawat batalyon ay binubuo ng lima o anim na pangkat ng 80 hanggang 90 lalaki na sinanay sa labanan sa magubat na kabundukan, kung saan naganap ang pinakamatinding pakikipaglaban sa mga contra (mga gerilyang laban sa mga Sandinista). Kahit ayaw magsuot ng mga kapatid ng mga unipormeng pangmilitar at ayaw nilang humawak ng mga sandata, sila ay sapilitang dinala sa mga lugar ng labanan, bukod pa sa pagpaparusa at panlalait sa kanila.

Ang 18-taóng-gulang na si Giovanni Gaitán ay nagbata ng gayong pagtrato. Tinangka nilang piliting magsundalo si Giovanni bago ang pandistritong kombensiyon noong Disyembre 1984, kung saan umaasa siyang mabautismuhan. Ipinadala siya sa isang kampong sanayan ng militar na roon ay sinikap ng mga sundalo sa loob ng 45 araw na pilitin siyang matutong gumamit ng riple at makipaglaban sa kagubatan. Subalit kasuwato ng kaniyang budhing sinanay sa Bibliya, tumanggi si Giovanni na ‘mag-aral ng pakikipagdigma.’ (Isa. 2:4) Hindi siya nagsuot ng unipormeng pangmilitar, ni humawak man ng mga sandata. Gayunpaman, pinilit siyang magmartsa kasama ng mga sundalo nang sumunod na 27 buwan.

Sinabi ni Giovanni: “Pinanatili kong malakas ang aking sarili sa pamamagitan ng walang lubay na pananalangin, pagbubulay-bulay sa aking natutuhan sa nakalipas na panahon, at pangangaral sa sinumang sundalo na nagpapakita ng interes. Madalas kong ginugunita ang mga salita ng salmista: ‘Ititingin ko ang aking mga mata sa mga bundok. Saan magmumula ang tulong sa akin? Ang tulong sa akin ay mula kay Jehova, ang Maylikha ng langit at lupa. Hindi niya maaaring ipahintulot na ang iyong paa ay makilos. Ang Isa na nagbabantay sa iyo ay hindi maaaring antukin.’ ”​—Awit 121:1-3; 1 Tes. 5:17.

Bagaman sapilitang dinala sa gitna ng labanan sa 40 iba’t ibang pagkakataon, nakaligtas si Giovanni nang hindi napinsala. Pagkatapos na siya’y palayain, nabautismuhan siya noong Marso 27, 1987, at di-nagtagal pagkatapos nito ay pumasok sa paglilingkurang payunir. Maraming iba pang tapat na mga kapatid na kabataan ang may nakakatulad na mga karanasan.​—Tingnan ang kahong “Sapilitang Dinala sa Lugar ng Labanan,” sa pahina 105-6.

Pagtatanggol sa Kanilang Neutral na Paninindigan

Ang pamahayagan na kontrolado ng pamahalaan, at ng CDS, ay may-kabulaanang nagparatang sa mga Saksi ni Jehova ng paggamit ng ministeryo sa bahay-bahay upang mangampanya laban sa Patriotic Military Service. Inaangkin nito na pinahihina ng mga Saksi ang pambansang seguridad sa pamamagitan ng panghihikayat sa mga kabataang taga-Nicaragua na tumanggi sa pagsusundalo. Bagaman walang saligan, ang mga paratang na ito ay inulit nang madalas upang magkaroon ng pagkiling ang mga tagausig at mga hukom. Lalo pang nagpalala rito, ang mga lider ng prominenteng mga simbahang Ebangheliko, na nagpakilala bilang mga tagapagtaguyod ng rebolusyon, ay nagparatang din sa mga nanatiling neutral salig sa relihiyosong kadahilanan, at tinagurian silang “mga kaaway ng bayan.”

Isang abogadong Saksi ang humawak sa mga kasong iniapela ng 25 kabataang kapatid na sinentensiyahan ng dalawang taóng pagkabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo. Sapagkat ang pagtanggi dahil sa budhi ay hindi legal na kinikilala, ang layunin ng apela ay upang mapababa ang mga sentensiya, na binabanggit ang rekord ng mabuting paggawi at hindi paglaban noong arestuhin. Bilang resulta, ang ilang sentensiya, subalit hindi lahat, ay pinababa nang 6 hanggang 18 buwan.

“Kapansin-pansin,” sabi ni Julio Bendaña, isang kapatid na naroroon sa mga paglilitis, “na maliban sa mga Saksi ni Jehova, walang mga kabataan ang tumangging magsundalo salig sa relihiyosong mga kadahilanan. Ipinagmamalaki kong makita na ipinagtatanggol nang may matatag na paninindigan ng ating mga kapatid na 17 taóng gulang ang kanilang neutralidad sa harap ng hukom at ng tagausig ng militar, habang napalilibutan ng sumasalansang na mga nanonood.”​—2 Cor. 10:4.

Naging Palihim ang Pag-iimprenta

Sa buong panahong iyon, ang Lupong Tagapamahala ay patuloy na nagbigay ng tulong at tagubilin sa mga kapatid sa Nicaragua sa pamamagitan ng sangay sa Costa Rica at ng komite ng bansa sa Nicaragua. Subalit ang pag-angkat ng mga literatura ay ipinagbawal, kaya paano mailalaan ang “pagkain sa tamang panahon”? (Mat. 24:45) Muli, binuksan ni Jehova ang daan.

Noong 1985 nakakukuha ang mga kapatid ng mga araling artikulo ng Bantayan at iba pang salig-Bibliyang materyal sa tulong ng isang komersiyal na tagapag-imprenta. Gayunman, ang paraang ito ay mapanganib, sapagkat inilalantad nito ang ating gawain sa mga sumasalansang. Kaya, napagpasiyahang gamitin ang offset press sa pag-iimprenta ng mga programa sa asamblea at mga paanyaya sa Memoryal hanggang sa ipasara ang sangay. Ginamit ang makina sa tahanan ng isang kapatid na babae na nakatira sa labas ng Managua.

Nakalulungkot, noong Nobyembre ng taóng iyon, nahulog sa mga kamay ng pamahalaan ang imprentahan. Upang hindi mahadlangan ng kabiguang ito ang gawain, karaka-rakang kinumpuni ng mga kapatid ang lumang makinang pangmimyugrap, na binansagan nilang Ang Tandang. Dati, ito ay ginagamit sa pag-iimprenta ng mga pulyeto, liham, at mga programa. Nang hindi na makakuha ng pamalit na piyesa, may nakuha naman ang mga kapatid na isang segunda manong mimyugrap, at pinanganlang Ang Sisiw. Nang maglaon, binigyan din sila ng isa pang makina ng sangay sa El Salvador. Dahil nakaugalian na nilang gamitin ang pangalan ng kanilang mga alagang hayop sa bukid bilang bansag, tinawag nila itong Ang Inahin.

Hindi masyadong makabago, subalit hindi naman nangangahulugang hindi matagumpay ang paraan ng pag-iimprenta na gumagamit ng mga tabla para sa mimyugrap, na tinawag ng mga kapatid na las tablitas, o ang maliliit na tabla. Ang mga kasangkapang ito na ginawa ni Pedro Rodríguez, isang manggagawa ng kabinet na nabautismuhan noong 1954, ay binubuo ng dalawang parihabang kuwadro na pinagkabit ng mga bisagra na humahawak sa isang tulad lambat na piraso ng tela na nasa pang-ibabaw na kuwadro at isang pohas ng salamin o kahoy na nasa pang-ilalim o ibabang kuwadro. Simple lamang ang disenyo, at ang proseso ng pag-iimprenta. Isang makinilyadong stencil sa papel ang ipinapasok sa pang-ibabaw na kuwadro sa may tulad lambat na piraso ng tela at isang malinis na pilyego ng papel ang inilalagay sa ibabang kuwadro. Ipinapahid ang tinta sa tela sa pamamagitan ng roller, at pagkatapos ng bawat kopya, isang bagong pilyego ng papel ang ipinapasok.

Bagaman napakahirap, may ilang bagay na nagawa sa paraang ito ng pag-iimprenta, lakip na ang aklat-awitang Umawit ng mga Papuri kay Jehova, taglay ang kumpletong bilang ng 225 awiting pang-Kaharian. “Pagkatapos mabihasa ang mga kapatid sa paggamit ng maliliit na tabla,” ang nagugunita ni Edmundo Sánchez, na kasama sa pag-iimprenta, “nakagagawa na sila ng 20 pahina bawat minuto. Sa kabuuan, sa aklat-awitan lamang ay nakagawa na kami ng mga 5,000 kopya.”

Ang asawa ni Edmundo na si Elda, ay kabilang sa unang mga kapatid na babae na tumulong sa paghahanda ng mga stencil para sa mga makinang pangmimyugrap. Sa paggamit ng kaniyang sariling manwal na makinilya, si Elda, na isa ring ina, ay nagsisimula sa madaling-araw at kadalasa’y nagtatrabaho pa kahit malalim na ang gabi sa pagmamakinilya ng mga araling artikulo ng Bantayan sa mga stencil para sa mga makinang pangmimyugrap. Naalaala pa niya: “Lagi akong binibigyan ni Edmundo ng kopya ng magasin na kaniyang tinatanggap mula sa Costa Rica. Hindi ko kailanman nalaman kung gaano karaming grupo ang nag-iimprenta o kung saan sila gumagawa; ang alam ko lamang ay ang bahagi ng gawaing iniatas sa akin. Alam ko rin na kapag natuklasan kami, ang aming bahay, ang aming mga muwebles​—lahat-lahat​—ay kukumpiskahin at kami ay aarestuhin, posible pa ngang mapabilang kami sa ‘mga taong nawawala.’ Subalit ang aming pag-ibig at pagkatakot kay Jehova ang nag-alis ng anumang pagkatakot na maaaring taglay namin sa sinumang tao.”

Ang mga Imprentahan

Natatandaan pa ni Guillermo Ponce kung ano ang kalagayan ng mga imprentahan. Siya ay isang proofreader at isang tagapag-ugnay sa pagitan ng mga kapatid na naghahanda ng stencil at ng mga nag-iimprenta at namamahagi ng mga ito. Ganito ang paliwanag ni Brother Ponce: “Ang mga imprentahan ay inilagay sa mga tahanan ng ilang pamilyang Saksi. Ang bawat imprentahan ay nasa isang silid na ginawa sa loob ng isang silid, kung kaya’t naging maliit ang espasyo para sa pagtatrabaho. Upang hindi mapansin ang tunog ng mimyugrap, naglalagay kami ng isang tape player o isang radyo sa labas ng imprentahan at nilalakasan ang pagpapatugtog nito.”

Basâ ng pawis, ang mga kapatid ay nagmimimyugrap ng Ang Bantayan o ng iba pang mga publikasyon sa loob ng maliliit na silid na ito nang siyam hanggang sampung oras bawat araw. Kadalasan, kapag nag-usyoso ang mga kapitbahay o kapag may nagsumbong sa mga awtoridad, ang buong operasyon ay kailangang mailipat agad sa ibang tahanan.

Ang gawain ay itinuturing na paglilingkod sa Bethel, at ang mga nakikibahagi rito ay mga kapatid na nasa kabataan at mga binata. Si Felipe Toruño ay 19 na taóng gulang at bagong bautisado nang anyayahan siyang maglingkod sa isa sa mga imprentahang ito. “Ang una kong impresyon,” sabi ni Felipe, “ay ang pagpasok sa isang maliit na silid na halos walang hangin na may matapang na amoy ng correction fluid ng stencil. Ang init ay waring hindi matitiis, at ang liwanag ay nagmumula sa isang maliit na ilaw na fluorescent.”

May iba pang mga hamon. Halimbawa, kapag kailangang kumpunihin ang isang makina​—na madalas namang mangyari—​hindi ito basta madadala ng isa sa talyer na nagkukumpuni nito. Magtatanong ang mga tao: ‘Sino ang may-ari ng mimyugrap na ito? Ano ang iniimprenta? Ang trabaho ba ay awtorisado ng sentral na pamahalaan?’ Kaya kailangang gawin ng mga kapatid ang pagkukumpuni at kung minsan ay ang paggawa ng mga piyesa nito. Ang isa pang problema ay ang madalas na pagkawala ng kuryente. “Dahil sa hindi kailanman gusto ng pangkat sa pag-iimprenta na mahuli sa produksiyon,” ang naalaala ni Brother Ponce, “kung minsan ay nakikita ko silang nagtatrabaho sa liwanag ng ilawang de-gas, na may uling sa kanilang mga ilong. Ang mataas na pagpapahalaga, disposisyon, at ipinakitang pagsasakripisyo sa sarili ng mga kabataang ito ay gumanyak sa akin upang magpatuloy.”

Ilang Magagandang Alaala

Magiliw na nagugunita ni Felipe Toruño ang apat na taon ng kaniyang pagiging isang palihim na tagapag-imprenta. “Lagi kong iniisip na ang mga kapatid ay naghihintay nang may pananabik sa mahalagang espirituwal na pagkaing ito,” ang sabi ni Felipe. “Kaya sa kabila ng maraming limitasyon na ipinataw sa amin, naglingkod kami taglay ang kagalakan.” Naalaala ni Omar Widdy, na nakibahagi sa gawaing ito mula Hunyo 1988 hanggang sa matapos ito noong Mayo 1990: “Ang isa sa mga bagay na lubhang hinangaan ko ay ang nangingibabaw na pagmamahal na pangkapatid. Ang mga baguhan ay handa at sabik na matuto at matiyagang tinuruan sa iba’t ibang gawain. Hindi kaayaaya ang mga kalagayan sa paggawa, subalit ang mga boluntaryo, bagaman nasa kabataan, ay mga espirituwal na lalaki na may lubos na pagpapahalaga sa mga sakripisyong nasasangkot sa larangang ito ng paglilingkod.”

Si Giovanni Gaitán ay naglingkod din sa mga imprentahan. Naalaala pa niya: “Ang nakatulong upang makapagpatuloy kami ay ang pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Walang sinuman sa amin noon ang tumanggap ng anumang salaping kabayaran, subalit iyon ay hindi namin ikinabahala; taglay naman namin kung ano ang mga kailangan namin. Sa ganang sarili, napasadlak na ako sa maraming kalagayan na doo’y kinailangan kong lubos na magtiwala kay Jehova. Kaya hindi na ako masyadong nababahala tungkol sa aking materyal na mga pangangailangan. Ang mga kapatid na gaya nina Guillermo Ponce, Nelson Alvarado, at Felipe Toruño, bagaman mga kabataan pa, ay mahuhusay na halimbawa para sa akin. Ang mas matatandang kapatid na nanguna sa gawain ay nagpatibay rin sa akin. Oo, sa paglingon sa nakaraan, masasabi kong ang buong karanasang iyon ay tunay na nagpayaman sa aking buhay.”

