Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pambuong-Daigdig na Ulat

Pambuong-Daigdig na Ulat

Pambuong-Daigdig na Ulat

OCEANIA

Bilang ng mga lupain: 30

Populasyon: 33,773,304

Bilang ng mga mamamahayag: 92,691

Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 44,999

Sa isang liblib na istasyon ng tren sa New South Wales sa Australia, dalawang mamamahayag ang nagtatayo ng isang puwesto ng mga literatura kapag nakatakdang dumating ang isa sa dalawang tren na nag-uugnay sa mga estado roon. Dahil tumitigil doon ang mga tren​—ang Indian Pacific at ang The Ghan—​nang hanggang dalawang oras, ang mga mamamahayag ay nasisiyahan sa mainam na pakikipag-usap sa maraming pasahero at nakapagpapasakamay sila ng maraming literatura. Sa katunayan, sa kanilang paglalakbay pabalik, ang ilang pasahero ay gumawa pa nga ng “pagdalaw-muli” sa mga mamamahayag.

Karaniwan nang ipinatatalastas ng konduktor ng The Ghan ang anumang atraksiyon na maaaring ikasiya ng mga pasahero samantalang nakahinto ang tren sa iba’t ibang lokasyon. Palibhasa’y patiuna nang nakahingi ng pahintulot sa mga mamamahayag ng Kaharian, isinasama na ngayon ng konduktor sa ipinatatalastas niya ang kanilang puwesto ng mga literatura. Oo, salamat sa pagkamapamaraan ng nakabukod na mga Saksing ito, ang mga manlalakbay mula sa buong Australia at sa ibang bansa ay nakatatanggap ng mainam na patotoo.

Isang mag-asawang misyonero sa Kosrae, Micronesia, ang nakapagpasakamay ng aklat na Kaalaman sa isang ministrong Baptist na nasa mga edad 80. Ang aklat ay nasa wikang Kosraean, na sinasalita ng wala pang 10,000 katao. Pinahalagahan ng ministro ang aklat. Nang dalawin siyang muli ng mag-asawa, sinabi nitong hinimok niya ang mga miyembro ng kaniyang simbahan na tanggapin ang ating mga literatura. Siyempre, nagtanong ang mga misyonero kung bakit. “Sapagkat ang relihiyon namin ay walang iniaalok na mga aklat sa aming sariling wika,” ang tugon niya. Sa ngayon, ang mag-asawang misyonero ay regular na nakikipag-usap sa may-edad nang klerigong ito.

Sa Marshall Islands, isang kapatid na misyonera ang hinilingang makipag-aral ng Salita ng Diyos sa isang di-aktibong kapatid na babae. Palibhasa’y walang anumang nakikitang positibong pagtugon, itinanong ng misyonera sa babae: “Ano ang nadarama mo kapag sinasabi ng iba na mahal ka nila?” May-pagtataka itong sumagot: “Wala pang sinuman ang nakapagsabi sa akin niyan.” Pagkatapos, ang misyonera ay humilig sa kaniyang tabi, niyakap siya, at nagsabi: “Mahal kita. At mahal ka ni Jehova nang mas higit pa.” Nagsimulang umiyak ang di-aktibong kapatid na babae, at nagbago ang saloobin nito hinggil kay Jehova mula noon. Sinimulan niyang pasulungin ang kaniyang espirituwalidad sa pamamagitan ng pagpapasimula sa programa ng pagbabasa ng Bibliya araw-araw, pagdalo sa lahat ng mga pulong, at maging ng pakikibahagi sa gawaing pag-o-auxiliary pioneer. Pagkatapos, noong Enero 2002, nag-aplay siya upang maglingkod bilang regular pioneer. Mula noon ay nakapagpasimula siya ng maraming pag-aaral sa Bibliya at nakagugol pa nga ng isang buwan sa pagpapatotoo sa isang napakalayong isla kung saan mas malaki ang pangangailangan.

Samantalang nagpapahingalay sa tabing-dagat kasama ng ilang kaibigan, isang misyonera sa New Caledonia ang nagpatotoo sa isang kabataang babae na taga-Pransiya na nasa kapuluang iyon upang bumisita sa kaniyang mga kamag-anak. Ang babae ay isang sundalo at nakapaglingkod na sa Sarajevo. Itinanong ng misyonera kung nais ng babae na mamuhay kasama ng mga tao na talagang nag-iibigan sa isa’t isa. Sumagot ang sundalo ng oo, subalit nadama niya na isang makapangyarihang pamahalaan lamang na may mahusay na hukbo ang makapagpapasapit ng tunay na kapayapaan.

Pagkatapos ay ipinaliwanag ng misyonera na ang kaniyang mga kaibigang Saksi, bagaman nagmula sa iba’t ibang bansa, ay pinagkaisa ng kanilang pananampalataya at pag-ibig sa Diyos. Pagkatapos ng kasiya-siyang pag-uusap, nagkasundo ang dalawa na muling magkita sa susunod na araw upang pag-usapan ang marami pang bagay. Tinupad ng sundalo ang kanilang napagkasunduan at nasiyahan sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya sa kauna-unahang pagkakataon. Mula noon, dumalo na siya sa mga pulong. Sumidhi ang kaniyang pagnanais sa espirituwal na mga bagay, at habang papatapos na ang kaniyang bakasyon, araw-araw siyang nakipag-aral. Sumunod, matapos siyang dumalo sa isang asamblea at pumasyal sa tanggapang pansangay sa lugar na iyon, nagbalik siya sa Pransiya kung saan siya patuloy na sumusulong sa espirituwal.

Si Jeannie ay isang kabataang mamamahayag na nakatira sa Papua New Guinea. Malimit niyang dinadala sa paaralan ang aklat na Mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas. Isang araw, hiniling ng kaniyang guro sa Ingles sa buong klase na maghanda ng isang maikling pahayag tungkol sa isang paksa na pinili nila. Pinili ni Jeannie ang tungkol sa droga at alkohol, na ibinabatay ang kaniyang balangkas sa bahagi 8 ng aklat na Mga Tanong ng mga Kabataan. Hangang-hanga ang kaniyang guro sa kaniyang pahayag anupat sinabi nito na maaari niyang “gamitin ang oras ng buong klase” kung gugustuhin niya. Kaya gayon nga ang ginawa ni Jeannie. Pagkatapos ay tinanong siya ng kaniyang guro kung nais niyang magpahayag din sa klase ng ikasampung grado kinabukasan. Tinanggap ni Jeannie ang paanyaya. Pagkatapos ng kaniyang pahayag, sinabi sa kaniya ng kaniyang guro sa Ingles na kung ang paaralan ay magdaraos ng isang gabi ng talumpati para sa mga mag-aaral, isasali niya si Jeannie sa programa. Dahil sa kaniyang dalawang diskurso, hinilingan si Jeannie na magdala ng 64 na kopya ng aklat na Mga Tanong ng mga Kabataan. Karagdagan pa, dalawang kabataang babae ang humiling ng mga kopya ng brosyur na Hinihiling, at napasimulan ni Jeannie ang pag-aaral sa Bibliya sa dalawang kabataang babae na iyon.