Nakita ng lahat ng nakibahagi sa palihim na mga gawain ang pag-alalay ni Jehova sa maraming paraan, kahit na sa mismong gawaing pag-iimprenta. Sinabi ni Brother Gaitán: “Sa karaniwan, ang isang stencil ay nakagagawa ng 300 hanggang 500 kopya. Nakapag-iimprenta kami ng 6,000 kopya sa isang stencil!” Bakit kailangang tumagal ang paggamit ng mga stencil at ng iba pang mga materyal sa pag-iimprenta? Bukod sa limitadong suplay nito sa bansa, makukuha lamang ang mga ito sa mga tindahan na kontrolado ng estado, kaya ang pagbili ng di-pangkaraniwang dami ay mapapansin, anupat malalantad ang bumibili sa panganib na maaresto. Oo, pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap ng mga kapatid, sapagkat maliban sa orihinal na offset press, hindi nasumpungan ng mga awtoridad ni naipasara man ang alinman sa mga imprentahang iyon.

Ang mga kapatid na nagtatrabaho nang sekular upang mapaglaanan ang kanilang mga pamilya ay tumulong din sa gawain, na kadalasa’y sa harap ng malaking panganib. Halimbawa, marami ang naghatid ng mga nakaimprentang materyal sa buong bansa, gamit ang kanilang sariling mga sasakyan. Kung minsan ay naglalakbay sila nang buong maghapon, anupat dumaraan sa maraming checkpoint ng militar. Alam nilang kapag sila’y nahuli, maaaring mawala ang kanilang mga sasakyan, maaresto, at mabilanggo pa nga. Subalit, hindi sila natakot. Mangyari pa, ang mga kapatid na ito ay nangailangan ng lubos na suporta ng kani-kanilang asawa, na ilan sa mga ito ay gumanap din ng mahalagang papel sa mahirap na panahong iyon, gaya ng makikita natin ngayon.

Espirituwal na mga Babaing May Tibay ng Loob

Maraming Kristiyanong babae ang nagpakita ng pambihirang tibay ng loob at pagkamatapat noong mga taon ng paghihigpit sa Nicaragua. Bilang pakikipagtulungan sa kanilang mga asawa, ipinagamit nila ang kanilang mga tahanan para sa palihim na pag-iimprenta, kadalasa’y sa loob ng ilang buwan. Ipinaghanda rin nila ng pagkain ang mga manggagawa, sa sarili nilang gastos. “Isang matalik na Kristiyanong pagsasamahan ang nabuo sa pagitan naming mga kabataang kapatid na lalaki at ng mga kapatid na babaing ito,” ang naalaala ni Nelson Alvarado, na tumulong upang magkaroon ng koordinasyon ang pag-iimprenta. “Sila ay naging mga ina namin. At kami, gaya ng mga anak na lalaki, ay nagbigay sa kanila ng maraming trabaho. Kung minsan, nagtatrabaho kami hanggang alas kuwatro ng umaga upang maabot namin ang mga kota at mga takdang petsa, lalo na kapag may iniskedyul na ekstrang mga trabaho, tulad ng buklet na Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw. Kung minsan dalawa sa amin ang nagririlyebo sa paggawa sa loob ng halos 24 na oras. Subalit, walang palya, ang mga kapatid na babae ay may inihandang pagkain para sa amin, kahit na sa madaling-araw.”

Ang mga pamilyang may imprentahan sa kanilang tahanan ay nangangalaga rin sa seguridad. Kadalasang inaasikaso ng mga ina ng tahanan ang mga atas na ito, yamang ang karamihan sa kanilang asawa ay may sekular na trabaho kung araw. Natatandaan pa ng isang kapatid na babae: “Upang maikubli ang ingay ng mga makina, pinatutugtog namin ang radyo nang buong lakas. Kapag may dumating sa tarangkahan, hinuhudyatan namin ang mga kapatid sa imprentahan sa pamamagitan ng isang switch na magsisindi ng isang pantanging bombilya ng ilaw.”

Kadalasan ang mga bisita ay kapuwa mga Saksi o mga kamag-anak. Gayunpaman, sinisikap ng mga kapatid na babae na paalisin sila karaka-raka at sa mataktikang paraan hangga’t maaari. Gaya ng maguguniguni ninyo, hindi laging madaling gawin ito, yamang ang mga kapatid na babaing ito ay kadalasan nang napakamapagpatuloy. Isaalang-alang ang halimbawa ni Juana Montiel, na may puno ng kasoy sa kaniyang bakuran. Dahil sa madalas dumating ang mga kapuwa Saksi upang pumitas ng bunga mula sa puno, ang bakuran ni Juana ay naging isang di-pormal na dakong tipunan. “Nang magkapribilehiyo kaming magkaroon ng imprentahan sa aming tahanan,” ang nagugunita ni Juana, “kailangan naming mag-asawa na putulin ang punungkahoy. Hindi namin maipaliwanag sa mga kapatid kung bakit biglang-bigla na lamang na parang hindi na kami masyadong nakikisalamuha, subalit alam namin na ang pag-iimprenta ay kailangang mapangalagaan.”

Si Consuelo Beteta, na patay na ngayon, ay nabautismuhan noong 1956. Ginamit din ang kaniyang tahanan para sa pag-iimprenta. Gayunman, hindi makaparada ang mga kapatid sa harap ng kaniyang bahay upang kunin ang mga literatura nang hindi lilikha ng paghihinala. Kaya sila ay humihinto sa isang mas ligtas na lugar​—sa tahanan ng isang kapatid na mga isang bloke ang layo. Sa isang pakikipanayam bago siya mamatay, ginunita ni Sister Beteta ang mga araw na iyon. May kislap sa kaniyang mata, sinabi niya: “Ang mga magasin ay nirorolyo at ipinapasok sa mga sako na nakatalaga para sa iba’t ibang kongregasyon. Bawat sako ay tumitimbang nang mga 15 kilo. Upang makarating sa lugar ng kapatid, sinusunong ko at ng aking manugang na babae ang mga sako at itinatawid sa isang bambang sa likod ng aking bahay. Hindi kailanman naghinala ang aking mga kapitbahay, sapagkat ang mga sako ay hindi naiiba sa karaniwang sinusunong ng maraming babae.”

Kaylaki ng pagpapahalaga ng mga kapatid sa matatapat at may tibay ng loob na mga kapatid na babaing iyon! “Tunay na isang malaking pribilehiyo na gumawang kasama nila,” ang sabi ni Guillermo Ponce, na nagsalita alang-alang sa maraming kapatid na lalaki na naglingkod kasama niya nang panahong iyon. Mauunawaan kung gayon, na ang gayong mabubuting Kristiyanong kapatid na babae, kasama ng kani-kanilang asawa, ay mahuhusay na halimbawa para sa kanilang mga supling. Kaya bulay-bulayin naman natin ngayon ang ilang hamong napaharap sa mga bata noong makasaysayang mga taóng iyon.

Matapat at Mapagkakatiwalaang mga Bata

Tulad ng kanilang mga magulang, ang mga anak niyaong mga kasama sa palihim na pag-iimprenta at pamamahagi ng mga literatura ay nagpakita rin ng di-pangkaraniwang pagkamatapat. Si Claudia Bendaña, na ang dalawang anak ay nakapisan pa sa kanilang tahanan nang panahong iyon, ay nakaalaala: “Mayroon kaming pinatatakbong imprentahan sa likurang silid ng aming bahay sa loob ng limang buwan. Sa sandaling dumating ang mga bata mula sa paaralan, gusto nilang tumulong sa mga kapatid. Subalit ano ang maaari nilang gawin? Sa halip na itaboy sila, pinahintulutan sila ng mga kapatid na pagsama-samahin ang minimyugrap na mga pilyego ng Ang Bantayan at saka ini-staple. Gustung-gusto ng mga bata na makasama ang mga kabataang lalaking iyon, na nagpasigla sa kanila na isaulo ang mga teksto sa Bibliya at ang mga awiting pang-Kaharian!”

“Upang mapanatili ang pagiging kompedensiyal,” sabi ni Sister Bendaña, “ipinaliwanag naming mag-asawa sa aming mga anak na kami ay nabubuhay sa mahihirap na panahon, na ang gawaing ito ay para kay Jehova, at na napakahalaga para sa amin na manatiling matapat. Hindi nila dapat sabihin kaninuman ang tungkol dito​—kahit na sa mga kamag-anak o maging sa aming Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae. Mabuti na lamang, ang mga bata ay tapat at masunurin.”

Ang tahanan ni Aura Lila Martínez ay isa sa unang ginamit bilang sentro sa pag-iimprenta. Ang kaniyang mga apo ay nakibahagi sa pagtitipon ng mga pahina, pag-i-staple, at pag-iimpake. Sila man ay napalapít nang husto sa mga kapatid na nagtatrabaho sa kanilang tahanan. At hindi nila kailanman ipinakipag-usap ang gawaing iyon sa iba. Ganito ang nagugunita ni Eunice: “Pumapasok kami sa paaralan at nakikipaglaro halos araw-araw sa mga anak ng mga Bendaña at Eugarrios, subalit hindi namin kailanman nalaman na ang mga literatura ay iniimprenta sa tahanan ng bawat isa sa amin kundi makaraan pa ang ilang taon. ‘Talaga? Sa bahay rin ninyo?’ ang may pagkamanghang tanong namin sa isa’t isa. Aba, lumaki kami bilang matatalik na magkakaibigan, pero walang sinuman sa amin ang nagsiwalat ng anumang bagay sa iba. Maliwanag, ito ang paraan ni Jehova ng pagsasanggalang sa gawain.”

Ang gayong maagang mga karanasan ay nagdulot ng positibong impluwensiya sa mga kabataang ito. Si Emerson Martínez, na isa na ngayong ministeryal na lingkod at nasa pantanging buong-panahong paglilingkod, ay nagsabi: “Ang mga kapatid sa mga imprentahang iyon ang mga huwaran ko. Sila ay 18 o 19 na taóng gulang lamang, subalit tinuruan nila ako na pahalagahan ang espirituwal na mga pananagutan, gaano man kaliit ito, at natutuhan ko ang kahalagahan ng paggawa ng de-kalidad na trabaho. Kapag nakaligtaan ko ang kahit na isang pahina lamang habang nagtitipon nito, mayroong di-makikinabang sa impormasyong iyon. Ikinintal nito sa akin ang kahalagahan ng paggawa ng buong makakaya ko para kay Jehova at para sa ating mga kapatid.”

Si Elda María, anak na babae nina Edmundo at Elda Sánchez, ay tumulong sa pamamagitan ng paghahatid ng mga stencil ng Ang Bantayan at iba pang mga publikasyon na minakinilya ng kaniyang ina. Ikinakarga niya ang mga ito sa kaniyang bisikleta at dinadala sa bahay ni Brother Ponce na limang bloke ang layo. Bago ibigay ang mga stencil sa kaniyang anak, maingat na binabalot ni Sister Sánchez ang mga iyon at inilalagay sa isang maliit na basket. “Sapol pa nang maliit ako,” sabi ni Elda María, “sinanay na ako ng aking mga magulang na maging masunurin. Kaya nang dumating ang panahong ito ng paghihigpit, bihasa na akong sumunod sa mga tagubilin nang buong ingat.”

Naunawaan ba niya ang mga panganib na kinakaharap ng mga kapatid​—lakip na ang kaniyang ama—​na kasama sa pangangasiwa sa pag-iimprenta? Ganito ang sinabi ni Elda María: “Malimit na sabihin sa akin ni Tatay bago siya umalis ng bahay na kung siya ay maaaresto, hindi ako dapat matakot o malungkot. Gayunpaman, kapag hindi agad siya nakauwi, natatandaan kong maraming ulit kaming nananalangin ni Inay para sa kaniyang kaligtasan. Madalas naming makita ang mga tauhan ng Seguridad ng Estado na nakaparada sa tapat ng aming bahay at nagmamanman sa amin. Kapag kailangang puntahan ni Inay ang sinuman sa pintuan, tinitipon ko ang lahat ng kaniyang kagamitan at itinatago ang mga iyon. Lubos akong nagpapasalamat sa halimbawa at pagsasanay na ibinigay sa akin ng mga magulang ko sa pagpapamalas ng pagkamatapat kay Jehova at sa ating mga kapatid.”

Dahil sa paglalatag ng isang matibay na pundasyon noong sila’y bata pa, maraming kabataan nang panahong iyon ang ngayo’y nasa buong-panahong paglilingkod, at marami ang may posisyon ng pananagutan sa mga kongregasyon. Ang kanilang pagsulong ay katibayan ng mayamang pagpapala ni Jehova sa kaniyang bayan, anupat walang sinuman ang napagkaitan ng espirituwal na pagkain sa mahirap na panahong iyon. Sa katunayan, ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay patuloy na sumulong, at nakasumpong pa nga ito ng “mainam na lupa” sa libu-libong mga ibinilanggo noong kapanahunan ng mga Sandinista. (Mar. 4:8, 20) Paano nangyari ito?

Inihasik ang Binhi ng Kaharian sa Bilangguan

Kasunod ng Rebolusyon ng Sandinista, libu-libo sa natalong National Guard lakip na ang tumutol na mga pulitiko ang ikinulong bago humarap sa mga pantanging hukuman na nagdaos ng sesyon sa pagtatapos ng 1979 hanggang 1981. Ang karamihan sa dating mga miyembro ng National Guardsmen ay sinentensiyahan nang hanggang 30 taon sa Cárcel Modelo (Modelo Prison), isang malaking piitan sa Tipitapa, mga 11 kilometro sa hilagang-silangan ng Managua. Gaya ng ating makikita ngayon, maraming tapat-pusong tao na nasa loob ng mahirap, siksikang mga piitan ang napalaya sa espirituwal na paraan.

Sa pagtatapos ng 1979, isang matanda sa Managua ang nakatanggap ng liham mula sa isang kapuwa Saksi na nakulong, ngunit wala pa sa Cárcel Modelo, dahil sa paglilingkod sa militar sa ilalim ng pamahalaang Somoza bago pa nakaalam ng katotohanan. Sa kaniyang liham, ang kapatid ay humiling ng mga literatura upang maibahagi niya sa iba pang mga bilanggo. Hindi pinahintulutan ang dalawang matanda na naghatid ng literatura na makita ang kapatid. Gayunman, hindi ito nakasira ng kaniyang loob, dahil patuloy siyang nagpatotoo sa kaniyang mga kapuwa bilanggo, at nagdaos pa nga ng mga pag-aaral sa Bibliya sa ilan sa kanila.

Isa sa mga estudyanteng iyon, si Anastasio Ramón Mendoza, ang mabilis na sumulong sa espirituwal. “Gustung-gusto ko ang aking natututuhan,” ang naalaala niya, “anupat nagsimula akong sumama sa kapatid habang nangangaral siya sa iba pang mga bilanggo. Tinanggihan kami ng ilan; nakinig naman ang iba. Di-nagtagal mga 12 na kaming magkakasamang nag-aaral sa panahon ng pahinga sa isang malawak na looban.” Pagkaraan ng mga isang taon, isa sa orihinal na grupong iyon ang nabautismuhan.

Maaga noong 1981, ang maliit na grupong ito ng mga estudyante sa Bibliya ay inilipat kasama ng ibang mga bilanggo sa Cárcel Modelo, kung saan patuloy nilang ibinahagi ang mabuting balita sa iba. Kasabay nito, ang salig-Bibliyang mga literatura ay palihim na nagpalipat-lipat din sa mga bilanggo, anupat ang ilan sa mga babasahing ito ay nakasumpong ng mas marami pang “mainam na lupa.”

Isaalang-alang ang halimbawa ni José de la Cruz López at ang kaniyang pamilya, na mga di-Saksi. Anim na buwan matapos mabilanggo si José, ang kaniyang asawa ay nakakuha ng isang kopya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya mula sa mga Saksi na nakausap niya sa kalye. Ang talagang layunin niya ay ibigay ito sa kaniyang asawa. “Nang simulan kong basahin ang aklat na Mga Kuwento sa Bibliya,” ayon sa salaysay ni José, “akala ko’y publikasyon iyon ng mga ebangheliko. Wala akong anumang nalalaman tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Hangang-hanga ako sa aklat anupat binasa ko ito nang ilang ulit at sinimulan kong ibahagi ito sa 16 na kasama ko sa selda, na pawang nasiyahan dito. Tulad iyon ng pag-inom ng nakagiginhawang tubig. Hiniram din ito ng mga bilanggo sa ibang selda, anupat nakarating ito sa buong ward, na sa dakong huli ay sira-sira at gula-gulanit na tulad ng isang pakete ng lumang baraha.”

Ang ilan sa kapuwa bilanggo ni José ay mga miyembro ng mga simbahang ebangheliko; ang ilan ay mga pastor pa nga. Sinimulang basahin ni José ang Bibliya kasama nila. Gayunman, nadismaya siya nang sila ay tanungin niya hinggil sa kahulugan ng Genesis 3:15, sapagkat sinabi lamang nila sa kaniya na iyon ay isang misteryo. Isang araw, isa pang bilanggo na isang estudyante sa Bibliya ang nagsabi kay José: “Ang sagot ay nasa aklat mong iyan na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Maaari nating pag-aralan ito kung gusto mo.” Tinanggap ni José ang alok, at sa tulong ng aklat na Mga Kuwento sa Bibliya, natutuhan niya ang kahulugan ng Genesis 3:15. Mula noon, siya’y nagsimulang makisama sa mga bilanggong nagpakilala ng kanilang sarili na kasama ng mga Saksi.

Ang isang bagay na nakaakit kay José sa di-pangkaraniwang grupong ito sa loob ng Cárcel Modelo ay ang kanilang mainam na paggawi. “Nakita ko ang mga tao na alam kong napakasama ng istilo ng pamumuhay na ngayon ay nagpapamalas na ng maiinam na paggawi dahil sa pag-aaral ng Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ni José. Samantala, patuloy na kumukuha ng mga literatura ang asawa ni José mula sa mga Saksi at ipinapasa ito sa kaniyang asawa, na sumulong naman sa espirituwal na paraan. Sa katunayan, iniatas pa nga sa kaniya ng kaniyang grupo sa pag-aaral ang isang seksiyon ng ward kung saan siya makapangangaral sa bawat selda. Kaya naipahiram niya ang ilan sa kaniyang mga literatura sa mga taong interesado at naanyayahan din sila sa mga pulong, na idinaraos sa kulungan sa panahon ng pahinga.

Pangangalaga sa Espirituwal na Pangangailangan ng mga Bilanggo

Pinaglaanan ng Kongregasyon ng East Managua ang espirituwal na pangangailangan ng dumaraming bilanggo sa Cárcel Modelo na nagbabasa ng mga literatura at sumusulong sa espirituwal. Dahil dito, ang kongregasyon ay nagsagawa ng isang programa kung saan ang ilang kapatid na lalaki at babae ay palihim na magdadala ng mga literatura sa mga bilanggo. Ang mga pagdalaw ay ipinahihintulot minsan sa isang buwan o minsan sa bawat dalawang buwan, subalit ang isang bilanggo ay maaari lamang dalawin ng tao na dati na niyang hiniling. Kaya hindi lahat ng interesadong tao ay maaaring personal na dalawin ng mga Saksing tagaroon. Magkagayunman, hindi iyon nagdulot ng malaking problema sapagkat hindi naman nagtatagal at ang mga bilanggo ay nagsasama-sama at ibinabahagi ang mga bagay-bagay sa isa’t isa.

Ang matatanda sa Kongregasyon ng East Managua ay tumulong upang organisahin at pangasiwaan ang mga gawain ng lumalaking grupo sa loob ng Cárcel Modelo. Napanatili nila ang regular na pakikipag-ugnayan lalo na sa mga bilanggo na nangunguna sa espirituwal na paraan, at naipaliliwanag sa kanila kung paano idaraos ang lingguhang mga pulong, kung paano isasagawa ang gawaing pangangaral sa maayos na paraan, at iuulat ang lahat ng gayong gawain. Sa kabilang panig naman, ipinapasa ng mga bilanggong ito ang gayong impormasyon sa iba pa. Ang mabuting teokratikong kaayusan ay tunay na kinakailangan, dahil nang panahong iyon ay nabuo na sa kulungan ang isang malaking grupo ng mga estudyante sa Bibliya.

Dati ang Cárcel Modelo ay may apat na ward, na ang bawat isa’y naglalaman nang hanggang 2,000 bilanggo. “Bawat ward ay hiwalay sa iba pa,” ang paliwanag ni Julio Núñez, isa sa mga dumadalaw na matanda, “kaya idinaraos ang lingguhang mga pulong sa lugar ng libangan ng bawat ward, na lahat-lahat ay dinadaluhan ng humigit-kumulang sa 80 katao.”

Nabautismuhan sa Isang Bariles

Habang sumusulong ang mga baguhan, nagpahayag ang ilan ng pagnanais na mabautismuhan. Sinang-ayunan ng matatandang dumadalaw sa bilangguan na mabautismuhan ang mga kandidato at tinulungan nila ang mga bilanggong nangunguna sa espirituwal na mga bagay na maisaayos ang bautismo sa petsa na kasabay ng isang asambleang idinaraos sa labas ng bilangguan. Karaniwan nang ibinibigay ang pahayag sa bautismo sa isa sa mga selda sa gabi bago nito, at sa kinaumagahan kapag maliligo na ang mga bilanggo, ang mga kandidato ay binabautismuhan.

Si José de la Cruz López ay nabautismuhan sa bilangguan noong Nobyembre 1982. “Binautismuhan ako sa isang bariles na pinaglalagyan ng basura,” ang sinabi niya. “Kinuskos naming mabuti iyon ng sabon. Pagkatapos ay sinapnan namin ang loob nito ng kubrekama at pinunô ng tubig. Gayunman, dumating ang armadong mga guwardiya samantalang kami ay nakapalibot para sa bautismo. ‘Sino ang nagpahintulot sa bautismong ito?’ ang tanong nila. Ang kapatid na nangunguna ay nagpaliwanag na hindi na kailangan ang pahintulot upang gawin ang ipinag-uutos ng Diyos. Pumayag ang mga guwardiya subalit nais nilang mapanood ang bautismo. Kaya samantalang nanonood sila, itinanong sa akin ang dalawang katanungan para sa mga kandidato sa bautismo, at saka inilubog ako sa bariles.” Hindi kukulangin sa 34 na bilanggo ang sa wakas ay nabautismuhan sa ganitong paraan.

Mabilis ang naging pagsulong ng ilang bilanggo. Isa sa mga ito si Omar Antonio Espinoza, na gumugol ng 10 taon sa kaniyang 30-taóng sentensiya sa Cárcel Modelo. Inililipat sa pana-panahon ang mga bilanggo, at noong ikalawang taon ni Omar, ang isa sa mga nakasama niya sa selda ay isang Saksi. Napansin ni Omar na regular na pinupuntahan ng iba pang mga bilanggo ang lalaking ito, na nagturo sa kanila sa Bibliya. Dahil humanga sa kaniyang nakita at narinig, humiling din si Omar ng pag-aaral sa Bibliya.

Si Omar ay nagsimulang mag-aral sa tulong ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, na sinasaklaw ang isang kabanata sa isang araw. Pagkaraan ng 11 araw, nais na niyang maging mamamahayag. Nang matapos niya ang 22 kabanata ng aklat, hiniling niyang siya’y mabautismuhan. Gayunman, iminungkahi sa kaniya ng mga kapatid na pag-isipan pa ang tungkol dito. Inirekomenda rin nila na pag-aralan niya ang ikalawang publikasyon, alalaong baga, ang Maaari Kang Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, na katatanggap pa lamang sa bilangguan. Makalipas lamang ang mahigit nang kaunti sa isang buwan, natapos na rin ni Omar ang aklat na iyon. Karagdagan pa, itinigil na niya ang paninigarilyo at gumawa na rin ng iba pang mga pagbabago. Maliwanag, ang katotohanan sa Bibliya ay nakaimpluwensiya sa kaniyang buhay. Sa pagkakita sa mga pagbabagong ito, nakumbinsi ang mga kapatid na tunay ang kaniyang pagnanais, kaya si Omar ay nabautismuhan sa isang bariles noong Enero 2, 1983.

Ang Wikang Pasenyas sa Bilangguan

Upang maipasa ang mga impormasyong natanggap sa matatandang bumibisita sa bilangguan o matipon ang mga impormasyon, tulad ng mga ulat sa paglilingkod, kailangang magkaroon ng komunikasyon ang mga mamamahayag na nakakulong sa iba’t ibang ward. Isinalaysay ni Brother Mendoza, na nabautismuhan sa bilangguan noong 1982, kung paano nila ito isinagawa.

“Ang ilan sa amin,” ang sabi niya, “ay natuto ng isang anyo ng wikang pasenyas na binuo ng mga bilanggo. Kapag oras na upang ipagdiwang ang Memoryal, tinatantiya namin kung nakalubog na ang araw at pagkatapos ay sinisenyasan namin ang isa’t isa upang kaming lahat ay makapanalangin nang sabay-sabay. Ginagawa namin ito taun-taon. Ang pagsenyas ay nakatulong din sa aming pag-aaral ng Ang Bantayan. Kapag ang mga kapatid sa isang ward ay walang araling artikulo para sa linggong iyon, isinisenyas namin ang buong artikulo sa kanila. Ang senyas ay binabasa nang malakas ng tumatanggap nito sa isang kaibigan na siya namang nagsusulat ng artikulo sa papel.” Subalit bilang pasimula, paano nakapasok sa bilangguan ang espirituwal na pagkain?

Pinalulusog ng Espirituwal na Pagkain ang mga Bilanggo

Ang matatanda, ang kanilang mga pamilya, at ang iba pang mamamahayag sa Kongregasyon ng East Managua ay regular na pumupunta sa Cárcel Modelo upang dalawin ang mga bilanggo. Sa loob ng halos sampung taon, nagdala sila kapuwa ng materyal at espirituwal na mga paglalaan para sa kanilang mga kapatid, lakip na Ang Bantayan at Ating Ministeryo sa Kaharian. Sabihin pa, ang espirituwal na pagkain ay kailangang itago.

Itinatago ng isang matanda ang mga magasin sa guwang ng kaniyang malaking saklay na kahoy. “Tumulong din ang mga kabataan, palibhasa’y bihira silang rekisahin,” ang paglalahad ni Julio Núñez. Nakapagdadala pa nga ang mga bisita ng mga emblema ng Memoryal sa loob ng bilangguan.

Bawat ward ay may itinalagang araw para sa mga bisita, at kadalasang ginugugol ng mga taong inaprobahang dumalaw ang buong maghapon kasama ang mga bilanggo sa isang malawak na looban. Sa ganitong paraan, ang ilan sa mga bilanggong Saksi ay maaaring makipagkita sa kanilang mga kapatid na lalaki at babae mula sa Managua at makakuha ng espirituwal na mga suplay. Pagkatapos nito, kapag nagbalik na ang mga bilanggong ito sa kani-kanilang ward, naibabahagi nila kung ano ang kanilang natanggap.

Maging ang mga awiting pang-Kaharian ay hindi rin nakaligtaan. “Sa aming ward,” sabi ni Brother López, “iisa lamang sa amin ang may pakikipag-ugnayan sa dumadalaw na mga kapatid. Kaya naging pananagutan ng bilanggong iyon na matutuhan ang tono ng ilang awit sa bawat pagkakataon at saka ituro ang mga iyon sa aming lahat. Dahil iisa lamang ang aming aklat-awitan, nag-eensayo kaming lahat bago ang mga pulong.” Si Brother Mendoza ay isa lamang sa iilang bilanggo na maaaring magkaroon ng mga bisitang Saksi. “Si Carlos Ayala at ang kaniyang pamilya ay dumadalaw sa akin,” ang sabi ni Brother Mendoza. “Tinuruan ako ng dalawa niyang anak na babae ng di-kukulangin sa siyam na awiting pang-Kaharian, na itinuro ko naman sa aking mga kasama.” Si Brother López ay isa sa mga natuto ng mga awit mula sa kapuwa bilanggo. Naalaala niya: “Nang maglaon, nang magsimula akong dumalo sa mga pulong sa labas ng bilangguan, tuwang-tuwa ako pero, aaminin ko, medyo nagulat akong malaman na talaga palang magkatulad ang himig ng inaawit namin.”