Dahil sa etnikong karahasan sa Solomon Islands, maraming kapatid ang nawalan ng mga ari-arian at kinakapos sa pinansiyal. Isang mag-asawa na nawasak ang bahay ay nagpasiyang makibahagi sa paggawa sa ilang di-nakaatas na mga teritoryo, bagaman ang paggawa ng gayon ay nangangahulugan na kailangan nilang gastusin ang kakaunting salapi na natitira sa kanila. Nagkusa silang ipagamit ang kanilang maliit na bangka sa paglalakbay at nasiyahan sa pinakamagandang karanasan nila sa pagpapatotoo higit kailanman ayon sa paglalarawan nila nang maglaon. Nagplano agad sila na dalawin ang mga nagpakita ng interes. Subalit paano sila makararaos sa pinansiyal? Buweno, mga isang linggo pagbalik nila mula sa teritoryong bihirang gawin, isang lalaki na nakaririwasa sa buhay ang lumapit sa kanila at nag-alok na bibilhin nito ang ari-arian na iniwan nila noong panahong may labanan.

Sa isla ng Santo sa Vanuatu, ang Kingdom Hall sa lugar na iyon ang dako na kadalasang pinagdarausan ng mga pandistritong kombensiyon. Gayunman, noong 2001, napakarami na ng mga mamamahayag para magkasya sa bulwagang iyon. Kaya umupa ang mga kapatid ng isang maliit na istadyum na ginagamit lamang sa mga palaro, hanggang sa panahong iyon. Palibhasa’y nag-aalala na baka masira ng mga delegado ang pasilidad, mataas ang presyong ibinigay sa kanila ng manedyer, bagaman tiniyak ng mga kapatid sa kaniya na kanilang lilinisin ang istadyum bago at pagkatapos ng kombensiyon at kukumpunihin din nila ang ilang bagay.

Palibhasa’y may-ari ng isang tindahan sa lugar na iyon ang manedyer, nakita nito ang mga Saksi na bumibili ng materyales sa paglilinis at pagkukumpuni ng istadyum. Dahil sa pagtataka, pumunta siya sa istadyum at tiningnan kung ano ang nangyayari. Pagdating niya sa istadyum, nakita niya ang mahigit sa 100 boluntaryo na nag-iiskoba, nagwawalis, nagpipintura, at nagkukumpuni ng mga palikuran. Naumid siya. Di-nagtagal, ang istadyum​—na napakalinis at nakumpuni na—​ang siyang naging usap-usapan sa bayang iyon. Nang puntahan ng mga kapatid ang manedyer pagkatapos ng kombensiyon upang magbayad, ibang-iba na ang saloobin nito. Binigyan sila nito ng 80-porsiyentong diskuwento at nagsabi na sa susunod, maaari nang gamitin ng mga Saksi ni Jehova ang istadyum nang walang bayad! Tuwang-tuwa ang 300 mamamahayag doon na 832 ang bilang ng mga dumalo sa kombensiyon at 13 ang nabautismuhan.

ASIA AT GITNANG SILANGAN

Bilang ng mga lupain: 47

Populasyon: 3,869,881,970

Bilang ng mga mamamahayag: 561,276

Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 390,151

Nalulugod ang sangay sa India na iulat na mainam na patotoo ang naibigay sa kalakhang bahagi ng lupaing iyon sa pamamagitan ng pagpapalabas ng video sa telebisyon. Napag-alaman ng isang istasyon sa TV ang tungkol sa video na The Bible​—Its Power in Your Life, na ginawa ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos, sumulat ang istasyon sa pandaigdig na punong-tanggapan sa New York upang humingi ng pahintulot sa pagpapalabas ng video na ito kaugnay ng programang Home Shanti (Home Peace). Binigyan sila ng pahintulot, at nagsabi ang sangay sa India na ang video ay “ipinalabas sa mga sambahayan sa buong bansa” sa pasimula ng taóng 2002.

Sa Israel, nadaanan ng isang kapatid na babaing marunong ng wikang pasenyas ang binging mag-asawa na sina Benny at Sharon sa lansangan. Sa halip na agad sumakay ng bus pauwi sa kanilang tahanan, huminto siya at nagpatotoo sa mag-asawa, at inimbitahan siya ng mga ito sa kanilang tahanan. Ang pagkamausisa ni Benny sa simula ay napalitan ng tunay na interes sa mensahe ng Kaharian, at di-nagtagal ay dumadalo na siya sa mga pulong ng kongregasyon. Gayunman, bukod sa pagiging ganap na bingi, napakalabo rin ng kaniyang paningin. Kaya, hirap na hirap siyang maglakbay patungo sa mga pulong at unawain ang interprete ng wikang pasenyas. Subalit gumawa siya ng pagsisikap, at kasabay nito ay patuloy niyang iniayon ang kaniyang buhay at personalidad sa mga simulain ng Bibliya.

Kung isasaalang-alang ang mga kapansanan ni Benny, kapansin-pansin ang naging pagsulong nito. Nagkokomento siya sa mga pulong, masiglang nagpapahayag bilang estudyante sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo​—bagaman ipinapahayag niya ito sa pamamagitan ng isang interprete​—at naging di-bautisadong mamamahayag kamakailan. Ang kaniyang asawang si Sharon, na mahina rin ang pandinig at malabo ang paningin, ay mas huling nag-aral subalit gumagawa naman ng mainam na pagsulong. Hindi kataka-taka, ibinabahagi nina Benny at Sharon ang kanilang bagong-tuklas na pananampalataya sa marami nilang kakilala na may kapansanan sa pandinig.

Sa Hapon, itinuturing ng isang kapatid na babae na nagngangalang Fukue na kaniyang pantanging teritoryo ang mga taong nakakatagpo niya dahil sa kaniyang tatlong anak. Kabilang sa kaniyang teritoryo ang mga kalapit na kapitbahay at ang mga magulang na nakakatagpo niya sa kindergarten, sa paaralan, at sa mga pulong sa paaralan para sa mga magulang. Sa tuwing magpapakilala siya, lagi niyang binabanggit ang simple ngunit taos-sa-pusong pangungusap na ang Bibliya ay isang mainam na pantulong sa pagpapalaki niya sa kaniyang mga anak. Pagkatapos, mataktika siyang lilipat sa iba pang paksa. Palibhasa’y napasisimulan niya ang pag-uusap sa palakaibigang paraan, madali niyang naisisingit sa usapan ang tungkol sa Bibliya. Naging mabisa ba ang pamamaraan ni Fukue? Oo, anupat sa kasalukuyan, 12 katao na ang natulungan niyang magpabautismo, lima sa mga ito ang nagpapayunir ngayon. Pinagsisikapang mabuti ni Fukue na makapagpatotoo nang di-pormal yamang sa gayunding paraan niya natutuhan ang katotohanan.

Sa isang maliit na bayan sa Kazakhstan, isang babae ang may anak na nagkasakit at nang maglaon ay namatay. Pagkatapos, namatay rin ang ikalawang anak nito pagkasilang mismo. Dahil sa nagdurusa sa pisikal at emosyonal na paraan, naratay siya sa ospital. Isang gabi, samantalang nakahiga siya sa kama, narinig niya ang nars na bumubulung-bulong. Nang pakinggan niya itong mabuti, natanto niyang ipinapanalangin pala siya ng nars, na isang Saksi ni Jehova, anupat binabanggit pa nga ang kaniyang pangalan. Kinaumagahan, inaliw ng nars ang babaing ito sa pamamagitan ng pag-asa ng pagkabuhay-muli. Di-nagtagal pagkatapos nito, lumabas na ang babae sa ospital.

Isang araw makalipas ang limang taon, naulinigan ng babaing ito na may nakikipag-usap sa kaniyang mga kamag-anak tungkol sa mismong mga bagay na sinabi ng nars sa ospital. Dahil natitiyak na ang estranghero ay isang Saksi ni Jehova, ipinakilala niya ang kaniyang sarili, at isang pag-aaral sa Bibliya ang isinaayos. Palibhasa’y determinadong huwag nang masayang pa ang susunod na limang taon, masikap siyang nag-aral at gumawa ng mahusay na espirituwal na pagsulong. Di-nagtagal, inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova at nabautismuhan. Gunigunihin ang kaniyang kagalakan nang sa kauna-unahang pagdalo niya sa asamblea, nakatagpo niya ang mismong nars na umaliw sa kaniya mahigit na limang taon na ang nakararaan! Habang lumuluha, sinabi nito: “Malamang na hindi ko tinanggap ang katotohanan kung hindi dahil sa iyong tahimik na panalangin sa ospital na iyon. Naantig nito nang husto ang aking puso.”

Isang kapatid na babae na nagtatrabahong kasama ng 20 iba pang babae sa isang bangko sa Taiwan ang nagpasiyang gumamit ng isang bagong pamamaraan upang pukawin ang interes ng kaniyang mga kasamahang empleado sa Salita ng Diyos. Samantalang namamahinga sa tanghali, naghanda siya ng isang nasusulat na paanyaya “upang dumalo sa isang walang-bayad na talakayan sa Bibliya na gugugol nang mga 30-45 minuto bawat linggo sa oras ng tanghalian.” Ang talakayan, sabi niya, “ay tutulong sa inyo na magtamo ng saligang kaalaman sa Bibliya.” Nilagdaan niya ang paanyaya at naglagay ng isang kopya nito sa bawat mesa sa opisina. Nang hapon ding iyon, apat katao ang tumanggap sa kaniyang alok.

Sa Thailand, isang lalaki na nagngangalang Arun ang naging interesado sa mga Saksi ni Jehova dahil sa isang kaibigan sa trabaho. “Napansin ko na mula nang makisama sa mga Saksi ang aking katrabaho,” paliwanag ni Arun, “gumawa siya ng positibong mga pagbabago sa kaniyang buhay, at gayundin ang gusto kong gawin.” Nagsusugal at gumagamit ng droga si Arun. Bagaman sinikap na niyang itigil ang masasamang kinaugaliang ito, hindi siya nagtagumpay. May asawa siya at inakala niya noon na higit siyang magiging responsable kung magkakaroon siya ng anak. Subalit nang isilang ang kanilang anak na babae, walang anumang nagbago. “Nang dakong huli,” sabi ni Arun, “hindi na matiis ng aking asawa ang situwasyon, at iniwan niya ako, samantalang ang aming anak na babae ay inalagaan ng tiyahin namin.”

Sa nakapanlulumong yugto na iyon ng buhay ni Arun, inanyayahan siya ng kaniyang katrabaho sa Kingdom Hall. Dumalo si Arun, at bagaman kakaunti ang naunawaan niya sa pahayag ng mga tagapagsalita, nasiyahan siya sa masigla at palakaibigang kapaligiran doon. Mula noon, regular na siyang dumadalo sa mga pulong, tinanggap ang alok na pag-aaral sa Bibliya, at pinasimulang ikapit ang kaniyang mga natutuhan. Yamang sabik na maayos muli ang pagsasama nilang mag-asawa, tinanong niya ang kaniyang asawa hinggil sa bagay na iyon, subalit hindi ito makapaniwala na talaga ngang nagbago na siya. “Nagpatotoo ako sa kaniya at inanyayahan siyang makipagkilala sa aking bagong mga kaibigan,” sabi ni Arun, “subalit tumanggi siya, anupat sinasabing ako ay nalilinlang. Gayunman, patuloy ko siyang dinalaw at pinatibay-loob. Makalipas ang mga limang buwan, lumambot ang kaniyang puso at sumama siya sa akin sa pulong. Di-nagtagal pagkatapos noon, tinanggap din niya ang isang pag-aaral sa Bibliya.”

Si Arun, ang kaniyang asawa, at ang kanilang maliit na anak na babae ay magkakasama na ngayon bilang isang nagkakaisa at maligayang pamilya. Ang dalawang magulang na ito ay nabautismuhan noong 2001 sa isang pandistritong kombensiyon sa Bangkok. Karagdagan pa, ang nakababatang kapatid ni Arun, na nagkaroon din ng imoral na buhay, ay nagpakita ng gayunding mainam na pagtugon sa mabuting balita at isa na ngayong di-bautisadong mamamahayag.

EUROPA

Bilang ng mga lupain: 45

Populasyon: 727,550,200

Bilang ng mga mamamahayag: 1,456,309

Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 647,279

Dahil sa isang sakit na taglay niya mula sa pagsilang, ang 25-taóng-gulang na si Eva, na nakatira sa Tiranë, Albania, ay 113 sentimetro lamang ang taas. Gayunman, sa kabila ng mga hamon, nasisiyahan siya sa pag-o-auxiliary pioneer, bagaman nililibak siya ng ilang tao dahil sa napakapandak niya. Sa halip na magalit, pinakikitunguhan ni Eva nang may paggalang ang lahat at pinananatili ang kaniyang pagkamasayahin, na napapansin naman ng palaisip na mga indibiduwal. Kabilang dito ang isang babae na ang 26-na-taóng-gulang na anak na babae ay dumaranas ng panlulumo. Dinala ng babae ang kaniyang anak sa ospital at sa iba’t ibang relihiyosong organisasyon, anupat umaasang mapagagaling ito. Pagkatapos, isang araw ay napansin niya ang pagkamasayahin ni Eva at nagpasiya siyang dalawin ito. Nang buksan ni Eva ang kaniyang pintuan, ang babae ay nagtanong kung maaari siyang makipag-aral ng Bibliya sa anak na babae nito. Siyempre pa, sumang-ayon si Eva. Di-nagtagal, ang kalusugan ng anak na babae ay bumuti​—bumuti nang gayon na lamang anupat hiniling ng ina nito na sumama sa pag-aaral. Sa ngayon, regular na isinasama ni Eva ang mag-ina sa mga pulong, at kapuwa sila sumusulong sa espirituwal.