Pananatiling Malakas sa Espirituwal sa Bilangguan

Anong uri ng kapaligiran ang kailangang tiisin ng mga kapatid at ng mga interesadong tao na nasa bilangguan, at paano sila nakapanatiling malakas sa espirituwal? Naalaala ni Brother Mendoza: “Ang pagkain sa bilangguan ay inirarasyon. Ginugulpi ang lahat ng bilanggo sa ilang pagkakataon, at kung minsan, nagpapaputok ng baril ang mga guwardiya sa palibot namin habang kami ay nakadapa sa sahig. Ang mga bagay na ito ay ginagawa upang takutin kami. Kapag may away sa pagitan ng mga bilanggo at ng mga guwardiya, pinalalabas kaming lahat sa patyo nang walang suot na damit upang mabilad sa araw bilang parusa. Ginagamit naming mga Saksi ang mga pagkakataong ito upang patibayin at aliwin ang isa’t isa. Ginugunita namin ang mga teksto sa Bibliya at ibinabahagi ang mga puntong aming natutuhan sa aming personal na pag-aaral. Ang mga karanasang ito ay tumulong sa amin na manatiling nagkakaisa at matatag.”

Bilang pagsasamantala sa karamihan ng oras na wala silang ginagawa, maraming Saksi at mga interesadong tao ang nakabasa sa buong Bibliya nang apat o limang ulit. Karaniwan na para sa kanila na pag-aralang mabuti, at nang ilang ulit, ang lahat ng salig-Bibliyang mga publikasyon na nakukuha nila. Taglay ang pantanging pasasalamat, natatandaan ni Brother Mendoza ang mga Taunang Aklat. “Ang mga karanasan mula sa iba’t ibang bansa, ang mga mapa​—pinag-aralan namin ang lahat ng iyon,” ang naalaala niya. “Taun-taon ay pinaghahambing namin ang mga pagsulong, ang bilang ng mga kongregasyon, ang bilang ng bagong mga nabautismuhan, at ang dumalo sa Memoryal sa bawat bansa. Ang mga bagay na ito ay nagbigay sa amin ng malaking kagalakan.”

Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, ang bagong mga mamamahayag ay mabilis na nagtamo ng mahusay na kaalaman sa Salita ng Diyos at sa teokratikong organisasyon. Sila rin ay naging masisigasig na mangangaral at mga guro. Halimbawa, noong Pebrero 1986, may 43 mamamahayag sa Cárcel Modelo na nagdaraos ng 80 pag-aaral sa Bibliya. May katamtamang bilang na 83 ang dumadalo sa mga lingguhang pagpupulong.

Ang lahat ng mga bilanggong ito na lumaya sa espirituwal na paraan ay malapit nang makaranas ng karagdagang kalayaan, yamang nagpasiya ang pamahalaan na magkaloob ng kapatawaran sa lahat ng mga bilanggong pulitikal. Bilang resulta, ang huling 30 mamamahayag sa loob ng Cárcel Modelo ay pinalaya noong Marso 17, 1989. Karaka-rakang isinaayos ng Kongregasyon ng East Managua na mapuntahan ng matatanda ang bagong pinalayang mga mamamahayag sa lugar na kanilang nilipatan. Sa kabilang panig naman, buong lugod na tinanggap ng matatandang ito ang kanilang bagong mga kapatid, na ang karamihan sa mga ito nang maglaon ay naging matatanda, ministeryal na mga lingkod, at mga payunir.

Hindi Napahinto ng mga Paghihigpit ang Gawaing Pangangaral

Sa kabila ng mga kahirapan at mga panganib, ang bilang ng mga mamamahayag sa Nicaragua ay patuloy na mabilis na lumago sa panahon ng mga paghihigpit. Sa katunayan, nagkaroon ng mga kongregasyon sa ilang lugar na halos pawang binubuo ng mga baguhan. Isang halimbawa ang Kongregasyon ng La Reforma. Ang mga special pioneer na si Antonio Alemán at ang kaniyang asawang si Adela, ay naglalakbay araw-araw upang magpatotoo sa mga komunidad sa lalawigang nasa pagitan ng Masaya at Granada. Ang isa sa mga komunidad na ito ay ang La Reforma. Dito, noong maagang bahagi ng 1979, ang mag-asawang Alemán ay nakipag-aral kay Rosalío López, isang kabataang lalaki na kamamatay pa lamang ang asawa. Karaka-rakang sinabi ni Rosalío sa mga kamag-anak ng kaniyang asawa, na kasama niya sa bahay, ang mga bagay na kaniyang natutuhan. Nakipag-usap muna siya sa kaniyang biyenang babae, saka isa-isa niyang kinausap ang kaniyang mga bayaw at hipag. Di-nagtagal at isang grupo na binubuo ng 22 miyembro ng pamilya ang makikitang naglalakad patungo sa mga pulong sa Masaya, na anim na kilometro ang layo.

Isang araw, ang mga biyenan ni Rosalío ay nagsabi sa kaniya: “Natutuhan natin sa mga pulong na ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral sa bahay-bahay, pero hindi natin ginagawa iyon.”

“Sige,” sabi ni Rosalío, “mangangaral tayo sa Sabado.” At nangaral nga sila! Samantalang si Rosalío ang nagsasalita, ang 22 ay sama-sama sa iisang pinto! Nang dumating si Antonio para sa susunod na pag-aaral, ibinalita ni Rosalío taglay ang masayang ngiti: “Kaming lahat ay nangaral nitong linggong ito!” Bagaman nalugod si Antonio sa sigasig ng kaniyang mga estudyante, pinasigla niya ang mga mag-asawang kabataan na iayon muna ang kanilang pamumuhay sa mga kahilingan sa Bibliya.

Noong Disyembre 1979, si Rosalío at ang isa sa mga kapatid na lalaki ng kaniyang namatay na asawa, si Húber López, ang una sa grupong ito na nabautismuhan, at ang iba pa ay kaagad na nabautismuhan din nang sunud-sunod. Pagkaraan lamang ng tatlong taon, ang Kongregasyon ng La Reforma ay naitatag. Nagsimula ito na may 30 mamamahayag​—lahat ay mula sa pamilya ring iyon! Dumating ang panahon, si Húber, ang kaniyang kapatid na si Ramon, at si Rosalío ay hinirang bilang matatanda. Noong 1986, 54 na miyembro ng kongregasyon ang naglingkod bilang mga payunir.​—Tingnan ang kahon sa pahina 99-102.

Bilang resulta ng masigasig na pangangaral ng mga miyembro ng Kongregasyon ng La Reforma, anim na iba pang kongregasyon ang naitatag sa nakapalibot na mga komunidad nang dakong huli. Tandaan din na ang mga kapatid ay nasa ilalim ng mapagmasid na mga mata ng mga awtoridad, na hindi natutuwa sa kanilang sigasig. “Lagi kaming nililigalig ng militar,” ang naalaala ni Húber López, “subalit hindi kami napahinto nito sa pangangaral.” Sa katunayan, ang gawaing pangangaral ay sumulong pa nga sa mapanganib na yugtong iyon ng panahon. Paano nangyari iyon? Palibhasa’y maraming kapatid ang nawalan ng trabaho, nagsimula silang maglingkod bilang regular o auxiliary pioneer.

Pinagpala ni Jehova ang kanilang mga pagsisikap. Noong 1982, may 4,477 mamamahayag ng mabuting balita sa Nicaragua, subalit pagsapit ng 1990​—pagkatapos ng walong taong mga paghihigpit at pag-uusig—​ang bilang na iyon ay naging 7,894. Iyon ay 76-na-porsiyentong pagsulong!

Inalis ang mga Paghihigpit

Noong Pebrero 1990, dahil sa eleksiyong sinubaybayan ng iba’t ibang bansa, nagkaroon ng pagbabago ng pamahalaan sa Nicaragua. Di-nagtagal pagkatapos nito, inalis ang mga paghihigpit sa mga Saksi ni Jehova, winakasan ang sapilitang pangangalap ng mga magsusundalo, at nilansag ang mga komite ng depensa. Bagaman nag-iingat, hindi na natatakot ang mga kapatid sa mapanuring mga mata ng mga kapitbahay. Noong Setyembre ng taóng iyon, si Ian Hunter, na naglilingkod sa Komite ng Sangay sa Guatemala, ang naging bagong tagapag-ugnay ng komite ng bansa sa Nicaragua.

Sa nakaraang walong taon, ang komite ng bansa ay nangasiwa sa gawain sa Nicaragua nang walang opisina at mga kagamitan sa opisina. Tunay nga, anong laking pasasalamat ni Brother Hunter na dinala niya ang kaniyang makinilyang ginagamit noon sa sangay sa Guatemala! Isang kapatid na tagaroon, si Julio Bendaña, ang may-kabaitang nag-alok sa mga kapatid ng karamihan sa kaniyang sariling mga kagamitan sa opisina, sapagkat maraming kailangang gawin ang mga kapatid.

Isang bahay sa labas ng Managua ang nakuha upang magsilbing tanggapang pansangay. Gayunman, maraming kapatid ang di-pamilyar sa normal na rutin sa Bethel, sapagkat nasanay sila sa pagtatrabaho nang palihim sa iba’t ibang lugar at nang walang regular na rutin. Subalit sila’y tumugong mabuti sa pagsasanay at gumawa ng kinakailangang mga pagbabago. Patuloy pa ring naglilingkod nang tapat kay Jehova ang karamihan sa mga kabataang lalaking ito, anupat ang ilan sa kanila ay nasa iba’t ibang larangan ng buong-panahong paglilingkod.

Upang makatulong sa gawain sa sangay, may mga kapatid na ipinadala rin mula sa ibang bansa. Ang mga misyonerong sina Kenneth at Sharan Brian ay muling inatasan mula sa Honduras pabalik sa Nicaragua noong huling bahagi ng 1990. Noong Enero 1991, sina Juan at Rebecca Reyes, mga nagsipagtapos sa unang klase ng Ekstensiyon ng Paaralang Gilead sa Mexico, ay dumating mula sa Costa Rica, na sinundan naman ni Arnaldo Chávez, isa ring nagtapos sa unang klase sa Mexico, at ng kaniyang asawang si María. Sina Lothar at Carmen Mihank ay dumating makaraan ang dalawang taon mula sa Panama, kung saan naglingkod si Lothar sa Komite ng Sangay. Ang karamihan ay inatasan sa bagong sangay, kung saan sila tumutulong upang muling maisaayos ang gawain ayon sa wastong kaayusan ng organisasyon. Sa ngayon, ang Bethel sa Nicaragua ay binubuo ng 37 miyembro na may iba’t ibang nasyonalidad.

Noong Pebrero 1991, isang Komite ng Sangay ang hinirang upang humalili sa komite ng bansa, at ang sangay sa Nicaragua ay muling opisyal na binuksan noong Mayo 1, 1991. Ang pundasyon ay nailatag na ngayon para sa pagsulong sa hinaharap, at tunay ngang magiging kahanga-hanga ang pagsulong na iyon! Mula 1990 hanggang 1995, 4,026 na bagong mga alagad ang nabautismuhan​—51-porsiyentong pagsulong. Ang pagsulong na ito ay lumikha ng mahigpit na pangangailangan para sa angkop na mga dakong mapagpupulungan. Gayunman, marahil ay natatandaan ninyo na noong 1982, may kabuuang 35 ari-arian ang inagaw ng mga mang-uumog.

Pagbawi sa mga Ari-arian

Noong unang ilegal na sinakop ang mga Kingdom Hall, hindi lamang basta pumayag ang mga kapatid kundi agad na iniapela ito sa pamahalaan, na binabanggit ang Konstitusyon ng Nicaragua bilang depensa nila. Subalit, kahit na sinunod ng mga kapatid ang bawat legal na kahilingan, ang kanilang mga pakiusap ay ipinagwalang-bahala. Noong 1985, lumiham pa nga ang mga kapatid sa presidente noon ng Nicaragua na humihiling na sila’y legal na kilalanin at ibalik ang lahat ng kanilang ari-arian. Bukod diyan, maraming ulit na silang nakiusap na makapanayam ang ministrong panloob. Subalit ang lahat ng pagsisikap na iyon ay nabigo.

Nang magsimulang mamahala ang bagong gobyerno noong Abril 1990, kaagad na nagsumite ang mga kapatid ng panibagong petisyon, na sa pagkakataon namang iyon ay sa bagong ministrong panloob, na humihiling na muling mairehistro nang legal ang mga Saksi ni Jehova. Kaylaki nga ng kanilang kagalakan at pasasalamat kay Jehova nang, pagkaraan lamang ng apat na buwan, ipinagkaloob ang kanilang petisyon! Mula noon, kinilala ng pamahalaan ng Nicaragua ang katayuan ng Watch Tower Bible and Tract Society bilang pang-internasyonal na ministeryo at na maaari na itong kumilos nang malaya at makamtan ang karaniwang eksemsiyon sa buwis na ibinibigay sa ganitong mga di-pangnegosyong organisasyon. Gayunman, ang pagbawi sa mga Kingdom Hall ay hindi naging madali, yamang ang ilan sa mga ito ay “naibigay” na sa mga tagapagtaguyod ng dating rehimen.

Ang mga kapatid ay umapela sa bagong tatag na National Committee for the Revision of Confiscated Properties, na humihiling na maibalik ang lahat ng ari-arian. Ito ay naging masalimuot at nakasisiphayong proseso, dahil sa dami ng ganito ring mga apela mula sa iba pang mga organisasyon at mga indibiduwal. Makalipas ang isang taon ng marubdob na pagsisikap, isang ari-arian ang naibalik noong Enero 1991. Pinuntahan din ng mga kapatid ang mga indibiduwal na umookupa sa mga Kingdom Hall, upang makipag-ayos sa mga ito. Subalit naniniwala ang karamihan sa mga taong ito na ang pagtatamo nila sa mga ari-arian ay isang lehitimong “pakinabang” mula sa rebolusyon.

Nang maglaon, ang ari-arian ng sangay ay naibalik nang taóng iyon, subalit kinailangang ibili nila ng ibang matitirhan ang pamilyang nasa mga pasilidad na iyon. Nang sumunod na mga taon, unti-unting nabawi ng mga kapatid ang 30 sa 35 ari-arian at natanggap nila ang mga bono mula sa pamahalaan bilang kabayaran sa mga hindi na mababawi pa.

Pagharap sa Likas na mga Kasakunaan

Bukod pa sa mga lindol na unang nabanggit sa ulat na ito, ang mga bulkan at mga bagyo ay nagdulot ng malaking pinsala sa Nicaragua. Mula pa noong 1914, ang pinakaaktibong bulkan sa bansa, ang Cerro Negro, ay pumutok na nang 12 ulit, anupat natabunan ng abo nito ang malalawak na taniman. Inilarawan ni Elfriede Urban, isang misyonerong naglilingkod sa León nang panahong pumutok ito noong 1968 at 1971, kung ano ang katulad ng mga ito: “Umulan ng maitim na buhangin at abo sa lunsod sa loob ng dalawang linggo. Kailangang palahin ito mula sa mga bubungan sa pangambang magiba ang mga ito. Makatuwiran lamang na mabahala ang mga tao dahil sa ang dating León ay natabunan sa ganitong paraan ilang siglo na ang nakalilipas. Dinala ng hangin ang pinong buhangin sa lahat ng dako. Ito ay nasa aming mga sapatos, damit, kama, pagkain, at maging sa pagitan ng mga pahina ng aming mga aklat! Subalit, sa kabila ng lahat ng ito, ang mga kapatid ay patuloy sa pagdalo sa mga pulong at sa pakikibahagi sa ministeryo sa larangan.”

Noong Oktubre 1998, ang Hurricane Mitch, na tinawag ng ilang eksperto na “ang bagyong pinakamarami ang pinatay na tumama sa Kanlurang Hemispero sa nakaraang dalawang siglo,” ay nagpalubog sa buong Sentral Amerika. “Ang Mitch ay pumatay ng 3,000 hanggang 4,000 katao sa Nicaragua at nagdulot ng malaking pinsala sa ari-arian,” ang sabi ng Encarta Encyclopedia. “Ang malalakas na pag-ulan ay lumikha ng lawa sa bunganga ng bulkan ng Casitas, na naging dahilan ng pagguho ng lupa na tumabon sa lawak na 80 kilometro kuwadrado (30 milya kuwadrado), at pumalis ng ilang nayon.” Ang mga pagtaya kamakailan sa bilang ng mga namatay ay mahigit sa 2,000.

Kagaya ng iba pang apektadong mga bansa, ang mga Saksi ni Jehova sa Nicaragua ay nagsagawa ng malaking pagsisikap sa pagtulong sa mga napinsala. Sa ilang lunsod, ang mga boluntaryong Saksi ay bumuo ng mga pangkat ng mga siklista na nagtungo sa mga lugar na hindi madaanan ng mga sasakyan upang alamin ang kalagayan ng mga kapatid at upang magdala ng pagkain at iba pang mga suplay. Madalas na una silang dumarating upang tumulong, na nagdudulot naman ng malaking kagalakan sa kanilang mga kapatid na nawalan ng tahanan. Ang mga Saksi sa Costa Rica at Panama ay agad na nagpadala ng 72 tonelada ng pagkain at pananamit. Pagkatapos matugunan ang kagyat na mga pangangailangan, ang mga nagdala ng tulong ay nagpatuloy sa loob ng ilang buwan sa pagkukumpuni ng mga Kingdom Hall at sa pagtatayo ng mga bagong tahanan para sa mga kapatid.

Ang Naiibang Bahagi ng Nicaragua

Noong 1987 ang pamahalaan ay lumikha ng dalawang nagsasariling rehiyon na siyang bumubuo sa silangang bahagi ng Nicaragua. Dating kilalá bilang Zelaya, ang mga ito ay tinatawag na ngayon na North Atlantic Autonomous Region (RAAN sa Kastila) at ang South Atlantic Autonomous Region (RAAS). Bagaman ang mga rehiyong ito ay kumakatawan sa halos 45 porsiyento ng lupain sa Nicaragua, mga 10 porsiyento lamang ng populasyon ang tumatahan dito.

May mga minahan ng ginto at pilak sa iba’t ibang lugar, ang RAAN at RAAS ay umaabot mula sa silangang dalisdis ng baku-bakong sentral na bulubundukin hanggang sa mga lawa at mga latian ng Baybayin ng Mosquito. Nasa pagitan nito ang makulay na tanawin ng maulang kagubatan sa tropiko, mga sabana ng pino at palma, at maraming paliku-likong ilog at batis na patungong Carribean. Sa nakalipas na mga taon, ang mga nayon, bayan, at maliliit na lunsod ay naging tirahan ng mga mestiso, at gayundin ng mga Miskito at iba pang mga katutubo.

Para sa karamihan ng mga Miskito, Sumo, Rama, at Creole na naninirahan sa rehiyong ito, ang kabiserang lunsod, ang Managua, ay waring isang naiibang daigdig. Sa katunayan, wala pa ring sementadong daan na nag-uugnay sa silangan at kanluran. Bagaman Kastila ang wikang ginagamit sa rehiyon sa gawing Atlantiko, maraming tao ang nagsasalita ng wikang Miskito, Creole, o iba pang katutubong wika. At ang karamihan ay nag-aangking mga Protestante, ang karaniwang sekta ng Moravian, na kabaligtaran naman niyaong nakararaming Katoliko sa rehiyon sa gawing Pasipiko. Kaya sa halos lahat ng bagay​—sa heograpiya, wika, kasaysayan, kultura, at relihiyon​—ang silangan at kanluran ay tunay na magkaiba. Kaya paano tatanggapin ang mabuting balita sa naiibang bahaging ito ng Nicaragua?

Lumaganap ang Mensahe ng Kaharian sa Malalayong Lugar

Sinubukang bisitahin ng mga misyonerong Saksi ang silangang bahagi noon pang 1946 at nakapagpasakamay sila ng mga literatura. Noong dekada ng 1950, dinalaw ng tagapangasiwa ng sirkito na si Sydney Porter at ng kaniyang asawang si Phyllis, ang maliit na mga baybaying lunsod ng Bluefields at Puerto Cabezas, Corn Islands, at ang mga minahang bayan ng Rosita, Bonanza, at Siuna. “Sa isang pagbisita sa minahan,” ang salaysay ni Sydney, “bawat isa sa amin ay nakapagpasakamay ng mahigit sa 1,000 magasin at 100 aklat. Gustung-gustong magbasa ng lahat.” Di-nagtagal at naitatag ang mga nabubukod na grupo sa karamihan sa mga bayang ito, at mula noong dekada ng 1970, ang mga grupong ito ay patuloy na sumulong upang maging mga kongregasyon.

Gayunman, ang iba pang lugar ng RAAN at RAAS ay maraming taon nang hindi nagagawa. Ang pagiging liblib, kakulangan ng mag-uugnay na mga daan, at ang pagbuhos ng ulan sa tropiko sa loob ng mahigit na walong buwan ng taon ay naghaharap ng malalaking hamon sa gawaing pangangaral. Subalit ang mga ito ay mapagtatagumpayan naman, kagaya ng ipinakita ng maraming masisigasig at walang-takot na payunir. Sa kalakhang bahagi, dahil sa kanilang determinasyon at pagpapagal, mayroon na ngayong pitong kongregasyon at siyam na grupo, na binubuo ng mga 400 mamamahayag ng Kaharian, sa RAAN at sa RAAS.

Upang ilarawan ang mga hamong napaharap sa mga Saksi sa mga rehiyong ito, isaalang-alang ang halimbawa ng isang 22-taóng-gulang na kapatid na lalaki. Tatlong ulit sa isang linggo, halos walong oras siyang naglalakad sa kabundukan upang dumalo sa mga pulong sa minahang bayan ng Rosita, na kinaroroonan ng pinakamalapit na kongregasyon. Naglilingkod siya roon bilang ministeryal na lingkod at regular pioneer. Dahil nag-iisang bautisadong Saksi sa pamilya, karaniwan nang gumagawa siyang mag-isa sa bulubunduking lugar na ito na ang mga bahay ay kadalasang may pagitang dalawang oras na paglalakad. Kapag gumabi na samantalang siya ay nasa isang bahay, natutulog na siya roon at nagpapatuloy sa pagpapatotoo sa lugar na iyon sa kinabukasan, yamang hindi na praktikal maglakbay pauwi sa gabi. Kamakailan, namatay ang kaniyang ama, anupat naiwan sa kabataang kapatid na ito ang pananagutang mangalaga sa kaniyang pamilya bilang panganay na anak. Subalit, nakapagpapayunir pa rin siya. Sa katunayan, ang isa sa kaniyang mga kapatid na lalaki sa laman ay di-bautisadong mamamahayag na ngayon at sumasama na sa kaniya sa ministeryo.

Mula noong 1994, inorganisa ng sangay ang taunang mga kampanya ng pangangaral sa malawak na rehiyong ito. Ang temporaryong mga special pioneer na kinuha mula sa ranggo ng masisigasig na regular pioneer, ang gumagawa sa liblib na mga bayan at mga nayon ng RAAN at RAAS sa loob ng apat na buwan sa panahon ng tag-araw. Ang matitibay na payunir na ito ay nagtitiis sa matinding init, baku-bakong daan, mga ahas, mababangis na hayop, maruruming tubig, at sa panganib na magkaroon ng nakahahawang sakit. Ang kanilang tunguhin ay ang magbigay ng puspusang patotoo, magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga taong interesado, at magsagawa ng mga Kristiyanong pagpupulong, lakip na ang Memoryal. Ang mga resulta ng kanilang gawain ay nakatutulong din sa tanggapang pansangay na matiyak kung saan dapat atasan ang mga special pioneer. Sa nakaraang mga taon, ang programang ito ay umakay sa pagtatatag ng mga kongregasyon at mga grupo sa mga bayan ng Waspam at San Carlos, sa kahabaan ng Ilog Coco sa malayong hilagang-silangan.

Bagaman dumagsa sa RAAN at RAAS ang maraming mestisong nagsasalita ng Kastila, ang mga katutubong Miskito pa rin ang pinakamalaking grupo sa mga rehiyong ito. Ang ilang salig-Bibliyang mga publikasyon ay makukuha sa Miskito, at ilang payunir ang natututo ng wikang ito. Bilang resulta, ang mensahe ng Kaharian ay naikikintal na mabuti sa maraming mapagpatuloy at maibigin-sa-Bibliya na mga taong ito.

Halimbawa, malapit sa Ilog Likus sa RAAN ay matatagpuan ang Kwiwitingni, isang nayon ng mga Miskito na may 46 na bahay, anupat ang 6 sa mga ito ay walang tao nang panahon ng kampanya ng payunir noong 2001. Nang taóng iyon, nakapagdaos ang temporaryong mga special pioneer ng 40 pag-aaral sa Bibliya sa nayon​—isa sa bawat tahanan! Pagkalipas lamang ng isang buwan, tatlong estudyante na ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na mabautismuhan, na isa sa mga ito ay naging katulong ng pastor ng Simbahang Moravian doon. Dalawang mag-asawa ang nagnais maging mga mamamahayag, subalit hindi legal ang kanilang kasal. Kaya, may-kabaitang ipinaliwanag sa kanila ng mga payunir ang mga pamantayan ng Bibliya hinggil sa pag-aasawa at bautismo. Gunigunihin ang kagalakan ng mga payunir na ito nang sila’y papauwi na, nilapitan sila ng dalawang mag-asawang ito at may pagmamalaking ipinakita ang kanilang mga sertipiko ng kasal!

Mula noong mabungang kampanyang iyon, ang mga mamamahayag sa Waspam ay regular nang nagbibiyahe nang 19 na kilometro patungong Kwiwitingni upang tulungan ang bagong mga interesadong tao na patuloy na sumulong sa espirituwal at sanayin sila sa ministeryo.

Ang temporaryong mga special pioneer na nangangaral sa ilang nayon ng mga Miskito sa kahabaan ng Ilog Coco ay nakatagpo ng isang malaking grupo ng mga Amerikano na nagsasagawa ng gawaing panlipunan. Ang mga payunir ay nakapagpasakamay sa kanila ng ilang magasin sa wikang Ingles. Sa nayon ng Francia Sirpi, malapit sa Ilog Wawa, nagtatayo ng isang maliit na paaralan ang mga miyembro ng isang simbahang Baptist. Ang pinuno ng grupo ng konstruksiyon ay nagsabi sa isa sa mga payunir: “Hanga ako sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Naririto kayo upang magturo ng Bibliya. Sana’y ganiyan ang gawin ng relihiyon ko.”

Pangangailangan Para sa Makaranasang mga Kapatid

Noong panahon ng mga paghihigpit, mga 60 porsiyento ng mga Saksi sa Nicaragua ang dumadalo sa mga pulong na kasinlaki lamang ng isang maliit na grupo ng pamilya. At iilan lamang ang kanilang mga publikasyon para sa ministeryo. Idinaos ang mga asamblea sa mga kongregasyon, at pinaikli ang programa. Ang ilang may-gulang na mga kapatid na lalaki at mga ulo rin ng pamilya ay naging kahalili ng naglalakbay na mga tagapangasiwa subalit nagagawa lamang nila iyon nang paminsan-minsan. Karagdagan pa, maraming matatagal nang mga pamilyang Saksi ang nandayuhan sa ibang lugar noong maligalig na mga taóng iyon. Kaya, nang legal na mairehistrong muli ang gawain, nagkaroon ng apurahang pangangailangan para sa makaranasang matatanda at mga payunir.

Sa katunayan, nais mismo ng matatanda na sila’y masanay sa mga pamamaraan ng organisasyon, habang ang mga mamamahayag ay nangangailangan naman ng tagubilin kung paano iaalok ang mga literatura sa larangan. Upang matugunan ang mga pangangailangang ito, inatasan ng Lupong Tagapamahala na magtungo sa Nicaragua ang mga nagsipagtapos sa Ministerial Training School na idinaos noon sa El Salvador, Mexico, at Puerto Rico. Isa sa mga kapatid na ito, si Pedro Henríquez, isang nagtapos sa unang klase ng Ministerial Training School sa El Salvador, ang nagsimula sa pansirkitong gawain sa Nicaragua noong 1993. Labing-isang makaranasang tagapangasiwa ng sirkito mula sa Mexico ang “tumawid” sa makabagong-panahong Macedonia na ito upang tumulong.​—Gawa 16:9.