Isang kabataang nagngangalang Benjamin ang lumaki sa isang Kristiyanong tahanan sa Belgium. Gayunman, habang siya’y nagbibinata, nagsimulang magkaroon ng dobleng pamumuhay si Benjamin. Habang may-pagkukunwaring namumuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya, nakisama rin naman siya sa isang grupo ng mga kabataang malakas uminom, nagdodroga, at naninigarilyo. Nakikinig din si Benjamin sa nakasasamang musika. Di-nagtagal, nagsimula siyang dumanas ng panliligalig ng mga demonyo at pagkawala ng malay dahil sa labis na kalasingan​—gayunman, patuloy pa rin siyang gumamit ng matatapang na droga. Naging salaula ang kaniyang pamumuhay at nagkasakit siya nang malubha. Sa nakapanlulumong yugtong ito ng kaniyang buhay, natuklasan niya na hindi man lamang nagmalasakit sa kaniya ang tinatawag niyang mga kaibigan! Sa pagkakataong iyon lamang talaga seryosong pinag-isipan ni Benjamin ang tungkol sa kaniyang buhay at ang kaniyang kahahantungan. May-katalinuhan siyang nagpasiya na manumbalik sa mga magpapakita ng tunay na pagmamahal sa kaniya, samakatuwid nga, ang kaniyang pamilya at si Jehova.

Gayunman, sa simula pa lamang ay nalagay na sa pagsubok ang kapasiyahan ni Benjamin. Dumanas siya ng matitinding pagsalakay ng mga demonyo, at pinakiusapan siya ng kaniyang kasintahan na huwag makisama sa mga Saksi. Ginamit pa nga ng kaniyang nobya ang mga paring Katoliko at mga apostata upang sikaping hikayatin siya. Subalit sa pamamagitan ng maibigin at matiyagang tulong ng kaniyang mga magulang at ng matatanda sa kongregasyon, napasimulan ni Benjamin na maglinang ng buháy na pananampalataya kay Jehova, anupat kinikilala na ang kautusan ng Diyos ay talagang “sakdal, na nagpapanauli ng kaluluwa.” (Awit 19:7) Bilang resulta, sa wakas ay nagawa niyang talikuran ang kaniyang nakalipas na paraan ng pamumuhay. Bumuti ang kalusugan ni Benjamin, at nasumpungan niya ang tunay na kaligayahan.

Samantalang nakikibahagi sa pagpapatotoo sa lansangan, isang mag-asawa na kaugnay sa isang kongregasyon na nagsasalita ng Pranses sa Britanya ang lumapit sa dalawang babae na nagmula sa Zimbabwe. Ipinaliwanag ng mga Saksi na nag-aalok sila ng walang-bayad na mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya at itinanong sa mga babae kung nakapagsasalita sila ng Pranses. Sinabi nilang hindi, subalit nagpakita sila ng pagnanais na mag-aral ng Salita ng Diyos. Di-nagtagal, nagpasimulang dumalo ang dalawang babae sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Nang matapos ang pag-aaral sa aklat na dinaluhan nila sa unang pagkakataon, ipinakita sa kanila ng isang kapatid na lalaki ang karanasan ni Nathan Muchinguri ng Zimbabwe, na isinalaysay sa pahina 20 ng 2002 Taunang Aklat. Nang makita nila ang larawan nina Brother at Sister Muchinguri sa pahina 21, gulat na gulat sila. Larawan ito ng kanilang lolo at lola! Ipinaliwanag ng mga babae na nang sila’y nasa Zimbabwe pa, napakalayo ng tinitirhan nila mula sa iba pang miyembro ng kanilang pamilya at wala na silang nabalitaan pa tungkol sa kanila. Gaya ng inaasahan, kanilang tinanong kung maaari nilang hingin ang Taunang Aklat. Regular na ngayong nag-aaral ang dalawang babae, palibhasa’y napatibay ng tapat na halimbawa ng kanilang lolo at lola.

Samantalang naglilingkod sa isang nakabukod na teritoryo sa Czech Republic, nakatagpo ng dalawang kapatid na babae ang isang mapagpatuloy na babae na nag-anyaya sa kanila sa kaniyang tahanan. Gayunman, mayroon siyang tila di-mababagong mga opinyon sa ilang paksa sa Bibliya, gaya ng kung ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng “mga kaloob ng espiritu.” (1 Cor. 14:12) Karagdagan pa, tumanggi siyang magbasa mula sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, at sa halip ay pinipili niyang gamitin ang kaniyang bersiyong Ecumenical. Matapos ang isang oras ng tila walang-saysay na talakayan, kailangang umalis agad ang mga kapatid na babae upang maabutan ang pagdaan ng tren na kanilang sasakyan. Nakahinga sila nang maluwag nang matapos ang mahirap na pagdalaw na iyon. Gayunman, natuklasan ng isa sa mga kapatid na babae na naiwan niya ang kaniyang Bibliya at mga nota sa bahay ng babae, na nangangahulugang kailangan nilang bumalik doon. Anong inam na sorpresa nga ang naghihintay sa kanila! Sinabi ng babae na sinuri niya nang walang paalam ang Bibliya ng kapatid na babae at humanga sa kalidad ng salin, kaugnay na mga reperensiya, at konkordansiya nito. Pagkatapos, nagtanong siya kung maaari ba siyang magkaroon ng Bagong Sanlibutang Salin. Karagdagan pa, sumang-ayon siya na mag-aral ng Bibliya. Mula noon, sumama na rin sa pag-aaral ang kaniyang ina.