Sa nakalipas sa siyam na taon, ang Nicaragua ay tumanggap din ng 58 nagsipagtapos sa Gilead, na inatasan sa anim na tahanan ng mga misyonero sa buong bansa. Ang kanilang pagkamaygulang ay nakatulong na mabuti sa espirituwal na kalagayan ng mga kongregasyon, at nakatulong sila sa maraming kabataan na malasin ang buong-panahong paglilingkod bilang isang kanais-nais na tunguhin.

Ang Nicaragua ay tinawag na isang paraiso ng mga mángangaral ng mga nagtungo roon noong mga dekada ng 1960 at 1970 upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Totoo pa rin ito hanggang sa ngayon. Ang isang kapatid sa Service Department ng sangay ay nagkomento: “Ang Nicaragua ay isa pa ring bansa kung saan ang mga mamamahayag at mga payunir ang nagpapasiya kung ilang pag-aaral sa Bibliya ang kanilang idaraos, sapagkat napakaraming interesado.” Mauunawaan naman kung bakit marami sa mga nananabik na tumulong kung saan mas malaki ang pangangailangan at tinuos na nila ang halaga ang nagtatanong tungkol sa paglilingkod sa Nicaragua. Sa katunayan, pagsapit ng Abril 2002, lumipat doon ang 289 na payunir mula sa 19 na bansa upang tumulong. Anong laking pasasalamat ng mga Saksing tagaroon dahil sa lahat ng mga manggagawang ito sa pag-aani!​—Mat. 9:37, 38.

Isang Kapana-panabik na Pambansang Pagtitipon

Bago naganap ang mga paghihigpit, ang huling pambansang kombensiyon ay idinaos noong 1978. Kaya gunigunihin ang pananabik ng mga kapatid na makatanggap ng paanyaya para sa isang pandistritong kombensiyon na idaraos sa Managua noong Disyembre 1999! Ang mga miyembro ng pamilya ay pinasiglang magsimula nang mag-impok ng salapi para sa biyahe at sa iba pang gastusin upang makadalo ang lahat. Upang may magastos, naging lubhang mapamaraan ang ilang Saksi. Halimbawa, yamang popular ang karneng baboy sa Nicaragua, ang ilan ay kumuha ng buháy na mga “alkansiyang baboy” sa pamamagitan ng pagbili, pag-aalaga, at pagkatapos ay pagtitinda ng mga baboy. Bilang resulta ng matalinong pagpaplano at determinasyon, 28,356 na Saksi at mga interesadong tao mula sa silangan hanggang sa kanluran ang nakarating sa pambansang istadyum ng beysbol sa Managua para sa “Makahulang Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon, na nagsimula noong Disyembre 24.

Anong laking pananabik ng mga delegado noong Sabado ng kombensiyong iyon na makita ang 784 katao na nabautismuhan​—ang pinakamalaking bautismo sa kasaysayan ng gawain sa Nicaragua! Ang mga misyonerong naglingkod doon noong una ay naroon at ibinahagi sa mga tagapakinig ang kanilang nakapagpapatibay na mga karanasan. Karagdagan pa, ang kombensiyon ay may mabisang epekto sa pagkakaisa sa pamamagitan ng pagganyak sa lahat, anuman ang wika o tribong pinagmulan, na maging lalong determinado higit kailanman na sumulong sa isang “dalisay na wika” ng espirituwal na katotohanan “upang paglingkuran [si Jehova] nang balikatan.”​—Zef. 3:9.

Pagtatanggol sa Ating Karapatang Tumanggap ng Medikal na Panggagamot Nang Walang Dugo

Tatlo ang Hospital Liaison Committee (HLC) sa Nicaragua, na ang trabaho nito ay pinag-uugnay ng Hospital Information Services na nasa sangay. Bukod pa sa pagtulong sa mga pasyenteng Saksi kapag may bumangong isyu hinggil sa pagsasalin ng dugo, sinisikap ng mga komiteng ito na ipabatid sa mga propesyonal at mga estudyante ng medisina ang tungkol sa maraming panghalili sa pagsasalin ng dugo na tinatanggap ng mga Saksi ni Jehova.

Sa layuning iyan, nagbigay ang mga miyembro ng HLC ng mga lektyur at audiovisual na mga presentasyon sa mga doktor at mga estudyante sa medisina, anupat ang ilan sa kanila ay nagbigay ng napakapositibong mga komento. Sa katunayan, dumaraming mga siruhano at mga anestisyologo ang nagpahiwatig ng kanilang pagnanais na makipagtulungan sa mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng paggalang sa kanilang salig-Bibliyang paninindigan hinggil sa pagsasalin ng dugo.

Determinadong Sumulong

Ang teokratikong kasaysayan ng Nicaragua ay naglalaan ng saganang patotoo na kahit na ang likas o gawang-taong mga kasakunaan ay hindi makahahadlang sa pagsulong ng mabuting balita. Oo, tunay na ginawa ni Jehova na “ang munti” ay maging “isang libo.” (Isa. 60:22) Ang unang ulat ng paglilingkod sa larangan para sa bansa, na isinumite noong 1943, ay kumakatawan sa gawain ng tatlong mamamahayag lamang; pagkaraan ng 40 taon, nagkaroon ng pinakamataas na bilang na 4,477 mamamahayag. Pagsapit ng 1990 nang pahintulutang bumalik ang mga misyonero, ang bilang ay umakyat sa 7,894! Ang pagpapala ni Jehova ay nagpatuloy hanggang sa buong dekada ng 1990, anupat nang panahong iyon ay halos nadoble ang bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian.

Sabihin pa, ang mabilis na pagsulong na ito ay lumikha ng apurahang pangangailangan para sa mas maraming Kingdom Hall. Kaya naman, pinangasiwaan ng tanggapang pansangay ang isang programa ng malawakang konstruksiyon kung saan kabilang ang pagtatayo ng mga 120 karagdagang Kingdom Hall, bukod pa sa bagong sangay sa Ticuantepe, 11 kilometro ang layo sa timog ng Managua. Ang sangay ay matatapos sa Abril 2003.

Noong nakaraang mga taon, ang Nicaragua ay nagkaroon ng ilang pagsulong sa ekonomiya, lalo na sa Managua, isang lunsod kung saan lumaki ang oportunidad para sa trabaho, edukasyon, at paglilibang. Ang konstruksiyon ay parang isang nagpapatuloy na bahagi ng lunsod na ito, anupat ngayon ay nagkaroon ng makabagong mga restawran, mga istasyon ng gasolina, mga sentrong pamilihan na punung-puno ng mga paninda at maraming iba pang bagay mula sa Kanluraning lipunan.

Ang gayong kapaligiran taglay ang maraming tukso nito ay naghaharap ng mga bagong hamon sa mga Kristiyano. Ganito ang sinabi ng isang matagal nang naglilingkod bilang matanda: “Mabilis ang mga pagbabago. Iyon ay parang paglalagay ng isang plato ng kendi sa harap ng isang bata na hindi pa kailanman nakakakain ng anuman maliban sa kanin at balatong at sasabihan siya: ‘Ngayo’y mag-ingat ka!’ Oo, alam namin kung paano maglilingkod kay Jehova sa ilalim ng kahirapan, subalit ngayon ay tuso ang kaaway. Mas mahirap pakitunguhan ang kalagayang ito.”

Gayunman, ang pagkamatapat, sigasig, at tibay ng loob na ipinamalas ng bayan ni Jehova noong mga taon ng paghihigpit ay patuloy na nagluluwal ng maiinam na bunga. Marami sa mga batang lumaki noong panahong iyon ang naglilingkod ngayon bilang matatanda, payunir, at mga boluntaryo sa Bethel. Ang Nicaragua ngayon ay may 17 sirkito na binubuo ng 295 kongregasyon, kabilang na ang 31 nabubukod na grupo. Ang ulat noong Agosto 2002 ay nagpakita ng isang bagong pinakamataas na bilang na 16,676 na mamamahayag, subalit, ang dumalo sa Memoryal sa taóng iyon ay 66,751!

Kaya, idinadalangin namin na marami pang tao sa may pagkasari-saring lupaing ito ang makakilala kay Jehova bago magwakas ang kaniyang “taon ng kabutihang-loob.” (Isa. 61:2) Oo, patuloy nawang palawakin ng ating makalangit na Ama ang mga hangganan ng ating espirituwal na paraiso hanggang sa ang buong lupa ay ‘mapuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.’​—Isa 11:9.

[Kahon sa pahina 72]

Pangkalahatang Impormasyon Tungkol sa Nicaragua

Ang lupain: Ang Nicaragua ang pinakamalaking bansa sa Sentral Amerika. Ito ay nahahati sa dalawang bahagi sa pamamagitan ng kabundukan sa gitnang bahagi ng bansa. Ang kanlurang bahagi ay isang rehiyon ng mga lawang tubig-tabang. Di-gaanong mataba, ang rehiyon sa silangan ay karaniwang maulang gubat at mga kapatagan. May humigit-kumulang sa 40 bulkan ang Nicaragua; ang ilan ay aktibo.

Ang mga mamamayan: Ang karamihan ay mga mestisong nagsasalita ng wikang Kastila​—mga taong nagmula sa magkahalong angkan ng Amerikanong Indian at Europeo. Nakatira ang ilang Indian na Monimbó at Subtiaba sa kanlurang baybayin, samantalang nasa silangang baybayin ang mga Indian na Miskito, Sumo, at Rama, pati na ang mga Creole at mga Afro-Carib. Ang pangunahing relihiyon ay Romanong Katolisismo.

Ang wika: Kastila ang opisyal na wika. Ginagamit din ang katutubong mga wika.

Ang kabuhayan: Agrikultura ang pangunahing sumusuporta sa ekonomiya ng Nicaragua.

Ang pagkain: Ang pangunahing lokal na kinakaing mga pananim ay bigas, mais, bean, batad, saging na saba, balinghoy, at iba’t ibang prutas. Kasama sa mga iniluluwas na kalakal ang kape, asukal, saging, pagkaing-dagat, at karneng baka.

Ang klima: Ang Nicaragua ay tropikal. Ang ulan ay nagkakaiba-iba mula sa 190 sentimetro hanggang 380 sentimetro, depende sa rehiyon. Ang temperatura sa baybayin ay may katamtamang 26 na digri Celsius, samantalang medyo mas malamig sa bulubundukin.

[Kahon/Larawan sa pahina 99-102]

Pakikipagpunyagi sa mga Sekreta

Sina Húber at Telma López

Maikling Talambuhay: Mga magulang ng tatlong malalaki nang anak. Si Húber ay naglilingkod bilang matanda sa lokal na kongregasyon.

Sa ilalim ng rebolusyonaryong pamahalaan, ang ministeryal na mga lingkod at matatanda ay madalas na arestuhin ng Seguridad ng Estado at ikinukulong mula sa isang araw hanggang sa ilang linggo upang pagtatanungin. Dahil sa kanilang salig-Bibliyang neutralidad, ang mga Saksi ni Jehova ay pinaratangan subalit hindi kailanman pormal na isinakdal ng panunulsol sa mga tao upang magrebelde laban sa pamahalaan. Nais ding malaman ng mga tagapagtanong ang mga pangalan ng aming mga “tagapagturo” at mga “lider.”

Ang isa sa maraming kapatid na nagkaroon ng ganitong karanasan ay si Húber López, na ngayon ay isa nang matanda at ama ng tatlong malalaki nang anak. Noong Disyembre 1985, si Brother López ay inaresto sa kaniyang tahanan sa La Reforma, isang komunidad sa lalawigan na mga 40 kilometro sa timog-silangan ng Managua. Inilahad ng kaniyang asawang si Telma, ang matinding hapis nang araw na iyon:

“Ika-4:00 n.h., dalawang dyip ang huminto sa tapat ng bahay namin, ang isa ay may sakay na mga ahente ng Seguridad ng Estado at ang isa naman ay may sakay na mga sundalo na pumalibot sa bahay. Pagkatapos kong sabihin sa mga ahente na wala sa tahanan ang aking asawa, inutusan nila ako at ang mga bata na lumabas, dahil sa hahalughugin daw nila ang bahay. Gayunman, ang panganay naming anak na lalaki, si Elmer, na sampung taóng gulang ay nanatili sa loob. Nagmasid siya nang simulan nilang alisin sa kabinet ang mga aklat na sekular at teokratiko. Sa pagitan ng mga aklat na iyon, itinago ng aking asawa ang ilang rekord ng kongregasyon. Nang dalhin ng mga mapanghimasok ang mga aklat sa mga dyip, sumigaw si Elmer: ‘Sir, dadalhin din ba ninyo ang mga aklat kong pampaaralan?’ Isang sundalo ang masungit na tumugon: ‘Sige, ibalik mo ang mga iyon.’ Sa gayong paraan, nailigtas ng aming anak ang kaniyang mga aklat at ang mga rekord ng kongregasyon.

“Nang gabing iyon, habang naghahapunan kami, bumalik ang mga sundalo. Habang nakatutok ang mga riple sa amin, dinala nila ang aking asawa habang nakatingin ang mga bata, na umiiyak. Ayaw sabihin sa amin ng mga sundalo kung bakit o saan nila siya dadalhin.”

Bilang paglalarawan sa sumunod na nangyari, sinabi ni Brother López: “Dinala ako sa bilangguan sa Masaya at inilagay sa isang selda kasama ang lahat ng uri ng kriminal. Kaagad kong ipinakilala ang aking sarili bilang isa sa mga Saksi ni Jehova at nagpatotoo sa mga lalaking ito sa loob ng ilang oras. Pagsapit ng hatinggabi, may nag-utos sa akin habang nakatutok ang baril na lumabas daw ako ng selda at sumakay sa naghihintay na dyip sa dilim doon sa labas. Sinabi sa akin na tumungó ako, subalit habang ako ay sumasakay, nakilala ko ang apat pa na nakatungó sa loob ng dyip. Sila ay ministeryal na mga lingkod at matatanda mula sa lugar ng Masaya na inaresto rin nang gabing iyon.

“Makalawang ulit nila kaming pinagbantaang papatayin nang gabing iyon, una sa isang taniman ng kape at pagkatapos ay sa isang lugar sa lunsod, kung saan pinahilera nila kami nang nakatalikod sa isang pader. Sa dalawang pagkakataong iyon ay waring hinihintay nilang magsalita kami, subalit walang gumawa nito sa amin. Sa wakas, dinala nila kami sa bilangguan sa Jinotepe at ikinulong kami sa magkakahiwalay na selda sa loob ng tatlong araw.

“Hindi kami pinahintulutang matulog nang matagal sa bawat pagkakataon. Ang aming mga selda ay pinanatiling madilim, upang hindi namin malaman kung araw o gabi. Paulit-ulit kaming tinawag sa silid-tanungan at tinanong tungkol sa aming gawaing pangangaral, mga pulong, at mga pangalan ng mga ‘lider’ namin. Tinakot pa nga ako ng isa sa mga nagtatanong sa akin na aarestuhin daw ang aking mga magulang at puwersahang kukunin sa kanila ang impormasyon. Sa katunayan, narinig ko pa nga ang tinig ng aking mga magulang, ng aking asawa, at ng iba pang miyembro ng aking pamilya habang nasa selda ako. Gayunman, ang aking narinig ay isang recording na nilayong linlangin ako upang maniwala na dinala sa bilangguan ang mga miyembro ng aking pamilya upang tanungin.

“Nang ikaapat na araw, Huwebes, sinabi sa akin na ako ay palalayain na. Subalit kailangan ko munang pirmahan ang isang kapahayagan na nangangakong ititigil ko na ang pangangaral hinggil sa aking relihiyon. Sinabi rin sa akin na pumirma na ang aking mga kasamahang Saksi​—na sabihin pa ay hindi naman talaga totoo. ‘Kung tatanggi kang pumirma,’ ang sabi ng mga nagtatanong sa akin, ‘ibabalik ka namin at mabubulok ka rito.’

“‘Kung gayon, pakisuyong huwag na ninyo akong palayain; basta’t iwan na lamang ninyo ako rito,’ ang sagot ko.

“‘Bakit mo nasabi iyan?’

“‘Sapagkat isa ako sa mga Saksi ni Jehova, at iyan ay nangangahulugang nangangaral ako.’

“Laking gulat ko, kaming lima ay pinalaya nang araw ring iyon. Oo, sinagot ni Jehova ang aming mga panalangin at pinalakas kami upang manatili kaming kalmado at hindi ipagkanulo ang aming mga kapatid. Gayunman, matapos ang karanasang iyon, kami ay lagi nang sinusubaybayan.”

[Kahon/Larawan sa pahina 105, 106]

Sapilitang Dinala sa Lugar ng Labanan

Giovanni Gaitán

Nabautismuhan: 1987

Maikling Talambuhay: Inaresto ilang linggo na lamang bago siya mabautismuhan, siya’y pinilit na sumama sa BLI sa loob ng 28 buwan. Naglingkod bilang payunir nang mahigit sa walong taon.

Pinilit ang ilang kapatid na kabataang lalaki na sumama sa Irregular Warfare Battalions (BLI sa Kastila) na nakikipaglaban sa makapal na kagubatan sa kabundukan.

Ang isa sa mga kabataang lalaking ito ay si Giovanni Gaitán. Bagaman hindi pa bautisadong mamamahayag, gumugol si Giovanni ng 28 buwan kasama ng BLI. Inaresto siya mga ilang linggo na lamang bago siya bautismuhan. Ganito ang paglalahad ni Giovanni: “Ang mga pagsubok sa akin ay naganap pagkatapos ng unang labanan. Inutusan ako ng isang opisyal na labhan ang isang unipormeng may bahid ng dugo na kinuha mula sa isang patay na sundalo. Tumanggi ako, sa paniniwalang iyon ay maaaring maging unang kawing sa sunud-sunod na pangyayari na hahantong sa pakikipagkompromiso ko ng aking Kristiyanong neutralidad. Galít na galít ang opisyal anupat sinampal niya ako nang malakas. Binunot niya ang kaniyang baril, itinutok sa aking ulo, at kinalabit ang gatilyo, pero hindi pumutok ang baril. Kaya inihampas niya iyon sa aking mukha at nagbanta na kapag sumuway akong muli, papatayin niya ako.

“Sa sumunod na 18 buwan, pinahirapan akong mabuti ng taong ito. Sa ilang pagkakataon, hinayaan niyang nakatali ang aking mga kamay nang buong maghapon upang hindi ako makakain. Sa ganitong kalagayan, malimit akong pinupuwersang lumakad sa kagubatan nang nauuna sa grupo, na may riple at mga granadang nakakabit sa aking likod​—isang madaling puntirya ng mga kaaway! Pinalo niya ako at binantaang papatayin ako, lalo na noong kainitan ng labanan nang namamatay na ang iba sa palibot ko at ayaw kong damputin ang kanilang mga riple. Subalit, hindi ako napoot sa kaniya, ni nagpakita man ako ng takot, sapagkat binigyan ako ni Jehova ng tibay ng loob.

“Isang umaga noong Marso 1985, ako at ang ilang kapatid na lalaki ay ibinaba mula sa kabundukan tungo sa isang lugar na madadalaw kami ng aming mga pamilya malapit sa Mulukukú, mga 300 kilometro sa hilagang-silangan ng Managua. Habang kumakain at nakikipag-usap sa mga miyembro ng aking pamilya, napansin ko ang opisyal ding ito na nakaupong mag-isa. Dinalhan ko siya ng isang plato ng pagkain. Pagkatapos niyang kumain, tinawag niya ako. Inihanda ko ang aking sarili sa masamang mangyayari, pero nagulat ako nang siya’y humingi ng paumanhin sa paraan ng pakikitungo niya sa akin. Tinanong pa nga niya ako tungkol sa aking mga paniniwala. Iyon ang huling pagkakataong nakita ko siya; di-nagtagal at namatay siya sa aksidente na kinasasangkutan ng isang trak ng militar.”

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 116-118]

Paggunita ng Dalawang Miyembro ng Komite ng Bansa

Sa panahon ng restriksiyon, ang gawain sa Nicaragua ay sumailalim sa pangangasiwa ng sangay sa Costa Rica. Isang komite ng bansa ang hinirang sa Nicaragua upang maglaan ng lokal na pangangasiwa. Ginunita ng dalawang kapatid na nagsilbi sa komiteng iyon, sina Alfonso Joya at Agustín Sequeira ang mga panahong iyon ng pagsubok.

Alfonso Joya: “Naglilingkod ako bilang isang matanda sa Managua nang anyayahan akong maglingkod sa komite ng bansa noong 1985. Kung tungkol naman sa aking sekular na trabaho, pinangangasiwaan ko ang pinakamalaking sangay ng isang kilaláng bangko. Ang kaalaman ko sa pagbabangko ang nagpangyari na makatulong ako upang makuha ang pinakamalaking pinansiyal na pakinabang mula sa ari-arian ng organisasyon ni Jehova noong mabilis na bumabagsak ang halaga ng salapi sa Nicaragua, na nagpahina sa ekonomiya. Kahit na ang isang karaniwang pares ng sapatos, na dati’y nagkakahalaga nang mga 250 cordoba, ay di-nagtagal at ipinagbibili na nang dalawang milyong cordoba!

“Sa panahong ito na naghihirap sa ekonomiya, ang bansa ay nakaranas din ng kakulangan ng petrolyo, na nagpahirap sa mga kapatid na maihatid ang mga literatura sa malalayong kongregasyon. Si Jehova ang tumulong sa amin para maging posible na matulungan ko ang mga kapatid na makakuha ng kinakailangang petrolyo.

“Hindi alam ng aking sariling pamilya na ako ay miyembro ng komite ng bansa. Nang panahong iyon, ako ay 35 taóng gulang at puwede nang maging reserba sa militar. Sa apat na magkakahiwalay na pagkakataon, pinagsikapan ng militar na papagsundaluhin ako, anupat minsan ay ginawa pa nga ito sa mismong tahanan ko. Tandang-tanda ko ang pangyayaring iyon, dahil ang aking asawa at tatlong mumunting anak ay nasa tabi ko habang nakatitig ako sa kanyon ng isang riple. Ang nakapagtataka, hindi ako pinaalis sa aking trabaho sa bangko.”

Agustín Sequeira: “Naglilingkod ako bilang special pioneer sa isang maliit na bayan sa Boaco nang ipatapon ang mga misyonero noong 1982. Nang maglaon, nagkaroon ako ng pribilehiyong maatasan sa komite ng bansa. Walang kaalam-alam ang mga kapatid sa aking kongregasyon tungkol sa atas na ito. Gumigising ako ng ika-4:00 n.u., gagawin ko ang aking trabaho sa opisina, at pagkatapos ay makikibahagi sa paglilingkod sa larangan kasama ng kongregasyon.

“Ang mga miyembro ng komite ng bansa ay pawang gumagamit ng mga alyas habang isinasagawa namin ang aming mga pananagutan, at nagkasundo kami na hindi sasabihin sa isa’t isa ang mga detalye ng aming trabaho. Nagsilbi itong proteksiyon sakaling maaresto kami. Wala kaming opisina kundi nagtatrabaho kami sa iba’t ibang tahanan. Dahil sa maaaring pumukaw ng pag-uusyoso ang isang portpolyo, kung minsan ay inilalagay ko ang mga papeles ng opisina sa isang bag kasama ng ilang sibuyas sa ibabaw na nakalabas ang mga dahon nito. Ilang ulit na akong muntik nang mahuli subalit hindi kailanman naaresto.

“Ang mga miyembro ng Komite ng Sangay sa Costa Rica ay dumalaw sa amin nang ilang ulit upang magbigay sa amin ng pampatibay-loob at tagubilin. Ang pinaka-di-malilimutan at pinakanakapagpapatibay na pangyayari para sa akin ay ang pag-aalay ng sangay sa Costa Rica noong Enero 1987, sapagkat naging kagalakan para sa akin at sa isa pang miyembro ng komite ng bansa na makausap sa okasyong iyon ang dalawang miyembro ng Lupong Tagapamahala.”

Hindi pa natatagalan bago mailathala ang ulat na ito, namayapa si Brother Sequeira. Siya ay 86 na taóng gulang at gumugol ng 22 taon sa buong-panahong paglilingkod. Siya ay naging miyembro ng Komite ng Sangay sa Nicaragua.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 122, 123]

Nakita Namin ang Tunay na Kalayaan sa Bilangguan

Sa pagitan ng 1979 at 1989, ang Cárcel Modelo ay napunô ng mga bilanggong militar at pulitikal na naugnay sa dating pamahalaan. Ang mensahe ng Kaharian ay nakatagos sa mga pader na ito, pinunô ang mga puso at isip ng tapat-pusong mga indibiduwal, at tinulungan silang magkaroon ng tulad-Kristong personalidad. (Col. 3:5-10) Narito ang ilang komento mula sa dating mga bilanggo.

José de la Cruz López: “Nang mabilanggo, ako ay naghinanakit at nawalan ng pag-asa, nawalan ng kinabukasan. Pagkatapos ay nakilala ko ang kapuwa mga bilanggo na naging mga Saksi ni Jehova. Humanga ako kapuwa sa kanilang pagpapaliwanag sa Bibliya at sa kanilang mainam na paggawi. Sa wakas ay nasapatan ang aking espirituwal na pangangailangan at nagkaroon ng pag-asa. Nadama ko na kung naging handa akong ipagkaloob ang aking buhay para sa isang pamahalaan ng tao na hindi makapagbibigay ng tunay na pag-asa, lalo pa ngang higit na dapat akong maging matapat sa Isa na nagbigay ng kaniyang Anak para sa akin! Nang ako ay lumaya, natutuhan din ng aking asawa at mga anak na babae at tatlo pa sa mga miyembro ng aking pamilya ang katotohanan. Tunay, hindi ko kailanman mababayaran si Jehova sa kaniyang ginawa para sa akin.”

Si Brother López ay naglilingkod bilang matanda sa Managua.

Omar Antonio Espinoza: “Nang ako ay 18 taóng gulang, hinatulan ako ng 30-taóng pagkabilanggo at nagsilbi nang 10 taon bago tumanggap ng kapatawaran. Bagaman ikinalulungkot ko ang pagkawala ng aking kalayaan, sa bilangguan ko naman nalaman ang tungkol kay Jehova at sa tunay na kalayaan. Dati, imoral ang aking pamumuhay, subalit ngayon ay lubos na akong nagbago. Nagpapasalamat ako kay Jehova na ang aking kopa ay punô sa espirituwal na diwa. Ang determinasyon ko ay kagaya ng kay Josue: ‘Kung para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.’​—Jos. 24:15.”

Si Brother Espinoza ay naglilingkod bilang matanda sa lunsod ng Rivas.

Anastasio Ramón Mendoza: “Sa loob ng ilang buwang pagkakabilanggo, sinimulan kong basahin ang Bibliya nang sarilinan. Pagkatapos ay sinimulan kong pag-aralan ito kasama ng isang kapuwa bilanggo na isa sa mga Saksi ni Jehova. Di-nagtagal ay nakumbinsi ako na nasumpungan ko na ang katotohanan. Subalit, ipinagpaliban ko ang pagpapabautismo sapagkat matindi pa ang aking galit sa mga bumihag sa akin​—isang kalagayan ng isip na alam kong hindi sinasang-ayunan ni Jehova.

“Marubdob akong nanalangin, kapuwa sa kapatawaran at tulong na mapagtagumpayan ang nakapipinsala kong saloobin. Dininig ni Jehova ang aking mga pagsusumamo, sapagkat matiyaga niya akong tinuruan na mapoot hindi sa mga indibiduwal kundi sa masasamang saloobin at mga pagkilos. Ako ay nabautismuhan noong 1982. Buhat nang lumaya ako noong 1989, nakapagdaos na ako ng pag-aaral sa Bibliya sa maraming dating sundalo at sa iba pa na nasa kalagayang katulad ng sa akin. Ang ilan ay mga kapatid ko na ngayon sa espirituwal.”

Si Brother Mendoza ay naglilingkod bilang ministeryal na lingkod sa Managua.

[Kahon/Larawan sa pahina 141-145]

Dininig ang mga Panalangin ng Isang Pastor

Teodosio Gurdián

Nabautismuhan: 1986

Maikling Talambuhay: Si Brother Gurdián sa kasalukuyan ay naglilingkod bilang isang matanda sa Kongregasyon ng Wamblán.