Isang kapatid na babae sa Reykjavík, Iceland, ang nagtatrabaho sa isang Marine Research Institute na pinagdarausan ng programa sa pagsasanay sa industriya ng pangingisda. Kamakailan, 14 katao mula sa iba’t ibang papaunlad na mga bansa ang dumalo sa anim-na-buwang kursong ito. Ang bawat isa sa mga sinasanay ay binigyan ng kapatid na babae ng kopya ng aklat na Is There a Creator Who Cares About You? Nakakuha siya ng mga kopya sa wikang Tsino, Ingles, Portuges, Kastila, at Vietnames. Tinanggap ng lahat ng 14 katao ang aklat. Mababanaag ang saya sa mga mukha ng isang lalaki at babaing taga-Vietnam nang makita nila ang isang publikasyon sa kanilang sariling wika. “Hindi ako makapaniwala!” ang sabi ng lalaki. “Gulát na gulát ako. Paano ka nagkaroon niyan?” Isang lalaking taga-Uganda ang pamilyar na sa aklat at inirekomenda ito sa iba pa. Isang ginang mula sa Cuba ang nagsabing gusto niyang magkaroon ng kopya nito sapagkat ang kaniyang 13-taóng-gulang na anak na babae ay nagsimula nang magbangon ng mahihirap na katanungan hinggil sa buhay.

Bago magsiuwi sa kani-kanilang bansa ang mga sinasanay, ipinaalam sa kanila ng kapatid na babae na naglagay siya sa mesa na nasa silid-aralan ng ilang literatura (10 aklat na Kaalaman, 30 magasin, at 10 brosyur) na maaari nilang kunin upang basahin sa eroplano sa kanilang pag-uwi. Siyempre pa, ang unang-unang ginawa niya noong Lunes ng umaga nang makaalis na sila ay ang puntahan ang mesang iyon. “Inaasahan ko na may matitirang ilang aklat na Kaalaman at mga magasin,” ang sabi niya, “subalit walang naiwan sa mesa!”

Isang kabataang lalaki sa Latvia, na tatawagin nating Arthur, ang hindi talaga interesado sa Diyos. Gayunman, hindi niya matanggap na ang mga tao ay nagmula sa unggoy. Noong 1996, si Arthur ay napasangkot sa isang malaking gulo at nabilanggo. Doon, sinimulan niyang seryosong pag-isipan ang tungkol sa buhay. Nang dalawin siya ng kaniyang mga magulang, hinimok nila ang kanilang anak na basahin ang Bibliya, palibhasa’y iniisip na makatutulong ito sa kaniya. Pagkatapos, isang araw noong 1998, samantalang sumusulat ng liham si Arthur, isang kasama niya sa selda ang nag-abot sa kaniya ng isang aklat upang mapagpatungan. Nagkataon namang ang aklat na iyon ay ang Maaari Kang Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Palibhasa’y mausisa, binuklat ito ni Arthur, nabuhos ang kaniyang pansin dito, at natapos niyang basahin ito sa loob ng tatlong araw. Isa pang bilanggo ang may kopya ng aklat na Kaalaman sa kaniyang selda. Nang mapansin nito ang interes ni Arthur sa Bibliya, ibinigay niya ang aklat sa kaniya. Ibinigay rin nito ang adres ng isang Saksi na kaniyang kakilala.

Sinulatan ni Arthur ang Saksi at mula noon ay nagsimula siyang mag-aral ng Bibliya sa pamamagitan ng pakikipagsulatan. Nang makalaya sa bilangguan noong Abril 2000, agad-agad siyang nagsimulang dumalo sa mga pulong ng kongregasyon. Subalit kumusta naman ang kaniyang mga magulang, na humimok sa kaniya noong una na magbasa ng Bibliya? Siyempre pa, ibinahagi sa kanila ni Arthur ang impormasyon tungkol sa kaniyang bagong-tuklas na pananampalataya. Ang resulta? Nagsimula rin silang mag-aral ng Salita ng Diyos. Gunigunihin ang kanilang kagalakan nang silang tatlo ay sabay-sabay na mabautismuhan sa pantanging araw ng asamblea noong Marso 2002!

Samantalang nasa kabataan pa, isang siruhano sa ortopedya sa Espanya ang nag-aral sa isang relihiyosong seminaryo upang maging pari. Palibhasa’y naguluhan, makalipas ang tatlong taon ay umalis siya sa seminaryo na isa nang ateista. Bagaman may negatibo siyang opinyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova, gusto niyang malaman kung paano nagkaroon ng lubos na kaunawaan sa Kasulatan ang gayong “walang-pinag-aralan” na mga tao, samantalang siya, na gumugol ng mga taon sa seminaryo, ay kaunti lamang ang nalalaman. Sumidhi pa lalo ang kaniyang interes sa mga Saksi nang minsan ay pakitunguhan siya nang may pagtatangi ng mga kawani ng ospital. Ipinaalaala nito sa kaniya ang pagtatangi na nararanasan kung minsan ng mga Saksi. Pagkatapos ng karanasang iyon, tinanggap ng siruhano ang isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Di-nagtagal, gayon na lamang ang kaniyang paghanga sa mga natututuhan niya anupat halos tatlong beses siyang nag-aaral sa loob ng isang linggo! Nagsimula rin siyang dumalo sa lahat ng mga pulong at nagpatala sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Kamakailan lamang, siya ay nabautismuhan.

APRIKA

Bilang ng mga lupain: 56

Populasyon: 739,543,571

Bilang ng mga mamamahayag: 915,262

Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 1,550,572

Sa Benin, nagdudulot ng ibayong kasiglahan sa mga kapatid ang pagtatayo ng Kingdom Hall, anupat nagbibigay ito ng mainam na patotoo. Sa panahon ng pag-aalay ng isang Kingdom Hall, isang kilaláng mamamayan ng lokal na komunidad ang nagsabi ng ganito sa isa sa mga Saksi ni Jehova: “Ang inyong simbahan ang pinakamagandang dako ng pagsamba rito, at laging ito ang magiging pinakamaganda. Bakit ko nasabi iyan, bagaman ako’y isang debotong Katoliko? Kamakailan lamang, ang Katolikong pamayanan namin ay pinagkalooban ng 17,000,000 CFA [$23,000, U.S.] upang tapusin ang pagtatayo ng aming simbahan, na pinasimulang gawin noong dekada ng 1950. Subalit nilustay ng klero ang salapi. Isang Katolikong pamayanan sa ibang bahagi ng lunsod na ito ang nakapag-ipon ng 3,000,000 CFA [$4,000, U.S.] upang gamitin sa pagtatayo ng simbahan sa kanilang lugar, ngunit ‘naglaho’ rin ang salaping iyon. Kaya masasabi ko na ang gusaling ito ang pinakamagandang gusali sa lunsod, at mananatili itong gayon.”

Sa ilang lupain, ang pagkahilig sa mga anting-anting ang humahadlang sa mga baguhan na manindigan sa katotohanan ng Bibliya. Isaalang-alang ang halimbawa ng isang pamilya sa Côte d’Ivoire na araw-araw na nagsasagawa ng ritwal sa harap ng kanilang anting-anting. Nang isa sa mga anak na babae ang manindigan sa katotohanan ng Bibliya at tumangging makibahagi sa huwad na pagsamba, nangamba ang pamilya na baka sumapit sa kaniya ang isang sumpa. Gayunpaman, nanatiling matatag ang kabataang babae, na naging dahilan upang siya’y salansangin at palayasin sa tahanan. Ngunit hindi siya nagkimkim ng sama ng loob sa kaniyang pamilya kundi patuloy niya silang dinalaw.