Noong 1986, sa kainitan ng digmaang Sandinista-contra, dalawang mamamahayag mula sa maliit na kongregasyon ng San Juan del Río Coco ang naglakbay nang 100 kilometro sa hilaga patungong Wamblán, isang bayan sa gitna ng kabundukan sa lugar na halos tigang ang mga burol malapit sa hanggahan ng Honduras. Ang maliit na grupo ng mga Saksi na dating nakatira roon ay umalis sa Wamblán dalawang taon na ang kaagahan dahil sa labanan. Hinahanap ng dalawang kapatid na lalaki ang isang taong nagngangalang Teodosio Gurdián. Ipinaliwanag ni Teodosio ang dahilan.

“Ako ay naging pastor ng isang simbahang ebangheliko sa Wamblán. Ang pamunuan ng aming simbahan ay nagmula sa National Association of Nicaraguan Pastors (ANPEN sa Kastila), isang organisasyon ng mga pastor mula sa lahat ng relihiyong Protestante sa Managua. Di-nagtagal pagkatapos humawak ng kapangyarihan ang mga Sandinista, ang ANPEN ay pumirma sa isang kasunduan na nagpapahintulot sa mga pastor at mga miyembro ng parokya na makibahagi sa Sandinista Defense Committees at sa iba pang mga organisasyon, pati na sa hukbo. Subalit bumagabag ito sa akin, yamang tinanong ko ang aking sarili, ‘Paanong ang isang ministro ng Diyos ay magdadala ng sandata?’

“Pagkatapos ay nakakuha ako ng aklat na Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan​—Saan Magmumula? sa isang pamilyang Saksi na nakatira sa Wamblán nang panahong iyon. Binasa kong mabuti iyon hanggang sa kalaliman ng gabi. Sinimulan ko ring basahin nang palagian ang mga magasing Bantayan at Gumising! Ito sa wakas ang tunay na espirituwal na pagkain. Sa katunayan, ginamit ko pa nga ang impormasyon sa aking mga sermon. Nang mabalitaan ito ng mga opisyal ng simbahan, ipinatawag nila ako sa sentral na opisina sa Managua.

“Sa pag-aakalang naliligaw ako dahil sa paghahangad ng kaalaman bilang isang pastor, inalok ako ng mga opisyal na maging iskolar sa loob ng walong buwan upang mag-aral sa Managua. Gayunman, ang mga bagay na aking natutuhan sa mga publikasyon ng Saksi ay matibay na nakasalig sa Bibliya. Kaya nagbangon ako sa mga opisyal ng simbahan ng maraming tanong, tulad ng, ‘Bakit hindi tayo nangangaral sa bahay-bahay gaya ng sinaunang mga Kristiyano? Bakit tayo may ikapu kung hindi naman iyon hiniling ng mga apostol?’ Hindi nasagot sa kasiya-siyang paraan ang aking mga tanong, at di-nagtagal ay sinimulan na akong tawagin ng mga taong ito na isang Saksi.

“Pagkatapos ng karanasang ito, pinutol ko na ang aking pakikipagsamahan sa simbahan at hinanap ang mga Saksi ni Jehova sa Managua. Subalit 1984 noon, at ang mga Saksi ay nagpupulong nang palihim. Kaya makalipas ang dalawang linggo ng bigong paghahanap, ako ay bumalik sa Wamblán at sinuportahan ang aking pamilya sa pamamagitan ng pagsasaka sa isang maliit na taniman ng mais at balatong.

“Ang mga Saksi na dating nakatira sa Wamblán ay nakapamahagi ng karamihan sa kanilang mga literatura bago sila umalis sa lugar na iyon. Kaya kapag nakakakita ako ng mga publikasyong ito sa mga tahanang aking dinadalaw, ako ay nagtatanong: ‘Binabasa ba ninyo ang aklat na ito? Maaari ko bang bilhin ito sa inyo?’ Ibinibigay ito sa akin ng karamihan, kaya sumapit ang panahon, nagkaroon ako ng maliit na teokratikong aklatan.

“Bagaman hindi ko hayagang ipinakikilala ang aking sarili bilang isang Saksi, sinimulan din akong tawagin ng mga tao sa Wamblán na isang Saksi. Kaya, hindi nagtagal at tinanong ako ng mga ahente ng Seguridad ng Estado tungkol sa aking mga gawain. Sinabi pa nga nila sa akin na makapangangaral ako sa kalapit na mga nayon, basta mag-uuwi ako ng mga impormasyong tulad ng pangalan ng mga sumusuporta sa mga contra. ‘Kung gagawin ko ang inyong kahilingan,’ ang sagot ko, ‘itatakwil ko ang aking Diyos, at hindi ko magagawa iyan. Si Jehova ay humihiling ng bukod-tanging debosyon.’

“Sa isa pang pagkakataon, isang opisyal ng hukbo ang humiling sa akin na pumirma sa isang dokumento na nagpapakitang sinusuportahan ko ang mga Sandinista. Tumanggi ako. Bumunot siya ng baril at nagbanta: ‘Hindi mo ba alam na maaari naming alisin ang mga parasito na hindi naglilingkod sa rebolusyon?’ Pero sa halip na barilin ako, binigyan niya ako ng panahong pag-isipan itong muli. Nang gabing iyon ay nagpaalam ako sa aking asawa. ‘Kapag pinirmahan ko ang papel na iyon, mamamatay rin naman ako,’ ang sabi ko sa kaniya. ‘Subalit kapag namatay ako nang hindi pinipirmahan iyon, maaaring alalahanin ako ni Jehova sa pagkabuhay-muli. Alagaan mo ang mga bata, at magtiwala ka kay Jehova. Tutulungan niya tayo.’ Kinabukasan ay sinabi ko sa opisyal: ‘Narito ako. Gawin mo na ang gusto mo, pero hindi ako pipirma.’ Tumango siya at nagsabi: ‘Binabati kita. Alam kong ganiyan ang isasagot mo. Kilalá ko ang mga Saksi ni Jehova.’ Pagkatapos ay hinayaan niya akong umalis.

“Pagkatapos niyaon, nangaral ako nang mas hayagan, anupat naglakbay sa maraming malalayong nayon at inanyayahan ang mga taong interesado na magtipong sama-sama. Isang mag-asawang matanda ang kabilang sa mga naunang tumugon; pagkatapos ay sumunod ang iba pang mga pamilya. Di-nagtagal at 30 na kaming nagpupulong nang regular. Ginamit ko ang lumang mga isyu ng Ang Bantayan, na inihaharap ang materyal bilang isang pahayag, yamang iisa lamang ang kopya namin. Inaralan ko pa nga ng Bibliya ang ilang sundalo, anupat isa sa mga ito nang maglaon ay naging Saksi.

“Noong 1985, isang sundalo na pansamantalang naroroon ang nagsabi sa akin na may isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Jinotega, mga 110 kilometro sa timog ng Wamblán. Hiniling ko sa isang estudyante sa Bibliya mula sa Wamblán na samahan ako patungo roon. Pagkatapos magtanong sa palengke ng Jinotega, nasumpungan namin sa wakas ang tahanan ng isang pamilyang Saksi. Ang asawang babae ang nagbukas ng pinto. Nang ipakilala namin ang aming sarili bilang mga Saksi ni Jehova, nagtanong siya kung kami ay nagpunta roon para sa Memoryal. ‘Ano ang Memoryal?’ ang tanong namin. Pagkatapos nito, tinawag niya ang kaniyang asawa. Nang makumbinsi siya sa aming kataimtiman, inanyayahan niya kami sa loob. Nakalulungkot, ang Memoryal ay naidaos na noong nakaraang gabi, pero nanatili kami sa kanilang tahanan sa loob ng tatlong araw at dumalo sa aming unang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat.

“Nang makabalik kami sa Wamblán, nagpatuloy akong mangaral at mangasiwa ng mga pulong nang mag-isa. Pagkatapos, isang araw bago ang Memoryal noong 1986, ang dalawang kapatid na lalaki na nabanggit sa pasimula ay dumating. Kaagad na ipinamalita ito ng aming munting grupo ng mga estudyante sa Bibliya sa lahat ng mga taong interesado sa mga nayon, at 85 ang dumalo sa aming unang Memoryal.

“Nabautismuhan ako noong Oktubre ng taon ding iyon, kasama ang aking unang mga estudyante sa Bibliya​—ang mag-asawang matanda na nabanggit kanina, na noon ay mahigit nang 80 taóng gulang. Sa ngayon ang Kongregasyon ng Wamblán ay binubuo ng 74 na mamamahayag at 3 regular pioneer. Nagkaroon ako ng pribilehiyong maglingkod bilang isang matanda. Noong 2001, idinaos namin ang Memoryal sa tatlong iba pang nayon bukod sa Wamblán, na sa kabuuan ay dinaluhan ng 452.”

[Chart/Graph sa pahina 80, 81]

NICARAGUA—TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI

1925

1934: Isang bumibisitang payunir na kapatid na babae ang nagpasakamay ng mga literatura sa bansa.

1937: Nagsimula ang rehimeng Somoza.

1945: Unang pagdating ng mga nagtapos sa Gilead.

1946: Bumisita sina N. H. Knorr at F. W. Franz sa Managua. Itinatag ang isang sangay.

1950

1952: Sa panunulsol ng klerong Katoliko, ipinag-utos ang pagbabawal.

1953: Inalis ng Supreme Court of Justice ang pagbabawal.

1972: Winasak ng lindol ang Managua.

1974: Natapos ang bagong tanggapang pansangay at tahanan ng mga misyonero.

1975

1979: Nagtagumpay ang mga Sandinista laban sa rehimeng Somoza. Kasindami ng 50,000 ang namatay sa rebolusyon.

1981: Sinuspende ang legal na katayuan ng mga Saksi ni Jehova.

1990: Natamong muli ng mga Saksi ni Jehova ang legal na pagkilala.

1994: Inatasan ang isang daang temporaryong special pioneer. Sumunod ang gayunding mga kampanya.

1998: Hinampas ng Hurricane Mitch ang Sentral Amerika, na pumatay ng 4,000 sa Nicaragua.

2000

2002: 16,676 na mamamahayag ang aktibo sa Nicaragua.

[Graph]

(Tingnan ang publikasyon)

Kabuuang Bilang ng mga Mamamahayag

Kabuuang Bilang ng mga Payunir

20,000

15,000

10,000

5,000

1950 1975 2000

[Mga mapa sa pahina 73]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

HONDURAS

NICARAGUA

Matagalpa

León

MANAGUA

Masaya

Jinotepe

Granada

Lawa ng Nicaragua

Pulo ng Ometepe

Ismo ng Rivas

Ilog San Juan

Bluefields

COSTA RICA

[Buong-pahinang larawan sa pahina 66]

[Larawan sa pahina 70]

Sa itaas: Sina Francis (kaliwa) at si William Wallace at ang kanilang nakababatang kapatid na si Jane

[Larawan sa pahina 70]

Sa ibaba (likurang hanay, mula sa itaas pababa): Wilbert Geiselman, Harold Duncan, at Francis Wallace;

(harapang hanay, mula sa itaas pababa): Blanche Casey, Eugene Call, Ann Geiselman, Jane Wallace, at Evelyn Duncan

[Mga larawan sa pahina 71]

Sa itaas: Sina Adelina at Arnoldo Castro

Sa kanan: Sina Dora at Evaristo Sánchez

[Larawan sa pahina 76]

Si Doris Niehoff

[Larawan sa pahina 76]

Sina Sydney at Phyllis Porter

[Larawan sa pahina 79]

Si Agustín Sequeira ang unang mamamahayag sa Matagalpa

[Larawan sa pahina 82]

Si María Elsa

[Larawan sa pahina 82]

Si Gilberto Solís at ang kaniyang asawang si María Cecilia

[Mga larawan sa pahina 87]

Isang lindol noong 1972 ang nagwasak sa Managua

[Larawan sa pahina 90]

Sina Andrew at Miriam Reed

[Larawan sa pahina 90]

Sina Ruby at Kevin Block

[Larawan sa pahina 92]

Isang manukan ang ginamit para sa “Pagkamatapat sa Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon

[Mga larawan sa pahina 95]

Mga misyonerong pinaalis sa Nicaragua noong 1982

[Larawan sa pahina 109]

Mga kapatid na nag-imprenta ng mga literatura samantalang may pagbabawal, lakip na ang kanilang makinang pangmimyugrap na Ang Tandang, Ang Inahin, at Ang Sisiw

[Larawan sa pahina 110]

Walang-takot na naghanda si Elda Sánchez ng mga “stencil”

[Larawan sa pahina 115]

Ang mga kapatid na babaing ito ang naghanda ng pagkain at patuloy na nagbantay habang nag-iimprenta ang mga kapatid na lalaki

[Larawan sa pahina 126]

Hanay sa harapan: Ilan sa mga kapatid na natuto ng katotohanan sa bilangguan, mula kaliwa pakanan: Sina J. López, A. Mendoza, at O. Espinoza; hanay sa likuran: Sina Carlos Ayala at Julio Núñez, matatandang dumalaw sa bilangguan upang tulungan ang mga kapatid sa espirituwal na paraan

[Larawan sa pahina 133]

Pagkaraang alisin ang mga paghihigpit sa mga Saksi ni Jehova, ang bahay na ito ay nagsilbing tanggapang pansangay

[Mga larawan sa pahina 134]

Pagkaraan ng Hurricane Mitch, ang ilang boluntaryo ay gumamit ng mga bisikleta upang magdala ng pagkain at mga suplay. Ang iba ay nagtrabaho upang itayong muli ang mga Kingdom Hall at mga tahanan

[Larawan sa pahina 139]

Ang Banacruz, isang komunidad sa RAAN kung saan ipinangangaral ang mabuting balita sa kabila ng mga hamon

[Larawan sa pahina 147]

Ang 1999 “Makahulang Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon, ang unang pambansang kombensiyon na idinaos mula 1978, ay dinaluhan ng 28,356

[Larawan sa pahina 147]

Nasaksihan ng mga delegado na binabautismuhan ang 784​—ang pinakamaraming nabautismuhan sa kasaysayan ng Nicaragua

[Larawan sa pahina 148]

Ang Komite ng Sangay maaga noong taóng 2002, mula kaliwa pakanan: Sina Ian Hunter; Augustín Sequeira, Luis Antonio González, at Lothar Mihank