Bilang resulta, nagkainteres ang kaniyang lola sa Bibliya, anupat hiniling pa nga sa apo na umuwi na ito, na siya naman niyang ginawa. Patuloy na sumulong sa espirituwal ang kaniyang lola at nabautismuhan sa edad na 62. Yamang humanga sa mga natutuhan ng lola nito, nagsimula ring mag-aral ng Salita ng Diyos ang ina ng kabataang babae, at nagpapatotoo na rin siya sa iba ngayon. Oo, tatlong henerasyon ang napalaya sa huwad na pagsamba, at ang lahat ng ito’y dahil sa isang kabataang babae na nanatiling tapat kay Jehova at hindi tumigil sa pagpapakita ng pagmamahal sa kaniyang pamilya.

Sa Mozambique, regular na dumadalaw ang mga kapatid sa mga bilangguan upang magdaos ng panggrupong pag-aaral sa Bibliya sa mga bilanggo. Noong 2001, nagsitakas ang mga bilanggo sa isa sa mga bilangguang iyon. Gayunman, hindi tumakas ang mga bilanggo na dumadalo sa panggrupong pag-aaral. Napansin ito ng mga awtoridad at pinapurihan ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang gawain. Sa ngayon, pinasisigla ng mga awtoridad ang mga bilanggo na makipag-aral sa mga kapatid. Dahil sa kapansin-pansing pagbuti ng kanilang paggawi, nabawasan na ang sentensiya ng dalawang bilanggo roon. Isa sa kanila ay umaasang mabautismuhan sa susunod na pandistritong kombensiyon.

Ang 27-taóng-gulang na si Judith na nakatira sa Namibia ay naaksidente sa sasakyan na naging dahilan ng pagkaparalisa ng buong katawan niya. Ninais niyang magpatiwakal, anupat nag-iisip: ‘Bakit ito nangyari sa akin?’ Dumalaw sa kaniya ang mga taong mula sa iba’t ibang relihiyon at nanalangin na muli siyang makalakad. Nang hindi sinagot ang kanilang mga panalangin, sinabi nila kay Judith na malamang na pinarurusahan siya ng Diyos sa ilang kadahilanan. Dahil dito, lalong naisip ni Judith na magpatiwakal. Subalit nais muna niyang malaman kung bakit siya pinarurusahan ng Diyos. Kaya isang araw, nakiusap siya sa kaniyang ina na anyayahan nito sa kanilang tahanan ang pastor ng simbahan sa kanilang lugar. Habang hinihintay ni Judith ang pagdating ng pastor, dumalaw ang mga Saksi ni Jehova. Palibhasa’y umaasang masasagot ng Bibliya ang mga tanong na bumabagabag sa kaniya, tinanggap ni Judith ang kanilang alok na pantahanang pag-aaral sa Bibliya na ginagamit ang aklat na Kaalaman. Nang pinag-aaralan nila ang kabanata 8, “Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?,” nalaman niyang hindi ang Diyos ang may kagagawan ng kaniyang pagkaaksidente. “Maguguniguni mo ang kaginhawahan at kagalakang nadama ko nang aking malaman na hindi nagmumula kay Jehova ang masasamang bagay!” ang bulalas niya. Nagpatuloy sa pag-aaral si Judith, nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova, at ngayo’y inaasam-asam ang bagong sistema, kung kailan muli siyang magiging malusog.

Samantalang nagaganap ang paglipol ng lahi sa Rwanda noong 1994, isang kabataang babae na nagngangalang Chantal ang lumikas sa karatig na bansa, ang Burundi. Nasumpungan niya roon ang isang kopya ng aklat na Maaari Kang Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa at nabasa niya ito nang buo. Pagbalik sa Rwanda, hindi niya matagpuan ang mga Saksi dahil nakatira ang kanilang pamilya sa isang liblib na lugar. Gayunman, natagpuan ng kaniyang ina ang dalawang mamamahayag ng Kaharian na nagpapatotoo sa palengke. Upang kanilang makatagpo si Chantal, isinulat nila sa isang piraso ng papel ang plano nilang mga araw ng pagpunta sa palengke at ibinigay ito sa ina ni Chantal. Sa isang partikular na araw na nakasulat doon, umupo si Chantal sa pasukan ng palengke na hawak ang piraso ng papel upang makita ng lahat ng nagdaraan. Anong tuwa niya nang makita siya ng mga kapatid at magpakilala sa kaniya! Palibhasa’y napansin ang kaniyang taimtim na interes, inanyayahan nila ito sa nalalapit na Memoryal, na dinaluhan naman ni Chantal​—bagaman kinailangan niyang maglakad nang dalawang araw upang marating ang pulungang dako!

Mula noon, regular nang dumadalo si Chantal sa mga pulong, kahit na naglalakad siya nang malayo. Nakalulungkot naman, sinalansang siya ng kaniyang pamilya. Minsan pa nga ay hinabol siya ng tagâ ng isa sa kaniyang mga kapatid na lalaki para palayasin siya sa bahay! Subalit nanatiling matatag si Chantal. Makalipas ang isang taon, naging mas malapit na sa kanilang tahanan ang pinagdarausan ng mga pulong, bagaman kailangan pa rin niyang maglakad nang mga walong oras patungo roon. Gayunpaman, mapagdarausan na ngayon ng pag-aaral sa Bibliya si Chantal sa unang pagkakataon. Di-nagtagal, inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova, at ngayon ay naglilingkod siya bilang regular pioneer. Kumusta naman ang kaniyang pamilya? Buweno, lubos na nagbago ang kanilang saloobin. Ang kapatid niyang lalaki na nagpalayas sa kaniya sa bahay ay isa na ngayong regular pioneer, nabautismuhan naman kamakailan ang isa pa niyang kapatid, at ang kaniyang ina ay isa nang di-bautisadong mamamahayag. Karagdagan pa, isang nakabukod na grupo ang itinatag sa kanilang lugar, kaya limang minuto na lamang ang nilalakad ng pamilya patungo sa mga pulong.

Si Thembisile ay isang masigasig na kapatid na babae na nakatira malapit sa isa sa mga maharlikang kraal, o mga bakuran, sa Swaziland. Nais niyang magpatotoo sa mga naninirahan sa kraal, subalit isang malaking hamon ang mahigpit na seguridad doon. Matapos ipanalangin ang bagay na iyon, nag-ipon siya ng tibay ng loob at nagtungo sa kraal. Nagpatotoo siya sa mga guwardiya, at tinanggap ng isa sa mga ito ang brosyur na Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos! Matapos siyang pagtatanungin at siyasatin, pinapasok siya ng mga ito​—na labis niyang ikinatuwa. Lalo pa ngang nasorpresa si Thembisile sa pagkapalakaibigan ng mga naninirahan doon. Regular na siyang gumagawa sa teritoryong iyon at nakapagpasimula na ng tatlong pag-aaral sa Bibliya. Bukod diyan, magiliw na siyang tinatanggap ng mga pulis ngayon. Sa katunayan, isang araw, isang guwardiya ang nagsabi sa kaniya ng ganito: “Huwag kayong mag-atubili, Ma’am; basta pumasok lang kayo. Napakahusay na bagay ang ginagawa ninyo rito.”

MGA LUPAIN SA AMERIKA

Bilang ng mga lupain: 56

Populasyon: 807,517,534

Bilang ng mga mamamahayag: 3,023,062

Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 2,676,288

Sa isang maliit na bayan sa Argentina, napansin ng dalawang special pioneer ang isang mag-asawa na nagtutulak ng kariton sakay ang isang nasaktang aso. Nag-alok ang mga payunir na isakay sila at ang aso upang ihatid sila sa beterinaryo. Ipinagpasalamat iyon nang husto ng mag-asawa, lalo na yamang wala ni isa man sa kanilang mga kapitbahay ang nag-alok ng tulong. Nalaman ng mga payunir na ang lalaki ay isang Katolikong katekista at sumasama sa kaniyang asawa sa lahat ng mga prusisyong ginaganap sa lugar na iyon bilang parangal sa mga santo. Subalit kahit na sila’y deboto sa Simbahang Katoliko, hindi naman ito humadlang para tanggapin nila ang mga magasing Bantayan at Gumising! Matapos ang halos dalawang taóng pagdalaw sa mag-asawang ito, inanyayahan sila ng mga payunir sa Memoryal. Bagaman umulan nang napakalakas nang gabing iyon, dumating ang mag-asawa at humanga sa magiliw na pagtanggap sa kanila. Karagdagan pa, sinabi nila na sa unang pagkakataon, naunawaan nila ang kahulugan ng Hapunan ng Panginoon. Nasisiyahan sila ngayon sa regular na pag-aaral ng Bibliya at dumadalo sa lahat ng mga pulong, anupat hindi nila ikinababahala ang anumang maaaring sabihin ng kanilang mga kapitbahay na Katoliko.

Samantalang nagpapatotoo sa Barbados, isang kapatid na babaing payunir at isa pang Saksi ang naglalakad sa lansangan nang madaanan nila ang isang babae na nakatayo sa pasukan ng kaniyang bahay. Nagsimula silang magpatotoo rito subalit laking gulat nila nang sabihin ng babae, sa paraan na para bang alam nitong may darating: “Pakisuyong pumasok kayo. Kukunin ko lang ang aking Bibliya.” Pumasok ang mga kapatid na babae, umupong kasama ng may-bahay, at ipinakita ang kaayusan sa pag-aaral, na ginagamit ang aralin 1 ng brosyur na Hinihiling. Pagkatapos nito, itinanong ng babae sa kapatid na babaing payunir kung siya ang tumawag sa telepono at nag-alok sa kaniya ng walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya na idaraos nang umagang iyon mismo. “Sinabi ko sa kaniya na hindi ako iyon,” ang paliwanag ng payunir. “Kaya kung sinuman ang tumawag na iyon ay lumilitaw na hindi nakarating. Pero mabuti na lang at dumating kami nang eksaktong alas 11:30 n.u., ang oras na nakatakdang idaos ang pag-aaral.” Napakahusay ng pagsulong ng babaing ito at dumadalo na sa mga pulong.

Ang walang-bubong na mga pamilihan ay maaaring maging isang mabungang teritoryo para sa pagpapatotoo. Ganito ang paglalahad ng isang misyonero sa Bolivia: “Nakapag-iwan ang aking asawa ng tract sa isang babae na nagbebenta ng mga panindang nasa kariton sa pamilihan ng mga magsasaka. Napakapalakaibigan niya, kaya bumalik ako upang alukan siya ng pag-aaral sa Bibliya, na ginagamit ang brosyur na Hinihiling. ‘Dito ba tayo mag-aaral?’ tanong niya. ‘Walang problema,’ sabi ko. ‘Sanay na ako rito.’ Kaya ngayon tuwing dumarating ako, iniaabot niya sa akin ang kaniyang bangkito, at nag-aaral kami sa tabi mismo ng kaniyang kariton. Kapag may bumibili, inaasikaso niya sila, at pagkatapos ay nagpapatuloy kami sa pag-aaral.”

Isang babae sa Canada ang nagkaroon ng kopya ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan mula sa isang kaibigan. Lubos siyang nasiyahan sa pagbabasa nito at nagnais na higit pang matuto. Kaya naman binuksan niya ang opisyal na site ng mga Saksi ni Jehova sa Internet (www.watchtower.org) at pagkatapos ay sumulat ng isang liham na humihiling ng pag-aaral sa Bibliya at ng kopya ng aklat na Kaalaman. Nang dalawin siya ng dalawang kapatid na babae at ibigay sa kaniya ang aklat, niyapos niya ito at sinabing tatapusin niyang basahin ang buong aklat hanggang sa kinaumagahan! Kinagabihan nang sumunod na araw, dumalo siya sa pulong sa kauna-unahang pagkakataon at agad na naging palagay ang loob niya sa mga kapatid na lalaki at babae. Naging mabilis ang pagsulong niya sa espirituwal at isa na ngayong di-bautisadong mamamahayag na nagnanais nang magpabautismo sa malapit na hinaharap.

Sa Colombia, isang babae na nagngangalang Sol ang dumanas ng isang kapansanan na naging dahilan ng kaniyang pagkakaratay. Hindi niya gustong makita ang sinuman maliban sa mga miyembro ng kaniyang pamilya. Isang araw, binigyan ng isang kapitbahay na Saksi ni Jehova ang ina ni Sol ng ilang kopya ng Ang Bantayan at Gumising! upang ibigay kay Sol. Nang maglaon, pumayag si Sol na makipagkita sa kapitbahay na ito, na nag-alok naman sa kaniya ng pag-aaral sa Bibliya. Pumayag si Sol, at makalipas ang mga isang taon, dumalo siya sa Memoryal. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na lumabas siya ng bahay sa nakalipas na pitong taon. Makalipas ang dalawang araw, dumalo siya ng asamblea sa kauna-unahang pagkakataon. Bagaman hindi man lamang siya makaupo, nakikibahagi na ngayon si Sol sa ministeryo sa larangan. Paano? Inihahatid siya ng mga kapatid sa bawat bahay sa pamamagitan ng isang pantanging higaang de-gulong na ginawa nila para sa kaniya. Dahil sa halimbawa at pampatibay-loob ni Sol, bautisado na ngayon ang kaniyang ina at regular pioneer naman ang dalawa sa kaniyang mga kapatid.

Isang mag-asawang special pioneer sa Costa Rica na bago pa lamang naatasan ang dumalaw sa isang ginang sa kanilang teritoryo. Pagdating nila, kanilang sinabi sa ginang na ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon ay nakatanggap ng tawag mula sa kaniyang manugang na babae, isang Saksi na nakatira sa Estados Unidos, na humihiling na dalawin ang kaniyang biyenang babae. “Laking gulat namin,” ang paglalahad ng mag-asawang payunir, “biglang umiyak ang 65-taóng-gulang na ginang na ito. Sinabi niyang hindi siya makapaniwalang kami’y naroroon na, yamang kamakailan pa lamang niya nakausap ang kaniyang manugang na babae, na humihimok sa kaniya na makinig sa sasabihin ng mga Saksi. Hindi niya akalaing darating kami agad.”

Ayon sa mga payunir, ngayon pa lamang pumayag ang ginang na ito na makipag-usap sa mga Saksi. Isa siyang debotong Katoliko, at sa nakalipas na 12 taon ay dibdiban niyang pinag-aralan ang mga paniniwalang Katoliko upang ituro ito sa iba. Nalugod ang mga payunir na sagutin ang marami niyang mga tanong tungkol sa Bibliya at sa mga Saksi ni Jehova, at pagkatapos nito ay sumang-ayon siyang mag-aral ng Bibliya. Nais din ng kaniyang asawa at anak na babae na higit pang matuto tungkol sa Salita ng Diyos.

Isang miyembro ng pamilyang Bethel sa Puerto Rico ang nagsabi ng ganito: “Sinadya kong dalhan ng Hulyo 8, 2002, na Gumising! na may pamagat na ‘Mga Pulis​—Bakit Kailangan Natin Sila?’ ang kapitan na nasa punong-himpilan ng pulisya. Hangang-hanga siya sa mga artikulo at iminungkahi niyang magdala ako ng mga kopya nito sa alkalde at sa iba pang himpilan ng pulisya sa lugar na iyon. Sa katunayan, isinaayos pa nga ng isa sa iba pang opisyal na ihatid ako sa lahat ng iba pang mga himpilan na gamit ang sasakyan ng pulisya. Isa pa, pinahintulutan din ako ng opisyal na iyon na magdala ng susunod pang mga artikulo sa mga pulis na kaniyang pinamumunuan. ‘Magbibigay ito sa pulisya ng kinakailangan nito​—sikolohikal at espirituwal na tulong,’ ang sabi niya.” Sa loob ng isang buwan, nakadalaw ang Bethelite na ito sa walong himpilan ng pulisya, at maraming opisyal ang humiling ng karagdagan pang mga magasin. Sa kabuuan, nakapagpasakamay siya ng 164 na magasin at lima katao ang naparagdag sa kaniyang ruta ng magasin.

Sa mga isla ng Trinidad and Tobago, isang babae na naging prominenteng miyembro ng Simbahang Nazareno sa loob ng 25 taon ang dumalo sa pahayag ng isang tagapangasiwa ng sirkito bilang pagtugon sa paanyaya ng isang katrabaho. Nang matapos ang pulong, nilapitan siya ng tagapangasiwa ng sirkito at isinali siya sa isang palakaibigang pag-uusap. Ikinagulat niya ito yamang sa kanilang simbahan, nakikisalamuha ang bawat isa sa kanilang mga kalahi lamang at sa mga tao na katulad ng kanilang katayuan sa lipunan. Sa katunayan, dahil sa hindi niya kalahi ang kaniyang asawa, hindi siya pinakitunguhan nang mabuti ng mga kasamahan niya sa simbahan. Kaya ang karanasan niya sa Kingdom Hall at ang personal na pampatibay-loob na natanggap niya sa tagapangasiwa ng sirkito ang nag-udyok sa kaniya na tanggapin ang isang pag-aaral sa Bibliya. Sa loob ng anim na buwan, naging isa siyang di-bautisadong mamamahayag, anupat nag-uukol ng 70 hanggang 100 oras sa ministeryo bawat buwan. Nabautismuhan siya sa “Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon ng taóng 2002 at nagnanais na maging isang regular pioneer. Tinutulungan din niya ang kaniyang pitong-taóng-gulang na anak na babae, na gumaganap na ng mga bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.

Sa Uruguay, isang ahenteng nagtitinda ng mga kuwintas na may mga krusipiho sa bahay-bahay ang pumunta sa tahanan ng isang Saksi. Sinamantala ng kapatid na babae ang pagkakataon upang ipaliwanag mula sa Bibliya ang dahilan kung bakit hindi niya maaaring bilhin ang mga paninda nito. Hindi lamang iginalang ng ahente ang kaniyang mga paliwanag kundi inihayag din nito ang kaniyang interes sa espirituwal na mga bagay. Sa katunayan, sinabi ng lalaki na nakisama na siya sa maraming iba’t ibang relihiyon upang masumpungan ang mga sagot sa kaniyang mga katanungan, subalit walang nangyari. Nang bandang huli, sinabi niyang mas interesado lamang ang mga simbahan sa salapi kaysa sa pagtulong sa mga tao sa espirituwal na paraan. Bago umalis, inanyayahan siya ng kapatid na babae sa Kingdom Hall.

Iyon ang huling pagkikita nila hanggang sa lumipas ang halos isang taon nang muli itong kumatok sa kaniyang pintuan. Laking gulat niya nang sabihin nito: “Nagpunta ako ngayon dito hindi upang magtinda ng anuman, kundi upang ipaalam sa iyo na nasa kabanata 15 na ako sa aklat na Kaalaman.” Ipinaliwanag ng lalaki na ang kaniyang buong pamilya ay nag-aaral at dumadalo na sa mga pulong. Nang papaalis na, sinabi nito: “Magkita-kita tayo sa asamblea sa susunod na dulo ng sanlinggo.”

[Larawan sa pahina 43]

New Zealand

[Larawan sa pahina 43]

Tahiti

[Larawan sa pahina 43]

Papua New Guinea

[Larawan sa pahina 47]

Thailand

[Larawan sa pahina 47]

India

[Larawan sa pahina 47]

Hapon

[Larawan sa pahina 51]

Britanya

[Larawan sa pahina 51]

Albania

[Larawan sa pahina 51]

Espanya

[Larawan sa pahina 56]

Namibia

[Larawan sa pahina 56]

Benin

[Larawan sa pahina 56]

Congo (Kinshasa)

[Larawan sa pahina 60]

Canada

[Larawan sa pahina 60]

Tobago

[Larawan sa pahina 60]

Bolivia